Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Tila ingay ng basyo ng lata ang boses ng isang politikong nagmomonologo at inaaliw ang sarili sa kaniyang midnight show sa telebisyon. Kasabay niyon, sinasaliwan ni Nanay Orang ng palahaw ng hirap at sakit na parang tinutusok ng sanlibong karayom ang kaniyang mga laman dulot ng mga durog na buto sa kanang bahagi ng kaniyang balakang. Bumababa ang kirot sa kaniyang mga hita’t binti hanggang sa halos mamilipit ang mga paa dahil pinapasok na rin ito ng lamig sa mga gabing maulan tulad nito.
“’Pag di ka magbakuna, mamatay ka talaga. Bili ka ng kabaong o magpasunog ka, magkanong bayaran mo? Maghanap ka na ng puwesto sa sementeryo. Sa mga natatakot magpabakuna, ba-bye na lang sa inyo…” garalgal na tinig ng nagsasalita sa loob ng screen ng telebisyon.
“Araaaay ko poooooo! Ano ba ‘tong putang inang ‘to? Napakasakit! Sinusundot ako!” Tili at patuloy na pagdaing ni Nanay Orang.
Hindi na nakalalakad si Nanay Orang, madalas na lamang siyang nakahiga sa kaniyang segundamanong reclining bed. Kung hindi siya nakahiga, tuwing umaga at hapon naman, nakaupo siya sa isang plastik na silya sa tarangkahan ng bahay. Tinatanaw niya ang mga batang naghahabulan, mga nagdaraang sasakyan at ang paglipat ng posisyon ng araw.
May mga pagkakataon na tinatangka niyang tumayo. Pilit niyang aabutin ang mga rehas na bakal na nagsisilbing bakod ng aming maliit na balkonahe sa harap ng aming bahay. Naninimbang siya, tinatantiya niya ang kaniyang lakas at suporta na kayang ibigay ng mga namamanas na bukong-bukong at talampakan.
Nais niyang lumabas tulad ng kaniyang ginagawa dati. Pumunta sa palengke, makipaghuntahan sa mga kaibigan, magpabalik-balik sa botika at dumaan sa simbahan para mag-antanda. Sa huli, ang pagsisikap na muling makatayo at maihakbang ang mga paa ay hindi niya magagawa.
Araw-araw siyang nagtatangka, araw-araw na umaasa na muli siyang makalalabas sa apat na sulok ng tarangkahan na iyon. Lalong nagiging mabigat ang mga pagbabakasakaling iyon para kay Nanay Orang kapag sinusumpong siya ng kaniyang misteryosong karamdaman na tila kawatan, walang oras ng pagdating at pag-alis.
Sa mga bagay na walang katiyakan naman minsan nakaaaninag ng katiyakan at hindi inaakalang kaligayahan.
Paano nga ba masusumpungan ang kaligayahan kung ibinibilanggo siya ng pagdurusang pisikal at pagkalat ng isang nakamamatay na sakit?
Hinatulan ng doktor si Nanay Orang na may Dementia o labis na pagkaulyanin at manaka-nakang pagbabalik sa pagkabata na isa sa mga pangunahing palatandaan ng Alzheimer’s Disease na isang dayuhang konsepto para sa aming pamilya, sa aming mga mag-aalaga. Unti-unting hinahablot ng nasabing karamdaman ang mga pilas ng alaala ni Nanay Orang, ang kaniyang identidad, mga pangarap, at pagkakataon na magtahi ng mga bagong alaala.
Walang nakatitiyak ng lawak at saklaw ng mga kagyat na pagbabagong pangkaisipan ni Nanay Orang, maaaring makalimutan niya ang mga pangalan ng tao, petsa, pangyayari, sarili at ang pinakamasklap sa lahat, ang ugnayan.
