Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kanselado ang klase ni Amro sa SCIMATB. Pinapupunta sila ng kanilang prof sa isang talk tungkol sa Zero Waste Lifestyle. Buwenas, naisip niya, dahil di matutuloy ang scheduled quiz nila sa subject na ‘yon. Magkakasama sila ng tropa niyang mga iskolar na nagpunta sa auditorium at inabot nilang jampacked ang venue. Takbong paroon at parito ang org na namamahala ng event.
Malinaw kay Amro ang plano – pupunta siya sa talk para sa attendance at gagawa na lang doon ng papers sa ibang subjects. Ang kaso, engot talaga siya sa pagmu-multi-task. Nang magsimulang magsalita ang guest speaker, natameme siya. Una, dahil sa pleasing personality ng nagsasalita; at ikalawa, dahil sa English twang nito. Amaze na amaze din si Amro sa Keynote Presentation. Naroon kasi ang larawan ng iba’t ibang tote bags na ginagamit ng speaker sa kanyang paggo-grocery (May label bawat isa!), ang mga babasaging cannister na lagayan ng asukal, kape, gatas, bigas, asin, munggo at kung anik-anik pang binibili raw ng speaker nang maramihan. “It’s way cheaper plus I’m reducing my waste by buying them in just one plastic container,” dagdag pang paliwanag nito.
Laglag-panga lalo ang marami sa audience, kasama si Amro, nang ipalabas ng speaker sa mga organizer ang isang timba na tinawag niyang compost bin. May laman ‘yong parang lupa na pinaglalagyan daw niya ng mga tirang pagkain, doon pinabubulok at pagkatapos ng ilang araw, puwede nang gawing pataba para sa mga alagang halaman ng mga plantita, platito, o halamamsir. Hinalu-halukay pa ng speaker ang lupa bago dumakot sa isang kamay para ipakita sa audience ang hitsura ng laman ng kanyang compost bin. Sa dulo lang medyo naasiwa si Amro dahil parang naging TED talk na ang programa.
Sabi ng speaker, “Let’s purchase different containers. Refuse the plastic. Say no to straw. Together, in this effort, we can save Mother Earth!”
Naisip ni Amro ang pagkaing bibilhin at iuuwi niya sa dorm mamaya. Wala siyang Lock & Lock na lagayan. Hindi niya puwedeng sapuhin sa kamay ang paborito niyang sinigang na binibili sa karinderya. Naiirita siya. Kelangan niya ng plastic. Ayaw niya sa mga plastic nitong mundo.
Ibinaling niya sa cellphone ang atensiyon. Pinindot ang FB app at sa tuktok nito, bumungad sa kanya ang isang artikulo sa CNN: “Which billionaire is winning the space race? It depends”.
WALA man lang bisita ang hangin sa sakahan na inaani nila Burnok. Kaunti na lamang at pati ang karit na hawak nya ay kusa nang matutunaw dahil sa sikat ng araw. Ikatlong araw na nila ngayon. Bukas panigurado ay masisilid na sa sako ang butil ng palay. Tumerno maging ang amoy ni Burnok sa amoy ng putik sa sakahan. Punong-puno na ng pawis ang katawan n’ya. Isabay mo pa rito ang amoy sibuyas na humahalo sa ihip ng hangin. Walang payapa tuwing nasa ilalim ng araw. Kung hindi busangot na muka, ay dausdos naman ng namumutiktik na pawis ang kalaban mo rito. Isama mo pa riyan ang mangilan-ngilang pananakit ng gulugod.
Bukod sa init at pagod ay nakakapagod din tingnan ang mga palay na payat at bansot. Wala na ang hitik na bunga nito dati, na sa bawat hablot nila ay may taglay na bigat sa palad.
“Burnok! ‘lika dito!” tawag ni Mang Molo na ani mo’y nakakita ng kung ano.
Ngayong anihan, Apat silang magkakasama para patumbahin ang ilang ektaryang sakahan, si Mang Molo na asawa ni Manang Tising, Si Mang Celo na lasenggo , at si Tay Ding na ama ni Burnok ang kasama n’ya ngayon para mag-ani.
“Parating na po!”
Inabot ni Mang Molo sa kanya ang maliliit na itlog na natagpuan sa palayang sinasaka. Binutasan niya muna ito gamit ang dulo ng karit bago ibinigay kay Burnok.
“Para sa’yo yan Nok. Pampalakas ng tuhod. Inumin mo.”
“AWHUGH!” maduwal-duwal na si Burnok.
“Naku! Ding itong anak mo e kahina ng bituka,” biro ni Mang Celo kay Burnok.
Nagtawanan ang nasa sakahan. Sa mga paminsan-minsang biruan tulad nito ay nawawala ang dungis ng sitwasyong meron sila sa palayan. Tila hanging kumakawala pansamantala ang mga pagod nila sa katawan.
“Kain muna tayo!” sigaw ni Berting matapos mapansin ang tirik na araw.
Nilapag sa gitna nila ang sakong pagpapatungan ng pagkain. Inilabas ni Burnok ang dalang kanin na nakabalot sa dahon ng saging. Kanya-kanyang lapag ng pagkaing mapagsasaluhan. Ginataang papaya ang dalang ulam nila Burnok. Ginisang kalabasa naman ang dala ni Mang Molo at ginisang puso ng saging na may sahog na sardinas naman ang kay Mang Celo
“Nakinig kayo ng radyo kanina?” biglang banggit ni Mang Celo. “May darating na bagyo na naman daw, Pedring ang pangalan.” dagdag nya.
“Kuha lang kayo ng ulam” abot ni Mang Molo sa mga kasama habang sarap na sarap ito sa pagkakamay.
“Kaylan daw ba dating nyan dito Celo?” tanong ni Tay Ding.
“Tatlo o apat na araw ‘ata mula ngayon, nakalimutan ko. Abalang-abala kasi ko kanina sa pagluluto ng ulam.” ani ni Mang Celo.
Sabay-sabay ang tunog ng relos nilang apat. Taliwas sa karaniwang gamit ng relos ang tunog na mula dun. Paalala ang ibig sabihin ng kalagting na iyon. Numero ang lumalabas sa mga relos nila. Hindi para bilangin ang oras, kun’di ay kung ilan ang bilang ng namatay. Naka-kategorya depende sa uri ng pagkamatay – sakit, pinatay, katandaan at aksidente. Magkaka-ibang datus ang lumalabas depende kung saang sektor ka nabibilang. Sektor ng magsasaka ang kinabibilangan nila Burnok.
Naging maayos na ang palakad ng gobyerno sa lugar nila pagdating sa pagbabantay ng buhay. Bantay sarado kung sakaling may pagpatay. Bente-kuwatro oras na nakabukas ang relos na iyon. Mabilis na binabalita ng relo kung ilan ang bilang ng namatay. Ngayong araw para sa sektor ng magsasaka, dalawa ang namatay sa sakit, walang bilang para sa pinatay, Apat naman ng dahil sa katandaan at walang bilang para sa aksidente. Naging batas na ang malaman ng tao kung ilan ang namatay o kung may pinatay man. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng lahok ang mamamayan sa pagbabantay kung may pag-abuso man sa karapatang mabuhay.
Saglit na tumigil ang tatlo sa pag-aani. Inayos ang tayo at pinakiramdaman ang ihip ng hangin. Ginagawa nila ito bilang respeto sa mga namatay.
Pagkaraa’y pinagpatuloy nila ang pag-aani. Batikanong maituturing ang tatlong kasamahan ni Burnok. Mabilis man ang kabig nya sa karit at palay, mas marami pa rin ang saklaw na ani ng tatlo. Kung titingnan nga sa malayo ay napakadali lang para sa tatlong kasama n’ya ang ginagawa nila. Dahan-dahan pero tuloy-tuloy. At para hindi maramdaman ang mabagal na takbo ng oras, kwentuhan ang panlaban nila rito.
“Hindi talaga tayo sigurado kung kaylan tayo biglang kukunin ng Diyos anu?” singit ni Mang Celo.
“Himala sayo Celo’t takot ka palang mamatay, e kung makalaklak ka ng alak e kala mo wala na’ng bukas.” sabat ni Mang Molo.
“Nagsalita si Mang Molo e pare-parehas lang naman po kayo ng rason kapag lasing.” sita ni Burnok.
