Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kalimbahin ang kulay na napili noong nakaraang taon. Kaya ako, si Nancy, at ang anak naming si Noah Dylan ay nagpunta pa sa SM upang makabili ng damit at makasunod sa color-coding ng aming reunion. Akala ko, kami-kami lang ang dadalo sa pagtitipon na iyon gaya ng unang tatlong beses na maganap ang reunion ng De Guzman. Sa nakalipas na tatlong magkasunod na reunion na may tatlong taong pagitan, mula lang sa henerasyon ng magkakapatid naming lolo’t lola, hanggang sa mga anak ng mga pinsan ko ang dumadalo. Pero noong nakaraang taon, lumitaw na maging ang malalayo naming mga kamag-anak. Mga pinsan sila ng lola’t lolo namin. Kasama nila ang mga anak nila at apo. Yung iba, De Guzman pa rin ang apelyido, pero karamihan, nagbago na nang mag-asawahan.
Maganda ang mga ganitong pagtitipon dahil nakikilala mo ang mga taong maaaring nakasasalubong mo na pala sa daan, kadugo mo pala. Biro ng isa kong pinsang lalaki, baka naging shota mo pa’t naka-momol sa sinehan, malayo mo pa lang kaanak.
Sinasamantala kong magpunta sa aming reunion dahil dito ko lang nakikita ulit ang halos lahat ng kamag-anak ko. Mula sa pinakamatatanda hanggang sa kaapu-apuhan. Dulot na rin marahil ng busy schedule, magkakalayong tinitirhan, at syempre, pera, palagi namang alalahanin ang pera sa anumang lakad, kaya hindi na kami madalas magkita ng mga pinsan ko’t iba pang kamag-anak. Biro nga ng isa kong pinsan, dalawang “ganap” lang ang nagiging dahilan para kami magkita-kita – una, kapag may reunion, pangalawa, kapag may namatay.
Lamay ang kasunod na “ganap” matapos ang reunion. Ewan ko ba. Bulung-bulungan lang ito noong una. May nakapansin lang. Pero nang tumagal, matapos ang tatlong reunion, parang totoo nga. Tuwing magaganap kasi ang reunion namin, sa loob ng taong iyon, may namamatay. Kaya magkikita-kita ulit kami upang makidalamhati, makiramay, at magkumustahan. Yung lungkot, nahahaluan din ng saya dahil nakakasama mo yung mga kamag-anak mo.
Noong nakaraang taon ang unang beses na naisama ko si Noah Dylan sa reunion. April 17, 2022 ipinanganak si Noah Dylan. Saktong araw ng pagkabuhay. Unang beses ko ring naisama ang asawa kong si Nancy sa aming reunion. Kaya gaya ng nakaugalian, halos napudpod ang malapad na noo ng asawa ko sa kamamano sa matatanda bilang tanda ng pagkilala sa kanila at paggalang. Yung iba, ayaw. Nakakatanda raw ang magmano kaya beso na lang. Ito namang anak ko, kapag binubuhat ng iba, nagwawala. Palibhasa, wala pang isang taon. Allergic sa hindi niya kilala. Hindi nga raw mananakaw.
Wala kaming nilalabas na pera kapag reunion. Sagot lahat ng isa kong lola na may ari ng isang pribadong paaralan sa Cavite. Ang maganda pa rito, may masarap na pa-catering services at may mga regalo pa. Tulad ng programa sa paaralan, isa-isang tinatawag ang pinakamatatanda sa bawat pamilya para magbigay ng mensahe. Minsan mensahe, minsan kuwento. Minsan din magkahalo. Kuwento tungkol sa kung paano naging magkamag-anak si ganito at ganyan. Kuwento tungkol sa mga nangyari noong mga bata pa sila. Karanasan noong wala pang mall at tanaw mo raw ang lower Antipolo kahit nasa Marikina ka dahil wala pang mga nagtatayugang gusali noon, hindi tulad ngayon. Kuwento kung ano ang tawagan nilang matatanda sa isa’t isa noong mga bata pa sila, saan sila madalas magkita, saan sila madalas magpunta, anong pinagkakaabalahan nila nang sila ay magdalaga at magbinata, at ang ending, ang mga payo nila sa aming mga apo nila.
