Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Nakarating si Daniel sa tarangkahan ng palengke. Hindi niya inaasahan na sa oras na 7:30 ng umaga, humaba na ang pila. Ang daming militar sa paligid. Noong nakaraang araw lamang, tanod lang. Ngayon, armed forces talaga ang nakikita ng mga tao.
Iniisa-isa ng mga militar ang quarantine pass ng bawat mamimili bago pumasok sa palengke. Miyerkules nga pala ngayon, hindi puwedeng pumasok ang mga may pass na ang dulong numero ay 5 at 6. Ang kay Daniel, 21764. Mukhang magiging smooth lang ang lahat para kay Daniel. Yun ang akala niya.
Bukod sa quarantine pass, naghahanap ang militar ng isa pang ID para ikumpirma ang pagkakakilanlan ng bawat isa. Ikinagalit ito ng mga tao pero anong laban naman nila sa mga armado? Sinuwerte naman si Daniel dahil hindi lang isa ang dala niya, kundi tatlo. Buti na lang marami pang espasyo ang kaniyang wallet para mapaglagyan nito. Pinauuwi ang hindi sumunod sa biglaang patakarang ito.
Lumapit ang isang sundalo kay Daniel para inspeksyunin ang kaniyang quarantine pass. Ang tantiya ni Daniel, tatlong pulgada ang lamang nito sa tangkad pero di naman hamak na mas malaki ang katawan niya. Medyo marumi na ang kaniyang face mask pero di maikukubli nito ang tapang ng kaniyang mukha. Sa mata pa lang nito, mukhang magkamali ka lang, ipuputok niya sa iyo ang dalang niyang M-16 rifle.
“Boss, patingin ng quarantine pass mo?” usisa ng sundalo.
Kalmado lang si Daniel na pinakita ang kaniyang quarantine pass.
“Bakit ganito pangalan mo? Bakit apat ito?” seryosong pagtatanong ng sundalo.
“Iyan po talaga ang pangalan ko, Sir” pagkumpirma ni Daniel Lucas Sarmiento Buenaventura.
Ang sumunod na dito, kailangan nang maglabas ni Daniel ng kaniyang ID. Pagalit na itong nirequest ng sundalo. Nilabas ni Daniel ang kaniyang PRC ID, ang company ID, ang ID niya sa graduate school. Nang tumugma ang lahat ng impormasyon, ibinalik ng sundalo kay Daniel ang lahat ng ID. May diin ito sa kamay niya. Hindi na nagtanong pa ang sundalo at tumungo na iba pang mamimili.
Pinapasok na si Daniel sa palengke. Muli siyang tumingin sa kinaroroonan ng mga sundalo, nakangisi. “Akala mo, ha!”
Matiwasay na nakauwi si Daniel mula sa kaniyang pamimili ng mga rekados para sa ginisang tahong na uulamin sa buong araw. Pagdating niya sa bahay, dumiretso siya sa kusina at inilapag ang mga pinamili. Inalis niya ang quarantine pass sa kaniyang leeg. Isinabit sa pader katabi ng isa pang reserbang quarantine pass.
14 Mayo 2020
As usual, nakatengga na naman ang bus na sinakyan ko sa Quiapo para antayin na naman na makapuno ito ng pasahero. As usual, trapik na naman dahil unang Biyernes ito ng buwan. Napakahalagang araw ito para sa mga deboto ng Nazareno. Araw ito ng pagninilay. Araw ito ng panalangin. Araw ito ng paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan.
Sa wakas at ayon sa konduktor na sobrang nanglilimahid na ang damit ay tatlo na lang daw ang inaantay.
Maya-maya pa isa na lang daw ang inaantay. At mukhang ang matandang babaeng hirap-hirap sa pagbubuhat ng kaniyang bagong biling imahen ng Birheng Maria habang may hawak na rosaryo ang kukumpleto sa bilang.
Dahang-dahang hinanap ng matandang babae ang kinaroroonan ng nag-iisang upuan na nakalaan para sa kaniya.
Biglang umandar ang bus.
Nawalan ng balanse ang matandang babae at sa pagkabigla’y nasabi nitong, “Ay, putang inang kabayo!!!”
Nakatingin ang lahat ng pasahero sa kaniya habang tinutulungan siya ng konduktor na makarating sa kaniyang upuan.
15 Mayo 2016
Lungsod Parañaque
Palagi kasi akong naglalakad sa hapon. Nagmamasid sa mga tao sa daan. Tinigtignan ang mga puno at mga bulaklak sa daan. Kinikilala at binabati ang mga barangay tanod, tricycle driver, pati na ang mga panadero at nagtitinda ng binatog. Minsan napapansin ko rin ang mga asong kalye na kilala na ako dahil dati ay tinatahulan ako, ngayon ay nilalapitan na lang at parang nakikipaglaro.
Napapadaan din ako sa prutasan. Wala akong pakialam sa prutasan kundi ang makabili ng sampiling na saging, o melon, o kaimito, o pakwan. Pero nitong nakaraang buwan, napansin ko ang binatang tindero nito. Makisig at may mapungay na mga mata. Bago ako umalis noong nakaraang Linggo patungong ibayong dagat, bumili ako sa kanya ng pakwan. Namili ako kung sa bilog na tig-100 ang isa o sa oblong na tatlong piraso sa P100. Pinili ko ang oblong. Pumili ako ng tatlo. Ibinalik niya ang isa at sinabing hindi ito maganda. Kumuha siya ng isa pinitik-pitik ito at tila tinimbang sa kamay. Nakikilala niya ang pakwan sa kanyang pagpitik at pagsapo sa bigay nito. Iniabot sa akin ang tatlong oblong na pakwan. At saka ko inilagay ko ito sa aking eco bag, nang iabot pa niya ang isa pang pakwan sa akin. "Sir, para sa iyo ito. Babalik ka. Suki na kita ha." Nakangiti siya at saka ako lumakad palayo yakap ang mga pakwan ni Kuya sa may kabigatang eco bag.
Makatas at matamis din naman ang pakwan dito sa Japan, pero nangungulila ako sa ating sariling pakwan. At kahit nasa ibayong dagat na ako, naaalala ko pa rin ang pakwan ni Kuya.
“The train to Baclaran is approaching. Parating na po ang tren papuntang Baclaran. Iwasan lang po nating tumapak sa pulang linya.”
“Blumentritt Station na po.”
Kanina pa ako nakatayo sa platform ng LRT. Noong una ay nag-iisa lang ako pero maya-maya lang parang kasingkapal na ng kilay ko ang mga tao. Ang hangin na masarap pang samyuin kanina ay naging amoy maaasim na. Kakaiba ang araw na ito. Kahit na malapit ng matapos ang katanghalian marami pa ring tao ang nagsisiksikan.
“Warning buzzer na po. Huwag na po nating piliting sumakay para maiwasan ang disgrasya.”
Hindi ko nga namalayan na nasa loob na pala ako ng tren. Natulak na naman ako paloob. Hindi ko na ata mabilang kung ilang beses itong nangyari. Iba na naman ang gumawa ng desisyon para sa akin. Ilang beses na rin kasi akong naitulak sa mga bagay na hindi ko gusto. Naisip ko nga na parang isang pagsakay sa LRT ang buhay ko. Gaya ng pagsakay na lang sa istasyon ng Blumentritt na ang tatay ko ang may sabi. Dito niya ako inihahatid at hindi sa Monumento na mas malapit sa aming bahay. Mas mura raw kasi ang bayad simula sa Blumentritt at malapit din sa daan niya papuntang trabaho. Parang mga taong nagsisiksikan at pilit na sumasakay sa tren ang tatay ko sa akin.
“Maganda ang kursong Economics. Maganda ang may business degree. Dapat maging praktikal ka. Mas madaling makakahanap ng trabaho sa kursong yan. Itigil mo na yang pagkuha-kuha ng litrato. Wala yang maitutulong sa kurso mo. Gastos lang yan Tapos na ang usapang ito.”
Sa LRT ay mga lugar kung saan ka dapat sumakay at bumaba. Maging sa istasyon mismo, may lugar na dapat katayuan habang naghihintay ng tren at ngayon nga may iba pang lugar para sa mga babae. Sa buhay ko wala pa akong nagawang desisyon. Lahat ay pre-determined, kung baga.
“Carriedo Station na po.”
Hay!Carriedo na pala. Ang paboritong istasyon ko. Pagbaba mo kasi, nandoon ang kalye ng Hidalgo. Isang maikling kalye ng tindahan ng mga kamera, film, at iba pang gamit tungkol dito. Kahit na gusto kong bumaba ay hindi pwede dahil may klase pa ko.
Maganda si Ma’am. Prof ko siya sa Public Finance. Yung tipong pwedeng gawing modelo. Ang sarap niyang kunan ng litrato. Matangkad at seksi kaya nga maraming nag-eenrol sa klase niya. At isa na ko dun. Kasi naisip ko, hindi na nga ako masaya sa kurso ko, dapat lang siguro na humanap ako ng paraan para makabawi. Ang hirap talaga kapag hindi mo magawa ang mga gusto mo. Yung tipong nandyan na yung pagkakataon pero may sagabal. Ang hirap parang hindi ka makahinga.
