Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Gaya ng mga along
Humahaplit pabalik sa baybayin,
Rumaragasa ako sa Iyo,
Panginoon.
Ikaw ang tahanang
Laging uuwian para humapon.
Sa silong ng pag-ibig Mo'y
Naroon ang kapayapaan ko,
Naroon ang katiwasayang
Pumapayapa
Sa pagod ng araw-araw
Na pakikibaka.
Ikaw ang Piedras Platas
Na hahanap-hanapin
Ng adarnang lagalag
Sa akin.
Pamuli'y aawit ako
Sa tiwasay na pagdukal
Ng pagpapala Mo,
Sa katiwasayang
Magpapahimlay sa bawat
Makaririnig ng awit.
Bayaang ako ma'y
Mapahingalay sa lamyos
Ng nota,
Sa lambing ng Iyong tinig
Na bihira ang nakaririnig.
Pamuli'y iduyan ako
Sa Iyong bisig,
Sa kapayapaang
Pag-uuguyan
Ng aking kamalayan.
Pamuli'y ihahain ko
Ang pasasalamat,
Nalulula ako sa grasyang
Walang katulad.
Buhat ang lahat sa Iyo,
Panginoon--
Ang lakas ko,
Ang hikayat Mo,
Ang walang patid
Na pag-asang umaalab
Sa puso't kaluluwa.
Maligaw man ako
Sa paglalagalag,
Lagi akong makahahapon
Sa Iyong katiwasayang
Tahanan ko.
Mabuhay Ka, Panginoon!
Mabuhay Ka sa bawat
Himaymay ng katauhan ko
At aawitin ko ang ating
Kasaysayan
Sa mga baybayin
Ng magpakailanman.
Ay, tigibin Mo po ng lakas
Ang dibdib ko
Nang masimulan
Ang awit Mo.
Nawa'y marinig ng lahat
Ang katangi-tanging
Awit na ito.
Panginoon,
Lagi ko pong inaasam
Ang oras na ito.
Kinasasabikan ang saglit
Ng pakikipagniig sa Iyo.
Wala itong takdang oras
Bagaman laging dapit-umaga
Kung untagin Mo.
Wala akong alinlangang
Ikaw ang gumigising
At nagpapabangon sa akin.
Ikaw ang hikayat ng pluma
Upang sa Iyo'y isulat
Ang niloloob ng puso't
Kinikimkim ng isip.
Naging pangangailangan
Sa akin ito,
Inaasahan bawat pagmulat
Ng mata ko--
Iyo ang mga salitang
Iginagawad sa dibdib
Upang di mawaglit
Sa isip.
Iyo ang pagkakataong
Kaloob Mo upang muli't muli'y
Mapanday ang panulat ko
Sa pag-aapuhap
Ng mga salitang akma
At mabisa.
Hindi Mo po ako
Binibigo,
Bagkus ginagabayan
Sa pagdukal ng dalisay
Na paglalarawan ng aking
Damdamin.
Ipinatutuklas Mo sa akin
Ang birtud ng bawat salita
Na parang ritwal,
Itinatatak ng dila sa daloy
Ng plumang nagtititik nito
Sa papel.
Salamat po sa banal
Na pagkakataong ito:
Nagkakaisa ang katawan,
Isip, puso ko't kaluluwa.
Nagkakatiyap ang lakas Mo't
Pag-aasam kong maabot Ka.
Ito ang banal na saglit
Ng pag-iisampuso't isip--
Sumasaakin ang Iyong
Pagpapala samantalang
Sumasaiyo ang aking
Walang hanggang tiwala.
Handa na po akong muling
Lumusong sa bagong
Maghapon.
Nangangako ang araw
Ng bagong hamon,
Tumatalima po ako
Sa bagong pagkakataon.
Purihin Ka, O Panginoon!
Panginoon,
Batid kong gaya ng iba,
Nakaukit ang ngalan ko
Sa palad Mo.
Kami'y natatangi
Para sa Iyo.
Gayunman, kadalasang
Hindi namin ito
Natatanto.
Alisaga ang puso at isip
Sa mga tawag ng pag,-iral,
Sa mga samo
Ng pangangailangan.
At, nabubulag tila
Ang paningin,
Naliligaw ng daan.
Sa halip na manalunton
Sa liwanag ng Iyong
Pagmamahal,
Nahahaling
Sa mga panandalian
At pansamantala.
Panginoon, turuan Mo po
Kaming maging matibay
At matatag.
Huwag Mo pong hayaang
Mapahiwalay kami
Sa kawang pinapastol Mo.