Habang kumakain, isa sa pinakamamahal kong lola ang nakita kong nag-iikot sa mga mesa. Siya si Lola Beth. Nasa 65 na ang edad niya. Big deal sa akin ang mga lola dahil lumaki akong may mga lola pang inabot. Hindi tulad ng ibang sa photo album na lang nila nalamang nagkaroon sila ng ganoon at ganitong klaseng lolo at lola. ‘Yung iba nga, sa kuwento na lang.
Si Lola Beth ang nag-alaga sa akin noong nag-aral ako sa Marikina Elementary School. Noon kasi, bawal ang hindi taga-Marikina na mag-aral sa Marikina dahil ang dahilan daw, mawawalan ng slot ang mga lehitimong taga-roon. Sa Antipolo ako nakatira. Kaya pansamantala, tumira muna ako sa Marikina para kung sakaling bumisita ang mga opisyal ng aming paaralan sa address na binigay ko (Marikina), nandoon ako.
Nang magkita kami sa reunion, ang saya-saya ko. Lalo na nang tawagin niya ako sa palayaw kong “Popo.” Sinalubong niya ako ng yakap at halik gaya ng ginagawa niya sa akin noong bata pa. Ang pogi-pogi ko pa rin daw (sinabi niya ‘yan, promise!). Parang naging triple ang ngiti ni Lola Beth nang malaman niya at makita niya nang personal si Noah Dylan. Pinupog niya ito ng halik. Ito namang anak ko, walang pakialam. Hindi man lang ngumiti.
Sunod niyang napansin ang asawa ko. Ngayon lang din sila nagkita. Kahit noong kasal namin nitong 2021, hindi nakadalo si Lola Beth dahil kasagsagan noon ng COVID-19. Mahirap padaluhin sa mga pagtitipon ang matatanda.
“Ang ganda-ganda ng asawa mo. Nangungusap ang mga mata.” Sinabi niya ‘yan habang nakatitig sa mukha ng asawa ko. Literal na nakatitig si Lola Beth kay Nancy na para silang mag-inang matagal na hindi nagkita. Masarap sa pakiramdam kapag aprubado ng lola mo ang asawa mo.
Limang araw matapos ang reunion, nabalitaan kong isinugod si Lola Beth sa ospital at doon binawian ng buhay. Nabigla ang lahat.
Gaya ng dati, muli kaming nagkita-kitang magkakamag-anak. Doon sa lamay ng isa sa paborito kong lola. Minsan, napapaisip akong huwag nang magpunta sa reunion. May dala-dala na kasing takot at pangamba ang ganoong pagsasama-sama. Baka nagkakataon lang? Napakalupit naman ng pagkakataon, kung ganoon.
Habang itinitipa ko ito sa laptop, bigla kong naalala ang mga halik ni Lola Beth sa pisngi ko noong reunion. Para akong bumabalik sa pagiging batang si Popo.
Noong nasa pampribadong paaralan pa ako, nakaririnig na ako ng mga kuwentong pang- Maalaala Mo Kaya. Masiyadong makapagbagbag damdamin sa puntong iisipin mong hindi naman totoo iyan, masiyado lang na-romanticize para talagang makakuha ng simpatya ng maraming tao.
Noon ‘yon, noong hindi pa ako lumulusong sa mga hamon ng pampublikong paaralan. Sa ilang taong pagtuturo sa pampublikong paaralan, marami na akong nakitang pang-Maalala Mo Kayang kuwento ng buhay ng mga mag-aaral. May mga batang iniwan ng kanilang nanay o tatay dahil nangabit na, biglang umuuwi sa probinsya dahil hina-haunting, away pamilya raw, sinaksak ng kapatid kaya napapasugod kaming mga teacher sa station 10 ng Maynila. Mapapasabi ka na lang talaga na, “nangyayari pala talaga ‘yon, no?”.
“Nasaan nanaman si Teresita? Absent nanaman?”
“Yes po, sir. Lampas isang Linggo na.”
“Bakit kaya absent ‘yon? Simula pa lang ng first quarter, ha. Hindi nagre-reply sa
akin sa messenger.”
Wala kahit isa sa mga mag-aaral mula sa advisory class ko ang sumagot sa akin kung bakit, pero iba ang tinginan nila. Bilang gurong may sampung taon nang karanasan sa pagtuturo, alam kong may alam sila na hindi lang nila masabi sa akin.
