Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Noong nasa high school pa ang ate niya, may madre daw na nag-download ng piratang pelikula sa computer ng school. “Devil” daw ang pangalan ng virus na ito, at sinolusyonan ni sister ng dasal at holy water. Nasira ang computer.
Gusto sanang maniwala ni Keith sa kwentong ito, pero may duda siya. Una, bolera talaga ang ate niya. At pangalawa, alam niya hindi naman pwedeng magbendisyon ang mga madre, kaya saan ito pupulot ng holy water. “De ville” pa daw ang pagbigkas ng madre sa “devil.” Dagdag na detalye para magtunog kapani-paniwala, o patunay na hindi nga inimbento ang salaysay?
Hindi siya makapag-isip, pagod na pagod ang isip niya. Bumalik na naman ang dwende sa kanyang balikat. Sana nga talaga, dwende na lang ang nagpapasakit sa balikat niya. Para tatawag lang siya ng albularyo, pagkatapos mawawala na. Dahil wala namang dwende, kung ano-ano na ang sinusubukan niya. Paracetamol. Ibruprofen. Kung ano-anong cream, ointment, “sticker.” Maganda lang doon sa sticker, mabango.
Pumitik-pitik si Keith. Tumayo siya sa harap ng computer, nagsayaw-sayaw. Pitik pitik. Wala rin namang nangyari. Naka-lock pa rin ito. Biktima ng malware. Kasalanan din niya, hindi siya natuto sa fable, o parable ba?, ng ate niya. Gumaya siya sa madre, nag-download siya ng piratang pelikula. Ngayon nanganganib ang kasong hawak niya.
Buti na lang talaga, nailipat niya ang karamihan sa files niya bago siya nag-torrent. Kundi, lagot. Lahat ng impormasyong nakalap niya sa limang taong pag-iimbestiga ng mga taksil na asawa, kuyang nangangamkam ng mana, artistang gustong manira ng karibal, lahat ngayon nasa cloud, at nasa external niya. Ito lang talaga, ito lang latest niya, dapat isinabay na niya. Kaso nga lang, nasa kalagitnaan pa lang siya ng kaso. Hindi pa niya solved, hindi pa siya bayad. Kaya hindi niya trinansfer. Kasi ita-transfer din naman niya pagtapos na. Ayaw niyang magkaroon ng doble-dobleng kopya ng file, lalo na pag babalikan niya iyong kaso, pagkatapos imbes na iyong kumpletong bersyon ang mabuksan niya, ang meron iyong simula pa lang ng imbestigasyon. Nangyari na kasi iyon, ilang beses na.
Pero kasalanan talaga niya. Kasi meron naman siyang Google Drive, at One Drive, pati Drop Box. Iyon naman back up lang talaga, so pwede dapat siyang magkaroon ng mga di-kumpletong kopya. Dahil ang binabalikan naman niya iyong nasa external. Bakit niya hindi ginamit? Hindi naman dahil gusto niya sa cleanliness. Cleanliness is next to godliness.
Buti na nga lang at hindi umakyat ang malware sa cloud services na mayroon siya. Nagagawa ba iyon ng malware, ang umakyat? Kasing clueless lang niya si sister pagdating sa mga problemang teknikal. Magaling siya pag naniniktik, namboboso, nagmamatyag.
Ngayon hindi niya ma-access ang video niya kay Siyentista.
Tulad ng karamihan sa mga kaso niya, pag-ibig ang nasa likod ng isang ito. Misis ni Siyentista ang nagpahabol sa kanya. Pakiramdam ni Misis, may kabit si Siyentista. Bakit daw ito laging pumunta ng laboratoryo, kahit Linggo? Bakit daw ito laging ginagabi? Ang hula ni Misis, ang bagong “lab assistant” ang kalaguyo ni Siyentista.
Mas malala pala ang katotohanan. Aning na si Misis, dalawang gabi nang hindi umuuwi si Siyentista.
Nagkamot si Keith. Bukod sa masikip, makati ang labcoat niya. Ganito ang trip niya pag may iniimbestigahan. Gusto niyang mapasok ang isip ng kanyang binobosohan. Para bang sa espiritwal na lebel, nahuli na niya ito. Tulad ng mga ninuno niyang nagsusuot ng balat ng hayop na nakatay. Pero sa kaso niya, hindi pa niya nakakatay, suot na niya ang balat. Manifesting, wala namang masama.
Imbes na kay Misis, dapat pumunta na siya sa pulis. Pero wala namang maniniwala sa kanya, parak man o babae, hanggang wala sa kanya ang patunay na video. Lampas na ito, alam niya, sa kahingian ng kaso. Dapat nga, kung tutuusin, sabihin na niya ang isa sa mga katotohanang alam niya kay Misis: na hindi naman nangangaliwa si Siyentista. At hindi lang na, ibang babae ang kabit nito, imbes na si lab assistant. Wala talaga itong babae. Pero may lihim ito. Si Keith lang ang nakakaalam, at walang maniniwala sa kanya kahit na totoo ito.
Baka nga kahit may video siya, hindi pa rin siya paniwalaan ng mga pulis. Sasabihin, ginamitan lang niya ng AI. Siya rin nga mismo, noong simula, hindi makapaniwala.
Pumunta siya sa kanyang blackboard. Gamit ang kanyang dustless yeso, iginuhit niya ang kanyang teorya. Nasa sentro ang katawan ni Siyentista. May arrow papunta sa pangalan ng kanyang kliyente. May arrow papunta sa drowing niya ng laboratoryo nito, ng bahay, ng beerhouse, ng cabin--akalain mong may cabin, sa Tagaytay!--may arrow din papunta sa pangalan ng assistant nito, at sa pangalan ng kalaguyo. Ang kalaguyo ay hindi kalaguyo ni Siyentista, pero ng kaibigan nitong chickboy. Pinagtatakpan ito ni Siyentista. Isinulat ni Keith ang mga susing salita: grant, pulitiko, virus. Sa gitna ng lahat ng ito, ang dambuhalang tandang pananong.
