Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
ni Nonon Villaluz Carandang
Buona giornata a tutti!
Ito ang kuwento kung papaano nabuo ang proyektong Manunggul ng De La Salle University at ng Filipino Community sa Venezia, Italya.
Mapalad akong nakabisita sa Venezia noong taong 2013, kasama ang aking koro, pero ang pinakabiyaya nito ay nang makilala ko ang napakaraming Filipino at ang paring pinakamalapit sa akin, si Padre Luigi Ramazzotti. Siya ang palaging kasa-kasama ko ng aming koro sa mga pag-awit sa piazza, ristoranti, at mga chiesa e ponte. Naging malapit kami sa isa’t isa. Marami kaming napagkuwentuhan noon, gaya ng kalagayan ng mga Filipinong migrante, ang kanilang mga anak, at ang kanyang mga prinsipyo bilang alagad ng Diyos. Nakilala rin niya ako, wala na akong naitago sa kanya.
Sa aking makailang paglalakbay at pakikipamuhay sa mga Filipino sa Europa kasama ang aking mga koro mula pa noong dekada 90, napansin kong ang mga kabataan, lalo na ang mga doon na nailuwal ay sadyang nalalayo na sa kulturang Filipino. Marami pa nga ang hindi na nakaiintindi ng wikang Filipino. Naisip ko, paano na lamang sila kung babalik na sa Pilipinas at kailangan na nilang makihalubilo sa kanilang mga kamang-anak at/o kaibigan? Paano nila patutunayan at ipagmamalaki ang kanilang pagiging Filipino? At ituturing pa ba nila ang mga sarili bilang Filipino?
Natakot ako sa ideya ng paglayo nila sa bansa, heograpikal, at kultural man. Naisip ko, bakit hindi marapatin ng kanilang magulang na turuan sila ng wikang Filipino? Dalawang dahilan ang naobserbahan. Una, walang panahon ang magulang sapagkat abala ito sa trabaho. Ikalawa, ang wika at kultura ng bansa ang naituturo sa mga kabataang Pinoy at ang nakapaligid sa kanya.
Bilang tagasunod sa adhikain ni San Juan Bautista de la Salle, ang patron ng mga guro, naisip ko na maaaring maging adbokasya ang pagtuturo ng wika at kultura sa mga kabataang nasa ibayong dagat, at magsimula ng isang programang kanilang ipagpapatuloy. Doon ko, ipinanukala ang proyektong ito sa aking kasamang guro at ikalawang tagapangulo ng departamento ng Filipino, si Dr. Rowell Madula. Siya ang naging koordineytor ng proyekto, bagaman ang Manunggul Jar Project ay naibansag ni Prof. Allen Surla, ang Koordineytor ng Internationalization ng Kolehiyo ng Malalayang Sining sa DLSU. At saka ko ito ipinanukala sa mga kaibigan sa Venezia, na kanila namang tinanggap at sinang-ayunan ang tatlong taong proyekto. At doon na nagsimula ang pakikiugnayan namin kina G. Erwin Nuguid, G. Darwin Gutierrez, at Msgr. Luigi Ramazzotti. Halos isang taon naming pinaghandaan ang proyektong ito. Kasabay nito ay paghahanda at paglagda ng mga kinatawan ng departamento at Venezia sa tatlong taong kasunduan o Memorandum of Agreement.
Ang itinakdang mga guro para magturo ng wika at kulturang Filipino sa mga nakababata at sa mga kasapi ng Venice Youth Civic Organization (V.Y.C.O) ay sina Dr. Rowie Madula at Dr. Ernesto V. Carandang II, kapwa mga guro sa De La Salle University ng Manila. Bagama’t hindi namin ito inaasahan, kundi lamang nagkaroon ng ilang suliranin sa mga dokumentong ipinasa sa embahada ng dalawang guro na dapat sana ang siyang magtuturo sa mga kabataan sa unang taon ng MJP. Wala kaming nagawa kundi suungin at itawid ang proyektong ito.
