Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kung bawat ikid ng sinulid
ay karugtong ng buhay
asahan mong ako’y
maghihilong matiwasay.
Kapag napasikip
hihilahin at uulitin
kung may natalunan
hahanapin, babalikan
at mabuhol man ang pisi
isa-isang hihimayin
hindi hihiklatin
guguntingin, papatirin
kundi hihiblahin
babaybayin, tutuntunin
hanggang sa wakas
maintindihan
matunton at madugtungan
kung saan napatda at tumigil
sa buhay na puno ng hilahil
asahan mong ako’y
maghihilong matiwasay.
Natigilan ako sa The Last Supper
na itinapon sa gilid ng kalsada.
Isa ‘yong kopya mula sa daan-daang kopya.
Pero mas naging agaw-pansin sa ‘kin
ang basag-basag na salamin,
ang mga tipak at bubog sa lapag.
Nanatiling buo ang imahen sa kabila ng lahat.
Itinuloy ko ang pagpunta
sa palengke. Dagsaan ang mga parokyano
tulad ng mga deboto sa Quiapo.
Umusad ang lahat sa kani-kanilang paroroonan.
Kung paano umusad sa salamin ang lamat
na lumalawak, lumalalim, laksa-laksa.
Walang eroplano o ibon sa himpapawid
kahit nakatitig ako doon magdamag.
Kahit nakatitig ako doon magdamag,
wala ring araw na nakabubulag.
Walang mga bituing nahilingan
ng inaasam-asam na ginhawa
at walang buwang nagpaalulong
sa mga lobo, buwang saksi
sa halinghingan ng mga mangingibig.
Walang mga basurang nagpalabog
sa katubigang walang alon o kilapsaw.
Walang natanaw na bundok o burol
mula sa kinatayuan kong parang.
Walang kagubatan lalo iyong tulad
sa mga pelikulang nakakatakot.
Walang mga tricycle o jeep
na paroon at parito tulad sa kalye namin.
Wala ang rotondang nadadaanan
tuwing binibilhan ko si mama
ng dalawang litrong coke at isang kahang yosi.
Walang mga bahay o gusali sa paligid,
kahit ang simbahan ng aking kabataan.
Walang sinehang nag-uumapaw sa manonood.
Walang mga libro ng tula hinggil sa pagkagunaw
o diyaryong politiko ang ulo ng balita.
Walang aso o pusang maaaring makiramay
habang nakatunganga sa kinauupuan.
Walang kulisap, wala kahit mga multo.
Kahit iginala ko ang aking mga mata,
wala man lang akong naaninag.
Ngunit sa aking pagpikit, may malaking sigâ
Kumakalat ang usok sa panganorin.
Napatingala ako. Nakakapit sa hangin
ang aking mga mata, inaasam-asam
ang mga bituin.
For the first time in history, world timekeepers may have to consider subtracting a second from our clocks in a few years because the planet is rotating a tad faster than it used to. — The Associated Press
Ang pagpasok ng bola sa NBA Finals Game 7.
Ang pagtawid sa finish line sa Olympics.
Ang pagtaktak ng dustpan sa basurahan.
Ang pagliyab ng posporo habang brownout.
Ang pagliwanag ng mga bumbilya.
Ang pagdilat sa gitna ng bangungot.
Ang pagputi ng pinipritong itlog sa almusal.
Ang paghigop sa tinimplang kapeng barako ni lola.
Ang paglagok ng nagyeyelong tubig sa tanghaling tapat.
Ang pakikipagkamay sa dekano sa seremonya ng pagtatapos.
Ang pagsagot sa tawag ng inaplayang kumpanya.
Ang paglapat ng daliri sa banking app sa kinsenas.
Ang pagtapik ng credit card sa payment terminal.
Ang pagngiti sa estrangherong kasabay magkomyut.
Ang pagkatok ng inaasahan mong bisita.
Ang patikim ng unang nota ng paboritong kanta.
Ang pagkampay ng barkadang dekada huling nagkita.
Ang pagmarka ng tamang kandidato sa balota.
Ang pagpalo ng malyete ng hukom sa kasong pagpaslang.
Ang pagbasbas ng pari sa mga bangkay.
Ang pagpunta sa link ng karimarimarim na balita.
