Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Paskong Mas Malaya at Bagong Taong may Bagong Variant
Dalawang taon na tayong nakararanas ng pandemya at maaari pa ngang magtagal ito. Dalawang Pasko at Bagong Taon na tayong nagdiwang habang umaasa na may pagpapala at biyayang bubuti ang ating kalagayan.
Napakaraming kuwentong nalathala at talakayang naringgan na nauukol sa karanasan sa COVID19, pagbabago sa pamumuhay at kabuhayan, istadistika ng mga nagkasakit, yumao at gumaling, mga usaping nakagapos sa bakuna, pamamahala ng mga nagpapakitang-gilas o inutil na lider ng mga LGU, ang pasabog ng mga kandidato sa parating na eleksyon, at ang bangis ng bagong variant. Maaaring kasama na nga sa ating pakikibagay sa kondisyong ito ang ang pagiging pamilyar sa karamdamang naging sanhi ng pagbabago ng ating pamumuhay. Nagiging karaniwan na ang araw-araw na pagbabalita ng tataas-bababang kaso ng COVID19 sa bansa at daigdig. Hindi na nga natin gaanong iniinda ang balita na may limampu, o isandaan, o maaaring libong namayapa sa isang araw. Nakakasanayan na natin na ang mga ospital ay nagluluwag at nagsisikip, na ang mga namamatay ay sinusunog at inilalagay sa garapon, ang hindi pagdalo sa lamay, ang paulit-ulit na pagtugon sa social media ng pakikiramay (condolence) o magpagaling ka (get well). Wala nang bago kung may biglang lagnatin, sipunin, ubuhin, mahirapang huminga, ma-intubate, dahil nagaganap naman ito sa marami at talagang pinagdadaanan at maaaring pagdaanan nga ng lahat ito. Manhid na tayo sa pagluluksa ng mga kamag-anak, kaibigan at mga kakilalang namatayan. Ang dating nakakapagdulot ng kaba sa marami at tila isang karaniwang bagay na lamang na umiiral at dapat abangan kung kailan magaganap sa sarili o sa malalapit sa buhay. Tanggap na nga natin marahil na ang COVID19 ay naririto at bahagi na ng ating pamumuhay na kung sakaling maging kampante tayo ay susubukan nito ang katatagan natin.
Magpapasko nang luwagan pa ng pamahalaan ang polisiya at patakaran para sa paglabas at gawain ng mga mamamayan. Mauunawaan naman nating ang layon dito ng sektor ng kalakalan o negosyo para pasiglahin ang ekonomya, lalo na't lupaypay na ito pati na ang koleksyon ng buwis para sa kapakanan ng gobyernong nakatunganga sa pangangailangan ng kanyang mamayan. Lumabas ang mga tao, may bakuna man o wala. Napuno ang mga lansangan ng mga mamimili na para bang nakalimot sa lagay ng bansa. Nagsiksikan sa mga restaurant, malls, palengke, tourist destinations, parke o liwasan, at parties. Maaaring nasabik nga ang mamamayan sa pamamasyal, sa pakikipagdiwang, pamimili ng mga bagay na makapagpapasaya, ang makasama ang mga kaibigan, ang makapaglibang sa labas ng pamamahay. Isang kabalintunaan, nasanay at naging pamilyar na tayo sa kalakaran ng pandemya, pero nakakalimot sa dapat na pag-iingat at takot sa karamdaman. Naging mas malaya (o sasabihin kong pabaya) ang mga mamamayan noong nakaraang Kapaskuhan, partikular noong pagpasok yun ng "ber months". Bunga rin kasi ito ng balitang bumababa na ang bilang ng kaso, kahit pa namamayagpag pa si Delta at kapapasok pa ni Omicron. Nakalimutan natin na ang Pasko ay para sa pasasalamat at pagdarasal para sa kaarawan ng ating Tagapagligtas. Ang resulta, At dumami/tumaas pa ang kaso ng hawahan at pagpanaw. Tandaan, hindi kailan man ninais ng ating Tagapagligtas na tayo ay mapahamak. Sino kaya ang promotor ng muling pagdami ng kasong ito?
Baka naman ang hangin ang nagdala nito sa atin, kaya ang hangin ang dapat na sisihin. At maaari ngang paniwalain natin na ang lahat naman ay makararanas ng COVID19 gaya ng simpleng trangkaso o ubo, kaya wala nang dapat isagawa pang pag-iingat.
Bagong taon, ito yung dapat sana ay may mga pagbabago rin sa ating pamumuhay. Kahit pa may pilit na pagbabagong sanhi ng pandemya, umiisip pa rin tayo ng ating mga personal na pagbabagong angkop sa atin. Di ba nga't palaging may mga nakahanda tayong resolution tuwing magpapalit ang taon, kahit pa ang ilan dito ay hindi naman natin kayang maisagawa at panindigan. Maaari kayang ang popular na resolusyon ng marami para sa 2022 ay ang pagiging mas disiplinado at maingat sa taong ito? Ang sagot ay kitang-kita naman sa istadistika sa pagtatapos ng taon hanggang sa unang tatlong linggo ng Enero.
