Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Ilang Alaala matapos ang Pagdalaw
sa Bayang Sinilangan
Makalipas ang ilang taon, matapos ang pandemya, at makaraan ang ilang imbitasyon, nakabalik din sa pook na aking kinamulatan sa Valenzuela, partikular na sa Bayan ng Polo. Sa Valenzuela ako lumaki, partikular na sa Barangay Dalandanan. Dito ako nagkamuwang, nakaranas maglakad sa tubig-baha, nakapaglaro sa malawak na bakuran, namalengke at nagsimba kasama ang aking mga magulang, naospital nang makailang ulit, at naglakad kasabay ang maraming taong namamanata sa kapistahan ng patron. At sa aking pagdalaw nagbalik ang ilang alaala ng pook kung saan ako nagmula. Tag-ulan nang aking lisanin ang Valenzuela at tag-ulan nang muli ko itong dalawin at balikan. Narito ang ilang alaala ko sa pook na may pinaghalong tamis at asim, ang nagpakilala ng pagtitiis at pagtitimpi, at ang halaga ng sakripisyo at pagpapaubaya.
I. Ang Batang si Nonong ng Dalandanan
Lumaki ako sa baryo ng Dalandanan sa Valenzuela. Doon sa Esteban Kaliwa, sa dulo bago dumating ng Hulo matatagpuan ang isang bakurang may humigit-kumulang na 1,400 metro-kuwadrado ang sukat na puno ng mga punongkahoy, kawayan, at sari-saring halaman. Dito nakatirik ang aming bahay. Nasa likod bahay namin ang isang malawak na bukirin na tinatamnan ng palay, pakwan, mais at iba pang gulay depende sa panahon. Ayon sa matatanda, dati raw itong taniman ng dalandan
Lumaki ako nang may malilinis na paa at pinagbabawalan ang maging marusing. Palibhasa’y bunso ako at masakitin noong aking kabataan. Maaaring masyado kasi akong kinanlong ng aking ina at naging maselan din ako sa pagkain. Suki ako ni Mang Ipe ng baryo Coloong, ang manghihilot, na ang kapalit ay isang kahang Hope lamang. Wasto naman ang pambayad, sapagkat sa pag-asa nga lamang nakasalalay ang aking paggaling. At kakatwang naging pambayad ang bisyo para sa panlunas. Madalas akong dalhin sa manghihilot dahil sa pilay, linsad, at sinasabing nakatuwaan o nababati ng mga lamang-lupa o maligno. Ilang dahon ng ikmo o tuba-tuba na pinahiran ng langis ng niyog na idinarang sa apoy ang itinapal sa akin. Minsan pa ngang umikli ang aking hita dahil sa nakatapak ako, ‘di umano, ng nuno sa punso, at inalayan ito ng dasal at pagkain ng ilang linggo bago bumalik ang haba ng aking hita. Nabuhay ako nang puno ng mga kababalaghan at pamahiin ang aming pamamahay na tipikal sa mga mamamayan ng isang baryo o lalawigan.
II. Ang Buhay, Kabuhayan, at Bakuran
Mapalad ang aming pamilya na makabili ng lupa at mapatayuan ito ng bahay na mayroong dalawang pintuang paupahan. Bagaman, ipinanganak ako sa tahanan ng aking lolo at lola sa kalapit na baryo ng Pasolo. Hindi ko namalayan ang paglipat namin sa bagong bahay noong 1978 na halos limang taong gulang lamang ako noon. Ang natatandaan ko lamang ay ang walang lamang kabahayan. Iilan pa lang ang gamit namin noon na unti-unting pinasikip ng pagsisikap at pagpupundar ng aking mga magulang. Alahero (mag-aalahas o nagbebenta ng alahas) ang aking mga magulang. Doon ko natanto ang halaga ng ginto, brilyante, at sari-saring mga mamahaling bato na kanilang ikinakalakal sa Dulong-bayan o kilala rin bilang Florentino Torres sa Abenida. Madalas nila akong isama roon, at namulat ako sa tawaran, kiskisan ng ginto sa itim na bato na pinapatakan ng asido, ang pagsilip sa mga brilyante at ang pagkilatis sa yari ng alahas. Katunayan, ibinaon ng aking ama sa terrace ng aming bahay ang itim na bato na nag-akyat ng salapi sa aming tahanan. Ito ang batong urian ng ginto ng aking mga magulang. Malaking respeto namin sa batong iyon na permanenteng isinemento sa gitna ng tatlong metro-kuwadradong espasyo. At kung minsan, ginagamit pa rin nila ito sa bahay kung may bumibili o nagbebenta ng alahas sa aking mga magulang. Ito ang batong naging pundasyon ng bahay namin, at maaaring ang pinakamahalagang bato sa aming buhay. Isang brilyanteng itim ito para sa amin.
Mapuno at masukal ang aming nabiling lupa. Natatandaan ko pa ang puno ng kalyos, mangga, aratilis, kawayan, sampalok, bignay, ipil-ipil, acacia, niyog, duhat, talisay, at kakawati sa aming bakuran. Walang anumang palaruan o liwasan noon sa Dalandanan. Hindi ito naging bahagi ng pagpapaganda ng barangay, di tulad ng sa malalaking lungsod at malls sa kasalukuyan. Inakyat ko ang ilang puno dito noon at naging pahingahan ko pa sa dapithapon. Mapalad ako na ang naging palaruan ko ay bakurang hitik sa mga punongkahoy na siyang naging kala-kalaro ko. Isang napakayamang karanasan, inspirasyon, at alaala ang naituro sa akin ng aming bakuran.
III. Si Mang Diego
Hindi kalayuan sa aming bahay ang dalawang kubong palagi kong nadadaanan. Ang kubo ni Mang Diego ang ay mas luma, bagaman malaki ito sa sukat na humigit-kumulang na kalahati ng isang basketball court. Bakas sa mga kahoy ang tanda nito nang kung ilang dekadang lumipas dahil sa mga bitak at kalawanging mga pakuan. May munting bintana ito na nakaharap sa silangan at tanaw ang bukirin. Nakaangat ito ng lima o pitong piye sa lupa, kaya’t may bukas na silong ito na kadalasang iniimbakan ng mga sako ng palay at ginawang sabsaban ng kanyang kalabaw. Madalas ko ring nakikitang naghahabulan at nanginginain sa putikang silong ang mga pato at gansa. May malalaking puno ng kamatsile, niyog, at acacia sa kanyang bakuran na nagbibigay lilim sa umaga at nakapagpapadilim sa gabi.