Pero masaya naman sa klase niya kasi mabait at matalino si Ma’am. Dahil sa kanya ay masipag akong pumapasok at mag-aral nang mabuti. Yun nga lang, dapat susundin mo ang mga patakaran niya sa klase. Magaling siyang magturo. At sa boses niyang para kang hinehele, di ka talaga magugulat na lahat ng estudyante sa klase niya ay seryosong nakikinig.
“Class, ano nga ba ang opportunity cost?”
Sabay-sabay na nakita sa ere ang kamay ng mga kaklase ko. Dapat ako rin pero napatingin ako sa bintana. Hapon na pala. Lumulubog na si Haring Araw. Napakaganda at napakamapangyarihan talaga niya. Naisip ko tuloy para siyang si Ma’am. Parang kapag nagkatinginan, kayo dalawa na lang kayong tao sa mundo. Isa-isa niyang tinutunaw ang mga tao sa paligid niya. Sa mapula niyang mga sinag naaalala ko ang mga pisngi at labi ni Ma’am. Ang sarap ng pakiramdam. Kaya naisip kong dukutin siya. Kailangan ko siya ngayon. Mukhang malamig siya. Siguro dahil malamig sa loob ng silid. Hindi, dati-rati naman kapag naramdaman ko ang init kapag hinawakan ko siya, pareho kami ng pakiramdam. Siguro siya ang natatakot para sa aming dalawa ngayon. Kasi mali ito. Hindi ito ang tamang pagkakataon. Pero parang hindi ko na kaya. Hindi ako makahinga…
Klik! Klik! Klik!
“Ms. Graciana Pagaduan ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na di pwede yang camera mo sa klase ko. Lu….”
Para akong binatukan ng tatay ko sa lakas ng sigaw niya. Ang dating matamis niyang tinig ay parang pumutok na labintador sa aking tenga. Pero bago niya matapos ang sinasabi niya tumayo na ako. Ako naman ang gagawa ng desisyon para sa sarili ko. Dinampot ko ang bag ko at lumabas. Bukas sa Monumento ako sasakay at bababa sa Carriedo.
Umuulan.
Kitang-kita mula sa kanyang bintana ang mga kulay abong ulap na marahas na nagdidilig sa kanyang paligid. Mabilis ang lagaslas ng tubig sa nagtataasang mga pader na nakapalibot sa kanilang siyudad. Buong buhay ni Ayanis, hindi pa siya nakakakita ng dumadaloy na buhay na tubig maliban sa ulan at tubig gripo. Sa araw-araw na ginawa ng Bathala, kung hindi nasa hardin si Ayanis upang pagmasdan ang kanyang mga halaman, ay nasa silid lamang ito tinuturuan kung paano maging susunod na tagapamuno ng lungsod. Mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang mga magulang ang paglabas sa kanilang tahanan lalong-lalo ang magtanong tungkol sa lupain sa kabilang bahagi ng pader.
Bagamat walang ideya sa pisikal na anyo ng kanilang siyudad, pamilyar si Ayanis sa kanyang komunidad sa pamamagitan ng mga litrato. Kaya naman mahigpit na pinagbabawalan ang sinumang malalapit kay Ayanis, partikular ang kanyang mga guro, na huwag itong kukuwentuhan ng mga bagay na makikita sa siyudad, lalong-lalo na sa mga nasa likod ng pader na bumabalot sa lungsod.
Marami-rami na ring mga guro ang dumaan kay Ayanis ngunit lagi niya itong pinapapalitan dahil sa tingin niya ay wala naman siyang natututunan at dahil na rin sa hindi pagsagot sa kanyang mga katanungan. “Ano ang makikita ko sa labas ng pader? Saan nanggagaling ang tubig sa gripo? Lahat ba ng lupa sa mundo ay patag? Saan nanggaling ang mga pader na nakapalibot? Bakit ito itinayo?” ilan lamang iyan sa daan-daang katanungan ni Ayanis na hindi pa rinnabibigyang kasagutan.
Paulit-ulit na nagkakaroon ng bagong guro si Ayanis at sa pagkakataong ito, bata at mukhang katatapos lang mag-aral ng bago niyang guro. Habang tinuturuan siya ng kanyang bagong guro na si Ikapola ng mga tungkol sa bituin sa kalawakan, hindi na napigilang itanong ni Ayanis ang kanyang mga kuwento na kailanman ay hindi pa nasasagot.
“Alam mo, Ayanis. Maski sino ay hindi pa nakakatawid sa kabilang bahagi ng pader maliban sa dumadaloy na tubig papasok ng ating komunidad,” sagot ni Ikapola sa kanya.
“Totoo bang merong – ? ”
Hindi pa nabubuo ni Ayanis ang kanyang katanungan ng biglang tawagin ng kanyang mga magulang si Ikapola. Sinundan sila ni Ayanis at nakita niyang kinakausap ng kanyang ina’t ama ang kanyang guro. Hindi niya naririnig ang kanilang sinasabi. Tango lamang nang tango ang kanyang guro. Maya-maya pa ay kinuha na nito ang kanyang mga gamit at tumungo na palabasng kanilang bahay.
“Saan po pupunta si Ikapola?” tanong ni Ayanis.
“Simula ngayon hindi na babalik si Ikapola para turuan ka.”
“Bakit po?”
“Sinuway niya ang kaisa-isa naming utos.”
Inis na inis si Ayanis dahil sa ginawang ito ng kanyang mga magulang. Naglakad padabog ang bata. Isa-isang tumulo ang luha ni Ayanis habang naglalakad palayo sa kanyang mga magulang. Lalong nainis nang maalala niya ang kawalang kasagutan ng kanyang mga tanong na lalo lamang nadadagdagan habang lumilipas ang panahon. Pumalahaw ng iyak si Ayanis pagdating sa kanyang silid. Nais niya lamang ay kasagutan sa kanyang mga katanungan para sana sa kanyang kaarawan kinabukasan.
“ Kung kailan malalaman ko na sana ang mga kasagutan, naudlot na naman. Wala na atang ibang paraan kundi ang sariling pagdiskubre,” aniya sa sarili.
Kagaya ng bumubuhos na malakas na ulan ang pagbaha ng luha sa pisngi ni Ayanis dahil sa inis. Dali-daling siyang lumabas sa kanilang bakuran kung saan nakikita niyang naglalabas-pasok ang kanyang mga naging guro. Nagulat siya na hindi man lamang siya nahirapan na makalabas sa kanilang tahanan. Walang kahirap-hirap niyang sinimulang baybayin ang daan papunta sa komunidad na dati ay sa larawan niya lamang nakikita.
Pagdating sa lugar na sa tingin niya ay ang merkado, nakaramdam si Ayanis ng pagkamangha at takot. Bago ang lahat sa kanyang paligid. Unang beses niyang makakita ng napakaraming tao, ng samu’t saring mga prutas at gulay, at iba’t ibang gusali.
Naglaro ang mga mata ni Ayanis dahil sa mga makukulay na telang nakasabit sa mga gusali. Abala rin ang mga tao sa pagsaboy ng asin sa kalsada habang sumasayaw. Dahil sa mahaba-habang lakarin, kumalam ang sikmura ni Ayanis, dahilan na rin sa pagod. Nang may makita itong gumulong na bayabas na dala-dala bilang alay sa isang altar, luminga-linga muna siya bago sundan ang gumulong na prutas. Nang mahawakan ang bayabas, may isa pang kamay na nakahawak dito. Isang batang kagaya niya. Hinigpitan niya ang hawak sa bayabas, gayundin ang ginawa ng kanyang katunggali. Hanggang sa palakas nang palakas ang kanilang paghihilahan at tuluyang hindi nagwagi si Ayanis. Tatakbo pa lang sana palayo ang bata nang mahawakan ito ni Ayanis sa kanyang paa.
“Kung maaari lang sana ay makikagat ako, maski isang beses lang,” nanghihinang sambit ni Ayanis.
Hindi rin siya natiis ng bata at tinulungan siyang makatayo nito. Dinala siya ng bata sa likod ng isang gusali sa merkado kung saan may gripo. Doon ay uhaw na uhaw na sumalok si Ayanis ng tubig upang inumin at ihilamos. Iniabot ng bata kay Ayanis ang prutas upang hugasan at kaagadnaman itong ginawa ni Ayanis.
“Bago ka rito ngayon lang kita nakita. Anong pangalan mo?” tanong ng bata.
“Ayanis ang pangalan ko at oo, unang beses ko palang dito,” sagot ni Ayanis.
“Saan ka galing? Mulek naman ang pangalan ko.”
“Kung alam mo iyong bahay sa malapit sa pader ng mga siyudad, doon ako nanggaling,” turo ni Ayanis.
“Ah, ikaw pala yung batang nakatira roon?”
Tumango si Ayanis na ngasab nang ngasab sa bayabas na kanina’y pinag-aagawan.
“Bakit? Anong meron kung ako ang batang nakatira roon?”
“Nagturo kasi ang kuya ko roon,” sagot ni Mulek.
“Sino ang kuya mo? Ano ang kanyang pangalan? Hanan? Mayari?”
“Si Ikapola. ‘Yung gwapo kagaya ko.”
Nanlaki ang mga nagliliwanag na mata ni Ayanis dahil sa narinig.
“Kapatid mo si Ikapola? Maaari ko ba siyang makita?”
“E, kinuha mo na ngang bayabas ko, papasama ka pa sa akin para pumunta kay kuya.”
“Sige na! Pakiusap.”
“Dapat may kapalit!”
“Ano bang gusto mo?”