Kaya naman, napahaba ang bakasyon ng marami, dahil sa biglang pagtaas ng kaso sa bansa at mundo. Asahan pa natin ang pagdating ng mga bagong variant na ating dapat na pakibagayan, ituring na karaniwan, at maging isang karamdamang dulot na rin ng patuloy nating paglabag.
Tunghayan, isulat/ilathala, isalaysay/talakayin, at pagnilayan natin ang mga magaganap sa 2022. At hintayin natin ang 2023, at umasang bubuti ang ating pamumuhay sa paulit-ulit lang nating gawain.
Annus horribilis
Teribleng taon ang 2021. Nagpatuloy sa pananalasa ang pandemya dahil sa kagagawan ng mga gobyerno sa mga bansa sa buong mundo – ang mga nasa First World, sa pagmonopolyo sa suplay (at rehistro/patent) ng bakuna sa maagang bahagi ng pandemya, at ang mga nasa Third World, sa pangkalahatang kabagalan at/o kapalpakan ng mga dapat sana’y panlaban sa pandemya (mula sa libreng mass testing hanggang maayos na contact tracing at libreng serbisyong pangkalusugan, atbp.).
Nauumid din ang panulat sa gitna ng malawakang depresyon (emosyunal at ekonomiko), pagluluksa, kawalang-pag-asang dulot ng pandemya. Papuri sa mga nakasusulat pa sa panahong ito.
Mainit na yakap at solidaridad sa lahat ng namatayan na ni hindi nga halos makapagluksa dahil sa patuloy na banta ng virus.
Hindi pa namin nailuluha ang lahat. Hindi pa namin naipapahayag ang dalamhati. Kulang ang katahimikan para ihayag ito, at sa gitna ng araw-araw na pakikipagbuno sa mga demonyong realidad, hindi rin sasapat ang mga natitirang salita, kaya’t pagpasensyahan ang anumang naisatitik na tugon sa mga dedlayn.
Ipinalangin natin ang mga yumao, gayundin ang mga pamilyang naiwan at iginagapang na lamang ang bawat araw. Pagdamutan ninyo ang munti kong alay na ito:
Ang Mga Naiwan
Ang mga naiwan, tuluy-tuloy naglalakad nang marahan
Bagamat pasulong pa rin, may antala at bigat ang bawat hakbang
Karga ang mga kaabalahan ng daigdig kahit di pa nakababalik sa dating ritmo
Humuhugot ng lakas sa natural na hatak ng mga kasuno sa mundo
Ang makita at gawing may saysay ang bawat segundo ng pag-iral
Sapagkat may nauna man sa pagtawid
May pangako ang bawat araw sa mga naiwan
Ang mismong biyahe ang danas at mensahe
Patuloy ang pagbuo ng mga bagong daan
Sa puso at kaibuturan, ang mga nauna'y kasama sa lakbayin, gabay sa landasin ng mga naiwan
Ayon sa makatang si Marianne Moore, ang panulaan ay isang hardin sa ating guni-guni na may totoong nga palaka. Magandang tingnan ang malikhaing pagsulat bilang paglikha ng hardin gamit ang mga salita kung saan iimbitahan natin ating mambabasa na bisitahin ito. Malalaman natin ang bisa ng pagiging awtentiko ng inimadyin nating hardin kung talagang pamamahayan ito ng mga totoong palaka. Mga buháy na palaka na sa kanilang pagtalon at pagkokak ay magugulat—sa maganda o pangit mang paraan—ang mambabasang pumasok sa ating hardin ng mga salita.
Sa unang tingin mukhang napakaromantikong pagtingin sa panulaan itong pagpapakahulugan ni Moore. Ngunit kung talagang pagmunian, may pagkasubersibo ang ideang ito: artipisyal na hardin (artipisyal talaga ang anumang porma ng sining) ngunit pinamamahayan ng totoong palaka. Subersibo ito sapagkat ang paglundag at pagkokak ng totoong palaka ay taliwas sa inaasahan ng taong papasok sa isang gawa-gawang espasyo tulad ng kathang hardin.
May mga taong gusto ang palaka. O kung hindi man gusto ay hindi sila natatakot dito. May mga tao namang takot na takot sa palaka. O kung hindi man takot ay nandidiri naman dito. Maaaring ihambing itong totoong palaka na nasa isang akdang hardin bilang katotohan na hindi lahat ay magugustuhan, hindi lahat ay nagagandahan, bagkus maaari pang katakutan o pandirihan.
Subalit ano ba ang silbi ng palaka sa isang hardin. O ano ba ang silbi ng mga totoong palaka sa isang hardin sa ating guni-guni? Sa totoong hardin, tagakain ng mga lamok ang palaka. Iwas dengge kumbaga. Sa gawa-gawang hardin na wala siyempreng lamok, nandiyan ang totoong palaka upang gulantangin tayo sa kanilang pagtalon at pagkokak.
Ang literatura sa isang lipunang di-pantay at mapang-api tulad ng lipunang Filipino, kailangang mag-ala palaka ang mga manunulat—nanggugulat at nag-iingay.