Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
I. Salindunong, Ika-14 Pambansang Kumperensya sa Filipino at Pananaliksik; Ang Pananaliksik at Publikasyon sa "New Normal: Pagharap sa mga Hamon, Paglalatag ng Solusyon; MSU-Iligan Institute of Technology, College of Arts and Social Sciences; Abril 20-22, 2022
Noong nakaraang Abril 21, ibinahagi ko sa aking lektura ang "Ang Mapagpalayang Imahinasyon sa Kuwarentina at ang Pagpapalathala Bilang Tinig sa Bagong Normal". Isa itong paraan ko upang maipaalala at maitaguyod ang halaga ng imahinasyon lalo na sa pagkatha.
Noon pa man, naniniwala na ako na may bukal tayo ng haraya at kaalaman. Walang katapusan at umaapaw ang bukal na may talampas ng kaalaman. Sa panahong tila nakapiit tayo sa pamamahay ko naisip ang naparaming posibilidad, ang mga ideyang naghihintay na maisulat at mailathala, at ang mismong dinaranas at alaala ay pagkakataong maging materyal sa pag-aakda at oportunidad para maisatinig ito.
Lahat tayo ay may kakayanan at may mga kuwentong maibabahagi. Ang mga ito ay nanunulay sa ating imahinasyon, maging kathang isip man o sadyang bunga ng ating malilikot na pag-iisip. Hindi ito nararapat na kimkimin lamang hanggang sa ito ay kumupas, maglaho, at maging alaalang o ideyang hindi na naisakatuparan at nailathala. Mahalagang bahagi ito ng ating sarili na ating pinagdaramot at isinasantabi na lamang. Nasa ating imahinasyon nakasalalay kung paano ang isang ideya ay maiaakda at maihahayag sa pinakamakapangyarihang paraan.
Nabanggit ko ang pangangailangan sa oras upang maging buhay at magpatuloy ang imahinasyon. At gayon din naman, walang anumang paglikha o pagkatha ang maituturing na walang saysay. Kinakailangan lang nating hintayin dumating ang bunga ng ating imahinasyon at ang tamang pagkakataon para ito ay hanguin at isagawa.
Kasama sa proseso ng pagsusulat ang tiyaga sa paghihintay at pag-iisa. Hinihintay natin ang pagbukal ng mga bagay na bago at sariwa, yung mga konsepto na ating pinag-iisipan ng kung ilang araw, ang dahilan ng ating pananahimik at pakikitagpo sa sarili, at ang tinitipong mga ideya o pangitain ay unti-unting nabubuo hanggang sa ito ay maging handa na para sa ating paghahayag. Madalas, may ideya tayong inimbitahan, pinaglalaruan, at pinagyayaman. At ang mga ideyang ito ay nagiging buo at ganap lamang kung ating hinahayaang magkaroon ng pagdalaw ang ating imahinasyon.
Tayo ang gumagawa at nagpapatakbo sa ating imahinasyon. Hindi natin ito pinag-aaralan. Kalimitang bunga ito ng mayamang danas, impluwensya, kaalaman at maging inspirasyon. Walang sino man sa atin ang makapagsasabi kung kailang tayo magkakaroon ng pakikiniig sa ating imahinasyon. Kadalasan, nakabatay rin ito sa ating gana.
II. Pambansang Lekturang P. Serrano-Laktaw ng Bulacan State University-Sentro ng Wika at Kultura, Buwan ng Panitikan 2022, Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan; Abril 29-30 2022
Noong Abril 29, naibahagi ko sa aking ikalawang lektura na pinamagatang "Ang Karunungang-Bayan sa Panahon ng Digital Age at Pandemya" ang halaga ng karunungang bayan at kung paaano umiinog at sumasabay ito sa pagbabago ng ating pamumuhay. Ang pambansang lekturang ito ay alinsunod sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, "Muling Pagtuklas ng Karunungang-Bayan".
Nabanggit ko sa lektura na ang representasyon ng panitikan, ispesipiko na ang karunungang bayan sa internet o cyberspace bilang pagpapakilala ng kaakuhan at bayan. Ang mga karunungang bayan ay produkto ng araw-araw na kinagisnang pagbabahagi o komunikasyon, maging ito man ay sa pagitan ng mga mamamayan o pangkat, na bahagi ng kanilang papel bilang tagapagsulong ng kaalaman o aral gaya ng mga kuwentista, mang-aawit, mambibigkas, mga nakatatanda sa tribo, at maging mga pinuno para sa pagpapanatili ng kanilang tradisyon.