Magsasaka si Mang Diego na maaaring nasa pitumpung taon o mas matanda pa. May katangkaran, at payat na hukot ang kanyang pangangatawan. Madalas na putikan ang kanyang paa at marusing ang kanyang pananamit. Hindi ko alam kung may pamilya pa siya. Piho kong siya lamang ang nakatira sa kubo. Nakailang bagyo ang kubo, at nanatili itong nakatindig. Dumating ang panahon na naging madalang naming makita si Mang Diego at nakaligtaan na naming pansinin hanggang sa pumanaw ito nang hindi namin namamalayan. Naging abandonado na ang kanyang kubo. At mula noon, naglaho na ang sigla ng bukid, nawala na ang mga alagang hayop, at unti-unting kinain ng kalumaan, bukbok, at anay ang kubo. Nagkaroon pa ng ilang haka-haka ang ilan na naroroon pa rin kung gabi si Mang Diego sa kubo, nakatanaw sa kanyang bukirin.
Nakapanghihinayang nga lamang na ang tulad ng bahay ni Mang Diego at mga kakambal nitong mga kuwento ay hindi na kailan man makikita pa ng mga bagong henerasyon. Tanging ang putikang lupa at mga matatayog na puno na lamang ang nagtataglay ng kuwento ng kung papaano naitayo, naluma, at nabuwag ang bahay kubo ni Mang Diego.
IV. Ang Hardin ng aking Tatay
Mahilig sa halaman ang tatay. Ito ang kanyang libangan. Sa lawak ng aming bakuran, napagsumikapan niyang magtanim ng ilang punongkahoy. Lumago rin ang kanyang kawayang-tsina sa may lumang balon sa harap ng bakuran at ang kawayang Tagalog sa likuran. Naroroon din ang mga tanim na papaya, banaba, kamias, atsuete, kamoteng-kahoy, tanglad, bayabas, sampalok, at mga makukulay na bulaklaking bougainvillea, gumamela at golden shower.
Ngunit ang kanyang pinakakinahiligan ay ang mga dapo o orchids, na sadyang ginugulan niya ng panahon at salapi. Sari-saring bulaklak ang bumukadkad sa kanyang koleksyon. Ang marami pa nga rito ay kanyang binili sa mga eksibisyon. Napakaraming mga abono, gamot, at kagamitan ang kanyang ipunundar. Naging isang paraisong nakakubli ang aming pamamahay. May hamog pa ang mga damuhan at madilim pa ang kalangitan ay nag-aayos na siya ng kanyang mga tanim, at pagkauwi mula sa paghahanap-buhay ay inaabot ng hatinggabi sa kanyang hardin.
Ngayon ko nakikita saysay at naiintindihan ang kahulugan nito. Malayo siya sa kanyang bayang sinilangan na puspos ng mga punongkahoy at mga sari-saring halaman. Lumaki siya sa Pagbilao, Quezon. At nais niyang madama ang lugar na ito sa pamamagitan ng paglalapit sa mga tanim nito sa aming bahay. Ang hindi niya marahil napansin, naging isa itong paraiso para sa kanilang mag-asawa. Subalit sumisimbolo rin ang hardin ng pagkukubli ng paglabag, pagpupundar ng alaala, at ang pagpapanatili pamumulaklak at pagbubunga ng kanilang pagsisikap. At kung sariwa ang hangin at mabangong samyo ang mga bulaklak dahil sa hardin ng tatay, doon ko rin naisip na mayroong itinatagong baho o kabulukan ang isang pook. Malinaw na isang kabalintunaan ito.
V. Ang Baha: Isang pagsubok, paglilinis, at pagpapatianod
Tag-ulan na naman. Karaniwan na ang pagbaha sa Valenzuela sa panahong ito. Ngunit noong dekada sitenta, sa panahon ng aming paglipat sa barangay Dalandanan, itinuturing itong isang mataas na lugar at hindi agad-agad na aabutin ng tubig-baga. Kaya nga ito pingahasang bilin ng aking mga magulang, kahit na walang malinaw na titulo ang nagmamay-ari at tanging kasunduan lamang ang kanilang pinanghahawakan. Mataba ang lupa nito kung kaya’t may ilang nakisuyo na mataniman ng alugbati, gabi, sigarilyas, bataw, siling labuyo, kamote, kamatis at iba pang mga maaaring anihin at mapagkakitaan.
May kanal itong dinadaluyan ng tubig ulan sa panahon ng tag-ulan, na naglipana ang mga gurami, liwalo at dalag. Naalala ko pa ang ilang tag-ulan at pagpasok ng tag-araw kung saan ako namimingwit ng isda sa mga kanal gamit ang kapirasong kawayan, tansi, at sima. Iniipon ko ang mga isda sa isang tabo, at muling pakakawalan ito matapos magsawa sa pamamansing.
Natutuyo ito sa tag-araw, at sumisibol sa gilid nito ang tawa-tawa, pansit-pansitan, makahiya at iba pang mga damong ligaw. Noong nasa elementarya ako ay minsan kaming nakaranas ng pag-angat ng tubig dahil sa labis na ulan. Nakita ko kung paano pumasok ang tubog sa aming bahay, subalit hindi ito naulit hanggang sa ako ay magkolehiyo. Napansin namin ang malimit na paglubog ng bakuran sa tuwing nagpapatuloy ang pag-ulan o bagyo nang makailang araw. Dito na namin naisip na magpataas ng bahay, lalo’t bungalow ito at walang maaasahang ikalawang palapag. Nakailang pagpapataas kami, subalit naging makulit, agresibo, at mapangahas ang tubig sa tuwing bumabalik ito taon-taon. Unti-unting nagbago ang dating mataba at mayaman sa biyayang lupa. Ang lupa na dating kulay kayumanggi, na animo’y kapeng hinaluan ng gatas, ay naging maitim at malapot. Unti-unting nabulok ang lupa hanggang sa maging mabaho at malagkit na burak.
Ilang taon na ang nakalilipas at kamakailan lang ako nagkalakas-loob at nabigyan ng panahon na isulat ang lahat ng rekuwerdo ng mga nanalantang unos. Natatandaan ko pa ang lahat. Nakaimprenta na sa aking alaala at kalooban ang lahat ng dapat kong itala at nakapanghihinayang kung malilimutan na lamang.
Yakap ko ang unan at nililibang ang sarili sa mga palabas sa telebisyon nang hapong iyon. Iniinda ko pa ang kirot ng operasyon sa appendicitis na isang linggo pa lamang ang nakaraan. Nakabigkis at sariwa pa nga ang sugat ko noon. Walang anumang pangambang ang bagyo ang siyang aking magiging bisita sa gabing iyon. May kalakasan ang hangin kaya’t manaka-nakang nagbabago ang linaw ng aking pinanonood sa telebisyon. At sa tuwing aking kukumustahin ang lagay ng panahon, sumisidhi ang kanyang pagbugso. Sabik na sabik ito sa paghahatid ng kanyang malamig na hangin at nag-aalburotong ulan. Madilim ang kalangitan na tila nilukuban ng kadiliman ng alas-siyete ng gabi ang katanghaliang tapat. Nadama kong hindi nagbibiro ang sigwa na may dalang sumpa ng pananalasa. Kakaiba ang bagyong hindi man lamang humuhupa ang pagbuhos ng ulang may mga ga-holeng patak. Nagawan na ng renobasyon ang aking silid, kaya’t inisip ko, “Kahit pa bahain ang kabahayan, hindi ito aabot sa aking silid. May hangganan ang sumpa ng unos.”