“Shaina, malapit ka kina Teresita di ba? Mag-stay ka muna after class, may itatanong ako.”
Sa mga kuwento ng mga batang dumaan sa aking kamay, pinakatumatak sa akin si Terisita. Mula sa mga tanong ko kay Shaina, nalaman ko kung bakit walang nagkukuwento sa kanila.
“Baliw po kase ang nanay ni Terisita, sir. Uma-absent siya kase biglang inaatake nanay niya ng kabaliwan.”
Sa pagkukuwento pa lang ni Shaina, may pag-atras na sa sarili kong tapang. Una na rito ay ang kawalan ng lakas sa pagtatangkang gamitin ang salitang “baliw” ng kaswal lamang sa harapan ng estudyante. Ano ba ang gagamitin kong salita na may tunog paglulumanay? Sinto-sinto? Napanawan ng pag-iisip? May sira sa pag-iisip? Nawalan na ng katinuan? Parang wala naman talagang wastong salitang maaaring gamitin sa paglalarawan ng taong tinakasan na ng katinuan sa sarili (maging ang huling ito).
“Kailan pa?” ito lang ang salitang kumawala sa akin.
“Matagal na po, sir. Nasa junior high school pa po kami”, sagot niya.
Napahinto ako. Kahit ako, hindi ko alam kung paano ang magiging sagot sa ganitong mag-aaral. Naisip ko, sa sampung taon kong pagtuturo, akala ko naharap ko na ang halos lahat ng mga problemang puwedeng harapin ng isang guro. Hindi pa pala! Wala pala akong training sa ganitong sitwasyon. Teka, may training ba sa mga guro kapag ang magulang ng estudyante ay napanawan na ng katinuan sa pag-iisip? Wala yata, kahit ‘yung basic na tugon lang. Paano kapag tinanong ako ni Teresita ng, “Sir, hindi po ako makapasok kase ‘yung nanay ko po inaatake nanaman”.
“Sige, absent ka na lang muna. Unahin mo nanay mo.” Ito na ba ang best answer na puwede kong sabihin sa kanya? May pagdadalawang-isip din ako kung ire-refer ko siya sa guidance teachers ng paaralan. Dahil hindi naman kase talaga sila guidance counselor. Sa pampublikong paaralan, two loadings ang pagiging guidance teacher. Kapalit ng dalawang klaseng tuturuan sana ay magiging isa kang guidance teacher na sumasailalim sa iilan, ngunit hindi pa rin naman sapat na mga seminar. Seminar na karaniwang pag-iipon lang naman talaga ng certificates para sa ranking at hindi naman para sa ikabubuti talaga ng mga bata. Kahirapan pa’y mas bata at mas kakaunti ang karanasan sa akin ng mga guidance teacher sa aming paaralan, kase nga… nabigyan na lang ng loading.
Pumapasok na ulit si Terisita. Noong panahon na ito, hindi ko rin kaagad naharap ang bata dahil na rin sa tambak na gawain ng mga guro sa pampublikong paaralan. Kaya naman, hirap ding pagtuunan nang buong pansin ang mga suliraning kinakaharap ng mga anak ko, tawag ko sa aking mga advisory.
Sa kalagitnaan ng first quarter, nagpasulat ako ng journal entry bilang isa sa mga performance task nila sa asignaturang Filipino. Inaamin kong inaabangan ko ang mga journal entry ni Teresita.
“Shaina, may pakiusap sana ako.”
“Sige po, sir. Ano po iyon?”
“Pakitulungan naman si Teresita sa paggawa ng journal entry niya, ha?”
“No problem po. Mag-umpisa na po kami kaagad.”
Akala ko noong una, nanay ni Teresita ang pinakamabigat na niyang problema sa buhay. Hindi pa pala. Hindi marunong magbasa si Teresita. Nakapanlulumo ito para sa akin bilang isang guro sa Filipino. Dalalawampu’t dalawang taon na si Teresita ngayon, ngunit hindi pa rin siya marunong magbasa at kaugnay ng kawalang kaalaman sa pagbasa ay ang suliranin sa kahinaan niya sa pagsulat.