At dahil sa pagbabago ng pagpapasa at transmisyon ng panitikan, nagkakaroon na din ng pagbabago sa porma at saklaw ito. Mas nagiging malikhain, masaklaw, maangkop at mapagsanib ang mga panitikang digital at elektronikong karunungang bayan. Halimbawa na lamang, nasaksihan natin dito kung papaano nagkakaroon ng bagong mga kasabihan na ginagamit sa mga patimpalak sa telebisyon o mga bugtong na naisalin sa sari-saring wika at mga bagong kagamitan o konseptong binatayan nito. At kung minsan naman, may mga sawikaing iniaangkop sa kakaiba o kasalukuyang umiiral na kondisyon o pangangailangan ng sitwasyon na humihingi ng paliwanag o suportang may taglay na katotohanan.
Sa kasalukuyan ay nadaragdagan pa ang mga uri ng pambayang panitikan kasama ang karunungang bayan sa pamamagitan ng paggamit ng tinatawag na computer-mediated communication technologies. Nakikita natin ang pagbubukas ng mga online libraries and archives pati na rin ang mga portal ng mga sentro ng pag-aaral na mayroong kani-kaniyang databases sa buong mundo. Ang marami pa nga rito ay naisasalin na sa sari-saring wika at mayroong mga mapagpipiliang format. Naisasagawa ng mga iskolar at dalubhasa sa pambayang panitikan na maobserbahan ang paglago at pagbabago rito, pati na ang paghahalo-halo ng mga bago at luma, urban at rural, ang sentro at nakapaligid o ang nasa loob at labas.
III. Palihan at Lektura para sa Unang Malikhaing Akda (PLUMA); Marso-Abril 2022
Isang karangalan na mapasinayaan ang unang Palihan at Lektura para sa Unang Malikhaing Akda o PLUMA noong Marso hanggang Abril. Ang layon nito ay upang bigyan ng gabay sa pagkatha ang mga guro at gradwadong mag-aaral tungo sa pagkatha ng kuwento at sanaysay na nakatuon para sa pagpapalathala. Isa ito sa aking inobasyon bilang pagtataguyod ng pagkatha at pagbibigay ng inspirasyon sa mga nagnanais na pumalaot sa pagsusulat ng malikhaing akda.
Ang proyekto ay sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle, Intertextual Division ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at ng Bahay Katha na aking tahanan sa Bulakan na bukas para sa mga gawaing nakatuon sa kabataang manunulat. Samantalang naging katuwang ko sa pagsasagawa ng mga gawain ang dalawang kagurong sina G. Mark Anthony Salvador at G. Christopher Bryan Concha. Kaming tatlo rin ang tumayong mga tagagabay (mentors) ng mga partsipant/fellow ng PLUMA. Inalalayan ang mga partisipant mula sa kanilang pagbubuo ng konsepto hanggang sa kanilang proseso ng pagsusulat.
May limang partisipant ang nakibahagi sa PLUMA. Sila ay pinili mula sa loob at labas ng Pamantasang De La Salle na may layong makapagsulat at malathala sa dalawang proyektong aklat antolohiya sa bansa. Sila ay sina Bb. Deborrah Anastacio, Bb. Reni Bernarte, Dr. Emmanuel Gonzales, G. Mon Karlo Mangaran, at Bb. Ma. Anna Villanueva. Matagumpay nilang naisagawa ang mga kahingian ng PLUMA, gaya ng pagpapasa ng konsepto, pagdalo sa mga lektura, pagpapasa ng una at ikalawang borador ng akda, at ang pagsasailalim sa dalawang palihan.
Isang biyaya ang kabutihang loob ng mga kaibigang manunulat at guro na nagbigay ng kanilang panahon at kaalaman para sa pagpapahusay ng mga akda at pagkikintal ng disiplina sa pagsusulat sa mga partisipant/fellow. Nagbigay ng kanilang lektura sa pagkatha ang dalawang premyadong manunulat na sina Dr. John Iremil Teodoro at G. Genaro Gojo Cruz. Samantalang tumayong panelista sa mga palihan sina Dr. Rommel Rodriguez, G. Ferdinand Jarin, at Bb. Beverly Wico Siy. Nakibahagi sila sa adbokasiya sa pag-aakda at paglalathala nang walang hinihintay na anumang kapalit kahit pa ilang linggo itong isinakatuparan at ang karamihan pa nga sa pagkikita ay sa gabi dahil sa iniwasan ang oras ng paggawa/pagtatrabaho o pagpasok sa paaralan. Dito ko napatunayan na mayroong pa ring kabutihan, malasakit, at pakikipagkapuwa ang mga manunulat, lalo na't ito ay sa kapakanan ng pagpapaunlad sa panitikan ng bansa.
Inaasahan na ang mga akdng sumailalim sa palihan at rebisyon ay ipapasa sa dalawang proyektong aklat bilang publikasyon.
