Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
I
Palaging nagmamadali itong mga paa. Sumasabay sa kumpas ng nakaliligalig
At pira-pirasong bulong nitong panahon: Hindi puwede ang mahuli, baka mahuli
Pagmultahin kapalit ang kapalarang puno ng pighati’t mga pagsuko.
Magmadali, tulad ng kasabihan ng matatanda at ng mga pinarusahan:
Daig ng tao ang daigdig sa tuwing siya ay nananaginip at kumikilos
Para sa kaniyang kapatid, ngatngatin man ng lumbay ang lahat sa kaniya.
Lumingon sa layo ng pinanggalingan. Subuking tuklasin ang kapangyarihan
Ng alaala gamit ang titig at nagbabalat na sugat mula sa pagkatalisod-dapa-tumba.
Ikaw ang bida sa iyong gunita, gaano man pagtaksilan ng kasalukuyan ang sandali.
Muli, humarap at alalahanin ang mga naiwan sa paglubog ng araw.
Magpatuloy dala ang pag-asang minsang ibinulong sa banig at mga kapatid:
Mararating ng tao ang kaniyang panaginip sa oras na magdesisyon itong tumakas at manalig.
II
Kung magkrus ang landas ng iyong sarili at anino, sikaping makipagkilala
Gaano man patayin ng katahimikan ang pananaginip ng kasama, maniwala
Na ang kaharap ay ikaw, o ang ikaw ay ang siyang kaharap.
Titigan sa mata. Hindi ba’t sa mata nakikita ang pangalan ng kaharap
Hindi man ito kilala sa kaniyang palayaw, sinasabi ng mata ang nais,
At mga hindi gusto ng kaharap sa kaharap, nakatalikod man itong kaharap.
Tapikin ang bisig. Marahang-marahang ipaalala sa kaharap ang nangyari
Noong huli kayong magkita: Ang matigas na tinapay sa mesa, ang kapeng
Lumamig sa tasa, ang mga umaga, ang mga tanghali, at mga gabing
Walang katapusan mong inabangan. Wala itong katapusan kaya sinabi mo
Sa sariling kapalaran na hindi pagsuko ang pagsuko. Isa itong pakikipaglaban
Hanggang makita ang umaga sa gabi, o ang gabi sa umaga nitong pakikipagbuno.
III
H’wag magtaka sa liwanag na matatagpuan pagkatapos ng pagtakas.
Hindi ito liwanag na una mong natutuhan sa eskwelahan, h’wag mo rin itong
Tawaging liwanag, ang totoo wala itong pangalang puwedeng ikabit sa kaniya.
Isa lamang ideya ang liwanag, ang pag-asa, ang lahat-lahat ng matatagpuan
Sa bagong pintuang iyong binuksan. Sikapin mo, at ng iyong anino na makibagay.
Doon nagsisimula ang lahat, kung magsasalita dahil tinatanong, at nananahimik
Dahil mas mabuti itong gawin kumpara sa pakikipaghuntahan sa bato.
Titigan ang bagong kalibutan kung nasaan ka, ang iyong anino, dito
Ay may sariling isip, damdamin, at mga desisyong hindi mo kontrolado.
Kakampi ito kahit na hindi nagsasalita, ngunit tandaan mo ring ang pananahan
Ng anino sa katahimikan ng sandali ay isa ring wika na puwedeng intindihin:
Hindi ba’t madalas tayong nasasaktan sa mga katahimikan ng nakaraan?
IV
Tingnan hindi ang mga paa, kundi ang markang ginawa ng iyong mga paa
Mula sa buhangin at lutak nitong kapalaran. Para itong isang pintura na nakasabit
Sa pader ng museo, ganoon kaganda ang buhay, ngunit ganoon rin ito kalungkot.
Abot ng iyong bighani ang pintura, ngunit hindi ito puwedeng hawakan.
Kung sumasapat lang sana ang titig, ngunit alam mong hindi
Kaya ipipikit ang mata, mananaginip, doon natin nahahawakan ang lahat-
Lahat ng hindi natin puwedeng hawakan dahil sinabi ng makasalanan.
Dahil ito ang paalala sa atin sa tuwing lalabas ng bahay. Dahil ito,
Katulad ng anumang bilin ng matatanda, ang palagi nating sinusuway.
Kaya napapahamak ang ating alaala, ang alaala ng kasama, ang lahat ng tungkol
Sa pagtakas, ang lahat ng hindi tungkol sa ating anino. Kung tutuusin
Lahat ito ay walang silbi kaya nagkakasilbi sa panahon ng pagbabalik sa sarili.
