Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Papunta pabalik
parang along nasasabik
Dumadampi sa dalampasigan
Pinaaalalala ang nakaraan
Papunta pabalik
parang along nasasabik
Mga bagay na abot kamay
bigla ding mawawalay
Papunta pabalik
parang along nasasabik
Ilang beses mang iiwan
Pilit pa ring babalikan
Papunta pabalik
parang along nasasabik
May maliliit, may malalaki
Ngunit di na sila gaya ng dati.
Kapag tulog na ang lahat—
saka mo ako gisingin,
saka ka sa akin maglambing.
Yakapin mo akong muli,
ikulong mo sa pagitan ng iyong mga bisig;
paulanan mo ako ng halik hanggang sa malunod.
Sa kinabukasan na ako aahon
iyong ako na lang ulit ang mulat,
dahil kapag tulog na ang lahat—
alaala mo naman ang gising.
I.
Malas lang talaga kung malas
nung yung papel ko ay matapat
sa mapanggulat sa gunitang bagsak
ng gunting, na kamao, ng kalaban
na mistulang gumupit,
at saka naman gumulanit,
sa aking balat hanggang
laman. Lamang sa lamang
lamang ang dahilan
ng sunod na asaran.
II.
Bata pa lamang tayo
alam na nating mabilis ang pag—
hiwa sa mga bagay na sobrang lambot.
Gaya na lamang ng tissue o ng gasa
na palagi ni Nurse hinihiwa,
ng gunting naman na hinasa,
at saka ilalapat sa balat na may sugat
matapos ang pikunan. Dito natin sabay na natutunan
na napupunit ang gasa ng hinasa, at kadalasan ay
Sugatan ang nagrambol na
Sagutan.
III.
Kaya pala yung Pinas, sabi mo sa’kin
(isang araw, habang may class;
isang araw habang Makabayan)
iniwang sugatan ng mga Kano.
Natalo lang pala sa bato-bato pik.
Papel na pinunit kamo ang mga puno
ng gunting na Hare-Hawes Cutting.
Malas lang talaga kung malas
na yung papel natin ay matapat,
sapagkat,
kahit paulit-ulit pang ulit-ulitin,
o paikot-ikot pang ikut-ikutin:
dapat nalaman na natin
na natatalo ng gunting ang papel
at palagiang napupunit ang gasa
ng mga hinasa.
Ang gasang. Hinahasa.
Binabali ng balisa.
Gahasa.
IV.
Dapat pala kamo,
nagmatigas na bato na lang tayo.
Kuyom ang kamay,
taas-kamao.
Bato!
(sa matamis na simulang wala na pa lang karugtong)
Nakakatawa,
Pero minsan akong naniwala na sinusundan ako ng buwan.
Sa kabila ng pagkutitap ng mga bituin, at ng bihirang pagdaan ng mga bulalakaw, mariin ko pa ring kinumbinse ang sarili na sa akin nakatitig ang buwan—ang kahit anong bersyon o piraso nito.
Naging masugid akong tagahanga ng unti-unti nitong nitong pagkabuo, at maging
ng unti-unti nitong pagkawala.
Hindi ko pinansin ang pagkindat ng mga bituin. Isinantabi ko ang libu-libong hiling na handing tuparin ng mga bulalakaw.
Nakakatawa, dahil sadyang tuso ang kalawakan.
Kung Kelan Sigurado Na
Ang Siguro, Papagurin Ka
Nito.
Gaya ng kung paano niya pinapagod sa pag-inog ang mundo.
At sabay tayong napagod. Sabay tayong huminto.
Noon, habang humahalakhak ang buong uniberso, napagtanto ko ang totoo.
Ang buwan na mistulang sinusundan ako;
Ang buwan na tinitingala ko nang husto;
Ang Buwan Na Handa
Ko Na
Sanang Sagutin Ng Oo…
Hindi lang pala ako ang gusto.
Hindi lang pala ako ang pinagsisilbihang mundo
Yakag-yakag ninyong mag-ina
Ang hinugasang sako ng semento
Magkasamang binabagtas
Ang pilapil na sing-init ng aspalto
Nakatapak. Niyayakap ng nisnising sambra
ang inyong maninipis at malulutong na braso
Sukbit sa likuran ng lumang jogging pants,
Ang lingkaw na may kapurulan.
Sabay na hinahawi ang mga pasyok at ginikan
Nagbabakasakaling may naiwan
Ang kahel na halimaw*
Na pumatay sa inyong hanapbuhay.
*Halimaw kung tagurian ng mga manggagawang bukid ang modernong reaper-harvester machine na kumitil sa kanilang hanapbuhay
Ginatan-aw ta ka nga nagasaot
Sa sulod sang bailehan.
Ganilagsanay ang mga suga
Nga may nagakalain-lain nga kolor sa imo nawong,
Sa imo nga bibig, sa imo nga mata.
Nagakinurit-kurit ang balangaw sa imo nga lawas
Bisan kagab-ihon ang kolor sang kalibutan.
Kahilway kaayo sang giho sang mga suga.