“E totoo naman, ano Molo, Ding.” tinginan ang dalawa kay Mang Celo sabay rason ng paboritong prase ng mga lasenggo “Walang alak sa langit!” sabay na bigkas ng tatlo habang naghahalakhalakan.
Dinampot na nila ang kani-kaniyang mga karit. Masakit man sa mata ang sitwasyon ng palay ay kailangan pa rin nila itong tapusin. Kakamot-kamot pa ng ulo si Burnok. Naiiwan pa ang kaluluwa n’yang gustong magpahinga. Kulang na lang ay iwanan ang mga paa niyang ayaw nang humakbang, pero tutuloy pa rin ito. Tatlong buwan ang hinintay nila bago maani ang palayan. Isang linggong pag-tatarok (o pag-tatanim) at ilang buwang pagdadamo’t pagbabantay. Matagal ang proseso bago magkapera. Dagdag pa rito ang mababang presyo ng palay at mataas na presyo ng pestisidyo’t binhi. Swerte pa kung hindi dumaan ang bagyo.
Nag-umpisa na silang pag-isahin ang kumpol ng palay. Isang buong balikat at kamay ang nakaakap sa bawat kumpol na madadakot nila. Ilalagay nila iyon sa tuyong parte ng palayan para hindi na mababad sa tubig. Maghuhugis hagdan-hagdan ang kumpol ng palay. Apat hanggang anim na patong madalas ang taas ng bawat kumpol, singtaas ng dibdib ng tao, tamang-tama lang para maabot kapag isasalang na sa threasher. Masyadong mataas naman kapag sumobra sa anim na hagdan.
Kulay kahel na ang langit ngunit tuloy pa rin ang mga paa at buong katawan nila sa pagtatrabaho. Paniwala nila, ganitong oras ang pinakamagandang magtambak o mag-ani. Tuwing hapon kasi pahinga na rin ang araw. Maaliwalas na ang hangin at hindi na masyado mahapdi ang balat.
“Sa wakas!” sigaw ni Burnok matapos maihatid ang panghuling kumpol.
“Ipaalala ko lang sa’yo nok, may trabaho pa tayo bukas. Tapos mamaya maghahatid ka ng pagkain, kailangan natin bantayan ang palay.” bilin ni Tay Ding.
Maya-maya lang ay dumating ang may-ari. Naka-strayp ang damit at may dalang tungkod. Paisa-isa ang hakbang. Nakapwesto ang kamay sa likod.
“Kumusta?” bati ng matanda.
“Ayos lang po Tang Lino. Bukas po sigurado nasa sako na ‘to” sagot ni Tay Ding.
“Ay e mabuti kung gayun. Mauna muna ko’t may bibisitahin lang ako sa unahan.”
“Sige po, ingat po kayo.”
Umabante na ang matanda. Si Tang Lino ang may-ari ng lupang sinasaka nila. Katulad ng ilang matatandang residente ng baryo nila, isa si Tang Lino sa mga nanatili’t hindi nagbenta ng lupa sa mga nagkaka-interes dito.
“Gabihin na lang kaya natin yung natitirang palay? Sayang yung panahon para bukas threasher na lang. Isang lote na lang naman.” suhestiyon ni Mang Molo.
“Ang tanong ay kaya pa ba ng tuhod mo?” biro ni Mang Celo.
“Sus, kung tuhod lang e alagang-alaga ito ni Tising.”
“Sa akin rin naman...” pagyayabang ni Mang Celo
“Sa bilis mo ba namang tumakbo kapag nagsasalubong na kilay ng misis mo, ay masasanay ka talaga nyan Celo” singit ni Tay Ding.
Hindi man makasabay sa biro ng mga matatanda ay ngumisi na lang din si Burnok. Sa ilang araw nilang pagyukod at pagtampisaw sa putikan ng palayan, Hindi mo mababanaag ang pagod sa mga tawanan at biruan ng tatlo.
Tuluyan nang nagtago ang araw sa burol. Tutok na tutok na ang mga mata nila Burnok sa pampang. Kasama n’ya si Mang Celo na panay kwento tungkol sa mga engkanto tuwing gabi. Nakakadaumpalad n’ya raw ‘to minsan pag sakay n’ya ang kalabaw. Minsa’y isang malaking paniki ang papaga-pagaspas tuwing gabi. Kapag may tao raw ay bigla itong mawawala sa likod ng mga puno. Kaya kapag may anino na sumasayaw kasama ng mga puno malamang nagpapalit-anyong engkanto ito. At mga hayop ang hindi mawala-wala sa mga kwentong misteryo,tulad ng pusa, minsa’y kabayo,kalabaw, paniki, at madalas ay mga pusang singlaki ng leon ang nakikita nya. Nagtatampisaw raw minsan kasama ng mga kalabaw. Mababait naman raw ang mga engkanto. Huwag lang bulabugin ang mga ito. Hanggang sa makarating na kami sa pamayanan. Tahimik na sa mga kabahayan. Madalas ay nasa loob na ang karamihan para kumain. Lumihis na si Mang Celo pauwi sa kanila. Ilang bahay mula sa amin ang agwat ng mga tirahan nila.
“Gandang hapon, Nay!” bati ni Burnok.
“O, tapos na inaani n’yo?”
“Hindi pa ho. May natira pa. Doon na daw kami matutulog ni Itay. Tatapusin na rin namin yung ani ngayong gabi.” sagot ni Burnok.
Maliit lamang ang bahay nila Burnok ngunit maaliwalas. Sementado ang sahig at haligi ngunit kawayan at nipa naman ang dingding at bubong. Depende kung sinong bakante ang tagapagluto ng hapunan. Minsan ay si Tay Ding ang nagluluto ng pagkain, kapag parehas abala ang dalawa ay si Burnok ang tagapagluto. Tuwing sabado’t linggo lamang sila nagkakarne. Naging kultura na rin kasi sa kanila na pagkain iyon tuwing sabado’t linggo. Premyo sa pagod para sa buong linggong trabaho. Ngayong gabi, ginataang hilaw na saging ang niluto ni Nay Lyn.
Inayos na Nay Lyn ang pagkain. Nakalatag na ang ulam at kanin. Humablot s’ya ng tatlong plato sa pingganan. Kumuha ng kubyertos at baso. Nang mailapag, ay naalala n’ya na dalawa lang pala silang kakain para sa hapunan. Bihira lang kasi na hindi sila kumpleto kumain at hindi sanay sa ganung ayos si Nay Lyn. Si Burnok naman ay tahimik na naka de kwatro sa silya. Pahinga ng kaunti. Maya-maya ay lalakad ulit. Magbabanat buto sa lilim ng gabi. Pagkaraa’y tinawag na ni Nay Lyn ang anak.
“Kain na, Nok.”
“Opo, Nay.”
“Punasan mo man lang sana yang pawis mo, Nak. Hay naku, bata ka.”
Dala-dala pa rin ni Burnok ang dungis na mula sa sakahan. Putik sa binti, putik sa tuhod, putik sa kamay, sa balikat, sa ilong at sa ilang bahagi ng muka. Hindi hinuhugasan ng tubig ang kamay at paa pagkatapos ng ani. Paniwala nila ay magpapasmado kapag binasa ang mga bahaging ito ng katawan. Kaya kapag ganito, pinupunasan lang nila basahan para malinisan ng bahagya.
“O, ayos na?”
“Opo.”
“E nagmuka kang tao ngayon. Hay naku, namana mo pa sa tatay mo yang ugaling ganyan.”
“Maiba tayo, Nay. Napansin ko lang, kapag kayo po nagluluto e ba’t ang sarap ng ulam?”
“Naku, naku, Burnok. Pati yang pambobola mo namana mo sa tatay mo, ayaw nyo lang ngawa ako ng ngawa e.”
Ngisi si Burnok habang sinasangal ang pagkain. Maya-maya mangungulit kung saan ba sya magkokolehiyo o kaya ay kung papayagan ba sya pumirme sa bayan. Magtatanong kung magkano ang baon n’ya o magiging pagkain at hindi pera na naman ba ang dadalhin nya sa eskwelahan araw-araw. Kinse-anyos pa lamang si Burnok ngunit sanay na sanay na s’ya sa gawain bukid. Taga-araro, taga-tanim, taga-ani pero madalas taga-dala o taga-kuha ng pagkain.
