Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Lagi siyang tahimik sa klase. Sa tuwing nagsasalita ako sa harap upang ilahad ang mga gawain at aralin, napapansin ko ang pagkunot ng kanyang noo at paminsan-minsang pag-iling. Iniisip ko tuloy kung may mali ba akong nasasabi. Sa tuwing tatawagin ko siya upang sumagot sa talakayan ay napakaikli ng kanyang mga sinasabi. Maiksi ngunit totoong may lalim. Ninais kong makausap siya tulad nang sa iba ko pang estudyante na kinakikitaan ko ng mga kiming pag-uugali ngunit hindi ko maintindihan bakit hindi ito nangyari. Marahil ay nararamdaman ko rin na hindi niya gustong siya’y napapansin.
Huling araw na ng klase at ang lahat ay abala na sa farewell party. Ang ilan sa aking mga estudyante ay nagpakita na ng matinding kalungkutan samantalang ang iba naman ay tinatanggap itong bagong simula, bagong yugto ng kanilang buhay. Habang ang ilan ay abala, napansin kong nag-iisa na naman si Victor sa sulok ng silid malapit sa sirang pintuan. Tulad ng dati, tahimik, nagmamasid, walang imik. Nilapitan ko siya at kinumusta. Gusto ko sana siyang makausap kaya naisip ko na magpatulong sa kaniya sa pagbubuhat ng mga aklat na isinauli ng klase nang araw na iyon. Nang siya ay tawagin ko, tumango lamang siya at tumayo sabay kuha ng mga librong nakatali. Tahimik lamang siya habang naglalakad kami. Gusto ko sanang magkipag-usap pa sa kaniya ngunit nararamdaman ko ang kaniyang pag-iwas. Nalungkot ako at sa pagkakataong iyon ay naramdaman ko ang kabiguan ko bilang isang guro. Kabiguan para sa akin na may mag-aaral akong tila hindi kabahagi ng buong klase.
Natapos ang farewell party at isa-isa nang naglaho sa aking paningin ang mga estudyante kong hindi ko alam kung makakaalala pa bang ako'y dalawin pagdating ng panahon. Bigla kong naramdaman ang kalungkutan. May kung anong kumurot sa aking puso na siyang naging dahilan ng saglit kong pagluha. Mangungulila na naman ako sapagkat iiwan na naman ako ng mga itinuring kong mga anak sa loob ng sampung buwan. Pero hindi bale, may mga bagong parating na magpapasaya muli sa bawat araw ko sa eskwelahan. May magpapainit muli sa aking ulo. May mga bagong halakhak at kulitan akong makikita. Sigurado akong may kagaya muli ni Victor, ang batang laging nakamasid, nakikinig, pakunot-kunot ang noo at tahimik.
Nagtungo na ako sa faculty room sa unang palapag ng paaralan. Sa hallway hanggang sa hagdan habang binabagtas ko ang daan pababa ay may mga mag-aaral na nagpaparating ng kanilang pasasalamat at pamamaalam. May ilan na humihiling ng yakap. Ang iba naman ay nagbibigay ng munting regalo. Tanging mga ngiti lamang ang aking naiganti samantalang ang kalooban ko ay humihikbi. Alam kong napamahal na naman sila sa akin ngunit tulad ng mga unang umalis, hindi nila alam kung gaano kalungkot sa isang guro na maiwan ngunit mas higit na kaligayahan naman din ang aming nararamdaman dahil naniniwala kami na iiwanan nila kaming baon nila ang magagandang aral at karanasan bilang mga mag-aaral sa aming paaralan.
Habang papalapit sa faculty room, naalala ko ang batang si Victor. Nakauwi siya nang hindi ko man lamang nakakausap upang itanong kung dadalo ba siya sa programa ng kanilang pagtatapos. Madalas kasi siyang wala sa mga pagtitipon kaya naman masaya ako nang dumalo siya sa farewell party. Nang marating ko ang silid naming mga guro, Nakita ko ang isang puting rosas sa aking lamesa. May sulat itong kasama. Binasa ko ang nakasulat. Napangiti at napaluha ako habang binabasa ko ito. Nakita kong bigla sa aking alaala ang larawan ng pakunot-kunot-noo at pa-iling-iling, tahimik at walang kibong si Victor.
Mam,
Maraming salamat po dahil marami po akong natutunan mula sa mga klase natin.