Mataas ang aking silid kung kaya’t kampante akong hindi ito aabutin ng tubig baha. Nasa aking silid ang aking munting aklatan, ang koleksyong diecast toys, shotglasses, commemorative plates at mga alak at ang koleksyon ng dvd. Ito ang aking iniingatan at kinagigiliwan. Pinapasok ng tubig baha ang aming mababang bahay ngunit hindi inaabot ang aking silid. Sa aking silid nakikitulog ang aking magulang sa tuwing binabaha ang kanilang silid at ang kabuuan ng pamamahay.
Normal na lamang ang pagbaha, subalit may hangganan din naman ang aming pagtitiis sapagkat naihanda at naglakas-loob na kaming bumili ng bahay na pagmamay-ari ng politikong minsan ay nangakong magtatapos ng kahirapan ng bayan, ang Camella sa Bulacan. Binili ko ito noong Mayo ng taong 2009 sa pangako ng ahenteng sugo ni Villar na ito ay matatapos ng Septyembre at maaari nang matirhan. Ganun din naman nang aking pagpasyahang bilhin ang isang condominium unit na kalapit lamang ng unibersidad na aking pinapasukan, ang W.H. Taft Residences ng Philtownships, Inc. Aking lakas-loob na binili ito tatlong taon na ang nakararaan dahil sa nangako ang ahenteng magagawa at matatapos ito makalipas lamang ang isang taon. At hanggang sa ngayon na akin nang natapos ang buwanang hulog, wala pang malinaw na pag-usad ang proyekto. Nawala na ang mga mapanlinlang at iresponsableng ahente matapos makuha ang paunang bayad, ang kontratang nilagdaan, at ang mga tsekeng nakalaan para sa pagbabayad nito. Nagsilbi itong aral sa akin at nawa’y magsilbi na ring babala sa iba. Ang aral: huwag maniniwala sa matatamis na pangako ng ahente at magagarang brochure at poster.
Pikit mata kong binili ang dalawang tirahan. Aking pinangahasang ipinundar ang mga ito dahil sa pangambang tumaas pa at abutin na nang tuluyan ng mataas na baha ang aming tirahan. Ito sana ang kukupkop sa aking iniingatang kagamitan, koleksyon, at ang aming magiging tirahan sa sandaling tumaas pa ang baha. At higit pa sa aking mga gamit, may katandaan na rin naman kasi ang aking magulang na may karamdaman at kapansanan. Kakailanganin namin ang alternatibong tirahan sakaling malubog ang aming pamamahay. Matiyaga kong iginapang ang pagbabayad nito, kahit pa wala akong nakikitang positibong pagtalima ang mga kompanya sa kanilang mga ipinangako. Mapagbiro nga ang pagkakataon dahil kahit pa mayroon akong ari-arian tulad ng mga bahay at mga lupain ay hindi ko rin ito napakikinabangan. Kabalintunaan pa nga ito.
Ordinaryo na ang pagbaha sa Maynila. Nasalanta man ng bagyo at baha, tuloy pa rin ang buhay. Wala naman kasing pagpipilian. Ilang linggo kaming nanirahan sa paupahang bahay ng ibang tao, na isa pa ring kabalintunaan. Wala kaming inasahang darating na tulong. Itinawid namin ang pag-aayos ng mga gamit, ang paghahanda ng pagkain sa araw-araw, at ang pagbalik sa normal ng aming buhay. Ilang linggo kong sinipat ang lubog sa tubig naming bahay, at nilusong upang magsalba ng ilan pang gamit na mahalaga o mapapakinabangan. Kahit isang butil ng bigas ay hindi namin natanggap mula sa barangay. Kahit isang band aid o bulak ay walang namahagi sa amin. Kahit isang boteng malinis na tubig ay hindi man lang kami inabutan. Wala man lang nagtanong sa amin kung ano na ang aming estado. Ni anino ng mga namumuno sa LGU ay hindi man lang nagawi o dumalaw sa amin. Parang nasa isla kami sa kalagitnaan ng siyudad. Tanging ang radyo at cellphone lang ang aming libangan at pinagkukunan ng impormasyon. Naging abala ang gobyerno sa pagtulong, na hindi namin naramdaman at naranasan. Kanya-kanyang pagpapasikat at pagpapakitang-gilas ang mga politiko sa mga nasa evacuation kung saan mas marami ang mga posibleng botante. Maagang pangangampanya ang naganap, gamit ang pondo ng bayan at mga donasyon ng mga pilantropo at malalaking kompanya. Gayun pa man, nanatiling tahimik at walang sino mang pumansin sa Dalandanan.
Tuloy pa rin ang pagdalaw ng sigwa na nag-aanyaya ng mas tumataas na pagbabaha taon-taon. Pinatabang ng tubig-baha ang tamis at asim ng Dalandanan. Nalusaw ng pagragasa ng baha ang mga alaala, kapwa sa mga larawan at iba pang makahulugang kagamitan at mga nakagawian sa pamamahay. Kinailangang lisanin ang bahay sa Dalandanan matapos ang bugso ng unos. Isa kami sa biktima o sinamang-palad na mabunot mula sa lupang pinaghirapang ipundar ng aking mga magulang. Dinala kami ng agos sa panibagong pamamahay, kung saan nabubuo ang mga bagong alaala. Abandonado na ang bahay sa Dalandanan sa ngayon. Tumaas at kumati ang baha ay naroroon pa rin ang mga alaala ng aking pagkabata. Mahusay at mabisa ang kalikasan sa pagpapahayag ng mensahe ng transpormasyon, pagsuko, at pagpaparaya.
Sa tuwing binabalikan at pinapasok ko ang bahay sa Dalandanan na may alpombra ng burak at aranyang agiw, nabubuhay ang mga alaala ng paggising at paghimbing, ang paglisan at pagbabalik, at ang tamis at asim ng samahan. Naroroon ang pagnanais kong makabalik dito, o kung hindi man ay masagip ang mga gamit, o kung hindi rin ay magkaroon ng renobasyon at maging isang aklatan at imbakan ng mga koleksyon kong laruan at mga alaala ng aking paglalakbay. Kung pwede at madali lang sana ang proseso para humingi ng tulong ang LGU para ito ay maging isang pampublikong sentro ng sining kung saan ako at ang mga kaibigang alagad ng sining, panitikan, at musika ay maaaring magtagpo at makibahagi sa isa’t isa. Batid kong pagdadaanan ko pa ang ilang hakbang at palilipasin pa ang ilang taon para ito ay maisakatuparan.
Matapos naming mamaalam sa bahay sa Dalandanan, isa-isa ring namaalam ang aking mga magulang. Ulila na ako, at nangungulila hanggang sa ngayon. Nag-iisa na ako ngayon, tulad ng bahay namin sa Dalandanan sa Valenzuela na kinalakihan ko.