Hindi ba’t wala namang permanente sa mundong ito? Kahit ang mga puno ay namamatay rin makalipas ang ilang dekada; ang mga bagay ay nasisira, itinatapon kapag wala nang halaga; maging ang pinakaiingat-ingatang mga retaso ng alaala ng isang tao ay naglalaho rin dala ng tumatandang katawan; at kahit ang pagkakakilanlan ay ating hinuhubad kapag ninais ito ng ating isipan, walang permanente.
Habang nagdaraan ang mga araw, lumulubha ang kalagayan ni Nanay Orang, bukod sa naglalaho na ang mga abstraktong konsepto tulad ng emosyon, pakiramdam at pag-iisip.
Nakaliligtaan na rin niya ang mga pangunahing gawi upang mabuhay gaya ng pagkain, pagtulog at regular na paglilinis ng katawan. Kapag oras ng pagkain, pahirapan sa pagkumbinsi sa kaniya na sumubo kahit papaano. Kung maliligo naman, bubuhatin pa namin siya papunta sa palikuran, iuupo sa inodoro at doon magsisimula ang mahabang pagtatalo habang nanginginig siya sa maligamgam na tubig na umaagos sa kaniyang katawan.
Naaksidente si Nanay Orang noong 2017 kaya siya hindi na makatayo nang tuwid ni makalakad. Hapon iyon, habang naglalakad siya papunta sa tindahan ng prutas ni Aling Thea, nagkamali siya ng hakbang sa isang hindi pantay na pedestrian kaya naman nawala ang kaniyang balanse at naging masama ang kaniyang pagbagsak. Tumama ang kaniyang kanang balakang sa aspalto na kalsada at sugatan ang kaniyang braso’t siko dahil sa pagkakakalang nito upang maproteksyunan ang kaniyang ulo.
Iyak siya nang iyak noon at lahat na yata ng mura ay nasambit na niya. Agad namin siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng paunang lunas. Hindi nagtagal, inilipat sia sa Orthopedic sa lungsod ng Quezon dahil walang espesyalista sa buto at kulang sa pasilidad ang lokal na ospital. Mabuti na lamang dahil wala pang pandemiya noon.
Bahagyang nagbago ang ugali ni Nanay, mas naging maingay na siya, bugnutin at binubulyawan niya ang mga taong lumalapit sa kaniya. Halos wala na siyang pinagkakatiwalaan dahil sumasabay na ang paglala ng kaniyang Alzheimer’s.
Magmula noon, bilang na bilang lamang sa daliri ang mga nakaw na sandaling mapayapa siya at nakaaalala ng ilang mga bagay na agad din namang babawiin sa isang iglap lamang.
“Naintindihan ninyo [Quarantine Violators]? Patay. Eh kaysa maggulo kayo diyan, eh ‘di ilibing ko na kayo. Ah ‘yung libing, akin ‘yan. Huwag n’yo subukan ang gobyerno kasi itong gobyerno na ito hindi inutil” tahasang sinabi ng kanina pa na nagsasalita sa telebisyon.
“Si-sinong ililibing ng pu-putang inang ‘to?” inis na tanong ni Nanay Orang habang umiiyak, hinahaplos ang kaniyang hita’t tuhod. Gawi na niyang kausapin ang mga napapanood sa TV o ‘di kaya’y ang sarili, may mga naririnig kaming ibinubulong niya na agad niyang ititigil kapag nilalapitan namin siya.
Walumpu’t isang taon na si Nanay Orang noong Nobyembre, humihina na ang kaniyang katawan at mas mabilis na dapuan ng ubo, sipon at napakabilis na magkasugat. May ilang pasa si Nanay Orang sa braso dahil sa higpit ng pagkakahawak sa kaniya tuwing inaalalayan namin siya kapag iihi o mahihiga na sa gabi.
Noong work from home na ang moda ng trabaho, nagkaroon ako ng mas mahabang engkwentro kay Nanay Orang. Noong una, nagtataka siya dahil hindi na lamang si Evelyn ang kaniyang kasama, naroon na ako palagi.