Narinig niya ulit mula sa labas ng ngiyaw. Dumungaw siya sa bintana. Naroon na naman ang pusa. Hindi naman ito mukhang mamahalin, pero alam niyang hindi pusakal. May collar, hindi gula-gulanit ang balahibo. Kinuha niya ang mug na may tubig mula sa kanyang mesa, hinitsa niya sa pusa. Hindi ito mainit, ayaw naman niyang saktan iyong pusa. Pero kailangan niyang bugawin. Baka kasi sa labas pa ng bahay nila mamugad, doon umihi at tumae.
Ilang beses na niya itong binubugaw nitong linggo. Alam niyang may inuuwian ito, kasi nawawala pag gabi. Ngayon kasi, tanaw niyang nagtatago lang ito sa malapit. Dapat kumuha siya ng aso, para hindi lumapit iyong pusa. Kaso, mas ayaw niya sa aso. Malaki masyadong responsibilidad, e pinanggagalingan nga ng pagkain niya sa araw-araw, hindi niya maprotektahan mula sa virus.
Mainit. Tinanggal niya ang kanyang labcoat. Hinila niya ang lubig ng bentilador, sinet ang lakas nito mulang 2 papuntang 3. Hindi naman lumamig, kumalat lang ang lupa mula sa mga orkidyang nakasabit malapit sa kanyang bintana. Pumunta siya sa drawer, naglabas ng hospital gown. Ito man ay may kinalaman sa kanyang iniimbestigahan. Sa kanyang mamamatyag, natutunan niyang maraming catchphrase si Siyentista. Ang hilig nitong humirit, kahit minsan wala sa hulog. Isa sa mga paborito nitong ulitin: “Hindi malayo ang agham sa kabaliwan.” Nang una itong marinig ni Keith, nabilib siya. Naisip niya, pareho nga lang na naghahanap ng kaayusan sa mundo ang mga siyentista at baliw. Nang ulitin ito ni Siyentista, nagkaduda na siya. Wala naman itong kinalaman sa pagpapabilis ng pagdala ng order (nasa resto si Siyentista kasama ang chickboy sa gabing ito). Nang ulitin pa ito ni Siyentista, sa gasolinahan naman, nang masabihan ng attendant na magmamahal ang singil sa diesel kinabukasan, natanggal na ang blinders ni Keith. Matinik pa rin naman sa kanyang mga mata si Siyentista, pero mas mainam na wag na lang itong magsalita.
Meron siyang thought experiment na hindi inilalabas sa social media dahil ayaw niyang makansela. Paano kung iyong mga nagpapatiwakal, hindi sa Pilipinas kundi sa Amsterdam, i-donate na lang ang katawan sa maraming grupong nangangailangan nito? Halimbawa, mga nagugutom sa Pilipinas. Isa pa: mga necrophiliac. Kahit papaano napamahal na rin sa kanya si Siyentista dahil pakiramdam niya ito ang uri ng tao na hindi mawiwirduhan sa mga naiisip niya. Alam ni Keith na mapanganib ang ganitong uri ng transference. Hindi pwedeng magkaroon ng emosyonal na attachment sa mga kliyente, at lalo na sa mga minamanmanan! Hindi maganda para sa negosyo, lalo na ngayong mahirap ang pera. Mahirap ang pera, pero kailangan na niyang magdesisyon. Kanina pa naman talaga siya nagdesisyon, pero nagkukunwari siyang hindi pa. Maalam naman siya sa crytocurrency, kaya, tulad ng hinihingi ng lumikha ng malware, nagpadala siya ng bitcoin sa isang address. Pagkatapos ng sampung minuto, naibalik na sa kanya ang kontrol ng kanyang laptop. Alam siguro na mahirap lang siyang Filipino, at hindi mayamang puti, siguro ay Ruso ito, kaya binabaan lang ang ransom. Sampung libo rin. Sana ay bigyan siya ng tip ni Misis. Kundi, pag nagkataon, breakeven lang siya sa kasong ito.
Pinanood niya ang ulit ang video. Naroon si Siyentista sa laboratoryo, naroon din ang kanyang assistant. Hinahaplos-haplos ni Siyentista ang kanyang aparato, at nasa may pinto ang assistant. Ilang beses na nilang pinag-awayan ang aparato, pero isang beses pa lang itong nakakuhanan ng video ni Keith. Sa audio ng mga unang pag-aaway, naintindihan ni Keith na gustong pag-eksperimentuhan ni Siyentista ang kanyang assistant. Sa una kasi, pumapayag ito. Bumubuti daw kasi ang pakiramdam nito dahil si itinuturok ni Siyentista. Pero nang lumaon, nagsimula na itong mahilo. Dumugo ang ilong. Galisin. Ayaw na ng assistant, at hindi naman namilit si Siyentista. Itinurok nito ang likido mula sa aparato sa sarili. Inabangan ni Keith ang eksena. Nang una itong mapanood ni Keith, nasuka talaga siya, pero nagawa niyang lununin, kaya hindi ito counted bilang suka. Ngayong ikalawang beses na, normal na lang ang footage para sa kanya. Para na lang siyang ang assistant, na hindi rin naman dinibdib ang natungyahan nang harapan. Agad siyang nag-save ng kopya ng video sa tatlong cloud back up services, pati na rin sa kanyang external.
Sa shooting ng isang pelikula sa malayo at liblib na lugar, maselang kinukunan ng direktor ang eksenang manananggal sa loob ng isang luma, sira-sira, at magigiba ng kubo. Mahusay ang artistang gumaganap at aliw na aliw ang production staff sa nakakikilabot na mga eksena. Nagliwanag ang buong gubat. Ang dating balot ng dilim na kakahuyan ay nagmistulang isang munting siyudad sa gitna ng matatayog na puno. Dahil sa pamamalagi ng mga dayuhang gumagawa ng pelikula, nabulabog ang mga tunay na naninirahan dito.
