Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Mag-iisang taon na pala ako sa Maynila. Naririto ako para sa aking gradwadong pag-aaral. Mabuti na lang sa Kalye Fermin ako napadpad. Malapit sa barangay kaya ang pakiramdam ko ay ligtas na ligtas ako at idagdag mo pa ang klinika na sakaling may mararamdamang kakaiba sa katawan, may mahihingiang gamot na libre. Sa awa ng Diyos, hindi ko pa naman nararanasan ito.
Laking-probinsya pala ako. Doon maaga akong nakatutulog. Sa baryo kasi namin, maraming puno, kaya malamig at maraming ilog, kaya marami ring palaka. Sumasabay sa malalim at mahimbing na pagtulog at paghilik ang malulutong na kokak ng mga ito.
Ilang bahay lang din sa isang compound. Pami-pamilya ang magkakasama sa isang compound maliban na lang kung may taniman kayo gaya ng asparagus, mais, papaya, tubó, at iba pa at makakasama ninyo ang mga trabahante at ang kanilang pamilya. Samantala rito sa malaking lungsod, dikit-dikit ang mga bahay, siksikan, maliliit ang eskinita. Dikit-dikit pero hindi naman nagpapansinan o nagbabatian ang mga tao.
Sa apartment pala ako nakatira dito. Nasa ikalawang palapag. Kaya nasisilip ko ang mga dumadaan sa kalsada. Parang CCTV na rin ako kung minsan. Naging saksi na rin ako sa ilang pangyayari sa kalyeng ito. Ngunit, ang hindi ko makalilimutan ay ang iba’t ibang uri ng sigaw ng mga tagarito at ng mga napapadaan lang.
Araw-araw kong naririnig ang mga sigaw, daily routine ika nga. Palibhasa, halos buong linggo ay nasa bahay lang ako. Isang beses lang sa isang linggo ang aming klase. Mas gugustuhin ko rin kasing nakatambay lang sa bahay at dito magbasa at mag-aral kaysa tumambay sa nagyeyelong silid-aklatan ng pamantasan. Sa sobrang lamig ay pabalik-balik na sa palikuran para umihi nang umihi.
Nagsisimula ang araw sa, #Shiningsapatos! Ito ang isinisigaw ng isang matandang lalaki na puro na uban ang buhok. May dala-dalang bag na naglalaman ng kagamitan sa pagpapakintab at pag-aayos ng mga sirang sapatos. Naaalala ko sa kaniya ang yumao ko nang tatay. Puting-puti ang buhok. Hinahangaan ko rin ang kasipagan niya tulad ng tatay. Minsan nga napapaisip akong kausapin siya o magpalinis o magpaayos kaso wala namang itim na sapatos na pakikintabin. Hindi naman nagsusuot ng black shoes na parang estudyanteng may uniporme talaga. Wala ring sirang sapatos na ipaaayos. Araw-araw siyang naparirito. Nasa dulo ng kalye ang aking tinitirhan. Nakikita ko ang pagdating niya rito. Sandali lang siya at babalik din kaagad. Ang isang tulad niya ay kahang-hanga. Kahanga-hanga ang kaniyang sipag at enerhiya. Kahit may edad na siya, patuloy pa rin sa pagkayod. Hindi tulad ng isang tagarito na siguro nasa trenta anyos na. Siya ay laging humihingi ng singko sa nanay niya para pambili ng sigarilyo. Wala siyang trabaho. Isa siyang certified tambay. Ilang beses ko na ring nasaksihan ang pagtapon ng kaniyang nanay ng singko para lang tumigil sa kakukulit. Para siyang bata. Dati ay inalok naman daw siya ng trabaho ng isa naming kapitbahay kaso isa, dalawang araw pa lang sa trabaho ay huminto na. Nakapapagod daw. Kaya, hindi ko maiwasang maikompara siya sa sapatero na bukod sa kinakargang kagamitan, sumisigaw pa. Hindi hamak na nakapapagod iyon.
#Taho!Taho! Hindi ako kumakain nito. Nakakain lang ako nito dahil sa pilit ng mga kaibigan. Unang beses noong nagsimba kami sa may Ortigas ng kasama ko sa apartment. Hilig niya ang kumain nito. Sa pangalawang beses ng pagtikim, kasama ko ang mga kaklase’t kaibigan. Ibang flavor naman ngayon. Strawberry naman kasi nasa Baguio kami. Iba ang danas ko sa pagkakataong ito. Maghahanap ka kasi talaga ng kakaining mainit gawa ng kakaibang lamig ng lugar. Bukod pa roon, maraming tao. Maraming kumakain sa kalsadang iyon. Dagsaan kapag gabi. Night market ika nga. Maraming paninda ng mga sapatos, nagbubukas ang mga wagwagan, at maraming ibinibentang pagkain tulad ng turon, hotcake, siopao, lugaw, balot, dynamite, pansit, mga ulam at kanin at iba pa. May plus factor para sa akin ang presensiya ng mga kaibigan. Napapahalagahan ko ang pagkain nito. Maraming taho sa paligid pero iba kapag kasama mo ang mga taong may puwang na sa iyong puso, lalong sumasarap, lalong sumasaya.
#Wewewe! Hindi lang ito ang isinisigaw ni Drei. Isa siyang special child. Nag-iisang anak. Maglalabintatlong taong gulang na siya. Hindi siya nakapagsasalita. Umaga hanggang gabi, paulit-ulit lang ang sinasabi. Nasa unang palapag sila. Noong isang araw, nalaman ko sa isang kapitbahay na humihingi ng paumanhin ang nanay sa ingay ng anak. Nakabibilib ang taas ng pasensya ng nanay. Hindi ko man lang narinig na binulyawan, o pinagalitan ang anak. Nakikita ko rin kung gaano niya sinisikap turuang magsalita at iba pang aksiyon tulad ng pagpalakpak si Drei. Tuwang-tuwa naman siyang ikinukuwento sa bana kapag dumadating ito galing ng trabaho. Itinuturing talaga nilang normal si Drei at biyaya raw talaga siya para sa kanila. Oo nga naman. Saludo ako kung paano nila tinatrato nang maayos ang kanilang anak. Kapuri-puri ang kalinga at pagmamahal nila. Samantalang, maraming batang nakapagsasalita, hindi naman pinakikinggan ng mga magulang. Maraming anak ang nakapagpapahayag, balewala naman.
#Larotayo! Hindi ito nagagawa ni Drei. Nasa loob at labas ng bahay lang nila siya at hindi nakakasali sa laro ng mga bata sa kalsada. Nakatutuwang panoorin ang mga bata. Bumabalik sa gunita ko ang kabataan ko. Pero, ibang-iba ang mga laro namin sa probinsya. Bahay-bahayan, yung tipong may luto-luto gamit ang mga dahon para sa gulay, buhangin para sa kanin, may tagu-taguan, sungka, baril-barilan kung saan ginagawang baril ang sanga ng saging. Ginagawa ang baril-barilan sa damuhan sa may bangin. Pagulong-gulong na ginagaya ang mga action star. Mayroon ding tumbang preso, chinese garter, luksong-baka, lupa-langit, at iba pa. Samantala rito, pagadget-gadget na lang at konting takbo-takbo. Minsan naririnig mo pang nagmumura ang mga bata. Ibang-iba na nga ang mga laro ngayon. Generation X na raw kasi. Pero, kahit anong henerasyon pa siguro, mahalaga ang paghubog ng magandang katangian at kaugalian. Mahalagang may maayos na ugnayan sa mga kasama o kalaro. Nararapat ding nagagabayan sila ng mga magulang o nakatatanda sa paglaro.
