Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Singkuwenta
“Fifty is the youth of old age.” – Victor Hugo
Nagdiwang ako ng aking ikalimampung kaarawan noong Hunyo. Kalahati na ito ng daangtaon at nagsimula na ang aking paghahanda sa mas payak, tahimik, at maginhawang pamumuhay sa napiling pook at mga makakasama sa buhay.
Pinaghandaan ko ito dahil alam kong bilang guro at manunulat na wala namang aasahan sa panlipunang kapakinabangan mula sa pamahalaan. Sasapit ito at kaakibat ng biyaya ng kaarawan ang napakaraming kahingian at pangangailangan. Ito nga ang palaging bilin ng aking magulang, "Paghandaan mo ang iyong pagtanda. Malamang na wala na kami kapag ikaw ay nagpasyang mag-asawa at magretiro." Naganap nga ito sa maagang bahagi pa ng aking aapanapuing taong gulang. Hindi natupad ang hiling nila na ako ay magkaroon ng sariling pamilya na aking itataguyod at posibleng maging tagapangalaga ko sa aking pagtanda. Pero sa prinsipyo ko, hindi kailan man kakailanganin ng asawa at anak para mag-alaga ng sino man sa kanyang pagtanda. Lumaki akong mandirigma at mamamatay akong nakikidigma sa buhay.
Gayon pa man, may ilang pagninilay ako sa limang dekada ng aking buhay na maaaring naging pundasyon ng kung ano ang aking narating at estado sa buhay. Ito ay mga karanasan na dapat kong mabanggit at nanaisin o hindi na mamarapatin pang maulit.
Noong unang dekada ko sa mundo, nagkamalay ako sa isang simpleng pamilya. Kasama ako sa henerasyon ng mga Martial Law babies. May alaala ako sa munting bakuran ng aking lola at lolo sa Valenzuela hanggang sa makalipat kami sa sariling tahanan sa kabilang baryo. Apat o limang taong gulang ako noon. Pinaghirapang itayo ito ng aking mga magulang. Natatandaan ko kung paaano nila hinawan ang mga talahib, amorseko, makahiya, at baging sa isang napakalawak na bakuran. Napagtiyagaan nilang maitayo ang bahay na may dalawang pintong paupahan. Naalala ko kung papaano sila naging kabahagi ng pagbubuo ng aming magiging tahanan. Dito ko rin natagpuan ang aking sarili na malayo sa kaibigan at napaliligiran ng mahigpit na pag-aaruga ng aking ina. Kasama ko sa maghapon ang lupa, kaibigan ang mga puno, kakuwentuhan ang mga bulaklak, at kalaro ang mga migratoryong ibon, pati na ang mga kambing, gansa, at mga aso na aming inalagaan. May alaala ako ng pamimitas ng mga bungang kalyos, bignay, kamiyas, duhat, kaimito, kamatsile, at mangga sa aming bakuran. Doon ko napahalagahan ang pagmamahal sa kalikasan, bagaman sa lugar ding ito ko naranasan ang bangis nito. Patuloy na tumataas at dumadalas ang pagtaas ng tubig sanhi ng bagyo, heograpikal na lokasyon, at ang mapurol na plano sa lagusan ng tubig. Sa unang dekada ko naranasang matuwa nang tumaas at abutin ang aming bahay ng baha. Palibhasa'y bagong karanasan na pagtatampisaw sa loob ng bahay ay nakatutuwa para sa akin ang dalawin ng hanggang bukong-bukong na tubig ulan. Bagaman, lalong tumaas ito hanggang sa subukin na ang aming katatagan ni Ondoy. Pinaiyak ako ni Ondoy. Marami ang kanyang sinalakay na aklat, larawan, at kagamitan. Naikuwento ko ito sa sanaysay na Ang Biyaya at Sumpa ng Tubig na aking nailathala sa ANI 36, Disaster and Survival.
Sa unang dekada ng aking buhay, doon ko namalayan ang pagmamahal sa salita. Hindi ako nagkinder. Ayoko. Kasi nga, sapat na sa akin ang mga kaibigan ko sa aming bakuran at wala akong konsepto ng pag-aaral o pagkakaroon ng kalaro. Natuto akong bumasa at magbilang sa telebisyon gaya ng aking naikuwento sa aking lektura ukol sa imahinasyon. Napagkalooban ako munting pisara at tsok ng aking magulang at doon ako unang makakilala ng mga titik. Kaya naman nang mapilitan akong pumasok sa unang baytang, nakababasa na ako dahil sa hilig ko sa komiks at magasin na madalas iuwi ng aking kapatid at ina. Alam ko na noon ang maraming salitang Tagalog. Tagalog talaga dahil ito ang wika ng makata kong ina at mahusay sa Balagtasan at premyado sa kundiman. Samantalang naging malay ako sa wikang Ingles dahil sa mga babasahing Asia Week at Reader's Digest ng aking ama. Natatandaan ko, tinangka ko pang magsulat noon ng kuwento sa isang manipins na composition notebook na may linyang asul-pula-asul bilang gabay sa maayos na pagsusulat. Kaya naman, ilang ulit akong napiling lumahok sa patimpalak sa pagtula at pamamahayagan sa elementarya.
