Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Mag-aalas dose na ng gabi iyon, pagkatapos ko na manood ng telebisyon tungkol sa paglaganap ng Covid 19 sa bansa. Nakatatakot na kasi dahil parami na nang parami ang mga nahahawa sa nasabing sakit. Papikit na sana ang aking mga mata nang biglang sumagi sa isipan ko ang mga estudyante ko sa kabundukan. Bumangon ako at naupo sa lamesa—napatingin ako sa babasahing aking nadala buhat pa sa pagmamadaling makauwi bago pa man mag-lockdown. Sa isip ko’y may nagtatanong kung paano na maipagpapatuloy ang pagbasa ng mga bata sa kabundukan gayong ang pandemya ay patuloy pa ring lumalaganap. Aklat, aklat ang kailangan namin sa bundok, ngunit saan ako kukuha ng mga aklat? Sa hirap ng buhay ngayon, paano at saan ako maaaring makakuha ng mga babasahing makatutulong upang maipagpatuloy ang pagbabasa nila kahit ngayong panahon ng pandemya. Kinuha ko ang aking lapis, kusang sumulat ang lapis sa dikta ng aking isip… Brigada-Pagbasa… hanggang sa maisulat ko ang ang mga katagang ito. Brigada-Pagbasa: Aklat Mo, Kaalaman Ko. Pagkatapos ay inipit ko ang kapirasong papel na iyon sa aklat.
Dumungaw ako sa bintana, tila nawala ang aking antok. Biglang sumagi sa aking isip noong unang pag-akyat ko sa bundok para doon ay magturo. Walang-wala sa isip ko na ganoon kalayo ang paaralang aking pagtuturuan. Puro talahib ang mga daan, higit, madulas at maputik pa ang mga ito. Naubos na lahat ng aking kaba sa bawat batuhang dumudulas sa paglapat ng gulong ng habal-habal kung saan ako nakasakay. Naranasan ko na ring lang ulit na bumagsak, maipit ng motor, mapaso ng tambutso dahil sa pakakadulas. May mga araw rin na dalawang oras akong naglalakad makarating lamang sa paaralan. Nariyang abutin ng ulan sa daan, walang magawa kundi ipagpatuloy ang paghakbang makarating lamang sa aking mga mag-aaral. Ang aking pag-aagam-agam na bumalik na lang sa aming bayan dahil hindi naman ako sanay sa ganoong sitwasyon ngunit nawala iyon ng makita ang mga batang nais matuto. Iilan lamang kaming mga guro doon, at kung aalis pa ako, paano na lang ang mga batang ilang kilometro rin ang nilalakad matuto lamang sa aking mga leksiyon? Sinusuyod nila ang kabundukan, umulan man o umaraw, tinatawid nila ang ilog kahit na delikado at baka madala sila ng agos nito. May mga araw rin na pumapasok sila na walang dalang pagkain, minsa’y nilabong na kamote lamang ang nakalagay sa kanilang maliit na sisidlan. Hahatiin nilang magkapatid para sa pananghalian. Kaya nang maranasan ko ang mga bagay na ito kasama ang mga batang nagnanais na matuto, hindi na ako umalis. Napakabilis lumipas ng panahon kasi limang taon na pala akong nakikibaka sa pag-ahon at paglusong sa kabundukan.
Bigla akong napabuntonghininga, ano kaya ang mangyayari sa amin sa pasukan? Bumalik ako sa lamesa at umupo. Binuksan ako ang laptop at kinuha ako ang papel na isiningit ko sa aklat. Unti-unti akong gumawa ng poster campaign para sa proyektong aking naisip: ang Brigada–Pagbasa. Ang mga unang hakbang na aking gagawin ay magmemensahe ako sa mga kaibigan ko sa facebook para mag-donate ng aklat. Ngunit magdadalawang linggo na tila wala namang pumapansin sa aking mga mensahe. Hindi pa rin ako sumuko dahil kahit na hindi ko kakilala’y nagpadala ako ng mensahe. Alas-siete ng gabi iyon, isang guro mula sa Pasig ang tumugon sa aking mensahe. Akala ko isang aklat, dalawa, tatlo, apat na aklat lamang ang aking matatanggap. Hanggang sa paggising ko kinabukasan napakaraming mensahe na ang aking natanggap. Maraming post na rin sa iba’t ibang Facebook page ang nakita ko sa notifications ko. Walang pagsidlan ang aking kasiyahan sa mga oras na iyon. Dumami na ang nagpaabot ng tulong mula sa mga manunulat, guro, mga propesor, at maging mga director ng iba’t ibang ahensiya. Kahit sa panaginip ay hindi ko akalain na magkakaganito ang proyektong aking ninais. Dumating ang araw na kukunin na sa Maynila ang mga aklat na donasyon.