Sa mismong kanayunan, limang kilometro ang layo sa gubat, isang matandang walang anino ang balisa, nanlilisik ang mata, palinga-linga, naghahanap ngmatutuluyan.
Pinilit niyang isalba ang kanyang sarili at naglakad patungo sa direksyon ng mga pulis, ngunit patuloy ang pagtama ng bala sa kanya. Natumba si Andrei habang yakap ang abuhing backpack na naglalaman ng kanyang toga. Umagos ang dugo at dumaloy sa hawak niyang graduation program. Ipinatong sa kanyang dibdib ang programa at medalya para sa kaniyang pagtatapos.
Sumambulat ang pulang likido at nanginginig na sambit ni Andrei, “wa...wa…wala po akong kasalanan”.
Samantala, sa himnasyo ng pamantasan,
“Luis Andrei Pamintuan, Jr., Bachelor of Science in Architecture.”
Halos naikot niya na ang buong Kamaynilaan. Pinupuntahan ang kilala hanggang sa pinakakilalang kainan. Wala siyang pinalalampas. Iniisa-isa. Lahat sinusuri. Pinaglalaanan ng oras.
Pagdating ay ngingiti, kakaway, at sesenyas kung saan maghihintay. Kabisado na ng tagasilbi ang kanyang nais. Magmamadaling pumunta sa kusina at ihahanda ang lahat klase ng manok na madalas niyang hinihiling. Matiyagang maghihintay sa pagdating ng tagasilbi mula sa kusinang abalang abala sa pagluluto.
Sa pagbabalik, agad na ibibigay ang paboritong manok na sabik na inaabangan. Oras na mapasakamay, mapapapikit sa pamilyar na amoy, sabay ngingiti. Titignang mabuti ang bawat hiwa. Walang pakialam, tignan man ng mga taong labas pasok sa kainan. Ang mahalaga, makita ang manok na pasok sa pamantayan ng kanyang mata. Ang manok na magpapasaya sa kanyang buong pamilya. Kahit, tila ang lahat ay bawas na.
Alas-onse ng gabi. Sabado. Ika-labing-apat ng Disyembre.
Sa totoo lang, hindi ko kailangang magbanat ng buto; pinilit lang ako para raw ay matuto. Kaya heto ako, nagmamaneho sa kahabaan ng Taft, pagod galing sa sampung oras na trabaho.
Habang hawak ang aking manibela, napagtanto ko na mas mabuti pa ang sasakyang minamaneho ko, tumatakbo sa napakamahal na gasolina. Ako, tumatakbo sa kape at droga, paulit-ulit, araw-araw.
BLAG!
"Yung Bata!" Sigaw ng isang Ale.
Naramdaman kong umangat ang aking sasakyan. Tumawag ito mula sa paglipad ng aking isipan.
"Anak ko!" Sigaw ng isang babaeng buntis, pulubi mula sa gilid.
Agad akong tumigil sa tabi ng kalsada. Dali-daling pinatay ang makina, pinindot ang pinto, at bumaba ng kotse.
Nabali ang paa ng batang siguro ay nasa labingtatlong gulang, duguan at basa ng putik, umiiyak. Hindi ko napansin ang amoy ng Taft na lagi kong kinaiinisan, dahil kahit sa kadiliman nito ngayon, aninag ko ang kintab ng dugong umaagos mula sa katawan ng bata.
“Akong bahala! Malapit lang ang PGH dito.” Sigaw ko.
“Sakay!”
Pinatakbo ko ang sasakyan, mabilis na para bang walang ibang dumaraan sa masukal na kalsada.
Patuloy na umiiyak ang nanay at ang bata, paulit-ulit na humahagulgol at humihiyaw.
Naaawa ako.
Napahinto muna kami sandali dahil sa naabutan naming traffic.
Naaawa ako.
Inilabas ko mula sa lalagyan ang baril ng tatay ko na may silencer at binaril sila parehas sa ulo.
Tahimik na sa wakas. Naawa ako sa sarili ko dahil tiniis ko pa ang kanilang ingay.
Pinaandar ko ang aking sasakyan at pumuntang Recto. Nagmatyag kung marami pang tao. Maliban sa iilang naghihintay ng sasakyan, halos wala nang ibang tao sa paligid.
Sa gilid ng ilog kung saan maraming sumisinghot ng rugby tuwing umaga ako tumigil. Itinapon ko ang kanilang bangkay at iniwan ang isang karatula:
"Pusher kame, Huwag tularan".
Alas-dose ng gabi. Linggo. Ika-labing-lima ng Disyembre.
Kaarawan ko na pala. Sakto sa pulang kulay na lutang sa damit ko.
Sa wakas matapos ang halos isang taon ay napagbigyan din ang inaasam na bakasyon ni Ajong pabalik ng Pilipinas mula sa Amerika. Sa kabila ito ng tumitinding pangangailangan para sa tulong panseguridad sa Gitnang Silangang Asya. Walang gabing hindi niya ipinagdadasal ito habang umiiyak at paminsan pa nga kapag nag-iisa o kaya ay kausap ang kasintahan sa telepono ay humahagulgol hanggang sa makatulugan niya ito. Ang bawat pag-gising sa kaluskos at ingay ng mga kasamahan sa loob ng barracks ay kinasanayan na lang sa loob ng tatlong taon. Iba’t ibang lahi na may iba’t ibang bitbit na pag-uugali ang paulit-ulit niyang inaaral na pakisamahan. Ang bawat araw ng kanyang pananatili na malayo sa pamilya, mga kaibigan at sa kasintahan ay mistulang isang dekada sa haba na ayaw na niyang patagalin pa.