Victor
Dumami pa ang maraming farewell party na tanging mga larawan na lamang ang nagpapatunay. Paminsan-minsang tinitingnan ko ang mga ito at naitatanong ko sa aking sarili kung kumusta na kaya ang mga naging estudyante ko? May mga nakakaalala naman. May mga pagkakataong dinadalaw din nila ako sa paaralan. Masasabi kong ito na ang aking kayamanan. Ang makita ko ang aking mga naging estudyante na nagtatagumpay at nagkakaroon nang maayos na buhay.
Sa paglipas nang maraming panahon sa klasrum, hindi ko napansin ang pangungulubot ng aking balat. Pamumuti ng aking mga buhok at ang panghihina ng aking katawan. Subsob kasi ako sa aking trabaho bilang isang guro. Minsan, bigla na lamang akong nabuwal habang ako’y naglalakad papunta sa aking cubicle. Katatapos lamang ng klase ko noon. Masama na talaga ang aking pakiramdam nang araw na iyon. Ngunit ayaw kong lumiban dahil may presentasyon ang mga mag-aaral ukol sa kanilang mga sinaliksik para sa aming aralin.
Nagising na lamang ako na ako ay nasa ospital na. Naroon si Ma’am De Jesus na siyang nagbantay sa akin. Kanser. Tingnan mo nga naman, kahapon lang ay tumatawa ako sa klase dahil napakasaya ng aming talakayan. Ngayon ay naririto ako nakahiga at kausap ang doktor. Kailangan kong magpahinga muna sa pagtuturo. Kailangan kong asikasuhin ang operasyon ko. Napakadaling sabihin. Pero hindi alam ng doktor na nakakaramdam ako ng takot hindi lamang dahil sa operasyon kung hindi sa pag-iisip kung saan ako kukuha ng kakailanganing halaga para dito. Tinibayan ko ang aking kalooban. Inisa-isa ko sa aking isip ang mga dapat at kung ano ang una kong gagawin paglabas ko sa ospital. Naisip ko, wala naman akong pamilya maliban sa aso kong si Pitchy. Kanino ko ba siya pwedeng iwan? Malulungkot kasi si Pitchy kung ibibigay ko siya sa hindi niya kilala.
Maya-maya pa’y bumukas ang pinto ng aking silid, nabasag ang aking pagmumuni-muni. Tinawag ang pansin ko nang makita ko ang isang matipunong lalaki na may dala-dalang isang puting rosas. Bahagya kong isiningkit ang aking mga mata at hindi nga ako nagkamali. Siya ang estudyante ko na nag-iwan ng puting rosas noon, matagal na panahon na ang nakalipas. Si Victor. Siya ang batang pakunot-kunot ng noo at pailing-iling kapag ako'y may sinasabi. Siya ay isa nang doktor. Sa paglapit niya, niyakap niya ako nang buong higpit. Nakaramdam ako ng kasiyahan at hindi ko alam ang una kong sasabihin. Ibinigay sa akin ni Victor ang puting rosas at ako ay nagpasalamat. Ibang iba na si Victor. Siya ang nagsimula ng aming pag-uusap. Sa mga kwento niya naramdaman ko ang kaniyang pananabik na makita ako.
Si Victor, siya ang aking magiging doctor habang ako ay naghahanda sa aking operasyon hanggang sa ako ay gumaling. Sabi niya kailangan kong gumaling dahil magiging ninang pa ako sa kasal niya. Habang sinasabi niya sa akin ang mga pagdadaanan bago ang operasyon nakita kong muli ang batang Victor, pakunot-kunot ang noo, pailing-iling habang tinitingnan ang mahabang report na nakasulat sa hawak niyang papel. Habang pinagmamasdan ko siya, nararamdaman ko ang saya sa aking puso. Noon, iniisip kong palagi kung paano ko siya kakausapin, ngayon naman iniisip niya kung paano ako pagagalingin.
SINABIHAN ni Titser Dina ang kanyang Grade 1 class na buklatin ang manipis na aklat na gumagamit ng Marungko Approach.
May mga sumunod agad ngunit iilan lang. May mga nagtanong kung ano ang gagawin samantalang kasasabi pa lang niya ng panuto. May mga nagbuklat pero hindi nagbabasa. May mga walang pakialam. May nakikipagkuwentuhan sa katabi. May nagsusulat sa papel at may nagdodrowing. Ngunit nahikayat niyang lahat ang mga mag-aaral niyang iyon na magbasa.
