Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Ang Pagiging Luntiang Manunulat
Luntiang Palihan bilang nilalaman ng espesyal na isyu ng Luntian Online Journal. Hindi intensyonal o sinadya na magkatulad ang pangalan ng workshop ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center at ng online Journal ng Departamento ng Filipino. Ngunit ito ay kalugud-lugod na pangyayari; maaaring hindi ito lubos na “coincidence” at ang mas angkop na dahilan ay ang kulay luntian o pagiging luntian ay nasa kamalayang Lasalyano.
Hindi lamang ito kulay kundi may malalim na kabuluhan para sa pamayanang Lasalyano. Kung babalikan ang kasaysayan ng DLSU ang mga kulay ng puti at luntian ay kumakatawan sa “founding fathers” ng DLSU sa Pilipinas, samantalang ang puti ay iniugnay sa kulay ng perlas at ang Pilipinas noon ay tinagurian “pearl of the orient seas.” Mahalagang malaman ang kasaysayang ito ngunit lagpas dito, paano ba maging luntian? Kailangang mas bigyan pa ang katanungang ito ng konteksto; maging mas spesipiko. Ang kontekstong tinutukoy ko ay ang pinagmumulang posisyon or posisyonalidad bilang bahagi ng Departamento ng Literatura—manunulat at guro ng panitikat at malikhaing pagsulat—at bilang tagapamuno ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center.
Ang pagiging luntiang manunulat sa pamayanang ng DLSU ay pagiging prolific. Kapag tiningnan ang ibig sabihin ng salitang ito sa diksyunaryo, lalabas din ang salitang produktibo bagama’t ang pagiging luntian manunulat ay hindi lamang sinusukat sa dami nang nailathala na maitatala sa scorecard, ang mga gawa o akda ng luntian manunulat ay tulad ng sa halamanan, may layuning magdulot ng kalusugan, maging pagkukunan ng pagkain, at magbigay-buhay sa pangkalahatan. Ang pagsulat o panitik ay nagmumula sa kamalayang may pananagutan tayo hindi lang sa pamayanang DLSU kundi sa bayan sa labas nito; Katoliko ang institusyon ngunit yumayakap sa diversity o pagkakaiba-iba , ‘di lang umaangkop sa pagbabago ngunit ang panulat ay nag-uudyok upang magsimula at magsulong ng malalimang pagbabago nang may killing sa mga naaapi, naiiwan, dumaranas ng diskriminasyon at marhinalisasyon. Ang dakilang layunin ay mag-ambag sa pagpapayaman ng kultura at panitikang Pilipino.
Dito rin sa halamanang ito kumukuha ng inspirasyon ang BNSCWC para sa mga gawain nito tulad ng mga palihan. Isa rito ang Luntiang Palihan na para sa mga nagsisimulang manunulat ang isa sa pangunahing taunang proyekto ng sentro.
Natatangi ang palihan sa pagbibigay primyum sa mga manunulat mula sa rehiyon o mga manunulat sa ibang wika ng Pilipinas maliban sa Filipino at Ingles. Walang kategorya para sa mga manuskrito sa Ingles sapagkat marami ng mga palihan ang sumasakop nito. Hindi lang mga Lasalyano ang nakakapasok bilang fellow sa palihang ito kundi mga manunulat mula sa Mindanao at Visayas. Sa darating na Luntiang Palihan ngayong Agosto 2024, ang mga manuskritong isinulat sa Kapampangan ang bibigyang prayoridad na tatanggapin. Hindi lamang kasanayan sa pagsusulat ang inihahatid ng palihan kundi pati mga luntiang katangian ng isang manunulat na inilahad sa taas.
Magandang simulain ang natatanging isyu na ito ng Luntian na nawa’t magbunsod ng mas malalim, masagana, at sustenadong kolaborasyon ng palihan at journal.
Kung Bakit Kailangan Nating Maligalig
Laging naghahanap ng mga mambabasa ang anumang akdang-pampanitikan. Ang kahulugan at kabisaan ng isang akda ay nagkakaroon ng katuparan at kaganapan dahil sa mga mambabasa.
Ang pagtipon ng mga akda ng kabataang manunulat na naging kabahagi ng Palihang Luntiang Palihan: Worksyap para sa Kabataang Manunulat sa mga Lokal na Wika, isang taunang palihan ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ng De La Salle University, ay isang paraan ng paghahanap ng mga mambabasa. Salamat sa pagkakaroon ng mga online na publikasyon tulad nito dahil mas nagiging abot-kamay ang mga akda sa mambabasa. Malaki rin ang natitipid dahil walang kailangang gastusin sa paglalathala.
