Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Mga kakailanganin sa paglalakbay:
kahandaan sa haharaping mundong may katangiang kung tutuusin ay gaya rin naman ng mundong ginagalawan—sa batas na umiiral at sa kung paanong ang paglabag ay naayon sa kung sino ang tagapamalakad
paglipat/lapat ng sarili sa ibang mundo—ang iyong kakaniyahan ang palaging bitbit sa bawat mundong pupuntahan, at ikaw ay magiging isang imaheng iiral sa pamayanang malayo ngunit hango sa katotohanan
mga sangkap sa pakikibaka—tamang sandata, tamang paraan ng pagpapalit-palit ng kagamitan, tamang dunong, tamang pakiisa
Mga hakbang:
Una, kailangan mong maging isa
sa kung sino ka sa Minecraft;
yakapin mo ang kahon-kahon mong katawan
at maglakbay ka sa bukas na mundong
ikaw mismo ang bubuo
at ikaw rin ang wawasak.
Pangalawa, galingan mo ang pagtuklas
sa iba’t ibang mundo ng Roblox;
palayain ang sarili at hayaang itong
magkalas-kalas
kapag nahuli ka ni Granny,
dahil ikaw ay mabubuong muli.
Pangatlo, istratehiya ay pag-igihan
sa mga sundalong kalaban
sa Call of Duty, may tawag ng pananagutan
sa pedestal ay maging kaunahan;
kung hindi man, babawi ulit
parang Hesukristong mabubuhay magmuli.
Pang-apat, anuman ang kapuntahan
dala-dala mo ang mga natutunan;
ang mundong teknolohikal, bago mong tahanan
at sa bawat batas na iyong sinusunod
at sa bawat layunin ay kailangang magpatianod
dahil hindi ka na lamang basta manonood.
Panglima, mag-iwan ka palagi
ng maliliit na mùmo sa bawat dadaanan
dahil kapag ikaw ay tuluyang nilamon
ng mundong likha ng pinagtagni-tagning mahika
ang daan pabalik ay isang kawalang
hindi na muling matatagpuan.
Unang Pagsusuri
Sapin-saping buntonghininga sa mala-bulawang hardin.
Sinisiga ay ilang upos na basyo ng sigarilyo
—ilang basyong nagtatago sa lupang tigang.
Kalayaan, kasarinlan, independencia.
Ilang ulit sinasagasaan ng mga panahon
ang bayan ng San Lorenzo
matapos huling bumisita ang tala
na malimit magpakinang
sa aming baryo.
At noo'y binansagan kaming
mga makata sa lipunan ng bukang-liwayway
sa kabila ng aming kapansana't karamdaman.
Kami daw ay mga makata
at kami ay nagalak dahil sa kaming naging kapakipakinabang.
Pero, iba na ngayon.
Kung dati-rati ay di kami iba sa sarili naming bayang mahal,
ngayo'y banyaga na ang turing sa amin ng lipunan.
Mga diyos na daw ang pagkakilala namin sa aming mga sarili't
napapaibabaw na sa mga tala ang aming mga paninindigan.
At kami'y pinaslang ng katahimikan,
di mabilang na mga panahon ng katahimikan.
May lunas din pala ang ilang malalang karamdaman
sa tuwing nadirinig namin ang tunog mula sa rondalya.
Nadarama ang pagyanig ng paligid
nang dahil sa mga ugong ng banda
at iba pang may kinalaman sa mga awitin
at samot-saring mga instrumento ng sarisaring musika
na wari ay mala-paskong eksena ang galian sa may Tahian.
Pangalawang Pagsusuri
Sa panagimpan dumungaw ang pangarap:
kumukutikutitap na mga diyamante sa langit,
hinahayaan ang pagbuhos ng ulan,
bumubuhos ang higit sanlibong panagimpan.
Sa bukás na bintanà ay may gagambang báhay,
bukás kahit sa paniking nawalan ng kuweba.
Mabuti pa ang báhay ng sa gagamba,
di na kailangan umiyak ng dugo
ang pinapalakol na punong milenyum.
Ayon sa iilang eksperto, ang edad ay may apekto sa paningin.
Ang paningin ay may kakayahang humubog ng pagtingin
sa mga bagay-bagay. Nang dahil sa pagtingin
kung kaya naman ang iba sa atin ay buháy, at
ang iba ay di na humihinga pa.