Alam ko pong isa man
Sa amin mawalay,
Hahanapin Mo
Pagsapit ng takdang uwian,
Ngunit hindi po sana kami
Maging abala
Upang maganap nang
Walang likat
Ang mga gampaning
Itinakda.
Panginoon, walang
Pagmamahal na katulad
Ng sa Iyo--
Ikaw ay magulang, kapatid,
Anak, kaibigan, guro't
Katapatang-puso.
Tiyak na kong hindi Mo
Kami pabayaan.
Singwagas ng pagpapalang
Inihahain Mo araw-araw
Ang pag-ibig Mong
Aming timbulan.
Nasa Iyo ang lahat
Ng aming pagpupuri't
Pasasalamat.
Nasa mga kamay Mo
Ang aming ngayon
At bukas.
Ay, kaypalad naming lahat!
Maayong maghapon nawa'y
Malasap nating lahat.
Nakamamanghang pagmasdan
ang mahinhing paghalik ng iyong daliri
Sa mga teklado
habang binubuhay
Ang obra ng mga dakilang yumao.
Sinumpaan mong panata
Ang pagpapaawit sa piyano.
Hapon mo’y di mabubuo
At tila magluluksa sa tabi
Ang mga masugid
na tagahangang rebulto.
Hanggang sa sinabayan mo
ang pagpilas ng panahon.
Nagretiro ang piyano
Ngayo’y isang antique
Na lamang at adorno.
Hapon man nami’y
nanahimik.
Sa puso’y patuloy
na tumutugtog
ang iyong himig.
Ha atubangan hit Pasipiko
nga gindara han mga binaya,
ha katedral han Nuestra Señora de la Natividad
nga binisita han mga nagpabilin
kita pagkita
hit imo pagbalik.
Harayo
ha linilikayan nga pag-inusahan
nga inihaw-as ha mga kakawangan hit Dolores,
Can-avid, Taft, Sulat, ngan San Julian,
ha bagahe han kasubò
nga hinulog ha tulay han Sabang,
ha panapuan nga kahubya
nga pina-ud ha luma nga pininturahan nga purtahan.
Kabisaduha it pagkakasusrunod
para gumaàn an dara
paggawas ha sarakyan,
pagsagka ha hagdanan.
Akon paglikay,
pauuswagon ta ika
bisan diri man gud
ini nga bungto it imo puruy-anan.
Sa tapat ng Pasipiko
na dinala ng mga umalis,
sa katedral ng Nuestra Señora de la Natividad
na dinalaw ng mga nanatili,
tayo magkita
sa pagbalik mo.
Malayo
sa tinatakasang pag-iisa
na binaba sa mga sukal ng Dolores,
Can-avid, Taft, Sulat, at San Julian,
sa bagahe ng lungkot
na hinulog sa tulay ng Sabang,
sa pasalúbong na bagot
na hinarang sa lumang pintang pintuan.
Kabisahin ang pagkakasunod-sunod
nang gumaan ang dala
palabas sa saksakyan,
paakyat sa hagdan.
Aking pagtakas,
patutuluyin kita
kahit hindi naman talaga
itong lungsod ang iyong tahanan.
usa nga haluag nga espasyo
it gintatag-iyahan hit uran
ha bungto hit akon mga hinumdom
nga inamkon han mga istraktura hit paghulat
salit agsob ak maglalakaton
ha iya dalan nga mag-usahan
nga sugad hin akon ngatanan an mga iton
samtang gintuturoy ko an dampòg
nga uuliàn ko ha ira
isang malawak na espasyo
ang pagmamay-ari ng ulan
sa lungsod ng aking mga alaala
na inangkin ang mga gusali ng paghihintay
kaya madalas kong lakarin
ang lansangan nito nang mag-isa
na parang akin lang ang lahat ng mga iyon
habang hinahanap ko ang ulap
na pagsasaulian ko sa kanila
I.
tinanong ng bulaklak ang paruparo
“sino ang pintor sa likod ng iyong mga pakpak?”
“paanong hindi mo alam?’
pagtataka ng paruparo
ang sabi nila,
ikaw ang nakataling ako
ako ang malaying ikaw
tumugon ang bulaklak:
“kilala ko ang kariktan, ngunit hindi ako
panatiko ng sining”
II.
Hindi pumayag ang batang
babae na siya lang ang may
dungis sa mukha nang
madapa sila sa putikan.
Kaya agad niyang dinakot ang basang
lupa at ipinahid sa mukha ng kalarong
batang lalaki
Hindi nagpatalo ang batang lalaki, kaya
dumakot rin ito, gumanti ng pahid.