“We don’t stop playing because we grow old; we grow old because we stop playing.” — George Bernard Shaw
Ikalawang dekada nang magbago ang aking kapaligiran at sistema sa pag-aaral. Nagtapos ako ng elementarya sa pampublikong paaralan at sa pribadong Katolikong paaralan ako nagtapos ng hayskul. Nahirapan ako sa unang taon ko lalo't napakraming dasal sa Ingles at Filipino ang dapat sauluhin. Nagsimula ang aking hilig sa panitikan noong hasykul. Nakabasa ako ng ilang kuwento, tula, at sanaysay, lalo't ito ay bahagi ng aming aralin sa asignatura sa wikang Filipino at Ingles. Nakahiligan ko ang kahingiang klasikong Ibong Adarna, Florante at Laura, ang dalawang nobela ni Rizal, ang mga kuwentong bayan, at mga kuwento at panulaan ng mga prominenteng kuwentista at makata. Binasa ko at nagbukas ang mga ito ng kakaibang hilig at gana sa panitikan. Natatandaan ko pa kung paano ako naging kalahok sa mga patimpalak at gawain sa pagbigkas ng tula, pagkukuwento, at panitikan. Sa ikalawang dekada ko rin nakatagpong muli ang pagiging patnugot sa Marian Gazette, ang opisyal na newsletter ng aming paaralan. Ang totoo, paborito kong guro sa Literature at Journalism ang tagapayo ng newsletter at may nais din akong maging kaibigan at mapalapit sa mga patnugot nito. May ilang alaala pa nga rin akong naikuwento sa aking sanaysay na Ang Batang Madonna: Mga Alaala ng Isang Marian sa/ng Meycauayan na nakabilang sa antolohiyang hayskul.
Nagtapos ako ng hayskul at nalito kung aling pamantasan ang aking papasukan sa kolehiyo. Nalilito ako sa kursong dapat kong harapin. Malabo pa ang direksyon ko noon. Malakas ang puwersa na kunin ko ang kursong kaugnay ng agham patungo sa pinapangarap na medisina, bagaman, nanaig sa akin ang panitikan. Pinili kong mag-aral sa ilalim ng mga Dominikano kahit na wala akong planong kurso sa loob ng Faculty of Arts and Letters, minarapat kong doon na muna magpalipas ng unang dalawang taon sa kolehiyo at saka na lamang lumipat ng kurso o paaralan. Napamahal sa akin ang kolehiyong may patrong Saint Thomas More na kilala sa kanyang kahusayan sa wika, musika at panitikan. Baka ito rin ang nagpakilala sa aking magiging ina sa panitikan, si Dr. Ophelia Dimalanta, ang noon ay dekana ng kolehiyo. Natatandaan ko ang sinabi niya sa akin noong panahon na kailangan ko nang pumili ng major sa kolehiyo at panahon na rin kung dapat kong lisanin ang pamantasan ang humanap ng mas angkop sa akin.
"Nonon, narito ka na sa kolehiyo na magpapakilala sa iyo at maghahatid sa kung saan ka narararapat. Be part of my children of writers and be one of our Thomasian Filipino writers."
Karangalan ang mapabilang sa kanyang mga anak-anakan sa panitikan at malikhaing pagsulat bagaman mahirap ang makilalang nasa loob ka ng kanyang pangangalaga at gabay dahil sa mga inaasahang disiplina at kahusayan. Kaya naman, AB Literature ang napili ko. Naging hamon sa akin ang tangkaing maging manunulat sa isa sa pinakakilalang pahayagang pangkampus sa bansa, The Varsitarian. Ang totoo, may personal din akong dahilan para subukang maging bahagi ng prestihiyoso at opisyal na pahayagan ng UST. Nais ko ring maging malapit sa tagapayo nito na noon ay aking propesor sa Economics. At sa panahon ito ng ikalawang dekada ng aking buhay natagpuan ang aking sarili na regular na nakapagpapathala at bahagi ng patnugutan ng The Flame, ang opisyal literary journal ng Arts and Letters, ang pagiging aktibo sa Thomasian Writers Guild (TWG) na mas nagpanariwa ng panitikan at malikhaing pagsulat, at ang pagdalo sa mga pambasang palihan. Lumawak ang aking network ng mga kaibigang manunulat sa panahong ito. Ninais kong makatapos ng kolehiyo at makapagtrabaho na patungo sa susunod na dekada.
Sa ikatlong dekada ng aking buhay ay mas nakapokus na ako ngunit may kinaharap ko pa rin ang ilang desisyon. Ilang taon din akong naging kasapi ng Teatro Tomasino kung saan ko nakilala ang mga kasama sa industriya ng pelikula at telebisyon. Seryoso ako na magiging bahagi ng pamemelikula o produksyong pantelebisyon. Nabigyan ng pagkakataong makasama ng ilang direktor at manunulat habang lakas-loob kong itinuloy ang aking pag-aaral ng pagdadalubhasa sa programang Master of Fine Arts in Creative Writing sa De La Salle University. Peligroso ang pagsasabay ng pag-aaral ng masterado at ang pangangahas ko sa pamemelikula at telebisyon. Nalilito ako kung alin ang bibigyan ng tuon. Nahihiya akong manamlay sa klase nina Dr. Cirilo Bautista, Dr. Isagani Cruz, Dr. Marjorie Evasco, Dr. Buenaventura Medina at marami pang iba. Natatakot akong mawala ang tiwala sa akin ng aking mga kinikilalang manunulat at direktor na kasama sa produksyon. Tiniis ko ito.