Wala sang bisan sin-o
Ang nagapugong sa ila mga giho.
Ginabuno ako sang kahisa.
Sadto nga oras, ginhandum ko man
Nga mangin suga sang bailehan
Nga imo lang ginapabay-an
Nga mag-dinagyang sa imo nga lawas
Sa atubangan sang mga katawohan.
Napa-piyong ako sa kasakit.
Nakit-an ko kita nga duwa
Nga nagapanago sa dulom.
Ginapanaguan ang mga suga
Kay man, nahadlok ka para sa akon.
Ang hambal mo, hindi ko kaangay sa ila
Kay masyado sa ila kasanag
Kag naga-tagiti ang ila nga init.
Basi mabulag ko kag malusaw
Kung pabay-an sila nga mag-haplas sa akon panit.
Amo ini, nga ari ako sa dulom, upod mo.
Apang pagmuklat ko,
Nagaisahanon ako diri
Sa sagwa sang bailehan.
Samtang ikaw kag ang mga suga
nagasaot gihapon
Sa atubangan sang babaye
Nga wala ginasikway
Sang matam-is nga sonata
Sang bailehan.
Uminom tayo
bago isara ang ating mga lungsod,
isang saglit na paglimot sa papalapit
na dalawang linggong pagkapiit.
Umikot
ang baso, ang ulo
nalasing ka ng serbesa, ako ng iyong mga salita.
Sa huling lagok
sinakop ng antok
ang aking harayang
pinagguhitan ng dampi
ng iyong damit sa aking balat,
pinagsidlan ng samyo
ng iyong leeg sa aking pagkakayakap
at pauwi
pinatagal ng mga unang patak ng ulan
ang aking pananatili
ngunit hindi ang iyong pag-alis
bukas
walang katiyakang
ibabalik ka ng iyong lungsod sa lungsod ko,
ng layo sa paglaya, ng laya sa paglayo,
ng alak na pumiglas
sa buhol-buhol na sikmura,
paakyat sa lalamunan, palabas sa mga labi,
patakas sa kalamnan
na tanging makaaalala sa maraming pamamaalam.
Nang magkatapat tayo
sa oras ng hapunan
at nahulog ang kutsara,
sinabi mong may darating na bisita.
Pinulot mo, at ako’y napatingin
sa makinang na kubyertos––
sa repleksyon ng
ikaw
at
ako.
Doon ko nakita na baliktad pala
ang tanaw nating dalawa.
Agad kong naihagis ang kutsilyo
ngunit hindi ito nagbuntal,
hindi gumawa ng tunog.
Kaya’t isang katok sa pinto
dali-dali mong binuksan.
Pasensya, hindi ko agad nakita––
patawad, sarili, at hanggang dito pa kita dinala
sa dulo ng gabi– nang biglang
may dumating na bisita.
Akala ko ba’y tayo lang dalawa
ang magkasama at magsasama.
Inuubos ang almusal bago lumamig ang kape.
Hinihigpitan ang kurbata bago sumikip ang mga kalye.
Tinatali ang sintas bago magbuhol ang mga pila,
Tila hinahabol ang bumubusinang umaga.
Nagmamadali na naman ang araw:
Bawal mapagal sa paggalaw,
Bawal tumigil at sumandal,
Bawal hingalin, kailangan matulin.
Hindi mapakali,
tumatapat na ang tanghali.
Buntong-hiningang malalim,
tatakip na ang nagbabadyang silim.
Sa dapit ng hapon
ikaw man ay hapo,
Kailangan pa ring buuin
ang magdamag na dapat bunuin.
Madali lang ang mga araw.
Bilang lang ang mga madaling araw.
Iuuwi ka ng estranghero sa silid na pinalilibutan ng salamin pero walang
bintana. Sa iyong mundo ito ang katumbas ng pagmamahal. Alam
mong alam niyang kahit saan ka man tumingin, hindi ka nakatingin sa
kaniya o sa inyong repleksyon. Kinakalas mo ang sinturon, ibinababa
ang pantalon, brief, na parang pinipilas ang lahat ng pagpapanggap—
isang silid ang katawan at wala ka nang ibang maibibigay. Papapasukin
mo siya at papasok siya nang dahan-dahan na parang binabalikan ang
tahanang matagal nang iniwan. Doon, madadatnan niyang muli ang
guho, maaalala niya ang nagkalat na bubog, mga pirasong hinding-hindi
na mabubuo. Pupulutin niya ang mga ito titipunin saka iaabot sa iyo
ang sugatang mga palad. Hindi kailanman masasaling ng salamin ang
inyong pagkabasag.