Ang Saysay at Kabuluhan ng Panitikan sa Panahon ng “Impact Factorism,” “Scopus-Centrism,” (Lalong) Binawasang/Babawasang Core Subjects & General Education (GE), At Iba Pa
Bago ang lahat, para sa mga di pamilyar, ang “impact factorism” ay unang ginamit sa Volume 25, No. 4 ng Insect Environment, isang “not-for-profit journal promoting Insect Science.” Ayon sa isang explainer sa webpage ng University of Illinois Chicago, ang impact factor ay “measure of the frequency with which the average article in a journal has been cited in a particular year. It is used to measure the importance or rank of a journal by calculating the times its articles are cited.” Samakatwid, ang “impact factorism” ay lubos na pagsandig (o obsesyon pa nga) sa citations – sa bilang ng pagsipi o pag-quote ng ibang mananaliksik sa isang pananaliksik. Ang “Scopus-centrism” o “Scopus-sentrismo” naman ay “lubos na pagpabor/pagkiling sa Scopus bilang pamantayan ng mahusay at tinatanggap na saliksik...” (bisitahin ang link ng mga kaugnay na pananaliksik sa sanggunian ng talang ito). Sa halos lahat ng global university rankings – sources ng pagyayabang ng “mga nangungunang unibersidad sa Pilipinas” na sa aktwal ay wala naman sa top 100 sa global na listahan – ang “impact factorism” ay laging kadikit ng “Scopus-centrism” dahil ang karaniwang ginagamit na database sa pagsukat ng impact factor ay ang mga citation lamang ng Scopus articles sa kapwa Scopus articles. Masisipat sa dulong bahagi ng talang ito ang mga kaugnay na kritik.
Dahil mas nakakiling sa saliksik kaysa sa akdang pampanitikan ang Scopus (at maging ang alinmang katulad na database), bukod pa sa madalang-pa-sa-patak-ng-ulan na citations ng tula at iba pang akdang pampanitikan (liban lang siguro sa mga sanaysay na maaaring makakuha ng mas marami-raming citations kumpara sa iba pang akdang pampanitikan dahil malapit-lapit sa format ng saliksik pero tiyak na mas kaunting citations pa rin kaysa sa tipikal na saliksik), hindi kataka-takang maraming unibersidad ang wala nang gaanong pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan bilang awtput para sa promosyon o pag-angat sa ranggo ng mga lektyurer/instruktor/propesor. Bukod pa rito, maraming unibersidad ang tahas na nakapokus na lamang sa pagsipat sa ambag ng guro bilang mananaliksik. Halimbawa, sa isang pribadong unibersidad na itinuturing na isa sa mga nangunguna sa Pilipinas, ang nagpataw na ng bagong kahingiang pagpapatunay na ang aplikanteng nagpapapromote ay kalebel na ng katumbas na ranggong nais niyang pasukin alinsunod sa European Research Career Framework. Masisipat sa https://www.more-4.eu/indicator-tool/career-stages-r1-to-r4 ang nakalululang indicators ng nasabing dayuhang framework na nais gamitin para sukatin ang ambag ng mga propesor sa Pilipinas – isang bansang hindi naman kasing-unlad ng Europa at lalong hindi naman kasing-abante ng Europa sa pagbibigay ng holistikong suporta sa bawat career stage ng guro. Sa dami ng indicators at taas ng pamantayan, hindi kataka-takang maging ang mga Europeong akademista ay marami ring puna sa nasabing framework. “First World standards sa promotion, Third World standards sa sweldo at benepisyo,” gaya ng lagi kong nababanggit sa mga katulad na sitwasyon.
Mainam at kahit paano, sa “Guidelines for the 2025 Faculty Merit Promotion” ng Unibersidad ng Pilipinas, ang “peer-reviewed scholarly outputs or juried creative works” ay parehong pwedeng gamitin sa “minimum scholarly and/or creative output for crossing rank,” kaya’t masasabing hindi pa nahahawa ang UP System sa virus ng “Impact Factorism” at “Scopus-Centrism” na umaatake na sa maraming pribado at publikong unibersidad sa Pilipinas at sa buong daigdig. Gayunman, dapat bigyang-diin na ang nasabing guidelines for promotion ay tinaguriang “heart-breaking and soul-crushing” ng Opisina ng UP Faculty Regent dahil “base sa kasalukuyang datos, halos 3,000 guro ang maaaring hindi ma-promote sa FMP2025. Marami dito ay kinapos sa 3-year minimum residency rule, hindi na nag-apply, o kalaunan ay nag-withdraw ng application.”
Kasabay ng paglala ng dehumanisasyon ng faculty rankings/promotions sa maraming unibersidad, laganap na ang balitang nagsimula na ang pilot-testing ng bagong kurikulum ng senior high school na nagbabawas ng core subjects (“strengthened” diumano pero maliwanag na “weakened”), bukod pa sa mga panukalang bawasan o kaya’y ganap na alisin na ang general education (GE) subjects/courses sa kolehiyo para mapaikli ang bilang ng mga taon ng kurso (3 taon na lang daw mula sa dating karaniwa’y 4 taon).
Sa puntong ito, mainam sipiin ang nilalaman ng isang kaugnay na resolusyon ng National Advisory Board ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) na pinagtibay noong Hunyo 17, 2025: “WHEREAS, subjects such as Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino, Contemporary Philippine Arts from the Regions, and 21st Century Literature from the Philippines and the World in Senior High School, and Art Appreciation in the tertiary General Education Curriculum, are vital in cultivating cultural literacy, creativity, historical awareness, and a deeper understanding of Filipino identity among the youth; WHEREAS, these subjects provide essential platforms for students to engage with local cultural expressions, regional artistic traditions, and literary works that reflect the diverse lived experiences and realities across the Philippine archipelago; WHEREAS, proposals to dilute, reduce, or remove these courses from the curriculum risk undermining efforts to develop cultural pride, social cohesion, and national unity; WHEREAS, amid growing concerns about the diminishing appreciation of local arts and heritage, and in the face of accelerating cultural homogenization observed worldwide, retaining and strengthening these subjects is a national imperative; NOW, THEREFORE, BE IT RESOLVED, AS IT IS HEREBY RESOLVED, that the National Advisory Board of the Philippine National Commission for Culture and the Arts strongly urges the Department of Education (DepEd), the Commission on Higher Education (CHED), and other relevant education agencies to scrap proposals that seek to dilute, reduce, or remove the aforementioned subjects...”
Mainam ding magmuni-muni ang mga burukratang nasa mga ahensyang pang-edukasyon, gayundin ang mga lehislador na nag-aastang nagmamalasakit sa sektor ng edukasyon, sa ilang bahagi ng “Unity Statement of Senior High School and College Teachers Against the Proposed Reduction of SHS Core Subjects and Reduction or Abolition of Tertiary-Level General Education (GE) Subjects”: “These recent proposals mirror past attacks on GE premised on the drive to shorten college education to focus it on technical skills suitable to corporate needs and away from holistically shaping students into productive and socially responsible citizens. We reiterate that education should not be commodified and its value reduced to how efficiently it can produce the most number of graduates at the shortest period of time. We contend that while the current curriculum is indeed replete with flaws in this regard and in its provision of quality education, drastically removing many SHS core and college GE subjects—which have been partially transformed by faculty members into spaces of critical and progressive thought—will only push our education system further away from social relevance.