“A, hindi ko pa alam. Basta may isa ako sa iyo a.”
“Oo sige! Pangako! Basta samahan mo lang ako na makita si Ikapola.”
Malayo-layo ang nilakad ng dalawa ngunit hindi batid ni Ayanis ang pagod.
“ Sa wakas magkakaroon na ng kasagutan ang aking mga katanungan.” batid ni Ayanis sa sarili.
"Kuya! Nakauwi na po ako!" pagbati ni Mulek nang makarating sila sa bahay nila.
"Ang aga mo a at may bisita ka pa – teka, A-ayanis, ikaw ba iyan? Tama 'di ba?"
"Opo."
"Mulek, paanong magkakilala kayo?"
"E, nakita ko siyang palaboy-laboy sa merkado. Hinahabol iyong prutas na alay kay Aman Sinaya. Nabanggit kong kapatid kita at magkilala pala kayo. E gusto ka raw niyang makita."
"Paano kang nakalabas, Ayanis?"
"Gusto ko po talagang malaman ang mga kasagutan sa tanong ko kaya po tumakas ako."
"Ikaw talagang bata ka. Mulek, ituro mo kay Ayanis ang banyo at pahiramin mo siya ng damit pagkatapos ay ihahatid natin siya pabalik."
"Pero...Ikapola, masama po bang magtanong at malaman ang mga kasagutan?"
"Gusto mo ba talagang malaman?
Tumango si Ayanis na parang mababali na ang kanyang leeg.
Sinimulan nang ikwento ni Ikapola ang mga nalalaman niya tungkol sa kabilang bahagi ng pader. Wala raw pinag-iba ang kabilang bahagi, may mga komunidad, may mga tao na katulad din nila, may mga gusali, may mga hayop, at kung ano pa ang meron sa kanilang lupain. Ang pinag-iba lamang ay sa likod ng mga pader, may mga kaguluhang nangyari na hindi nila nararanasan sa kanilang komunidad. Sinasabing pinoprotektahan daw ng mga pader ang komunidad sa paglaganap ng kasamaan na wala sa konsepto ng kanilang mga kababayan. Ngunit, darating daw ang araw na guguho ang mga pader dahil sa paghampas ng alon ng mga karagatan dahil sa pagbabalik ng sinasabing sugo ng kasamaa na matagal na raw hinihintay ng Aman Sinaya, ang diyosa ng karagatan. Sa takot ng mga mamamayan sa komunidad, inaalayan ng asin at sayaw si Aman Sinaya tuwing kapistahan nito na nangyayari ngayong linggo. Sa lagay na ito, maski si Mulek ay masinsinan na ring nakikinig sa kuwento ni Ikapoli. Manghang-mangha si Ayanis sa kuwentong narinig na sa tingin niya ay kasagutan sa kanyang mga katanungan.
"Sa likod ng mga pader, naroon ang mga karagatan, malalalim na anyong tubig na maalat, na pinagmumulan ng mga isdang pumapasok sa ating mga katubigan dito sa komunidad. Sa mga bukal sa kabundukan, matataas na anyong lupa na hugis tatsulok kung titignan, nanggagaling ang tubig na iniinom natin at nakukuha natin sa ating mga gripo. Marami ring ibang hayop na sa labas lamang makikita kagaya ng mga tigre, unggoy, oso, at marami pang iba. Kakaunti lang ang nakaaalam ng kwentong ito dahil maski sino, wala pang may alam kung sino ang sugo ng kasamaan at walang sinuman ang gustong mapahamak ang kanilang komunidad," patapos na kuwento ni Ikapola.
"Nasagot ko na ba ang mga katanungan mo, Ayanis?"
"Opo pero po may paraan po ba para makita ang tanawin sa likod ng pader?"
"Sinasabing sa gitna ng kagubatan ay merong mataas na puno na kapag inakyat ay makikita mo ang kalawakan ng kabilang bahagi."
"Ay kuya alam ko iyan, minsan naming nadaanan ang punong iyon nang nag-aral kaming mangaso. Napakalaki at napakataas!" sabat ni Mulek.
"Malapit lang ang kagubatan na pinagtitirikan ng puno. Sinasabing wala pang nakaaakyat sa punong nabanggit," dagdag ni Ikapola.
"Puwede nating puntahan para naman e makita mo ang paraan para makita ang kabilang bahagi maski hindi mo na ito mismong makita."
Pumayag si Ayanis at kaagad din ay umalis sila tungong kagubatan.
Nang marating ang gitna ng kagubatan, nakita nila roon ang pinakamalaki at pinakamataas na puno. Hinawakan ito ni Ayanis para maramdaman ang sa tingin niya ay koneksyon ng kanilang komunidad sa kabilang bahagi. Napaupo si Ayanis matapos hawakan ang puno.
"Para bang may bumulong sa akin nang hawakan ko ang puno. Magtungo raw ako sa pader at doon ay mahahanap ko raw ang lahat ng kasagutan."
Kumaripas ng takbo si Ayanis na para bang alam na alam niya ang direksyon na kailangan niyang tahakin. Mabilis na tumakbo rin sina Ikapola at Mulek para habulin si Ayanis sa kanyang tinatahak na direksyon.
“Ngunit hindi mo maaaring malaman ang mga kasagutan, ano pa ang maaaring mangyari kung makikita mo ito?” sigaw ni Mulek sa tumatakbong si Ayanis. Umulan. Nang marating ni Ayanis ang pader, tila may hinahanap ito.
"Makikita ko raw sa basang bahagi ang kasagutan, ang paraan para makita ko, natin, ang kabilang bahagi ng pader."
Patuloy sa paggalugad sa pader si Ayanis. Hindi na siya maintindihan nina Ikapola at Mulek. May nakapang lubog si Ayanis kung saan tugmang-tugmang nailapat niya ang kanyang mga kamay. Lumakas ang ulan at tila yumanig ang lupa. Nakarinig nang malakas na pagragasa ng tubig ang tatlo na siyang ikinatakot ng magkapatid ngunit para bang wala lang ito kay Ayanis.
Sa harapan nila unti-unting gumuho ang pader at rumagasa ang tubig papasok sa kanilang komunidad.
"Kay tagal kong hinintay ang iyong pagbabalik, Ayanis." bati ng isang nilalang na hugis tao ngunit binubuo ng tubig.
"Ako si Aman Sinaya, ang diyosa ng karagatan. Matagal kang itinago sa komunidad upang mapreserba ang inyong lugar mula sa kasakiman ng mundo ngunit dumating na ang panahon para magpantay ang lahat," sabi nito.
Tulala at takot ang magkapatid sa nasaksihan. Nakatingalang parang wala sa tamang katayuan si Ayanis ngunit mapapansin din na naiintindihan nito ang sinasabi sa kanya ng diyosa.
"Kay tagal kong hinintay ang pagbabalik mo at narito ka na nga sa araw na iyong kaarawan. Halika!" paanyaya ni Aman Sinaya.
Unti-unting nilamon ng tubig si Ayanis kasabay nang pagbagsak ng mga pader na pumapalibot sa kanilang komunidad. Dahil sa pagpasok ng labis na katubigan, bumaha at nasira ang kanilang komunidad. Nadungisan ang mga gusali, nalunod ang mga hayop at halaman na parehong pinaghirapang itayo ng mga taong naninirahan dito. Nagsimulang mag-away away ang mga tao dahil sa kakulangan sa pagkain dala ng pagkamatay ng mga hayop at pananim. Nagkamali ang mga pinuno ng komunidad na protektahan si Ayanis, sa halip, dapat ay pinrotektahan nila ang komunidad mula sa kanya. Nilulon nang buong-buo ng mga alon ang dati ay kanilang paraiso. Nagsimula ang kaguluhan.
Walang natira kundi alat.
1
“Susuko na ako! Wala akong kasalanan! Hindi ko siya pinatay!” Bumasag sa katinuan ko ang nakakabulag na liwanag. Dalawang halogen light ang itinutok sa mukha ko. Narinig ko ang tining ng silbato. Papalapit sa akin ang isang matipunong lalaki, madilim ang kanyang mukha. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay. May hawak siya, tila isang baril. Isang baril. Isang baril…
2
Ang kanyang kariktan ang bumihag sa akin. Nakatitig ako sa balingkinitan niyang katawan. Naglalaway ang mga mata ko sa suot niyang blusang itim at maiksing pulang palda. Natural lamang ito para sa akin na namulat sa mundo ng pagsinta at paghanga sa pamamagitan ng pagtitig. Hanggang tingin lamang ang kaya ko. Subalit nagkataong lumingon din siya sa akin habang sinisipsip niya ang Frappe na inabot sa kanya ng barista sa Starbucks. Napahiya ako. Alam kong namula ang mukha ko dahil kabisado ko na ang sarili ko. Madalas nang nangyayari ang ganito.
“Pare, torpe ka talaga! Ha ha ha. Tingnan mo hitsura mo sa salamin para kang namumulang kamatis!” Kantiyaw sa akin ng barkada ko noon matapos akong irapan ng crush kong si Grace noong kolehiyo pa kami. Ngunit imbis na si Grace ang isipin ko, naaalala ko ang aking iniwang mga magulang at mga kapatid. Ang ganitong nilay ang nagpapanumbalik sa akin sa katotohanan, sa realidad ng aking buhay. Hanggang narinig ko ang mga kantiyaw.