Isang hapon, ilang araw matapos akong mag-ulat at magbigay ng talakay sa mga klasikong Europeong akda sa kursong Literary Masterpieces sa ilalim ni Dr. Teresita Erestain, kanya akong kinausap at inimbitahang magturo sa University of the East. Doon ko natimbang ang pagtuturo at pagsusulat na mas mabigat, mahalaga at angkop kaysa sa gawaing pamproduksyon. Nagtuloy ang aking pagtuturo sa kolehiyo at nagbukas pa ang Unibersidad ng Santo Tomas at Pamantasang De La Salle. Sa ikatlong dekada ko mas nakilala at napalapit sa aming Papang na CFB. Kung hindi kilala ang initials na ito, malamang na kulang sa babasahin at pamilyar sa pangunahing manunulat ng bansa. Doon ko rin naalala ang kanyang bilin.
"Nonon, simulan mong magsulat ng nobela. May dalawa ka nang aklat ng maikling kuwento. Hihintayin ko ang nobela mo." Nakalulungkot man na hindi ko pa nailathala ang nobela hanggang sa kanyang pagpanaw. Sisikapin ko pa rin.
Sa ikatlo dekada rin ang aking buhay ako naging abala sa mga gawain sa akademya, lalo na nang ipinagkaloob sa akin ang pagkakataong pumirmi na rito bilang full time faculty. Natatandaan ko pa ang makailang paglundag ko sa ilang ranggo ng promosyon dahil sa aking mga publikasyon at proyekto sa loob at labas ng pamantasan. Naging abala ako sa pagdalo sa mga kumperensya at pagsulat ng mga maiikling kuwento at sanaysay. Dito ko namarkahan ang hangganan ng pagtuturo, pagsusulat, at ang malasakit sa aking magulang. Sa panahong ito ko pinasan ang pagmamalasakit sa magulang at mga ari-arian. Unti-unti kong napagtuunan ang halaga ng pagpupundar kasabay na patuloy na pagsusumikap na maitaguyod ang sarili at ang aking magulang. Naikuwento ko ang relasyon ko sa aking mga magulang sa sanaysay na Ang Paraiso nina Erning, Fely, at Nonong na nakasama sa antolohiyang Aruga. Hindi perpekto ang aming pamumuhay bagama't may iniwan itong aral at serye ng karanasan na nagpatibay at nagbigay sa akin ng mas malawak na pag-unawa.
“Wisdom comes with winters.”— Oscar Wilde
Sa aking ikatlo at ikaapat na dekada, pinagsikapan ko ang patuloy na pagpapalathala ng mga sanaysay, maikling kuwento, tula at ilang saliksik sa mga antolohiya at journal. Naging isang panibagong laro sa akin ang pag-angat ko sa pagiging Lecturer, Assistant Professor, Associate Professor, hanggang sa pinahigpit na Full Professor. Pero naroroon pa rin ang aking kalungkutan na makilala ang mga taong nagpapakitid at nagkakait ng pagkakataong makapag-ambag sa pamantasan. Ito naman kasi ay karaniwan kahit pa saang kumpanya o pamantasan. Nauunawaan kong may pintong isasara ang ilan kahit pa hawak na natin ang dahilan para makapasok at maging kabilang sa silid. Mas nakilala ko sila at pinili kong layuan. Ito yata ang sintomas na pagiging banayad at mahinahon sa pagtanda.
Sa ikaapat na dekada naganap ang paglipat ng aking pokus patungo sa paghahanap ng mga mas nangangailangan ng aking tuon at tulong. Naging abala ako sa pagbubuo ng mga bagay, mga inobasyon, at mga produktibong gawain. Naging abala ako sa pagtatatag at pagiging kaisa sa organisasyon at naging aktibo sa gawaing kaugnay ng wika at kultura. Naisagawa ko ang ilang proyekto para sa pagbubuo ng isang koro na may mga kaakibat na proyekto gaya ng seryeng Choral@turo at ang pagbubuo ng programang pangwika at kultura sa Europa na kilala sa Manunggul Jar Project. Nakatulong din sa pagtatatag ng samahan ng manunulat at palihan sa Lungsod ng Valenzuela at naisulong ang mga pandepartamentong gawain na kaakibat ng pagkatha noong ako ay naging tagapangulo ng Departamento ng Filipino. Nasaksihan ko ang napakaraming pagbabago at nakasama ang maraming kaguro at manunulat na bahagi ng kung ano ako ngayon. Naikuwento ko ang alaala ng aking pagiging Lasalyanong guro sa introduksyon ng aklat na aking pinamatnugutan, ang Kaming Mga Lasalyanong Guro, Mga Tinig mula sa 2401 Taft Avenue.
At sa hindi ko inaasahang pagkakataon sa dekadang ito, narinig din naman ng Maykapal ang aking panalangin. Napagkalooban niya ako ng aking mga hinihiling: ang magkaroon ng tahanang magiging sentro ng aking buhay, isang anak (anakan) kahit sa panulat na aking pagbubuhusan ng panahon at aakuing bilang akin, at isang makakasama hanggang sa takipsilim ng aking buhay. Hindi nagkait ang Panginoon at higit pa ang kanyang ipinagkaloob sa aking inaasahan.
Mapalad akong nakapagdiwang ng aking ikalimampung kaarawan. Napakaraming dapat ipagpasalamat. Itinawid ako ng uniberso patungo sa edad na ito matapos ang tatlong taong pananahimik, pagdurusa, at pagkabagabag sa panahon ng pandemya.