Past attempts to obliterate tertiary-level GE subjects such as Filipino, Panitikan, and Philippine Government and Constitution should serve as a cautionary tale. Way back in 2013, thousands of teachers were dismissed, displaced, forced to teach other subjects or transfer to other levels and were not offered ample state support during the difficult transition. The government's clear lack of plan to mitigate the prospective massive labor impact of their unjustified curricular changes—with tens of thousands certainly affected (around 36,607 to 39,935 college teachers will be displaced if GE is abolished in college, based on our estimates)—should also be reason enough to pause and reflect first on any policy shift. The marked worsening of a number of students' communication skills and seeming apathy on their social responsibilities can be also traced to that curricular imposition that massively affected faculty members.
This is not just about teachers losing their jobs. It is more about our students. If the overriding concern of our education is employment, we run the risk of treading the path of misguided philosophy of education. If our students are trained in the liberal arts (which the GE curriculum offers), in a critical way, they can also be good employees, but not just employees but also citizens who are able to discern truth from fake news, right from wrong and so on.
Time and again, we have seen the effects of hollowing out the heart of every curricula: a world of tyrants, wars, and cruelty, with thinkers and leaders unable to respond to multiple crises brought by extreme climate change.
Some education bureaucrats push for the prospective removal of subjects such as Understanding Culture, Politics, and Society, The Contemporary World, and Ethics in a time of global extreme climate change that worsens food insecurity and other problems, televised and livestreamed genocide in Gaza, rise of anti-migrant and racist groups, and ever-increasing possibilities of another world war is unconscionable.
Adherents of the obliteration of SHS core subjects and college GE subjects purportedly want the curricula to focus on employability and job-related skills as if core subjects and GE subjects don't contribute to preparing students for a job and as if education is meant to be merely preparation for the job market, rather than a holistic molding of the heart, mind, body, and soul for students to eventually become citizens who are capable of critically analyzing society and positively transforming the world. A holistic GE ensures that our graduates develop their creativity and critical thinking, something that would give them more agency in the outside world.
The labor and social movements of the past centuries fought hard for us to enjoy a world where there is life-work balance, where a day is meant to be spent as 8 hours of work, 8 hours of rest, and 8 hours of leisure, recreation, self-improvement, advocacy and social engagement.” (akin ang pagbibigay-diin)
Malinaw na (magiging) casualty (na naman) ang Panitikan/Literatura sa mga planong pagbabawas/pag-aalis ng core subejcts at/o GE subjects/courses sa senior high school at kolehiyo, sa panahon na lalong kailangan ng Panitikan/Literatura (asignatura at akda) dahil napakaraming nangyayari na di dapat mangyari: extrajudicial killings mula mga tinokhang hanggang sa mga sabungerong dinukot at ngayo’y nasa kailaliman na ng Taal Lake ayon sa isang testigo; napakatagal na pagsisimula ng impeachment trial ng bise presidente – kaugnay ng akusasyong korapsyon sa paggamit ng confidential funds – na ayon sa Konstitusyon ay dapat sinimulan agad o “forthwith”; pagsasabatas ng pagiging opsyonal na lamang ng Mother Tongue-Based Multilingual Education/MTB-MLE (na mabuti at hinihiling ng Tanggol Unang Wika Alliance/TUWA na ibasura ng Korte Suprema)...
Sa dami ng teksto, papel, saliksik na naisulat at maisusulat pa tungkol sa mga nagbabagang isyung pambansa, laging mas mabisa sa pag-antig ng manhid na damdamin ang isang awit, tula, o personal na salaysay/sanaysay kaugnay ng mga ito. Salamin ng karanasan, paraiso ng pangarap lagpas sa kapaitan ng daigdig sa kasalukuyan ang ilan lamang sa iniaalok ng panitikan kaya’t tiyak na laging may saysay at kabuluhan ang pagsulat ng mga akdang gaya ng nasa bagong isyung ito ng Luntian Journal – Isyu 12 – kahit sabihin ng mga burukrata sa akademya at gobyerno na walang impact (sa makitid nilang lente na binulag na nga ng kawalan ng lohika o kaya’y patuloy na pag-iral ng kolonisadong pag-iisip) ang mga akdang wala sa listahan ng Scopus.
P.S. Kaugnay ng Gaza, narito ang “latest casualty figures from the Palestinian Ministry of Health in Gaza as of July 6, 2025: Confirmed killed: at least 57,418 people, including at least 17,400 children; Injured: at least 136,261 people.” Samantala, sa UK Parliament, ifinile ni Jeremy Corbyn ang isang “Bill to make provision for establishing an independent public inquiry into UK involvement in Israeli military operations in Gaza; to require the inquiry to consider any UK military, economic or political cooperation with Israel since October 2023, including the sale, supply or use of weapons, surveillance aircraft and Royal Air Force bases; to provide the inquiry with the power to question Ministers and officials about decisions taken in relation to UK involvement; and for connected purposes.” Ayon sa ilang ulat sa midya ay nakatakda itong ibasura o isantabi ng gobyerno sa UK – isang bansang nagluwal din ng maraming anti-gerang manunulat gaya ni George Orwell at Wilfred Owen. Marahil ay kulang pa ang anti-gerang literaturang naisusulat ngayon sa UK at sa buong mundo kaya’t tuloy ang walang habas na pamamaslang ng militar ng Israel sa mga mamamayan ng Gaza. Manunulat, gawin ang iyong tungkulin: mag-ambag sa pagwawakas ng henosidyo at sa pagluluwal ng mas mapayapa at mas makatarungang mundo!
Mga Sanggunian at/o Kaugnay na Babasahin:
https://www.dlsu.edu.ph/wp-content/uploads/pdf/research/journals/malay/tomo-34/1/4-san-juan.pdf
https://journals.upd.edu.ph/index.php/humanitiesdiliman/article/view/10271
https://collections.unu.edu/view/UNU:9082
https://link.springer.com/article/10.1007/s11192-024-04948-x
https://ese.arphahub.com/article/51987/
https://journals.plos.org/plosone/article?id=10.1371/journal.pone.0253397
https://docs.google.com/forms/d/e/1FAIpQLSf5GWulrjneFvGgxFoTvXs9_aVInKSwO8XAMbdNisssRXq7rw/viewform
https://www.facebook.com/share/p/15gQcrsTiv/
https://www.facebook.com/share/p/1CX47fUPoX/
https://www.aljazeera.com/news/2025/3/18/gaza-tracker
https://bills.parliament.uk/bills/3987
Dapat May Dagli
Bukod sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), isa pang biktima o casualty ng MATATAG Curriculum ang dagli.