Siklo na ng katanungang, “paano naka-graduate iyan nang hindi marunong magbasa at sumulat?” Ano, ipinasa na lang? Bakit, para mataas ang Performance Based Bonus na makukuha ni teacher? Ah, baka naman kase sabi ng principal dapat laging “all pass”? Huwag mambagsak para hindi mag-reflect sa standing ng paaralan, o baka naman masiyadong mabuti ang puso ng guro: “nakakaawa naman kase ‘yung bata kaya ipinasa ko na lang”. Pinakarurok nito ay ang bulok na sistema ng edukasyon ng bansa—at nakalulungkot lang na si Teresita ang isa sa mga hindi mabilang na ebidensya nito.
“Paano ang ginawa ninyo?” tanong ko kay Shaina kinabukasan matapos nilang mag-session ni Teresita para sa binubuo nilang journal entry sa subject ko.
“Ayos naman na po, sir. Bale sasabihin ko po kay Teresita ang tanong tapos sasagot siya. ‘Yung sagot niya sir isusulat ko”.
Isa sa mga kagandanhang-ugaling taglay ni Teresita ay ang pagtulong niya sa kanyang sarili. May mga sesyon na kami sa pagbasa. Paunti-unti, nakabibigkas na siya ng mga tunog ng titik, paunti-unti ay nakababasa na siya ng mga pantig tulad ng a-so, a-te, ba-ta, ba-ba-e, ba-hay, at iba pa. Bukod dito, sinabi rin ng isa sa mga co-teacher ko na nakatutuwa si Teresita. Hindi siya marunong magbasa pero inaalala niya ang itsura ng mga salitang ipinapaliwanag. Halimbawa, sa asignaturang Science, inalala ni Teresita ang itsura ng mga titik para sa Microscope kaya naman nang makita niya ang drawing para sa microscope, alam niyang ang itsura ng mga titik M-i-c-r-o-s-c-o-p-e ang tamang sagot. Siyempre pa, hindi ito gumagana sa lahat ng pagsusulit lalong-lalo na sa mga bahaging kinakailangang ipaliwanag ang mga konsepto.
Layunin naming bago siya matapos sa pag-aaral ng senior high school ay matuto siyang makapagbasa. Hindi man mabilis, ngunit matuto siyang maunawaan kung ano ang binabasa niya. Anu’t ano pa man, ang pagbasa ay isa sa mga panghabangbuhay na pangangailangan ng isang tao.
Bukod sa pagpupursigi, magiliw rin si Teresita. Hindi kaagad siya napipikon sa mga tao, siguro’y dulot na rin ng mahaba niyang karanasan sa pagpapasensya sa kanyang ina habang siya ang nag-aalaga rito.
“Ay, taray! Napakaganda naman ni Teresita,” ngiti lamang ang itinugon sa akin ni Teresita.
“Magdala ka nga ng upuan dito sa tapat. Magchikahan muna tayo,” banggit ko kay Teresita.
“Kumusta ka naman?”
“Ayos lang po.”
“Nabasa ko yung journal entry mo. Ayos lang bang pag-usapan natin?”
“Opo, sir.”
May panandaliang paghinto bago siya sumagot. Kakarampot ang tugon ni Teresita. Halatang may halong takot at pagdadalawang-isip.
“Bakit matagal kang wala noong nakaraan?” panimulang pagtatanong ko.
“Wala po kase kaming kuryente, sir. Inasikaso ko po para mapakabitan kami.”
Sa istorya niya, nawalan daw sila ng kuryente. Lumapit daw siya sa mga kapitbahay para makikonekta sa kable ng kuryente. Alam ko namang palusot lang niya ito pero sinakyan ko na lamang.
“Ah, ok. Eh si nanay? Kumusta?”
Muli, may panandaliang paghinto sa sagot ni Teresita.
Habang nagkukuwento siya. Ako mismo ay napahihinto na rin. Mabagal akong magsalita ngunit hindi na dahil sa takot, pero para pumili ng wastong salitang maaaring gamitin upang maipaliwanag nang maayos kay Teresita ang kalagayan niya. Habang nakatitig ako sa kanya sinisipat ko ang punit at marungis niyang damit, halatang wala pang ligo, kakamot-kamot sa ulo, ngunit makikita pa rin ang pagiging inosente sa kabila ng hindi na niya batang edad.
“Alam ng mga kaklase mo ang sitwasyon ni mama mo?”