Mahalaga na mapanatili natin na buháy ang ating sarili,
sa kadahilanang may ilaw ang búhay
na may kakayahang bigyan ng linaw
ang ating paningin—ang linaw na ito ay ang siya mismong
nagpapaliwanag ng iilang paningin.
Imbes na dukutin ayon sa sinaunang karunungan, ay
kagustuhan natin na panatilihing gumagana ang ating
makasalanang mga mata, dahil naniniwala tayo
na ang mga pirasong ito ay mga biktima lamang.
Di sila ang tunay na may sála.
Ang may kagagawan ay nagbabalatkayo
sa iilan sa atin; binulag ang iilan sa atin dahil
may kapangyarihan ang iilan sa kanila
at may kakayahan ang iilan sa kanilang mga makapangyarihan.
Masaklap nito’y higit pa sila sa mga biktima.
Titipa nang titipa sa bawat butil ng rosaryo.
Dadalawin ng insomya kagaya kagabi
kagaya kagabi
kagaya kagabi
kagaya kagabi
kagaya kagabi
kagaya kagabi
kagaya kagabi.
Istetoskop sa kamilya.
Sa kabila ay tigdas.
Sa katabi ay bulutong.
Sa katabi ng katabi ay ketong.
Sa katabi ng katabi ng katabi ay colored T.B.
Black and white sa color blind.
Mula sa kamilya ay di makita ng near-sighted
kung kaya sa MaMag malayang magasin
sumilip ng mapaglilibangan—horoscope—kanser.
Huling Pagsusuri
Fifo. Unang pumasok, unang lumabas.
Lifo. Huling pumasok, unang lumabas.
Higupin ang ubo, giít ng siít.
Unang hakbang, huling hakbang.
Sabayan ang tugtog ng harana
gamit ang mga bituka na siyang mga kuwerdas ng gitara.
Itong tula ay hinihingian ng larawan at edad.
Walang ibibigay na sariling larawan, o edad
dahil ito ang galit, ito ang pangamba.
May lunas man o wala ang karamdamang dinadala
—buhat, pasan, hila, bitbit, kipkip
—nandito ako sa tambayan.
Kagaya ng iba pang mga tambay
—nakahilera, nakatindig, naghihintay.
May sumitsit sa bandang gilid.
Sa may eskinita ang pagpupumilit.
Walang ibibigay na sariling karne—sariwa man o bilasâ.
Napaiilalim ng bilugang Buwan,
Balangay na sinasagwan.
Sama-sama silang mangá samahan, nagpapaulan.
Umuuwa, sanggol habang pumuputok, bulkan;
Mula sa bibig ng bulkan ay tumitilamsik,
Mangá lava;
Gumagapang sa lupa, magma.
Pumuputok, bulkan habang umuuwa, sanggol;
Mula sa bibig ng sanggol ay tumitilamsik,
Mangá gatas;
Gumagapang sa sahig ng balangay, dugo ng inay.
Si Tiyong Go,
Sa gubat sa siyudad,
Ay lumalambitin
Sa mangá naglalakihang mangá sanga
Ng punong balete.
Si Tiyong Ko,
Sa gubat sa siyudad,
Ay nadudulas
Sa mangá pira-pirasong mangá singa
Na nagkalat sa mamasa-masang lupa.
Habang lumalambitin,
Ngumiti si Tiyong Go
Kay Tiyong Ko.
Dalawang tasang kape,
ang naubos ngayong gabi.
Dalawang linggo ba naman kasi,
katabi ang nakarataray na sarili,
sa sakit na hindi naramdaman,
pero kulong dahil "iniingatan"
'di ko lang alam,
'kung ang pera o ang kalusugan.
Sa dalawang araw na lagnat,
at isang minutong ubo,
mas kalaban ang sarili,
sa duda at paghinga,
at sa mga pagsinga.
Ngunit, 'wag mag-alala,
ingatan daw ang sarili,
ikulong, ibulong..
'pagkat bukas gagaling ka!
sa ngalan ng ama,
ng anak, at ng kanilang
resulta..
wala ka nang sakit,
pwede nang pumikit.
Sa gitna ng lagpas-tiyang baha,
nakabalot ako sa sinapupunan ng
kalikasan.