Sa K to 12 Basic Education Curriculum, itinuro sa asignaturang Filipino sa Baitang 8 ang “kontemporaneong dagli,” bilang isa sa mga halimbawa ng popular na babasahin, kasama ng pahayagan, komiks, at magasin, at ng iba pang “anyo ng panitikan,” tulad ng komentaryong panradyo, dokumentaryong pantelebisyon, at pelikula.
Ngunit hindi kailangang sa Baitang 8, o kapag mga 14-15 taong gulang na ang mga mag-aaral, dapat ituro ang dagli. Nang magkaroon ako ng pagkakataong magsulat ng teksbuk sa Filipino para sa Baitang 6, ipinakilala ko na sa mga mag-aaral ng K-12 ang dagli bilang isa sa mga tekstong naratibo o nagsasalaysay.
Ano ang nangyari sa dagli sa loob ng isang dekada ng K-12? Mandato ng gobyernong rebyuhin ang Basic Education Curriculum matapos ang panahong ito. Sana ay hindi lamang mga dagli ni Eros Atalia—isa sa mga nirerespeto kong kaibigan—mula sa kaniyang koleksiyong Wag Lang Di Makaraos: 100 Dagli (Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay) (Visprint, Inc., 2011), ang alam ituro ng mga guro, na malamang ay nabasa rin nila sa mga instructional material, kaya ang ganoong estilo at anyo lamang ang natutuhang isulat ng mga mag-aaral.
Hanggang ngayon na sinimulan na ang implementation ng MATATAG Curriculum, buzzword pa rin sa mga taga-DepEd (Department of Education) at mga edukador na nagsasalita sa mga seminar at conference ang “decongest the curriculum.” Kalabisan bang ituro ang dagli kaya kasama ito sa na-decongest—na para bang pinurga ang panitikang Filipino?
Sa Introduksiyong isinulat ko sa aking aklat na Ang Huling Emotero (University of the Philippines Press, 2021), isang koleksiyon ng mga dagli, na matatawag ding dadaanin dahil saktong 100 salita ang bawat akda, sinikap kong lagumin ang kasaysayan ng dagli, lalo na ang iba’t ibang schools of thought nito. Ibig sabihin, hindi lamang naratibo at may plot twist ang dagli. May mga dagling nasa anyong tulang tuluyan at malasanaysay na inilathala ng mga pinagpipitaganang manunulat sa loob ng isang siglo. Maging ang dadaaning anyo ng dagli ay inspirasyong nahugot ko mula sa Dadaanin (Anvil Publishing, Inc. at De La Salle University, 2011), na si Dr. Nonon Carandang, ang Punong Patnugot ng Luntian journal, ang isa sa mga tumayong editor.
Sa kasamaang-palad, hindi rin isinama ang dagli sa mga dapat pag-aralan sa Malikhaing Pagsulat, isa sa mga asignatura sa Strengthened Senior High School Curriculum ng MATATAG.
Mabuti na lamang at maaaring magpasa ng dagli sa Luntian journal, gayundin sa iba pang journal sa Filipino at mga creative writing workshop na tumatanggap din ng mga akdang Filipino.
Gayunman, malaki ang impact ng pagtokhang sa dagli sa MATATAG sa paglinang ng dagli sa bansa, lalo pa’t isa ito sa mga maituturing na tradisyonal na naratibo o kuwento (magkaiba ang dalawang ito) sa bansa. Hindi pa rin malinaw hanggang ngayon kung ano ang minimum at maximum na bilang ng mga salita nito. Naalala ko tuloy noong naging fellow ako sa 53rd UP National Writers Workshop noong 2014: Binanggit ni Ma’am Chari Lucero na sudden fiction ang “Si Binibining Phathupats” ni Juan Crisostomo Soto. Maaari din ba iyong tawaging dagli? Tutal Kanluranin ang simulain ng sudden fiction.
Ngayong ipinauso ng MATATAG ang visual at multimodal texts, naisabay na sana ang proseso ng pagbabago sa anyo ng dagli. Halimbawa, tatanggapin na ba ang mga dagling mukhang concrete o shape poem? Ang mga hindi na teksto—halimbawa, mga pinagdikit-dikit na larawan lamang? Ang mga ginamitan ng multimedia?
Hindi naman nawala sa uso ang dagli. Kaming mga editor at rebyuwer ng Luntian journal ay naglalathala ng mga dagli. Hanggang ngayon, naglalabas ng dagli, hindi lamang ang mga self-published at alternative press, kundi maging ang mga university press, gaya ng University of the Philippines Press at University of Santo Tomas Publishing House. Noong panahong nasa kasiguran pa ng pandemyang dala ng COVID-19, pinauso nina Bebang Siy at Dr. Vim Nadera ang dagli na may saktong 19 salita.
Sa panahon ng Fourth Industrial Revolution, tiyak na may mga bagong school of thought na lilitaw patungkol sa estruktura at paksa ng dagli. Hindi dapat gawing institusyonalisado ang pagsupil sa pag-unlad na ito. Lalo na’t ang dagli ay may anyong micro-memoir, gaya ng mga ipinapaskil sa social media, na maaaring maging instrumento ng paglalantad sa misimpormasyon, disimpormasyon, at malimpormasyon; ng pagmulat at pagpapakilos sa taumbayan sa ngalan ng katotohanan at hustisya sosyal.
Hindi ba’t dapat choice nating ipaglaban ang dagli? Masaya pag may dagli. Mahal natin ang mga dagli. Gusto natin ang mga dagli. Kaya, dapat may dagli.
I think I've seen this film before...
Sa dami na ng pelikula’t teleseryeng napanood natin, halos kabisado na natin ang takbo ng kwento. 'Yung tipong nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng palabas, alam mo na kung sino ang mamamatay, sino ang tunay na anak ng mayamang mag-asawa, o sino ang traydor sa mga kaibigan ng bida. Kagaya nitong katatapos lamang na Squid Game Season 3. Nang banggitin ng direktor sa isang panayam na hindi magiging happy ang ending ng global hit series na ito, senyales na iyon na maaaring mamatay ang protagonista nitong si Seong Gi-hun. Lo and behold, nagwakas nga ang serye sa kanyang pagkamatay (pasensya na sa spoiler).
Again, signs. Kahit sa usaping medikal, hindi naman kalimitang lumulubha agad ang isang sakit, 'di ba? May mga sintomas na nararamdaman ang isang pasyente. Lumalala habang tumatagal. Pero may foreshadowing. Hindi tayo binibigla. Kahit nga ang nambibiglang sakit na Aneurysm, may general symptom pa rin na kalimitang pananakit ng ulo at/o panlalabo ng paningin. Ibig sabihin, laging may signs bago pa man mangyari ang mga maaaring mangyari. Inihahanda tayo sa mga posibleng wakas o ending. Pero malimit natin itong naisasawalang-bahala dahil aminin naman natin, madalas nating hinahayaan ang ating mga sariling lamunin ng emosyon kaysa gabayan ng mga lohikal na rason.