LAYUNIN
1. Maipakilala ang kulturang Filipino sa mga kabataan sa Italya
2. Mabigyan sila ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino
3. Magkaroon ng pagkakaisa, mapanatili ang identidad at ipagmalaki ang pagiging Filipino
4. Magkaroon ng interes upang makabalik sa Pilipinas at kilalanin pa ang kulturang Filipino
5. Mabigyan sila ng mga pagpapahalagang Lasalyano bilang bahagi ng isang Filpinong mag-anak at komunidad
ANG MGA KABATAAN
Ang Manunggul Jar Project ay unang naganap sa Oratorio ng simbahan ng Fava, Venice, Italya.
Para sa mga batang may gulang na 6 hanggang 10, isinagawa ang proyekto apat na araw sa isang linggo, Lunes-Huwebes, 9:30 am-2:30pm. Samantalang para sa mga kabataang may gulang na 11 hanggang 19, dalawang araw sa isang linggo, Lunes at Miyerkoles, 2:30-4:30 ng hapon ang nakatakdang pagkikita. Naging limitado ang pagkikita ng mga teenagers sa dahilang ang ilan sa kanila ay mayroon ding mga pinagkakaabalahang gawaing pangkomunidad at mga trabaho.
Nagtapos ang animnapu't walong kabataan sa ilalim ng proyektong Manunggul ng De La Salle University at Filipino Community ng Venezia. Ang proyektong ito ay nagsimula noong ika-15 ng Hunyo at natapos noong ika-8 ng Hulyo. Ang graduation ay ginanap noong ika-12 ng Hulyo, matapos ang misa sa simbahan ng Fava.
PROMOSYON
Kaakibat ng proyektong ito ay ang pamamahagi ng impormasyon ilang linggo bago ang implementasyon. Kinailangan naming maghanda ng mga poster para mahikayat ang mga kabataan at mga magulang upang makibahagi sa proyektong ito. Sinuportahan ng Chiesa della Fava ang pagpapalaganap ng impormasyon sa pamamagitan ng pagbanggit nito sa mga misa ilang linggo bago ito mag-umpisa. Naging abala rin ang mga kasapi at pamunuan ng samahan ng mga Filipino-Italyanong komunidad upang mai-promote ito sa teritoryong sakop ng Venice at Mestre-Terraferma.
Isang mainam na pagkakataon din ang makasama ang isang reporter ng CNN-Philippines na si G. Gerg Cahiles, na siyang nag-ulat ukol sa pagtuturo at mga kaugnay na aktibidad namin sa nakalipas na tatlong taon ng implementasyon ng MJP. Nasaksihan niya kung paano namin itinawid ang isang maringal na responsibilidad sa gitna ng limitadong oras. At nakita rin niya kung papaano ang mga magulang ay nagpasalamat at tumanaw ng utang na loob sa isang biyayang ipinagkaloob ng DLSU sa pamamagitan ng simbahan at samahan ng mga Filipino.
Noong Araw ng Pagtatapos noong 2016, mapalad din na may mga lokal na pahayagan ang nagsulat ukol sa MJP. At taong 2018, nagkaroon din ng nalathalang artikulo ukol sa MJP sa parokya ng San Giuseppe.
At dahil din sa promosyong ito kaya’t kapansin-pansin ang pagdami ng mga kabataang lumalahok sa tatlong taong implementasyon ng MJP. At dahil din sa promosyon ng MJP, nagiging daan ito upang magbuklod at magkaroon ng ugnayan ang mga kabataan ng Venezia.
PAGPAPLANO AT IMPLEMENTASYON PARA SA IKALAWANG TAON
Isang napapanahong proyekto rin ito na naganap sa gitna ng mainit na usapin ng pagkakatanggal ng wikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo sa Pilipinas. Bagaman, hindi kami pinanghinaan ng loob, bagkus ay lalo pang naging masigasig sa proyekto. Naging matagumpay ang proyektong nagkaroon ng halos pitumpung kabataan Pinoy bilang mag-aaral ng wika at kultura. Ginamit namin ang potensyal na kakayanan ng departamento at ang pagsusulong ng misyon ng De La Salle University sa mga komunidad hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa ibayong dagat.
