Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Ukol sa Pagkatha bilang tugon sa mga Panawagan at Pagpapalathala
Madalas, lumilipas ang maghapon na tanging iilang gawain lamang ang aking natatapos nitong mga nakaraang taon. Maaaring naging mabunga naman ang aking publikasyon, pagbabahagi ng mga lektura, pakikiisa sa mga kumperensya, palihan, at gawaing sa mga propesyunal na organisasyon. Bagaman, napansin kong may mga proyekto at planong gawain ang hindi ko maumpisahan o maipagpatuloy dahil maaaring namimili ako ng mas nakasisiya at madali para sa akin. Epekto marahil ng proseso ng produksyon at dami ng awtput ito noong nakaraang dalawang taon. Naging mabagal ako at tila tinabangan ng gana. Ang salitang ito ay maaaring isalin ko sa wikang Ingles bilang enthusiasm o drive. Ang konsepto ng gana ay nagbabago sa bawat tao, depende ito sa interes o inspirasyon. Ang gana natin ang nagsasabi kung kailan tayo maaaring maging bukas at handang pumasok sa isang mundong ating binuo. Ito ang mundo na tayo lamang ang nakakaalam, nakakikita nang malinaw, at nakapagsasagawa ng pagpapalawak nito. Kalimitan ngang itinatanong natin sa mundong ito ang “ANO”. o “Kung sakaling”. Halimbawa, “Ano ang maaaring maganap kung maglaho na ang mga bituin? O Kung sakaling maglaho na ang mga bituin, malulungkot ba ang buwan?” Maaaring literal ang katanungan o metaporikal ito batay sa ating imahinasyon.
Nitong nakaraang dalawang taon, palaging hindi regular ang aking pagtulog. Kadalasan akong natutulog pagpatak ng alas-onse ng gabi at kung minsan na may inaabot pa ng madaling araw, mga ala-una o alas-dos. Sa mga oras na ito nagiging malikot ang aking imahinasyon. Maaaring bunga na rin ito ng katahimikan at ng espasyong natagpuan at nailaan ko para sa pagsusulat. Ang aking espasyo ay nasa munting aklatan at nakaharap sa isang malaking bintanang may makukulay na de-sampaguitang salamin. At kapag binubuksan ko ito, may itinatago itong salamin kung saan ako napapatitig, nakapagninilay, at mas nagiging malaya.
Kahit pa bago magsimula ang pandemya, palagi ko nang nababanggit sa aking mga kaguro at mentee ang pangangailangan ng pagtatalaga ng oras para sa pagsusulat. Kasama ito sa pangangailangan para sa pagpapaunlad ng sarili at kabuhayan. Dumating pa nga ang panahon na naging biruan na namin sa isa’t isa ang pag-aakda bilang isang libangan o paraan ng pagpapalipas oras. May punto pa nga na sa dami ng mga panawagan para sa mga journal at antolohiyang aklat ay naihahambing namin ang sarili sa isang modista o sastre. Ibibigay ang panawagan, babasahin ang mga kahingian, bibigyang tuon ito lalo na ang tema at porma, magdidisenyo ng kuwento, sanaysay o kahit tula na para bang sastre o modista, at saka ito sisimulang isulat at tapusin bago ang ispesipikong deadline. Ipapabasa sa isa’t isa para sa ilang pagwawasto sa balarila, baybay, at tibay ng katotohanang taglay (veracity). At sakaling naisagawa na ang mga mungkahing pagwawasto o rebisyon, ipapasa na ito sa mga patnugot at aasahang makakasamang mailalathala.
Kadalasan, sa tahimik na madaling araw at sa sulok ng aking munting mesa naisusulat ang mga kuwento, sanaysay at ilang berso. Doon ko nabubuo ang anyo ng mga tauhan at pook, naririnig ang mga tinig, naisasadula ang mga tagpo at nagiging musika ang mga talinghaga. Nagsusulat hanggang sa dumapo ang antok at pansamantalang maipahinga ang panulat at manalig na matatapos ito sa susunod na pagsulat. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng balanse ang pagtuturo o paghahanapbuhay, pananaliksik, at lalo pa ang pagsulat ng malikhaing akda, at ang pakikitagpo sa ating imahinasyon. Nagkakaroon ng puwang ang pagiging manunulat sa ating abalang papel bilang mga guro.