In effect, nakagagawa tayo ng mga desisyong pinagsisisihan natin sa huli. Yung tipong, parang napanood ko na ito ha. Alam ko na ang susunod na mangyayari. Pero kahit napanood at tiyak na tayo sa kalalabasan, pinipili pa rin nating gawin o piliin ang desisyong iyon. Human nature e. Matigas ang ulo natin. Alam na ngang bawal, kinakain o ginagawa pa rin. Alam na ngang delikado, tutuloy pa rin. Alam na ngang hindi sigurado, tataya pa rin. Mahilig tayo sa thrill, sa excitement.
Sige nga, ilang beses na bang napudpod ang tenga ng mga kaibigan natin sa kapakikinig ng paulit-ulit nating kuwento ng kasawian sa mga taong hindi natin mahiwalayan o malayuan kahit malinaw naman na isang walking red flag? Kulang na lang i-record na nila ang lahat ng sermon nila sa 'yo para pipindutin na lang ang play button kapag nag-rant na naman tayo sa kanila. Siguro nga kung isang pelikula ang buhay natin at napanonood ito ng ibang tao, tiyak na minumura na nila tayo. Sobrang linaw na ng signs. Naghuhumiyaw na ang kulay pula sa atin. Pero nagiging colorblind tayo. Pinipilit pa rin nating maniwala sa happy ending kahit ang lahat ng senyales ay patungo sa heartbreak. Kaya kapag nag-chat tayo sa friends natin out of nowehere tapos madaling araw pa, isa lang ang nasa isip nila: I think I've seen this film before.
Pero siyempre, hindi naman sa lahat ng pagkakataon palaging nadidiktahan ng signs ang ending ng kuwento. Hindi ba't palaging nabubugbog sa simula si FPJ sa mga pelikula niya? Kung hindi ka malay at lumaki sa typical character arc ng kanyang mga ginagampanang papel, aakalain mong wala na siyang pag-asang manalo sa mas makakapangyarihang kalaban. Pero kahit anong gawin mong pagpapaulan ng bala at bomba sa karakter ni FPJ, maililigtas pa rin niya ang kanyang mga mahal sa buhay at mapababagsak ang mga kriminal.
Ito nga yata ang pinanghawakan ko nang lakas-loob akong nag-register sa GCash Run at 10KM pa ha kahit wala akong prior experience o proper training. May option naman na 5KM o 1KM pero inuna ang yabang sa katawan. Well, guess what? Nakailang practice run ako bago ang mismong fun run, pero hanggang 5KM lang ang kinakaya kong takbuhin. As in labas-dila na akong tumatakbo pero hindi ko na magawang ma-push ang sarili ko. Kung isa itong sign mula sa universe, malinaw na tragic ending ang naghihintay sa akin. Either hindi ko matapos ang 10KM run sa ibinigay na time limit o i-push at sagarin ko ang sarili ko pero baka maging kuwento na lang ako dahil inatake na sa puso.
Fast forward sa araw ng GCash fun run, kakalagpas ko lang sa 5KM mark, pero halos mahimatay na ako sa pagod. Naghahalo na ang lahat ng emosyon, gutom, puyat (yes, kasalanan ko ito), frustrations sa sarili, galit sa gobyerno, at iba pa. Pero nagpatuloy lang ako sa pagtakbo. Takbo lang nang takbo kahit nagmamakaawa nang sumuko ang tuhod ko. Hanggang sa—boom—nakakita ako ng liwanag. Literal na liwanag mula sa mga ilaw at sunod-sunod na flash ng camera ng mga photographer na nasa finish line upang kuhanan ang moments of sakses ng mga nakatapos ng race.
Kung tatanungin ako bago ang race kung naisip kong matatapos ko ang 10KM, given all the signs na nakita ko, ang isasagot ko ay hindi. Ang mahalaga lang sa akin ng mga oras na iyon ay pupunta at susubukan ko. Imagine kung naduwag ako at hindi na pumunta dahil alam kong hindi ko rin naman matatapos o sa kalagitnaan ng race ay piliin ko nang huminto. Hindi mangyayari ang plot twist. Hindi ko mararanasan ang FPJ moment ko. Nabugbog sa simula pero sumakses pa rin sa dulo. At higit sa lahat, wala sana akong GCash medal na nakasabit ngayon sa kuwarto at wala akong strava post na ife-flex sa social media na may caption pang “against all odds. He believed he could, so he did.”
Ilang beses tayong makakaranas ng ganitong eksena. Mahihirapan. Mapapagod. Matatakot. Magrereklamong susuko o bibitaw na. Pero sa kabila ng lahat ng signs na nagsasabi sa ating imposible nang manalo o makarating sa dulo, hindi ba't palagi pa rin nating pinipiling sumubok? Kahit pa alam nating posibleng pangit o hindi natin magustuhan ang ending nito kagaya ng sinasabi ni mareng Taylor Swift. Kaya siguro may mga pasaway na tauhan sa mga pelikula na gumagawa ng mga tangang desisyon (hal. pagsasakripisyo ng buhay) na in the end, nagbubunga ng maganda at tila nagtutulak ng domino effect patungo sa mas magandang wakas na magugustuhan ng audience?
Kaya, Oo, anoman ang pinagdaraanan natin ngayon, kahit alam nating dehado at bugbog na tayo, kahit tangang-tanga na tayo sa mga desisyon natin, suong lang. Defy all odds, ika nga. Lumaban kahit parang ang mundo na ang kumakalaban sa atin. Dahil sa huli, hindi naman ang uri ng ending ang madalas nating pinagsisisihan kundi ang mga desisyong ginawa o hindi natin ginawa.
Ang Dahás ay Di Lang Palabás ng Nobela
Tatlong taon din bago napalitan ang numero uno ko sa listahan ng “pinakamagandang” nabasang nobela. Bagaman aminado akong ’di naman maraming-marami ang nabasa ko (o kung may pamantayan bang bilang doon), kapwa sa banyaga at lokal, ito ang naiisip kong isagot t’wing natatanong ng mga mag-aaral at kaibigan, o may nakikitang lista-listahan online. Pinatalsik ng Topograpiya ng Lumbay ang Lila ang Kulay ng Pamamaalam. Ang kakatwa rito, pareho ang may-akda ng mga nobelang nabanggit, hindi kailangang pagboksingin. Kapwa kabahagi ng septolohiya ng mga nobela na tinawag ng manunulat na Imus Novels o Imus Saga.
Unang dahilan, ganito. Nakabasa ka na ba ng akda, kahit anong sulatin o genre na matapos mong basahin, parang nakapasan sa likuran mo ang isa sa mga tauhan? Naiitsa ang libro sa isang bahaging lubog na lubog sa mga pangyayari? May mga panahong bang t’wing napadaraan o bumabagtas sa reál o piksiyonal na lugar na primaryang lunan sa akda (ang sarili mong bersiyon ng Imus, Cavite, halimbawa) ay naiisip mong naririyan lamang sa tabi-tabi ang mga persona at tauhan—buháy at humihinga—magkatabi ang mga daliri sa dalampasigan, o naghahabulan ang mga paa sa burol ng kamusmusan? Iyan ang datíng sa akin ng Lila at Topograpiya.