#Pasok!Tsinelasin kita! Habang naglalaro ang mga bata, bigla namang sisigaw ang kanilang lola. Siya si Lola Narda. Lagi niyang hawak-hawak ang panghampas sa kaniyang mga apo. Si lola ay hilig sumigaw at magmura. Hindi ko alam kong pampatanggal niya ba ng stress. Pati bana o mga anak ay nasisigawan din. Mabuti na lang nang minsang bumili sa kanilang tindahan ay hindi nakatikim ng kaniyang matinis na boses. Sabi nga ng ibang kapitbahay, parang galit siya sa mundo. Simula noon ay hindi na ako bumili sa kanila. Sa kabilang tindahan na ako bumibili. Nalaman kong hindi sila nagkakaunawaan ng may-ari ng aming apartment na si Tita Joy. Kabibili lang kasi ng aming landlady sa bahay na aming tinitirhan na nagkataong nasa tapat mismo ang tindahan ni Lola Narda. Pinatatanggal ni Tita Joy ang nilagay nilang mesa at mga upuan sapagkat nakakain nito ang espasyo na para sa parking ng sasakyan ng anak. May sasakyan pa ang ama ni Drei na siyang nag-request na ipatanggal ang mesa at mga upuan ngunit, nagmatigas si Lola Narda at ang kaniyang mag-anak. Hindi sila pumayag kahit na ipinaabot na sa barangay at kinausap sila nang maayos. Hanggang ngayon ay naririto pa rin. Masama lang ang loob ng pamilya ni Tita Joy sapagkat naging mabuti silang kapitbahay sa pamilya ni Lola Narda. Naikuwento ni Tita Joy na ginagamit pa ang sasakyan nila dati sa tuwing may emergency at pinauutang sila kapag nagigipit. Katunayan daw, may utang pa sila pero hindi na niya sinisingil. Totoo namang napakabait at napakamapagbigay ni Tita. Kahit ako ay ilang beses na ring nabiyayaan ng kaniyang grasya. Nalilibre minsan ang inoorder kong pagkain mula sa kantina niya lalo na kapag siya ang nagdadala ng mga ito para ihatid sa akin. “Parang hindi kasi nila matanggap na umasenso ako.” Alam ni Tita kung saan siya nanggaling. Hindi naman siya nagbabago at nagmamayabang. Sadyang, may mga taong hindi talaga masaya sa naaabot mong tagumpay. Mga isip-talangka ika nga.
#Tubigdelivery! Sa sobrang init sa Maynila, dapat laging may suplay ng tubig. Medyo mahirap para sa delivery boy na iakyat ang tubig. Ang ginagawa ko na lamang ay dinadagdagan ko ang bayad at pinamemeryenda kung mayroong laman ang ref para hindi siya mag-reklamo at babalik pa siya sa susunod. Sa awa ng Diyos, bumabalik naman siya. Naalala ko rin ang kuwento ng kaklase na minsan pa, ang delivery boy ay hingal na hingal at pawis na pawis sapagka’t kinarga niya lang ang tubig paakyat ng silid niya sa ika-25 palapag ng tinitirhang condominium. Ayaw raw siyang pasakayin ng guwardiya sa elevator. Kailangang sa hagdanan daw dumaan. Wala raw silang ibinabayad sa management at baka magreklamo ang mga nangungupahan sa amoy ng pawis at baka raw tumulo at mabasa sila.
#Fooddelivery! Simula nang naghiwa-hiwalay kami ng mga dating kasama sa inuupahang bahay sa parehas na kalye, naging buhay ko na ang pag-oorder ng pagkain para sa brunch at hapunan. Iniisa ang pagkain para sa breakfast at lunch para makatipid. Palibhasa wala kasing mga gamit hindi tulad sa unang tinirhang bahay na kompleto sa mga gamit. Minsan pa, matagal dumarating ang nagdedeliber gawa ng trapik. Medyo magastos nga lang ang order nang order. Kayhirap pa naman na laging naaantala ang aming living allowance bilang iskolar ng bayan. Kailangang magtipid pero kailangan din ang kumain. Kailangang kumain upang lumakas ang resistensya, hindi magkasakit, at tumaas ang enerhiya. Napakarami at sabay-sabay pa naman ang mga kahingian ng mga propesor. Walang magandang bunga ng pagkatuto at pagbuo kapag gutom ang tao. Hindi nakaiisip nang mabuti. Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang kaibigang guro sa publikong paaralan sa Lungsod Cotabato na binibilhan at pinapakain niya ng pastil/patil (pagkaing Maguindanaon na may tinadtad at hinimay-himay na manok o minsan karne ng baka at isda sa taas ng kanin na nakabalot sa dahon ng saging) ang mga mag-aaral niya upang may ganang makinig at matuto sa bawat araw. Minsan pa, nilulutuan niya sila lalo na kapag may natitira pa sa buwanang sahod. Mabuti na lang daw at may feeding program na ngayon sa mga mag-aaral. Malaking tulong daw ito.
#Balotbalotbalot! Lagi kaming may ‘balot session’ noon lalo na kapag nagpupuyat kami para mag-aral o gumawa ng mga pangangailangan sa klase. Minsan pa sinasabayan namin ng San Mig Apple flavor. Lalong nabubuhay ang diwa at napapasarap sa pag-uusap habang gumagawa, lalong gumagana ang isip at nawawala ang antok. Ngayon, sa bago kong tinutuluyan, minsan nalilibre ng aking landlady ng balot. Paborito niya ito. Minsan pa, nilibre niya ako ng tatlong piraso at nilibre ko rin siya ng San Mig Apple flavor. Nagustuhan niya ito. Katunayan, nagyaya naman siya na sa susunod, gagawin din namin ito. Nakatutuwa. Pagkaing Pinoy ang balot. Sa probinsya namin, pangunahing pinagkakaitaan ito ng mga kapitbahay. Umaga pa lang ay naghahanda na para maibenta na mula alas-kwatro ng hapon hanggang alas-dos ng madaling araw. Minsa pa, hindi naman umaabot ng madaling araw. Mabenta ito lalo na sa mga nagpupuyat, night shift sa trabaho, at lasing.
Ngunit, hindi ko na naririnig ang mga sigaw na ito simula nang umuwi ako sa probinsya dahil sa pandemya dulot ng Corona Virus Disease o mas kilala sa COVID-19 na di umano ay isang virus mula sa mga hayop partikular ang mga paniki. Ngunit, may mga siyentipiko rin na nagsasabing gawa raw sa laboratoryo ang virus. Buong mundo ang naapektuhan nito. Napakarami nang namatay dahil sa sakit na ito. Walang pinipili ang sakit na ito.
Kaya naman, maraming bansa ang nagdeklara ng kuwarentina upang masugpo ang virus. Isa na rito ang Pilipinas na nagsimulang magdeklara ng lockdown noong ika-16 ng Marso. Hanggang ngayon nga ay nasa kuwarentina pa ang buong bansa ngunit hindi na tulad nang nauna. Sa ngayon, nakalalabas na sa tahanan at nakabibili ng mga ‘essential’. Wala na ring silbi ang mga quarantine pass sa ilang lugar. Wala nang ‘clustering’ at nakalalabas na rin sa araw ng Linggo. Nakabibiyahe na rin. Iyon lang ay kailangang sumunod sa mga patakaran tulad ng pagsuot ng face mask, pagsunod sa social distancing, at iba pa para matiyak na ligtas at malayo sa sakit.