Alas-tres ng madaling araw ng kami’y umalis sa bayan ng San Andres dito sa Quezon, madilim-dilim pa ngunit hindi na ako nakatulog sa biyahe dahil na rin siguro sa kasiyahang aking nadarama. Sa kabila noon ay takot rin na baka mahawa kami sa Maynila ng Covid. Ngunit inalis ko sa isipan ang mga negatibong bagay na iyon. Sa wakas, magkakaroon na ng katuparan ang aking proyekto. Kasama ko ang isang kasamahan kong guro na sumuporta sa proyektong ito siya rin ang naging tulay para sa sasakyang aming ginamit mula sa aming butihing Mayor. Sa aming paglalakbay, sari-saring mga tao ang aking nakita. Iyong matandang babae sa bitukang manok sa Atimonan, Quezon, may hawak na tabo na sumisenyas na humihingi ng kaunting barya. Tumigil muna kami sandali sa Lucena para mag-almusal. Isang lalaki ang sa aki’y nagtanong kung saan ang PRC. Agad naming itinuro ang daan papunta sa gusali. Sa sasakyan na kami kumain dahil marami na rin ang naka-dine-in sa isang kilalang fast food chain kaya minabuti na namin ang ganoong set-up. Pagkatapos ay umarangkada na naman kami para mas maagap na makarating. Habang nasa biyahe, isang pulubi naman ang aming nakita na nakahiga pa sa 7/11 sa San Pablo, Laguna kahit mataas na ang sikat ng araw. Nakalulungkot mang isipin ang mga taong ito ang lubos na nangangailangan sa panahon ng pandemya.
Nang malapit na kami sa Quezon City sa bahay ng Direktor ng isang ahensiya, minabuti kong tawagan siya para sa eksaktong lokasyon ng kanyang tahanan. Mahirap talaga ang pasikot sikot sa Maynila dahil ang daming mga eskinita. Kung hindi niya siguro kami sinundo, malamang ay maghapon kaming maghahanap dahil sarado pa rin ang ilang mga kalsada. Pagdating namin sa tahanan ng direktor ay bumungad samin ang mga aklat na aming ikinarga sa aming sasakyan. Ang mga aklat ay buhat din sa mga kakilala ng direktor, kaibigan, at may-ari ng mga aklatan. Malaki ang pasasalamat ko dahil siya ang nangolekta ng mga aklat sa bahagi ng Lungsod ng Quezon. Siya rin ang sumama sa amin papuntang Ateneo De Manila University, pagpasok sa gate ng Unibersidad ay may mga safety procedure muna na ang aming dinaanan upang sa ganoon ay madali ang contact tracing kung sakali kami ay madapuan ng Covid. Pagkatapos ay dumiretso na kami sa Ateneo Press na kung saan nakalagay ang mga nakakahong aklat at textbooks. Doon na rin kami kumain ng pananghalian dahil sa takot na makasalamuha sa maraming tao. Napakalawak ng ng Ateneo, maraming malalaking puno at halaman na nagbibigay-lilim sa bawat gusali. Nakita ko rin sa bulletin board ang mga pamagat ng mga aklat na kanilang nailimbag na. Pagkalabas ng Ateneo ay humiwalay na sa amin ang direktor dahil patungo na kami sa Pasig Catholic College. Ang mga guro doon ang ngaipon ng mga aklat para sa aming paaralan bagama’t wala sila ay inihabilin nila ito sa security personnel. Paglabas namin ng Pasig ay inabutan na kami ng traffic habang papunta sa CCP o Cultural Center of the Philippines na kung saan ay nagbigay din ng mga donasyong aklat sa pamamagitan ng isang kilalang manunulat sa bansa. Katulad sa mga nauna naming pinuntahan ay may safety protocol din na ipinatutupad sa gusali ng CCP. Hindi na namin naabutan ang manunulat ngunit isang kakabayan namin mula sa Sariaya, Quezon na kasalukuyang nagtatrabaho sa ahensiya ang sa ami’y nagaasikaso sa mga donasyong aklat. Pagbaba namin ay tinulungan kami ng staff para maisakay sa van ang mga donasyong aklat.
Pumapatak na ang ulan ng aming lisanin ang CCP. Dumiretso na kami palabas ng maynila upang makaiwas na rin sa mahabang trapik. Napuno na ang van na aming sinasakyan, napuno ng mga aklat na magsisilbing gabay sa pagbabasa ng mga bata sa kabundukan. Habang nasa biyahe pabalik ng Quezon ay aking ginugunita ang mga oras kung paano nagsimula ang lahat. Iyong nawalan ako ng pag-asa dahil walang pumapansin sa aking proyekto. Ngunit kailangan lang pala na maghintay nang tamang panahon dahil mabuti ang ating hangarin ay hindi tayo mabibigo. Masakit na ang aking likod dahil na rin siguro sa mahabang biyahe, ngunit hindi pa rin pumipikit ang aking mga mata. Mulat na mulat pa. Mula sa pagkukuwento ng aming drayber, sa matagal niyang pagmamaneho na halos dalawampung taon na. Ngayon lamang siya nakapagsakay ng ganito karaming aklat. Ang sabi pa niya “Maraming bata ang matutuwa sa mga aklat na dala natin.” “Oo nga po,” ang sagot ko. “Tiyak po na mawiwili sila sa pagbabasa dahil hindi na problema ang mga aklat.”