Nagpalitan sila kabi-kabila hanggang
maging amusin ang kanilang mga mukha
hanggang sa hindi na nila makilala
ang isa’t isa.
III.
noong tanungin ng bulaklak ang paruparo:
“Bakit ako?”
ay wala siyang ibang naisagot
kundi ang pamagat ng aklat
at numero ng pahina
kung saan niya natagpuan
ang mga natutuyong
talulot
sa hardin ng mga salita.
Ang kapung-aw nga dulot
Sang aton pagbulaganay,
Palangga, kaangay sang
Kadulom nga nagataklob
Sa kalibutan kon mag-abot
Ang kagab-ihon. Nagasugod
Sa kasisidmon, amat-amat
Nga nagakamang sing dayon,
Gani dumdom mo, matun-an
Nimo ini nga maanadan.
Tubtob makibot ka na lang
Sa imo ulihi nga pagpamisok,
Atubangon ka sang kawalan.
Puoton ka sang kadalman
Sang hunahuna kasingkasing
Kalag. Kag mabuhinan lang
Ang kalangkag nga ginabatyag
Sa paghangop nga sa pila ka tion,
Masid-ing ang siwalo sang adlaw
Sa liwat naton nga paghirupay.
Liwat nga managupsop sa panit
Ang hapulas sang imo kasanag.
Ang kapung-aw na dulot
Ng ating paghihiwalay,
Palangga, ay katulad ng
Kadilimang lumulukob
Sa kalibutan pagsapit
Ng gabi. Nagsisimula
Sa takipsilim, dahan-daha’t
Patuloy na gumagapang,
Kaya akala mo, maaaral
Mo itong makasanayan.
Hanggang magugulat ka na lang
Sa iyong huling pagkurap,
Haharapin ka ng kawalan.
Lulunurin ka ng lalim
Ng iyong isip kasingkasing
Kaluluwa. At gagaan lang
Ang bagabag na nadarama
Sa pag-unawang pagdating ng panahon,
Sisilip ang sikat ng araw
Sa muli nating pagniniig.
Muling mananalaytay sa balat
Ang lamyos ng iyong liwanag.
Kapung-aw – salita sa mga wikang Hiligaynon at Cebuano na ang kahulugan ay kalungkutan o lumbay.
Kasingkasing - salita sa mga wikang Hiligaynon at Cebuano na ang kahulugan ay puso
Kalibutan - salita sa mga wikang Hiligaynon at Cebuano na ang kahulugan ay mundo, daigdig, o santinakpan.
Kon magsiling gani ang amô
Nga magapahuway na sya,
Dira na man sina masugod
Ang sirom-sirom sa pagkanta.
Ang ambahanon sang sirom-sirom,
Ay ahay, puno gid sang kalisod
Para sa isa ka iloy nga namatyan
Dira sa ubos, sa tiilan sang bacolod.
Daw ginasiling sining ambahanon:
Linibo nga ginikanan ang nadulaan.
Apang sa matuod, ang pagbakho
May ginatago man nga kurdam.
Kay sa pag-abot sang kasisidmon,
Nagasugod lagaw ang ido buang
Amo ini ang nagdala katalagman
Sa bata nga subong ginatangisan.
Ay, ahay. Ay, ahay.
Kon magsiling gani ang amô
Nga magapahuway na sya,
Dira na man sina masugod
Ang sirom-sirom sa pagkanta.
‘Pag sinabi ng unggoy
Na gusto na nitong magpahinga,
Saka na rin magsisimula
Ang sirom-sirom sa pagkanta.
Ang ambahanon ng sirom-sirom,
Ay ahay, puno ng kalungkutan
Para sa isang iloy na namatayan
Sa paanan ng dalisdis, d’yan sa unhan, .
Tila sinasabi nitong ambahanon:
Libo-libong ginikanan ang nawalan.
Ngunit ang totoo, ang pighati’y
May itinatago ring alinlangan.
Dahil sa pagssapit ng takipsilim,
Asong ulo’y magsisimulang mamasyal
Ito’ng nagdala ng kapahamakan
Sa batang ngayon ay tinatangisan.
Ay, ahay. Ay, ahay.
‘Pag sinabi ng unggoy
Na gusto na nitong magpahinga,
Saka na rin magsisimula
Ang sirom-sirom sa pagkanta.
Ambahanon - salita sa mga wikang Hiligaynon at Cebuano na ang kahulugan ay kanta.
Sirom-sirom - salita sa wikang Hiligaynon na ang kahulugan ay kuliglig.
Ginikanan - salita sa mga wikang Hiligaynon at Cebuano na ang kahulugan ay magulang.