Simula nang nag-lockdown, ibang sigaw na ang narinig at nasaksihan ko. Marami ang sumisigaw ng ayuda dahil nawalan ng trabaho, hindi nakapagtrabaho, walang sinasahod, wala sa listahan ng Special Amelioration Program ng gobyerno, at dahil sa labis na gutom.
Sa ngayon, halos magtatatlong buwan na ang kuwarentina. Maraming sigaw ang nagaganap araw-araw. Dumarami na rin ang lumalabas sa kani-kanilang tahanan upang magtrabaho, kumita, at sumigaw. Sila ay mga madiskarteng kapuwa na isinisigaw ang mga paninda.
Umaga hanggang gabi ang mga sigaw. May sumisigaw ng ganito:
#Oisdaisda! Kung kursunada, gwa lang sa karsada!, #Mais Pilit Palit!, #Gulaygulaygulay!, #PrutasPrutaskamoda!, #SagingturonLumpia!, #Tubigtubig!, #Kamatisbaynteangtumpok! at iba pa.
Kani-kaniya ng sigaw, kani-kaniya ng diskarte upang kumita at mabuhay.
Hindi lang iyan ang mga sigaw ngayong panahon ng pandemya at krisis. Napakarami pang sigaw lalo na sa social media. Napakarami dulot ng mga panlipunang usapin at gampanin. Nariyan halimbawa ang #MassTestingNow dahil pataas nang pataas ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 at wala pa ring mass testing, #NotoABSCBNShutdown dahil lumalabag ito sa malayang pagpapahayag at pamamahayag, #NotoOFWMandatoryPremiumContribution sapagka’t dagdag-pasanin ito sa mga bagong bayani ng bansa, #BalikProbinsyaProgram sapagka’t bagong pag-asa ito ng maraming stranded na kababayan sa iba-ibang lugar sa loob at labas ng bansa na kailangang makabalik na sa kani-kanilang probinsya, at #ActivismisnotTerrorism sapagka’t ito ang demokrasya at ito ay isang karapatan ng bawat Pilipino.
“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban!” Protesta naman ito ng mga kapuwa Pilipinong nagmamalasakit sa bayan bilang pagbasura sa House Bill 6875 o ang ipinanukalang Anti-Terrorism Act of 2020. Sigaw nila ay #JunkTerrorBill. Kailangan di umano ang masusing pagrebyu at pagbibigay-linaw sa malalabong bahagi gaya ng mismong depinisyon ng terorismo. Ito raw kasi ay maaaring maabuso ng mga ganid sa kapangyarihan.
Naalala ko tuloy ang unang pambansang kilos-protesta ko. “Wika at Bayan, ipaglaban! CMO 20, ibasura!” Nangyari ito sa harap ng Korte Suprema. Nagtipon-tipon ang mga katanggol wika upang isagawa ang kilos-protesta laban sa Korte Suprema. Kinondena ng Tanggol Wika o Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino ang desisyon ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon o ang CHED Memorandum Order 20 serye 2013 o ang pag-alis sa asignaturang Filipino sa kurikulum sa kolehiyo. Lumahok ako rito. Katunayan kami ng mga kaklase at kaibigan ko. Ito ang unang pambansang kilos-protesta ko kaya, bilang paghahanda, nagsagawa ako ng mga plakard. Ginawan ko na rin ang mga kasama ko.
Ang unang kilos-protesta ko ay noong nasa unang taon ako sa kolehiyo nang lumahok sa 2007 panrehiyong kumperensiya para sa kalikasan. Nag-rally kami sa harap ng tanggapan ng Bureau of Mines upang kontrahin ang open-pit mining sa probinsya.
Kultura ang sigaw. Buhay ang sigaw. Sigaw pa nga minsan ng pinakikinggan kong radyo, Hoy gising! Tama nga naman. Kailangan nating gumising para magpadayon sa buhay at pagtahak sa maganda at maaliwalas na bukas. Kailangang gumising sa katotohanan at katarungan. Tunay na bahagi nga ng ating araw-araw na buhay ang sigaw. Ito ay maaaring personal o pansarili o dili kaya ay kolektibo o pangmadla. Anong sigaw man ang gagawin, lagi kang may gampanin.
Tumingala tayo sa kalangitan at pagmasdan ang kariktan ng sanlibutan, para tayong bumalik sa mala-itim at puti na pelikula na kung saan yapos natin ang isat’isa at natatakot sa sukli ng kahapon. Ito na siguro ang danas na ‘di natin kayang mapanaginipan sa ating pagtulog, ang gapos na nagmimistulang piitan ng pighati’t kadalamhatian, biglang paggising ay nasa unang taon na tayo ng kadena na sobrang tirik at haba na tinatawag na pandemya.
Walang sinoman ang nag-aasam ng ganitong sitwasyon ngayon, isipin na lang natin noong unang taon, 2020, taong kahit hinuha ni master Hanz na eksperto sa “ Chinese Zodiac” ay nagsabing swerte ito at daluyan ng kasaganaan at babalutin nito ang Pilipinas, ngunit pagsapit pa lang ng unang bersikulo ng taon ay dumilim ang kalangitan at nagsusumamo ang lahat ng tao kung bakit ito nangyari, “Pandemya” kung tatawagin na siyang bumabalot ng piit at pagod sa sangkatauhan na siyang gumagapos sa atin sa ating mga bahay, hindi na tayo makakilos sa dati nating gawain na kung saan matatawag nating normal. Gabi, sa tuwing pinipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko pa kung gaano ka abala ang mga tao sa daan, ang mga bus at sasakyan na nagsisikipan sa dami, mga tao sa mall na ang saya sa pamimili ng mga kagamitan, ang mga concerts at mga musikang makabasag pinggan ay nakikita at naririnig ko pa rin sa panaginip, biglang pagmula’t ay nakabalik sa realidad, realidad na nakapanatili sayo sa bahay, walang trabaho, walang ingay, walang malls, wala lahat, tila bay nasa loob ka ng panaginip ngunit hindi, nasa unang taon nga pala ako ng pandemya.
Para bang nanonood ako ng teleserye sa telebisyon na kung saan ako ang bida na ang unang ganap ay natutulog ako at pagkagising ko’y nasa ibang mundo na’t ‘di alam ang gagawin, kagaya ng gobyerno natin na naghihikahos na dahil sa pagbabago ngunit kinakaya pa rin, sa ngayon ang kailangan natin ay magtulungan at hindi magtuligsahan hindi ito paramihan ng batong ipupukpok mo sa iyong ulo, dapat ito’y maging paramihan nang pagbibigay pandesal sa mga taong nawalan ng trabaho’t pamilya.
Sa unang taon ang mga tao’y kumakalansing na paghihinagpis kaya dapa’t magtulungan tayo’t hawak-kamay sa pagsuong sa pandemyang gumagapos na parang pandemya sa ating mga katawan, bigyan natin daan ang dating lakas ng sambayanan na tinatawag na bayanihan, tulungan ang mga mahihirap at huwag ibaon sa pangarap ang lahat ng isinambitla na tulong, tulong mula sa puso at ‘di sa pagpapakatao. Mahirap na nga ang unang taon ng pandemya’y mas papahirapin mo pa dahil lang iniisip mo’y tatakbo ka sa susunod na eleksyon at kinakailangan mo sila.