Pagkatapos kumain, sinalansan agad ni Nay Lyn ang pinggan. Hindi na sila naghihiwalay ng tirang pagkain. Madalas kasi ubos ang pagkain tuwing kumakain sila. Kaya kung may ipapakain man sa alagang hayop, paniguradong mula iyon sa bagong kanin.
“Burnok! Nok!” sigaw ni Mang Celo sa labas.
“Sunod na lang po ako!”
“Anong sunod! sabay na tayo!” muling sigaw ni Mang Celo.
“Kung pumasok ka rito para hindi kayo sigaw ng sigaw. Hay naku!” Birong sigaw ni Nay Lyn.
Ngumisi si Mang Celo at kinabig ang pintuan papasok. Dumiretso s’ya sa silya habang hinihintay si Burnok. Si Burnok naman kumuha na ng dyaket,damit at kumot para sa kanya at tatay n’ya. Pinasok lahat sa bag. Pagkatapos ay kumuha ng isang konteyner ng tubig. Sunod na inasikaso n’ya ang dadalhing pagkain
“Ayusin mo na yung lalagyan ng baon ni Amang mo, Nok. Magpasiguro ka pa rin ng sariling baon at baka mamaya ay magutom ka habang naglalakad.”
Mabilis ang kilos ni Burnok sapagkat may naghihintay. Bukod dun ay kailangan din nilang magmadali para maihabol nila sa oras ng hapunan ang kain nila Mang Molo at tatay n’ya. Hindi na nagpalit ng damit si Burnok. Sinaklay agad n’ya sa balikat ang backpack habang dala-dala naman ng kanang kamay ang tubig.
“Aalis na po ako, Nay!”
“Sige, Mag-ingat sa daan.”
“Tara na po!” aya ni Burnok kay Mang Celo.
Lumisan na ang dalawa. Panay tahol ang aso habang nasa daan sila. Nilabas na ni Mang Celo ang gahiganteng ilaw nito. Kung susukatin, sinlaki ng bunganga ng tabo ang laki nito. Tuloy lang ang lakad nila. Panay tanong naman si Burnok.
“Saan mo po nakuha yan Mang Celo?”
“Itong ilaw ba? nakikita mo dyan sa may bundok. Maraming militari dyan. Ganitong ilaw daw ang gamit nila. Ang laki ano? noong minsan pumaroon ako sa bukirin para bisitahin ang mga tanim ko. Nakita ko ‘to. Ang dumi nga nito noong nahanap ko. Mabuti na lamang at gumagana pa.”
“May bukirin pala kayo d’yan?” muling tanong ni Burnok
“Oo, pamana ng lolo ko sa akin. Malaki ang lupa na minana ko sa kanya. Kung ibebenta nga e siguradong milyonaryo na ako. At syempre, hindi na ko magtitiis sa palayan.”
Naputol ang usap nila nang makarating na sila kina Mang Molo. Nakahiga sa hagdan ng palay si Tay Ding habang si Mang Molo naman ay nakaupo sa binilog na tangkay ng palay.
“Sa wakas at makakain na rin.” masiglang bati ni Mang Molo.
Alistong bumangon si Tay Ding mula sa pagkakahiga sabay hablot sa sapin na sako. Nilatag agad nila ang dalang pagkain. Bukod sa dalang ulam ni Burnok ay naglabas din ng ulam si Mang Celo. Adobong pato na may saging ang dala n’ya. Nagtinginan ang tatlo. Alam agad nila ang takbo ng utak ng bawat isa. Ang pang-huling duklit ni Mang Celo sa bag ay lumabas ang mahiwagang bote.
“Yan! para di tayo lamigin.”
“Akala ko po ba e mag-aani kayo?” kamot ulong tanong ni Burnok.
Tinginan ang tatlo kay Burnok. Binatukan ni Mang Molo si Mang Celo.
“Yan! pati kami dadamay mo sa kalokohan mo. Kapag talaga lumaking lasenggo ito si Burnok. Kasalanan mo yan Celo” pang-iinis ni Mang Molo.
“Tabi mo muna yan Celo, ito talaga o. Mag-aani nga kasi hindi iinom.” banggit ni Tay Ding.
Ibinalik na ni Mang Celo ang alak. Naghanap naman ng kahoy si Burnok, paglalagyan ng ilaw. Pumuwesto na si Mang Molo at Tay Ding para kumain. Kanya-kanyang sandok at kuha ng pagkain.
“Ayos ‘tong ilaw mo a.” puna ni Mang Molo.
“Nakaw mo?” biro ni Tay Ding.
“Hindi! mga tamang hinala kayo. Napulot ko yan sa bukid namin. Noong binisita ko yung lupang pamana sakin.”sagot ni Mang Cello.
“Kaninong lupa?”tanong ni Mang Molo.
“Sa lolo ko, pamana sa akin noong namatay s’ya. Ako na lang kasi kamag-anak nun rito. Karamihan sa mga anak n’ya, kung hindi patay ay nasa ibang lugar. Kaya yun, sa akin na lang yung lupa. Sarap nga sanang ibenta e, ang kaso binilin sakin na huwag ibenta. Taniman pwede pa pero huwag daw ibenta. Sa katunayan ang daming nagkaka-interes sa lupang yan. Yung nakapalibot ba naman ay puro minahan, plantasyon at quarry. Malalaking kompanya may-ari. Ilang beses na sinuyo si lolo tungkol dyan pero hindi nagpatinag. Hanggang sa yun, namatay na lang.”
“Ano daw ba kinamatay?” busisi ni Tay Ding.
“Inatake daw. Biglang tumumba habang nasa sakahan niya. Mabuti na lamang at mga militari ang nakakita. Kaya yun, libre lahat. mula sa pag-asikaso sa hospital at pag-cremate. Hindi ko na nga nakita pati yung bangkay. Nabisita na lang namin noong nasa puntod na.”
Tumunog na naman ang relos ng apat. Apat ang namatay sa sakit, walang bilang para sa pinatay, lima naman ng dahil sa katandaan at walang bilang para sa aksidente. Napabuntong-hininga si Mang Celo ng makita ang datus. Kapag mas madami ang bilang ng namamatay nang dahil sa katandaan, hindi niya maiwasang isipin ang lolo n’ya. Ganunpaman, kampante sila sa henerasyong ito. Bihira o madalas walang datus para sa pagpatay. Dahil dun, tiwala sila na pinapahalagahan ng gobyerno ang buhay ng bawat isa.
Nag-umpisa na silang mag-ani. Dagdag sa liwanag ng buwan ang ilaw na dala ni Mang Celo. Hindi tulad ng bilis nila sa pag-ani kaninang umaga ang bagsik nila ngayon. Dahan-dahan ang hugot sa karit. Maingat sapagkat hindi masyadong maliwanag. Hindi gaya kapag may araw.
Iba ang dating ng paligid tuwing gabi. Kung kanina ay nagagalit ang sikat ng araw ngayon naman ay banayad na dumadampi ito sa balat. Mas maiitim ang kulay ng mga anino. Napatingin dito si Burnok. Habang tuloy-tuloy ang hablot n’ya sa palay, napansin nya ang tagas ng likido. Itim na itim ito ngunit masasang sa ilong. Hindi n’ya agad ito pinansin. Pero nag-iba ito ng mas dumami ang tagas. Pag-abante ng mga paa n’ya. Natigil ito sa isang umbok. Unang hula n’ya ay baka mga engkanto ito tulad ng kwento ni Mang Celo. Itim na aninong sumasayaw. Paglapit pa ng mga mata n’ya.
“Tay!” labasan ang ugat sa sigaw ni Burnok.
Lumingon ang tatlo at agad na tumakbo sa kinaroroonan ng bata.
“O bakit?” Tay Ding.
Tinuro ni Burnok ang nakataob na katawan. Nagtatampisaw ito sa dugo. at marahang gumagalaw ang dibdib. Agad na binaligtad ni Mang Molo ang katawan. Kinapa ang pulso. Tumambad sa kanila ang wasak na bibig nito. Nagmamantika, nilalangaw at preskong-presko pa ang bukas na mga sugat.
“Yung alak!” Sigaw ni Tay Ding.