May pangako ang paninimula ng PLUMA. Kaya naman, abangan ang ikalawang taon nito na may bagong katuwang na institusyon at mga manunulat.
IV. Bansayan at Pandayan 2022; DLSU Integrated School Senior High School; Hunyo 8-10, 2022
Naimbitahan din akong makibahagi sa Bansayan at Pandayan 2022 na pinangunahan ng DLSU Integrated School Senior High School noong Hunyo 8-10.
Naisagawa ang unang lektura noong Hunyo 8 na pinamagatang "Ilang Aral sa Pagkatha ng Dagli", kung saan ko bingiyang tuon ang katangian at teknik ng pagsulat ng dagli o flash fiction. At ang ikalawang lektura naman, ang "Ilang Aral sa Pagkatha: Mula sa Masid-Tala-Basa-Sulat Tungo sa Pagpapalathala" ay nakatuon sa disiplina at kasanayan sa pagkatha.
Mayroong 21 partisipant ang nakatakdang genre para sa akin, kung saan ako inaasahang maglektyur ukol sa pagsulat ng dagli, magbigay ng mga puna at mungkahi sa mga akdang ipinasa at pangunahan din ang talakayan at pagkikritik ng mga kabataang manunulat.
Nakatutuwang malaman ang marami sa mga kaging kalahok ng Bansayan at Pandayan sa taong ito ay nagmula para sa malalayong pook gaya ng Isabela, Camarines Sur, Bacolod, at Kalakhang Maynila.
Tulad ng PLUMA na may layong magsikhay ng kaalaman at kasanayan sa pagkatha, may bentahe nga ang pagsasagawa ng ganitong proyekto sa mga platapormag onlayn. Doon ko rin napagtanto na higit na may pangangailangan sa mga ganitong uri ng proyekto na magbubukas ng oportunidad sa mga kabataan sa bansa.
Saktong isang buwan na mula nang isagawa ng Pilipinas ang eleksyong 2022.
Kagimbal-gimbal at nakalulungkot ang naging resulta at marami pa sa atin ang hindi nakakarekober sa gulat at lumbay na dulot ng pagkapanalo sa bilangan ng anak ng diktador at mandarambong, mula sa dinastiyang isinuka at pinalayas ng sambayanang Pilipino noong 1986.
Saktong ika-50 taon na rin ng komemorasyon ng deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos Sr. kaya lalong kagimbal-gimbal na anak at kapangalan pa niya ang magiging presidente ngayon ng Pilipinas.
Ano’t ang mahusay, aksyon-agad, at hindi tiwaling Vice President Leni Robredo ay hindi nanalo sa bilangan, habang ang ayaw makipagdebateng pangunahing kinatawan ng mga oligarkong kawatan at dinastiyang nagpipista lagi habang nagugutom at naghihirap ang bayan ay siya pang nanalo sa bilangan?
May malinaw na sagot ang isang grupo ng mga respetadong international election observers: “The International Observer Mission, sponsored by the International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), found that the May 9, 2022 Philippine National Elections were marred by a higher level of failure of the electronic voting system than ever before, along with a higher level of blatant vote-buying, disturbing level of red-tagging and a number of incidents of deadly violence. A large number of voters did not get to cast their vote, many found their name was no longer on the voter roll, and many had to trust that election officials would later put their marked ballot paper through a Vote Counting Machine (VCM). This election does not meet the standard of ‘free and fair’ because of these prevailing conditions that robbed the voters of access to reliable information, access to the voting places without intimidation, and a credible vote counting system. This election cannot be declared ‘free and fair’ until all the illegal acts that have marred the process are dealt with. The early unofficial result giving the Marcos-Duterte team a massive victory had been met with widespread skepticism and a growing protest.” (akin ang pagbibigay-diin).
Sa aking pakiwari (na pakiwari rin ng marami-rami kong nakausap), tila napakalaki ng lamang ni Marcos Jr. kay Leni Robredo, at napakarami ring presinto na zero ang boto ni Leni (na imposible para sa isang kandidatong kilala at popular din naman dahil nakikita lagi sa telebisyon at higit na mas maraming lugar na nabisita sa nakaraang kampanya). Kapansin-pansin din na mas malaki pa ang boto ni Marcos Jr. kaysa kay Senator-elect Robin Padilla – ang top-notcher sa senatoriables ngayong 2022 – gayong isang presidentiable lang ang pwedeng iboto at 12 naman ang pwedeng ilista sa Senado (at samakatwid ay mas maraming tsansa na iboto si Robin kumpara sa tsansa na iboto si Marcos Jr.).