Naalala ko GCQ nga pala, walang trabaho, walang bukas na pamilihan, umaasa lang tayo sa tulong ng butihing gobyerno, iniisip ko pa lang ay nahihirapan na ako, ano pa kaya yung wala nang trabaho umpisa pa lang, paano na kaya sila mabubuhay, paano nila susuuingin ang gyera na ito na walang bala at armas na panlaban, paano na kaya sa unang bagsakan ng pandemya ay binagsakan agad sila ng mga katawan ng mga yumaong kapamilya’t kaibigan, paano na kaya ang sangkatauhan, paano na kaya ang Pilipinas?, madaming mga tanong kapag walang ginagawa, madaming maiisip kapag palaging tutok sa kisame at nag-aabang nang himala, himalang kailangan natin para mapuksa ang problema sa unang taon pa lang nang pananakop niya.
Sana nama’y hindi na ito gawing tsansa ng iba para kumita, mula sa tatlong pisong “facemask” ay naging singkweta pesos ang laki ng tubo, utang na loob naman sana huwag nating gawing dahilan ang problema para gumawa pa ng isang problema. Paganahin natin ang ating pakikipagkapwa huwag unahin ang sarili’t magpakumbaba. Pasalamatan na lang natin ang gobyerno sa ayudang ibinigay nila sa halip na i-post sa social media na ganitong kaliit lang ang tinatanggap at tutuligsain nanaman ang gobyerno, naiis man natin ngunit ‘yan lang ang kaya huwag na nating dagdagan pa ang problema nila.
Naniniwala pa rin ako na sa bawat kadiliman ay may liwanag na mababanaag at sisikat ito kahit gaano pa ka masalimuot ang nagaganap, tumatawid na tayo sa bersikulo na “new normal”, ating yakapin at sanayin na kung saan magiging masaya ang lahat ng sangkatauhan tungo sa ikalilinang ng ating henerasyon at ikabubuti ng ating inang bayan. Huwag huminto sa paglinang ng kaalaman, gawing sandalan ang kadenang ginagapos tayo sa hirap dahil sa huli ay magiging malaya rin tayo, lahat ng bakal ay kakalawangin, kagaya ng kadena na gumagapos sa atin sa pandemya ay mawawasak din.
Sabado, Marso 6, 2021 nang hapon. Pauwi ako noon galing sa Dona Remedios Trindad, Bulacan mula sa isang overnight ‘trekking’ sa Tila Pilon Hills kasama ang mga kaibigan at tinuturing na kapatid at mentor sa kolehiyo mula sa isang college political party na nagplanong lumabas dahil sa nakabuburyong na sitwasyon dulot ng pandemya. Bago pa sa trekking na ‘yon, medyo masama na ang pakiramdam ko dahil may konti akong ubo na karaniwan kong sakit kapag dumarating ang summer bunga ng pagpapalit ng lagay ng panahon. Medyo lumakas at dumalas ang pag-ubo ko habang nasa biyahe habang papauwi na. Inisip kong dahil lamang ito sa pagod at pagkakababad sa paliligo sa Zamora Falls.
Habang nasa biyahe, nakatanggap ako ng text message mula sa aking panganay na anak na si Czar, “Daddy, wala raw pong panlasa at pang-amoy si Mommy.” Kinabahan ako. Bago pa man ako umalis ng bahay ay masama na ang pakiramdam ni Cecille. Akala ko ay may trangkaso lang dahil sa pabago-bagong lagay ng panahon. Bagama’t nakagagawa ng gawaing bahay at nagtse-check ng requirements ng kanyang estudyante, naka-face mask na siya sa loob ng bahay na hindi niya karaniwang ginagawa. Umiiwas na rin siyang maging malapit ang distansiya sa amin. Hindi rin naman siya nagsasabi nang totoo sa kaniyang nararamdaman. Baka ayaw niya kaming mag-alala kaya mas minabuti na lang niyang hindi magsabi sa amin. Pero bago pa ako umalis noon papuntang Bulacan, ina-isolate na niya ang kaniyang sarili. Hindi na siya tumatabi sa akin sa kapag natutulog. Sa sala lamang siya nahihiga. Naglalatag lang ng foam. May katabi rin siyang folding table. Doon nakapatong ang kaniyang laptop. Kasama rin niya sa pagtulog ang ilang bulto ng papel na kaniyang ipinrint mula sa isinabmit na requirements ng kaniyang Grade 10 students sa online classes niya sa English sa Manila Science High School.
Nang nakauwi na ako, dumeretso agad ako sa kuwarto namin bitbit ang malaking bag na ginamit ko. Nakahiga siya noon sa kama namin. Maya-maya pa ay pinilit na niyang tumayo. Kumuha siya ng disinfectant. Nag-spray siya ng disinfectant sa paligid ng kuwarto. Tinanggal niya pansamantala ang suot na face mask, at sinabing wala raw siyang maamoy bukod sa nahihirapan daw siyang kumain dahil sa wala rin siyang malasahan. Pinipilit lang daw niyang kumain kapag kumakalam ang sikmura niya sa gutom. Pero ilang araw niya itong inobserbahan. Hindi naman niya agad ito ipinaalam sa akin at kaninuman sa aming tatlong anak. Nang araw na iyon, alam na naming positibo sa Covid-19 si Cecille pero hindi namin alam kung saan niya nakuha. Maingat si Cecille kapag lumalabas ng bahay. Kung pupunta sa palengke o mag-go-grocery, lagi siyang naka-face shield bukod pa sa suot na face mask. Lagi rin siyang may bitbit na alcohol at kumpleto sa disinfectant kapag umuuwi na ng bahay.
Bukod sa akin na may matinding ubo na nang umuwi ng bahay, iba na rin pala ang pakiramdam ng panganay naming si Czar. Wala na rin siyang pang-amoy, at may pagkakataong nahihirapan siyang huminga kapag nasa trabaho. Inisip niyang baka nahawa na sya sa mommy niya. Maaari din naman sa mga customer na pumapasok sa kanilang establishment. Nasa food service kasi siya. Store manager siya sa Salad Stop sa Ortigas. Dahil air-conditioned ang lugar na pinagtatrabahuhan niya at maya’t maya ang pasok ng customer na umoorder sa kanila ng pagkain, hindi malayong dapuan din siya ng sakit na Covid-19 dahil sa nature ng kaniyang trabaho.
Dahil doon, nagdesisyon siyang huwag na munang pumasok. Nagpaiskedyul siya ng swab test sa PGH noong Marso 8, 2021, Lunes. Hindi na siya nagulat nang lumabas ang resulta nito noong Miyerkules Marso 10. Positive siya. Nagpatulong siya sa mga kaibigan sa aming parokya kung may kakilalang contact tracer upang madala siya agad sa isang quarantine facility. Nang hapon ding ‘yon, pinik-ap na siya ng mga taga-health services ng City of Malabon. May dala na siyang mga damit na good for 14 days at ilang mga biskuwit na pamatid gutom habang naka-quarantine siya. Dinala muna siya sa isang eskuwelahan na ginamit pansamantala bilang isolation facility, ang Malabon National High School sa Barangay Hulong Duhat. Halos apat na kilometro lamang ang layo nito sa aming bahay kung kaya’t hindi kami gaanong nag-alala. Doon muna siya, nag-overnight. Nung hapon ding iyon ay sinabi na niya sa group chat naming pamilya na hindi maayos ang pasilidad sa lugar iyon ngunit ayos lang daw. Susunduin naman sila ng bus (kasama ang iba pang pasyenteng may covid na mild asymptomatic) upang dalhin kinabukasan sa isa pa ring converted quarantine facility sa Laguna, ang CALABARZON, Regional Government Center. Maayos naman daw ang pasilidad. May regular na doktor na nagmomonitor sa kanilang body temperature. Nasa tamang oras ang paghahatid ng tubig at pagkain ngunit wala naman sa kanilang binibigay na anumang gamot.