***
Ang Aklat ng mga Tinig at Alaala sa 2401 Taft Avenue
Noong Setyembre 2019, nabuo ang ideya ng isang aklat. Minarapat ko noong una na maging koleksyon ito ng mga sanaysay na nauukol sa mga alaala at karanasan ng mga guro sa Pamantasang De La Salle. Inisip ko na may kaban-kabang nakaimbak na alaalang dapat sariwain at maibahagi ang pamantasang nagdiwang ng kanyang ika-100 taon ng pagkakatatag noong 2011. Kaya naman, inihanda ko ang panukala sa proyektong aklat upang ihapag sa Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Mapalad na tinanggap at sinuportahan ito ng sentro, at hinati ang aklat sa tomong Filipino at Ingles. Sa kasamaang palad, sumapit ang pandemya at naiba na ang takbo ng ating pamumuhay noong Marso 2020. Napiit tayo sa loob ng ating pamamahay habang nagaganap ang lagim at lumbay sa ating pamumuhay. Naging hamon ang pagbubuo nito sa gitna ng ating pagtawid tungo sa bagong normal. At mas nakita ko pa nga ang panahong nakikidigma tayo sa COVID19 bilang oportunidad upang pagnilayan, balikan ang mga alaala, at maisalaysay ang pinakamakahulugan at mahahalagang karanasan. May biyaya ng pagkakataon, espasyo, at katahimikan sa gitna ng ligaglig at pagkabagabag ng mundo. Inilabas ang panawagan noong Hulyo 2020, naghintay at kinalap ang mga kontribusyon, at gumulong na nga ang pagbubuo ng aklat na Kaming mga Lasalyanong Guro, Mga Tinig mula sa 2401 Taft Avenue o kilala bilang KMLG.
Naganap ang karamihan sa gawaing pampamatnugutan noong nasa kuwarentina ako sa Bulakan, Bulacan, sa loob ng aking tahanang napalilibutan ng palayan. Tahimik doon at ginigising ako madalas ng mga naglalarong ibon at dinadalaw ng antok sa awit ng kuliglig sa tag-araw at mga palakang-bukid sa tag-ulan. Angkop ang pook para harapin at isakatuparan ang proyekto. Naalala ko pa ang mga sandaling hinihintay namin ang mga kontribusyong sanaysay habang nasa lockdown at naipiit ng kuwarentina ang lahat sa atin. Dumating ang mga sanaysay at sinimulan ko ang mataimtim na pagbabasa kasabay ang pagtaas ng istadistika ng mga nagkakasakit at nasasawi sa COVID19. Bawat natatanggap na sanaysay ay nakapagpapangiti at nagiging isang pampalipas ng oras bilang babasahin.
Naririnig ko pa noon ang mga sirena ng pari’t paritong ambulansya habang binabasa ko gabi-gabi ang manuskrito. Isinaayos, pinulsuhan ang mga pagkakahawig sa paksa, at nagawa pa ngang kausapin ang mga manunulat sa tagpuang online para sa ilang paglilinaw, pagwawasto, at ilang mungkahing pagbabago. Mas nakilala ko ang tinig ng mga gurong may sakripisyo at dedikasyon sa pamantasan, ang mga nangarap na maging kaisa sa aral ng ating patron, at ang mga pagtatangka, balakid, at tagumpay bilang produktibo at inobatibong kasapi ng pamantasan sa 2401 Taft Avenue matatagpuan. May mga salaysay rin namang nauukol at iniaalay sa kapwa guro, maaaring nakapagbigay inspirasyon, may kahanga-hangang kontribusyon, o sadyang haligi ng kanilang larangan. Ang KMLG ang aking naging anestisya sa takot, pagkabalisa, at kalungkutan sa panahong iyon.
Nilayon sana naming mailunsad ito noong 2021 bilang bahagi ng ika-120 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng pamantasan, bagaman napakahirap na maisagawa ito lalo’t papasidhi pa lamang ang epekto ng virus sa ating kalagayang pangkalusugan sa bansa. Hindi ko rin maisip na ilunsad ito sa panahong hindi pa natin nakikita ang pagbabago at ang makabalik sa ating kinapapanabikan pamantasan. At nangulila tayo sa isa’t isa at nahapis sa mga tinamaan ng karamdaman at lalo pa sa mga kasamahang pumanaw. Kaya naman, mainam na rin na inilunsad ito ngayong may bahagyang kalayaan na tayo upang makapiling ang isa’t isa at maipagkaloob ang pisikal na kopya ng aklat sa mga kontribyutor.