Pinuri niya ang mga mag-aaral na agad na sumunod sa kanyang panuto. Pinapalakpakan pa niya na naghudyat sa iba pang mga mag-aaral na magbasa rin. At sa mga hindi nadala ng kanyang pagganyak ay nilapitan niya at malambing na kinausap. At iyong talagang medyo nahihirapan pa ring magbasa ay ginagabayan niya sa pagbabasa na maaliwalas ang kanyang mukha kahit na may nag-iingay pa rin paminsan-minsan at nagpapalipat-lipat ng upuan. Bagamat hindi sabay-sabay na natapos ay napabasa niya ang lahat at tumama rin naman ang sagot ng mga ito sa comprehension questions na ibinigay niya.
Tumunog ang bell para sa recess. Naiwan siya sa room na natutuwa dahil nagawa niya uli na mapabasa ang lahat ng kanyang mag-aaral. Nagawa niya uli. Sumungaw ang kanyang ngiti. Nang biglang may nabasag na luha sa kanyang mga mata. Pinapahid niya ng panyo ngunit patuloy pa rin na tumutulo.
Pumasok sa isip niya ang Daycare niyang anak na nasigawan niya kagabi na ikinaiyak nito habang pinababasa niya dahil hindi ito halos tumitingin sa sanayang aklat na hawak niya at inuulit lamang nito ang kanyang sinasabi na siyang nakasulat sa aklat na dapat basahin mismo nito.
Hindi niya inalo. Hindi niya nilambing. Mas inintindi niya ang pagod sa maghapong pagtuturo kaysa turuan ang kanyang anak.
Gusto niyang hilahin ang oras.
Ako ay nasa isang madilim na lugar.
Walang tigil ang paglandas ng luha sa aking pisngi.
Bawat salitang nais kong ipahayag ay hindi mamutawi sa aking bibig,
Tanging hikbi ko lamang ang umaalingawngaw sa lugar na ito.
Hinihintay kong dumating ang liwanag at kubkubin ang aking pagkatao…
Hindi ito dumating.
Nilalamig ako.
Gusto kong masilayan muli ang init at saya na hatid ng bagong umaga.
Init na ang dulot ay apoy na nakapagsasabing “LAHAT NG ITO’Y IYONG MAKAKAYA!”
Init na nakapagdadala sa akin--- saan at ano mang landas ang nais kong tahakin.
Init na tuluyan nang nawala at di na muling dumating.
Init. Sinag. Liwanag.
Nasaan?
Nasaan?
Nasaan?
Tumayo ako at kinuha na ang lubid.
Tumuntong ako sa upuan at inihanda ang sarili habang iniisip na sana sa kabilang mundo, magisnan ko ang liwanag na pinapangarap ko.
Tik-tilaok! Tik-tilaok!
Isang umagang malamig. Inihanda ko na ang mainit na kape. Kailangang kong bumangon nang maaga sa ngayon. Naku! Maaani na pala ang palay ko ngayon.
Nakatingin ako sa malayo. Lantad ang luntiang bahagi ng bulubunduking may kalapitan naman sa aming tahanan.Mula doon ay unti-unti kong ibinaling ang aking paningin sa paligid. Pinagmamasdan ko ang gintong mga butil ng saka ko mula sa aking bintana. Biyaya ngang tunay ang bawat umaga. Masisilayan mo ang mga tanawing regalo ng Maykapal.
Habang nagmamasid, naisip ko bigla ang anak ko. Si Carmen. Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo ang anak ko. Siya ang dahilan kong bakit pinagsisikapan kong maging malaki ang ani. Nais kong hindi man lang siya mag-aalala sa gastusin sa lungsod. Mahal pa naman ang mga bilihin doon.
Mahal namin yung anak naming iyon. Pangarap ko talaga makatapos sa kolehiyo ang anak ko. Gusto ko iyong itim na kulay na isusuot nila kapag nakatapos. Tingin ko’y isang malaking karangalan ang makatapos. Minsan ko na din iyong pinangarap pero sa maraming kadahilanan. Hay! Ah basta para sa anak ko gagawin ko lahat.