Dahil sa nagpositibo si Czar, sinabi ko kay Cecille at sa dalawa naming anak na lalaki na sina Niko at Sean na kailangan din naming magpa-swab test dahil sa magkakasama kami sa bahay at ma-isolate din kami kung sakaling magpositibo rin kami sa swab test. Bagamat noong una ay alinlangan si Cecille (dahil siguro sa magiging reaksiyon ng aming mga kapitbahay na katakutan o pandirihan kami), pumayag na rin siya. Nagkataong may kasamahan kaming lingkod sa simbahan na nagtatrabaho sa City Hall ng Malabon at naipalista kami na magpa-swab test nang libre dahil ‘close contact’ kami ng isang pasyenteng covid-19 positive. Kaagad din kaming nagpa-swab test na mag-asawa at ang dalawa naming anak na lalaki, sina Niko at Sean. May matindi na akong ubo nang mga panahon na iyon. Si Cecille naman ay nawalan ng panlasa at pang-amoy. Nawalan din ng pang-amoy ang dalawa naming anak na lalaki.
Na-swab test kami noong March 12, 2021, Biyernes. Naging maayos naman ang proseso ng aming pagpapa-swab test bagamat mahaba-haba rin ang aming ipinila dahil nung mga panahong iyon ay tumataas na ang bilang ng nagpopositibo sa covid na umaabot ng pitong libo sa bawat araw. Makaraan ang ikatlong araw, Linggo ng March 14, 2021, itinawag sa amin ang resulta. Nagpositibo rin kaming apat sa pamilya. Hindi rin naman kami nagulat sa naging resulta. Matapos naming malaman ang resulta, naghanda na rin kaming buong pamilya – Si Cecille at dalawa pang anak na lalaki, ng mga damit at iba pang gamit na kakailanganin naming habang naka-quarantine. Iniisip namin, okey na lang na naka-quarantine kami, tutal, magkakasama naman kaming buong pamilya. Nagbilin na lamang ako sa aking nakababatang kapatid na si Alma na tingnan ang aming bahay na katabi lamang nila. Ibinilin ko na rin na pakainin ang tatlong aso na maiiwan sa bahay. Nagbigay na lamang ako ng pambili ng pagkain. Mahigpit din ang bilin ko na huwag nang sabihin kay Nanay na nagka-covid kaming buong pamilya. Sabihin na lamang niyang nagbakasyon kami sa bahay ng biyenan ko sa Bulacan. May sakit din kasi si Nanay at ayaw kong mag-alala pa siya sa amin.
Tulad ng anak naming si Czar, pinik-ap din kami ng mga health worker ng city hall malapit sa aming bahay. Paglabas pa lamang ng aming bahay ay pinagtitinginan na kami ng mga kapitbahay dahil sa bitbit naming malalaking bag na tila magbabakasyon. Hinabol pa kami ng tingin ng isang kapitbahay na tila ‘suspicious’ kung saan kami pupunta. Hindi pa nakuntento, sinundan pa niya kami papalabas sa aming bloke. Nakita niyang sumakay kami sa isang lumang L300 van FB na ang driver at kasamang pasahero sa unahan ay mga naka-PPE. Dali-dali rin naman siyang bumalik sa mga kapitbahay naming nagkukumpulan sa labas. Sa loob-loob ko, ‘Wala talagang sekretong maitatago sa mga kapitbahay ko!’
Lima pa lamang kami noon sa sasakyan at lumibot pa sa ilang barangay ng Malabon para pick-up-in din ang iba pang pasyenteng positibo sa covid-19 sa aming lugar. Maliban sa akin na namamaos na kakaubo, ang mga kasama namin sa loob ng van ay tila mga walang sakit o nararamdaman. Excited pa nga ang iba dahil alam nilang dadalhin din kami kinabukasan sa isang maayos at magandang quarantine facility. Ang sabi pa nga ng isang pasyenteng lalaking nakasabay naming halos kaedad ko na rin, “Ayos ‘to! Parang bakasyon lang. Balita ko dadalhin tayo sa Tagaytay!” Actually, ganun din ang damdamin ko, feeling-bakasyunista, dahil ang isa kong kasamang lingkod-parokyano na halos kasabay naming nagpositibo sa covid ay nauna nang dinala sa Canyon Woods, na bagamat nasa Batangas, ay mas alam nilang nasa area pa rin ng Tagaytay.
Dinala muna kami sa isang napabayaang public national high school dito sa Malabon. Iyon din ang lugar na unang pinaglagakan ng panganay kong anak na babae na si Czar. Inakala naming makakasama rin namin sa Laguna ang aming panganay na anak at magsasama-samang kaming magku-quarantine sa iisang isolation facility ngunit nagkamali kami. Dahil isang napabayaang public high school ang aming tinuluyan, sa isang maliit na klasrum kami dinala. Walang bentilasyon. Labing-isang pasyente kaming nasa loob. Mainit ang lugar. Ang iba sa kanila ay may dalang sariling bentilador. Mukhang ilang araw na rin sila dun. May dala na rin silang unan, kumot, ilang piraso ng pinggan, baso, at galon ng mineral water. May kanya-kanya na rin silang timba at tabo. May tig-iisa kaming folding bed na kasingkitid ng isang stretcher. Isang makitid na student table lamang ang naghahati sa pagitan naming mga pasyente. Wala pa yatang kalahating dipa ang espasyo namin sa bawat isa. Nung gabing iyon ay hindi na ako nakatulog. Iniisip ko kung paano kaming gagaling na mag-asawa at dalawang anak, pati na rin ang iba pang kasamang may covid, sa lugar na iyon.
Kinaumagahan, ni hindi pa yata sumisikat ang araw, ay pinuntahan ko na ang head nurse na-in charge sa nasabing quarantine facility. Kahit hirap akong magsalita dahil sa sobrang paos, sinabi kong hindi ako gagaling sa lugar na iyon. Kung hindi man ako madadala sa isang maayos na quarantine facility, pati na ang aking pamilya, iginiit kong mas mabuti pang sa bahay na lamang ako mag-quarantine. Subalit nagmatigas ang head nurse at sinabing hindi na kami puwedeng umuwi dahil baka lumabas kami ng bahay kahit may covid. Masama man ang loob ko, wala na rin akong nagawa. Iniisip ko na lang na kailangan ko ring magkaroon ng medical certificate na isasabmit ko sa aking employer matapos ang sampung araw na quarantine.