Kabalintunaan na sa ikaapat kong dekada nabuo ang napakaraming proyekto kahit pa pinaglayo-layo tayo ng pook at pananahimik. Naging abala ako sa loob ng pamamahay upang buuin ang Luntian, Online Journal para sa malikhaing akda ng mga guro at gradwadong mag-aaral. Labis ang aking pasasalamat sa mga kasamang patnugot at lupon ng rebyuwer. At ngayon, naging isa ito sa pangunahing lunsaran ng akda sa bansa. Doon ko rin nabuo ang Palihan at Lektura ng Unang Malikhaing Akda (PLUMA) para sa mga nangagsisimulang manunulat sa loob at labas ng pamantasan na ipinagpapatuloy ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle, kasabay ng palihang akin ding pinasimulan, ang Akdaan para sa mga manunulat sa pamantasan. Karangalan at kasiyahan kong malaman na may mga akdang nailathala at mga manunulat na nagpatuloy bunga ng pakikibahagi sa dalawang programang ito. Inilaan ko rin ang aking tahanan bilang Bahay Katha ng Bulakan, Bulacan para sa pagsasanay at pagbibigay-gabay sa mga bagong manunulat. Nakikinita ko ang sarili at ang mga kasamahan na magiging kabahagi sa pag-aaruga pa ng mga bagong sibol na manunulat.
At ngayon nga'y nasa ikalimang dekada na ako ng pamamalagi sa mundo. May mga nais pang maisagawa, ngunit napapangiti na sa mga biyaya at pagpapalang tinatamasa. Pihong may pagkukulang ako, maaaring may hindi naisagawa, o sadyang nakaligtaan at kinapos sa kakayahan, subalit pinipilit kong punan ito. Itinutuloy ko pa rin ang panata sa pagsusulat at pagbibigay ng gabay sa kabataan, at pakikibahagi sa pamantasan at pamayanan.
Limang dekada. Kalahating daantaon. Ginintuang gulang. Narating ko na ang edad ng pakikitagpo sa prinsipyo ng katinuan ng sarili at kamalayan sa pakikipagkapuwa. Ito ang ilan sa aking pagninilay sa limampung taon kong pag-iral sa mundo, at nagpapatuloy.
“The years between fifty and seventy are the hardest. You are always being asked to do things, and yet you are not decrepit enough to turn them down.” - T S Eliot
"Sa Pagitan ng Milyang Alinlangan”: Ilang Tala sa Panahon ng Eksasperasyon
Sa gitna ng balitang biglaang pagtapos ng Kongreso (sa pagpapasimuno ng anak ng presidente – si Rep. Sandro Marcos) sa deliberasyon hinggil sa kontrobersyal na badyet na may 500 milyong pisong confidential funds (sa esensya ay pondong di malalaman ng publiko kung saan ginastos) ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo para makaiwas sa mga tanong ng mga progresibong kinatawan ng partylist sa Kongreso (sina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, tatlo sa mabibilang sa daliring mga tunay na kinatawan ng mga mamamayan sa Batasang Pambansa na lungga ng mga “tongresista” at “representathieves” sa kaisipan ng maraming matagal nang namumuhi sa huwad na demokrasyang pinangingibabawan ng mga korap at ganid sa kapangyarihang mga dinastiya), balintunang estadistika ng kakulangan sa silid-aralan ng mga publikong paaralan na umabot na sa 159,000 na nangangailangan ng 397 bilyong piso para maipatayo, at kagulat-gulat na 10.14 bilyong pisong kabuuang confidential at intelligence funds na hinihingi ng ikalawang administrasyong Marcos, bigla kong naalala ang pamagat ng plano naming koleksyon ng mga tula ng aming kabataan na pinamagatang “Sa Pagitan ng Milyang Alinlangan.” Sinimulan naming buuin ang nasabing bilinggwal na antolohiya mga ilang taon na ang nakararaan noong kami’y bahagi pa sektor ng kabataan alinsunod sa depenisyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Natapos namin ang borador ng nasabing koleksyon, pati nga ang layout at artworks. Gayunman, inabutan na kami ng libu-libong alinlangan sa pagdedesisyon kung ilalathala ba iyon o hindi. Intact pa ang files at anumang panahon ay maaari kaming magdesisyong ilathala iyon – ang mga tula ng aming kabataan, panahon na mas kaunti pa ang aming mga alinlangan at mas marami pang dala-dalang pag-asa kahit na laging binubugbog ng realidad.
Balik sa realidad ng siglo 21, mapatatawad kami ng madla sa hindi (muna) paglalathala ng nasabing koleksyon: ang dami pang dapat unahin sa panahong itong lalong milyon-milyon at milya-milya ang alinlangan nating lahat sa napakaraming bagay. Bayaan ninyong ibuntunghininga ko sa maikling sanaysay na ito ang ilan alinlangan ng ating panahon.
May pag-asa pa ba ang Pilipinas?