Karipas si Mang Cello para kunin ang alak. Naghubad ng damit si Mang Molo. Pagbalik ni Mang Cello, binuhos agad sa parte ng sugat ang alak. Taranta silang apat. Ni hindi nila alam kung tama ang ginagawa nila. Ang unang pumasok sa isip nila ay alkohol ang panapat ng sugat. Buhos kung buhos. Tapal kung tapal.
“Tama ba ‘to?” tanong ni Tay Ding habang binabalot ng damit ang mga sugat.
“Ewan, anong alam ko d’yan. Basta takpan mo na lang para hindi mag-inpeksyon.” sagot ni Mang Cello.
“Dadalhin ba natin? o tatawag tayo ng tulong?”
“Dalhin na natin.”
Ipinatong nila ito sa sako. Tig-isang hawak sa apat na dulo ng sako. Nanunulo ang dugo habang dala-dala nila ang katawan. Bablangko-blangko ang utak nila pero iisa ang nasa isip nila. Maihatid lang ang katawan. Maihatid lang. Titimbang-timbang ang mga paa nila sa pampang. At dahil apat sila, ang iba ay kailangan talagang ilusong sa putik ang mga paa.
Payapa ngayon ang gabi. Walang anumang alingawngaw. Wala kahit kaluskos. Walang siyap ng mga ibon. Walang tunog ng palaka. Hindi nagtagal ay nakasumpong sila ng mga naglalakad sa pampang. Kumaway sila. Pinatay-sindi ang ilaw. Hanggang sa mapansin na sila ng mga ito.
Pumutok bigla ang baril ng isa. Nabitawan nila ang katawan. Nahulog ang ilaw. Dapaan ang apat. Karipas ng takbo ang mga ito. Sunod sunod na putok ang umalingawngaw sa hangin. Hinablot ni Tay Ding ang kamay ni Burnok. Sumiwa sila sa palayan. Dapa. Gapang. Kailangan makalayo. Hagod kung hagod ng katawan. Hindi alintana ang kati ng palay. Natigil bigla ang mga putok. Napahinto si Burnok.
“Tay, si Mang Cello. Naiwan.”
Tuloy lang ang gapang ni Mang Molo. Taranta na rin kung paroon o parito. Gapang. Hilamos ng lintik na putik.
Bumalik ng gapang si Tay Ding para hanapin si Mang Cello. Malas lamang at kasama ng walang bungangang katawan si Mang Cello. Paghawi ni Ding sa palay ay nakita n’ya ang ilang armado. Tinutukan ng baril ang matandang basag na ang bunganga. Pagkalabit ng gatilyo ay sabay-sabay tumunog ang mga relos nito. Mabilis na gumapang papalayo muli ang tatlo. Gapang. Hilamos ng putik. Kaliwa’t kanan ang abante ng mga kamay hanggang braso. Humiwa ang tining ng sunod-sunod na putok ng baril sa hangin. Tilian ulit ang mga putikang relos nila. Sinipat ni Tay Ding ang datus sa relos. Paghawi n’ya ng putik. Tumambad ang datus.
Lima ang namatay sa sakit, walang bilang para sa aksidente, anim naman ng dahil sa katandaan at walang bilang para sa pinatay. Walang bilang para sa pinatay. Walang pinatay.
Isinara ni Jonas ang libro at ipinatong sa gilid ng kanyang kaliwang hita. Nakatingin siya nang diretso sa kawalan habang inuulit-ulit sa isip ang linyang iyon sa kwento ni Edgar Samar na Km 13 sa antolohiya nitong Alternatibo sa Alternatibong Mundo –
“Ang nawawala lang naman ang hinahanap, pangungumbinsi ko sa sarili. Hindi ang wala na.” Tuluy-tuloy na nagpaparada ang serye ng mga salitang ito sa isip ni Jonas, bumibilis na parang humahagibis na tren, na basta na lang niya pupugtuin ng isang buntong-hininga.
Hindi gaya ng tauhan ni Samar, hindi makonswelo ni Jonas sa sarili ang pahayag. “Hindi ‘yun totoo. Hindi para sa ‘kin, para sa ‘min,” mahinang bulong niya habang nakatingin pa rin sa kung saan.
Tumayo siya mula sa pagkakalubog sa upuan at binuksan ang laptop sa ibabaw ng study table. Doon, nakabukas ang website ng mga Desaparecidos – na may mga kwento’t accounts ng mga kamag-anak ng mga tibak na basta na lang nawala mula pa noong administrasyong Marcos hanggang nitong mga huli. Sa mga larawan ng mga Desa na nakahanay sa harap ng screen ng kanyang laptop, pinapunta niya ang cursor sa larawang laging pinakatinititigan niya tuwing nasa website na iyon. Pareho ang balantok ng kanilang mahahabang pilikmata, hawig ang patulis na ilong at ang kurbada ng labi.
Kilala niya ang taong nasa screen ng laptop ang larawan. Nakilala niya sa mga kwento ng mga kamag-anak; sa mga kaibigan nitong dumadalaw pa rin sa kanilang bahay; at sa mangilan- ngilan nitong naisulat na tula.
Sa pag-scroll niya pababa ng website ay naroon ang ilang pangungusap na inilagay mismo ng kanyang Mama –
“Lampas 4 years na since last umuwi sa bahay si Emman pero may mga times na nagigising pa rin ako sa madaling-araw kapag may kumakaluskos sa ibaba ng bahay. Naiisip ko siya, na finally, nakauwi na ang asawa ko. Pero hindi. Ang hirap. Kung meron man lang sana kaming napaglamayang katawan at nailibing... mabibisita namin siya lagi ng mga anak niya. At alam kong payapa siya kung nasaan man siya. Ang hirap maghanap nang di mo alam kung saan pupunta o kanino magtatanong. Ang hirap maghanap ng itinago ng iba sa mundo. Hindi naman nawawala pero inililibing ng iba sa limot ng ibang tao. Mga walanghiya sila!”
Isinara ni Jonas ang laptop at dumantay sa sandalan ng upuan. Muli siyang tumingin sa kung saan habang sinasabi sa sariling, “Hinahanap ko pa rin kahit ang mga wala na.”
“Pang-siyam na araw na ngayon ni Tatay. Huling gabi ng kanyang burol. Iyak ng iyak si Nanay, hindi ko naman madaluhan . Wala na rin akong mailuha, marahil said na o dahil ako may sayang nararamdaman sa pagpanaw ni Tatay . Bukas kasamang ililibing ang nakaraan . Kaming tatlo lang nina Nanay ang nakakaalam ng sikreto ng pamilya.
Ah, tumatawag si Ryan, ang bunso sa pamilya malamang nasa NAIA 3 na. Magkahalong pananabik at kaba ang nadarama. Sa wakas makikita ko na rin ang aking kapatid na galing sa aking sinapupunan.
KAPATID
“Pangsiyam na araw mo na ngayon ni Ben. Tingnan mo ang panganay natin. Hindi man lang ako madaluhan.Napakalayo talaga ng loob niya sa aki. Dangan at siya ang nagpapaalala sa akin ng aking masakit na nakaraan. Anak ko siya mula sa paglapastangan sa akin. Mga kamag-anak ko ang nag-alaga sa kanya mla pagkabata dahil mapalad na makapunta ng US at doon nga tayo nagkakilala. Napakabuti mo at tinanggap mo ako at ng aking anak sa kabila ng pagiging disgrasyada kaya ginawa ko ang lahat para lang maging masaya at buo tayo. Labing-anim na taong gulang lang siya noong napetisyunan natin siya at nakasama sa US. Naging masaya tayo sa kanyang pananatili sa ating poder ngunit kabaliktaran ng sa kanya. Naging buo tayong dalawa. Nagkaroon tayo ng sariling anak.
Ngunit hanggang ngayon, malinaw pa sa aking balintataw ang kanyang pag-iyak nang paulit-ulit. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang poot lalo na noong sinabi ko sa kanya na, “Anak, tingnan mo ang kapatid mo oh, kamukhang kamukha mo.”
Alam ko, malaki ang kasalanan natin sa kanya. Makasarili tayo pero nagawa ko iyon sa pagmamahal ko saiyo, sa pagtanaw ko saiyo ng utang na loob sa pagbangon ng aking dignidad.”