Ang paglipat ng pahina ng nobelang nakabubulabog.
Ang paghinang ng mga labi sa hatinggabi.
Ang pagtamo sa inaasam-asam na orgasmo.
Ang pagtipa ng “I love you” sa keyboard.
Ang pagpindot sa send paglakip ng liham ng pagtawad.
Ang pagkislap ng mga kamera sa kasalan.
Ang pagtibok ng pusong punong-puno ng peklat.
Ang paglingon sa sinisinta bago maglakad nang dire-diresto.
Nang minsang magsimba tayo sa katedral ng Cabanatuan,
hindi agad tayo nagkibuan. Nagsisimula na ang misa, wala akong maidasal.
Tinanong mo kung tapos na ba ako manalangin,
tumango ako kahit na ang totoo pumikit lang ako.
Walang lumalabas na imahen ng Diyos sa dilim
pero naaaninag ko ang buhok mo sa tuwing ihahatid
ka sa TODA ng Barangay niyo, ang plaka ng tricycle
na kinakabisado ko, ang malamlam mong mata
bago tayo lamunin ng pag-iisa sa daan at ang sabana
ng Maharlika Highway na namumulot sa mga tinatapon kong tanaw.
Pero maaari ko bang sabihing nangumpisal ako?
Ang kaso, isinabay ko sa buntong-hininga
ang mga di ko kayang sabihin, ang mga hindi kayang maging salita.
Parehas tayong nanghingi ng tawad kahit hindi nagkikibuan.
Isang buwan matapos ang lahat.
Ito ang listahan ng lahat ng aking aalalahanin:
ang tamis at asim ng gawa mong sampalok at atsara
ang biniling bagong bag, gamitin ko raw sa eskwela
ang lakas iyong tawa, may kasamang hampas pa
ang pagsambit mo sa aking pangalan, hinahanap-hanap ko na
ang pagtuturo ng dasal at ang paalalang laging sumimba
ang tatlong ama namin, tatlong luwalhati, at tatlong aba ginoong maria
ang pagrorosaryo para sa mga mahal na lumisan na
ang pagdarasal ng mga ito, ngayong ikaw na ang inaalala
ang pagpapaypay ng abanikong tinatahi ang bawat sira
ang pagsulsi sa mga damit na butas ang tela
ang pagtatanong tungkol sa araw ko sa Maynila
ang pagpitas ng atis, kay tamis ng lasa
ang paghiling na ipagluto kita ng carbonara
ang ngiti mo tuwing may sorbetes na handa
ang paglalakad at pagpapaaraw mo kada umaga
ang pagsisimba natin linggo-linggo nang magkasama
ang takot mo sa tuwing sa doktor tayo bibisita
ang higpit ng iyong hawak habang ikaw ay nanghihina
ang mahigpit na yakap natin, huli na pala, di ko inakala
ang pangakong sa langit tayo ay muling magkikita.
Kakarampot ang sweldo
Kekembot ako sa harapan niyo.
Mukha’y tahi sa permanenteng ngiti
Syempre, dapat jolly si Jollibee.
Paborito ng mga paslit:
Kakapitan, sasabitan,
Dadambahin, susuntukin,
Sisipain, at yayapusin.
Sana mga ate na lang nila
Ang yumakap sa akin.
Sige yugyog, sige pa-cute,
Kailangan may video sa Tiktok.
Magpakasayang pilit
Kahit si Jollibee ay mainit.
Suot na sobrang bigat,
Nakawawala ng ulirat.
Naliligo sa pawis
Pero di makapaghubad,
Sayang ang pera
Baka pa makalipad.
Diyos ko, ayoko na!
Problemang malala
Kasisimula lang ng party
Pero kailangan ko nang umihi!
Sa makabagong lipunan
Ni Ronald McDonald
Bawal ang nakasimangot.
Walang puwang ang lungkot.
Naglalakihang ngiti
Ang nakapinta sa mga mukha,
Matanda man o bata,
May ngipin o wala.
Pagpasok mo pa lang sa pinto
Lalamig agad ang mundo.
Sasalubong din de-presyong ngiti
At memoryadong pagbati.
Kailangang masiyahan ka
Habang nauubos ang iyong pera.
Ang loob ay parang paraiso
Di lang pansin at di kita:
Hirap ng nilulutong empleyado;
Kamay na napaso; pawisang noo;
Mga nakulong sa endo.