Hindi madaling pagsabayin ang paghahanapbuhay habang inaasikaso si Nanay Orang. Kapag nalilimutan niya ang maraming bagay, sasabay ang pananakit ng kaniyang kasu-kasuan at pag-iisip-bata, tila umuurong ang kaniyang dila. Ang dating tuwid na pagsasalita ay mapapalitan ng mahahaba’t matinis na ungol at impit na boses na hindi maunawaan dahil umiikli ang kaniyang dila.
“Bawal tayo lumabas. May Covid! Mahahawa ka, sige ka.” Takot ni Evelyn.
“Putang ‘na mo! ‘nong ko-kobids? Salbahe ka! Palabas mo ‘ko!” matinis at tuloy-tuloy na litanya ni Nanay Orang. Magsisigaw siya at tatawagin ang mga kaanak na matagal nang patay. Ito ang kadalasang almusal namin, ang pangungulit ni Nanay. Kadalasan, tumatahimk lamang ang bahay kapag kumakain na siya o may kinukutkot. Paborito niya kasi ang kornik, mani, biskwit, at suha.
Pagkain ang nagiging pampakalma ni Nanay Orang kaya’t mabilis na maubos ang aming imbak sa bahay. Walang ibang magagawa kundi lumabas at pumila sa groseri.
May isa pang paraan para mapahinahon si Nanay Orang, ang kaniyang mahiwagang retaso. Dati kasing mananahi si Nanay sa isang malaking tahian na nagsara noong 2006, mahilig siya sa mga ‘scrap’ o pinagtabasan na maliliit na tela. Iyon ang ginagawa niyang wallet o coin purse, binabalot niya ang kaniyang pera sa retaso at buong ingat itong ibubuhol.
Taimtim niyang kinukutkot ang mga bulaklaking print ng retaso na sa paningin niya ay dumi. Nauubos ang mga oras sa pagkalikot niya sa nasabing retaso hanggang sa mapagpasyahan niyang itigil ang paulit-ulit na pagtatanggal sa disenyo nito.
“Tarantadong ‘to, ayaw matanggal ng dumi.” Muli niyang isusuksok ang retasong iyon sa bulsa ng kaniyang daster.
“Disenyo ‘yan, nanay. Huwag mong tanggalin.” Paliwanag ni Evelyn.
Nakapagtataka lamang na kahit nalimutan na niya ang halos lahat ng kaniyang alaala sa amin, sa dati niyang buhay at sa mga kaganapan sa kasalukuyan, hindi niya nalilimutan ang konsepto ng retaso bilang sisidlan ng mahalagang bagay na may kakabit na mga retaso rin ng alaala.
Bawat indibidwal ay may sari-sariling puwang, espasyo na nagtatakda ng mas personal na mundo na binubuo ng isipan na siya ring manipis na pising nag-uugnay sa mga gunitang nais nang tastasin o nais pang sinupin.
Kung pinakakalma si Nanay Orang ng retasong ito, nagiging sanhi rin ito ng kaniyang pagwawala kapag napagtanto niyang wala sa kaniyang tabi ang retasong lalagyan ng kaniyang mga barya. Napakahalaga ng pera kay Nanay Orang dahil bago pa man siya pumasok noon sa tahian, bihira siyang makahawak nito. Kaya’t nang maranasan niyang kumita, lagi siyang nagtitipid at nag-iipon hanggang sa makapagpundar ng iba pang maliliit na pagkakakitaan na hanggang ngayon ay napakikinabangan pa ng anak at mga apo, ang mga paupahan.
Sa loob ng isang linggo, may isa o dalawang gabi na nagpapatulog naman siya sa amin. Mahirap lamang kapag umaatake ang kaniyang sakit at sinusurot ng lamig ang kaniyang mga buto. Hindi na salita ang kaniyang ibinubulalas kundi mga ekspresyong ‘di na namin maintindihan.
“Waaaah! Waaaah! Waaaaah!” sunod-sunod na tili at animo’y may ritmong sinusundan.