Sa kasalukuyan, planong masundan pa ito ng tomo na magtatampok sa mga mag-aaral, kawani, Lasallian Brothers, at mga guro mula sa mga paaralang Lasalyano bilang pagtatala, pagkilala, pagpupugay, at pag-alala sa kanilang mga natatanging karanasan. Manapa’y marami ang mga kaguro ang nagpadala ng mensahe na sana ay masundan pa ito. Batid kong marami pang mga tauhan sa iba pang institusyon ang dapat na magkaroon ng espasyo sa mga pahina. Maraming aral ang maibabahagi nila at makapagbibigay pa ng higit na inspirasyon ang kanilang panunungkulan at pagiging matapat sa pamantasan. Dagdag ito sa pagpapayaman sa ating institutional memory at pagkakakilanlan na magsisilbing bilang sanggunian ng marami pang henerasyon ukol sa Araling Lasalyano. Panimula pa lamang ito, at harinawang magkaroon ng suporta upang maipagpatuloy pa ang mga susunod na tomo.
At sana, sa 500 kopya na nailimbag sa bawat tomo, bilhin at maipamahagi ninyo ito bilang magkatambal na aklat.
(Bahagi ng mensahe ng patnugot sa paglulunsad-aklat ng Kaming mga Lasalyanong Guro (KMLG), noong Marso 16, sa Pamantasang De La Salle - Maynila)
Panimulang Repleksyon sa Artificial Intelligence (AI) at Panitikan
Sa mga nakaraang buwan, ang akademya ay binulabog ng paggamit ng ilang estudyante sa artificial intelligence (AI) na ChatGPT para sa kanilang mga assignment (sa ilang kaso’y term paper pa nga mismo). Mabulas na ang debate ngayon hinggil sa isyung ito. May mga nagsasabing pwede namang gamiting pantulong ang ChatGPT at iba pang AI sa panimulang pagtitipon at/o pag-oorganisa ng datos. May mga nagsasabi namang hindi dapat payagan ang paggamit nito sa alinmang saliksik sapagkat para na rin itong pangongopya o pandaraya sapagkat ang mga “datos” na iniluluwa ng alinmang AI ay batay rin sa mga umiiral na datos at karunungang nilikha ng tao. Tiyak na hindi mareresolba ang debateng ito hangga’t walang malinaw na limitasyon, regulasyon, at konsensus sa etika kaugnay ng paggamit ng AI sa saliksik at saanman.
Sa ganang akin, malaking usapin ang “paggapang” at pagsipat ng AI sa mga umiiral na saliksik, likhang-sining, at akdang pampanitikan ng mga mananaliksik, manlilikha, at manunulat. Lumilinaw sa maraming saliksik ngayon na may mga AI na tahasang ibinabatay ang kanilang “pag-iisip,” “paglikha,” at “pagsusulat” sa mga umiiral na sanggunian na ang mga orihinal na lumikha ay hindi man lang nabibigyan ng credit o citation, at lalo pa, ng kabayaran, habang aminado ang mga korporasyong nasa likod ng mga AI na ang kanilang mga AI ay dinedebelop para maging produkto o “serbisyong pagkakakitaan” (kalakal, komoditi, samakatwid).