Kinabukasan nang hapon iyon, ang dalawa naming anak na lalaki ay nahiwalay na rin sa amin ngunit hindi rin makakasama ng kanilang ate. Dinala naman sila sa isang quarantine facility sa Nasugbu, Batangas na isa ring hotel, ang Forest Crest/Chateau Royale. Naiwan kaming mag-asawa sa lumang public national high school dahil may ubo raw kami. Hindi raw tinatanggap sa mga hotel ang mga inuubo. Bagama’t nakapanlulumo, tinanggap namin ang sitwasyong hindi namin makakasama ang aming mga anak sa loob ng dalawang linggo. Mabuti na lamang at mild symptoms lamang ang dumapo sa aming mga anak. Mas mabuti na ring maihiwalay sila at mapunta sa mas magandang quarantine facilities kaysa namin sa isang lugar na siguradong pagdudusahan nila nang ilang araw.
Nang umaga ring iyon ay nakiusap na lamang kami sa aming mga kapwa-lingkod sa parokya na pakidalhan kami ng sariling unan, kumot, bentilador, electric kettle, timba, tabo, at iba pang kakailanganin namin sa loob ng sampung araw na pananatili namin doon. Pinadalhan na rin nila kami ng ilang prutas, biskuwit, at bottled water.
Halos nagmistulang bilanggo kami sa pinaglagyan sa aming quarantine facility. Maliban sa labing-isa kaming mga pasyenteng nagsisiksikan sa isang maliit na klasrum na walang bentilasyon, walang medical doctor na nagpupunta sa amin. May iilang nurse na regular lamang na nagmomonitor ng aming body temperature. Hindi kami binigyan ng gamot, maliban sa sampung capsule ng ascorbic acid with zinc na bigay ni Mayor. Self-medication ang ginagawa naming mag-asawa habang naka-quarantine. Araw-araw naming pinaghahatian ang mga prutas na bigay sa amin ng aming mga kaparokya. Dahil paos ako at inuubo, tatlong beses akong umiinom ng mainit na turmeric na may halong honey bee na bigay din ng isang nagmamalasakit na kaparokya. Sa gabi ay nagsusuob kaming mag-asawa. Naglalagay kami ng mainit na tubig sa mug at hinahaluan namin ng mint pain relief rub.
Maayos naman ang aming pagkain subalit para rin kaming mga bilanggong pumipila sa rasyon. Madalas ay ako pa nga ang pumipila sa pagkuha ng pagkain namin dahil karamihan ng aking kasama sa klasrum ay mga babae. May kasama lamang akong isa pang lalaki na magbibitbit ng labing-isang disposable styrobox at bottled water mula sa first floor ay bibitbitin namin ito hanggang sa second floor. Halos araw-araw ay iba-iba rin ang nakakasama namin sa maliit na klasrum na iyon dahil asymptomatic sila, masuwerte silang nadadala sa mas magandang quarantine facilities sa Laguna at Batangas. Hirap din kami sa tubig. Mahina ang tulo sa gripo lalo na kung umaga. Kung maliligo, magsi-CR, o maglalaba, kailangang may dala kang sariling timba at tabo. Madalas pang barado ang CR at laging mahaba ang pila ng mga gagamit dito. Nakahiwalay pa ang CR sa building. Ilang metro pa ang lalakarin mula sa tatlong palapag na gusali. Kung minsan, may mga gabing umuulan. May mga gabing kapag magsi-CR ako, kailangan ko pang lumusob sa ulan dahil wala naman kaming dalang payong ni Cecille. Tila basing-sisiw akong babalik sa maliit na klasrum na aming tinutulugan.
Nakakainip ang bawat araw. Hindi ko maiwasang maihalintulad ang aming kalagayan sa mga bilanggo. Laging may nakabantay sa gate. May lumang grills ang terrace ng bawat palapag. Braso lamang ang puwedeng lumusot dito. Pagkakasyahin mo na lamang ang sariling humawak sa pagitan ng bawat rehas na luma at kinakalawang na bakal habang tinatanaw mo ang nangyayari sa labas. Para akong bilanggong hindi makatakas. Nagtitiyagang manood ng mga naglalakad sa kalsada. Nagbibibilang ng iba’t ibang sasakyang nagdadaan. Naiinggit kapag may nakikitang mag-ama o mag-ina na magkasamang masayang nag-uusap. Naiinip sa bawat oras at araw na lumilipas. Nilalabanan ang inip sa pakikipagkuwentuhan sa mga kasamang kapwa biktima ng covid. Sila yung mga may covid na mas pinili na lamang doon mag-quarantine upang hindi maging malayo sa kanilang pamilya. Nagtatanungan kami sa isa’t isa kung kailan pa sila at naririto. Nagbibilangan ng bawat araw kung kailan kami ‘makakalaya.’
Hindi lang ito ang kalbaryo naming mag-asawa. Araw-araw ay iniisip namin ang kalagayan ng aming mga anak. Masuwerte na lamang at nakakagamit kami ng mobile data ng aming mga cellphone upang kahit paano ay nakakausap namin sila at nababawasan ang aming pag-aalala. Mas maayos nang kaunti ang kanilang quarantine facility kaysa sa aming mag-asawa. Ngunit dahil mga teen-ager, hindi sapat sa kanila ang inirarasyong pagkain. Madalas ay lagi silang nagugutom at wala naman silang mabilhan ng pagkain. Kung minsan ay hindi rin nila nakakain ang nirarasyong pagkain. May pagkakataon pa ngang halos hatinggabi na dumating ang kanilang rasyon na pagkain. Sa tagal ng delivery ay napanis na ang mga dumating na pagkain. Dahil ang nagrarasyon ay galing pa ng Antipolo at umiikot pa sa iba’t ibang quarantine facilities sa loob at labas ng Metro Manila.
Nakakainip ang bawat araw subalit batid naming matatapos din ang lahat ng ito. Makaraan ang sampung araw, Marso 22, 2021, Lunes, bandang ala una ng hapon, ‘nakalaya na rin kami sa pagkakabilanggo.’ Dala-dala ang aming medical certificate, sabik kaming umuwi ng bahay ni Cecille. Inabutan naming marumi ang bahay. Sinalubong kami ng marurungis naming aso ngunit kitang-kita sa kanila sa kasiyahang nakita na nila kami. Sinimulan naming maglinis bahay. Nagkalat kasi ang mga ihi at dumi ng aso sa buong bahay namin. Halos palubog na ang araw nang matapos kami sa paglilinis ng bahay. Nauna kaming nakauwi sa mga bata. 14-day quarantine period ang ibinigay sa kanila. Marso 24, 2021, Miyerkules, sabik kong sinundo si Czar sa quarantine facility niya sa CALABARZON, Regional Government Center, Laguna. Noong Marso 26, 2021, Biyernes, naman nang makauwi ang dalawa pa naming anak na lalaki na sina Niko at Sean mula sa Nasugbu, Batangas. Matapos ang sampung araw na ‘pagkakabilanggo’ namin ni Cecille, at labing-apat na araw naman ng pangungulila na makasama ang aming tatlong anak, ay muli kaming nagkasama-sama.
Sa naging sitwasyon naming pamilya noong mga panahong iyon, batid naming sinusubok ng Diyos ang aming pananampalataya sa Kaniya. Ang totoo, hindi namin Siya sinisisi at hindi kami kailanman pinanghinaan ng loob. Sa halip, lalo pa itong naging dahilan upang higit na tumibay ang pagkapit ng aming pananampalataya sa Kaniya. Nagpapasalamat pa rin kami na ang aming mga anak ay nahubog namin nang may pagmamahal at takot sa Diyos.