Anu’t anuman, tila pikit-matang tinatanggap ng bayan ang resulta ng bilangan sa ngayon...Sa hirap ng buhay na tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, baratilyo lang ang paglaki ng sahod, humihirit ang outgoing na kalihim ng Department of Finance na magdagdag ng buwis at i-postpone ang pagpapababa ng income tax na naka-schedule na sa 2023, tumaas pa ang kaltas sa sweldo para sa PhilHealth, ay baka nga halos naubusan na ng panahon para sa malawakang protesta ang nakararaming mamamayan na laging nasa bingit ng gutom at pagdaralita kahit nagkakandakuba na sa trabaho.
Ano kung gayon ang nararapat gawin ng mga lumuluhang Kakampink – ang taguri sa mga tagasuporta ni Leni Robredo, batay sa kulay ng kanyang kampanya – feministang kulay at kulay rin ng social democracy (variant ng sosyalismo na tipikal sa welfare states ng Europa – mga bansang libre ang edukasyon at serbisyong pangkalusugan at halos walang maralitang mamamayan)?
Magpatuloy! Padayon, sabi nga ng mga kababayang Ilonggo. Tuloy ang pakikibaka para iangat ang buhay ng bawat Pilipino! Ganito rin ang panawagan sa lahat ng manunulat ng bayan: ituloy ang paghugis ng akdang magmumulat, magpapaliwanag, at magpapalalim sa ating mga pagkakaisa tungo sa bansang maunlad, malaya, makatarungan, at mapagkalinga – gaano mang kalayo pa tayo roon ngayon.
Patapos na ang pandemya. Ito ang nais kong paniwalaan at kinakapitan. Siguro dahil pagod na ako sa pag-o-online classes. Kahit na medyo nasasanay na akong magklase, magsalita sa mga kumperensiya, ang makipagmiting gamit ang Zoom, nami-miss ko pa rin ang pagsasalita sa loob ng klasrum, may hawak na mikropono sa mga lecture hall, at kaharap ang mga kausap at may kainan pa sa mga pagpupulong.
Naririyan pa rin ang COVID-19. Medyo hindi na ganoon ka nakakatakot dahil wala na ang mga lockdown at back to business na ang mga mall. Namamangha nga ako sa mga post ng maraming kakilala na kung saan-saan na sila nakararating sa ating minamahal na arkipelago. Ako, sa buong pandemya, dalawang beses pa lamang nakalabas ng Metro Manila. Nakapag-beach ako sa Mabini, Batangas at nakapamasyal sa Paete sa Laguna. Iyon lang. Bagamat may mga senyales na tumataas muli ang bilang ng mga nagpopositibo araw-araw, hindi naman napupuno ang mga ospital dahil sa COVID. Ibig sabihin, mukhang epektibo ang mga bakuna at maaari ding humihina na nga ang virus. Noong pagbukas pa ng taon naririnig ko na ang sinasabi nilang magiging endemic na ang COVID-19. Ibig sabihin, hindi na mawawala pero hindi na masyadong mapaminsala. Kaya kumakapit ako sa paniniwala kong patapos na ang pandemya. Para na rin sa sarili kong katinuan.
Nasa pandemic mode pa rin ang marami sa mga akda rito sa Luntian 6. Klasikong pandemic writing halimbawa ang sanaysay ni Ramilito Corea tungkol sa malabangungot na karanasan nilang mag-anak dahil nagka-COVID sila. Naghiwa-hiwalay sila ng lugar para sa kanilang isolation. Gaya ng naranasan ng mga pamilyang nagka-COVID noong mga unang buwan ng pandemya, parang nandidiri din sa kanila ang mga kapitbahay nila.
Bukod sa pandemic, pinapaksa rin ng ilang akda ang iba pang mga problemang panlipunan. Halimbawa, klasikong literaturang tokhang ang maikling kuwento ni Leoben Miel. Ang kuwento ay mula sa punto de bista ng isang batang nadamay sa barilan dahil sa giyera kontra droga ng pamahalaan na ang mahihirap lang naman ang mga nabibiktima.
Labis din akong masaya sa isyung ito ng Luntian dahil may mga tula sa Hiligaynon at Waray na may salin sa Filipino. Ang awtor sa Hiligaynon na si Early Sol Gadong ay isang premyadong manunulat. Ilang beses na siyang nanalo sa Palanca para sa mga maikling kuwento niya sa Hiligaynon. Sana marami pang mga manunulat sa iba’t ibang wika ng bansa ang magsumite ng kanilang mga akda para sa mga susunod na isyu.
Tulong-tulong tayo sa pag-akda ng luntian nating arkipelago at sana makapag-ambag ang mga sinusulat natin hindi lamang sa pansariling paghihilom kundi sa paghilom ng ating mga kababayan at ng sangkatauhan. Magtiwala lang tayo sa busilak na kapangyarihan ng Salita.