Alas-dose na ng hatinggabi nang kami’y makalampas na sa Buenavista, Quezon. Tahimik na tahimik na ang daan mula sa bayan patungo sa kabukiran. Bahagya kaming tumigil sa Triangle ng San Narciso, Quezon para makapagpahinga saglit ang aming drayber. Ilang minuto ay muli na kaming umarangkada. Ala-una na ng madaling araw nang kami’y makabalik sa aming bayan. Aandap-andap na ilaw ang aking nasilayan sa bahay na aking tinutuluyan. Mahina na naman ang boltahe ng kuryente. Mabuti at gising pa ang aking kapitbahay, tinulungan nila akong maibaba ang mga aklat at maipasok sa loob ng bahay. Bagama’t pagod sa biyahe, dala-dala naman namin ang mga aklat na magiging tanglaw ng mga bata sa madilim na panahon ng pandemya.
Kinabukasan ay agad na hinakot namin ang mga aklat patungo sa kabundukan. Isinakay namin ito sa isang kakarag-karag na dyip na sanay na sa pagbiyahe sa maputik na daan paakyat ng bundok. Halos dalawang oras naming nilakbay ang daan patungo sa aming paaralan. Namamatay ang makina ng dyip kapag masyadong matarik ang daan. Sa pagdaan namin sa lugar na tinatawag na “siko” ay tumambad sa amin ang napakagandang tanawin. Makikita ang isla ng Alibijaban na may magandang dagat na kulay Gatorade at maputing buhangin. Pagkalampas doon ay makikita naman ang mala-Chocolate Hills na baybayin ng daan ng Sitio Makapaya. Ilang saglit pa ay nasa tusok na daan na kami. Ang kinatatakutan ng mga tao, ang daang matarik. Dahan-dahang lumusong ang dyip na aming sinasakyan—pigil-hininga dahil minsang magkamali ay diretso kami sa bangin.
Ilang minuto pa ay narating na namin ang paaralan at sinalubong kami ng mga batang patakbo na sa loob ng paaralan. Hindi man nila aminin, nakita ko sa kanilang mga mata ang pagkamangha sa dami ng aklat na kanilang nakita. Isang batang lalaki na aking mag-aaral ang lumapit sa akin habang ininababa ang mga aklat. Pabulong siyang nagsabi “Sir, baka po pwede na humiram ako ng aklat. Magbabasa po ako sa bahay,” aniya. “Oo naman! Para sa inyo talaga ang mga aklat.” Niyaya ko siya sa loob ng silid aralan at inihanap ko siya ng aklat na maaari niyang basahin na ayon sa kaniyang edad. Pagkatanggap niya ng aklat ay nagpasalamat siya at nakangiting umalis sabay sabi na isasauli ko rin po ito kapag natapos ko nang basahin. Habang papalayo ang batang iyon ay lubos-lubos na ang aking kasiyahan dahil simula na iyon ng pagdurugtong ng mga panahong naiwan ang aming paaralan sa ganitong mga bagay. Mga bagay na noon ay hindi kami naabutan, na magiging daan sana upang maipagpatuloy ang pagbabasa.
Sa tulong ng mga tao sa bundok ay nadala ang mga aklat sa aming paaralan. Sa ngayon, unti-unting sinisimulan na ang paggawa ng mga lagayan ng aklat pati na rin ang Mobile Library Hub na iikot sa buong komunidad. Malaking tulong ito sa mga bata upang hindi maputol ang kanilang adhikain na matuto na bumasa at magkapagpalawig ng mga bokabularyo mula sa aklat na kanilang mababasa. Pati na rin ang mga magagandang asal na mapupulot sa mga kuwento na kanilang mababasa. Akala ko, ang pangarap na ito’y mananatiling pangarap na lamang para sa mga batang nais matuto at makapagtapos ng pag-aaral. Isa sa aking mag-aaral mula sa unang baitang ang sumagot sa tanong ng aming District Supervisor, “Bakit kinakailangan natin makapagtapos ng pag-aaral?” “Para po makatulong sa pamilya at mabago ang buhay namin.”
Mula naman ang pahayag na ito sa isang estudyante ng ALS Junior High, “Hindi ko po akalain na makapagtapos ako ng High School sa kabila ng kahirapan at sa layo ng lugar namin dinala ninyo sa amin ang programa ng ALS.” Ilan lamang iyan sa mga linya pangarap ng mga bata sa mula sa kabundukan. Napangiti ako sa mga sagot ng mga batang iyon. Ang mga bata sa kabundukan ang nagsisilbing inspirasyon namin upang magpatuloy. Magpatuloy na maglingkod sa bayan lalo pa’t iyon ang aming sinumpaang tungkulin. Magturong bumasa’t sumulat pati na rin ang pagtuturo ng kagandahang asal sa mga bata. Naniniwala akong hindi natin dapat sukuan ang paghahatid ng kaalaman sa mga bata dahil kapag tayo’y sumuko, parang isinuko na rin natin ang kanilang kinabuksan. Hindi hadlang ang malayong lugar, daan na maputik o mabato…malayo man o malapit basta para sa bata at para sa bayan, kami’y patuloy na maglilingkod.