“Puro ka kasi titig! Walang mangyayari sa iyo kung yan lamang ang gagawin mo!”
Alam kong namumula o namumutla ako dahil sa bawat tibok ng puso ko ay siya namang talas ng tingin ko habang wala pang kamalay-malay ang babaeng pinagmamasdan ko. At kung unti-unting napapalingon ang babaeng bihag ng paningin ko, gayun naman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Naririnig ko ang dagundong ng tibok. Nararamdaman kong nag-iinit ang buo kong katawan at mistulang nakikipaghabulan sa isip ko ang aking testosterone at konsensiya. Nagsimula ako sa ulo, sa buhok niya. Apple cut ang gupit niya na bagay sa oblong niyang mukha. Maputi siya, kasingputi ng labanos. Nagkukulay rosas ang kanyang pisngi habang naririnig ko ang nakakahalina niyang pagsipsip sa mamahaling kape. Mahahaba ang mga pilik-mata na tila ng isang manyika. Maliit ang ilong at mapula ang labi. Kumurap ang kanyang mata. Nakita ko iyon. Isa, dalawang beses at bigla siyang lumingon sa akin. Milisegundo iyon. Nakatitig pa rin ako sa kanyang hindi ako kumukurap habang siya’y bumaling sa dakong uupuan niya. Bumalik ang nakaraan.
3
“Alam mo Mike guwapo ka sana. Matalino ka. Masipag. Marami namang nagkakagusto sa iyo. Ba’t kasi hindi mo igala ang paningin mo?”
Nagdadawalang-isip akong magsalita. “Anong ibig mong sabihin Kriscel?”
“Malapit na ang graduation natin, Enero na ngayon Mike at hanggang ngayon wala ka pa ring girlfriend!”
“Wala pa akong napupusuan.”
Tumawa nang malakas ang kaklase ko noong 4th year high school pa ako. Tawang mapang-alipusta o tawang binalutan ng kutya o pagtataka.
“Corny mo! Tumingin ka sa akin!” Tumingin naman ako sa kanya, kinakabahan ako sa susunod na mangyayari at maririnig.
“Ako ba, hindi mo gusto?” Bumuka ang bibig ko pero hangin lang ang lumabas, walang mga salita.
“Mike, gusto kita! Crush kita! Mahal kita! Nauunawaan mo ba ang sinasabi ko?”
Lalo akong nanigas sa mga narinig ko. Hindi ako sanay. Hindi ko alam kung paano biglang mawawala sa sandaling iyon. Gusto kong matunaw, mag-evaporate, mawala na parang bula subalit hindi ko magawa. Hanggang sa nakaisip ako ng paraan.
“Kriscel, matagal na tayong magkaibigan. Gusto kita…” hinawakan ko ang mga kamay niya. Inialala ko ang mga baduy na pelikulang napanood ko sa pag-iibigan. Kailangan kong humugot ng isang eksena, kailangan ko ng grand exit sa tagpong iyon.
Inulit ko pa, “gusto kita…!” At sabay ko siyang hinalikan sa labi. Limang segundo iyon at simula noon tila naangkin ko na ang paraisong pangako ng ligaya. Kumalas ako’t napayuko. Subalit alam kong naghihimagsik ang ninakawan ko ng halik. Bumubulong ang isip niya—naririnig ko, nakikiusap. Balikan mo ang mga labi ko! Halikan mo akong muli!
Nanliit ako sa aking sapantaha dahil baka naman hindi. Nakaupo kami noon sa tig-isang silya sa loob ng klasrum ng practical arts. Tago ang silid na ito dahil nasa dulo ito ng taniman ng mga pechay at compost pit. Naroon kami para magplano sa aming huling proyekto sa klase. Wala pa ang iba naming kagrupo. Naghihintay kami.
Unti-unti kong inangat ang aking ulo at tumingin sa mukha niya. Nakita kong kagat-kagat niya ang kanyang labi. Namumula na ang kanyang pisngi. May kung anong kislap ng bituin ang kanyang paningin. Ilang sandali pa’y nakita ko ang dalawa niyang kamay na kumilos para dakmain ang aking magkabilang pisngi. Nasindak akong idinutdot niya ang kanyang labi muli sa aking labi.
Naramdaman kong dumaloy ang init ng aming halik sa pamamagitan ng nag-iiskrima naming mga dila’t tumatalamsik na laway mula sa aming mga bibig. Ang init ng aking katawan ay parang nag-aalborotong bulkan na sasabog anumang sandali.
Nakapikit siya na parang nasasarapan samantalang ako’y dilat na dilat at gulat na gulat. Tumagal ng ilang minuto’y kumalas ako. Ginamit ko ang aking dalawang kamay, hinawakan ko ang kanyang dalawang braso at itinulak siya nang kaunti upang bumitiw ang mga labi’t dilang mahigpit na nakatali. Yumuko ako uli ngunit alam kong nagliliyab ang mga mata niya sa galit dahil naudlot at nabitin ang pagnanasang baka hindi na maulit.
Hindi na nga…Winika ko ang pangalang…Kriscel…
Ang katumbas nun para sa kanya’y isang nakakabinging sigaw…Kriscel…
Hindi na kailangang magpaliwanag pa kung ano ang ibig sabihin noon. Bumaling ako sa kanya at sinulyapan siya. Nakita ko muli ang nagmamadali niyang kamay—ang kanyang kanang kamay na mas mabilis pa sa bilis ng kulog at kidlat. Tumama ang nagliliyab niyang palad sa kaliwa kong pisngi.
Muli, ang tinig kong…Kriscel…
Tumayo siya sa silya at nagdudumaling umalis.
4
Mahaba-haba na rin ang aking tinahak. Tititingnan ko ang aking mga kamay na magagaspang habang nakabitiw ako sa manibela ng aking kotseng Jaguar. Mamahalin ang aking suot na maong at polo shirt. Nananabik ako sa mga sandaling iniisip ko ang narating ng aking pagsusumikap. Nakahinto ako habang naghihintay ng go signal sa kahabaan ng Commerce Road sa Filinvest City. Ako’y tatlumpu’t isang taong gulang na binata. Masasabi kong naabot ko ang aking mga pangarap. Nahigitan ko ang hirap ng lumipas. Naiahon ko ang aking sarili sa lusak. Ambisyoso ako. Mapanlinlang sa negosyo. Kailangan maging tuso na parang lobo. Kailangang maging bibo tulad ng kuneho. Kailangang maging mabangis tulad ng leong handang lumapa’t magtistis. Kailangan iyon dahil unahan ang labanan sa pagsakmal ng leeg ng iyong mga kaaway at maski kaibigan sa ngalan ng kompetisyon at tubo. Kung hindi ka marunong nito, hindi ka aasenso. Lalamunin ka ng sistema, ng kabulukan, kahungkagan at kalabisan ng paraiso. Oo, lahat tayo’y naghahanap ng paraiso—sumusuot tayo sa pang-araw-araw na pakitang-tao upang mabuhay sa mundo. Tumutulay tayo sa alambre sa utos ng laksa-laksang tinig ng tahanan, lipunan, pamahalaan at simhaban. Nagugutay tayo bilang tao mula ulo hanggang paa at ang masaklap sa sanlaksang tinig na iyon, walang makikinig sa iyo. Kung kaya’t napagtanto ko na ang paraiso kong pilit abutin ay siya mismong aking lilikhain. Akin lamang iyon—akin ang tuwa, tawa at ligaya. Akin muna. Di ba’t may kasabihan—matuto ka munang mahalin ang sarili, bago magmahal ng iba. Hindi magandang may kahati sa paraisong hinahabi. Ako ay iisa, bulong ko sa sarili. Ako ay nag-iisa, makasarili.
Lantad ang mga kalyo at ilang paltos sa hintuturo ko dahil sa kakadutdot sa keyboard. Laging pasmado ang aking mga palad dahil ito ang karugtong ng aking utak. Malikhain ako kung kaya’t nagustuhan nila ang I-Apps na inimbento ko. Isa itong social media apps tulad ng Facebook ngunit nahigitan ko na ito. Kinuha ko ang features na maganda at mabenta ng ibang social media platforms. Ginaya ko sila. Bumuo ako ng sarili ko. Pinag-aralan ko ang merkado nila. Naglabas ako ng konting salipi at hinikayat ang mga bagitong programmer na sumali sa akin. Isa akong matinik na software developer.
Maraming beses na akong nabigo sa kung ano talaga ang gusto kong mangyari sa aking buhay. Minaliit ng maraming kompanya noon ang aking kakayahan. Binasura nila ang aking mga ideya. Tinanggal ako sa trabaho. Anim na beses akong papalit-palit ng mapapasukan. Ang hindi nila alam, kumukuha lamang ako ng karanasan. Balang araw, patataubin ko silang lahat at iyon nga ang naganap.
Malayo ang kursong kinuha ko sa kolehiyo sa kinalapagan kong larangan ngayon. Isa akong millennial at dahil diyan kabisado ko ang pasikot-sikot sa mundo ng Internet. Nilikha ako nito at nililikha ko rin ang mundong ito. Balang araw, maaangkin ko nang lubusan ang teritoryong ito ng cyberspace tulad ng ginawa nina Bill Gates, Mark Zuckerberg at ang idolo kong si Steve Jobs. Pero ngayon masaya na akong batambatang multi-millionnaire. Tech genius, cut above rest, crème ala crème.