Malinaw ang sagot dito ng libu-libong Pilipinong lumilipad o nagbabarko para magtrabaho sa ibang bansa kada araw. Halimbawa, noong 2022, batay sa datos ng kabuuang deployment ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na inilabas ng Department of Migrant Workers, humigit-kumulang 2,192 Pilipino ang nangibang-bansa kada araw. Hindi kalabisang sabihing lahat sa ati’y may kapamilyang OFW. Hindi mapipilitang umalis sa ating bansa ang libu-libong Pilipino kada araw kung paraiso na ang Pilipinas o kung may nababanaag man lamang na magandang kinabukasan dito. Marami nga sa mga kababayan nating nangingibang-bansa ay itinulak palabas ng kawalan ng trabaho o kaya’y magandang oportunidad at kita dito sa ating bansa. Kahit sa mga nasa relatibong maayos-ayos na sitwasyon (gaya ng mga propesyonal), marami ang laging naghahanap ng oportunidad na matagalang magtrabaho sa ibang bansa o kaya’y doon na nga permanenteng manirahan at magtrabaho dahil napakalaki ng porsyento ng income tax para sa mga manggagawa sa Pilipinas kumpara sa mga manggagawa sa ibang bansa ngunit mas masahol ang kalidad ng buhay sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa (lalo kung ang pagkukumparahan ay mga mauunlad na bansa na may libre at maayos na sistemang pangkalusugan, komportable at pangmasang sistema ng transportasyon, mura at mas magandang pabahay at iba pa). Impyerno ang Pilipinas para sa maraming manggagawa: sobrang laki ng binabayarang buwis sa kita bukod sa buwis sa konsumo (value-added tax sa napakaraming produkto at serbisyo) pero hindi mo halos mararamdaman ang pagkakaroon ng maginhawang buhay (lalo sa mga nakaraang taon na patuloy ang mabilis na pagtaas ng bilihin pero halos hindi makahabol ang pagtaas ng sweldo, kung meron man). Mas naging mala-impyerno ang bansa nang makabalik sa kapangyarihan ang mandarambong na dinastiyang pinatalsik noong 1986. Hindi bumuti ang lagay ng Pilipinas sa kabila ng mga mataginting nilang pangako noong panahon ng kampanya. Hindi pa rin natutupad ang pangakong bente pesos per kilo ng bigas; walang makabuluhang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa; wala pa ring salary increase ang public school teachers; hindi pa rin ibinabasura o kaya’y pansamantalang ipinapatigil man lamang ang Rice Tariffication Law na nagpasadsad sa kita mga magsasaka at hindi naman nakapagpababa sa presyo ng bigas; mataas pa rin ang presyo ng kuryente; 12.5 milyong sambahayan (households) ang nagsasabing sila’y mahirap pa rin...Pero sa gitna ng lahat ng iyan, supertaas pa rin ang positibong rating ng administrasyong Marcos (tila naririnig ko sa isip ang kolektibong sigaw ng tila marami-rami pa ring loyalistang Pilipino na: “Mabuhay si Presidente Marcos! Iyak na naman ang mga Dilawan”).
Usap-usapan naming magkakaibigan na marahil, ang susunod na presidente ay Marcos na naman o Duterte na naman (na halos walang pagkakaiba kung ikokonsidera ang solidong alyansa nila batay sa pagprotekta ni Sandro Marcos sa badyet ni Sara Duterte, at batay na rin sa halos kawalan ng pagkakaiba ng kanilang mga kaalyadong politiko kaugnay ng mga isinusulong na polisiya gaya ng Maharlika Fund na wala namang pakinabang ang sambayanang Pilipino). Kaya lagi rin naming naitatanong, may pag-asa pa ba ang Pilipinas? Lagi na lang bang mga dinastiyang walang malasakit sa mga mahihirap na Pilipino ang mamumuno sa Pilipinas? Mainam basahin ito habang pinakikinggan ang “Awit sa Bayan” sa album na “Ibong Malaya” na inilabas sa kahawig ding panahong kawalan ng pag-asa. Nakaraos naman ang bansa natin sa panahong iyon. Baka naman makakaigpaw rin tayo sa kasalukuyang mga alinlangan. Harinawa! Sa mas nakababatang henerasyon, pwede na ring soundtrack sa pagbasa ng bahaging ito ang “Fight Song” ni Rachel Platten, “Take Back the Power” ng The Interrupters. Sa mga mas matandang henerasyon, sakto ang bilinggwal na bersyong Tagalog at Ilokano ng “Bayan Ko” na inawit ng Harana Kings (Felipe Alonzo, Celestino Aniel, Romeo Bergunio & Florante Aguilar).
May saysay pa ba ang pagsulat?
May nakikinig pa ba sa mga sinasabi natin? May nagbabasa pa ba ng tula ng protesta? May napupukaw pa ba ang nobelang social realist? May manggagawa pa bang may panahong magbasa ng maikling kwentong kapwa uring proletaryo ang protagonista? May bisa pa ba sa mga estudyante at guro ang mga anti-imperyalistang piyesang pansabayang pagbigkas sa panahong maraming Pilipino ang nag-aakalang ang Tsina lamang ang imperyalista at ang Estados Unidos ay dalisay na kaalyado at kaibigan (kailan kaya muling magiging popular sa mga lansangan at tahanan sa Pilipinas ang good old slogan na “Abajo los imperialistas!” o “Down with imperialists” o sa Filipino, “Ibagsak ang mga imperyalista” na mabuti’t narinig sa mainstream superhero film na “Blue Beetle” nitong 2023)?