Noong mga musmos pa kami, pagkatapos ng klase, kakapirapas na kami ng pinsan ko sa tindahan ni Aling Virgie sa tapat lamang ng aming eskwelahan. Kailangan na mauna kami sa kaniyang tindahan dahil tiyak na pagkakaguluhan ng mga bata ang makukulay na kendi, palabunutan na may naghihintay na mga papremyo at siyempre, ang iba’t ibang uri ng paper dolls.
Bago pa ako lumipat ng pampublikong elementarya, naroon na ang tindahan ni Aling Virgie. Kahit na bakasyon, nagbubukas pa rin sila. Sumasabay sa uso at nahihiligang laro noon ang kaniyang mga itinitinda.
Kapag tag-araw, nagtitinda siya ng mga sinulid, yari nang saranggola na may mahahabang buntot, tirador at siyempre, palamig.
Kung tag-ulan naman, nakasampay sa kaniyang tindahan ang iba’t ibang kulay at disenyo ng kapote, payong at mumurahing water gun. Tuwing nalalapit na ang Undas, nagbebenta naman siya ng mga nakakatakot na maskara, maliliit at maninipis na aklat ng mga ghost stories, at mga aksesorya na may kinalaman sa araw ng mga patay tulad ng headband na sungay ng demonyo, wand ng isang diwata, umiilaw na krus at glow in the dark na kalansay na puwedeng idikit sa kisame o pader.
Pasko ang pinakamasaya dahil asahan na hindi magtatagal ang kaniyang mga panindang play money, Christmas hat, samut saring mga laruan na maaaring ipanregalo na pasok sa halaga ng exchange gift, garlands na pandekorasyon sa klasrum at mga litrato’t imahen ni Santa.
Lahat ng mga nabanggit ko ay may kaniya-kaniyang panahon bawat taon ngunit may mga bagay na makikita sa tindahan ni Aling Virgie na hindi nawawala at itinuturing namin na klasiko o hindi nalalaos tulad ng clay, texts (maliliit na kard na pinaglalaban), garter, yoyo, baril-barilan, pang-ipit sa buhok o sanrio, posters ng mga artista’t kartun, at ang paborito namin, ang mga paper dolls.
May kategorya ang mga paper dolls batay sa kakayanan ng iyong bulsa. Nasa halagang limampiso ang mga paper dolls na may isang pares lamang ng damit, sapatos at bag. Samantala, sampumpiso naman ang may isang terno ng damit, isang ball gown na may kapares na sapatos, bag, gwantes at may bonus pang stand upang makatayo ng mag-isa ang iyong binibihisang paper doll.
Kinse pesos naman ang pinakamahal na paper dolls dahil bukod sa mga makikita na katulad ng sa tig-sasampumpiso, dalawa na ang pinakakatawan ng paper dolls, may magkaibang kulay ng buhok at kutis. Kadalasan, puti at kayumanggi ang kulay ng mga paper dolls, may mga maiitim din ngunit mas pinipili ng mga bata ang mapuputla o halos kulay ulap na balat ng paper dolls.
Mas mabili naman ang mga paper dolls na may kulay dilaw, pula at itim na buhok, mas klasik din ang mga paper dolls na ‘princess cut’, iyong unat ngunit bahagyang kulot ang dulo ng mahabang buhok.
Sadyang nakahahalina at talagang napapatitig ang bawat batang babae at may pusong babae sa bawat paper doll na nakasabit sa labas ng tindahan ni Aling Virgie. Tila may pabitin na kaniya-kaniyang hila at haltak ang mga bata.
Minsa’y nag-aaway-away pa ang mga kalaro namin kapag iisa lamang ang nagustuhang paper doll. Magkakatuksuhan, ayaw magbigay, ayaw magparaya. Panandaliang nasisira ang samahan ngunit masaya ang pusong nakamit ang pinakaaasam na paper doll.
Bagaman may iba-ibang estilo at naiibang kombinasyon ng kulay ang mga paper dolls, may kaniya-kaniyang panlasa ang mga bata, hindi sila malay sa mga pinipili, kinukuha o ‘di nila kinukuhang paper dolls.
Tuwang-tuwa si Aling Virgie kapag halos naubos na o wala nang nakasabit na paper dolls sa kaniyang tarangkahan. Maaga siyang nakapagsasara at nakapagpapahinga.
Kapag nakabili na kami at matagumpay na nakuha ang nais namin na paper dolls, tatakbo na ako sa aming tagpuan, sa likod ng mga traysikel na school service ng mga kaklase ko. Sabik na sabik kami ng aking pinsan na makipagyabangan at makipagpalitan ng paper dolls.
Kasama ko sina Arvin, anak ng mga dealer ng Avon; si Pamela, anak ni Aling Kriseng na nagtitinda ng gulay sa talipapa; si Adong, pamangkin ng kapitan ng barangay namin; at si Jay, ang pinsan ko na kasama ko sa mga lihim na kalokohan.
Taimtim namin na ilalatag sa gilid ng kalsada ang mga hubad na katawan ng aming mga paper dolls at siyempre, mas marami na dahil ilalabas ni Jay ang isang kahon ng sapatos na sisidlan ng aming mga paper dolls. Iba-iba kami ng tipo at pagtingin sa itsura ng paper doll na nais naming bihisan nang araw na iyon.