Naging solusyon namin sa bahay ang pagsasalpak ng earphones sa aming mga tainga upang hindi kami gambalain ng mga pagdaing ni Nanay Orang. May iniresetang gamot ang kaniyang doktor ngunit nagbabala ito na huwag laging ipaiinom ang gamot na pampakalma dahil isa itong matapang na ‘depressant’ na maaaring makaapekto lalo sa kaniyang natatastas na isipan at sa kaniyang mga bato.
Kapag wala na kaming magawa, kapag kinakatok na kami ng mga kapitbahay dahil sa pagpalahaw ni Nanay Orang, hinahati ni Evelyn ang nasabing tableta at ipinaiinom ito kay Nanay Orang. Panibagong pakikipagbuno para kay Evelyn ang pagpapainom ng gamot, iniisip kasi ni Nanay Orang na nilalason siya.
Tulad ng isang paslit, mabobola o mauuto rin namin si Nanay Orang at mapapapayag na inumin ang tableta. Sampu hanggang labinlimang minuto pa ang itinatagal bago magkabisa ang gamot.
Maraming mga nangungupahan sa amin ang umaalis dahil hinahanap nila ay isang komportable at tahimik na lugar na makapagpapahinga sila matapos ang mahabang araw ng paggawa. Kaya naman nabawasan ang pinagkukuhanang kabuhayan ni Evelyn na tumutustos sa mga pangangailangan ni Nanay Orang.
Nakapagpatayo sina Nanay Orang at Tatay Domeng ng tatlong pinto ng paupahan dahil sa pag-iipon at pagdiskarte sa buhay. May mga natatanging tagpo na naaalala ni Nanay Orang ang tungkol sa paniningil niya noon sa mga nangungupahan kaya’t asahan ang pagkakagulo sapagkat noong nakalalakad pa si Nanay Orang, lagi niyang sinisingil ng upa ang mga nagrerenta sa kaniya kahit na nakabayad na ito.
Pinakakakaibang ginawa ni Nanay Orang kapag hindi niya kasundo ang nagrerenta sa kaniyang paupahan, nagva-vandal o sinusulatan niya ang haligi o pinto ng apartment na iyon ng:
Wala pang bayad!!!
A KINSE, MAGBAYAD NA!!!
Paid na dati, ngayon ay di pa!
Mahiya naman kayo!
Sapul nang magkasakit si Nanay Orang, si Evelyn na ang nangangasiwa sa munting negosyo na naipundar ng mantanda. Kung hindi umuupa ang kaaway ni Nanay Orang, si Evelyn ang kaniyang inirereklamo sa barangay kaya’t bahagyang naisalba ng kaniyang pagkabalda ang kahihiyan ni Evelyn.
Noong modified enhanced community quarantine, pina-igting pa rin ang 10 PM na curfew ngunit kahit nasa loob lamang kami ng bahay, pinupuntahan kami ng mga tanod at minsan pa nga ay pulis dahil sa paghagulgol at pagwawala ni Nanay Orang. Akala ko matotokhang na kami dahil iba ang titig ng mga pulis. Gawing-gawi kasi ni Nanay Orang na kapag may ibang sumisilip na tao, gumagawa siya ng mga kuwento o akusasyon sa amin.
“May kobids sila, ha-hawahan ni-nila a-ako!”
“Sinasaktan nila ako, tsip! Tu-tulungan n’yo ko, mga ta-tao!”
Mahabang paliwanagan ang ginagawa namin sa mga dumudungaw sa aming tarangkahan. Kinakabahan kami ni Evelyn na baka magising na lang kami na may DSWD na o maipalabas kami sa Tulfo In Action.
Sa buong lockdown, paulit-ulit ang mga pangyayaring ito kaya naman nasasanay na ang mga nagpapatrolyang tanod, pulis, at mga kapitbahay lalo na ang mga nangungupahan. Sa katagalan, naging musika na ang palahaw ni Nanay Orang. Isa pang mabigat na dahilan kaya hindi sila makaalis ay walang sapat na pambayad sa lilipatan. May mga nakatira sa apartments na nawalan ng trabaho o di kaya’y “No work, no pay.” Tulad ng pinsan ko’t asawa niya.
