Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Walang tinag ang aninong
ilang oras nang naghintay
ng sandali upang
mahabol ang mga naiwan.
Walang mata ang aninong
mahaba ang binuong linya
sa sandali upang
mailatag ang mga dahilan.
Hawak ng anino ang obra at pag-ibig
wari, unti-unting tumikom
sa pagod at naghilom
mag-isa hanggang maging upos.
Ang nasalubong, may pahimakas na luha,
palayo at pahapyaw na sinambit
sa nalalabing panahon ng lahat
ang lalim at babaw ng ilog, ang gabing
mapurol ang kutsilyo at balisa
sa yapos ng kalawang.
Wala akong naitugon nang ialay ang awit
at lagom ng itinakdang kapalaran.
Noong una, humuni ang mga uwak
sa Huling Paglilibing. Marami umanong naawa
ayon pa sa mga bata. Naghihingalo
ang tanghali nang dumaan ang batas
at saksi ang bayang malaon
nang nilimot. At ang luhang nakapalayo
na sa pangingilid sa itinakdang mga mata.
May isang kathang walang batas
at itinakdang kagalakan ng anti-kanon.
At ang mga saksi ay hindi na
muling makalilingon.
ni Nonon Villaluz Carandang
Anong uri ng kulay, hugis, kapal at nipis
ang ibinabahagi mo sa aking karanasan?
Naikubli mo ang pilat ng peste sa Messina
na gumapang sa Roma at sa iyong bakuran,
at saka umagos ang dugo at nanâ
sa anumang kasarian, bata o matanda.
Nangungulila ako sa iyong kariktan
habang sumasalakay ang salot
na nagpatahimik sa iyong kasiyahan,
habang naririnig ang tamlay ng canzone.
Ginigising mo sa tunog ng kampanaryo
ni Giotto ang pag-ibig at katinuan,
o maaaring requiem ito para sa mga nabigo
at sinilabang mga walang pangalan.
Narinig ang alingawngaw ng mabuting balita
sa higanteng domo ni Brunelleschi,
at kinalinga ang kisig ng paslit na si David
upang patatagin ang kalooban ng api.
At pinakinggan ang mga tinig sa Decameron
upang matuto sa pait at lupit ng pandemya,
nang sa gayo'y tanggapin ang teknolohiya
sa mga imposibleng pangarap ni Leonardo.
Sa iyo nag-ugat ang kulay ng kariktan
Sa banayad na pagsilang ni Venus,
at sa halaga at karupukan ng buhay
sa panahon ng katuparan ng tagsibol.
Ahhh, marami pa akong dapat maranasan
gaya ng anak mong kumatha ng kirot sa impiyerno,
pangamba sa purgatoryo, at ang glorya sa paraiso,
na aking lalasapin sa aking pagbabalik sa iyo.
Puno ng kamatsili ang aking mga braso
Matalim na tinik ang natutuyong balat
Habang paunti-unting nalalagas na kaliskis
Puno ng bayabas ang aking mga binti
Namumuti, nangingitim, nagbabalat,
Tila naglulugong balat ng ahas
At sa aking mga paa
Unti-unting gumagapang
Ang sanga-sangang ugat
Pababa sa lupa
At dahan-dahan
Ako’y magiging pataba
At malayang tutubo sa lupa
Ang mga halamang namahay
Sa aking katawan.
Iluluha ko
ang tumagas na dugo
ang kirot ng bala sa buto
ang kilabot ng sigaw sa katahimikan
ang sindak ng mga inulila.
Iluluha ko ang kadilimang
lumulukob sa aking bayan.
Ngunit bukas, sa libing
Itataas ko ang aking pandong
Upang salubungin
Ang pagdating
Ng mga naiwan.
Ano ba ang laman
ng mahiwagang sling bag?
Nariyan ba ang ayudang natanggap?
Perang pambili ng gamot
O 2 lata ng sardinas?
Mga butil ba ng bigas?