Patagong hinila ng katabing estranghero ang iyong kamay at isinilid ito
sa pagitan ng kaniyang mga hita na parang hindi kayo nag-iisa. Hindi
kayo nag-iisa. Sa bus, nakatanaw ang mga pasahero sa lungsod
samantalang binabantayan mo ang kanilang bawat galaw, bawat tingin
dahil hindi nanlaban ang iyong kamay, hindi nito alam ang tama at mali
pagdating sa posibilidad ng pagmamahal kaya hinding-hindi mo na ito
maiuuwi mababawi kahit ilang ulit mang magdasal, magsalsal, ilang ulit
mang maghugas, anong higpit mang ikuyom, lagi’t lagi ka nang
dadalhin ng mga guhit sa palad sa mga kalsadang nagsasanga-sanga
pasikot-sikot at walang patutunguhan kundi kapwa estrangherong
naliligaw rin sa daan.
Ano ang silid na makapagsisilid sa kalawakan, kawalan ano ang silid na
hindi pa nakikita, pinapakita, nagpapakita at sino ang nahihimbing
doon sino ang ginigising tuwing gabi pinaliliguan sino ang hinuhubdan
sa kasinungalingan saka hahalikan tuwing mauubos ang liwanag para
matapos ang paliwanag kanino ang kaniyang kamay mata lalamunan
kanino ang kaniyang araw-araw normal moral mali pagkakamali
kasuklam-suklam kanino ang kaniyang ligtas sekswalidad sinusunod na
batas kanino ang kaniyang diyos makinarya lungsod.
Manipis ang kumot na nakalatag sa inyong katawan. Parang
pangalawang balat ang desperasyon na umaangat kasabay ng paghinga.
Mahimbing ang kaniyang tulog. Bumangon ka, ingat na ingat na parang
anumang sandali ay maaaring may mabasag. Ayaw mong magwakas
ang sakunang ito. Sa bintana, titingin sa malayo bagaman nakaharap sa
pader ng katabing gusali. Wala kang makikita diyan—hihilain niya ang
iyong kamay. At parang mabuting anghel ikaw ay tatalima,
mamumugad sa kaniyang dibdib, magtitiwala. Ligtas ang mundong
inyong malilikha.
Labas-masok ang hamog
sa kada hikab, nauunat
ang bawat kulubot sa mukha.
Katunog ng kumakaskas na karton
sa lupa—na kanyang pinagbangunan
—ang langitngit ng kahong palochina
na pinatitindig ng nakakalang na bato.
Hatak niya ang súpot ng petsay
na natagtag na at nilamog
ng mga barumbadong kuliglig
sa Divisoria. Matapos bungkusin
sa sakal ng goma, isinalansan niya
sa ibabaw ng nanlilimahid na bilaong
gula-gulanit na sa balibag ng MMDA.
Agad niyang winisikan ng tubig
galing sa baldeng ilang ulit nang
initlugan ng lamok,
maitago lang ang pagkaluoy
ng paninda sa tagal ng pagkakaimbak.
Matapos ang ritwal
ng paglalatag,
Dahan-dahang
sasambahin ng lalamunan
ang kapeng
ipinalista lamang.
Hahayaang niyang humalik
ang kanyang punit-punit na labì,
sa init na mas nauna pang nanuot
sa istayropom na baso.
Madarang man sa init ng kape
ang kanyang dila,
mas nakapapaso pa ang pangamba
sa kaniyang isip: Marahil mauuna pang
kumagat ang dilim bago pa makakagat
ang kanyang mga ngipin.
Mumunting mga bulaklak,
kalimbahing mga talulot
na pino’t tila nahihiya-hiya.
Katawa’y baging na payat,
unti-unting gumagapang
sa mga kahoy at semento.
Sila’y nagkukumpulan sa gilid,
taas, kaliwa, kanan. Saka sabay-sabay na
namumukadkad at nagbubulungan.
Ngunit sila’y hindi pinapansin,
kadalasa’y binubunot, minamata-mata
at saka tatabasin.
Dahil sila raw ay bulaklak ng kamatayan.
Lumalago sa mga sementeryo’t namumukadkad
sa mga lapida, puntod, at libingan.
Ngunit ganoon ba talaga?
ang paghamak sa mga bulaklak
na sa kakaibang lupa naipunla?
Hindi sila ang kamatayan.
Sila ang pagyabong ng mga naibaong
pag-ibig, na mula sa isang pusong maagang nabawi.
Sila ay ang mga makukulay na pangarap,
na baka’y hindi naabutang masilayan.
Sila ang bawat buhay, buto,
katawan, tinatangi, at pinapahalagahan.
At sa kanilang paglago sa gilid ng lupang
punong-puno ng naunang buhay.
Ay sila’y gagapang, mamumukadkad,
at magpapaalala na kahit sa pinaka hindi inaasahang
lugar ay may buhay na matatagpuan.
Nagtutunggali sa kalooban
ang aking mga ligalig,
mula noong pamamaalam
hanggang sa ideya ng pagbabalik.
Kasinlawak ng mga dasal
ang bigat ng pananahimik,
dumugtong na sa aking laman
ang gabí- gabí kong panaginip.
Bakit malakas itong katal
sa mga simula at wakas?
Naiimbing lamang ang ínam
at sa pagitan tumatalab?
Susulitin ko ang kagalingan—
nasa proseso itong lunas.
Ngayon ko natutuhan,
tamang paglangoy sa bagabag.