INA
“Pangsiyam na araw na ngayon ni tatay. Katatawag ko kay Ate Vine. Mga alas-tres ng madaling araw nasa lugar na nila ako. Unang tapak ko sa Pilipinas ngayon. US citizen ako. Matatas ako sa Tagalog dahil ito ang unang wika naming sa bahay pati ng Ilocano. Unang pagkakaton din na makikita ko si “Ate” ng personal. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko, awa, galit o pagtanggap. Ayoko ko na sanang dumalo sa burol ni Tatay at ayoko ring makita si Nanay pagkatapos ang rebelasyon ni Uncle two weeks ago. Galit na galit ako ngunit nang nalaman kong pumanaw na si Tatay may bahagi sa puso ko ng pangungulila. Uuwi ako para Makita siya sa huling pagkakataon at para marinig mismo kay Nanay ang katotohanan. Sa loob ng 25 taon, nabuhay ako sa kasinungalingan. Ang perpektong ama at ina na tinitingala ko ay kabaliktaran pala. Ang masayang pamilya na inspirasyon ko ay punung-puno pala ng sikreto. Naiiyak ako. Napakasakit.
Kaya pala hindi na kailanman bumalik si Ate sa US mula nang umuwi siya. Paano kaya nakayanan ni Ate….ni Nanay (totoong nanay), ang lahat?
ATE-NANAY
Sa tuwing gigising ako sa umaga at durungaw sa maliit na bintana ng aking silid parati kong nakikita si Tata Julian na nakaupo sa paborito niyang bangkong- kahoy. Hinahatid siya ng isang ‘di katandaang babae na umaalis rin at tutungo sa kanyang trabaho. Hawak ang kanyang baston ay mangangabay siya upang makapasok sa loob ng maliit niyang bahay kapag mataas na ang sikat ng araw. Sa hapon pag-uwi ko galing sa Pamantasan ay makikita ko siyang muli na nakaupo at nginingitian ang lahat ng dumaraan. Isa ako sa madalas na nakatatanggap ng ngiting yaon.
“Tata Julian, baka naman kayo masipon niyan. Malapit nang magtakip-silim. Gusto mo po bang alalayan kita sa pagpasok mo sa loob ng bahay?”, bati ko sa kanya.
Ngiti lamang ang kanyang iginanti. Madalang siyang magsalita; parang may kung anong pumipigil sa kanyang mga labi na ibuka ito at magbitiw ng mga salita. Sa halos labinsiyam na taon kong paninirahan sa lugar na ‘yon, ay ganoon kalimitado ang impormasyon na alam ko tungkol kay Tata Julian.
Naalala ko noong ako’y walong taong gulang; sa may tarangkahan habang umaagos ang aking luha sa pilit na pagkaway ko sa aking itay na paalis tungong Dubai nilapitan niya ako at inamo. “Rina, sa sobrang pagmamahal ng iyong ama sa inyong magkakapatid handa siyang magsakripisyo upang maibigay lahat ng inyong pangangailangan. Hindi niya kagustuhan ang iwan kayo. Pinili lamang niyang umalis upang matustusan ang inyong pag-aaral at nang gumanda ang inyong kinabukasan. ”
Hindi ko malilimutan ang mga linyang tumimo sa aking isip. Paulit-ulit niyang binanggit noon na huwag daw akong magtampo sa aking itay…dahil ang paglayo ni itay ay sa ikabubuti naming kanyang mga anak.
Sampung taon nang nangingibang-bansa si itay. Sanay na kami na parati siyang umaalis. Minsan sumasama ang loob ko dahil wala siya sa tuwing may mahalagang okasyon sa pamilya at sa iskwelahan. Si nanay ang tumatayong ama naming tatlo. Dalawang linggo lamang ang bakasyon niya sa loob ng tatlong taon. Minsan nga ay hindi pa nangyayari. At naririnig ko rin kay itay ang mga sinabi sa akin ni Tata Julian “ anak, para ito sa inyong kinabukasan konting tiis na lang.”
Second year college student na ako ngayon ng kursong Accountancy at kahit nangingibang bansa si itay ay hindi pa rin kami nananagana sa salapi. Sapat lamang na mabayaran ang tuition ng dalawa kong kapatid na ipinasok ni inay sa isang pribadong paaralan, makabili ako ng aking mga gamit sa iskwela at panggastos sa araw-araw naming pamumuhay. Hindi na rin kasi nagtrabaho si inay dahil sa madalas na pag-atake ng kanyang asthma. Sweldo lang ni itay ang aming inaasahan. Minsan, nakausap ko si itay sa video call niya kay inay. “Itay, nagkasakit ka ba riyan? Parang nangangayayat ka- umuubo ka pa, nagpatingin ka na ba po ba sa doktor? Baka kung ano na iyan?”
“Rina wala lang ito, napagod lang sa maghapong trabaho. Kamusta sa mga kapatid mo, titingnan mo sila baka nagkakabisyo na.” malambing na tugon sa akin ni itay.
“Huwag ka pong mag-alala itay, maayos naman kaming tatlo at nag-aaral na mabuti. Mag-iingat ka po riyan.” Ang mahinahon kong sagot sa kanya.
Isang hapon ng Sabado, may magarang kotseng nakaparada sa harapan ng bahay ni Tata Julian. Lumabas mula sa sasakyan ang isang matipuno, maputing ginoo at sa aking palagay ay isang mahusay na manggagamot sa Maynila dahil na rin sa kasuotan niya at nakasabit na i.d. sa kanyang leeg.
Limang minuto lang halos ang itinagal ng lalaki sa bahay ni Tata Julian.
Hindi ko inalam kung sino at ano ang ginagawa ng doktor na yun sa bahay ni Tata Julian dahil nagmamadali akong tumungo sa bahay ng aking kaklase upang tapusin ang aming proyekto sa Research. Hindi ko namalayan na ikapito na ng gabi, hindi pa naman ako nagpaalam kay inay. Naiwan ko rin ang aking cellphone sa bahay sa kamamadali. Mabilis kong tinahak ang kalsada, tumawid sa kabilang kanto at nilakad ang patungo sa amin. Habang papalapit sa aming tahanan ay napansin ko ang kukurap-kurap na ilaw sa loob ng bahay ni Tata Julian. Napansin ko rin ang matanda na nakaupo sa kanyang bangkong- kahoy na sa pagkakataong ito ay nasa loob na ng maliit niyang bahay. “Tata Julian, Tata Julian…” ang tawag kong may pagnanais na makapasok sa kanyang bahay upang ayusin ang mapupundi na yata niyang ilaw. Naturuan ako ni itay sa pagpapalit ng bumbilya noong siya ay narito pa, sabi nga niya panganay raw ako kaya dapat marami akong alam gawin.
Bukas ang pinto kaya pumasok ako kahit hindi niya ako pinahintulutan. “ Tata Julian, nais mo po bang ayusin ko ang iyong bumbilya nang hindi masakit sa mata? Mukhang hindi pa rin kayo kumakain, heto po may pansit na pabaon ang kaklase ko sa akin… sa iyo na lang po ito,” ang pagpupumilit ko sa kanya.
“ Salamat iha ” ang pabulong na sagot ni Tata Julian.
Sa paglinga-linga ko sa maliit niyang bahay napansin ko kung gaano ito karumi: ang pinagkainan sa maghapon ay hindi pa nahuhugasan, ang maruruming damit ay nagkalat at umaamoy na rin ang palikuran; sabi nga ng iba ay “amoy matanda”, wala ring pagkain sa hapag, ang lumang telebisyon ay hindi na rin gumagana maging ang refrigerator ay bunot at mukhang matagal nang hindi nagagamit. Tanging isang maliit at maingay na electric fan ang umiikot upang magbigay- hangin sa loob ng bahay. Sa isip- isip ko “marahil hindi dumating ang matandang babae na tumitingin sa kanya, kaya ganito karumi sa loob.”
Kinuha rin ang aking atensyon ng tatlong malalaking kuwadro; mas malaki kaysa 8R na larawan. Ang una ay larawan ng mag-asawa na may dalawang cute na batang babae at lalaki. Ang ikalawa ay mag-asawa pa rin na may katabing isang binata at dalaga. Ang ikatlo ay larawan ng isang may edad na lalaki at isang nakatogang dalaga katabi ang binatang nakadamit pandoktor. Wala nang sumunod pang larawan. Nakita ko ang pagtitig ni tata Julian sa unang larawan; nangingilid ang luha sa kanyang mga mata, parang gustong bumagsak anumang saglit. Subalit pinipigilan niya ito.