Hindi lamang kaming buong pamilya ang naging bilanggo dahil sa pagkakasakit na dulot ng Covid-19. Hindi lang din ang mga naging biktima ng pandemyang ito. Ang buong mundo ay bilanggo na sa loob ng isa’t kalahating taon. Naging bilanggo tayong lahat ng pandemyang ito dahil halos hindi tayo makalabas sa ating mga tahanan. Naging limitado ang ating mga kilos. Tulad ng isang bilanggo, hindi tayo mabisita ng ating mga mahal sa buhay na nasa ibang lugar. Hindi rin naman natin sila mabisita. Tulad ng isang bilanggo, nawalan tayo ng ikinabubuhay. Tulad ng isang bilanggo, bihira na tayong makatikim ng maayos at masarap na pagkain. Tulad ng isang bilanggo, naiinip na tayo sa pagdaan ng bawat araw. Tulad ng isang bilanggo, umaasa at nagdarasal tayo na balang araw, matatapos din ito. Balang araw, makakalaya rin tayo.
Tulad ng isang bilanggo, hindi pa rin tayo nawawalan ng pag-asa…
Galing kami ni Kuya sa paglalakad ng mga aso no’ng araw na ‘yon. At dahil alas dyes y medya na ng umaga nang ilabas ang mga aso, matinding init ang bumungad sa’ming dalawa.
Mabilis si Kuya nakauwi sa’ming bahay dahil madali naman si Scooby na ilakad. Panay takbo siya kaya madaling mapagod; akala mo naman ay kasama sa official track and field lineup ng Pilipinas para sa Olympics. Madalas ay nagyayaya na rin siyang umuwi sa’min pagkatapos umihi at dumumi. Ang medyo may kahirapan ay ang paglakad kay Snowy, ang nakatokang aso sa’kin.
Mabait kung mabait si Snowy kaysa kay Scooby. Napakasungit ni Scooby at panay ang pag-ungol sa’kin lalo na ‘pag uma-attitude; kaso, napakatagal naming maglakad ni Snowy. Ang daming inaamoy na mga dahon-dahon, bulaklak, lupa, bato, pati pader. Naiisip ko rin ‘pag minsan na high na high ang aso sa ginagawa niyang pag-amoy ng mga bagay sa paligid. Hindi ko na rin pinipigilan kasi ‘yan na lang rin naman ang kaligayahan ng isang aso. Ipagkakait ko pa ba?
Maging ang pagdumi niya’y mukhang espesyal lagi kaya’t matagal siya bago makahanap ng mga damo kung sa’n dudumi. Ang ending: pagod at uhaw si master.
Pagkatapos itali si Snowy sa labas, pumasok na ‘ko sa bahay. Sa uhaw ko, agad akong nagtungo sa hapag-kainan para kunin ang paborito kong baso para kumuha ng tubig. Ito ang problema—hindi ko makita ang baso.
Sinilip ko ang kusina. Wala. Sinilip ko ang coffee table sa sala. Wala. Bumalik ako sa dining room. Wala pa rin. Maski si Kuya tinanong ko na rin. Wala.
“Sa’n kaya napunta ‘yon?” sabi ko.
Napilitan akong kumuha ng isang coffee mug para makainom ng tubig.
Paborito ko pa naman ang basong ‘yon. Berde. Maliit. Pambata. Cute. Binili pa kasi ‘yon sa Ikea sa Jeddah, Saudi Arabia no’ng bata pa ‘ko. Assorted ang mga kulay at by batch ang pagbili kaya marami pa ‘tong kasamang mga baso. Alam kong meron pa ‘tong kapareho sa aparador ng kusina namin.
Pero iba pa rin ‘yung mismong basong ‘yon, naisip ko.
You can say na may sentimental value ‘yon para sa'kin. Siguro lumabas rin ang pagiging possessive ko sa mga bagay na pagmamay-ari ko.
Sayang naman. Huminga ako nang malalim.
Wala ‘kong choice dahil titser ako. Work from home na nga ang lagay ko ngayon, pero may mga trabaho pa ring naghihintay para sa’kin. Hindi hihintayin ng mga trabaho ko na mahanap ko ang paboritong kong baso. In the grand scheme of things, ‘di ‘yon importante kumpara sa kanila.
Habang tina-type ang mga lesson plan ko para sa susunod na linggo, bigla kong naisip:
‘Di kaya kinuha ng isang duwende ang baso ko?
Isang beses ay may nabanggit sa’kin ang mga magulang ko. Sa Batangas, ang probinsya namin, marami raw ang mga aswang, lalo na sa mga baryo ng mga magulang ko kung sa’n sila nagmula (parehas silang Batangueño). To be more specific, marami ang mga taong nagiging malaking itim na aso o malaking baboy sa gabi at bago matapos ang gabi’y nagiging tao uli sila.
Tinawanan ko lang ang kuwentuhan ng nanay at tatay ko. ‘Di kasi ako naniniwala sa multo. Pa’no pa kaya kung aswang o duwende ang pag-uusapan?
No’ng tumuntong naman ako sa kolehiyo, ang napag-usapan lang namin sa Mythology and Folklore class ay mitolohiya ng mga Griyego, Romano, at Norse. Kaya naman wala ‘kong kaalam-alam tungkol sa mitolohiya ng sarili kong bansa.
Saka ko lamang mas napag-aralan ito no’ng ikalawang taon ko na ng pagtuturo ng Ingles sa mataas na paaralan ng Kolehiyo ng Miriam Nuvali. Tinuro ko no’n ang nobelang The Girl Between Two Worlds ni K.M. Levis na puno ng mga tauhang mula sa mitolohiya ng Pilipinas.
Huli na nang matuklasan ko ang istorya ng mga duwende sa mitolohiyang Pinoy. Ayon sa mga eksperto, may masama, may mabuti, at may nangkukulam daw na mga duwende o unano. May nagbibigay naman ng suwerte. May kinatutuwa ang mga taong nakatira malapit sa sarili nilang bahay kaya tinatago raw ang ilan sa kanilang mga gamit. Kapag hindi na hinahanap, saka na lang lumalabas uli.
No’ng mga panahon na ‘yon, inisip ko na kathang-isip ang mga ‘yon, na mga istorya lang ang mga ‘yon, na mga kuwentong pinaniniwalaan lang ng mga matatanda ang pagkakaroon ng aswang, duwende, kapre, sirena, siyokoy, at iba pa—hanggang sa nawala ang paborito kong berdeng baso. Nagsilbing paliwanag ang mitolohiya sa sitwasyong ‘yon.
Hindi kaya...?
Winaksi ko muna mula sa isip ko ang mga tanong na gaya nito. Sinikap kong tapusin ang trabahong nasa harap ko bago intindihin ang tila ‘di naman importanteng gamit na nawawala.
Nang matapos kong isulat ang mga lesson plan, pumanhik ako sa ikalawang palapag ng bahay para pumunta sa banyo. Naghugas ako ng mga kamay at nagpunas gamit ang tuwalya para matuyo ang mga ‘to.
Pagkatapos ng lahat, pumasok ako sa aking kuwarto. Wala lang. Trip-trip lang. Workspace area ko kasi ang hapag-kainan sa baba kaya bihira ko lang magamit ang sarili kong kuwarto sa umaga’t hapon (madalas, hanggang gabi rin lalo na kung maraming trabaho). Demarcation ko ng work and rest kumbaga ang pagtatrabaho sa baba at pagtulog sa kuwarto ‘pag oras na ng pagpapahinga.
Naisip ko lang na humiga sandali bago magtrabaho uli. Kahit siesta lang.
“Ayun o!”