Walang malinaw na sagot dito pero tiyak na hangga’t may tinta ay magsusulat tayo gaya ng pinatutunayan ng patuloy na pagsibol ng mga tula, kwento, sanaysay, dagli atbp. sa mga pahina ng Luntian at napakarami pang mga literary journal sa ating bansa. Kung tila man wala nang namumulat ang panulat, baka nga nagsusulat na lang din ang marami sa atin bilang kronolohiya ng ating panahon, gaya ni Pilosopong Tasio na nagsusulat para sa mga henerasyong darating – nang mabatid nilang “hindi lahat ay natulog/nahimbing sa mahabang gabi ng ating mga ninuno.” Hindi pa ako makapagdesisyon kung alin ang mas mangingibabaw sa aking panulat ngayon (nagtatagisan at naghahalo ang dalawang dahilang iyon: pagmumulat sa mga nasa kasalukuyan at pagtatala para sa hinaharap). May pangatlo pang dahilan: ang bumuntunghininga. Ang pagsulat ay pagbuntunghininga kaya kailangang magpatuloy kahit tila wala nang nagbabasa o tila wala nang napupukaw na damdamin ang ating mga salita.
Harinawang hindi ito ang panahong “sa puso ay nagmaliw na ang layon... ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon... ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong... ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol.. wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon...” Sana’y parating na ang panahong “Sisigaw” ang bayan nang “buong giting sa liyab ng libong sulo/At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!” (sipi mula sa tulang “Kung Tuyo na Ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Amado V. Hernandez).
Tila “Malayo Pa Ang Umaga” ng bansang Pilipinas (kung hihiramin at gagawing kolektibo ang awitin ni Rey Valera), pero may angkop at laging napapanahong paalala ang awiting “Oras Na” ni Coritha: “Tayo na sa liwanag/Ang takot ay nasa isip lamang/Tama na ang pag-aalinlangan...” Para sa ating mga kababayang hindi pa rin makita na walang maaasahang pagbabago hangga’t mga dinastiyang mandarambong ang pinababayaan nating magwagi sa eleksyon at napapaniwala pa rin tayo sa mga matatamis na pangakong di naman natutupad, sa gitna ng matinding paghihirap nating lahat ngayon: “Gising na bayan, tanghali na!” na mensaheng pinta sa streamer ng Kapatirang Tau Gamma Phi sa martsa sa libing ni Ninoy Aquino noong 1983, tatlong taon bago patalsikin ng sambayanang Pilipino ang dinastiyang nakabalik sa Malakanyang noong 2022. Sana’y totoo ang pangakong “Las puertas del infierno/No prevalecerán” (“Ang mga pintuan ng impyerno ay hindi makapangingibabaw”) sa bayang ito, ayon sa awiting “No Más Amor Que El Tuyo” na sinulat ni Manuel Bernabe noong1929 (popular ang bersyon ng Himig Heswita) at inawit din sa Misa ng Pasasalamat sa Luneta (dahil sa pagpapatalsik sa diktadurang Marcos) noong Marso 2, 1986 sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin, noo’y arsobispo ng Maynila. Awit ng pasasalamat sa Diyos ng Katarungan at Kasaysayan, at eksorsismo naman sa mga demonyo ang awiting iyon. Masaklap na nakabalik ang mga demonyo (at lalong dumami pa sila) at mala-impyerno lalo ang bansa. Kukumpilan tayong lahat ni Cardinal Sin kung makikita niya ang nangyari sa atin ngayon. Pero wala na siya rito ngayon. Nasa kamay at desisyon ng sambayanan kung babaguhin ang sariling kapalaran o kung magpapatianod na sa dagat-dagatang apoy ng mga mandarambong na dinastiya. Mariing sampalin nawa ng realidad ang bayan at nang magising at bumangon at magbangon na.
Mga Kaugnay na Babasahin At Iba Pa:
ABS-CBN News. (2022). Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. isusulong ang dagdag sahod sa mga manggagawa sakaling manalo. https://www.youtube.com/watch?v=EhGbqvJs-YU
Aguilar, F. (2023). Bayan Ko - Harana Kings (Felipe Alonzo, Celestino Aniel, Romeo Bergunio & Florante Aguilar). https://www.youtube.com/watch?v=hAlTEK-tSog
Begas, B. (2022). Ilista na pangako: Marcos Jr vows to raise teachers’ salaries. https://politics.com.ph/2022/03/18/ilista-na-pangako-marcos-jr-vows-to-raise-teachers-salaries/
Boksingeroko. (2011). Ibong Malaya ○ Awit Sa Bayan. https://www.youtube.com/watch?v=o1yx-YQLxVU
Cabico, G.K. (2023). SWS: 45% of Filipino families consider themselves poor, fewer than in March. Philstar. https://www.philstar.com/headlines/2023/07/23/2283231/sws-45-filipino-families-consider-themselves-poor-fewer-march#:~:text=MANILA%2C%20Philippines%20%E2%80%94%20Nearly%20half%20of,by%20the%20Social%20Weather%20Stations
Canciones de Filipinas (2023). "No Mas Amor Que El Tuyo" - Filipino Catholic Hymn [People Power Thanksgiving Mass,3/2/1986]. https://www.youtube.com/watch?v=Np3WTvN8P38
Castro, F. et al. (2022). House Bill No. 1855. https://hrep-website.s3.ap-southeast-1.amazonaws.com/legisdocs/basic_19/HB01855.pdf
CNN Philippines Staff. (2023). Marcos admin seeks ₱10.14B in confidential, intel funds for 2024. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.com/news/2023/8/3/confidential-intelligence-funds-2024-national-budget.html