Handa na ang gamit at tiket ni Ajong pabalik para sa bakasyon sa Pilipinas. Nakatakda ang kanyang pag-alis sa ika-12 ng Oktubre at darating kinabukasan, araw ng biyernes. Mula Norfolk ay isang oras din ang kanyang liliparin papuntang Washington. Mula Washington ay tatagal naman ang byahe niya ng limang oras papuntang Los Angeles at mula dito patungong Maynila ay pitong oras ang kanyang hihintayin sa paglalakbay. Sa kabuoan, labing-tatlong oras siyang bumibyahe. Labing-tatlong oras na paghihintay habang umaasang may suwerte ang maiksi niyang bakasyon. Labing-tatlong araw lang din kasi ang ibinigay para sa kanya.
Hindi niya alintana ang tagal ng oras nito sa tagal ng paghihintay niya para dito. Napapangiti na nga lang siya mag-isa sa biyahe habang nakikinig sa paborito nilang awitin na Ordinary Song ng kanyang kasintahan. Tanda ito ng kaniyang pananabik na muling mayakap at makasama ang mga mahal sa buhay.
Pagbaba ng eroplano sa Maynila ay agad-agad na nagbukas ng internet si Ajong upang ipagbigay alam na nasa Pilipinas na siya. Hindi niya alam kung ano ang uunahin sa dagsa ng nagsusulputang notipikasyon sa email, text at tawag sa kanya. Kumunot na nga ang kanyang noo sa pagtataka kung bakit tumatawag ang ilan niyang kasamahan pati na ang kanyang boss. Sa ilang minuto lang ay may biglang tawag na pumasok sa kanyang telepono.
“Hello, Sergeant!”, aniya ni Ajong.
Sabay sagot sa kanyang, “Captain Rivera, ordering you to go back immediately. Your crew will be sent to Israel. Check your email for your ticket back here.”
Blangko at tulalang ibinaba ni Ajong ang kanyang telepono. May limang segundo ring tumigil ang mundo para sa kanya. Pagtaas ng telepono upang buksan ay hindi niya mapindot ang tamang password sapagkat nawawala siya sa tamang pag-iisip. Nasisilaw lang siyang tinutuktok ang kanyang telepono habang sumisigaw. Maya-maya ay napukaw ang kanyang tingin sa petsa ng araw na iyon, October 13, Friday. Isang malakas na sigaw na lang ang kanyang nagawa sa gitna ng dagsa ng taong sinuwerte na magbakasyon upang makasamang muli ang mga mahal sa buhay.
“Dalawang miyembro na naman ng katutubong Manobo ang natagpuang patay sa ilalim ng tulay ng Puasinda kaninang alas singko ng umaga. Ayon sa mga nakatira malapit sa nasabing tulay, nakarinig sila ng sunod-sunod na pagputok bandang alas otso kagabi. Patuloy naman ang ginagawang imbistigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang salarin sa pamamaslang.”
Nagpupuyos sa galit ang puso ni Damansila sa narinig na balita sapagkat walo na sa kaniyang mga kasamahan ang napapatay. Kahit isa sa mga napatay ay walang maiturong salarin upang mabigyan ng hustisya.
Si Damansila ang tumatayong pinuno ng tribu ng mga Manobo sa bulubunduking bahagi ng Puasinda. Simula nang malamang may nahukay silang ginto sa kanilang lugar ay sunod-sunod na ang pagpatay. Batid niya na ang mga gintong ito ang puno’t dulo ng lahat.
“Huli na ito!” wika ni Damansila. Tumungo siya sa kaniyang kuwarto at may kinuhang malaking supot sa kaniyang baul. Sinilip niya ito upang tiyakin ang laman. Bago siya umalis ay nagpadasal muna siya kay Baylan Alibay upang hingiin ang basbas ng kanilang Manama. Umaasa ang buong tribu sa plano ni Damansila upang maprotektahan ang kanilang pangkat.
Bandang alas dose ng tanghali ay narating ni Damansila ang tahanan na kaniyang pupuntahan. Isang bantay sa guard house ang dumungaw. Dahil sa pabalik-balik doon ni Damansila ay kilala na siya ng sinumang bantay. Kaya naman, pinagbuksan siya ng gate at pinatuloy.
“Magandang umaga gobernador,” bati ni Damansila sa politikong noo’y nagbabasa ng diyaryo.
“Kaibigan!” tugon ng gobernador. “Mukhang malaking supot na yata ‘yang bitbit mo.”
“Kailangan ko ng mga baril,” sagot ni Damansila. “Sunod-sunod na ang pagpatay sa aming pangkat. Kailangan namin ng sandata upang protektahan ang aming sarili.”
“Paglabag iyan sa batas,” pagtutol ng gobernador.
“Nasaan ang batas, gob? Walong kasamahan na namin ang napapatay at kahit isa sa kanila ay hindi pa nakakamit ang hustisya,” paliwanag ni Damansila.
“Baka naman mas makabubuting lisanin ninyo ang lugar at humanap na lamang ng ibang matitirhan. Sa ganoong paraan, baka sakaling matigil ang patayan at mailagay sa katahimikan ang inyong pangkat”, panukala ng gobernador. “Ako na mismo ang magbibigay sa inyo ng lugar na inyong lilipatan. Bibigyan ko pa kayo ng kabuhayan upang masuportahan ang inyong mga pangangailangan”, dagdag pa ng gobernador.
“Walang aalis sapagkat sa amin ang lugar na iyon,” pagtutol ni Damansila.
“Lalong kaguluhan ang kapalit nito, kaibigan. Baka mas lalong dadanak ang dugo sa plano mong ito,” pagbabala ng gobernador.
“Hindi na kami basta uupo lang. Buhay ang kinuha, buhay din ang magiging kapalit!” galit na wika ni Damansila. “Narito ang mga ginto kapalit ng mga hinihingi kong baril. Siguro naman ay kaysa na ito upang magkaroon kami kahit limang malalakas na baril.”
Batid ng gobernador na buo na ang pasya ni Damansila.