Matapos ang matagumpay na unang taon ng proyektong ito, pinaghandaan pa ngang muli ng Departamento ng Filpino ang ikalawang taon ng implementasyon. Naganap ito mula sa ika-10 ng Agosto hanggang sa ika-4 ng Setyembre sa Venice, Mestre-Terraferma at karatig na isla ng Cavallino. Naririyan ang mga gawaing kaakibat ng paghahanda ng modules para sa apat na linggong pagkikita, na isinasang-alang-ala na maiwasan ang pag-uulit at maipagpatuloy ang mga naiturong paksa o aralin na nauukol sa wika at kulturang Filipino. Kailangan rin pong bilhin at ihanda ang mga kagamitang panturo na nararapat ding isang-alang-ala dahil walang nabibili at kung mayroon man ay may kataasan ang halaga. Gayon din naman, dapat ding ikonsidera ang bigat nito lalo't may limitasyon sa nakalaang timbang ang mga bagahe.
Sa taong 2016, ang napili at sinanay ng departamento sa pagtuturo sa mga kabataan ay sina Bb. Lilibeth Oblena at G.. Efren Domingo na kapwa mga partaym fakulti ng Departamento ng Filipino. Kasama sa paghahanda ay ang oryentasyon ng mga magtuturo ukol sa sistema ng pagtuturo sa dalawang pangkat ng mga kabataan at ang kultura ng mga Italyano at Filipino.
Sa ikalawang taon ng Manunggul Jar Project (2016), ipinagpatuloy ng dalawang guro ang modyul para sa pagkatuto ng mga bata at kabataan sa Venezia Italia. Hinati ang mga klase sa mga bata (edad 4-12) at kabataan (edad 13-20). Ang klase ng mga bata ay sa umaga at ang klase ng mga kabataan ay sa hapon. Ito ay ginanap sa isla ng Sant’ Elena. Katulad ng naunang taon, higit na marami ang mga estudyante na lumahok sa taong ito. Pagkatapos ng klase, halos lahat ay nagtatanong kung kailan muli ang susunod na MJP. Sa simbahan ng Santa Elena idinaos ang pagtatapos ng mga mag-aaral kung saan kinakailangan ng marami ang sumakay ng vaporetto patungo sa isla araw-araw sa loob ng mahigit na isang buwan.
Sa ikalawang taon ng MJP, kapansin-pansin na mas marami ang lumahok na kabataang nahihirapan sa wikang Filipino. Totoo ito lalo’t marami ang nakasasalamuha ng mga Italyano at nakapag-aaral sa mga paaralan sa Italya na ang pangunahing wika ay Italyano. Tanging sa kanilang mga pamamahay na lamang nagagamit ang wikang Ilokano o di kaya ang bahagyang Tagalog o Filipino. Naging pokus ng pagtuturo ang mga pagpapahalagang Filipino (values) at ang mga tradisyong Filipino. At gaya noong naunang taon, muling nagkita at nagharap ang mga pangunahing tagapagpatupad at tagapagtaguyod ng MJP na sina Padre Luigi Ramazzotti, ang kura paroko ng Chiesa di Santa Maria della Fava, G. Erwin Nuguid ang koordineytor ng MJP sa Venice, at si G. Darwin Gutierrez, ang Presidente ng Filipino-Italyano Community sa Venice, Mestre-Terraferma, upang paghandaan ang huli at ikatlong taon ng MJP.
PAGPAPLANO AT IMPLEMENTASYON PARA SA IKATLONG TAON
Taong 2017, ang nakatakda sanang pangatlo at huling taon ng implementasyon ng programa, ay humarap sa malaking hamon ng kakulangan sa pondo ang proyekto. Munngkahi pa nga noon ni Br. Michael Broughton na siyang Vice President for Lasallian Missions ang ilang mapagkukunan ng pondo kasama na ang Kolehiyo ng Malalayang Sining subalit sa kasamaang palad ay wala ring naibigay na suporta. Dahil rito, pansamantalang ipinagpaliban ang pagsasagawa ng proyekto. Sa taong 2017, bumisita sa Pilipinas si Fr. Ramazzotti na nagsagawa ng isang misa sa Pamantasang De La Salle. Kanyang nakausap sina Br. Michael Broughton at Dr. Laurene Chua-Garcia, at maging ang ilang opisyal ng Embahada ng Italya sa Pilipinas. Naiplano at nagkaroon ng pag-asa ang proyekto para sa kanyang huling taon ng implementasyon. Maraming salamat kina Dr. Merlin Teodosia Surez, ang Vice Chancelor for Academics, si Dr. Laurene Chua, ang Vice President for External Relations at Internationalization at kay Br. Michael Broughton FSC para sa kanilang suporta.