“Good morning! Mr. Mikhail San Bartolome, C.E.O of I-Apps Inc., your destination is Malaya Subdivision. It is a 5 minute drive from your current position.” Bati sa akin ng aking mamahaling Global Positioning System.
Hindi pa rin kumukupas ang ganda ng Alabang. Nasusuka na ako sa Makati. Masikip na ang dambuhalang sirkus na iyon na matagal ko nang tawag simula pa noon. Doon ang aking kabiguan, dito naman sa Alabang ang aking tagumpay. Dito’y sariwa pa ang hangin. Malalawak pa ang bakanteng lote. Matataas na ang mga palm tree na sinabuyan ng maliliit na ilaw na kumukutikutitap at nagsasayaw ang kislap kung gabi. Nakahilera ang matatayog na gusali na himpilan ng mga buwakaw, buwaya at buwitre. Habang binabagtas ko ang kalsadang papunta sa Malaya, makikitang nag-jo-jogging ang mga expat na Kastila, Amerikano at Hapon. Nagbibisekleta ang ilang Filipino. Naghaharutan sa daan ang mga tinedyer.
Sa loob ng subdivision, bubulaga sa iyo ang naglalakihang kastilyo ng mga Buena Pamilya, Alta de Sociedad, Mga Anak ng Diyos, Mga Negosyanteng Sumasamba sa Ginto, Pilak at Dolyares at Mga Hari at Reynang Politiko. Lahat sila’y narito, malayang-malaya, malayong-malayo sa mundong magulo. Sa bungad ng subdivision, tatambad ang kinamumuhian kong malapad at mataas na trangkahang rehas. Gated community. Hindi ko alam kung silang nasa loob ang nakakulong o ang ibang nasa labas na ordinaryong mamamayan na naiinggit na pabulong-bulong.
“Good morning, sir! Welcome to Malaya Subdivision,” bati sa akin ng security guard nang ibinababa ko nang bahagya ang aking power window. “Saan po ang punta ninyo?”
“Kina Ms. Fuentes, Grace Fuentes.” Iba na ang naka-on duty sa trangkahang ito nang huling bumisita ako rito kagabi. Hinatid ko ang babaeng matagal ko nang hinahanap. Siya ang kalahati ng aking buhay. Siya ang nagbigay sa akin ng saysay para magpunyagi’t maging lubos na mayaman. Siya na ang kapalit ng pag-ibig ay sadyang salapi, luho, rangya at kinang ng diyamante. Nagkita kami kahapon, nagkatitigan hanggang maka-one night stand ko siya sa kanyang pugad sa pusod ng subdivision na ito.
Kahit kaya kong bilhin ang isang bloke ng subdivision, hindi ko kayang tumira sa malaking bahay na butiki at ipis lamang ang kasama ko. Nasa penthouse ako ng pinakamagara at mamahaling high-end condominium sa Filinvest City.
Habang binabagtas ang kahabaan ng Sanrival Street, bumabalik sa alaala ko ang babaeng kasama kagabi. Uminom kami ng Chivas Regal. Nakatatlong kristal na baso ako ng alak nang simulang naduling na ako’t mag-init ang kaibuturan ng aking mortal na katawan.
5
Kumatok ako nang ilang ulit. Nag-door bell ngunit walang nagbubukas ng pinto. Alas singko na ng hapon tulad ng napagkasunduan namin kagabi. Kaninang umaga ay nagmamadali akong umalis dahil magpipirmahan ng kontrata para sa isang malaking joint venture sa pagitan ng aking kompanya at Noodles.com ng bansang Gran Britanya.
“Bumalik ka mamayang hapon Mike, dito uli sa aking bahay.” Bulong niya sa akin. Tumango-tango lamang ako.
Pinihit ko ang door knob at madaling nagbukas ang pinto. Iginala ko ang aking tingin sa sala at sofa, lumakad nang kaunti at narating ang kusina. Wala siya. Tahimik ang buong bahay. Umaakyat ako ng hagdan. Tatlo ang silid at ang dalawa’y guest room na lamang. Ang master’s bedroom sa gawing hilaga ang silid ni Grace.
“Grace, I’m back! Nandiyan ka ba?” Walang sumasagot. Bigla na akong kinabahan. Sorpresa ba ito? Bubulagain ba ako at hahagkan na tila isang sabik na sabik na dalagang makakaulayaw muli ang binatang kanyang kasintahan.
Pinihit ko ang door knob. Unti-unting bumukas ang pinto. Dahan-dahan ang pagtulak ko nito. Nakita ko ang maputing talampakan niya. Nasilayan ko ang makikinis na binti. Nakasuot siya ng itim na midnight dress, bakat ang balingkinitan niyang katawan sa damit. Nilapitan ko siya. Gigisingin ko sana. Ngunit ang midnight dress nagpalit ng hitsura ng aking makilates. Nagkaroon ng puting stripes na pahaba. Matingkad ang imahen na iyon sa aking isipan. Natauhan akong bigla. Nakadilat ang mga mata ni Grace. Umaagos ang dugo mula sa kanyang bibig. Sa malambot na kamang balot na balot ng puting kumot, naglalawa ang dugo sa likuran niya. Nagulat ako. Nasindak sa nakita. Natakot. Niyugyog ko ang katawan niya at bumalot sa aking katawan ang pagkabalisa. Niyakap ako ng hilakbot. Hinagkan ako ng panghihinayang. Wala nang buhay si Grace. Sino ang may sala? Sino ang kumitil ng kanyang buhay? Bakit siya pa ang kailangang mamamatay ngayong natagpuan ko na siya?
Niyakap ko ang wala nang buhay na katawan ni Grace. Pinupog ng halik habang humihikbi. Ngunit iba ang isinukli sa akin. Kinumutan ako ng malagkit na dugo mula sa malamig nang katawan ni Grace.
Sa ibaba’y kumatok sa pinto ang ilang estranghero. Malalakas na katok.
“Tao po! Mga pulis kami!”
Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. Tumakbo ako sa lababo at naghugas ng mukha ngunit wala nang panahon. Hinihila ng aking dalawang paa ang buo kong katawan. Kailangan akong tumakas kung hindi’y kalaboso ang hahantungan ko. Sinulyapan ko muli ang duguang itim na damit na may puting stripes. Masamang imahen, malas na pangitain. Sa pinto sa likod, agad akong kumaripas ng takbo. Walang tigil ang pagtakbo ng maliksi kong mga paa na tila may sariling hininga. Hinihingal na ako. Hanggang sa bumalot sa aking paningin ang nakakasilaw na liwanag. Pumunit sa tainga ko ang nakakabinging tunog ng silbato. Huli na ang lahat, dito na ako magtatapos. Nag-flashback ang lahat mula sa aking alaala. Napakatulin ng bawat sandali. Isang iglap wala nang saysay ang salaysay ng diwa ko. Wala na, wala na.
6
Ipinarada ko ang Jaguar sa tapat ng malaking bahay ni Grace. Siya na lamang ang nakatira rito nang magpasyang manirahan at magnegosyo sa ibang bansa ang kanyang mga magulang. Wala siyang kapatid. Ang akala ko noo’y meron ngunit mali pala ang aking haka-haka. Noon pa man malakas na siyang babae. Noon pa man, ambisyosa na siyang tunay. Nagbalik ang ilang sandali matapos ang pagniniig namin kagabi. Magkatabi kami sa malaki niyang kama, hubo’t hubad kami.
“Mike, masaya ako at natupad mo ang pangarap mo.”
“Wala yun, sinuwerte lang talaga ako.”
“Wag mo akong bolahin dahil sa hitsura mo pa lang, sa bawat sulyap o titig mo sa akin, alam kong marami ka nang ibubuga at ipagyayabang. Hindi ka na ang lalaking torpe. Hindi ka na ang patpating nasa tabi-tabi.”
“Naalala mo pa ba yung mga panahong iyon? Bakit pa? Ang mahalaga’y nagbago na ako. Mayaman na ako. Hindi na mahalaga ang lumipas. Kaya ko nang bilhin ang gusto ko. Kaya na kitang ibigin.”
“Ha ha ha. Iyan ba talaga ang tingin nyo sa akin. Ang bilhin ang puri ko.”
“Iyan ang iyong binitawang mga salita sa maraming nanunuyo sa iyo hanggang sa isa-isa mo silang binigo. Tulayang naging sawi sila sa pagsungkit ng iyong matamis na oo.”
“Napakamakata ng iyong pananalita. Kasama ba yan sa pagbili mo sa akin?”
Hindi ako makasagot.
“Pero bakit ka nawala? Saan ka nagpunta? Hinanap kita. Pinangarap. Pinaginipan gabi-gabi.”
“Ikaw ang nagsabi, hindi na mahalaga ang lumipas. Pero Mike may aaminin ako sa iyo. Mamaya mo malalaman kapag nagbalik ka na. Unahin mo muna ang kontrata.”
Hinalikan niya akong muli habang nasisipag-awitan sa bintana ang mga pipit na ibon ng bukang liwayway.