“Kung iyan ang iyong pasya, ipapahatid ko na lamang ang mga baril na hinihiling mo. Ipasusuri ko muna iyang dala mo kung magkano ang kabuoang halaga,” wika ng gobernador.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay umalis din si Damansila. Malaki ang pag-asa sa kaniyang puso na mabibigyan ng katahimikan ang kanilang lugar kapag nagkaroon sila ng armas upang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Simula nang mangyari ang sunod-sunod na pagpatay, ang mga katutubo ay naging alerto. Ang mga lalaki na kayang makipaglaban ay nagbabantay sa palibot ng kanilang lugar araw man o gabi.
Noong gabing iyon, hindi nakauwi si Damansila. Ipinagpalagay nilang naging masinsinan ang pag-uusap nila ng gobernador.
Kinabukasan, isang lalaking katutubo ang tumatakbo pabalik sa kanilang lugar habang sumisigaw ng “Patuyrun si Damansila! Patuyrun si Damansila!”
Natagpuang patay si Damansila sa gilid ng daan sa may taniman ng rubber paakyat sa bundok ng Puasinda. Basag ang kaniyang ulo at tadtad ng bala ang kaniyang katawan. Katulad ng ibang katutubong namatay, hindi rin matukoy ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.
Labis na nagluksa ang mga katutubo. Pakiramdam nila ay hindi na ligtas ang kanilang pamumuhay. Takot at pagkabalisa ang bumalot sa kanilang lahat. Nang mailibing si Damansila, ang kaniyang kapatid na si Igianon ang pumalit bilang pinuno.
Isang gabi, habang sila ay nagpupulong, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok. Dalawang panig ang pinanggagalingan nito. Inutusan ni Igianon ang tatlo sa kaniyang mga kasamahan na bumaba upang pakiramdaman ang pinanggagalingan ng mga putok.
Maghahating-gabi na at patuloy pa rin ang putukan. Padami nang padami, palakas nang palakas, at papalapit nang papalapit sa tirahan ng mga katutubo. Maya-maya ay humahangos na bumalik ang mga inutusan ni Igianon.
“Hindi namin alam kung sino-sino ang mga naglalaban. Ang masama pa, papunta sila rito”, balita ng isa sa mga inutusan ni Igianon.
“Kalivung kos langon! (Magtipon-tipon ang lahat),” sigaw ni Igianon. “Ihanda ang inyong kampilan. Lalaban tayo kung kinakailangan,” dagdag ni Igianon.
Habang tinitipon ang lahat, isang malaking pagsabog ang naganap. Limang katutubo agad ang napuruhan. Kasabay noon ay ang sunod-sunod na putukan.
Takbuhan at sigawan ang mga katutubo. Walang tigil ang putukan.
“Manama roy, tavangi sikanami (Diyos ko, tulungan mo kami),” sambit ng ibang katutubo habang humahanap ng mapagtataguan.
“Umalis na tayo rito!” sigaw ni Igianon.
Ang dating tahimik na gabi ay napalitan ng mga pagsigaw. Ang ningning ng mga bituin ay hindi makatapat sa nag-aapoy na dulo ng mga baril. Walang nagawa ang mga katutubo kundi lisanin ang kanilang mga tirahan.
Samantala, si Igianon ay nakapagtago sa malaking ugat ng balite. Mga nasa tatlumpung tao ang kaniyang nakita at pawang nakatakip ang kanilang mga mukha. Ngunit napansin niyang wala namang barilang nagaganap. Ang kanilang mga baril ay nakatutok sa itaas habang pinapaputok. Nilapitan nila ang mga bahay at sinilaban. Lumiwanag ang gabi dahil sa malaking apoy mula sa mga nasusunog na bahay. Sinundan ng ibang lalaki ang nagtakbuhang mga katutubo habang panay ang pagpapaputok na kanilang baril.
Aalis na sana si Igianon nang marinig niyang tumunog ang icom radio na dala-dala ng isang lalaki.
“Mag-uumaga na. Ano na ang balita diyan?” boses mula sa kabilang linya ng icom radio.
“Lumayas na sila, boss. Sinusunog na namin ang kanilang mga bahay para wala na silang balikan,” sagot ng lalaki.
“Papunta na ang ibang mga tauhan sakay ng dump truck para i-cordone ang area. Tiyakin niyo na walang makakabalik sa kanila. Patayin kapag nanlaban.”
Hindi na tinapos ni Igianon ang pakikinig sa usapan. Batay sa boses, mukhang kilala nito kung sino ang nasa kabilang linya.
Nang umagang iyon, naisahimpapawid ang nangyaring kaguluhan.
“Sumiklab ang labanan sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa bulubunduking bahagi ng Puasinda bandang alas otso kagabi. Ito ay ayon sa ulat ng mga sundalong nagsagawa ng pagsisiyasat sa lugar. Naipit sa nangyaring labanan ang mga katutubong Manobo na nakatira roon. Dahil dito, lumikas sila papunta sa sentrong bayan upang makaiwas sa kaguluhan at makahingi na rin ng tulong. Mismong si Governor Crespo ang umasikaso sa kanila na ang sabi ay ipapagamit nito ang ipinagawa niyang housing village na pansamantalang magiging tirahan ng mga katutubo habang tinitiyak ang kaayusan ng kanilang lugar.”
Lumipas ang isang buwan ngunit hindi pa rin nakabalik ang mga katutubo sa dati nilang tirahan. Ayon sa pamahalaan, ginawang kuta ng mga armadong grupo ang bahaging iyon ng bundok. Mahirap pa umano itong pasukin dahil maaaring muling sumiklab ang labanan. Mahigpit rin na binabantayan ng mga sundalo ang buong lugar sa utos ng gobernador. Kahit ganito ang sitwasyon, gusto pa ring subukan ni Igianon na silipin ang kalagayan ng kanilang lugar. Ngunit talagang bigo siya sa kaniyang nais. Nabarikadahan ang daanan papasok at may nakalagay na barbed wire sa paligid nito paakyat ng bundok. May mga nakatirik namang plakard na may nakasulat na HIGH VOLTAGE, DO NOT ENTER.