Ang Luntiang Palihan ay nagsimula noong 2018. Layunin nitong makatulong sa aktibong produksiyon ng panitikan sa wikang Filipino at sa iba pang wikain sa Pilipinas. Bawat taon ay may isa pang wika na nakakasabay ang wikang Filipino: Hiligaynon (2019), Bikol (2020), Waray (2021), Ilokano (2022), Meranaw (2023). At ngayong taong 2024, Kapampangan naman ang isa pang wika. Inaasahan na ang ganitong hakbang ay lalo pang makapag-aambag sa nahihitik na bunga ng ating Pambansang Panitikan.
Kumbaga, ang bawat akda na sumasalang sa Luntiang Palihan ay isang piraso ng puzzle na bubuo sa isang mas malaking larawan ng ating pagka-Pilipino.
Isa sa mga pangunahing batayan sa pagpili ng mga akda sa bubuo sa kalipunan na ito ay kung paanong tapat, makulay at malikhaing naglalarawan ang akda (tula at maikling-kuwento) sa konteksto o panahon nito, at sa kultura/wikang pinagmumulan nito. Kung paanong nabigyan ng espasyo sa akda ang mga tinig na madalas nating hindi naririnig. Anumang personal na danas ng manunulat ay hindi maihihiwalay sa mas malaking usapin ng lipunan. Kung paanong naipakita ng manunulat ang pagkaligalig o kawalan ng katahimikan hangga’t hindi naitatala sa anyo ng tula o maikling kuwento, ang kaniyang danas o nasaksihan. At kung paano niyang naitawid sa mga mambabasa ang pagkaligalig na ito.
Tulad ng mga ligalig na ipinadama ni Renalene Nerval sa kaniyang maikling-kuwentong may pamagat na “Si Peter at mga Anino”.
“Simula noong dalhin ni Peter ang pasaning iyon, hindi na siya matahimik. Pakiramdam niya, kailangang niyang kumilos. Ngunit, hindi niya alam kung paano. Wala siyang mahihingian ng tulong. Pakiramdam niya, wala siyang kakampi. At kahit anong gawin niyang paglimot, hindi pa rin siya makausad. Mula noong inilibing si Kevin at Mark, kasama nitong dinala sa hukay ang kanyang katahimikan. Tila namatay na rin ang dating siya, ang masiglang si Peter na punong-puno ng pag-asa.”
Hindi pinatahimik ng mga anino nina Kevin at Mark si Peter hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ng dalawang kaibigan. Kinailangan ni Peter na maging abogado upang magawa ito.
Sa pamamagitan ng kaniyang pangunahing tauhan na si Fred na naging Fredilyn, isang matinding pagkaligalig din ang inilarawan ni Jun Yang Badie sa kaniyang maikling-kuwentong “Lumad”:
“Magsesekondarya na siya. Pero, nababahala siya sapagkat papalaki nang papalaki ang mundong ginagalawan niya. Sa pinakalamaking public high school na matatagpuan
sa sentro mismo ng bayan siya mag-aaral bilang iskolar ng Sangguniang Kabataan. Halos sampung kilometro na ang layo mula sa kanilang barangay. Napabilang siya sa isang star section. Humugot na lang din siya ng lakas sa isang guro ng kanilang paaralan. Isa ring mahinhin tulad niya.”
Bilang bahagi ng LGBTQ, mulang personal na suliranin sa pamilya, pinasan ni Fred/Fredilyn ang napakabigat na tungkulin sa pagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno:
“Magpakatao tayo. Sikapin nating lagi ang maging mabuti at responsableng indibidwal para sa sarili, sa kapuwa, sa bayan, at sa Kaniya. Maging biyaya tayong lahat. Ipaglaban ang naaapi at ipagtanggol ang ating mga karapatan. Igalang ang sangkatauhan, Kristiyano, Bangsamoro, o Lumad man, babae, lalaki, bakla, tomboy, o trans man. Humayo tayo at ipalaganap ang tatak-Trinitarian.”
Ang kaniyang pagkilos o paghahanap ng hustisya ay nagabayan ng kaniyang personal na danas. