Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Ang mga Multo (Isang Elihiyang Dagli)
Nitong mga nakaraang buwan, napakarami ang nag-aagaw-buhay at mga pumanaw. Bunga ito na tumaas na kaso ng COVID19. Marami ang nahawa, nagkasakit, tinanggihan ng mga ospital, at naghihintay ng serbisyong medikal. Nabalita ang mga nakapila sa labas ng napunong ospital, ang naubos nang mga kagamitan at gamot, ang mga pagod at nagbitiw na mga kawani, nars, ang napakabagal na sistema ng pagbabakuna, ang usapin sa pagpapatupad ng tila walang katapusang kuwaratina (koleksyon ng mga Qs gaya ng ECQ, GCQ, at iba pa) at doktor at ang nawawalang pondo ng DOH at PhilHealth. Ito ang kalakaran sa Pilipinas pagdating sa serbisyong medikal ng pamahalaan, kanya-kanyang kawag para mabuhay. At sa gitna ng mga usaping ito ay ang pagpanaw ng maraming kaibigan, kamag-anak, at mga estrangherong kung minsan ay nasasagi ang pangalan sa usapan sa social media. Kaya nga naglipana na ang mga kaluluwang hanggang sa ngayon ay tumatangis dahil sa kanilang pag-iisang pagpanaw o kawalan ng kaukulang atensyon at lunas.
Isang saksi si Raphael. Nagtitinda ng fishball sa harap ng PGH. Kailangan niyang gawin ito para lang makatawid sa pang-araw-araw na pangangailangan nilang mag-ina. Ilang buwan din naman siyang nawalan ng kita, kaya sinamantala na niya ang pagtitinda nang maibaba sa GCG ang Maynila. Araw, araw niyang nakakasalamuha ang mga empleyado ng ospital, ang ilang kamag-anak ng pasyente, at mga trabahador na nais makatipid o talagang kapos sa panggastos sa pagkain. Maya't maya rin niyang naririnig ang sirena ng mga ambulansyang lumalabas at pumapasok sa ospital, ang mga van na sumusundo ng bangkay.
Suki niya noon si Elmer, isang janitor ng ospital. Palagi nitong ikinukuwento kay Raphael ang mga naghihingalo at bangkay. Pinipigil nitong maiyak habang tinitiis na nguyain ang mainit na fishball, na isang magandang dahilan para itago ang kalungkutan. Nararamdaman pa nga raw ni Elmer ang dumaraming kaluluwang namamasyal at naghihintay ng dasal sa mga silid at pasilyo ng ospital. Ito halos ang kanilang napagkukuwentuhan bukod sa hirap nila sa pamumuhay.
Patuloy ang pagtaas ng kaso at dumarami na ang sinusundong bangkay para sa cremation. Halos hindi na mabilang ni Raphael ito.
Dapithapon nang lumabas si Elmer sa tarangkahan ng ospital. Tumuloy ito sa kariton ng fishball ni Raphael. Gaya ng dating gawi, nagkuwento ito habang hawak ang manipis na isitik na ipantutusok sa natutustang fishballs.
"Kagabi napanaginipan ko, nagsama-sama ang mga kaluluwa. Nag-iiyakan, dumadaing, naghahanap pa rin ng lunas. Nakita ko silang sama-samang lumabas sa bakuran ng ospital at napuno ng kaluluwa ang lansangan. Dali-dali kong sinundan ang mga naglipanang kaluluwa. Hindi ako napapagod sa pagtakbo, nadarama ko na rin ang lumbay at galit nila. Hanggang sa marating ko ang destinasyon ng mga kaluluwa. Ang lahat ay pumasok sa loob ng Palasyo ng Malacañang. At napuna kong pati ako ay nakalulusot na rin sa mga rehas at dingding ng palasyo. Nakita kong natutulog ang pangulo, pinaliligiran ng mga kaluluwa. Nilapitan ko ito at saka naihi sa kanyang kama ang matandang pawisan at kunot ang noo habang hinahabol ang kanyang hininga."
Nakailang tusok pa si Elmer sa fishball na lumulutang sa kumukulong mantika. Isinawsaw niya ito sa maanghang na sukang lubluban din ng iba pang nagtitiis at napababayaan ng inutil na pamahalaan. Napangiti na lamang si Raphael.
II. Buwan ng mga Guro
Isa sa mga gumagapang para makatawid sa pandemyang ito ay ang mga guro. Napakaraming pinagdaanan at pinagsusumikapang gampanin ng mga guro sa panahong ito. Dagdag pa ang mga hamon sa patuloy na paghahanda, pagsasagawa at pagpapahusay sa pagtuturong online, maging synchronous o asynchronous man. Narooon din ang pangangailangang masigurong ang mag-aaral ay may natutunan at sapat ang pangangailangan sa kanyang pag-aaral. Walang dudang ang mga guro ang isa sa mga bayani ng pandemyang ito.
Guro ako, pero mamarapatin kong pagtuunan kung paano ko pinahahalagahan at iginagalang ang aking mga naging guro.
Una, malaking bahagi ng aking/ating pagkatao ay dahil sa aking/ating mga guro. Tao sila na may kahinaan at nagkakamali. May mga pagkakataong ang kanilang mga itinuturo ay mali o hindi ayon sa katotohanan ng disiplina o larang, pero kasabay kong natututo ang aking mga guro kapwa sa (aming) pagkakamali at sa kaalamang nakasandig sa katotohanan. Mas lalo kong hinahangaan ang aking mga gurong tinatanggap ang pagkakamali at may lakas ng loob na iwasto ang mga bagay-bagay na kanyang naituro sa kanyang mag-aaral. Sila ang pundasyon ng aking kaalaman, kahusayan, at pagkatao mula pa noong nasa elementarya, hayskul, kolehiyo, at hanggang makatapos sa paaralang gradwado.
Bukod pa, may paninindigan ang mga guro sa kanyang prinsipyo sa buhay. Kung minsan, may mga gurong hindi umaayon sa inaasahan ng mga mag-aaral. Ganun din naman, marami rin ang mag-aaral na 'di umaayon ang mga gawi o disposisyon sa inaasahan ng mga guro. Patas lang. Pero hindi dapat mabawasan ang paggalang o respeto ng mga mag-aaral sa kanilang guro. Pinahahalagahan ko ang aking guro dahil alam kong pinaghirapan niya ang kanyang propesyon para maging karapat-dapat sa aking pangangailangan sa kaalaman at paghubog sa pagkatao. Ang karanasan, pakikipagkapwa, at kaalaman ng ating guro ang naghasa sa kanila at mananatiling higit sa ating nakamit at pinagdaanan. Kahit kailan, hindi ko magagawang pagsalitaan, hamakin, o hiyain ang aking guro. Wala akong lakas ng loob na maging suwail o sutil sa kanila at kanino man, dahil ito rin ang repleksyon ng aking edukasyong ipinunla ng aking mga nakalipas na guro. Umaapaw ang aking paggalang at pagpapahalaga sa kanila bilang aking mga ikalawang magulang o matalik na kaibigan. Kayamanan ko sila at tumatanaw ako ng utang na loob sa kanila.
Ikalawa, ang mga guro ko ang nagbigay rin sa akin ng pagkakataong maging bahagi ng akademya bilang tagapagpatuloy ng kanilang mga nasimulang kahusayan. Patunay ito ng kanilang pagtitiwala sa akin. Mahirap itong makuha lalo't napakaraming maaaring mabigyan ng pagkakataon bagaman iilan lamang ang karapat-dapat na bigyan ng oportunidad at pagkatiwalaan ng isang responsibilidad. Ang mga guro ko sa kolehiyo ang nagbigay sa akin ng inspirasyon para pangarapin kong maging guro. Pangarap lang, dahil batid kong may pangangailangan ito para sa kahusayan at kakakyanan sa pagtuturo. Samantalang ang mga guro ko sa antas gradwado ang nagbukas ng pinto, nagpatuloy sa akin, at nagbahagi ng kanilang pagtitiwala sa aking kakayanan. Nakabukod pa pala ang paghahasa para sa kahusayan at kakayanan sa pagtuturo, sa pag-aaral ng mga kaalaman, teorya, prinsipyo, at panuntunan sa mga larang o disiplina. Mapalad akong nakasama ko ang mahuhusay na manunulat, iskolar, mananaliksik, patnugot, at tagapamahalang pang-edukasyon sa ilang taon kong pagtatangka upang maging ganap na guro. Napakarami ko sa kanilang natutunan. Nakilala ko ang higit na lalim ng gampanin bilang tagapagtaguyod ng dekalidad na edukasyon. Bagaman, doon ko rin naman nakilala ang mga gurong kakatwa ang asal at pakikitungo sa iba, may umaapaw na ambisyon, walang silbi, at nagpapanggap, pero tanggap ko na sila at mahalaga rin sila. Natutunan kong huwag silang tularan.
At sa kasalukuyan, gaya ng iba pang guro, marami akong kuwentong nauukol sa mga pangyayaring dulot ng pandemya. May mga kuwentong nauukol sa ugnayan ng mga guro at mag-aaral, ang pagpupumilit ng marami na makasabay sa pangangailangang teknolohikal, ang pagiging maparaan at inobatibo sa pagtuturo, at lalo pa ang pinagdaanang pagnanagumpay laban sa o kabiguan at pagpanaw dahil sa COVID19. Ilang kaibigang guro (o maaaring kamag-anak nila) ang nagkasakit, naging kritikal ang lagay, kinapos sa pangtustos, nanawagan ng tulong, at nakaligtas o pumanaw. Sila ang mga naghihikahos o nalagas na tagapag-aruga sana ng mga susunod na inhinyero, doktor, guro, o ang pinaka-asam-asam na mararangal na pinuno ng ating bayan.
Mag-eeleksyon na naman, paano kaya ipapaain ang mga guro sa peligrong haharapin sa pagiging kabahagi ng implementasyon nito?
Sa higit na dalawang dekada ng aking pagtuturo, may mga mag-aaral na naging malapit sa akin. Ang ilan ay naging malapit sa aking pamilya, ang iba ay nakasama sa kinahihiligang sining o libangan, may mga nagabayan pa nga bilang mga guro, may nakasama sa maraming paglalakbay, naihasa sa pagsulat patungo sa paglalathala, at may mga naging kumpare/kumare at inaanak ko pa sa kasal. Pinahahalagahan ko sila dahil nagpapatuloy ang aming ugnayan hindi lamang bilang guro at mag-aaral, kundi higit sa lahat ay bilang magkatuwang at kasama sa pagharap sa buhay.
Ako si Nonon, isang karaniwang guro na nagmamahal, gumagalang, at nagpapahalaga sa aking mga naging guro. Pagbati sa lahat ng guro!