Galvez, D. (2021). Bongbong Marcos favors suspending rice tariffication law if elected president. Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1524587/bongbong-marcos-favors-suspension-of-rice-tariffication-law-if-elected-president
Hellcat Records. (2015). “The Interrupters - "Take Back The Power".” https://www.youtube.com/watch?v=q7Ol-YDS4Jc
Hernandez, A. (n.d.). Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan. https://www.tagaloglang.com/kung-tuyo-na-ang-luha-mo-aking-bayan/
IMDB. (2023). Blue Beetle. https://www.imdb.com/title/tt9362930/
Inquirer. (2023). Bongbong Marcos, VP Duterte, Romualdez get high approval rating. https://newsinfo.inquirer.net/1804835/bongbong-marcos-vp-duterte-romualdez-get-high-approval-rating
Jose, A.E. (2023). Power rates up in May as generation charge rises. BusinessWorld. https://www.bworldonline.com/top-stories/2023/05/12/522408/power-rates-up-in-may-as-generation-charge-rises/
Rey, A. (2022). Marcos wants lower electricity prices, nuclear energy. Rappler. https://www.rappler.com/business/marcos-jr-wants-lower-electricity-prices-nuclear-energy/
San Juan, D.M.M. (2022). 18 Reasons Why WE OPPOSE House Bill 6398 [Position Paper on Maharlika Wealth Fund (MWF)/PH Sovereign Wealth Fund (SWF)]. https://www.researchgate.net/publication/366000387_18_Reasons_Why_WE_OPPOSE_House_Bill_6398_Position_Paper_on_Maharlika_Wealth_Fund_MWFPH_Sovereign_Wealth_Fund_SWF
______________. (2023). Senate Bill 2020 (Marcos Jr.'s "Maharlika Investment Fund Act of 2023"): Critique of the 3rd/Final Reading Copy. https://www.researchgate.net/publication/371165960_Senate_Bill_2020_Marcos_Jr's_Maharlika_Investment_Fund_Act_of_2023_Critique_of_the_3rdFinal_Reading_Copy
_______________. (2022). TAX REFORM ACT FOR THE MASSES AND THE MIDDLE CLASS (TRAMM) [Proposed Legislative Bill 2022-1]. www.researchgate.net/publication/361564380_TAX_REFORM_ACT_FOR_THE_MASSES_AND_THE_MIDDLE_CLASS_TRAMM_Proposed_Legislative_Bill_2022-1
_______________. (2022). [OPINION] The Department of Finance must stop taxing the masses and middle class more!. Rappler. https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-department-of-finance-must-stop-taxing-masses-middle-class-more/
_______________. (2023). [OPINYON] Wish sa bagong taon: Mas mababang income tax at tanggal-VAT para sa nakararami. Rappler. https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-new-year-wish-lower-income-tax-vat-all/
_______________. (2022). A Review of Rice Tariffication in the Time of COVID-19: Rationale and Road to Rice Self-Sufficiency in the Philippines. Asia-Pacific Social Science Review. https://www.dlsu.edu.ph/wp-content/uploads/pdf/research/journals/apssr/2021-December-vol21-4/5-a-review-of-rice-tariffication-in-the-time-of-covid-19-rationale-and-road-to-rice-self-sufficiency-in-the-philippines.pdf
Sarao, Z. (2023). DepEd: P397B needed to build schools and close classroom gap. Inquirer. https://newsinfo.inquirer.net/1820554/deped-says-p397-billion-needed-to-close-classroom-gap
Supreme Court En Banc. (20023). [ G.R. No. 152154. July 15, 2003 ]. https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/1/48708
UST Tau Gamma Phi. (2018). "Gising Na Bayan, Tanghali Na!" Circa 1983. Thomasian Triskelions. https://www.facebook.com/UST.TauGammaPhi/posts/gising-na-bayan-tanghali-na-circa-1983-thomasian-triskelions-thomasiantriskelion/1760251987345162/
Macasero, R. (2023). Philippine classroom shortage rises to 159,000 – DepEd. Rappler. https://www.rappler.com/nation/deped-report-classroom-shortage-school-year-2023-2024/
__________. (2023). Sandro Marcos ends OVP budget hearing before P500-M confidential fund is questioned. Rappler. www.rappler.com/nation/sandro-marcos-ends-office-vice-president-budget-heading-before-confidential-fund-questioned/
Valmonte, K. (2023). SWS: 7% of Filipino households have OFWs; 7% of Pinoys seeking work abroad. Philstar. https://www.philstar.com/headlines/2023/04/20/2260364/sws-7-filipino-households-have-ofws-7-pinoys-seeking-work-abroad#:~:text=In%20December%202022%2C%20the%20Philippine,800%2C000%20were%20deployed%20in%202022.
VERA Files. (2022). Saan aabot ang bente pesos mo? Ang pangako ni Marcos Jr., isang kilong bigas. https://verafiles.org/articles/saan-aabot-ang-bente-pesos-mo-ang-pangako-ni-marcos-jr-isang-kilong-bigas
BURNOUT
Nabigla ang lahat ng mga kaibigan at kakilala ko sa Facebook nang mag-status ako na panandaliang mawawala sa virtual space at tanging sa email lamang maaaring makontak sa mga susunod na araw. Ito kasi ang unang pagkakataon na nagpahayag ako ng ganitong sentimyento sa publiko. Malayo ito sa personang nabuo ko sa birtuwal na mundo na masiyahin, mapagbiro, at palaging positibo ang pagtingin sa buhay. Hindi ko rin inasahang darating ako sa puntong kakailanganin kong kagyat na lisanin ang espasyong ito kahit pa konektado ito sa mga gawain ko sa trabaho bilang guro at bahagi ng ilang propesyonal na organisasyon. Wala akong ideya na nakararanas na pala ako ng burnout.