“Tata Julian, asawa mo po?” itinuro ko ang katabi ng lalaki sa unang larawan. Tumango lamang siya at ngumiti sa akin. “ Sila po ang mga anak n’yo? Guwapo at maganda manang-mana po sa inyong mag-asawa.” At muli, ngiti lang ang aking natanggap. Hindi na ako nag-usisa kung bakit mag-isa na lamang siya sa ikatlong larawan, marahil yumao na ang kanyang asawa kaya’t sila na lamang tatlo ang naroon.
Marami akong nais itanong pero napipigilan ako ng matinding katahimikan sa paligid, pakiwari ko ay hindi naman niya ako sasagutin. Subalit bigla siyang nagsalita… at hindi ko iyon inasahan.
“ Siya si Helen ang anak kong inhinyera, at yung isa naman ay si Lawrence na manggagamot na ngayon sa Maynila. Yung katabi ko ay si Feliza, ang aking asawa na isa sa mga nasawi sa biglang pagsabog ng granada sa may palengke. Iyun ang araw na ibinili ni Feliza ng magandang damit pang JS Prom si Helen. Matipid kasi siya, ayaw niya sa SM o sa ibang malaking Mall bibili dahil marami siyang bayarin tulad ng tuition fee ni Lawrence at mga gamit sa iskwela. Alam kasi niya na pangarap ni Helen na maging inhinyera kaya nag-iipon na siya ng pangmatrikula para sa anak naming babae.”
Ramdam ko na pinipilit lamang magkuwento ni Tata Julian. Mahina at garalgal ang kanyang tinig pero hinayaan ko lang siyang magsalaysay.
“ Pareho na silang may pamilya; may magarang bahay, may mga sasakyan at matagumpay sa kanilang propesyon” ang nakangiti at ipinagmalaking kwento ni Tata Julian na kung pagmamasdan ang kanyang mga mata ay walang pasubali na nagtagumpay siya bilang ama sa kanyang mga anak kahit malungkot ang mukha ay mababanaag ang kislap sa mata habang siya ay nagsasalita.
Nahinto ang aming pag-uusap nang maulinigan ko si inay. Nasisilip pala niya ako sa bahay ni tata Julian. Hindi ko rin napansin na isang oras na ako sa kanila. “ Inay, ayan na po ako… magpapaalam lang ako kay Tata Julian!”
“Tata Julian gabi na po pala, marami pa akong gagawing assignment at saka si inay baka nag-aalala na rin sa akin, hindi po kasi ako nagpaalam sa kanya,” ang nasambit ko habang inaabot ko ang kanyang kamay upang sa gabing iyon siya ay aking pagmanuhan.
“ Mahalin mo ang iyong magulang Rina kung paano ka nila minamahal, pagpalain ka ng Diyos!”wika ni tata Julian habang ipinapatong niya ang kanyang nanginginig at nanlalamig na kamay sa aking ulo.
Mataas na ang sikat ng araw nang marinig ko si inay “ Rina, alas nuwebe na, mag-almusal ka na at maglilinis tayo ng bahay baka dumating ang itay mo mamayang gabi. Samahan mo rin ako sa palengke nang makapamili ng iluluto ko, gusto kong ipagluto ang iyong itay ng mga ng paborito niyang putahe. Pero unahin muna nating sumaglit sa chapel funeral service ng St. Matthew upang makiramay at saka tayo mamalengke.”
Hindi naman ako nagulat sa sinabi niyang baka dumating si itay dahil sanay na ako sa ganoong eksena. Ang ipinagtataka ko ay kung bakit sa chapel ng St. Matthew kami pupunta upang makiramay gayong sa aming barangay karaniwan ay sa bahay lamang ng namatayan ginaganap ang burol. “Ah…marahil maykaya ang namatay dahil mayayaman lamang sa aming lugar ang ibinuburol doon,” pangungumbinse ko sa aking sarili. Natapos na ang paglilinis ng bahay. Nakapili na rin si inay ng puting damit na isusuot niya pagpunta sa burol; maging ako ay sinabihan na magputing blouse o polo shirt at pantalon, pinagsapatos pa niya ako. Aniya, marami daw kasing matataas na tao sa chapel.
Halos kalahating kilometro mula sa aming tahanan ang nilakad namin ni inay. Maganda raw sa katawan ang paglalakad kaya hindi na rin ako nagreklamo, isa pa parang nagtago ang araw kaya hindi kami masyadong nainitan at nahirapan sa paglalakad. Malapit na kami sa chapel nang marinig ko ang tsismisan ng ilang kababaihan na nasa umpukan at abala sa pag-biBingo. Habang tinatandusan ang kanilang bingo card at isinisigaw ng isang manlalaro ang “ sa letrang B- palakol…” ay may ilang nagbubulungan. “ Kaawa- awa naman ang namatay, matapos pag-aralin ang mga anak hindi na siya kinalinga. Alam ‘nyo ba na naubos ang perang pinaghirapan niya ng dalawampung taon sa Saudi dahil sa mahal ng matrikula at gamit ng mga anak sa pagpapaaral. Namatay rin ang kanyang asawa dahil rin sa kanyang anak na babae na puro porma lang ang gustong gawin noong nasa high school pa ito. Naibenta rin niya ang mga mamahaling gamit, kasangkapan at alahas na naitabi nilang mag-asawa. At nung natapos ang mga anak iniwan na lang siya sa kanyang barungbarong. Naku, kung ako ang magulang ng mga ‘yon sisingilin ko sila!!! ” galit na winika ni aling Berta habang inaaninaw ang bilang pito sa linyang B ng kanyang bingo card.
“Inay bakit walang tarpaulin? Hindi ko tuloy malaman kung sino ang tinutukoy ni aling Berta,” tanong ko kay inay.
“ Ah hindi ko pala nasabi sa ‘yo kagabi dahil pag-uwi mo dumeretso ka agad sa silid mo at marami ka kamong gagawin. Nawalan na ako ng pagkakataong banggitin sa iyo na yumao na si Tata Julian bandang alas- singko ng hapon-kahapon. Yung nakita mong manggagamot bago ka nagpunta sa kaklase mo , anak niya ‘yun. Isinugod nila sa ospital si Tata Julian pero hindi na rin nagtagal dahil malala na ang Pneumonia niya. Ang matandang babae ang nagsabi sa akin, malayo nilang kamag-anak na bumibisita kapag dito siya nadedestino. Nagtaka nga ako kung ano ang ginagawa mo sa bahay ni Tata Julian kagabi kaya tinawag na kita… ” ang tuluy-tuloy na kuwento at pagtataka ni inay habang papalapit kami sa may altar na kinaroroonan ng yumao.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nanginginig akong natatakot…pero ang totoo galit ang nararamdaman ko. “Bakit nagawang pabayaan ng mga anak ni Tata Julian ang kanilang ama? Bakit hindi siya nagamot agad? Ginusto ba niya yun o sadyang wala lang panahon ang mga anak niya…lalo na ang anak niyang doktor?” Ang daming tanong sa isip ko na hindi ko naman kayang sagutin. Ang tanging gusto kong gawin ay ipagsigawan sa loob ng chapel na “ Wala kayong kwentang mga anak! Matapos kayong pag-aralin ay iniwan n’yo na lang ang taong nagpakahirap upang matupad ang inyong pangarap nang ganun- ganun lang!”
Nanginginig ang aking buong katawan… sa halip na isigaw ko ang galit ay para bang may kung “ano” sa aking bibig na nagpatikom nito at sarilinin na lamang ang lahat.
Sinilip ko siya at kinausap “ wala ka na po pala kagabi… pero nagawa mo pa akong kuwentuhan; yun pala ay pamamaalam mo na sa akin. Hanggang sa huli, ang pagmamahal mo bilang isang ama sa iyong mga anak na walang pagsisisi at panunumbat ang huli kong narinig sa iyong mga labi. Paalam Tata Julian, umasa ka po na susundin ko ang iyong habilin na mahalin ko ang aking mga magulang tulad ng pagmamahal na ibinibigay nila sa akin… kung totoo man na hindi mo ito nadama sa iyong mga anak, alam ko na masaya kang lumisan dahil sa wagas na pagtupad sa iyong tungkulin nang walang hininging kapalit at hindi nagtanim ng galit. Napakapalad po ng iyong mga anak dahil nagkaroon sila ng ama na katulad mo. Paalam!!!”