Humigop ako ng kape. Talaga ngang sa bawat higop ng kape ay kaakibat nito ang mga alaala at ambisyon natin sa buhay. Napaisip na naman ako. Si pareng Tonyo nga pala. Naku! naibalita niya. Mababa daw talaga ang presyo ng palay. Parang napabayaan na nga ang sektor ng agrikultura sa ngayon pero wala na nga sigurong mapagpipilian ang magsasakang katulad ko. Hindi bale hangga’t may ihahain lamang sa hapag.
Masakit man sa damdamin na sa loob ng tatlong buwan kong pag-aalaga sa aking mga pananim ay kakarampot pa rin ang presyo ng palay.
Namutawi sa labi ang ngiti ng aking asawa. Alam kong masaya siya dahil may maipapadala na naman kaming halaga para sa aming mahal na si Carmen. Isang daang kaban ang aming naani. Dugo’t pawis ang alay namin sa aning ito.
Kinabukasan maaga na naman akong gumising. Pagkatapos kong magkape ay kinuha ko ang aking sombrerong Buri. Pupuntahan ko si Don Amancio. Kailangan kong ibigay sa kanya ang halaga ng naibentang 70 kaban ng palay.
Bang! Bang! Bang!
“Ay puta, takbo!”
“Bilisan nyo! Tangina, hindi tayo sasantuhin nyan!”
“Dali! Bilis! Dito.”
Nagising si Obet sa sigawan ng mga tao sa labas. Sa tunog ng putok, alam nyang meron na namang shooting ng Ang Probinsyano sa labas. Kaya may putukan at takbuhan.. Kaya maingay, malakas ang sigawan at maraming nagtatakbuhan para mas maganda ang aksyon.
“Wag mo nang tingnan, matulog ka na lang. Mapapanuod mo rin yang shooting na yan sa TV bukas. Sige na Obet, pikit ka na.”
“Opo, Pa.” sagot ni Obet sa kanyang ama. Muli siyang bumaling upang humanap ng pwesto upang tumulog muli.
Bang! Bang! Bang!
Alam ni Obet na kasama ang putukan sa shooting, kahit gusto nyang sumilip sa shooting at makita man lang ang mukha ng idol nyang si Cardo, kaya pumikit na lamang siya.
“Tigil! Wag na kayong tumakbo pa!”
“Boss, hindi po kami lalaban.”
Bang! Bang! Bang!
Kakaiba ang pakiramdam ni Obet, naiisip nya ang aksyon at ang gilas ng Task Force Agila. Alam nya na maganda na naman ang mapapanuod nya bukas ng gabi. Excited na siya panuorin si Cardo. Hindi nya mapigilang isipin ang mga nangyayari sa labas. Putukan, takbuhan at sigawan. Alam na alam nya ang ganitong mga tagpo.
“Siguro may hinahabol na kriminal ang Task Force Agila! Wooohooo! Excited na akong makita ang barilan nina Cardo at mga kalaban! Humanda kayo, nadyan na si Cardo!” nasa isip ni Obet habang patuloy pa rin ang putukan, habulan at sigawan sa labas.
Hindi alam ni Obet kung nasaan talaga ang shooting, ang alam lang niya ay nasa labas iyon ng kanilang bahay. Nung una, nagulat siya sa tunog ng mga putok ng baril. Umaalingawngaw ngunit ramdam nyang medyo malayo ang mga putok. Kaya siguro hindi siya pinapayagan ng tatay nya na lumabas upang makapanuod nag totoong shooting.
Bang! Bang! Bang!
“Puta, Chief hindi ito yung hinahabol natin kanina.”
“May dala ka ba dyan? Itanim mo na, bago ka lang ba? Alam mo na yan!”
“Opo, chief. Ako na po bahala.”
Rinig ni Obet ang usapan. Pero hindi nya ito maintindihan. Hindi nya maisip ang itsura nang mga nangyayari. Hindi nya maimagine, hindi nya maipinta ang eksena. Bigla na lang nyang naramdaman ang mahigpit na paghawak ng kanyang ama sa kanyang braso.
“Siguro ay nananaginip lamang si Papa. Feeling ko naiisip nya rin ang aksyon sa shooting.”
Bang! Bang! Bang!
Napamulat si Obet sa lakas ng tunog ng mga putok ng baril. Mas malapit na shooting sa kanilang bahay! Kinabahan siya, makikita nya na kaya si Cardo? Nasa labas lang ng bahay nila ang aksyon! Gusto nyang tumayo at sumilip sa nangyayari.