May pagtataka lamang si Igianon sa mga nangyayari. Kung bawal pumasok sa lugar, bakit labas-pasok ang mga dump truck, bulldozer, at backhoe na pagmamay-ari ni Governor Crespo? Sa pag-uwi ni Igianon ay napagtagpi-tagpi niya ang mga sitwasyon. Malinaw na ngayon sa kaniya ang katotohanan sa lahat ng pangyayaring ito.
“Hindi ka muna papasok bukas Dodong.” Malamig ang tinig ng kaniyang tatay.
“Pinagagalitan na nga po ako ng titser ko ‘Tay e,” nagpapaunawa ang kaniyang tinig. “Lagi raw ho akong absent.” Yumuko siya at pinalagutok ang mga daliri.
Tumayo ang tatay niya at sumilip sa kanilang bintanang lawanit na nangaluntoy na sa basa ng ulan. Tinanaw nito ang malawak, lunting bukid, na dati nitong ginagawa, ngunit binawi ng amo nito nang ilang araw itong hindi makagawa dahil sa pagkakasakit ng bunso niyang kapatid. Nakiusap ang tatay ni Dodong ngunit hindi pinagbigyan. Ngayo’y sumumpong na naman ang sakit ng anak. Mas malubha kaysa noong nakaraan. Nag-aalala ang ama na baka kung ano na ang sakit ng anak.
“Huli na ‘yan. Makakapasok ka na uli lagi. Basta ikaw muna’ng bahala sa kapatid mo.” Lumabas na ito ng kanilang kubo. “’Wag mong kalimutang isuga ang baka ha?” pahabol na pagbibilin.
Tinanaw niya ito, naglalakad papalayo sa kumakalat nang dilim ng gabi. Narinig niyang kumalam ang kaniyang sikmura. Saka niya naalala ang kapatid na nakaratay. Gutom na rin ito marahil. Tumuloy siya sa kanilang makipot at marusing na kakalanan. Binuklat niya ang kalderong nakasalang. May kaunti pang noodles. Iinitin niya iyon. Nagpabaga siya gamit ang kahoy. Pagkaraa’y pinakain ang yayat na kapatid na matamlay pa rin at mainit.
Kinabukasa’y nakiusap at nangutang lang siya ng kalahating kilong bigas at isang latang sardinas kay Aling Dolor para may makain sila maghapon. Babayaran niya agad pag-uwi ng tatay niya, pangako niya.
Isinisilong na niya ang bakang paalaga sa tatay niya ng kumpare nito. Naiinip na siya sa kaniyang tatay. Bakit wala pa ito? Sa pagtawid sa pinitak ay biglang waring nagngalit ang baka. Hinila siya nito at hindi niya napigil ang lubid. Tumakbo ito at kumabila sa palayan ni Don Gani, sa lupang dating ginagawa ng kaniyang tatay. Nanalaktak sa pinitak ang kanilang alaga! Nadapurak ang tanim na palay! Sinundan niya ito at nang makarating sa malaking puno ng duhat, bigla itong nagtatarang at umunga nang umunga. Malakas at mahabang pag-unga! Saka niya lang napansin ang nakalawit na paa, mula sa nakabiting katawan sa taas ng puno!
“Tataaaayyy!” Parang namanhid ang kaniyang buong katawan. Umiiyak siya! “Tulong! Tulungan ni’yo kami!”
Nahindik siya nang umihip ang malakas na hangin at iugoy-ugoy ang katawan ng kaniyang ama. Kagyat siyang lumapit sa puno. Aakyatin niya iyon!
Naiwang nakaakma ang kaniyang nakatapak na kanang paa sa katawan ng puno nang mapansin niya ang isang latigong nakapulupot sa malaking ugat nito. Sigurado siya sa isang bagay, kay Don Gani ang latigong iyon!
“Honey, alis lang ako saglit. Bibili lang ako ng gatas.”
--
At iyon ang huling beses na narinig ng aking tutuli ang kaniyang tinig. Habang hinehele ko ang aking anak sa kaliwang braso ay hinahalo ng aking kanang kamay ang pinagsama-sama kong gulay mula sa basket.
Parang pagkain ng aso. Haluhalo.Hindi hinugasan. Hindi binalatan.
Kung nakinig siguro ako sa aking ina ay hindi ito mangyayari. Nakikisibi sa maliit na kubkuban sa ilalim ng acacia. Parang bahay ng aso.
“Mars, nasaan na naman ba siya?” tanong ng nakapamewang kong kaibigan na kanina pa kinukulot ang buhok gamit ang dahon ng ipil-ipil.
Kumuha ako ng tubig. Pilit kong nilulunok ang pangako ni Raul.
“Bumili lang ng gatas.”
Lumagok akong muli ng tubig. Sa oras na ito, hindi ko nilulubayan ang paglagok hangga’t nababanaag ko ang anino ng aking kaibigan.
Alam kong nasa ilalim na siya ng palda ng kaniyang ina. Nababahag ang buntot.
Ganito pala ang buhay. Kaya pala sinabihan ako ng aking ina na ‘wag makipagbahay-bahayan kay Raul. Isang tawag lang ng kaniyang magulang ay kailangan na niyang sumunod. Tapat. Parang tunay na aso.
“Paano na kaya kami?”
Nalalamog na ang mga gulay sa kahahalo ko. Wala pa ring pagbabago. Sila pa rin ang mga hindi napapanis na gulay sa basket. Habang mariin kong pinaiikot ang sandok, napagtanto ko na tulad ako ng mga gulay. Pinapaikot-ikot.
“Paalam na, Raul.”
Nanginginig ang aking kamay. Nabibingi ang aking tainga. Natataranta. Naaninag ko si nanay na parating sa akin subalit hindi ako makatayo.
“Honey, Jessa, kakain na! Kayong mga bata kayo kanina pa kayo naglalaro ng bahay-bahayan.”