Walang lamig akong nadarama,
kundi, init ng pagyayakap
Ng huling pamamaalam ng inang
Nagdaramdam sa anak na isisilang.
Sa itaas ng kaniyang lalamunan,
umuungol ang hininga,
Umuugong ang kalbong kagubatan.
Sa tuktok ng kaniyang bumbunan,
pinatitindig daluyong ng mga
palalo,
Iniligwak ang trosong mga kabaong
sa daloy ng kamangmangan ng
iilan.
Sa kabilang ibayo, wala na akong
matanaw,
Kung may buhay pang isisilang ang
dayong mga basura.
Sapagkat, nginangata ng
nagngangalit na ngipin ng putikang
tubig
Ang tamis ng nakabukang dibdib
ng aming barangay.
Nagpupuyos ang sigla ng pusikit
na mga along
Humahampas sa murang pader
at riprap,
Unti-unting pinapanawan ng
lakas,
Para ibuyangyang ang mabahong
bituka ng lungsod.
At tingalain ang walang muwang
sa kagandahang
Ipinawis ng nagdedeliryong
kabundukan.
Sa gitna ng siyam-siyam na
habagat,
May lunti ng apdong dumaloy,
Walang pigil na bumagbag ng
nahihimbing na mga puno't
bahay.
Walang awang pinaslang
Di makuwentang mga buhay:
Inosente't mangmang, dukhang
mangingisda't magbubukid,
Pastol at pulubing palaboy,
mayaman;
Mga kahayupan, pagod,
kinabukasan,
At tulay ng mga pangarap.
Isa-isang inanod ng
nagdurugong puso ng Inang
Kalikasan.
Walang madarama sa gabi, kundi,
silang munting mga insekto.
Unti-unting raragasa ang baha,
Sa guwang ng batong binutas ng
isang henerasyon.
Papasok, lalabas sa bago nitong
lagusan.
Maglilinis ako ng masangsang
na kasaysayan, ng pag-iisa sa
buhay.
Nilipasan ng munting harding
may kamote sa aming harapang
natatakpan,
Kung saan, dumadaloy ang
dinarayong kanal.
Sapagkat, ito'y palaruan, ng
tsinelas na kumpit, bangka-
bangkang papel.
Luksuhan ng mga hambog na
tanod-kalikasan.
Sabay sa pag-iisa ng bahay,
naglaho rin ang mga pilat
kahapon;
Di na nakikita ang paglukso ng
kulay-damong tipaklong sa
nakahatag na dahon;
Ang pagtakas ng tutubi sa angil
ng pamalong kalansay na halaman;
Ang pagbaon ng dalawang daliri
sa buto lukab ng nakatigil na
mariposa.
Hindi na rin mapagkumpol ang
mga butiki sa tirador na
lastikong may balang papel o
sumpit.
Sapagkat, laylay na ang kisame
ng pag-iisip
Ng mga kabataang di maitindig
ang sariling tadyang.
Nagsisilaking tagamasid sa
magandang pagsisid ng mga
butete't bulate
Sa lawa-lawaang lupang nawala.
Babaha, at babaha.
Ng alaala sa pagtanda.
At mas malaki sa nakaraan.
Matapos ang baha, babalik ako
sa pag-iisa,
At 'pag malinis na, huhuni sa
tuwa ang naghiganteng bulprag,
Makikiawit ang kuliglig
Sa singit ng nangawakwak na playwud.
Sila ang nalabi, o dumarami sa
buhay at bahay.
hanggang kailan natin maririnig ang panangis ng luha sa mga
larawan? hanggang kailan natin hahawakan ang mga aandap-andap
na kandila sa kadiliman?
ang bawat balita’y obituaryo, ating sitwasyo’y di nagbabago;
higit na sa isang taon tayong ganito laban sa pandemya tayo
ba’y bigong-bigo?
sa ngayon, ganito muna tayo- puso’y pinag-uugnay ng birtuwal
na mundo; magkalayo man sana’y nadarama mo onlayn
pakikiramay at pagmamahal ko.
Minsa'y may nagtalumpati, galing sa bayang tahimik
Pangahas s’ya kung bumirit, sa mga buwaya'y tinik
Lilipulin mga adik, sa isang saglit, 'sang pitik
Siya nama'y tinangkilik, pagka't sa reporma'y sabik.