Iniabot ko sa iyo ang kape sa tasa,
Sabay nating hinigop ang mapapait na alaala.
Dinighay naman ang tamis sa dulo ng mga lagok.
Narinig kong muli ang paglagutok
ng iyong mga buto, hindi ka na buo.
Malimit mangusap ang iyong katawan,
mata mong may malamlam na kahulugan,
ang ibig sabihin—wala ng ibig sabihin.
Nabanggit mo noon ang habilin.
Iiwan mo sa akin ang paboritong relo
dahil hindi mo mabibitbit ang oras.
Ipauubaya ang huling hininga sa pasimano
bilang pasasalamat sa mga yakap
at pagkupkop sa humpak
mong katawan.
Ang nalalabing pag-asa nating dalawa:
nasa tasa ng mainit na kape o tsaa.
Sabay nating pagsasaluhan
natitirang mga kuwento,
itong lumalangitngit na papag,
at ang banayad na hikab ng bukas.
Pinaiyak ng magtatawas ang kandila at bumuo
ng dibuhong nagpapatak sa luha mo. Ganito
ka rin nabalino ng manghuhula nang masalat
ang nagsangang dila sa gatla ng iyong palad.
Maaalalang noong managinip sa panaginip
tinangka ang pag-umit sa mansanas
sa bibig ng baboy na hubad ang balat.
Iaalay sana sa pag-ibig. Nagising kang
may nakalingkis sa dibdib. Naghunos-
dili kang pilit subalit hinubad na kaliskis
ng sarili ang nakahimlay sa ataul. Kinagat
ang katotohanan sa bisig at dalawang pangil
ang nagmarka, dugong malamig ang bumalong.
Sa palangganang may lumulutang na espermang
ulupong, bugtong ang nakaumang
na tuklaw sa sariling buntot.
Sa timpalak, may mga linyang
nákaw ang nakapuslit sa kilatis
ng mga tagalitis. Naghubad
sila ng talinhanga upang walang balat-
kayong ilantad ang mga dati
nang nasa isip. Hayan
sila: animo'y mga paslit na
nasasabik sa kiliti ng tikatik
ng kanilang unang ambon-ulan.
Mga pumúgang walang saplot,
lawrel lang ang suot,
may láyang makisalo
sa mga malalayang taludtod.
Nasa agwat ng bitaw at kapit
ang pinaikot mong daigdig.
Kung mahihila pabalik
ang saglit na pagkalas
sa baras, babanatin
ang pangyayaring
mabillis
nang mabigyang saysay
ang manghang naiwan
sa ere sa pagsaksi
ng disenyong inilagda
ng tikas mo sa hangin.
Pabagalin ang kisapmatang
may harot-kisig na hulagpos sa di-
nababaling utos ng pagkahulog.
Walang lambat.
Walang kurap.
Kung makababalik sa saglit
bago ang hiyaw at palakpak,
ikikintal muli sa isip ang sining
na nagdulot sa puso naming mawala
sa hulog sa pinaikot mong daigdig.
Binusog mo ng damit ang ‘yong maleta.
Ilang oras na lang, quarantine ka na
bago makalipad sa Pransya.
Paalala ko sa ‘yo:
Skyflakes, cup noodles, at kaunting de lata, magbaon ka.
Mahal ang bilihin doon, hindi kasya ang pera mong dala.
Sagot mo:
Gatas. Wilkins. Diaper.
Wala nang gamit si bunso.
Negatibo ang resulta ng swab test mo.
Tila pasaporte ang kapirasong
papel
na bitbit mo sa eroplano
upang makapasok ka sa banyagang teritoryo.
Busog ang maleta mong nakarating sa hotel
kung saan ka muling maka-quarantine
bago tuluyang makapagtrabaho.
Pitong araw na kaba ang ininda ng pamilya
may piping usal na sana, sana—
negatibo pa rin ang resulta.
Ika-walong araw, tinanong kita:
Ano ang resulta?
Lumampas ang tingin mo sa kamera
sumagot nang may pilit na tawa—
Positive.
Tila nawalan ng signal sa lugar ko
at ‘di ko narinig ang inusal mo.
Bungad ko:
Kailan ka su-sweldo?
Paubos na ang gamit ni bunso.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Binusog mo ng damit ang ‘yong maleta.
Ilang oras na lang, quarantine ka na
bago makalipad sa Pransya.
Paalala ko sa ‘yo:
Skyflakes, cup noodles, at kaunting de lata, magbaon ka.