Subalit paanong nagawang maalis sa puwesto ng nobelang tatlong taon ding nanahan sa mga gunam-gunam? Na malay man o hindi, naging pamantayan o timbangan sa sari-saring mga desisyon sa buhay at pakikipagrelasyon? Ang mahika ng Topograpiya ay higit na mamaybay mula aspektong pisikal hanggang sikolohikal ng mismong lugar—hindi lamang bilang payak na lunsaran ng mga kaganapan—kundi isang umiiral na tauhan.
Halimbawa, may tauhang isang pedophile na pastor ng isang malaking kongregasyon ang palihim na nambibiktima ng mga batang lalaki. Makasasagasa siya ng isang prominenteng pamilya ng mga politiko sa probinsiya at ilalantad ng nobela ang higit na malagim, karima-rimarim, ’di-kayang maipaliwanag na sasapitin niya sa kamay ng mga ito. Mayroong mabuting pulis na makadidiskubre ng krimen ang matatanggal sa serbisyo dahil dito, subalit sa takbo ng mga pangyayari, magkakaroon ng pag-ibig sa asawa ng pastor; kaya maglalakas-loob hanapin ang kaisa-isang anak na babae ng biktima para iparating ang pangyayari, o higit, ang lumalalang kalusugan ng ina nito. May manunulat na naroroon din sa pinangyarihan ng krimen ang may sariling agenda (o kaniya nga bang maituturing?); may anak ang babaeng anak ng biktima na gusto niyang mabawi sa kustodya ng nakarelasyong propesor sa kolehiyo.
Milagrong maituturing na napagkasya ng manunulat ang sala-salabid na tunggalian sa banghay, maging ang suliranin at representasyong panlipunan ng bayang Pilipinas sa loob lamang ng 288 na mga pahina.
At hindi ito ang kinasanayang lumang pelikulang Pilipino na bukod sa nakatuntong sa brutal na diyalogong namumutiktik at naghuhumindik sa mga “Putang-ina-mo!” at “May-araw-ka-rin-gago!” ay nagka-capitalize sa mga eksena ng live show sa beer house at barilan sa abandonadong mga gusali’t lumang mga bodega.
Sa estilo ng manunulat na isa ring pintor at musikero, nagagawa niyang ipinta at iparinig ang mga idea at melodiya ng agam-agam, pagtataksil, tortyur, at, at… gaano man kapangit, hindi kaakma, kaabsurdong pagkakasunod-sunod—pag-ibig. May pag-ibig pa rin sa gitna ng asal-hayop na pagpatay at pangangatay! Humanisasyon sa gitna ng pinakamadilim at pinakamaitim na kayang gawin ng tao sa kaniyang kapwa o maging sa sarili. Tila nililikhang ordinaryo na lamang ang karahasan, na mas nakakikilabot pa itong basahin, na para bang ang karahasan ay bahagi na ng araw-araw, at kailangan na lamang natin itong tanggapin.
May isang eksena sa unang bahagi ng nobela ang payak na naglalarawan lang ng tila “sumasayaw sa hangin na kurtina” sa isang high-rise condo tower sa Makati. Bukod sa gandang-ganda ako sa paglalarawan, hanggang ngayon iniisip ko, foreshadowing ba ’yon? Ipinapakò ang mambabasa sa pinakamaliliit na detalye na madalas, ipinagwawalang-bahala lamang bilang bahagi ng naratibo at tinitingnang “flexing” ng manunulat na “hey, yow, ang galing ko ’no?” Paghahanda ba sa ’kin ’yon sa mas mabibigat pang delubyong paparating, lalo pa’t sinimulan ang pagtatagpo ng mga pangunahing tauhan sa isang bahay na niragasa at winasak ng Yolanda?
Kay raming tanong na direkta man o hindi, sinasagot ng nobela. Tila sinasabing hindi lamang mga tauhan ang bida rito kundi mismong bahay na saksi sa krimen. Ang kapayapaan ng mga sutlang dagat ng Kabisayaan. Ang isang sulok sa laging nagmamadali at nanunukat na Metro. Ang ilog ng pagsusuyuan at pagkawalay sa panahon ng Batas Militar. Ang pagkukuwento’t paglalarawan sa mga tauhang ninanakawan ng ulirat habang kumakapit sa kahuli-hulihang hibla ng kani-kanilang mga paniniwala.
At kung pagmamapa ng sakit, lungkot, lumbay, desperasyon ang pinakabuong proyekto ng Topograpiya, baka mainam na sabihing hindi lang nagtagumpay ang manunulat. Nagawa nitong detalyadong balangkasin sa mga mapa ng ating isip ang masasalimuot na katotohanan ng ating bayan, mula sa estado nito noon, hanggang sa estado pa rin nito ngayon.
Ngayon, iniisip ko. Kayâ ba nagawang “patalsikin” ng Topograpiya ang Lila sa puwesto nito ay dahil mas “marahas” ito kaysa sa nauna? Higit na kapana-panabik ang mga eksena ng pagpatay at pagpapahirap sa kapwa kaysa pagpasan at pagpapataw nito sa sarili? Tumanda na lamang ba ako bilang mambabasa kaya’t nakaya ko nang mag-move on mula sa kamatayan ng pinakamatalik na kaibigan at isiping bahagi lamang ito ng pagbibinata, o ng buhay sa pangkalahatan? Sinasanay ba tayo ng mararahas na nobela upang ihanda tayo sa mapapait na katotohanan ng mundo? O gaya nang matagal na nating alam, lagi’t lagi lamang representasyon ng lipunan ang mga iniluluwal nitong akdang pampanitikan?
Ngayon, may mga bagong dagdag sa listahan. Nang mabasa ko ang mga nobelang Bangin sa Ilalim ng Ating Mga Paa (2021), Yñiga (2022), at ang Gerilya (2008), mukhang hindi maaaring habambuhay na mag-sitting pretty sa kaniyang trono ang Topograpiya. May iba’t ibang mukha ang kalupitan at tunggalian sa lipunan. Mula sa magulo at maruming looban, sa sunog na tumupok sa mga kabahayan, hanggang sa mga matarik at masukal na mga sonang gerilya, laging hinahamon ang hanggahan ng kayang unawain ng mambabasa.
Laging palabás lang ang dahás hanggang ’di tayo o ang mga mahal natin sa buhay ang nagiging mismong mga biktima. Hanggang ’di natin kilala ang mga isinasakripisyo ng giyera, ng genocide, ng Tokhang, ng sapilitang pagkawala. Ng kahirapan, ng sakit sa isip, ng pang-aabusong seksuwal. Hanggang ’di natin nilalabanan, itinatatwa, at isinusumpa ang lahat ng puno’t ugat ng pagdurusa ng sambayanan.
Ikaw, ano ang numero uno mong nobela sa ’yong listahan?