7
Naalala ko pa sa aking gunita ang lumbay at takot mula sa nakaraang di marunong magtaksil sa akin dahil maya’t maya akong inuusig ng masaklap na alaala. Kaya nitong ipaamoy sa iyo ang baho ng lumipas, ipakita ang itinatagong lihim na tumatarak sa akin na parang punyal at saka sasabuyan ng katas ng dayap. Labindalawang taon ako nang ako’y gustong bilhin mula sa tunay kong mga magulang. Dukha ang Itay at Inay ko. Isang kahig, isang tuka kami. Labing-apat kaming magkakapatid na nanlilimahid sa dungis at putik. Patpatin kaming mga bata na tila pinagkaitan ng tadhana, pinagsakluban ng langit at lupa. Wala kaming sapin sa paa at dalawa o tatlo lamang ang pamalit-damit namin kaya’t di uso sa amin ang maligong may sabon o yaong may pinapahid na bumubulang likido sa ulo na tinatawag nilang shampoo. Mas aatupagin ng aking amang kaminero ang bumili ng sardinas o itlog kaysa makita kaming gumagamit ng mga luhong pampaligo. Magbabad na lamang daw kami sa ulan dahil taglay nito ang lamig at ginhawa ng kalikasan.
Nakatira kami sa Estero-Loob na pinuputakte ng tagpi-tagping bahay na yari sa samutsaring basura ng lungsod, sa Lungsod Paraiso. Kapag nariyan na ang delubyo, kalahati ng pagmamay-ari namin na napulot sa tabi-tabi at sangkapat ng kabahayan sa Estero-Loob na binurdahan ng yero, kahoy, gulong, plastik, sako, karton, tabla at adobe ay magbabalik-loob sa pusod ng lungsod. Raragasa ang baha sa kanal na umaapaw na, sa aspaltong kalsada hanggang sa bakod nila, sa loob ng bahay dahil walang patawad ang naghihiganting baha’t basura. Wala ring patawad ang kalikasan sa mga balahura, salaula at pabaya. Iisa ang wangis ng Lungsod Paraiso at Estero-Loob—sa mata ng delubyo pantay-pantay ang lahat, walang mayaman at mahirap.
Dumating sila nang humupa na ang delubyo at nang numipis na ang mga ulap dahil lumisan na ang bagyo. Nagkalat kaming dukha sa pinaghatirang panandaliang masisilungan sa Mababang Paaralan ng Estero-Loob. Tatlong araw kaming tulala. Subalit doon ko nakita ang pag-asa habang naririnig ko ang alimura at pagkutya ng matatandang dukha sa pamahalaang pabaya at walang pagsinta sa aming walang-wala.
Hindi sila. Hindi silang tagapagligtas ko. May awa ang Diyos!
“Ano ang pangalan mo hijo?” tanong ng babaeng nakapusod ang buhok na may malalaking hikaw na kumakalembang sa magkabilang tainga niya.
“Sinta ko, baka matakot sa iyo ang bata.” Pabirong banggit ng matipunong lalaking katabi ng babae. Ngumiti lamang ang galanteng babae.
Nabato-balani ang maraming bata. Lumapit din ang tatlo kong kapatid na babae. Nakatitig kami sa dalawang nilalang na tiyak naming magdadala ng mabuting mensahe at mga pahatid-tulong na tubig, bigas, sardinas at instant mami. Nakasunod sa kanila ang press dahil ang galanteng babae’t lalaki ay mga artista sa pinilakang tabing.
“Palimos po! Penge po ng makakakain!” nagkokoro ang mga paslit, iwinawasiwas ang pinggang gawa sa lata at kutsarang di na tuwid.
Tumingin ako sa kasama kong mga bata. Nakaramdam ako ng panibugho. Ayaw kong magmakaawa sa harap ng pag-asa. Ayaw kong tumulad sa kanila na hangad lamang ang sandaling grasya at barya. Lalo akong naghimagsik nang isa-isang haplusin ng galanteng babae ang buhok ng mga batang babae.
“Kilala n’yo ba si Ising?”
“Sino pong Ising?” sabat ng batang lalaking apat na taong gulang na walang salawal.
“A, si Aleng Ising? Si Ginang Irish Suzette J. San Bartolome?” Pagtutuwid ng babaeng galante.
Lumukso ang tibok ng puso ko. Kilala ko ang binanggit niyang pangalan.
“Si Inay po ang hinahanap ninyo?” Naunahan ako ng tatlo kong mga kapatid na babae.
Ito na ang pagkakataon ko. Lumapit ako sa harap nila at bago yan ay hinawi ko ang isang batang lalaking patpatin na mas mataas sa akin, ang isang bilugang batang lalaki na di aakalaing sa tambakan ng basura naglalagi at ang tatlo kong kapatid na mga babae.
“Tama po, si Inay po siya! Pero hindi po Aling Ising ang palayaw niya kundi Aling Susing.”
“Ganoon ba, hijo!” Napalitan ng higit pang galak ang kanyang mukha. “Nasaan siya? Nasaan si Susing?”
Tumungo kami sa silid ng Grade 3 ng paaralan na naging evacuation center. Kasama ng tatlumpung pamilya, sa munting silid na iyon kami lahat ipinilit na magkasya. Daig pa namin ang nagsisiksikang sardinas sa lata. Tinitiis naming mahirap ang aming kalagayang mahirap. Subalit may hangganan ang lahat. Ayokong manatiling mahirap hanggang sa pagtanda ko. Ayoko nang maging dukha, inaapi-api, dinudusta-dusta at pinagmamakaawaan ng mayayamang may pilak sa bibig at ginto sa leeg.
“Inay! Inay! Inay!” Sabay-sabay naming tawag na magkakapatid habang nagluluksong tinik kami papunta sa mga taong nakahiga, nakahilata, nakaupo, nakapamewang at nakatanghod sa dalawang bisitang kumikinang sa tapat ng pinto.
“Nandoon si Inay na batbat ng pawis, dungis at lunggati ang mukha. Nakasampay sa balikat niya ang labakara. Naroon din si Itay na nakatulala sa kisame, nagbibilang ng butiki. Nasiraan ng bait si Itay sabi ng aming mga katabi. Nabaliw ang Itay dahil sa di niya kayang buhayin ang labinlimang taong nakasandig sa kanyang nagmumurang bisig.
Kaminero si Itay sa umaga hanggang gabi. Walang tigil siyang nagwawalis sa kahabaan ng Kalye Lawiswis. Ito ang kalsadang nagdudugtong sa Lungsod Paraiso at Estero-Loob.
Sabi niya sa amin: “Mga anak, konti na lang at makapagwawalis na ako sa mahabang kalsada ng Lungsod Paraiso. Konting tiis na lang mga anak at masasaklaw ko na ang maalikabok na Kalye Lawiswis.”
Ito ang madalas niyang ipinagmamalaki sa amin. Masaya ang aking mga kapatid. Sa kanila’y ginhawa na iyon. Sa kanila’y pag-asa na iyon. Ngunit isang malaking kahunghangan ang mangarap ng munti. Hindi porket mahirap kami, wala na kaming karapatang mangarap nang malaki. Limang taon pa lamang ako noon subalit alam kong isang kabaliwan ang inaasam na pag-asa ni Itay. Buong buhay niya’y nagwalis lang siya nang nagwalis sa marungis na kalsada sa Estero-Loob. Kasingrungis ng pinakamarungis na taong grasa si Itay. Hinahayaan niyang higupin ng katawan niya’t balat ang dumi ng mga kalsada. Hindi lamang libag, alikabok, putik, grasa at dumi ng tao ang bumabalot sa buong katawan niya kundi ang pasibo niyang pagtanggap sa kahirapan bilang bahagi kung sino siya. Oo, nabubuhay si Itay na walang pangarap dahil kung meron man para lamang iyon sa ikaluluwag ng aming sinturon sa buong maghapon. Ngunit bukas o makalawa, maghihigpit uli ng sinturon, matututo muling mamaluktot ng kumot, magtitiis muli sa dinildil na asin at ipagpasaDiyos na lamang ang lahat, ang lahat-lahat kahit alam kong kami-kami lamang ang nakakarinig ng aming panaghoy at panalangin.
Oo, aaminin kong nabubuhay si Itay na kinamumuhian ko nang lubos. Naisip-isip ko, hindi ako magiging katulad niya. Sabi ng matatanda: “Nalamigan ang tuktok niya!” Sabi ng ilan: “Hindi siya sanay sa tubig, takot siya sa tubig at nang inanod siya’t binaha ay laking gulat niyang hinarap ito.” Naghihinagpis din kami dahil nalunod ang aking lola, lolo, tiyo at tiya. Inanod sila ng baha sa estero at si Itay ay walang ginawa, nagawa.
“Hindi niya matanggap ang kamatayan sa pamilya. Nasa yugto pa siya ng matinding pagkagulat. Hindi pa nahihimasmasan. Baka hindi na bumalik ang dating katinuan.” Iyan ang sabi-sabi ng marami.
Hindi kaya ng aking binatilyong isip na uriin ang kalagayan ng aking amang nasiraan ng bait. Subalit batid kong may natitira pang bait at kabaitan sa kanya. Hindi tulad ng maraming nagtitiis sa hirap ng buhay, sa bigwas ng pagsubok, sa hampas ng kalunos-lunos na suliraning pinansiyal na susuungin ng libo-libong dukhang kababayan ko, ang aking ama’y malaya na. Nakapuga na ang kanyang isip. Lumikha na siya ng matayog na moog upang hindi na mabatid ang dusa at hirap na hatid ng karukhaan. Nandoon siya sa madilim na sulok ng kanyang isip. Ngingiti, tatawa, sisigaw, pupulahaw ng iyak. Minsan magigising siya, minsan matino siya. Sa dalas ng minsang iyon, nagiging delikado siya.
