Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Patuloy nating nararanasan ang lumalalang kalagayang pangkalusugan sa panahon ng pandemya at kasama nito ang suliranin sa paggawa, kabuhayan, at edukasyon. Ito ang panahon na ating pilit na tinutuklas ang pinakaangkop na uri ng pamumuhay. Hinahanap natin ang bagong normal kahit na may sari-sari tayong estado sa buhay at prinsipyong politikal. Sa tatlong unang pangungusap, nabanggit ko ang "kabuhayan", "pamumuhay", at "buhay". Ang tatlong salitang ito ang pinanghahawakan at iniingatan natin. Isang pangangailangan ang kabuhayan sa ideyal na pamumuhay upang magpatuloy ang kahulugan ng buhay. Ang lahat ng ukol dito ay ating naririnig, isinasalaysay, at itinatala. Madalas tayong nagmamasid at nagbabahagi ng ating mga karanasan o kahit ilang opinyon ukol sa mga bagay na nakaaapekto sa atin. Marami ang abala sa social media para magsiwalat, tumuligsa, sumuporta, umayon, kumontra, o maglabas ng kasiyahan o hinanakit sa panahon ng pandemya. Naisusulat natin ang marami (kahit sa paraang komento lamang) at nagpapahayag din tayo ng reaksyon kahit sa pinakasimpleng pagpili ng emoticon. Nabasa natin ang ilang panawagan para sa pagbabahagi sa mga online communities o kontribusyon sa mga antolohiya. Napakaraming dapat maisulat, lalo na ngayong malaking panahon ang inilalagi natin sa ating mga tahanan. Napupuno tayo ng napakaraming paksa, tema, at talinghaga sa ating pamumuhay, kabuhayan, at buhay na naghihintay lamang na maisulat, maging nakalulungkot o optimistiko man ng mga ito. Ginagawa ngang paraan ang pagsulat bilang pagtatala, pagsasangguni, pagbabahagi, pagbabatikos, at/o pagbibigay ng pagpapahalaga. At sa gawaing ito, nabibigyan natin ng anatomiya at pagtatala ang panahong ito. Nakikita natin ang sarili, pamayanan, ang bayan, at ang mundo. Kung tutuusin pa nga, nakatutulong ang pagsusulat ng ukol sa pamumuhay, kabuhayan, at halaga ng buhay bilang anestisya sa kirot ng ating karanasan. Hindi tumigil ang pagsusulat, nagpatuloy, at naging mas masigasig pa nga ito sa loob ng cyberspace.
Ilang taon kong ipinunla, pinaghandaan, at pinag-isipan ang isang online journal para sa malikhaing akda. Hindi ko ito naisagawa, lalo't naging abala sa administratibong tungkulin sa pamantasan. Nabanggit ko pa nga ito sa aking ilang kaibigan at kasamahan sa pamantasan.
Napansin ko, maraming mga panawagan para sa mga pananaliksik at iba pang iskolarling sulatin ang nagmumula sa mga pamantasan, institusyon ng iba't ibang larangan, at mga ahensya ng pamahalaan. Iilan lamang ang online journal para sa malikhaing akda. Hindi sapat ang espasyong nakalaan kahit pa may ilang panawagan para sa kontribusyon sa mga antolohiya, inilalathalang pampanitikang journal, at mga personal o pangkatang sites, vlogs, o posts na ukol at para sa malikhaing pagsulat at akda.
Nagturo rin ako ng malikhaing pagsulat at mga kursong pampanitikan sa mga pamantasan at nagbigay ng pagbabahagi sa ilang seminar. Doon ko nahinuha na marami sa mga mag-aaral sa paaralang gradwado na ang karamihan ay guro rin sa iba't ibang antas sa mga paaralan sa bansa ang may taglay na kakayahan at kahusayan sa pagsulat nang malikhain. May puso sila sa malikhaing pagsulat na naghihintay na mahasa't mapakawalan, bagaman kulang lamang sa gabay at panghihikayat mula sa mas nauna at kilalang manunulat at guro. Manapa'y may agwat ang mga kilalang malikhaing manunulat na mga mag-aaral at/o guro ng pamantasan sa mga nagsisimulang manunulat pa lamang sa mga gradwadong paaralan. Iba kasi ang tingin ng ilan kapag ang manunulat na guro sa pamantasan ay kinikilala na ang akda at may mga nailathala ng aklat o regular na napapasama sa mga antolohiya at journal sa bansa. Sila yaong mga propesyunal na manunulat na kung ituring. Ito ang sinisikap kong pagsamahin sa Luntian, ang mga papasibol pa lamang na mag-aaral at guro sa antas gradwado at ang mga datihan at kinikilala nang manunulat na mag-aaral at/o guro. Ito ang espasyo para sa mga tula, maikling kuwento, sanaysay, at ilang pili o natatanging akda gaya ng mga salin at dulang isinulat ng mga mag-aaral at guro. Basta ikaw ay mag-aaral sa antas gradwado at isang guro sa anumang paaralan at nagsusulat ng malilikhaing akda sa wikang Filipino, ang Luntian ay nakalaan para sa iyo.
Hindi ko inasahang sa panahon pala ng pandemya sisibol ang aking ipinunla. Kailangan lang ng tiyaga at ilang ulit na pagtatangka para mabuo ang balangkas, nilalaman, at disenyo ng journal na ito.