Kadalasan talaga, itinutulak tayo ng mga bagay na wala tayong kontrol sa mga sitwasyon na kailangan na lamang na tanggapin at kasanayan upang masakyan ang laro ng marahas na mundo.
Bunsod ng kakulangan sa pinansyal, kailangan na magtrabaho ni Evelyn kahit isang beses sa isang linggo upang hindi na niya kunin pa ang mga personal niyang gastusin sa kita mula sa paupahan nina Nanay Orang.
Tuwing Lunes, pumapasok si Evelyn sa barangay bilang lupon tagapamayapa. Nakiusap na rin ako sa pinagtuturuan ko na huwag akong bigyan ng klase kapag Lunes upang maalagaan at mabantayan ko nang mabuti si Nanay Orang.
Lagi kong tinatanaw ang pagsapit ng Lunes dahil nagkakaroon kami ni Nanay Orang ng mga hindi malilimutang tagpo na mas nakikilala ko pa siya at mas naoobserbahan ko ang pagbabagong pangkaisipan at pandamdamin niya. Sa mga hindi sinasadyang trabaho na kailangan gawin kapag Lunes tulad ng mga biglaang miting, halos hindi na ako nagsasalita dahil kapag nag-unmute ako, maririnig nila si Nanay Orang na umuungol o sumisigaw.
Gayundin, nawawala ang pokus ko dahil sa takot na magtangka na naman si Nanay Orang na tumayo at muling maaksidente. Ilang beses na rin kasing napapasama ang bagsak ni Nanay Orang kapag nawawalan siya ng balance at nalilimutan niya na siya’y paralisado na.
Laking pasasalamat ko dahil hindi naman siya napapahamak kapag ako ang nagbabantay. Sinubukan namin na kumuha ng kasambahay na titingin sa kaniya kaya lamang natakot kami nang mabalitaan na may kaanak ang nakuha namin na kasambahay na nagpositibo sa Covid-19.
Kami-kami ang nagtutulungan at nag-iiskedyul ng mga lakad at gawain namin upang mapagsabay ang pagtingin kay Nanay Orang at paggampan sa aming mga personal na buhay. Hindi biro ang magkaroon ng isang bulnerable sa bahay na may kakaibang karamdaman habang may banta ng pandemiya sa labas ng apat na sulok ng aming bahay.
Kulang na lamang ay halos mahati ang aming mga katawan sa dapat na matapos sa isang araw. Sa totoo lang, wala naman kaming karanasan o kahit maikling pagsasanay sa pag-aalaga sa mga matatandang may Alzheimer’s Disease lalo pa ngayon na may krisis pangkalusugan. Doble o triple ingat pa nga dahil hindi na rin ganoong kalakas ang immune system ni Nanay Orang.
Ipinamumukha ng ating mga karanasan ang retaso ng mga karanasan ng bayan na nag-aakda ng kasaysayan. Pagpapabaya man ito o pagpapakasakit, ipinatatanggap ito ng kasaysayang tinatahi natin dahil ito na ang nakasanayan.
May mga ayuda naman na natanggap mula sa pamahalaan. Natuwa si Evelyn nang makita sa listahan ng mabibigyan ng walong libong piso si Nanay Orang. Maabswelto ang pambili ng buwanang gamot at makakapagpaserbis na ng laboratory sa bahay.
Apat na beses o quarterly ang laboratory at checkup ni Nanay Orang ngunit dahil sa pandemiya, dalawang beses na lamang natingnan ng doktor si Nanay. Nagpaiskedyul na si Evelyn ng home service na pagkuha ng dugo kay Nanay para sa laboratory dahil may inaasahan kaming makuha na maliit na ayuda sa nasyonal na pamahalaan kaya lamang, hindi pala para sa amin iyon.