“Minsan sir hindi ko na lang sila pinapansin. Inaasar kase nila akong baliw dahil baliw daw si nanay ko.”
“Anong nararamdaman mo kapag sinasabi nilang ganoon?”
“Masakit, sir. Umiiyak na lang ako. Pero bata pa ako noon. Ngayon hindi ko na lang iniisip.”
“Si nanay mo… si mama mo, yun din ba ang dahilan kung bakit lagi kang wala sa klase?” nahihinto kong tanong.
“Opo, sir. Minsan kase sinusumpong siya eh. Nagwawala. Minsan gustong lumabas ng bahay. Kapag hindi namin nabigay gusto niya, nambabato.”
“Hala? Paano ‘yun,” gulat kong tanong.
“Ayos lang, sir. Sanay na ako. Minsan may mga sugat ako kase nangangalmot si mama,” natatawa pa niyang sagot.
“Sinubukan ba ninyong ipasok sa mental hospital?”
“Opo, sir. Pero si mama ‘yun, eh. Gusto naming ni kuya kami na lang mag-alaga sa kanya. Pero minsan naman sir maayos siya lalo kapag natutusukan ng pampakalma.”
“Siyempre hindi naman laging mayroong panturok. Saan kayo kumukuha ng pambili non?” tugon ko.
“Sa barangay, sir. Tinutulungan nila kami. Minsan hinahatid nila kami sa mental hospital kapag talagang nagwawala si mama”.
“Kaya mo pa naman?”
“Kaya naman po, sir. Si mama naman po ‘yun eh,” sagot niyang may ngiti sa labi.
Sa huling sinabi ni Teresita, ramdam kong kasabay ng wagas niyang pagngiti ay may kalungkutan at hirap. Hindi ko nanaman alam kung ano ang sasabihin ko. Parang sasabog ang puso ko sa kalungkutan at awa sa estudyante ko. Kasabay na rin ng awa sa sarili ko na wala akong maipayong kongkreto sa sitwasyon niya.
Naalala ko noong nasa kolehiyo pa lamang ako. Napag-usapan namin ng kaibigan ko si Mateo, isa rin sa mga taong tinakasan na rin ng katinuan na tambay sa tapat ng kolehiyo. Sabi niya, bakit mas pinipili nating pagalingin ang mga baliw kung nasa mundo sila ng sariling nilang kaligayahan? Sa mundong sila lamang ang nakauunawa. Mundong walang nananakit, walang hirap, at mundong pinapangarap ng lahat ngunit kanilang-kanila lamang? Hindi ba’t maligaya sila roon? Sagot ko naman ay: Pero ikaw lang ang naroon kasama ng mga binuong sitwasyon at ilusyon sa isip mo. Paano naman ang mga totoong taong naghihintay sa iyo sa reyalidad ng mundo?
Ngayong guro akong nahaharap sa sitwasyong pinag-uusapan lamang namin noon, masasabi kong hindi ko pa rin alam ang kongkretong sagot. Siguro’y masayang manatili ng panandalian sa mundong pinapangarap natin, ngunit makapagpapatibay pa rin sa atin ang harapin ang katotohanan ng buhay.
“Sige, basta ang importante ay safe kayo. Tsaka pumasok ka sa tuwing kaya mo para mapagtuunan natin ng pansin yung pagbabasa mo, ha?” ito ang payo ko kay Teresita.
“Opo, sir. Salamat po.”
Sa ngayon, ang tangi ko lamang masisiguradong kaya ko ay ang paunlarin ang kakayahan ni Teresita na makapagbasa. Sana, nang dahil sa pagkatuto niyang magbasa at umunawa ay matulungan niyang mailapit ang kanyang ina sa mga maaaring tumulong rito. Nauunawaan kong hindi ako ang buong-buong makatutulong sa kanyang ina, subalit alam kong sa maliit na bagay ay matutulungan ko ang aking mag-aaral—ang aking anak.