At unti-unting dumaloy ang mga luha sa aking mga mata.
“Anong sinabi sa inyo nang malaman ninyong namatay na ang mahal ninyo sa buhay?” Bungad kong tanong sa klase nang minsang napagusapan ang tungkol sa kamatayan.
Biglang tumahimik ang mga bata. Nagsiliparan ang kanilang mga isip tulad ng mga mayang nagsidapo sa puno ng acacia. Titig nila’y nakatuon sa malalaking bintana, tila hinahanap ang mga sagot sa likod ng mga ulap.
“Ser,” binasag ni Jen ang katahimikan sa silid. “Natatandaan ko pong sinabi ng kuya ko sa akin uuwi na raw si Tatay mula ospital. Natuwa po ako noon pero walang bahid ng tuwa ang pagkakasabi ni kuya. Nagtaka na lang ako nasa loob na ng kabaong si tatay nung makita ko siya sa bahay.”
“Ser, sabi ni Mama wala na ang pinsan ko,” wika ni Bon. May kanser daw sa buto ang pinsan niya.
Dagdag naman ni Mae pinaupo raw siya ng kanyang nanay sa sala nang mapansin niyang hindi siya binati ng kanyang aso. Tumatalon daw ito at tumatakbo pa sa buong bahay, pinagsisigawan ang pag-uwi ni Mae mula sa paaralan tuwing hapon. “Wala na si Brownie,” malungkot na sinabi ng kanyang nanay. Nasagasaan daw ito ng trak.
Sinulat ko sa pisara ang mga salitang wala, uuwi na, at sumakabilang buhay. Mga magkasingkahulagang salita ng namatay—salitang hindi mismo binanggit sa pagkukuwento ng aking mga estudyante sa kanilang mga danas.
Nagkwento rin ako.
“May kaibigan akong piniling mamuhay sa bundok ng Compostela. Matagal ko na siyang hindi nakita nang biglang may pinaabot na liham ang aking nanay. Nagmula raw ito sa isa sa mga kasamahan niya, pinapabatid na sumakabilang buhay na si Ka Ron.”
Emil ang kanyang tunay na pangalan. Matalik ko siyang kaibigan. Napalapit kami sa isa’t isa dahil pareho kaming manunulat ng CEGP noong nag-aaral pa kami sa UP. Matapos gumradweyt, pinili kong magturo. Pinili niyang mamundok.
Sumakabilang buhay.
Hanggang ngayon ay tumatak pa rin ito sa aking isipan. Hindi namatay si Emil. Siya ay sumakabilang buhay. Marahil hindi siya naniniwala nito. Pero ako, oo. At sana sa ibang buhay na iyon ay tuluyan na siyang maging masaya. Sana sa buhay na iyon mahanap niya ang tunay na tagumpay sa kanyang ipinaglalaban.
“Ser?”
“Sorry, class. Nag-space out lang,” sabi ko.
Hindi ko namalayan nakatulala pala ako tulad ng mga estudyante ko kanina, hinahanap sa kalangitan ang mga sagot sa milyong mga tanong na bumabagabag sa aking isipan. Tanaw ko mula sa aming silid ang mga ulap, pilit kong inalala ang kanyang maamong mukha. Tila naaninag ko ang kanyang mukha sa ulap.
Pinaglalaruan ako ng aking isipan. Pinaglalaruan na naman ang aking pighati.
"Congratulations Anak! Oo uuwi ako apat na linggo bago gradutaion mo. May ibinigay pala sayo si Babae regalo raw niya pati si Rachel pares ng diamond earring, i-keep mo raw sabi niya huwag mo raw isasanla. Si lalaki naman ay ticket niyo ni Tita mo papunta rito sa June. Masayang-masaya ang Nanay Anak. Salamat hindi mo ako binigo. O siya at papunta na ako sa orchard kukunin ko regalo ni Ninang Lyn mo, pakisabi kay Tatay mo tawagan ko siya mamaya. Love you Anak."
Katatapos ko lang tawagan ang aking Unica Ija. Masaya ako at sa wakas nakatapos na. Apat na taon ding puro palabas ang pera dahil sa pag-aaral niya ng BS Nursing. Napakalaki ng gastos niya lalo na at sunod sa luho. Doon lang naman kasi ako makakabawi dahil sa dalawang dekada, ang asawa ko, mga kapatid at hipag ko ang umalalay sa kanya. Wala lagi ang aking presensya sa mga mahahalagang okasyon. Pero ngayong graduation niya hindi maaring hindi ako uuwi.
Masaya ako dahil hindi niya ako binigo. Nagtapos siya ng walang boyfriend, mataas ang grado at Best Thesis pa. Natumbasan niya ang mga sakripisyo ko sa karangalang natatamo niya. Beauty and brain nga raw siya sabi ng aking mga kaibigan. Nakamit din kasi niya ang Ms. University sa kanilang pamantasan noong 3rd year college siya. Napakasaya ko bilang Nanay niya. Nakakaproud. Iyong palagian kong "pagkuskos" (tawag namin ito sa partime job na illegal) tuwing Linggo na off ko ay paid off wika nga nila. Iyong pahinga mo na nga lang ay kakayod pa rin. Malaki rin kasi iyon kahit 2-4 na oras lang. Ito madalas ang pandagdag lalo na at nagbibigay rin ako sa aking magulang at pinag aaral ko rin ang aming Bunso. Mainam din at may-utak din si Bunso kahit paano may iskolarsyip kaya minimal na lang naibibigay ko. Pati rin ang aking Prinsesa may iskolarsyip din pero siyempre bilang Nanay na OFW masaya ako kapag nakakasunod sa uso ang aking Prinsesa. May yabang din ako kumbaga. Kaya ayos lang sa akin na sunod sa layaw. Dalawa ang ‘kuskos’ ko madalas,normal na buhay na iyon ng mga kunyang.
O siya bababa na ako. Nandoon na raw sa Orchard ang kumare ko.
Isang araw, habang ako ay naglalakad sa daan ay may nakasalubong akong isang babae na may dalang papel. Binigyan niya ako ng isa. Isang papel na maaring pagsimulan ng pagbabago ng aking buhay. Pagbabagong matagal ko nang ina asam-asam. Pagkauwi na pagkauwi ko sa bahay ay agad kong pinakita at pinabasa ng malakas kay mama upang marinig ko ng maayos ang nakasulat sa papel. “Panawagan sa lahat ng mga babaeng may edad 18-21, na may tangkad na 5.4 o mas mataas pang talampakan ay ina anyayaan naming sumali sa patimpalak na ito. Search for Miss barangay 2019.” Malakas na basa ni mama sa papel na aking ibinigay sa kanya. Ako nga pala si Jane Cruz, labing siyam na taong gulang, may tangkad na anim na talampakan at sabi ng mama ko ay may angkin akong ganda. Matangos ang ilong, mapula ang mga labi at kulay ginto ang aking buhok. Nakatira kami sa Baranggay Buyot sa bayan ng Don Carlos ng Bukidnon. Mahal na mahal ako ng aking mama na si Jenny Cruz isang katutubong Manobo ng Bukidnon. Nakilala naman niya ang aking ama na si James Smith sa isang Dating Site. Isang amerikanong naninirahan noon sa Cagayan de Oro City. Nagmahalan silang dalawa at ako ang naging bunga ng kanilang pagsasama. Sa di inaasahang pangyayari ay namatay ang aking ama sa isang malagim na disgrasya. Kaya mag isa nalang akong binubuhay ng aking mama.