Si Pamela, gusto niya na mga maiikling palda at blusa ang ibinibihis sa kaniyang paper dolls. Samantalang sina Adong at Arvin, nais nilang damitan ang kanilang mga paper dolls ng mga fitted na bestida at teternohan ng matataas na takong ng sandals. Hilig naman ni Jay na mag-imbento ng mga bagong kombinasyon ng mga damit na maaaring ipatong sa mga paper dolls niya, kaya naman naisip ko na puwede siyang maging fashion designer pagdating ng panahon.
Ako, gustong-gusto ko ang mga gown at hindi lang mga basta gown, gusto ko ng mga gown na animo’y may petticoat sa ilalim. Libang na libang ako sa mga ball gowns lalo na ang mga matitingkad na kulay na madaling mapansin sa malayo. Mapa-off shoulders, tube, sleeveless o may palikpik man na tila Filipiniana, walang problema basta’t ito ay ball gown.
Tila ritwal ang aming ginagawa, nag-iikutan kami ng mga paper dolls at tila salmong tugunan ang mga pakikipagkasundo namin sa bilang ng araw at paper dolls na aming ipahihiram. Basta’t ang aming sagradong kasunduan ay kapag may nawala o nasira, awtomatikong pag-aari na namin ang paper dolls na ipinahiram sa amin ng nakasira.
Magkakaiba man kami ng pagtingin sa kung ano ang maganda, at kahit na may kaniya-kaniyang diskarte sa pagdadamit sa mga paper dolls, nagkakasundo kami sa isang bagay, iyon ay ang pagbabahagi, dahil ayon nga sa isang sikat na kasabihan, “Sharing is caring.”
‘Trade’ ang tawag namin sa pagpapalitan ng mga paper dolls lalo na ang katawan nito upang masubukan namin kung babagay ang mga damit na aming naipon mula sa araw-araw na pagbili namin kay Aling Virgie sa kutis at buhok ng bawat isa.
Naghihiraman kami at tumatagal ng dalawa hanggang tatlong araw bago kami muling makipagpalitan. Sa palagay ko, napatibay nang mabuti ng mga paper dolls na ito ang aming pagkakaibigan at higit pa rito, mas naunawaan namin ang bawat isa.
Lilipas pa ang mga buwan at nakatapos ako ng elementarya. Unti-unting naputol ang aking konseksyon sa mga kaibigan, kalaro at halos mga kapatid ko na kung ituring. Patuloy kong inaaliw ang aking sarili sa mga paper dolls kahit na nag-iisa na ako. Ako na ang nagtago at nangalaga sa lumang kahon ng sapatos na punong-puno ng mga paper dolls.
Naging Karamay ko ang mga paper dolls sa mga panahon na mas tinutuklas ko pa ang aking sarili, hindi man nito masagot ang mga katanungan ko tungkol sa mga bagay na wala akong kontrol ngunit nababatid ko na nakikinig ang mga ito sa aking mga pabulong na pagtatanong at pag-iyak.
Napakabilis ng panahon at patuloy na nag-iiba ang aking paligid. Naging madalang na ang paglalaro sa mga paper dolls. Halos malimutan ko na ito dahil napalitan na ito ng mga kaabalahan ng nagkakaisip na sarili.
Marahil hindi na rin ako masaya sa mga simpleng bagay, mas naghahanap na ako ng mga bagay na mas maipahahayag ko ang aking sarili.
Patago akong lumilikha ng aking bestida at gown na tahing-kamay, gusto kong gayahin ang ginagawang pananahi ni Lola sa pinapasukan niyang tahian. Dahil nagtatangka pa lamang, madalas na hindi pantay-pantay ang aking mga tahi at kung hindi maluwag, napakasikip ng aking mga nabubuong damit kahit na sinukatan ko ng paulit-ulit ang aking sarili. Napapanaginip ko na ako ay isa sa mga paper dolls na aking nilalaro at dinadamitan noong bata ako.
Laging may pananabik tuwing nakatatapos ako ng sipleng bestida. Ngunit ang hindi ko alam, nababatid pala ni Lola ang mga pinoproyekto kong gown at bestida para sa sarili nang minsang nahuli ko siyang pinagmamasdan ang aking tinahing damit na pinagkatago-tago ko pa sa aking lumang aparador.
Kinabahan ako, hindi ko alam ang aking gagawin. Paano ko ipaliliwanag ang aking sarili? Ibinaling niya ang kaniyang paningin sa akin, malalim at makahulugan na titig. Huminto ang oras ngunit walang patid sa pagtalon ang puso ko.
Nagulat ako nang utusan ako ni Lola na tastasin ang aking tinahing bestida dahil susundan niya raw ang aking mga tahi sa makina upang mas maging maganda at matibay ang mga ito. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig.
Alam kong may pagtanggap, hindi ko kailangan na magpaliwanag o mangatuwiran. Sapat na ang kaniyang mga nakita upang maunawaan ako at ang proseso ng aking pagtuklas sa aking sarili.