Taliwas sa kaalaman ng karamihan, magkaiba ang stress at burnout. Halimbawa, maaari tayong ma-stress sa mga scalper ng concert tickets na kung makapagpatong ng presyo, akala mo wala sa Golden Age ang ekonomiya ng bansa at nasa P600 per kilo na ang bentahan ng sibuyas. Pwede rin tayong ma-stress sa paulit-ulit na scam messages na natatanggap natin kahit pa sabi ng gobyerno na mawawala na ito sa oras na maisabatas ang SIM Registration Act. At siyempre, sinong matinong taxpayer ang hindi makakaramdam ng stress sa hindi maipaliwanag na kahingiang confidential fund ng OVP para sa 2024? In short, stress ang tawag sa kagyat na reaksyon ng ating isipan sa mga bagay o pangyayaring hindi kaaya-aya. Instant din ang reaksyon ng katawan natin sa ganitong pakiramdam kung kaya’t nakararanas tayo ng pagkairita, pagkabalisa, o kung minsan pa nga’y panginginig ng katawan.
Paano naiiba ang stress sa burnout kung gayon? Nakararanas tayo ng burnout dahil sa patong-patong na stress na tila nagiging siklo na’t wala nang katapusan. Sa madaling sabi, hindi ito nangyayari overnight. Dumarating tayo sa puntong ito kapag tuluyan nang narating ng ating isipan at pangangatawan ang estado ng labis na kapaguran. Kaya naman kadalasang manipestasyon nito ang kawalan ng motibasyon na kumilos o kung minsan pa nga’y magpatuloy sa buhay. Pakiramdam mo nauubos ka kahit sa mga maliliit na bagay gaya ng pagsisipilyo o kahit pa nga simpleng pagnguya. Gusto mo na lamang maglaho sa kawalan o ‘di kaya takasan ang lahat ng responsibilidad na nakaabang sa ‘yo. Ganitong-ganito ang naramdaman ko.
Nagsimula ang bigat na ito nang umpisahan kong pagsabayin ang pagtuturo at pag-aaral ng PhD noong 2021. Ito ang unang pagkakataon na naging working student ako dahil mapalad akong nakakuha ng scholarship na may monthly allowance sa aking MA kung kaya’t nakayanan kong maging full-time student noon. Bilang neophyte na guro, kinailangan kong doblehin ang sipag sa paghahanda ng mga materyal panturo at pagrerebyu ng mga lekturang ibabahagi sa klase. Akala ko noon, natatapos na sa mismong oras ng klase ang trabaho ng mga guro. Hindi pala. Mas mahaba pa nga ang nakakaing oras sa preparasyon ng slides, pagrerebyu ng notes, pagche-check ng activities at papel, pagtugon sa konsern ng mga mag-aaral, at kahit pa nga pagtayo bilang Amy Perez sa tuwing may ala-Face-to-Face na problema ang mga magkakagrupo. Walang pinipiling oras ang pagiging guro. Minsan kailangan mo pa ngang magpakaguro kahit Linggo.
Makalipas lamang ang apat na buwan na pagtuturo, nag-apply na rin ako ng PhD program sa Departamento ng Filipino ng aming unibersidad. Kapag weekdays, guro ako. Tuwing Sabado naman, balik estudyante para sa aking mga klase sa PhD. Sa ganitong sistema umikot ang buhay ko sa mga sumunod pang buwan hanggang sa nadagdagan pa ako ng teaching load sa UST Literature Department, maitalaga bilang Pangalawang Pangulo ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO), mabigyan ng mga komite at tungkulin sa departamento, makatanggap ng imbitasyon sa iba’t ibang raket na labas sa trabaho, at mapabilang sa patnugutan ng Luntian Journal.
May mga araw na halos hindi na ako makabangon ng kama dahil sobrang bigat ng katawan at isipan ko. Parang gusto ko na lang matulog buong araw. May mga gabi namang kahit bumibigay na ang mga mata ko sa antok, hindi ko magawang makatulog. Dahil sa tuwing pipikit ako, naaalala ko ang magkakasunod na deadline na dapat kong tugunan. Nakapapagod. Nakapanghihina. Nakauubos. Bakit parang hindi natatapos? Bakit ba napakabilis ng takbo ng mundo? Parang palagi tayong may hinahabol. Parang kasalanan ang magrelaks at maging tamad pansamantala. Nakapanlulumo na tila normalisado na ang ekspektasyon sa atin na dapat tayong maging produktibo. Kailangan na palagi tayong may mapatunayan sa ibang tao.
Sabi ng gasgas na kasabihan, isang beses lamang daw kumakatok ang oportunidad sa atin kung kaya’t mainam na pagbuksan natin ang bawat pagkakataon na mayroon tayo. Pero hindi pala dapat lahat ng oportunidad ay kailangan nating papasukin. Darating din ang pangangailangang pumili at hindi palaging tanggapin ang anomang iniaalok sa atin. Masyado nang masalimuot ang buhay at mabuhay. Huwag naman sana nating hayaang dumating tayo sa puntong tuluyan nang mawala ang pagiging tao natin – napapagod at nauubos. Magpahinga kung kinakailangan. Huminto paminsan-minsan. Hindi karera ang mundo. Wala tayong dapat habulin.