Biskwit na kakainin bukas?
Ano ba ang laman
ng mahiwagang sling bag?
Nariyan ba ang mga natitirang alaala?
Mga larawan ng pamilya
asawa, anak, kapatid, ina
O ng mga bagay tulad
ng basyo ng bala
na mula sa mga
sinabak na giyera
Nasa sling bag ba ang katinuan
Kasama ang kapayapaang
Matagal mo nang hinahanap?
Ano ba ang laman
ng mahiwagang sling bag?
Ang sabi ng mga pulis
Kalibre .38 ang kanilang nakita
Oo
Ang sabi ng mga pulis
Kalibre .38 ang kanilang nakuha
Pero huwag kang mag-alala
Hindi kami maniniwala
Dahil ang aming nakita
Limang pulis laban sa isa
Sila ang may baril
At dalawang bala
Ang sayo’y kanilang pinatama.
Iyo na ang bughaw ngayon sa ayaw mo at hindi
ang timyas kanya iyon dati
ang taghoy naging inyo
ang pait maiiwan sa iyo
dahil nahulog ka dahil lang
umibig ka nagpatilunod ka
sa dagat sa kalaliman
ng kanyang mga mata iyo na ang bughaw ngayon
Gusto kong pintahan
ang aking mga kuko
ng kulay itim.
‘Sing dilim
ng mga gabi
ng aking pag-iisa,
mga gabi
ng bangungot at pangamba;
‘sing dilim
ng paligid
tuwing nakapikit
ang aking mga mata,
habang pilit
kumakawala
ang makukulit
na mga luha.
Gusto kong pintahan
ang aking mga kuko
ng kulay bughaw.
Kasing tingkad
ng kalangitan
sa umaga
habang ang araw
ay naghihikab pa.
Kasing lamig
ng kalangitan
sa mata
isang hapon sa
buwan ng Pebrero.
Umaasa
pa rin ang aking puso.
Gusto kong pintahan
ang aking mga kuko
ng kulay pula.
Gaya ng pagluha
ng langit
ng dugo,
isang dapithapon.
O di kaya nama'y kahel,
tulad ng mga ilaw sa poste
ng hindi mapalagay
na lansangan sa gabi.
Gusto kong pintahan
ang aking mga kuko
ng kulay itim,
ng mga kulay
ng bahaghari.
Subalit hindi ko
magawa.
Hindi ko
kaya.
Sigurado kasi akong
hindi ito
magugustuhan
ng aking ina.
Natuwid na ang ibang kulot
Ngunit ang landas ng palad pa ri’y liku-likong baluktot
At singgusot ng mga lamukot sa mukhang pinatanda na
Ng di mabilang na lungkot at pagkadismayang inaalmusal tuwina.
Naglalaho na ang mga lumang sayaw at awit –
Wikang kasiping ng gubat at malawak na parang
Ng mga nauna pa sa amin.
Bawat taon ay nalulunod kami sa pangako ng mga nasa sentro.
Paaralan, pabahay, kabuhayan anila.
Pamimilit sa aming humimpil
Sa mga kampong pamayanan ang tawag nila.
Wala roong baboy-ramo o usa,
Ni naglalarong alitaptap kung gabi.
Walang balakbak ng punong gamot at tsaang inumin.
Wala ring maninipis na kawayang may tubig sa loob.
Walang kuliglig ni ibong dumarapo at wala ring puno
Bagamat may higanteng tutubing dumaraan, gumagambala palagi sa pagtulog.
Aanhin namin ang bahay na may bintana
Ngunit walang luntiang tanawin?
Aanhin namin ang kaunlaran
Kung nabura nang lahat ang aming kinagisnan?
Aanhin namin ang bagong tahanan
Kung malayo ito sa aming pinanggalingan nais laging balikan?
Hindi ko na maalala kung kailan tayo nagkakilala
walang paramdam, walang kislot ni kaba
karaniwan ang araw, ordinaryong mga eksena
wala ni bakas ng dramang maharaya.