Tinuring na panginoon, dulot ng tikas at angas
At sa pananalita n'yang nambulabog sa ahas
Salitang s'yang bumatikos, sa simbahan at dayuhan
Salitang s'yang nakabilog sa ulo ng mamamayan.
Salita n'ya rin ang nagbigay, kapangyarihang pumatay
Sa kapulisan ng bayang 'di lang adik ang pinaslang;
Ang poong kinikilala, dugo ang iniluluha
At ang sinomang sumalok, dulot din ay pagkasira.
Hanggang dugo'y maging tinta sa ating pahayagan,
At maging pula ang TV sa labang pinapaspasan
Kung kailangang ubusin ang tingga ng kapulisan,
'Wag lang tuluyang mawala, tiwala ng sambayanan.
Mayro'n raw isang salita, giit ng madlang deboto
Kayang-kaya raw tuparin ng Nazarenong Davaoeño
Tatlo hanggang anim na b'wan, mapagaling itong bayan
Paano't ngayo'y kinapos? Marapat pa bang pagbigyan?
Pagkakataon bang laan dapat na ipagkaloob
Na sa pangako n'yang ito, tayong lahat ay nabilog
Oras na kayang singilin, ang komedyanteng tinuring
Pinagtanggol, pinagtakpan, ng karamihan sa atin?
Kailan ba magigising mga Diegong maituturing
Sa hele ng retorika hanggang sa'n tayo dadalhin?
Hindi dayo ang mukha ng dumadalaw
sa tingin ng mga kumukalam ang sikmura.
Dahil sa araw-araw, tila nakasanayan
ng mga mata nilang said maging sa luha
ang makipagtitigan sa naghihintay na sundo
habang dinadaan ang tanghalian sa panghuhula
kung ano’ng napamalengke ng ama mula sa punso
ng itim na plastic at sako. Kung minsan, ang tubig
ay kalasa ng mga pangarap at ginhawa kapag bigo.
“Lockdown bukas!” Umalis ama at ang mga paslit.
Humahangos sila at nagmamadaling makapamilì
Sa palengkeng sila lamang ang may kayang lumapit.
Ayaw na nilang umasa sa sabi-sabing ipamamahaging
tulong ng barangay sa mga kagaya nilang kapos.
Alam na nila ang mangyayari, gaya ng dati at palagi.
Wala silang alcohol, mask, gamot o imbak na lubos
Sapagkat hindi virus ang pangalan ng mga naghihintay
Na lumamig ang mga palad sa lalim ng pagtulog.
Tahimik ang gabi habang nagtitiyaga ang nag-aabang
Na hintaying hindi na humuni ang tiyang kumakalam.
Kagabi,
sa ilalim ng mga bituin at planetang nakakulambo
sa inaantok na daigidig,
may mga pusang naglalampungan, lumilikha
ng ingay, lumalagos sa bunbunan ng aking
bahay. Kumakaluskos ang kanilang matatalas
na kuko sa balat ng yero, wala sa tono’t
pumipiyok pa ang kanilang koro.
Akma kong bubulabugin ang eksena
nang maihimbing na ang pusong naiinggit,
ngayong kasing-lamig pa naman ng buwan
ang silid, sumabay pa ang kilig ng mga misteryosong
hayop, ‘di namalayang nakapasok sa siwang
ng aking utak ang hilahil dulot ng iyong pagpuslit
sa ating likhang bartolina,
narito kang muli sa isip, at nalulumbay
akong ihip ng hangin, naglalaboy sa lawak ng atmospera,
sinusubukan kang mahagilap sa bibig ng madaling-araw
ngunit nadatnan ko ang umagang naninibago sa lawak
na espasyo sa aking k’warto.
Napuyat ako,
narinig ang naniniig na pag-iibigan
ng mga maliligalig sa bubungan.
Isang dambuhalang sugat ang araw
sa balat ng sansinukob. Langib ang sinag
nitong nalalaglag sa ating mga katawan.
Kung bukas, gumaling na ang nagnananang
galos, mag-iiwan kaya ito ng peklat
upang matandaan nating minsan
itong naparito o malinis na malinis na paglisan
ang ipipinta nito sa kasaysayan.