Sa sumunod na taong 2018 ay naisakatuparan ang huli at ikatlong taong pagdaong ng MJP sa Italya. Napiling guro sina Bb. Lilibeth Oblena-Quiore at Bb. Deborrah Anastacio para sa taong ito. Dumating ang mga guro sa Venezia noong Agosto 6, 2018, Lunes. Mula sa paliparan ng Marco Polo ay dumiretso ang mga guro sa venue ng klase upang magsalita sa mga estudyante at upang magbigay ng impormasyon sa mga magulang na naroroon. Pagkatapos magsalita ng mga guro ay agad na nag-ayos ng silid ang mga guro at inihanda ang mga gamit sa pagtuturo dahil magsisimula na agad ang klase kinabukasan. Unang Sabado ng mga guro sa Venezia ay nagkaroon ng misa at doon din nakasalamuha ng mga guro ang komunidad ng mga Pilipino rito.
Hindi katulad ng mga nagdaang taon na sa kumbento ng simbahan ng Santa Maria della Fava at Chiesa di Santa Elena ang naging tahanan, ngayon ay tumuloy ang mga guro sa pamilya ng dalawang Pilipino sa Mestre.
Nagkaroon din ng ilang pagbabago sa implementasyon ng programa sa huling taon nito. Ilan dito ay ang lugar na pagdadausan ng klase at ang oras o haba ng pagtuturo. Nakasama rin ngayong taon ang guro na si Bb. Deborrah Anastacio na pumalit kay G. Domingo.
Mula sa isla ng Sant’ Elena ang klase ay idinaos na sa Viale San Marco, San Giuseppe Mestre, Venezia. Ang mga estudyante ay hindi na kailangang sumakay pa ng vaporetto hindi tulad noong mga nakaaang taon. Dahil marami ang mga Pilipino na nakatira malapit sa venue, ang ilan ay naglalakad papunta rito, nagba-bike o ang iba naman ay sumasakay ng tram.
Ang klase ay hinati sa dalawa. Sa umaga, mula ika-9 hanggang ika-3 ng hapon ay para sa mga bata at mula ika-10 hanggang ika-12 ng tanghali para naman sa mga kabataan. Apat na araw ang klase kada linggo sa mga bata at sa mga kabataan. Ang mga guro na sina Bb. Lilibeth Quiore at Bb. Deborrah Anastacio ang nagturo sa mga bata at sina Dr. Ernesto Carandang,II at Dr. Rowell Madula ang nagturo sa mga kabataan.
Ang programa ay dinaluhan ng 57 na mga bata at 33 na mga kabataan. Sa kabuuan ito ay nasa bilang na 90. Kung isasama pa ang mga kabataan na tumulong at nag asiste sa mga guro, aabot ng humigit kumulang 100 ang mga naging kalahok na mga estudyante sa taong ito.
Nitong Agosto ay nagkaroon ng pagkakataong makadaupang palad ng mga kinatawan ng MJP at Presidente ng Filipino Community ng Venice ang Consul General ng Konsulado ng Pilipinas sa Milano. Nagkaroon ng pag-uusap ukol sa pakikipagtulungan ng konsulado para sa panibagong kasunduan upang magkaroon ng panibagong kahawig na proyekto. Napag-usapan ang ilang reporma sa format ng pagtuturo at ang mga posibleng pagdarausan nito bukod pa sa Venice.
Para sa taong ito, higit na may pokus ang mga naging paksa para sa pag-aaral. Tumuon ang mga guro sa Panitikan, Awit at Sayaw ng mga Pilipino.
Tulad ng dalawang bangkero sa banga ng Manunggul, naglalayag din kami para maghatid ng kaaalaman. Sa ngayon, ilang katanungan ang nais kong masagot. Ano na ang susunod na ituturo sa mga susunod na taon ng kahawig na proyekto? At saan na ang susunod na destinasyon nito?
Magpapatuloy pa ang paglalayag. Cerchiamo di continuare ad insegnare menti, toccando i cuori, trasformando la vita attraverso la via Lasalliano. Animo, La Salle!