Kapag panitikan na ang pinag-usapan, higit na magiging malaking usapin ang orihinalidad at kasiningan. Lilitaw na ang mga bersong iniluluwa ng AI ay mga bersong artipisyal – mga retasong mula sa samu’t saring tabas ng mga orihinal na sastre at modista (ang mga tao, siyempre pa). Malinaw sa ating lahat na ang nagbibigay-kahulugan at -kabuluhan sa mga akdang pampanitikan ay ang karanasan ng mga sumusulat nito. Samakatwid, ang mga “akdang” iniluluwa ng AI ay hindi maituturing na mga tunay na akdang pampanitikan sapagkat hindi naman umiibig, nagagalit, sumasaya, nalulungkot, umaasa, nanghihinayang, naghihinagpis, naninimdim, nananambitan, napopoot, naninindigan ang AI. Sa ganitong diwa, ngayon pa lang ay pwede nang tapusin ang debate sa isyu ng AI at panitikan: walang kakayahang magsulat ng akdang pampanitikan ang makina at ang manunulat na mangangailangan ng AI para “makapagsulat” ng obra maestra ay hindi tunay na manunulat kundi mananahi lamang ng mga retaso at di kalabisang sabihing gaano man “kaganda” sa unang malas ang mailuwa ng “tinuruan” o “sinanay” na AI, tiyak na magiging mababaw, paimbabaw, at lalim ang mga ito – mga makukulay na basahang itatapon na agad sa basurahan “pagkagamit” (ang una at huling engkwentro ng kulangpalad na mambabasang babalandrahan ng akdang iniluwa ng AI). Laging luntian ang panulat ng sangkatauhang ang imahinasyon ay batay sa mga indibidwal na karanasang may kolektibong kabuluhan din sapagkat magkakahawig at magkakaugnay, kaya’t huwag nang paglaanan ng pera at panahon ang “pagdebelop” ng AI na magiging “makata” o “manunulat.”
Pitong araw na ako rito sa bahay namin sa Maybato sa bayan ng San Juan de Buenavista sa lalawigan ng Antique. Kadalasan walang tao ang bahay namin at tinitingnan-tingnan lang ng isa kong pinsan at ng bana niya.
Ang naiisip ko lagi kapag nagdidilig ako ng mga halaman ko sa condo ko sa Taft Avenue, at sa maliit kong hardin sa Pasig, ang mga halaman dito sa bahay namin sa Maybato. Naaawa ako sa kanila dahil hindi sila nadidiligan araw-araw. Kapag umuwi ako, paglapag pa lamang sa paliparan ng San Jose de Buenavista ay ang mga tanim na sa bahay ang iniisip ko. Sana hindi ako sasalubungin ng mga tuyong dahon nila. At lagi’t lagi nasosorpresa ako sa kanilang pagkaluntian. Survivor ang mga halaman! May mga ilang namatay talaga dahil hindi nadiligan, pero di hamak na mas marami ang buháy na buháy pa rin!
Pitong araw ko nang nadidiligan ang mga halaman kung kayâ mas naging matingkad ang pagkaluntian nila kahit na tag-araw ngayon. Ang Buddha’s belly bamboo nga, isang uring ng decorative na kawayan, nawala na ang ilang dahong namuti dahil sa init at kakulangan sa tubig. Napalitan na ito ng mga luntiang dahon at kapag nakatunganga ako sa hardin, parang naririnig ko pa nga itong humahalakhak, isang Budha na masaya dahil tanggap nang maluwag sa puso ang lahat ng bagay.
Kahapon ng hapon, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Mga kalahating oras lang naman subalit sapat na sapat na matighaw ang uhaw ng lupa at mga dahon. Naalala ko tuloy ang linyang “May ganitong pagluluntian pagkatapos ng ulan” sa isang tula ni Rio Alma. Iba talaga ang tingkad ng pagkaberde ng paligid kapag umulan.
Ang paborito kong mga sandali kapag nandito ako sa bahay namin sa Maybato ay ang manood at makinig sa ulan sa terasa ng aming bahay. Kapag ganito parang nahuhugasan ang lahat ng lungkot at pangamba sa aking puso at natatanggal ang lahat ng pagod sa aking katawan. Sa tingin ko ganito rin ang epekto ng pagbabasa ng akdang pampanitikan sa ating puso’t isipan, at pati sa katawan.
Pampitong isyu na ito ng minamahal nating online journal na Luntian. At habang sinusulat ko itong talâ ko bilang editor, nakakalimutan ko ang mga pagod at ngarag na dinanas sa paghahanda sa isyung ito dahil nakikisingit lang sa isang libo’t isang gawain sa unibersidad.
Kailangang diligan ang mga halaman ng ating malikhaing isipan. Kailangan tulong-tulong ang mga manunulat at mambabasa. Sabay-sabay tayong maligo sa ulan ng ating mga akdang pampanitikan!