Dumating kang tahimik nang araw na iyon,
sa gitna ng sigwang hindi mapahinahon
sa paghahanap ng timbulan sa karagatang maalon
hanggang sa kumunoy ng kalituhan, ako ay iniahon .
“Natatangi ka,” paulit-ulit niyang sasabihin
“itaya mo ang sarili at sa kapwa buuin,
huwag kang magduda, walang huhusga,
pagka’t kalayaan ng sarili ang ubod ng pagsinta.”
Nakangiti ang mga mata sa likod ng antipara—
humahagod, sumusuyod, nagpapakuwento lang pala;
“Saan ka pupunta?” itatanong niya;
“Makinig tayo ng mga kuwento ng aba.”
Ikaw ang babaylan sa lahat ng pagdiriwang
ikaw rin ang diwata ng mga ligaw sa kagubatan
sa lakbayin ng buhay ikaw ang tulay ng pag-asa,
Kadluan ng karunungang tungkod sa pagpapasya.
Bakit ka ba dumating at ngayo’y naghahabilin?
pinagkakape ako ngunit walang kapalit na hiling
nagsusulit ang tanong, naniningil ng tugon
nangungulit-suyo sa bawat pagkakataon.
Salat sa yaman ang iyong tahanan
umibig ka kasi sa mga musmos na sugatan
sa duklay ng buwan, nahanap mo sana ang kanlungan
habang kumakalinga sa mga musmos na iniwanan.
Hindi nga perpekto ang iyong buhay, Rebecca,
pagkat bilanggo ka ng siphayo’t pangamba
sa likod ng mga ngiting alay mo sa tuwina
sumasalakay na pala ang kirot na nadarama.
Pagpapaalam nga ba’y paano sasabihin?
“sumabay lang sa agos” mahinahon mong habilin
habulin ang pangarap at isapuso ang tungkulin,
hayaan ang tadhanang gumabay sa atin.”
Subalit ang paglisan, para lamang sa matapang
silang may loob sumuong sa kawalang-katiyakan,
sa sandaling sunduin, bawiin ang kinabukasan
kagya’t sumusunod, paroroon sa hantungan.
Samantalang ang pader ang sumasagot sa mga naiwan
sa mga tanong nilang naghahanap pilit ng kasagutan
pipiliting kaibiganin ang pighating ayaw lumisan
kaya’t mananangis nang tahimik, tatakasan ang araw.
Sagrado nga marahil ang kaway ng kamatayan
at tanging pagtugon lamang ang siyang katubusan
at dahil pansarili ay tanging sa sarili lamang
ang karapatang magtakda ng hangad na pamamaalam.
Inilihim mo sa mundo ang hilahil ng iyong buhay
at nilubos ng pangarap ang kakapusang nakatunghay
tumangis maging kanser nang ihatid ka sa hukay
sa lihim na katatagan at pagpapaubayang marangal.
Biglaan kang dumating, biglaan ring lumisan
isang ordinaryong araw na hindi malilimutan
ang bawat tagpuang minsan mong dinalaw
lipos ng bakas, buod ng kaluluwang dalisay.
Hunyo 24, 2020
Bulawan ang sirak nga nagakapay
sa Manilay Bay. Sa akën lamesa bulawan
sa andang kaanyag ang mga klabeles.
Bulawan ang baratyagën nga nagalëpad
sa kalag ko pauli sa Maybato kag Småland.
Ginto ang silahis na kumukumot
sa Manila Bay. Sa aking mesa ginto
sa kanilang yumi ang mga klabeles.
Ginto ang damdaming lumilipad
sa kaluluwa ko pauwi ng Maybato at Småland.
Kanaryo ang mga sinipad kang pag-angga
sa akën dëghan kadya nga aga sa akën pagbugtaw.
Kagabii sakë ang tanan nga nagahigugma.