“Papunta na po,” sagot ko habang hinahango sa laruang kalan ang stuffed toy kong tuta na galing kay Raul.
Bayot ka! Yawa gapakaulaw!-
Papunta ako sa drag-queen concert sa may Pala-o Iligan. Dahil Friday night, tatakas muna ako sa realidad na isa akong manggagawa buong Linggo.
Ako si Bert, isang DepEd Teacher sa Iligan City Division, hindi ako tanggap ng pamilya ko. Ang alam nila, straight akong lalaki pero sige lang lagi kong iniisip, siguro kapag naging principal ako, why not, tanggapin na nila siguro ako.
Basta at this moment, rarampa muna ako…
Matagal yung show halos dalawang oras din, nang palabas na ako. Bigla kong nakita si Uncle Arturo, isang bouncer at bunsong kapatid siya ng Tatay ko. Kinakabahan ako dahil alam kong kitang-kita niya ako, lumabas akong nakayuko…
Pagdating ko sa bahay, bigla akong sinumbatan ni Papa,
“Gabinayot ka?” [Nagbabakla-bakla ka na?]
Natahimik ako at nauutal , sunod niyang sinabi,
“Nakit-an ka sa imong Uncle Arturo, sa may Pala-o” [Nakita ka ng Uncle Arturo mo sa may Pala-o]
Galit na galit si Tatay, hindi pa siya tapos,
“Pagbinayot kay gapakaulaw lang ka” [Maging bakla ka, nakakahiya ka!]
Hindi ako nakatiis, at for the first time, nasumbatan ko si Tatay,
“Oo, bayot ko, pero kinsay gabuhi ninyo?” [Oo, bakla ako, pero sino ang bumubuhay sa inyo?]
Naalala kong sinabi ni Tatay,
“Bayot ka! Yawa gapakaulaw!” [Bakla ka nga, Demonyo ka! Nakakahiya ka!]
Bigla na lang nagdilim ang aking paningin matapos akong suntukin ni Tatay, at nagising na lang akong nasa bahay na ni Uncle Arturo, at nakita ko sa kwarto niya ang larawan ng pamilyar na mukhang nanalong, Ms. Gay Pala-o, 1985.
Magtatakipsilim na naman. Maririnig ko na naman ang langitngit ng papag na aking kinakatakutan. Langitngit na animo’y halakhak ng demonyong hayuk sa dugo’t laman at sa kaluluwa ng mga batang musmos at walang muwang.
Kasabay ng langitngit ay ang pagtirik habang may tumutulong luha sa aking mga mata. Ang awtomatikong pag-unat ng aking mga binti’t mga paa. At ang animo’y pagpipiyano ng mga daliri nito.
Kung sakali man gumawa ako ng paraan upang matakasan ang bangungot ng langitngit na iyon. Tiyak na mala-ubeng marka sa katawan ko ang mananahan. At malabatong kamao sa sikmura ko’y dadapo’t kagyat akong hindi makagugulapay.
Trese. Trese pa lamang ako ng una kong marinig ang langitngit na iyon. Ngayon, katorse na ako. Halos isang taon na rin pala. Sa isang taon na iyon pakiramdam ko, habang tinitiis ko ang bangungot ng langitngit na iyon, isang pamayanan ang unti-unting nabubuo sa loob ko.
Sa matinding pagkainip sa paaralan ni Bibay, natuto siyang magbilang ng mga araw, linggo at buwan .
May pitong araw sa isang linggo.
May apat na linggo sa isang buwan.
May labingdalawang buwan sa loob ng isang taon.
Sampung buwan akong titira sa paaralan.
Ilang araw, linggo at buwan na lang ba akong titira dito?
Ito ang mga naiisip ni Bibay habang pinipilit na mabasa noon ang kalendaryong nakasabit sa dingding ng dormitoryo nila.
Napansin ni Bibay na sa tuwing iisipin at susubukin niyang bilangin ang mga araw, linggo at buwan, parang lalo lang bumabagal ang mga araw.
Sa pagtagal, nakalimutan na ni Bibay na bilangin ang mga araw, linggo, at buwan. Marami kasing ginagawa sa paaralan.
Linggo, abala sila sa paghahanda para sa isang misa.
Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes at Biyernes, nagbabasa sila, nagsusulat, gumuguhit, naglalaro, umaawit at sumasayaw.
Kasama si Bibay sa paghahanda ng pagkain sa agahan, tanghalian, at hapunan para sa iba pang mga bata sa dormitoryo.
Sabado, naglalaba siya ng mga damit niya.
Lagi niyang nauulinigan ang sinasabi ni Sister Rosa, “maging malinis sa katawan at pananamit.”
Nag-aayos siya ng damitan niya. Gumagawa ng mga takdang-aralin.
Naisip ni Bibay, masaya pala sa paaralan! Ang dami niyang natututuhang gawin.
At di-namalayan ni Bibay, ubos na pala ang mga araw, linggo at buwan ng pag-aaral nila sa paaralan. Bakasyon na. Makauuwi muna siya sa Sitio Yangil.
Sinundo si Bibay ng tatang niya sa paaralan.
Naalala ni Bibay, ito ang huling bilang sa mga araw na gusto niyang mangyari.
Uuwi na siya sa Sitio Yangil. Sabik na sabik na siyang makauwi sa bahay nila sa paanan ng bundok.
“Kung puwede nga lang sumakay sa hangin para makauwi ako agad-agad!” naisip ni Bibay habang nakasakay sa bus.
“Kumusta na kaya si Bunso?” naalala ni Bibay ang kapatid niya na di pa nakapaglalakad noong umalis siya.
“Kumusta na kaya ang mga kalaro ko?” naalala niya ang kalaro na kasama sa pangunguha ng mga suso sa sapa.
Pagdating sa Sitio Yangil, malayo pa ang lalakarin para makarating sa bahay nila.
Sa paglalakad, nagbilang uli ng mga araw, buwan at linggo si Bibay.
May pitong araw sa isang linggo.
May apat na linggo sa isang buwan.