Bilyong dekadang pamamahinga
ang bubunuin bago magsarang
tuluyan ang sa ngayo’y sariwang-sariwa pa.
At sa araw na iyon,
mahuhulog ang mga tala
sa kumot na batubalani, mahihinto ang sirkulo
ng orasan, mawiwindang ang grabedad sa pagwawala
sa santinakpan. Madidiskarel ang mga kontelasyon,
tilang piyesang walang langis ang mga buntala’t
uugong ang pagbubungguan sa sanlibutan,
magiging niyebe ang hininga ng tao’t
humahagibis ang payakap ng yelo
mula sa pinakamalawak na dagat
hanggang sa luha ng gripo,
malalagas ang buhok gaya ng pagkahulog
ng mga matatandang bituin,
at ang bawat segundo ay naaagnas na gabi
sa ating mga mata. Tila binubulangan lamang
tayo ng mga kulog, kinakalabit ng kidlat.
Tuluyang maninigas
ang lahat ng talukap. Maiiwan natin
ang lahat ng pinagkakaabalahan,
ang playlist na tumugtog
habang naninigas ang ating mga laman-lobb,
ang kapeng hindi pa nahahalo,
ang nakabukang katawan ng bangkay
na nakasampay sa proseso ng pag-eembalsamo.
Masasagot ang lahat-lahat ng tanong
ng siyensya sa isang kisapmata. Pipigain ng mga kometa
ang ating mga luho, hindi na muling isisilang ang mga aklat
patungkol sa ating lahat. Walang hanggahan
ang pagkahulog natin sa bunganga ng walang-katiyakan.
Sa isang iglap,
Tayo’y alikabok lamang sa mga dambuhalang mata
ng misteryosong pusikit,
alikabok sa gilid ng nagnanaknak na sugat.
Hanguin sa bibig ng berdugo
ang malansa’t bulto-bultong bungo,
na pinabibigat pa lalo ng tingga.
Tubusin sa listahan ng pangalan
ang inutang na mga buhay,
maitaguyod lamang ang tulay,
at ekta-ektaryang sementeryo.
Palayain sa kaniyang tadyang
ang mga kaluluwang nakapiit.
Huwag nawa siyang mamatay
nang hindi nakikita sa bawat pagpikit
ang mukha ng mga pinaslang,
Bangungutin kahit gising ang diwa,
isilid sa utak ang hindi matapos-tapos
na atungal ng mga baril, ang mga silakbo’t paos
na tinig ng mga saksing anak, at magulang.
Nawa’y mabuhay siyang nakatitig sa pinto
habang sinisimot ng kilabot ang kaniyang
mga ugat, hanggang sa lumpuhin siya
ng sariling nerbyos. Mamuhay na ang tanging
silbi ay kagalitan ng mga anghel,
maging sangkap ng mga santo
sa pag-aaral ng mura’t matatalim na salita.
Mamuhay ka nawa
Nang araw-araw pinapaslang
Ng kasaysayan.
Madali lang dati ang pagtakas:
Kutsara lang katalo na.
Pangkayod sa pader.
Pampihit ng turnilyo ng rehas.
Alamin ang ugali at oras ng bantay.
Baka kailangan niya ng pera?
Kuwentahin ang ipanglalagay.
Ngayon wala nang makakatakas:
Wala nang saysay ang kutsara’t suhol
Wag nang magbalak
Dahil hangin na ang rehas.
Uminom tayo
bago isara ang ating mga lungsod,
isang saglit na paglimot sa papalapit
na dalawang linggong pagkapiit.
Umikot
ang baso, ang ulo
nalasing ka ng serbesa, ako ng iyong mga salita.
Sa huling lagok
sinakop ng antok
ang aking harayang
pinagguhitan ng dampi
ng iyong damit sa aking balat,
pinagsidlan ng samyo
ng iyong leeg sa aking pagkakayakap
at pauwi
pinatagal ng mga unang patak ng ulan
ang aking pananatili
ngunit hindi ang iyong pag-alis
bukas
walang katiyakang
ibabalik ka ng iyong lungsod sa lungsod ko,
ng layo sa paglaya, ng laya sa paglayo,
ng alak na pumiglas
sa buhol-buhol na sikmura,
paakyat sa lalamunan, palabas sa mga labi,
patakas sa kalamnan
na tanging makaaalala sa maraming pamamaalam.