Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Napakaraming nagpasa ng kanilang akda para sa ikalawang isyu ng Luntian. Nangailangan pa ngang magkaroon ng ekstensyon ang pagtatasa at ebalwasyon ng mga kontribusyon. Kaya naman, ang inaasahang paglabas nito noong Disyembre 2020 ay sadyang naantala, bukod pa sa naging abala ang marami sa atin sa pagtatapos ng taon at paghahanda para sa Kapaskuhan.
Ito ang unang Pasko at Bagong Taon na nasa loob ng pandemya, kaya't naging payak at simple lang ang pagdiriwang ng marami. At pilit natin itong itinawid sa ating kani-kaniyang paraan, maging ito man ay sa paghahanda, pamimigay ng regalo, at mga masasayang reunion o party. Inihanda natin ang mga sarili para sa bagong taon na may kalakip na pag-asang magiging mabuti na ang lagay ng bansa at ng mundo. At ngayon, kahit pa may bakuna na ay patuloy pa rin ang pagkalat ng virus at ang mga bagong mga variant nito. Kasabay pa rin ng mga pangyayaring ito ang umaapaw na kuwento at talinghaga ng pagsisikap, pakikipagsapalaran, at tagumpay at kabiguan. Hindi pa tapos ang naratibo ng pandemya. Nananatiling isang talinghaga pa rin ang pandemya ng ating pagiging mortal at paglalayo.
Kaya nga't marami ang nakapagpatuloy ng kanilang pagkatha. Ginamit ang mga espasyo at ang mga panahon ng pananahimik sa loob ng pamamahay. Walang pandemyang magdidikta kasi sa ating panulat ng paglalayo-layo, walang kuwarentina ang bubulag sa mga imahe at karanasan, walang curfew ang pipigil sa pagkatha, hindi nangangailangan ng face mask ang pagsasalaysay, at tanging ang pagiging malikhain ang maaaring makahawa sa ibang manunulat. Napakaraming oras ang maaaring masingitan ng pagsusulat.
At ang lahat ng ating kinakatha sa panahong ito ay produktong magiging palatandaan ng ating pagiging malikhain sa panahon ng pandemya.
Binabati ko po ang lahat ng mga manunulat na kabahagi ng ikalawang isyu ng Luntian para sa taong 2021. Produktibo at malikhain ang taong ito!
Mas mahirap magsulat sa panahon ng pandemya dahil sa dami ng alalahanin ngunit balintunang mas may panahon din ang maraming manunulat na magsulat (dahil sa kahirapang maglakbay at magpalipat-lipat). Isinusulat ang mga bago’t lumang danas, namamaybay sa balag ng alanganin kasabay ng madling bugbog-sarado na sa kawalang-aksyon at kawalan ng sapat na serbisyong panlipunan, walang lubay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang hindi naman tumataas ang kita/sweldo ng nakararaming manggagawa, pandarahas, pagsikil sa mga protesta, katiwalian at tuluy-tuloy na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Sa panahon ng online class, online consultation, online meetings, at walang katapusang webinar, isisingit sa pagitan ang pagsulat: nabubuhay ang mga salita habang naghahapbuhay rin ang partaym na manunulat na karaniwa’y guro at/o gradwadong mag-aaral pa. Paano ba tutulain at isasalaysay ang mga lutuing hindi na malagyan ng orihinal na rekado dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin; ang kainutilan ng mga hari-hariang ipinagyayabang pang alas dos ng hapon kung magsimula ng trabaho araw-araw kaya kung may bagyo man o anupamanang sakuna ay maghintay ang bayan at kung biglang baha’y malunod na muna sila habang hinihintay ang balita mula sa estasyong tinanggalan na nila ng prangkisa kaya hindi darating at habang hinihintay rin ang mga rescue boat at rescue helicopter na huli na ngang dumating (may mga nalunod at inanod na) ay kulang pa sa taong dumating na ang delivery ng inorder na bilyong-pisong eroplanong pandigma; ang kakatwang danas (at kubling dahas) ng pagtuturo-pagkatutong kompyuter ang kaharap at palitan ng tinig at katahimikan habang maririnig din minsan sa background ang tilaok ng manok, hiyaw ng kapatid, utos ng nanay, pagvivideoke ng kapitbahay at iba pang ingay sa mga tahanang katiting ang espasyo dahil mayaman lang naman ang may malalaking bahay at makakapagpasound-proof ng kanilang mga kwarto at sa bansang isa sa may pinakamabagal at pinakamahal na internet sa buong daigdig; ang away-batang