Tila nostalgia sa akin ang bango ng Margarine dahil sa ito ang laging paboritong ipabili ko kay mama sa tuwing dadaanan si Nanay Ester (siya ang nagtitinda ng mga kakanin na laman ng kanyang basket). Ganoon din ang pagkaing YumYum na tila breadstick na isinasawsaw sa chocolate o gatas na laging pasalubong ni papa kapag uuwi siya galing tunnel sa Diwalwal. Ibinabalot lamang ni papa ang YumYum o ano mang pasalubong niya sa akin sa kanyang puting towel na kung tawagin sa lugar namin na good morning towel; mahimulmol ito at marupok ang tela na siyang dahilan na mabilis itong mapigtas o masira. Kung tutuusin kailangan ito ni papa para pamunas sa kanyang pawis ngunit hindi niya ito ginagamit para may pambalot sa kanyang pasalubong sa akin. Putikan siya tuwing umuuwi dahil sa paggapang sa loob ng tunnel at paghahakot ng mga batong nakabalot sa putik na kung tawagin sa amin ay paynwis o Fine Waste sa English na naglalaman ng ginto tuwing mapo-proseso na.
Minero ang tatay ko sa Mt. Diwalwal. Aabutin ng dalawa hanggang apat na oras ang biyahe lulan ng habal-habal para marating ang bayan ng Monkayo. Doon patag, doon maraming sasakyan at doon ibang mundo sa mundong mayroon kami sa Diwalwal. Madalang lamang kaming makababa ng bundok sa maraming rason: Una, gastos at hindi rin basta-basta ang aabutin kapag kami ay bababa, pangalawa, mahirap ang daanan na maya’t maya ay nagsisipaglaglagan ang mga bato o kung mamalasin ay landslide, pangatlo wala rin naman kaming kaanak sa Monkayo ang munisipyo kung saan kabilang ang Diwalwal. Aaminin ko tagaw jud mi og patag wala rin naman kasi kami kung anong mayroon ang isang lungsod o bayan.
Kahit ganoon, hindi naman nagkulang sila mama at papa sa pangangaral sa akin. Si mama ay naging kasambahay sa Maynila noong siya ay dalaga pa. Aniya, maraming tao sa Maynila at tulad ng Diwalwal hindi rin natutulog ang gabi sa siyudad na iyon. Marami rin siyang ibahagi tulad ng kahit masaya at imahen ng kaunlaran ang Maynila ay hindi masayang tumira roon, mahirap ang buhay at kailangang kumayod nang kumayod para mabuhay. Katorse anyos palang si mama nang naging kasambahay sa Maynila. Sa murang edad naging malinaw sa kanya ang salitang mahirap o ang kahirapan. Marami siyang naranasan nariyan ang pang-aabuso tulad ng mababa o delayed ang sahod, kapag kakain sila sa restaurant ay nasa labas lamang siya dahil kumakain sa loob ang kanyang amo, iba ang pagkaing pangyáya at pagkaing pang may bahay. Kahit simple lamang ang Diwalwal ay hindi naman ganiyan ang buhay namin. Nakakakain kami nang maayos at sa katunayan nga ay pihikan ako sa pagkain kung kaya lagi akong may hotdog kapag mag-uulam sila ng talbos o ano mang gulay na sa pananaw ko ay hindi pagkaing tao (pagkain ng kambing pwede pa).
Naalala ko sa tuwing ako ay may sakit laging may Royal at biscuit tuwing alas tres ng hapon. Masaya ako sa ganoon bagama’t dahil sa sakit ay mapait na ang lasa ng Royal pero hindi pa rin n’on mababago ang aking katakawan. Masaya ako sa tuwing nilalagnat dahil nariyan si mama na hindi magkandaugaga na alagan ako. At sino bang hindi pamilyar sa lasa ng Neo Aspilet ng United Home Products? Dahil sa tamis nito ay hinahanap na ito ng aking dila sa tuwing may lagnat ako. Ito laging pinapainom sa akin ni mama ayaw ko ng Biogesic na dinurog at tinunaw sa kutsara lasang apdo ang walang hiya. Pero ang Neo Aspilet? Grabe ang sarap-sarap!