Akala ko ay nalimutan ko na ang tuluyan ang mga paper dolls, hindi pa pala. Ang mga pinagtulungan naming ni Lola na buoin na mga padron ng damit na yari sa manila paper, papel de hapon, likod ng lumang kalendaryo at kartolina ay nagpaalala sa akin sa mga paper dolls na nagturo sa akin na umugnay, tanggapin ang sarili, at pahalagahan ang mga payak na bagay na mas may kabuluhan.
Dalawampu’t apat. Ganiyang karaming beses na pala akong namatayan sa loob ng dalawang taon.
Bigla kong napagtanto ang bagay na ito nang minsang maaksidente mula sa pagbubukas ng gamot na gagamitin sana sa pag-nebulize sa alagang pusa. Hindi iyon ang unang beses kong magbukas ng isang ampoule. Kaya nang subukin kong baliin ang takip mula sa munting katawan ng bote, hindi ko inasahang sasambulat ang gamot, ang bubog, at dugo. (Hindi ko alam kung may depekto ang bote, o baka sobrang higpit ng pagkakahawak? Naging masyado nga bang kampante, o baka umiral lang ang katangahan?) Kasunod nito, gumuhit ang pagkahindik nang makitang nakanganga ang hiwang pumalibot sa daliri. Ngayon lang uli ako nasugatan nang ganito. Kakaiba ang talim ng antak, ngunit walang luhang pumatak.
Dati-rati kapag nasusugatan ako, napakabilis kong umiyak. Lalo na sa mga pagkakataong nakakayod ang tuhod, siko, o ano mang bahagi ng katawan kapag nadadapa mula sa pagtakbo o pagbibisikleta. Natural na reaksiyon ng batang ako ang pag-iyak dahil nasasaktan at natatakot. Kasama na rin siyempre sa pagngawngaw ang paghingi ng tulong. Sa tuwing nangyayari ito, nariyan si Nanay (ang aking lola) na nagiging nars at tagpagpatahan ko. Si Nanay rin kasi ang nagpalaki sa aming magkakapatid. Dahil OFW sina Mama at Papa, siya ang tumayong aming ikalawang ina. At kahit tumanda na at nag-uulyanin, hindi pa rin niya nalilimutang mag-alala kapag ginagabi na kami sa pag-uwi. Hindi pa rin siya pumapalyang magtanong kung nakakain na, o di kaya’y hanapin kami para sabay-sabay na kumain. Isa pa sa napansin kong paraan ng pagpapakita ng malasakit ni Nanay ay ang hindi pangungulit o hindi masyadong paghingi ng pabor sa amin para hindi makaabala sa aming ginagawa.
At ganoon nga ang nangyari noong mamatay siya. Tahimik. Walang paalam. Tandang-tanda ko ang araw na iyon. Matapos naming mananghalian, nadaanan ko pa siya sa kaniyang kuwarto. Nakahiga, pikit ang mga mata, nakanganga, at humihinga. Naisip kong natutulog lang siya at mainam na huwag siyang gisingin. Tumungo na lamang ako sa kabilang kuwarto at sinubukang gumawa ng trabaho. Iyon pala, hindi ko na siya muling makikitang gising. Hindi ko man lang naisip o napansin na baka naghihingalo siya o baka may masakit sa kaniya. Sa panahong iyon, si Nanay ang naging dahilan ng pag-iyak ko. Hindi na siya ang magpapatahan sa akin. Pero ang higit na nakapagpalungkot sa akin ay ang pinalagpas kong pagkakataon para patunayan sa kaniyang kaya kong iwan ang anumang pinagkakaabalahan para sa kaniya.
Pagkakuha ng mga tagapunerarya sa katawan ni Nanay, sumama ako sa aking kuya at tita para mag-asikaso sa mga kakailanganin bago ang lamay. Bumili ng damit, pumili ng ataul, at dinala sa punerarya ang damit na ipasusuot kay Nanay. Naabutan din namin doon ang embalsamador. Pinahintulutan niya kaming pumasok sa kuwarto kung nasaan ang bangkay ni Nanay. Habang kausap ni tita ang embalsamador, nakatingin ako kay Nanay. Nakanganga kasi siya nang mamatay, kaya agad kong napansing nakatikom na ang bibig niya. “Buti naman po nakasara na,” puna ni tita. “A, madali lang naman ‘yun,” sagot ng embalsamador.
Halos katulad nito ang sinabi ng doktor sa akin matapos tanggalin ang gasang nakabalot sa daliri ko. Hindi naman daw mahirap tahiin ang sugat. Humupa na rin ang pagdudugo kahit na papaano. Pero ipinaliwanag niyang hindi rin maaaring gawin agad-agad ang pagtatahi. Napakarami palang litid sa kamay. At dahil ang pinakamalaking hiwa ay nasa bandang hugpungan ng aking hintuturo, posibleng may matamaang litid. Kung ganito man ang kaso, hindi nila maaaring tahiin ang aking sugat. Tanging ortho (partikular isang hand specialist) lamang daw ang makakagawa nito.