Ukol sa Danas Bilang Bagong Sibol na Patnugot
Panahon ng pandemya nang kalabitin ako ni Dr. Ernesto V. Carandang II, punong patnugot ng Luntian Journal, na maging kabahagi ng dyornal at magsilbing tagapamahalang mag-aaral nito. Hindi ko inaasahan ang imbitasyon sapagkat iginagapang ko pa ang aking masteradong tesis noon. Sabi ko pa, isa lamang kaya itong páin mula kay Dr. Nonon (na siya ring tagapayo ko sa tesis) upang subukin ang aking dedikasyon sa pagsulat o kaya ang aking disiplina sa pagtanggap/pagtanggi sa mga trabaho? Minsan ko na rin kasing pinatos ang alok na proyekto sa pagsulat ng isang teksbuk na siyang naging dahilan ng pagka-delay ko ng dalawang termino sa aking masterado. Sa halip kasi na tesis ang atupagin, puro pagsakmal sa mga raket ang inuna. Pero sa pagkakataong iyon, hindi ko na hinayaan ang sariling mag-isip at tinanggap na ang pambihirang pagkakataon na maging bahagi ng pagsibol ng Luntian Journal.
Bilang tagapamahalang mag-aaral, naatasan ako ng pamatnugutan na maging katuwang sa pagpapadala ng mensahe sa mga kontribyutor na natanggap o naligwak ang akda, gayundin ang pagle-layout ng mga manuskrito sa GSite. In short, clerical work. Mainam na distraction na rin sa nanlulupaypay kong brain cells mula sa pagsulat ng tesis. Natutuwa ako sa tuwing may mga pamilyar na pangalan akong nakikita sa mga nagsusumite ng akda. Para bang nararamdaman ko rin ang kanilang kaba at excitement sa magiging resulta ng pagtatasa ng mga patnugot at rebyuwer sa kanilang pinasa. Pero higit ang galak ko sa oportunidad na mamulat sa proseso ng pagtanggap, pagrerebyu, at paglalathala ng mga akda sa isang respetadong dyornal gaya ng Luntian.
Mabilis na lumipas ang limang isyu kasabay ng pagtatapos ko ng aking masterado at pagsisimula ng aking karera sa pagtuturo sa Pamantasang De La Salle. Aaminin kong naging bahagi na ng aking sistema ang Luntian Journal. Nakabisado ko na ang panahon ng pagpupunla at pag-aani ng mga akda. Hindi ko pa man binubuksan ang mga chat ni Dr. Nonon, naririnig ko na ang pagtatanong niya kung naisaayos ko na ang manuskritong ipadadala sa mga rebyuwer o ‘di kaya natapos ko na ba ang pagle-layout ng mga akda sa GSite. Pero hindi ko nagawang hulaan ang mensahe niya ng hapong iyon noong Disyembre ng nakaraang taon.
“Panahon na para maging bahagi ka ng pamatnugutan bilang Tagapamahalang Patnugot.”
Hindi agad ako nakatugon sa mensahe. Iniisip ko kung prank lang ba ito pero hindi naman unang araw ng Abril. Nagbiro na lamang ako na baka hindi para sa akin ang mensahe at nagkamali lamang si Doc. Kaso para sa akin talaga. Sumubok pa ako ng ilang palusot at mga dahilan para tumanggi ngunit walang nangyari. To make the long story short, sino nga ba naman ang makatatanggi sa isang Dr. Nonon Carandang? Tinanggap ko ang bagong hamon kahit pa balot ako ng pagdududa sa sariling oras at kakayahan upang maging patnugot.
Kaiba sa papel ko bilang tagapamahalang mag-aaral, bahagi na rin ng aking tungkulin bilang tagapamahalang patnugot ang pagtatasa at pagpapasya sa kapalaran ng mga akdang isinusumite sa dyornal. Naisip ko, ano ba naman ang K ko para tumanggap o manligwak ng mga akda gayong maituturing ko pa ang sarili bilang baguhan sa pagsulat? Kaso binigyang-diin sa akin ng buong pamatnugutan na magkaiba ang disiplina sa pagsulat at pagkilatis sa mga akda. Ibang antas ng responsibilidad ang paghahatol kung hilaw o hinog na ang akda bago anihin. At ang danas ko mula sa pagmamasid sa paraan ng pagpupunla at pag-aani ng pamatnugutan sa nakalipas na limang isyu ang humubog at naghanda sa akin para sa tungkuling ito.