Maraming salamat kina Dr. David Michael San Juan, Dr. Rhod V. Nuncio, at sa mga lupon ng patnugot para sa pagiging haligi ng Luntian. Maraming salamat sa mga nakibahagi sa paglulunsad nito. Pinasasalamatan at binabati ko ang mga kontribyutor na nagbahagi ng kanilang mga akda.
Bukas po ang Luntian sa mga kontribusyon para sa mga susunod na isyu batay sa mga kahingiang nakasaad sa panawagan. Magpadala lamang po ng mensahe sa luntianjournal@gmail.com kung may iba pang katanungan.
Ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing akda sa pamantasan!
Sa dinami-dinami ng mga literary journals sa mundo, may espasyo pa ba ang isang bagong literary journal? Sa daigdig ay marami ngunit sa Pilipinas ay iilan lang, kaya talagang may espasyo pa rin para sa bagong literary journal – lalo na kung mga akdang Filipino ang bibigyang-pokus. In denial pa ang marami pero kitang-kita naman na English pa rin ang lenggwahe ng literati sa bansa, kaya masasabing mas marami ring popular at/o mas pinapanginoong akda sa nasabing dayuhang wika sa bansa, kaysa sa mga likhang nasa wikang sarili. Nagdedebate pa nga rin ang akademya sa ano ba ang saklaw ng panitikang pambansa (o kung mayroon na nga bang ganito). May nag-aaway rin kung Panitikang Filipino o Panitikan ng Pilipinas daw ba ang akmang gamiting pantawag sa malaking bahagi ng produksyong literari sa bansa. Malaking usapin din ang kawalan ng espasyo para sa likha ng mga bagito at/o mga walang kinabibilangang grupong magpapadrino. Siyempre pa’y tataas ang kilay ng marami sa literati hinggil sa pagpapadrino pero batid ng lahat na para makapaglathala ng anumang ituturing ng literati at/o akademya na “makabuluhan” (na iba pa sa makabuluhan sa perspektiba ng masa), kailangang may kakilala, kadikit, kagrupo at iba pa ka sa mga paglalathalaan, lalo na sa pinakamalalaki at “pinakabigatin.”
Sa ganitong konteksto, may sapat na espasyo para sa panibago at karagdagang literary journal sa Filipino – lalo na iyong magbibigay-prayoridad sa akda ng mga guro at ng mga mag-aaral sa antas gradwado. Isang bago at karagdagang journal na hihikayat sa mga guro at mag-aaral sa antas gradwado na itala sa kanilang mga akda ang kanilang danas na danas din ng bansa, sa gitna ng mga dedlayn at mga kahingiang kaakibat ng kanilang mga trabaho at/o saliksik (lalo na sa panahong ito ng diumano’y bagong normal – pariralang tila ginagamit ng mga makapangyarihan para patahimikin ang anumang reklamo at hinaing sa bigat ng mga bagong pasanin).
Kailangan ng journal na magpapayabong sa mga binhing kanilang ihahasik, mga bagong sulatin ng mga bagong manunulat na malamang ay iismiran lamang ng mas malalaki at mas mga bigating publikasyon (di gaya ng ilang bigatin na, na kahit ano’y maisusulat na at ilalathala ng sinumang publisher, anuman ang kalidad; sa puntong ito’y hindi maiiwasang maalala ang isang kaugnay na paghahambing sa Noli Me Tangere – hinuhusgahan ang pagong sa kanyang talukab, ang tao sa kanyang bahay, at idagdag natin, ang manunulat sa kanyang naabot at narating na – na karaniwa’y ang pamantaya’y ang dami ng nailuwa/l na tula.).
Kailangan ng journal na magpapasibol din ng mga bagong paksa – o sabihin na nating muling magpapasibol sa mga buto ng mga dati nang bunga. Ang tinutukoy ko’y ang tradisyong sosyal-realista sa panitikang Filipino na tila sisinghap-singhap na ngayon (sa dami, kundi man sa kalidad o kapwa). Nasaan ang mga bagong maikling kwentong gigilit ‘uli sa leeg ng mga ganid na kapitalista? Nasaan ang mga bagong sanaysay na magpapaliwanag sa hindi pag-usad ng Pilipinas? Nasaan ang mga bagong tulang magpapaiyak at magpapakilos sa madla, sa gitna ng pandemyang ramdam na ang kainutilan ng mga nasa poder na nag-aabang ng bakuna habang dumarami pa ang may COVID-19 at nalulubog tayong lalo sa utang (na hindi naman halos maramdaman ng marami sa atin, at sa alingasaw ng korapsyon sa Philhealth, hindi ba’t makatwirang ipagpalagay na may nadambong na naman sa kaban ng bayan?)? Nasaan ang mga bagong kamaong rosas – mga akdang hahangaan sa kasiningan pero lalong papupurihan sa rubdob ng emosyong idudulot sa mambabasa na mapakikilos nito mula sa matagal na pagkakahimbing?
Nasa kamay ng mga guro at mag-aaral sa antas gradwado ang bahagi ng sagot sa mga tanong. May espasyo na para sa kanilang isasagot sa tanong. Welcome sa Luntian Journal.