Kang magguwa ako sa opisina
haros wara rën it may nagabakal
kang mga búlak nga nabëtang sa lamesa
sa sagwa kang sangka karan-an.
Bagsak-presyo na po, hambal kang dalagita nga tindera
nga gin-una ang pagpangita kang kuwarta
kaysa paglinandi sa adlaw kang mga tagipusuon.
Nagbakal ako kang sangka pumpong kang kanaryo
nga klabeles. Ang dëag kadya nagaapuhap
sa nakapuy ko nga kasingkasing. Kahilwayan
ang dúlot kang pagbakal kang bulak
para sa kaugalingën.
Dilaw ang mga talulot ng pagsuyo
sa aking dibdib ngayong umaga sa aking paggising.
Kagabi abala ang lahat ng nagmamahal.
Nang lumabas ako ng opisina
halos wala nang bumibili
ng mga bulaklak na nakalagay sa mesa
sa labas ng isang kainan.
Bagsak-presyo na po, sabi dalagitang tindera
na inuna ang paghahanap ng pera
kaysa paglalandi sa araw ng mga puso.
Bumili ako ng isang pumpong ng dilaw
na klabeles. Ang kulay nito humahaplos
sa napagod kong kasingkasing. Kalayaan
ang dúlot ng pagbili ng bulaklak
para sa sarili.
Ginkapayan liwan kang snow
ang Sirenahus. Ano ayhan ang ginbëël
ni Juliet sa sëlëd? Sa litrato nga gin-PM
kanakën kang Mommy na, pagwa
sanda ni Papa na sa gawang kang balay ko
sa Lenhovda. Wara man lang tana it
dyaket kag wara pa nakabotas bisan
damël rën ang snow sa tënga
kang Sirenahus kag kang balay nanda.
Patay ang tanëm sa gwa kang bintana
nga rabong sa kanaryo nga mga bulak
kon tingadlaw. Amo man sigurado
ang mga raspberi, ang mga ilahas nga istroberi,
kag ang mga hilamon nga nagapamëkad
kang mga biyoleta nga daramgohanën sa likod.
Wara ko pa makita ang Sirenahus
sa tagramig. Naanad ako nga makita dya
nga napalibutan kang mga bulak
pareho sa mga bulak sa bayu ni Juliet
kadyang nag-abot rën ang niyebe.
Kaimaw kang akën gamay nga balay surulatan
tëdëk sa tagipusuon nanda nga ginabaton ang ramig.
Kinumutan na naman ng niyebe
ang Sirenahus. Ano kayâ ang kinuha
ni Juliet sa loob? Sa larawan na gin-PM
sa akin ng Mommy niya, palabas
sila ni Papa niya sa pinto ng bahay ko
sa Lenhovda. Ni wala man lang siyang
dyaket at hindi pa nakabotas gayung
makapal na ang snow sa pagitan
ng Sirenahus at ng bahay nila.
Patay ang halaman sa labas ng bintana
na sagana sa dilaw na mga bulaklak
kapag tag-araw. Ganun din sigurado
ang mga raspberi, ang mga iláhas na istroberi,
at ang mga damong namumulaklak
ng mga biyoletang panaginip sa likod.
Hindi ko pa nakita ang ang Sirenahus
sa taglamig. Sanay akong nakikita itong
napapalibutan ng mga bulaklak
tulad ng mga bulaklak sa damit ni Juliet
ngayong dumating na ang niyebe.
Kasama ang aking maliit na sulatáng bahay
taos-puso nilang tinatanggap ang lamig.
Sa puwang ng mga kawayan
Dumaraan ang lamig
May tumutulo pa rin sa pagitan ng pawid
Sa labas,
Bagsak ang puno ng saging, yuko'ng mga pilapil
Tahimik ang mga dahon ng sambong sa gilid
T'yak na 'di magniningas itong mga panggatong
Masakit sa ilong itong alimuom
Naisip ko,
Totoong pagkatapos sumagupa ng bagyo
Mas masidhi ang bigat na ibabato nito.