Nagkita sina Inay at ang galanteng babae at lalaki. Masugid na fan si Inay ng babae. Subalit tumanggi si Inay. Huwag daw ngayong nagluluksa kami. Huwag ngayong nasiraan ng bait ang kanyang kabiyak. Huwag ngayong kinuluban ng pighati at kamalasan ang buong pamayanan. Subalit dinamdam ko ang pangyayaring iyon dahil simula’t sapul noong limang taon pa ako, gusto ko nang magpaampon at maghanap ng bagong pamilya.
“Pasensiya na ma’am. Sa susunod uli. Babalitaan ko kayo,” sabi ng aking Inay.
Napaiyak ako sa galit at panghihinayang. Maghihintay akong muli.
8
Todo ang gulping inabot ko sa aking Itay nang malaman niya ang katotohanan. Nagbalik minsan ang kanyang katinuan. Minsan nagsasalitang mag-isa sa kalye habang nagwawalis nang walang puknat, buong araw, buong magdamag. Siya na raw ang pinakamasipag na kaminero sa buong Pilipinas. Baliw lang daw ang gagawa nun tulad ni Itay na walang kapares.
Ginulpi niya ako dahil makasarili raw ako. Hindi ko raw inisip na baka nagugutom na ang mga kapatid ko. Hinagupit niya ako ng sinturon. Ilang ulit ang hagupit sa aking puwet. Binigwasan niya ako sa balikat. Kung hindi pa siya inawat ni Inay baka pasa-pasa na ang aking mukha.
“Anong pumasok sa isipan mo at kinupit mo pa ang pera!” Isang malakas na tapik sa braso ang kasunod.
“Magsalita ka, Miguel! Ang bata-bata mo pa’y gahaman ka na! Magsalita ka! Anak ng put…” Hinablot ni Inay ang nagliliyab na kamay ni Itay. Nagtalo silang dalawa habang nakatingin ang labintatlo kong kapatid. Para silang nanonood ng sabong sa pagitan ng tandang at sisiw. Si Inay ang kristo. Ang mga kapatid ko ang mga piping usisero habang ginugutay-gutay ng sinturon ang aking likuran. Naisip ko noon na bigyan sila ng softfdrink at popcorn. Labintatlo silang mga piping huwes.
Ang aking kasalanan: pinambili ko ng hair gel na nakapaketa ang sampung piso mula sa ibinigay ni Itay na dalawampung piso. Binili ko pa rin naman ang limang pirasong pandesal. Ngunit sa dukhang tulad namin, walang kapatawaran ang pagkupit. Sa Itay kong habambuhay na naglilinis sa Kalsada Lawiswis, limampung piso ang katumbas ng isang oras niyang pagwawalis. Sa kanya’y parang inapi ko rin ang oras ng kanyang hanapbuhay.
Naririnig ko pa rin silang nagtatalo. “Ano ka ba naman, Badong! Sampung piso lang naman ang hiniram ng anak mo! Noong isang linggo pa niya kailangan ang gel na yun para sa sabayang pagbigkas sa kanilang paaralan!”
“Hindi ako nagpapalaki ng anak para mangupit! Mahirap tayo pero unahin muna niya ang bituka ng pamilya! Hahayaan ba niyang tumirik ang mga mata ng mga kapatid niya para lamang mapagbigyan siya sa lintek na gel na yan!”
Nagwagi si Itay, nanaig ang malalim at malakas niyang boses. Humihikbi na si Inay, hindi tinanggap ang kanyang katwiran. Samantala, tila mga tuod ang labintatlong huwes. Bawal ang umusal o magdasal kapag naghahari-harian si Itay. Walang diyos sa bahay kundi siya lamang.
Sa sobrang galit ni Itay sa akin, kinaladkad niya ako. Piningot niya ang aking tainga at dinala sa labas ng bahay. Sinundan ako ng tingin ng labintatlong huwes. Kinuha ni Itay ang plastic na drum na walang lamang tubig dahil may butas na ito sa gilid. Itinaklob sa akin. Kinalog ito nang paulit-ulit. Kinalabog, kinabog, nabulabog ang aking konsensiya’t budhi. Konti na lang at sasabog na ang aking dibdib dahil sa galit. Gusto kong maghimagsik subalit nanaig ang paninindak ni Itay sa akin.
“Lintek ka, Miguel! Sa susunod na gawin mo pa yan, palalayasin na kita sa bahay na ito!”
Naririnig ko pa ring umiiyak ang aking Inay. Nanlumo ako sa aking sarili at sa sampung piso kong krimen. Natakot ako sa dilim. Gumapang sa aking paningin ang dilim. Pinigil ko ang aking pag-iyak at nagtanim na lamang ako ng higit pang galit. Alam kong maling sumpain si Itay. Alam kong kasalanan ang sumuway sa magulang. Ngunit pababayaan ko bang pati ang pang-aapi’y magmula sa barong-barong namin? Pababayaan ko bang maging pipi, bulag at bingi ang mga taong malapit sa akin? Dahil sa takot o dahil duwag silang lahat? Lagi kaming ginugutay ng sinturon at sindak kapag nagkakamali kaming magkakapatid, lalo’t higit sa akin. Pumihit ako sa loob ng drum at nakita ko ang sirit ng liwanag.
Sumilip ako sa butas at nakita kong lumuluha na ang aking mga kapatid. Umalis na uli si Itay para magwalis sa Kalye Lawiswis dala ang pag-asang bukas o makalawa ay mararating na niya ang Kalye ng Paraiso para doon naman magwalis.
Naisip ko ang pagtatanghal sa klase. Naisip ko ang aking buhok na may gel mula sa sampung piso kong krimen. Nakasilip ako sa butas ng drum at dito nagsimula akong matakot sa masikip na pangitain. Maghahasik na ng himagsik ang aking isip. Ayaw kong nakapinid. Ayaw kong ako’y nasisikil. Ayaw kong di maabot ang aking panaginip.
Binuhat ko ang drum at saka initsa ito sa daan. Hindi ako lumingon sa kanila. Tumakbo ako nang tumakbong sumisinghot-singhot ng uhog na may luha. Sa kahabaan ng makitid, masikip na eskinita ng Estero-Loob, matulin kong pinaspasan ang aking pagtakbo upang lisanin ang kalsadang pinanatiling malinis ni Itay. Nakatanghod sa akin ang marami pang bulag, pipi at binging huwes.
Matulin ang aking pagtakas sa salasalabat na bituka ng looban habang sumisinghot-singhot ng uhog kong may pait ng luha. Nakita ko si Itay na nagwawalis sa dulo ng Kalye Lawiswis, malapit na niyang marating ang inaasam-asam niyang Lungsod-Paraiso. Alam kong isa pang makitid na silid ang landas na iyon. Singhot, pahid, hikbi at takbong humahagibis. Winakasan ko ang natatanging landas na alam ng lahat. Lumingon ako sa gubat at doon ko tinahak ang bagong landas sa aking pagtakas. Sa masukal na gubat nasumpungan ko ang isang malaking palasyo ng galanteng mag-asawang gustong umampon sa akin. Sa gubat na ito naging lobo, kuneho at leon ako.
9
Si Grace ang kaklase ko sa kolehiyo na kasing puti ng labanos, kasing bango ng bagong pitas na bulaklak, kasing ganda ng diwatang di maipinta ng sinumang mortal na pintor. Maraming lalaki ang nagkakagusto sa kanya at ang iba’y nababaliw, nauuto at nalilinlang ng kanyang mapanghusgang ugali.
“Sorry…may pangarap ako sa buhay. Gusto ko ng mayaman, gusto kong mabibili ng mangingibig ko ang nais ko. Gusto kong binubusog ako ng regalo—yung tsokolate, mamahaling leather bag, gadget, mga abubot at bling-bling!” Madalas niyang ibinubulalas ito sa amin. Ambisyosa raw siya sabi ng mga kaklase naming babae. Madalas nilang pintasan ang ugali ni Grace ngunit hindi ang kanyang taglay na kagandahan.
“Inggit lang kayo, kasi ang papangit ninyo!”
Wala siyang malapit na kaibigan dahil ang sukatan niya’y kayamanan mo o kaya’y papuri sa kanyang maladiyosang kagandahan. May mga lalaking anak ng mayaman o galing sa buena pamilya na nanligaw sa kanya buhat sa ibang seksyon o kaya’y iba ang kurso at minsan pa nga’y iba ang kolehiyo.
Sasabihin niya: “Sorry pero di ako pumapatol sa trying hard! Wala kayong ibubuga. Hindi kita type! Dinner lang sa Sofitel, hindi mo kayang magbayad! Paano na kaya kung magkasintahan na tayo?”
“Ang arte mo naman. Buti nga nililigawan ka pa? Ang papa ko ang may-ari ng Mondragon Katol, Mondragon Softdrinks, Mondragon Coffee! Di ba gusto mo ng mayaman?”
Umiiling-iling lamang ang ulo ni Grace sa mahabang litanya ng lalaki.
“Ako ang pinakamayamang estudyante sa kolehiyong ito!”
Tumawa nang tumawa si Grace ng marinig ito. “Hindi ka mayaman, wag kang mayabang!”
“Anak ng pating! Anak ako ni Don Severino Mondragon!”
“Oo alam ko, alam naming lahat! Ngunit ang ama mo ang mayaman at hindi ikaw!”