Mabigat pa’ng hamburger mo
Sa namamayat nilang sweldo.
Di rin pansin ang ugaling sundalo.
Lahat ng bagay ay dapat eksakto,
Timbang ng spaghetti, dami ng kanin,
Pakete ng ketsup, pati piraso ng napkin.
Sa mga party, sukat din ang ligaya.
Hindi pwedeng kumain ng sobra.
Ang party ay dapat mabilis.
Ang oras daw ay napapanis.
Sa ikauunlad ng bayan,
Disiplina ang kailangan.
Matapos lahat ito’y isipin
Subukan mong pansinin:
Iisa lang ang tabas ng buhok
Nina Ronald McDonald at Imelda Marcos.
Halika,
sumilong ka muna, basang-basa ka na.
Bakit malungkot ka, may problema ba? Sinadya mo bang
mabasa sa ulan upang hindi mahalata ang luha ng iyong kalungkutan?
Nakabubuti ang ulan sa tigang nating karanasan, ating isipin na mag-aapoy
Ang damdamin kung sobra nating kinikimkim ang galit na pilit kumakawala at
napupumilit.
Alam mo ang tama at masama, huwag tayong matakot sa problemang tayo din ang
lumikha.
Palagi kang sinasaway ni Inay at Itay “Huwag kang makalimot mag-aral mabuti para
malayo ang iyong maabot” ngunit ang pinili mo’y palagi kang masaya pinabayaan mo
ang eskwela,
sa bisyo’y nalunod ka sapagkat ang sarili mo lang ang mahalaga. Ngayo’y sinisingil
mo sila na dapat mag-aral ka, eh matanda na sila Dapat kang umunawa, ang
pagbabago ay naghihintay sayo, magpalit ka nang damit at sa bahay ay bumalik. At
kina
Ate,
Kuya,
Tito,
Tita,
Lolo,
Lola
Nanay
at
Tatay
magsori
ka.
Ako ang
bahala sayo
bukas magpa-
enrol ka.
Gawing bahay
ang dalampasigan
kapag nagbabadya
ang malakas na ulan
makipagkamay sa bugso ng hangin
lasapin ang maalat na luha
na hindi nagmula sa dagat
hindi nagmula sa patak ng ulan
kundi sa patak ng kalooban
Habang nasa dalampasigan
tinitingala ang mga asul na langit
mula sa anino ng payapang dagat
Ang sarap mangusap
sa bugso ng simoy ng hangin
isusumbong sa mga ulap
ang kasinungalingang hatid ng mga alon.
Isusulat sa abot-tanaw na guhit
ang mga pangarap at pasakit
Bukas,
babalik ang maliit na alimasag
sa malawak na tirahan
Ang alimpatakan.
Bumubulyaw si Pa. Bumubulong kayo.
Makalansing kayong maghugas ng pinggan.
Nasira ang kanyang tulog. Gising ako,
at ayaw mamulat. Amoy nasusunog.
Makalansing kayong maghugas ng pinggan
sa madaling araw. Naghihilik si Pa
at ayaw mamulat. Amoy nasusunog
ang kanin. Gusto kong marinig ang gripo
sa madaling araw, at ang hilik ni Pa.
Mapanghi ang kama. Nakapapaso ba
ang kanin? Gusto kong marinig ang gripo,
hindi tulo, kundi matinding pagsirit.
Mapanghi ang kama. Nakapapaso ba
ang tasa ni Papa? Nadisgrasya kasi:
hindi tulo, kundi pagsirit. Matindi
ang paghahagis at lumipad, nabasag
ang tasa ni Papa at disgrasya kasi
dumampot pa ito ng upuang kahoy,
hinagis, lumipad, at ito, nabasag
ang aking tuhod. Ha! At may salubsob pa!
Nang dumampot si Pa ng upuang kahoy,
inangat ito ng kanyang lungkot. Sapul
ang tuhod ko. Tila ako ang salubsob
sa guhit ng inyong nagsanib na palad.
Aangat ang mga sinapol ng lungkot.
Tulog o nasirang ama, gising ako
sa guhit ng inyong nagsanib na palad.
“Bumubulyaw pa rin,” ang bulong ni Mama.