Bang! Bang! Bang!
“Habulin nyo dali! Hindi pedeng makatakas ang mga yun! Alam nyo na ang dapat nyong gawin. Tandaan nyo ang protocol natin.”
“Yes sir!”
Rinig na rinig ni Obet ang usapan ng mga artistang gumaganap sa shooting. Mas lalo siyang kinakabahan sa mga nangyayari. Kinikilabutan siya sa mga nangyayari. Hindi nya malaman kung ano ba dapat ang kanyang gagawin. Babangon ba siya or matutulog na lang? Titingnan nya ba ang nangyayari sa shooting? Pipicturan ba nya si Cardo pag nakita nya ito?
Bang! Bang! Bang!
“Tangina, wag kang maingay. Dito lang tayo. Wag kang malikot, baka makita nila tayo. Ayaw kong maging headline ng balita bukas.”
“Putang ina. Bakit ba gusto nilang pumatay? May quota ba sila? Kelangan ng may irereport?”
Rinig ni Obet ang bulungan ng mga tao sa labas ng bahay nila. Alam nyang nasa likod ng padyak at mga retasong mga tabla sa harapan ng bahay nila ang mga artistang nagsishooting.
“Wow, nasa labas lang ng bahay namin ang shooting! Nadyan kaya si Cardo? Gusto kong makita! Kaso ang lakas at ang higpit nang hawak sa akin ni Papa. Alam nya siguro na gigising ako. Kainis.”
“Wag ka na lang gumalaw. Tumago ka lang. Dito lang tayo, safe tayo dito. Wag kang magpapakita. Intayin na lang nating mag-umaga. Dito lang tayo! Wag kang gagalaw. Aalis din yang mga yan.”
“Kahit anong mangyari wag kang makikipagusap at makikipadahilan, wag natin silang bigyan ng dahilan na isipin na manlalaban tayo.”
Hindi naiintindihan ni Obet ang mga nangyayari. Bakit biglang humina ang sigawan? Bakit bulungan na lang ang naririnig nya? Sino ang mga artista sa likod ng tabing na lawanit at yero? Bakit sila nagtatago sa may bahay nila?
Bang! Bang! Bang!
Biglang napayakap ang ama ni Obet sa kanya! Naguluhan lalo ang bata sa mga kaganapan. Bakit ako niyayakap ni Papa? Natatakot ba siya sa putukan sa shooting?
“Hindi po kami lalaban! Maawa po kayo sa amin!”
“Mga sir, may pamilya pa po kami! Napadaan lang po kami sa may inuman dyan! Wala po kaming alam sa drugs!”
Bang! Bang! Bang!
Halos mabingi si Obet sa lakas ng alingawngaw ng putok ng baril. Halos hindi siya makahinga sa higpit nang yakap sa kanya ng kanyang ama.
“Bakit ako niyayakap ni Papa? Bakit lumuluha siya? Hindi ba shooting ang nangyayari sa labas? Bakit may dugo ang damit ko?”
Bago magsimula ang concert. Na-corner si Roxie ng mga reporter.
“Roxie, totoo bang lumalabas-labas kayo ni Mark?”
“Manonood ba siya ngayon sa concert mo?”
“Sasagutin mo ba siya kung sakaling manligaw siya?”
Tinadtad ng mga tanong ang magandang-singer actress pero patuloy lanmang siya sa paglalakad at ngiti lamang ang itinutugon sa mga mapang-usisang reporter. Habang naglalakad tila isa siyang reynang pinoprotektahan ng kaniyang P.A. na si Marie kasama ang dalawang security guard.
Nang makarating na sa dressing room ang dalawa.
“Hay! Ang titindi talaga ng mga reporter na ‘yun! Lahat talaga kakalkalin” sabi ni Marie pagkasara ng pinto.
Tahimik namang umupo si Roxie sa harap ng malaking salaming may ilaw sa gilid.
“Teka, sa’n naman nanggaling ang balitang ‘yun? Totoo ba yun sa inyo ni Mark?” tanong ni Marie.
Dahan-dahang tumayo si Roxie at lumapit kay Marie. Ngumiti at bigla niyang niyapos si Marie sabay bulong.
“Ano ka ba. Hindi totoo ‘yun. Di ba sabi ko ikaw lang”