Sinimulan ng doktor ang eksaminasyon sa aking kamay. Hinawakan niya ang apektadong daliri, at tinanong kung nararamdaman ko ang pagkakahawak niya. “Opo,” sabi ko. Sunod niyang ipinasubok sa akin ang tila pagpapatiklop ng daliri. Nagawa ko naman kahit dahan-dahan at hirap na hirap sa tindi ng pagkirot. Sa pagtatasa ng doktor, mukhang wala namang tinamaang litid. Ang susunod na hakbang ay magpabakuna kontra tetano, at magpa-x-ray para makita kung may mga naiwang maliliit na piraso ng bubog sa daliri ko. Matapos makausap si doc, agad naman akong nakapagpa-x-ray. “Okay na po ma’am. Hintayin niyo na lang po ang resulta,” sabi ng technician. “Gaano po katagal?” tanong ko. “Mga one to two hours po,” sagot niya.
Bumalik na lamang ako sa dating puwesto sa Trauma 2 center ng Emergency Room at doon naghintay. Hindi ako mapalagay.
Nakakakaba na nakakasabik ang paghihintay sa panganganak ng mga alaga naming pusa. Alisto ako sa mga senyales kung malapit na nga silang manganak. Binabantayan ko ang pagputok ng panubigan. Nakaantabay sa paglabas ng mga kuting pati ng kanilang inunan. Tinitiyak na hindi lalabis sa isang oras ang pagitan ng paglabas ng bawat kuting. Inaalalayan ang mga kuting upang makadede sila agad at makuha ang colostrum sa ina. Kaya noong naging matagumpay ang unang beses na panganganak ng isa naming pusang si Truffle, akala ko ay madali na ang lahat. Pero pinatutunayan ng karanasan na madalas mali ang mga akala. Ang mga sumunod na panganganak ng pito naming pusa ay naging napakamapanghamon.
Nahirapan si Curry sa una niyang pagbubuntis. Caesarean section ang ginawa sa kaniya dahil higit tatlong oras na ang lumipas mula nang pumutok ang panubigan, hindi pa rin niya nailalabas ang mga nasa sinapupunan. Matapos maoperahan, nalaman naming mahina ang tibok ng puso ng tatlong kuting. Ang isa sa kanila ay mas kritikal ang kondisyon kaya ipinaiwan pa sa clinic upang matutukan nila. Ilang oras lamang matapos naming makauwi, natanggap ko ang mensahe mula sa assistant ng vet na tuluyan nang huminto ang pagtibok ng puso ng naiwang kuting. Ito ang kauna-unahang beses kong umiyak sa para sa isang namatay na wala pang ilang oras kong nakilala. At ang tanging pagkakataon lang na nakasama ko siya ay nang kunin ko sa clinic ang maliit niyang bangkay na nakasilid lamang sa karton ng syringe.
Sa kabila ng panghihinayang, mas nagtuon ako ng pansin sa dalawang natitirang kuting. Unti-unti silang lumalakas lalo na sa pagdede. Kaya laging gulat ko na matapos ang tatlong araw mula nang mailibing ang isa nilang kapatid, sumunod naman ang isa sa kanila. Hindi ko pa napansing wala na siya dahil nadadaganan siya ng kapatid niyang dumedede. Nang hawakan ko siya upang itapat sana sa dede ng kanilang ina, malamig na ang katawan niya.
Ang nangyari sa natirang kuting ang mas mahirap tanggapin. Kumpara sa mga kapatid niya, tumagal siya ng halos tatlong buwan kapiling namin. May pangalan na kaming naibigay sa kaniya. Nakakatabi ko siyang matulog, at madalas na panggigilan. Nakasama pa nga siya sa mahahalagang okasyon ng pamilya, gaya ng kasal ng aking kuya. Kaya noong napansin kong biglang humina siyang kumain at bumagsak ang timbang, dinala ko na siya agad sa clinic. Ilan ang sinangguni naming beteniraryo, at ilang uri ng gamot ang ipinainom. Bumubuti man ang lagay niya, babalik din ang ang pananamlay. Hanggang sa nasaksihan ko ang unti-unting pagbagsak ng katawan niya. Nakita ko na lang na nakakadumi siya bigla bago pa makapunta sa litter box. Buhaghag at nagdidikit-dikit na ang balahibo dahil hindi niya na kayang linisin ang sarili. Hindi na niya pinapansin ang paborito niyang pagkain kahit nasa harap niya na ito. Nawala ang sigla, at lalong dumalas ang pagtungaga’t pagtulog. Sa huling pagkakataon, nagdesisyon akong muli siyang isugod sa clinic nang marinig siyang umiiyak. Pinipilit niyang maglakad, ngunit natutumba. At noon namin natuklasang feline panleukopenia virus (katumbas ng parvovirus sa aso) ang tumama sa kaniya.
Tila naulit ang nangyari noong araw na ipinanganak sila. Wala pang walong oras mula nang ipa-confine siya, nakatanggap ako ng mensahe mula sa vet: “Wala na po si Mini Goober.” Muli, bumalik ako ng clinic upang kunin ang kahon ng syringe na naglalaman ng bangkay niyang balot na balot ng mga basahan. Umiiyak ako sa daan pauwi. Kahit gusto ko siyang makitang muli, hindi ko binuksan ang kahon dahil ayokong ang huling alaala ko sa kaniya ay ang paghihirap na dinanas niya.