Sa Diwalwal uso sa amin ang mga Chinese Medicine na inilalako. Walang Bureau of Food and Drugs doon sa amin at basta sabi ng nakakurbatang naglalako na ito ay purga, matik maniniwala na! Hindi ko makalimutan ang pearly shell tablet na nilalako niya. Pearly Shell dahil mukha siyang kabibe na lasang creamstick na milk ang flavor. Purga raw iyon na need na need sa amin dahil sa exposure namin sa dirt and bacteria na dulot ng pagmimina o diba ang conyo? Ganyan din kasi siya magsalita combination ng English and Bisaya at sometimes with Tagalog words din. Mabilis niyang mapaniwala ang mga tao lalo na kami like Shit! WTF! Siya lang ang nakakurbata sa Diwalwal (maliban sa mga saksi na namimilit na makinig kami sa Bible sharing nila) na may dalang black suitcase na sisidlan ng mga gamot. Wala rin namang lumalabas na bulate tuwing iniinomin mo na ang purga at doon ako na-sad; ang saya kaya n’on para kang si Valentina ngunit sa puwet nga lang ang ahas.
Speaking of ahas, grabe ito ang ayaw na ayaw kong gamot. May itinatabing garapon si lolo na apdo raw iyon ng ahas na nilagyan ng tubig. Kapag masakit ang iyong tiyan na hindi mo na maipaliwanag ang pamimilipit na maidudulot nito, uminom ka lang ng binabad na apdo ng ahas at tiyak mawawala ang sakit ng tiyan mo. Nasubukan ko siya at simula noon sinumpa ko na ang sakit ng tiyan kasi tiyak kapag hindi na kaya ng hilot — ang apdo ng ahas ay to the rescue.
Pangarap nila mama at papa na maging mahusay akong bata, matalino kumbaga? Kahit tight na tight ang budget ay hindi sila pumapalya sa pagbili ng Vitamins ko at Nutriplex iyon na lasang kalawang. Kung magtatanong kayo kung bakit ko alam ang lasang kalawang? Sa Diwalwal mabilis kalawangin ang mga kubyertos and the rest is history kung bakit alam ko ang lasa. Isang kutsara bago matulog. Ang ginagawa ni mama ay inuuto-uto akong may helicopter at ang bibig ko ang landing place nito. Sa ganoon niya ako napapainom ng Vitamins.
Para di magkulang ng Vitamins ay may powdered milk ako. Nido ang gatas ko hanggang grade 6 ako. Bawal akong magkape dahil nakasasama raw iyon sa sikmura sabi ni papa at baka maapektuhan ang growth and development ko like shit akala mo naman kung sinong di maligalig na bata na laking kanal with my friends bilang bonding. Bago pumasok sa iskwela kailangan kong uminom ng gatas at ganoon din bago matulog. Kung minsan nga lang kapag walang ulam pananghalian dahil hindi naman pinaghahandaan ang pananghalian ng ulam o pagkain ay gatas at kaning lamig ang aking pantawid gutom.
Hindi ako nakaranas ng gutom. Hindi kami mayaman ngunit nang dahil sa ako lamang ang mag-isang anak kung kaya lahat nang atensyon sa akin napupunta. Tinuturoan naman nila ako kung paano maging independent dahil paulit-ulit nilang banggit na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kasama ko sila.
Alam ko naman na hindi laging makakasama ko sila mama at papa. Darating din ang panahon na magkakaroon ako ng sariling pamilya. Sa Diwalwal na siyang saksi sa lahat ng progreso ko bilang isang bata ay naging paraiso sa akin dahil sa aking mga magulang.
Tinuruan ako ni papa kung paano magmina. Tinuturuan niya ako kung paano magtanim, gumawa ng boga, gumawa ng lothang, gumawa ng tirador at saranggola para raw balang araw kapag ako ay may anak na rin alam ko kung paano ito gawin. Pangaral ni papa na ang Pilipinas ay pinalilibutan ng tubig kung kaya hindi pwedeng hindi ako marunong lumangoy. Kapag makakauwi kami sa Dinagat Islands ay tinuturoan niya ako kung paano ikumpas ang paa at kamay para lumutang at hindi malunod.
Siksik sa mga masasayang alaala ang kabataan ko. Mula sa panlasang dulot ng mga pasalubong ni papa, mga lutong ulam ni mama at gamot o vitamins na pinapainom nila.
Ngayon, nasa estado na ako ng aking buhay na ako na ang inaasahan. Ganoon pa rin naman kasama ko pa rin sila mama at papa sa bahay. Nakakausap ko sila at nahihingian ng payo. Ngunit paano kung ang hinihingan ko nang payo ang dahilan kung bakit ako nanlulumo?