nauwi sa pagbaril ng isang pulis sa mag-inang walang armas ni kakayahang mandahas na isa lang sa napakarami pang kaso ng mga pagpaslang sa mga ordinaryong mamamayan – higit 6,000 tokhang na karamiha’y walang nakapagrekord sa kamera kaya hindi rin nagviral at hindi rin pinalad na hingan ng katarungan ng bayang halos minanhid na ng araw-araw na mga pagluluksa; madaling-araw na pag-aresto sa mga aktibista, magsasaka, mamamahayag atbp. na pinagbibintangang “rebelde” kahit na walang armas kundi ang kanilang kolektibong adhikaing mapabuti at mapaginhawa ang buhay ng mga kapwa Pilipino; ang pagpapasa ng batas kontra-terorismo diumano sa panahong “terorista” ang bansag sa sinumang magpahayag ng pagtutol, pagkwestyon, pagsusuri sa mga kawalang-hiyaan at katampalasanan ng mga pansamantalang hari-harian na ibinaon na sa utang ang bayan (baka umabot na ng 12 trilyong ngayong Enero 2021) ay hindi pa rin nababakunahan ang mga mamamayan liban sa mga tau-tauhang bantay ng mas malalang bersyon ng bansa ng “hubad na emperador,” at pipi rin sila sa magkano ang bakuna gayong pera ng bayan ang pinambili; ang pananahimik at/o pagtatraydor ng mga “namantikaan ng lechon” ang bibig; ang mga manunulat na naniniwala pa ring estruktura lang ang mahalaga sa pagsulat, sa panahong naghahanap ng linaw at pagtakas sa dahas ng daigdig ang mga mamamayang nagbabasa (sa panahon ng sakdal-dilim, hindi ba’t pagsisindi ng sulo ang dapat maging pangunahing layunin ng panulat?).
Tila mahaba pa ang pananalasa ng pandemyang ito dahil may mga bagong strain ng COVID-19 na mas mas mabilis daw makahawa, dumarami pa rin ang namamatay, at kita at ramdam naman nating huling-huling darating ang bakuna sa ating bansa. Sa ganitong diwa’y panimulang pagbati sa mga manunulat na nagtiyaga at naglaan ng panahon – gaano man kahirap – para magsulat at magsumite sa Luntian Journal. Matagal-tagal pang ganito ang sitwasyon, kaya’t ipagpatuloy ang mabuting sinimulan: magsulat at magmulat, magtala, magtalakayan, makipagtalakayan, isulat ang mga danas, isulat ang mga salaysay, realidad ang tinta haluan ng imahinasyon, hakhang-hakbang pasulong, unti-unti, kasama ng bayan.
Isasalba tayo ng literatura. Ito ang natutuhan ko ngayong panahon ng pandemya. Nang ma-total lockdown ako sa bahay namin sa Pasig noong nakaraang Marso hangang Hunyo 2020, ang nagsalba sa katinuan ko ay ang pagsusulat araw-araw—sa aking diary, sa aking blog, at sa aking Facebook. Kasabay ng pagsusulat ko ng mga sanaysay at tula tungkol sa mga nangyayari sa aking paligid at sa ating bansa sa panahon ng pandemya, binuhay ko ang maliit na napabayaang hardin sa likod ng aming bahay. Ilang linggo lang ng paglilinis, pagtatanim, pag-aalaga, ang dating hardin na natambakan ng mga bato at tapong simento ng kapitbahay na nagpatayo ng apartment building ay naging luntian na. Dito ako sa hardin na ito kadalasang nagbabasa at nagsusulat.
Siguro may halina at lambing talaga ang luntian sa ating isipan. Noong nasa hayskul ako palagi akong mina-migraine. May isang nagpayo sa akin—hindi ko maalala kung guro ko ba o doktor—na kapag nararamdaman kong pagod na ang aking mga mata o di kayâ nagbabadyang aatake ng ang migraine, tumingin ako sa labas sa mga tanim at punongkahoy para makapagrelaks ang aking mga mata sa luntiang tanawin. Kayâ raw luntian ang kulay ng mga blackboard (kesehodang “black” ang nasa pangalan nito) upang mas malamig ito sa mata ng mga mag-aaral at guro.
Isang karangalan sa akin ang maging bahagi ng online journal na ito. Kahit na nakakapagod ang fully online classes ngayong may pandemya, isang pag-upo, pagpapahinga, at pag-aaliw sa sariling luntiang hardin ang pagbabasa ng mga akdang isinumite at lalo na sa unang dalawang isyu na nalathala na at maaari nang buksan at basahin nang libre ninunan sa mundong ito na nais makibahagi sa luntiang regalong ito ng iba’t ibang malagong imahinasyon.
Ang luntian ay kulay ng kasaganahan. Abangan natin ang mas masaganang ani pa ng mga akda sa mga susunod na isyu ng online journal na ito.
Salamat gid!