Mahal ang bilihin doon, hindi kasya ang pera mong dala.
Sagot mo:
Gatas. Wilkins. Diaper.
Wala nang gamit si bunso.
Negatibo ang resulta ng swab test mo.
Tila pasaporte ang kapirasong
papel
na bitbit mo sa eroplano
upang makapasok ka sa banyagang teritoryo.
Busog ang maleta mong nakarating sa hotel
kung saan ka muling maka-quarantine
bago tuluyang makapagtrabaho.
Pitong araw na kaba ang ininda ng pamilya
may piping usal na sana, sana—
negatibo pa rin ang resulta.
Ika-walong araw, tinanong kita:
Ano ang resulta?
Lumampas ang tingin mo sa kamera
sumagot nang may pilit na tawa—
Positive.
Tila nawalan ng signal sa lugar ko
at ‘di ko narinig ang inusal mo.
Bungad ko:
Kailan ka su-sweldo?
Paubos na ang gamit ni bunso.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Gatas. Wilkins. Diaper.
Magbigay ng naaayon sa kakayahan
Sa lumang kariton sa gilid ng kalsada
Kumuha ng batay sa pangangailangan
Itlog, toyo, at asin, may patutunguhan
Pinahuhupa ang pagkalam ng sikmura
Magbigay ng naaayon sa kakayahan
Gulay, prutas, at bigas mula sa ambagan
Simbolo ng pag-asa ng gutom na masa
Kumuha ng batay sa pangangailangan
Mayaman, mahirap, pati nasa laylayan
Walang pinipili, maaaring pumila
Magbigay ng naaayon sa kakayahan
Ngayong pandemya’y nanaig ang bayanihan
Paalala: ‘wag abusado’t abusada
Kumuha ng batay sa pangangailangan
Maraming kariton ang biglang nagsulputan
Hindi lang pala virus ang nakahahawa---
Magbigay ng naaayon sa kakayahan
Kumuha ng batay sa pangangailangan
Muli mong inangkin ang nangangarilang na bota
Ang tinagulamin na sambra
At walang kapares na punyos
Nang tinawid mong muli ang iyong pagkabata.
Ipinatong ang makutim na sambra
Iniyakap ang nag-iisang punyos
Sa kahahasang lingkaw.
Ihinalik ang talampakan sa bota.
Muli: tinakbo ang pamilyar na pitak,
Iniwasan ang mga lunak,
At inakyat ang punong mangga
Sa tabi ng kubong pamana pa ng ama.
Muli mong inangkin ang inyong bukurin.
Usal na dasal: alaala sana ay huwag ilitin.
Yakag-yakag ninyong mag-ina
Ang hinugasang sako ng semento
Magkasamang binabagtas
Ang pilapil na sing-init ng aspalto
Nakatapak. Niyayakap ng nisnising sambra
ang inyong maninipis at malulutong na braso
Sukbit sa likuran ng lumang jogging pants,
Ang lingkaw na may kapurulan.
Sabay na hinahawi ang mga pasyok at ginikan
Nagbabakasakaling may naiwan
Ang kahel na halimaw[1]
Na pumatay sa inyong hanapbuhay.
[1] Halimaw kung tagurian ng mga manggagawang bukid ang modernong reaper-harvester machine na kumitil sa kanilang hanapbuhay
“Magtabi-tabi po kayo.”
Palagiang bilin noon ng matatandang kasamahan
Kapag nangingibang bayan
Tuwing panahon ng taniman at gapasan.
Nagbubungguan ang mga braso
Tuwing malulubak ang sinasakyang truck
At dahil madaling araw, laway lang ang umagahan
Binubusog ang isa’t isa ng kwentuhan
Sa ilalim ng liwanag ng buwan
Panay kababalaghan ang usapan.
Kesyo baka makatapak ng duwende
Makabulabog ng kapre at iligaw ng tikbalang
Kapag namali ng hakbang
Baka raw kami magpakatuwaan
Mamaga ang paa o kamay o kaya ay pareho
At hindi na makatrabaho
Ngayon, may hindi mawaring kababalaghan
Kami ang natatapakan, nabubulabog, naliligaw
Sige lang sa kahahakbang silang makapangyarihan
Napagkakatuwaan yata kami at ginapos ang mga paa’t kamay
Wala na raw kaming tatamnam at gagapasan
Ganito ba maging dayo sa iyong sariling bayan?
Sa gitna ng palayan, naroon ang halimaw
Kahit tirik na tirik pa ang araw.