Ipinamalita ang pamimigay ng social amelioration program o SAP sa mga tiyak na barangay sa amin. Inihanda ko ang form na dapat sagutan, valid na ID ni Nanay Orang at ang kaniyang authorization letter na mayroon niyang thumb mark sapagkat wala na siyang kakayahan na lumagda.
Lagi nang nakatikom o nakakuyom ang kaniyang mga kamay, aakalain mo na may bitbit siyang isang bagay na ‘di nakikita na ayaw niyang pakawalan, ayaw niyang palayain.
Madaling araw pa lamang, pumila na ako, paikot sa isang kalye ang pila. May pila ang mga senior citizen, ang mga single parens at siyempre, ang PWDs. Dumating ang mamimigay ng ayuda bago magtanghalian. Lahat ng nasa pila ay inaabot na ng gutom, pagkahilo at pagpapawis. Napakahirap at tila lumulusot sa butas ng karayom ang pagkuha sa maliit na halagang kaloob ng gobyerno.
Nang ako na ang kukuha ng SAP para kay Nanay Orang, hindi ako pinayagan dahil kailangan daw ang kumuha ay mismong matanda. Ngunit, paano? Sa kalagayan ni Nanay Orang? Talaga ba?
Masama ang loob ko at pakiramdam ko na ako si Nanay Orang na may lakas ng loob na magwala. Halos anim na oras akong nagtiyagang pumila. Halos mangiyak-ngiyak ako sa kanilang sinabi at napahiya ako sa mga tao. Nainis na rin si Evelyn at nagdesisyon na hindi na lamang kukunin ang SAP. Ipinagpasa-Diyos na lamang namin.
Tila ipinalilimos sa masa ang kakarampot na halaga. Delikado ang proseso ng kanilang pamamahagi dahil sa nagdidikit-dikit na rin ang mga tao at mahirap ang contact tracing dahil kulang ang mga tauhan at kawani na naroroon. Estado rin ang nagpapahamak at pumapatay sa estado.
Naituloy pa rin ni Nanay Orang ang laboratoryo. Balot na balot ng Personal Protection Equipment o PPE ang nars na kumuha ng dugo ni Nanay Orang para sa eksamen. Kinahapunan, may resulta na ipinadala sa aming imeyl.
Pagkatapos na hindi magwala si Nanay habang kunukuhanan ng dugo, ipinangako ko sa kaniya na bibilhan ko siya ng paborito niyang ice cream, chocolate o vanilla.
Tuwang-tuwa at mukhang nasa kondisyon si Nanay Orang, bahagya siyang ngumingiti at tumitingin sa akin. Sinimulan niyang dilaan ang ice cream at kagatin ang apa nito. Marahil, nalamigan ang ulo at puso niya. Nagkalat sa labi niya ang tunaw na ice cream, tumutulo sa kaniyang baba at may mga patak na sa kaniyang daster.
“Sino magbigay niyan?” tanong ko sa kaniya habang pinupunasan ang kaniyang labi’t baba.
“Ikaw.” Mabilis niyang tugon.
“E sino ba ako?” muli kong pagbabakasakali na hindi ko na mabilang.
“Hmmmm, akin na ‘yan, iisipin ko muna.” Isa pang mapanlinlang na ngiti ang kaniyang ibinigay sa akin sabay lipat ng tingin sa isa pang ice cream na aking hawak.
Para sa akin, maituturing na misteryo pa rin ang mekanismo ng Alzheimer’s ni Nanay at ang maaari pa nitong maging epekto sa kaniya. Sa kabilang dako, tuso ang kalabang hindi nakikita, ang Covid 19 na banta sa kaniyang kalusugan. Ngunit, may pagkakatulad mga ito, parehas na magnanakaw.
Natatastas ang kaniyang gunita sa gitna ng krisis at pandemiya ngunit nagsusulsi ito ng mga tala ng awtentikong danas ng mga taong hindi naging bahagi ng pagsusulat ng ating kasaysayan, ang mga katulad ni Nanay Orang.