Laking gulat ko nang makita ko ang berdeng basong hinahanap ko nang halos buong umaga. Nasilayan ng aking mga mata ‘to bago ‘ko humiga. Naroon lang sa lamesa, magulong pinapaligiran ng mga libro, papel, resibo, bolpen, at lapis.
Pa’no kaya ‘to napunta rito? tanong ko sa sarili ko.
Inisip ko nang mabuti at natuklasan ko rin kung bakit napunta roon ang baso:
Bago maglabas ng aso, knowing na mainit sa labas, uminom muna ako ng isang basong tubig at pumunta sa banyo. Inilipag ko ‘to sa lamesa at agad na umalis para ilakad si Snowy. Nagmamadali yata ako para habulin ang oras bago magsimula ang homeroom period ng mga bata pagkatapos ilakad ang aso. Nakalimutan ko lang ang lahat ng nangyari.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis, pero naunahan na ‘ko ng tawa. Napa-facepalm pa ‘ko!
Tumawa lang ako nang tumawa. Hindi ko napigilan.
Walang duwende. Ako lang pala. Gumawa lang pala 'ko ng istorya sa utak ko tungkol sa isang duwendeng kumuha ng paborito kong baso. Iba talaga ang epekto ng kuwarentina at pandemya, ‘no?
Humalakhak siguro sila Gabriel Garcia Marquez, Jorge Amado, at Laura Esquivel nang matauhan ako.
Matapos ‘kong malaman na ako’y natanggap sa trabaho, sa halip na tuwa, ay mas naligalig ako. Wala kasi akong aparato para sa bagong moda ng pagtuturo. Mabuti na lang talaga ay may Shopee!
Kung tutuusin, wala akong tiwala sa ganitong klase ng kalakalan. Ako yung tipo na makunat pa sa belekoy pagdating sa pera. Takot akong maloko. Madami na din kasing nagkalat na bogus ngayon. Hindi man kapanipaniwala, lalo pa sa edad ko, walang marka ng kahit na anong e-commerce apps sa cellphone ko dati.
Pero, sa totoo lang, matagal ko na ding binabalak ang mag-online shopping. Duwag lang talaga ako. Mataas kasi ang pagpapahalaga ko sa pera, at mas tumaas pa ngayong pandemya. ‘Di naman kasi kami angat sa buhay. Ika nga’y bawat piso ay bilang.
Kaiba sa’kin ang aking mga kapatid. May Shopee at Lazada sila. Nakikita ko din ang tuwa nila kapag andyan na si manong na magde-deliver ng parcel. Walang masidlan ang tuwa.
Isang araw, sinubukan kong hiramin ang cellphone ng ate ko. Sabi ko ay magti-tingin tingin lang ako. Isang oras mahigit na siguro ang nakalipas, iritable na siya. Nakita ko na lamang ang sarili kong lunod na lunod sa dami ng pasok sa budget na mga produkto. Waaaa! Hindi ko iyon namalayan. Bugnot, kinuha ng ate ko ang cellphone niya.
Subalit hindi pa din iyon ang nagtulak sakin na makisali sa add to cart na trend. “Normal pa ako,” pabiro kong bulong sa sarili.
Alas-10 nang umaga, ika-14 ng Agosto ng taong ito, habang nasa bus biyaheng Pasay, ay meron akong natanggap na tawag. Siya pala ang head ng in-applyan kong eskuwelahan. Pero hindi ko siya lubos na marinig. Ang naintindihan ko na lang ay salitang Ingles na recommendation. Maingay din kasi sa loob ng bus. Idagdag mo pa dito yung pag-alog nito. Natapos na lamang ang usapan namin nang banggitin niya na tatawag na lang siyang muli.
Nasa Pasay na ako. Agad ko siyang tinext na maaari na niya ulit akong tawagan. At doon ko na narinig ang matatamis na salita. Tanggap na ako! Hindi pa man permanente pero tanggap na ako.
Kinabukasan, doon ko na kinompronta ang sarili. Wala akong gamit. Walang green screen (mainam kasi daw iyon sa engagement sabi sa nabasa ko), ring light, earphones, holder ng laptop at cellphone, at walang sariling working station. Ang laptop ko ay de-dextrose na din. Tipong ‘di na aandar kung hindi naka-charge.
Kung kaya higit sa kakuriputan at pangamba sa online shopping, mas nangibabaw sa’kin na maipaabot ko sa aking mga estudyante ang isang makabuluhang learning experience.
Sa madaling salita, in-install ko ang Shopee. Bahala na.
Kinakabahan ba ko? Oo.
Duda ba ako sa produkto? Walang kadudadudang may duda ako.
Affordable ba? Oo. Ang karamihan ng mga produkto.
Namangha ba ko? Kailangan pa bang itanong? Aba’y siyempre.
Nagpabudol ba ako sa Shopee Sale? Hmm.
Napa-add to cart ba ko? Hmm.
Napabili ba ko? Hahahaha.
Hindi naging madali para sa’kin ang mamili online. Para ba akong nasa life and death situation sa tuwing ako’y mag-add to cart ng mga gamit pang-online class. Sinuyod ko talaga lahat ng online store na nag-aalok ng mga ninanais kong produkto. Mukhang wirdo pero inaanalisa ko din ang pattern ng reviews. Baka kasi mamaya si seller din pala ‘yon e.
Ang dumi kong mag-isip, ‘di ba?
Kasabay nang pagpindot ko ng Place Order ay ang pag-add to cart ko naman sa pangamba. Sinasalmo ko na sana’y legit yung produkto. Yari kasi kung nagkataon. 3K na lang din kasi ang pera ko. Ayoko na ding manghingi pa sa magulang o sa mga kapatid ko.
Matapos kong ma-checkan lahat ng nasa checklist ko, paghihintay naman ang sunod kong binuno.
Lumipas ang isang linggo ay dumating na yung ring light ko. Agad ko itong sinubukan kung gumagana. Nagpatulong ako sa bunso namin sa pag-assemble. Para kaming naglalaro ng jigsaw puzzle sa pagbuo nito. Pagkatapos ma-assemble, kinuha ko ang adapter ng charger ko at ipinasak sa USB type na linya ng ring light. Isinaksak ko ito sa pinakamalapit na pagkukuhaan ng kuryente. Boom! Gumagana. Tuwang tuwa ang puso ko at ganon din ang halakhak ni Aya, pamangkin ko. Nag-selfie selfie muna sila at maganda ang kinalabasan ng bawat larawan, salamat sa ring light.
Lumipas ang tatlong araw ay na-deliver naman ang green screen background. Isang linggo ulit ang nagdaan, nagkita ulit kami ni kuya. Bitbit niya ang earphones ko. Dumaan ang bawat linggo na may nakukuha akong bagong parcel na magagamit ko sa online class.
Nakuwento ko ito sa malapit kong kaibigan at tawang tawa ako sa naging reaksyon niya. Tao na daw kasi ako. Mabuti naman daw at lumabas na ako sa kuweba, 2021 na daw kasi.
Parang ang dami kong pinagdaanan. Pero natanto ko na itong seryeng ito ng buhay ko ay naging isang produktibo at masaya. Idagdag mo pa yung kilig kapag ina-update ka ni Shopee kung nasaan na yung order mo. Sanaol talaga ina-update, di ba?
Nagpabudol ba ako sa Shopee? Oo.
Magpapabudol ba ulit ako? Oo. At alam kong hindi pa ito ang huling yugto ng legit na budol serye.