Kitang-kita ng marami ang namumulang mukha ng lalaki. “#*^%! ka! Magkano ka ba?”
“Hindi mo ako masisindak! Kilala ng buong kolehiyo ang ugali mo! Winawaldas mo lang ang kayamanan ng ama mo sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay!”
“Oo, tama katulad sa iyo! Sa walang kakuwenta-kuwentang katulad mo!”
“Mas pipiliin ko pa ang di hamak na working student na marunong mag-ipon at nakakabili ng mahahaling cellphone mula sa kanyang kinikita. Samantalang ikaw, nakaasa ka lang sa ipinagmamalaki mong kayamanan!”
Hindi makaimik ang lalaki. Natigalgal siya sa katotohanan. Tumayo ang lalaking galit na galit. “May araw ka rin!” Tuluyan na siyang umalis.
Gusto ko ang tapang ni Grace. Nabighani ako sa pilosopiya niya sa buhay. Tumimo sa isipan ko ang mga salitang binitawan niya sa canteen habang kinukutya niya ang pinakamayamang estudyante sa aming kolehiyo. Pinagtitinginan siya ng mga babaeng estudyante na nagtsitsismisan sa kabilang mesa. Lalapit na sana ang security guard subalit takot siyang mabalingan ni rich boy.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang ganoong tapang ng babae. Nagkataon lamang ba na maganda siya? Napapaikot niya ang mundo at ang mga lalaking nasisilaw sa pisikal niyang anyo. Naglalaway kami sa kanya ngunit tila mayroon siyang kalasag na di nakikita na di namin kayang tanggalin o sirain.
Hanggang titig lamang ang kaya ko. Alam kong hindi ko siya mahahalikan tulad ng ginawa ko kay Kriscel. Oo si Kriscel na una kong halik. Si Kriscel na mahiwagang nagpaalam sa akin ng sampal.
Si Grace ang dahilan kung bakit ako nagpunyagi at nagsikap na yumaman. Babae ang dahilan, pagsinta ang nasa kaibuturan. Subalit naghiwalay ang aming landas dahil sa mahiwaga niyang paglisan. Walang nakakaalam kung saan siya nagpunta. Bigla na lamang siyang nag-alsa balutan.
Nagtapos ako ng kursong Malikhaing Pagsulat sa kilalang pamantasan. Balang araw hahanapin ko siya at pasasalamatan. Balang araw susuklian niya ng pag-ibig ang dati kong mga titig.
10
Takot akong naisisilid palagi. Galit ako sa makikitid na silid. Kailangan kong umalpas, kumawala para labanan ang takot sa isip. Kailangang kong sumalunga sa kadiliman ng silid, isip at pananahimik. Nais kong lumaya na.
Papalapit na ang lalaki sa akin. Itinaas na niya nang lubusan ang kanang kamay niya. Iwinasiwas ang baril, nasisilaw pa rin ako sa nangangalit na liwanag.
“Cut! Cut!”
“Direk, good take!”
“Nasaan na ang producer? Teka, kausapin muna siya. Ipaliwanag ang reality TV!”
Umiikot sa harapan ko at pabalik-balik ang maraming tao sa tabi ko. Anong reality TV? Sino kayo? Ano ang ginagawa ko rito?
“Ahem, congratulations sir! At kayo ang nanalo sa reality TV. Matapos ang higit labinlimang taon, kayo ang nagtagumpay!
Nagkalat pa rin ang dugo sa aking katawan. Hindi ko makita ang kanilang mga mukha dahil sa nakakasilaw na halogen light. Binilang ko silang lahat. Labintatlo silang natatarantang pabalik-balik sa harap ko.
“Sir, nanalo kayo ng limpak-limpak na salapi!”
“Hindi ko kailangan ang salapi ninyo, mayaman ako. Hindi ninyo ba ako nakikilala?”
“Yes sir, contestant kayo rito sa Lungsod Paraiso Reality TV.”
“Ikaw, ikaw ang galanteng lalaki? Ikaw ang umampon sa akin? Ikaw ang daddy ko, nasaan si mommy?”
Nagtawanan ang labintatlong tao na nasa harapan ko. Lumapit ang isang babae. “Ako ang executive producer ng show na ito at ang ganda ng reyting ng palabas natin. Biruin mo tumagal tayo ng ganoon!”
“Hindi! Hindi! Hindi ito totoo! Multi-millionaire ako! Nandoon ang Jaguar ko, sa World City Condo ako nakatira. Ako ang CEO ng I-Apps! Ako si Mikhail San Bartolome!”
“Yes, tama lahat iyan ayon sa script!”
Umiling-iling ako.
“Anong kagaguhan ito? Niloloko ninyo ba ako? Mga putang ina ninyo? Lumayas kayo sa harap ko!” Ngunit mga nakakaasar lamang na tawa ang isinukli nila sa akin.
Sa di kalayuan, binuhuhat ng 2 paramedic ang bangkay ni Grace. Lumabas ang isang kamay niya’t kumaway sa akin.
“Congratulations, sir! Ito po ang talent fee ninyo.”
Inabot sa akin ng galanteng babae ang tseke at nakasulat doon ang 200 milyong piso. Ito ang sumatotal ng aking deposito sa bangko. Ito mismo ang halaga ng net assets ko. Walang sabi-sabi’y lumapit sa akin ang matipunong lalaki na may hawak na clapper board. May stripes na itim at puti ang disenyo ng clapper board. Pangitain na naman uli. Hinampas niya yon sa aking ulo.
11
Nawalan na ako ng ulirat.
12
Dumilat akong nasa loob ako ng puting parisukat na silid. Nakahiga ako sa kama. Nakatingin siya sa parisukat na bintana ng bakal na pinto. Isang rehas na kuwadrong bintana. Itim, puti, itim, puting bakal ang kulay ng rehas.
Nakasuot ako ng puting pantaas at puting pantalon. Sumasakit pa rin ang aking ulo. May naririnig akong tawanan ng mga bata sa labas ng parisukat na silid. Subalit napansin ko ang isang parisukat na salamin sa gilid ng silid. Natigilan ako, nagulat ako nang makita ito. Basag ang salamin. Sa bawat lamat o hati ng salamin, nakikita ko sa repleksyon ang isang lalaki, ang isang babaeng duguan ang mukha, ang isang babaing kagat-kagat ang labi, ang iba’t ibang hitsura ng kanyang guniguni. Nagbalik-alaala sa akin: ang paghimok sa akin ng mga umampon sa akin na sundin ang gusto nila kapalit ng rangya at yaman. May bago silang programa sa telebisyon at limpak-limpak na salapi ang kapalit kung papalarin silang kagatin ng masang manonood na umaasa sa madaliang pagyaman, pag-ahon sa kahirapan. Sa isang kondisyon—papasok ka lagi sa maliit na kuwadradong silid. Walang pinagkaiba ito sa pagsilid sa akin ni Itay lagi sa drum—madalim, masikip, masakit sa dibdib. Ang pag-asa ko’y sumilip sa maliit na butas ng liwanag habang ako’y lumuluha.
13
Sa loob ng maliit na silid, narinig kong muli ang masasayang biruan at usapan ng mga bata mula sa labas. Tumayo ako at lumapit sa bintana. Ngumiti ako. Lumapit ako at nakita ko ang labintatlong kerubin at ibang mga anghel. Sa dako paroon, malapit sa nakakasilaw na liwanag, naaaninag ko ang isang aninong nagwawalis. Walang puknat na nagwawalis, walang puknat na nagwawalis papalayo sa Kalye Lawiswis.
Nagsimula sa pagbunggo-bunggo sa balikat at paghagod-hagod sa batok. Pumapalag ka. Nagpapakita ng tapang.
“Pag may umagrabyado sa’yo ng isang beses, pwede sabihing naunahan ka lang. Pag hinayaan mong maulit, katangahan na.”
Naalaala mo. Hindi matapos-tapos ang bilin ng iyong ina habang papunta kayo sa airport.
“Kumbakit naman kasi ke rami-raming bansa sa mundo sa lugar pa ng mga Arabo ka mamamasukan.”
Nauwi sa paghimas-himas sa likod ang paghagod sa batok. Sa paghaplos at pagpisil sa mga braso.
“Daming balitang nangrereyp ng katulong ang mga Arabong ‘yan. ‘Wag mo hayaang maunahan ka. Dapat listo ka palagi.”
Dumadakma na ang kamay sa didbib. Umaabot na sa pagitan ng iyong mga hita.
“Basta, mag-iingat ka lagi. Tandaan mo, hindi kita pinalaking duwag at tanga. Matuto kang ipagtanggol ang sarili mo.”
Hindi na tao ang tingin mo sa kaniya. Hayup na siyang aaligid-aligid sa iyo. Hanggang sa tuluyan kang sagpangin ng hayok na hayup. Walang nagawa ang lakas mo.
“Hindi kita pinalaking duwag at tanga. Matuto kang ipagtanggol ang sarili mo.” Naalala mo ang bilin iyong ina.
Isang hatinggabi, nang tangkain ng hayop na sagpangin kang muli, inunahan mo siya. Mahigpit ang hawak mo sa duguang kutsilyo.
Naririnig mo ang iyong ina, “Pag may umagrabyado sa’yo ng isang beses, pwede sabihing naunahan ka lang. Pag hinayaan mong maulit, katangahan na.”