Ang pagkamatay nina Mini Goober ay simula lang pala ng marami pang pagsubok. Nanganak nang halos magkakasunod ang apat sa aming pusa. Apat ang naging anak ng pusa naming si Churros. Ilang linggo lang ang pagitan, nagluwal naman ng limang kuting si Curry. Nagmistulang nursery ang aking kuwarto sa dami ng mga kuting. Nang lumaon, ang nursery na ito ay naging clinic. Nagsimula ito noong manganak si Hawhaw sa anim na premature na kuting. Sa kasamaang-palad, ni isa sa kanila ay walang nabuhay. Nagtuloy-tuloy pa ang operasyon ng maliit na clinic sa aking kuwarto nang ma-diagnose ng beterinaryo ang mga kuting na may herpesvirus (ilang sintomas nito ang sipon at labis na pagmumuta). Sa isang araw, nakakatatlong beses ako o higit pa sa pag-nebulize sa kanila. Dalawang beses naman akong magpainom ng antibiotic at supplements. Ganoon din ang dalas ng pagpapapatak ng eydrops sa kanila. At dahil hindi na rin makadede sa kanilang ina, halos oras-oras akong mag-syringe-feed ng gatas. Pero imbis na makakita ng pagbuti sa kanilang kalagayan, lalong lumalala ang impeksiyon nila. Nakikita kong pasinghap-singhap na ang kanilang paghinga. Ang isa pa sa kanila hindi na mabuksan ang mga mata at tuluyang nabulag. Di-nagtagal, sunod-sunod na namatay ang mga kuting na aking binabantayan. Isa lamang ang himalang nabuhay.
Nang manganak naman si Rice, hindi ko inasahang muli naming haharapin ang parehas na sakit na nagpahirap sa mga anak nina Churros at Curry. Sa pagkakita ng parehas na sintomas ng kaniyang mga kuting, nagtatalo sa isip ko kung ano ang gagawin. Tatanggapin na lang bang walang mabubuhay sa kanila o hahanap ng ibang doktor o gamot na maaaring makapagpagaling sa kanila? Pinili ko pa rin ang ikalawa, pero hindi na ito inabot ng tatlo sa anim na kuting. Nakakapanghinayang, lalo nang masubaybayan kong lumaki bilang naggagandahang mga pusa ang kanilang mga kapatid. Sumusundot pa rin sa isip ko kung ano kaya ang magiging hitsura nila at ng iba pang mga naunang kuting kung hindi sila namatay?
Dumating ang nars na may dalang pang-ineksiyon. “Medyo mabigat po itong ituturok ko. Relax lang po,” sabi niya habang tinuturukan ang aking kanang braso. Tama nga siya, agad kong naramdamang parang may namumuong solidong bagay sa braso. “Sa kabila naman po,” sabi ng nars. Akala ko isa lang. Doble pala ang turok, at ang bigat.
Umiiyak at nagpupumiglas ang isa sa mga maysakit na kuting ni Chai nang itinusok ko sa balat nito ang karayom. Muli ko na namang naengkuwentro itong panleukopenia. May dalawa nang naunang namatay na kuting. Ngayon naman, may isang naghihingalo at sinusubukang pataasin ang tsansang mabuhay sa pamamagitan ng pagsusuwero. Sa totoo lang, takot na takot akong gawin ito dahil hindi ako tiyak kung paano ito gawin. Pinadalhan lang ako ng aming vet ng isang maikling Youtube video para matutuhan ko ito. Sabi pa niya, dahil hindi na umuubra ang force feeding sa mga kuting, sa suwero na lamang sila makakabawi sa nawalang tubig sa katawan. Dahil baguhan, nakakailang turok ako ng karayom sa kaniya bago ko maibigay ang sapat na dami ng fluid. Sa mga sumunod na araw, medyo mas dumali ang pagsusuwero. Hindi na rin siya masyadong pumapalag sa tuwing tumutusok ang karayom. Pero kung kailan madali ko nang nagagawa ang bagong-tuklas na kakayahan, madali ring bumigay sa sakit ang kuting na pinipilit buhayin. Hindi na bago ito, naisip ko. Naghanap ako ng mas maganda-gandang kahon, at inilagay roon ang nanlalamig na katawan ng kuting.
***
Bumalik ang doktor upang sabihing wala siyang nakita sa x-ray na anumang naiwang bagay sa aking daliri. Ang kaninang mabagal na pagpatak ng oras habang naghihintay ay biglang bumilis. Matapos maihanda ang mga gagamitin, ilang sandali pa ay isinagawa niya na ang procedure. Una niyang itinurok ang inheksiyon na may anesthesia. Tumalab ito pagkatapos lamang ng dalawang turok. Pagkatapos ay saka sinimulan ng doktor ang pagtatahi.
Pinanood ko kung paano tinahi ang sugat sa aking daliri. Bagamat namamanhid, naramdaman ko pa rin nang bahagya ang bawat pagdulas ng karayom at ang paghigit ng sinulid sa aking balat. Natapos ang doktor sa pagtatahi sa loob lamang ng humigit kumulang 30 minuto. Pinagmamasdan ko muli ang aking daliri. Magang-maga at may tatlong tahi.
Hindi ako naiyak. Pero alam kong masakit.