May labingdalawang buwan sa loob ng isang taon.
Dalawang buwan lang akong titira sa aming bahay.
Sandali lang iyon!
Ito ang mga naiisip ni Bibay habang naglalakad.
Gabing-gabi na nang makauwi sila sa bahay nila. Sabik na sabik na si Bibay na dumating ang umaga.
Ginising si Bibay ng bunso niyang kapatid.
Tuwang-tuwa si Bibay! Kinarga niya ang kapatid.
“Ang laki mo na Bunso!” sabay-halik sa kapatid habang palabas ng bahay.
“Darating mamayang tanghali ang bapa mo, Bibay” balita ng inang niya habang nagwawalis ng bakuran.
Isang mahusay na mangangaso ang bapa ni Bibay.
“Kumusta ang pag-aaral mo Bibay?” tanong ng inang niya.
“Masaya sa paaralan Nanay!” sagot ni Bibay.
Dumating ang bapa niya sa may huling baboy-ramo.
“Nasaan na si Bibay?”
Narinig ni Bibay ang tinig ng bapa niya.
“Magluluto tayo ng masarap na tanghalian,” masayang balita ng bapa ni Bibay nang makita siya.
“Kumusta ang pag-aaral mo Bibay?” tanong ng bapa niya.
“Marunong na akong magbasa, bapa,” sagot ni Bibay.
Dumating ang dara ni Bibay na may dalang mga baloy.
“Kumusta ang pag-aaral mo Bibay?” tanong ng dara niya nang makita siya.
“Marunong na akong magbilang, dara,” sagot ni Bibay.
Dumating ang ama ni Bibay na may dalang tanglad.
“Kumusta ang pag-aaral mo Bibay?” tanong ng ama niya nang makita siya.
“Marunong na akong magsulat ama,” sagot ni Bibay.
Dumating na rin ang tatang ni Bibay na may dalang mga suso.
“May-ulo si Bibay, ipapasok ko siya sa paaralan sa darating na pasukan.”
Ito ang naalala ni Bibay na sinabi ng kaniyang tatang sa inang niya noon. Ayaw sana ng inang niya na malayo siya. Pero ang tatang niya ang nasunod.
Ngayon naisip ni Bibay na ang dami niyang natutuhan sa paaralan. Marunong na siyang magbasa, magbilang at magsulat.
Iniluto ang baboy-ramo. Inilaga ang baloy. Inilagay ang tanglad sa isang lutuin. Iniluto ang mga suso.
Nagsalo-salo sa masarap na tanghalian ang buong pamilya ni Bibay. Natatangi ang araw na ito para sa kanila kasi kasama nila si Bibay.
Si Bibay ang kauna-unahan sa angkan nila na nakapag-aral sa paaralan. Gusto nilang lahat na makapag-aral si Bibay.
Pagdating ng hapon, nagsidatingan ang mga dating kalaro ni Bibay.
Marami silang tanong kay Bibay.
“Bibay, anong makikita sa paaralan?”
“Parang isang malaking bahay ang paaralan na maraming silid,” sagot ni Bibay.
“Sino kasama mo sa paaralan?”
“Maraming batang Aeta na tulad natin sa paaralan,” sagot ni Bibay.
“Ano ginagawa ninyo sa paaralan?”
“Nagbabasa, nagsusulat, nagbibilang, gumuguhit at marami pa,” sagot ni Bibay.
“Naglalaro ba kayo sa paaralan?”
“Oo, naglalaro rin kami tuwing hapon,” sagot ni Bibay.
Napansin ni Bibay na kumikinang ang mata ng mga kalaro niya sa mga sagot niya. Alam ni Bibay na gusto rin ng mga kalaro niya na makapunta sa paaralan.
“Sana makapag-aral din kayo sa isang paaralan tulad ko,” sabi ni Bibay sa mga kalaro niya.
Inalagaan ni Bibay ang bunsong kapatid sa mga umaga ng pitong araw isang linggo
Pinaliliguan, pinakakain at pinatutulog sa tanghali ang kapatid.
Tinuruan ni Bibay ang mga kalaro niya sa mga hapon ng limang araw sa isang linggo.
Isinulat niya sa lupa ang kaniyang pangalan.
Bibay
Binasa niya ito sa mga kalaro nila.
Iginuhit niya sa lupa ang bundok, ilog, lawa, dagat, at kapatagan.
Itinanong niya sa mga kalaro kung ano ang mga ito.
Tumulong si Bibay sa mga magulang niya sa paghahanda at pagluluto ng pagkain nila sa mga agahan, tanghalian at hapunan ng pitong araw sa isang linggo.
Ipinasyal din niya ang bunsong kapatid sa bahay ng bapa, dara at ama niya sa ibayo dalawang magkasunod na hapon sa pitong araw ng dalawang linggo,
Sa halos dalawang buwan ng bakasyon ni Bibay, marami siyang nagawa.
Naubos na ang mga araw.
“Babalik na uli ako sa paaralan,” sabi ni Bibay sa sarili.
Inihatid na uli si Bibay ng tatang niya sa paaralan.
Naisip ni Bibay na iiwan na muna uli niya ang Sitio Yangil. Mawawalay muna uli siya sa kaniyang tatang, inang, bunsong kapatid, bapa, dara at ama.
May pitong araw sa isang linggo.
May apat na linggo sa isang buwan.
May labingdalawang buwan sa loob ng isang taon.
Sampung buwan akong mag-aaral sa paaralan.
Nagsimula na uling magbilang si Bibay ng mga araw, linggo at buwan na ilalagi niya sa paaralan. Pero di tulad noong una siyang ihatid ng tatang niya sa paaralan, masaya at sabik na siyang bumalik sa paaralan para mag-aral.
“Gusto kong maging isang guro balang-araw sa Sitio Yangil,” naisip na pangarap ni Bibay.
Ang bumuo ng pangarap ang isang napakagandang naituro ng paaralan kay Bibay.