Bata palang ako ay pangarap ko na talagang maging isang Beauty Queen. Kaya sinisikap kong pag-aralan ng mabuti ang mga galaw, lakad at pati na sa pagsagot ng mga katatungan na pang-Pageant. Bata palang ako ay palagi na akong sinusuportahan ng aking mama upang makamit ko ang aking pangarap. Palagi niya akong sinasama sa ibat-ibang lugar na kung saan ay may idinaraos na patimpalak. Palaging tinatandaan ng aking mama ang mga galaw at tamang paglakad ng mga nananalong kalahok at pagkarating na pagkarating naming sa bahay ay itinuturo niya sa akin. Masaya ako na kahit nahihirapan na ang aking mama sa akin ay patuloy parin siyang sumusuporta sa akin. Ngunit sa kasamaang palad ay wala pa akong ni isang koronang napanalonan. Pero hindi ako nawawalan ng kumpyansa sa aking sarili na balang araw ay makakamit ko rin ang mga pangarap na aking ina-asam.
“Ma! Isali mo ako sa patimpalak na iyan.” Wika ko kay mama ng matapos na niyang basahin ang nakasulat sa papel. “oo naman anak, napakaganda mo kaya walang dahilan na hindi ka mananalo sa patimpalak na ito.” Pampapukaw dugo na tugon ni mama sa akin. “sa anung araw nga mangyayari ang patimpalak na iyan ma?” tanong ko kay mama. “ Sa susunod na sabado na ito anak. May anim na araw ka pa para makapaghanda.” Sagot ni mama. Sa pagkakataong ito ay hindi ko na talaga papalampasin ang patimpalak na ito. Dahil sa palagay ko ito na ang magiging simula nga aking mga pangarap sa buhay. Hindi ko na inisip ang mga gastusin at iba pang kakailanganin sa patimpalak. Dahil si mama na daw ang bahala nito. Basta pag-igihan ko nalang ang pag-iinsayo.
Lunes, unang araw ng aking pag-iensayo. Sa araw na ito ay pinag-aralan ko muna ang mga lakad na itinuro sa akin ng aking ina. Pinipilit kong ayusin ang aking paglalakad. Pinipilit kong tumayo ng may tamang tindig at pinipilit kong galinang ang bawat hagbang na aking ginagawa. Hindi ako pinayagan ng aking ina na sumuot ng sandal na may mataas na takong dahil baka daw natapilok ako. Wala pa naman siya sa bahay. Panay ang aking paghahanda para sa parating na patimpalak. Pagsapit ng gabi ay dumating na si mama mula sa kayang trabaho. “Anak may dala ako sayo hali ka at haplosin mo.” Pasigaw na tawag ni mama habang pa-akyat siya sa hagdan ng aming bahay. “ Wow ang kinis naman nito nay. Ano po Ito!” tanong ko kay mama ng mahawakan ko ang pasalubong niya sa akin. “i-iyang lang naman ang susuotin mo anak sa patimpalak na sasalihan mo. Alam mo bang kulay rosas ang damit na iyan. Paboritong kulay ng papa mo.” Sagot ni mama na parang umiiyak. “umiiyak kaba ma?” tanong ko sa kanya. “wala anak. Natutuwa lang ako na makitang kang masaya. Makita kang hindi nawawalan ng pag-asa.” Pagkatapos ng mahabang pag-uusap naming ni mama ay pinasukat na niya sa akin ang damit na binili niya. Ramdam kong kasya sa akin ang damit. Medyo masikip siya sa dibdib ngunit normal lang daw ito sabi ni mama. Nang masuot ko na ang damit ay biglang natahimik si mama. “ma andayan ka pa ba?” tanong ko sa kanya. Biglang umiyak ng malakas si mama. Di ko maintidihan kung bakit siya umiyak ng ganon ka lakas. Naramdaman ko nalang ang kirut sa aking puso. Sakit na parang wala ng lunas. Nais ko siyang yakapin ngunit hindi ko magawa. “Anak ang ganda-ganda mo talaga” Paiyak na wika ni mama. Gusto kong maniwala sa mga sinabi ni mama ngunit hindi ko magawa. Hinanap ko ang salamin. Gusto kong Makita ang aking suot at ang aking mukha. Ngunit wala akong Makita. Pinipilit ko mang hanapit ngunit wala talaga akong Makita. Madilim ang paligid, simula pa pagkabata ko ay madilim na ang aking paligid. Ngunit hindi ko alam kung bakit madilim ang paligid. Gusto kong umiyak ngunit sanay na ako. Sanay na akong hanggang suot nalang ako ng damit na binibili ni mama na para sana sa mga Beauty Pageant na sasalihan ko. Pero pinagkaitan ako ng mundo. Binigyan naman ako nga magangang panlabas na anyo. Ngunit hindi ko manlang ito masisilayan. Pinagkaitan ako ng liwanag. Liwanag na magpapayasa at makapagtutupad ng aking mga pangarap.
"I am an only child. I married 6 months after my graduation in BS Nursing. Its a whirlwind relationship. Nadala ako sa maganda niyang pangungusap at pakiramdam ko secured ako dahil mas matanda siya sa akin ng limang taon. Nagkakilala, nagkamabutihan at sa loob ng tatlong buwan nagpakasal kami. Nagulat ang mga magulang ko sampu ng aming angkan dahil wala akong ipinakilalang boyfriend sa kanila.
Siya ang una.
Ikinasal kami ng dalawang beses, sa huwes at simbahan, totoong ginastusan ito ng aking magulang.
Masaya noong unang taon. Secured ako, may kasama parang nakalaya rin sa pagiging istirkto ng aking kapamilya. Naging mas masaya nang ipinanganak ko ang aking panganay. All is well, wika nga nila.
Dahil nais naming hindi aasa sa aking magulang lalo na kay Nanay, nangibang bansa siya sa KSA. Mahirap pala lalo na at nagbago ang ihip ng hangin.
Sa loob ng anim na taon na pananatili niya sa ibang bansa, sa huling kalahating taon lang ako nakatanggap ng sustento ng anak niya na mag-aanim na taon na rin at sa hipag ko pa niya pinapadala.
Walang alam ang aking mga magulang dahil nahihiya akong magsabi. Akala nila malaki na ng savings ko dahil patuloy ang pagpapadala ni Nanay ng alawans ko kahit na may asawa't anak na ako. Wala akong pinagsabihan. Naalala ko pa sa 6 na buwan na pagpapadala niya, hinihingan pa ako ng resibo ng pinagkagastusan sa ipinadala niya. Akala ko nga sa pelikula lang nangyayari iyon.
Umuwi siya, naging maayos kami. Kinalimutan ko ang lahat ng sama ng loob. Isinantabi ko para sa aming pamilya. I don’t like a failure marriage. Ngunit magsisimula pa lang pala ang kalbaryo ko.
I am a battered wife. Nabuntis ako sa Bunso ko,lagi akong may pasa. Tinatanong ako ni Tatay sabi ko nauntog lang,naitama ko sa matigas na bagay at kung ano ano pang dahilan. Wala akong pinagsabihan. Away mag-asawa kaya tanggapin na lang,baka kasalanan ko rin minsan pero buntis ako. Malapit na akong manganak noong naaprubahan ang Visa niya papuntang Australia. Natuwa ako. Aalis siya ulit. Lahat ng naitabi ko para sa panganganak ko, ibinigay ko bilang pocket money niya at nagbigay rin naman si Nanay sa iba niyang gastusin. Halos isang milyon dahil student pathway ang kinuha niya. Maganda ang plano, mauuna siya kukunin ako at susunod ang mga bata. Punung puno ako ng pag-asa. Magiging masaya rin siguro kami. Magsisimula kaming muli.
Mag-aanim na taon na ang Bunso namin. Awa ng Diyos, ni ha ni ho ni anino niya di ko na nakita. May social media naman sana pero nakablock na pala ako nang matagal sa kanya. Pinadalhan ako ng picture ng Tito niyang nandoon na kasama niya noon doon, kahawak kamay niya ang ipinakikilala niyang asawa niya."
Praktisado ko na ang isasalaysay kong ito sa korte. Masasabi ko na ang lahat ng sama ng loob ko. Maipamumukha ko sa kanya na kaya kong wala siya. Kaya namin ng mga Anak niya na wala ang presensya niya. Malungkot at napakamahirap ngunit tatayo ako para sa aking mga Anak. Ganito pala ang maging ina, sakripisyo sa loob ng sakripisyo.
Sa kabilang banda, masaya ako dahil tuluyan nang makakalaya. Mas masakit sa pisikal ang abusong-emosyunal ngunit totoo na hindi ka dapat magiging biktima. Matutong lumaban hindi para sa sarili kundi para sa mga taong umaasa at nagmamahal saiyo.