Nami-miss ko na ang aking kabataan sa kung paano ako alagaan nila mama at papa. Tinitiyak ko ring ganoon ko rin pahahalagahan at aalagaan sila. Hindi ko nga lang kontrolado ang ilang bagay tulad ng hindi nila pagkakaunawaan.
Simula sa pagkabata ay batak na batak na si papa sa pagtatrabaho. Naging kargador siya sa pier, mangingisda, laborer, magsasaka, construction worker, naglalako ng daing at magsasaka Ganoon din si mama, naging kasambahay, magsasaka, waiter, tindera sa sari-sari store, labandera at kung ano-ano pa. Masaya akong sila ang aking magulang at alam kong hindi ko rin mararating at mauunawaan ang mundo kung hindi dahil sa kanila.
Taong 2021 nagkasakit si papa; sinisingil na yata siya ng pagmimina. Nagkaroon ng tubig ang kanyang baga at siya ay nahospital ng mahigit apat na buwan. Impis na ang kanyang baga na siyang dahilan kung bakit hirap na siyang magtrabao. Si mama ay nakahanap ng pagkakakitaan. Naging sales lady sa isang beauty products at kumikita siya. Paulit-ulit kong ipinaalala sa kanila na ang kinikita nila ay itabi nila para sa kung sakaling may gusto silang bilhin ay mabibili nila at ako na ang bahala sa gastusin sa bahay. Si papa ang hindi makasabay sa dahilang wala naman siyang kinikitang pera dahil hindi na niya kayang magtrabaho kung gayon buwan-buwan ay binibigyan ko siya ng allowance para kahit paano ay may naitatabi siyang pera at madudukot kung sakaling kailangan niya.
Lahat ng bigat ay naipasa sa akin. Hindi ako pwedeng manghina at hindi ako pwedeng mapagod (alam kong hindi dapat ganito ang mindset pero kung susuko ako babagsak din ang mga umaasa sa akin). Buwan-buwan ay tsini-tsek ko ang lagayan namin ng gamot kung may vitamins pa ba si papa. Ang resita ng doktor sa kanya ay vitamins na mayaman sa iron na aniya, lasang kalawang. Ganoon din kay mama sinisigurado kong may vitamins siya para rin sa kanilang kalusugan, tinitiyak kong may gatas sa bahay para mabilis silang makatutulog sa gabi.
Tinuturoan ko rin sila ng mga bagay na natutuhan ko bilang isang guro at mag-aaral. Tinuroan ko si papa na magsulat at ayusin ang kanyang sulat kamay. Sinisigurado kong lagi akong available sa tuwing kailangan ni mama ng taga-fill up ng forms or PDS nila sa trabaho. Hindi niya raw maunawaan ang mga nakalagay dahil nakasulat ito sa English at nahihiya siya baka mamali ang kanyang spelling.
Ganoon din pagdating sa larangan ng pagbabasa. Kapag may paborito akong bahagi ng nobela o kuwento ay ibinabahagi ko sa kanila ito. Tulad na lamang ng nobela ni Edgardo M. Reyes na Diwalwal na akin ding ibinahagi kay papa to counter check lalo na ang panahong isinulat ito ay taong 1990’s at sakto ito ang taon na kung saan nagsisimula na si papa na magmina. Sinasagot ko ang mga tanong tulad ng: bilog ba talaga ang mundo? Sino ang pipiliin nilang karapat-dapat na maging pangulo? Bakit may giyera sa mga bansa at ano ang dahilan nito? at lahat ng mga tanong na kanilang nabubuo na maaaring bigyan ng paliwanag gamit ang aking natutuhan sa paaralan.
Lagi ring may margarine sa bahay, paboritong palaman ni mama at papa sa tuwing sila ay nagugutom at naghahanap ng meryenda.
Sa kabila ng lahat, sila pa rin ang magulang na nagpalaki at sumuporta sa akin. Naninitili silang, sila! Sa tuwing napapagod ako ay naging kanlungan ko ang kanilang mga yakap at payo. Paborito ko ang mga gamot na ibinibigay nila sa sakit na nararanasan ng aking pagkatao ngayon; gamot tulad ng walang sawang pagmamahal at pagtitiwala na maaabot ko lahat ng mga lunggati ko sa kabila ng aking agam-agam.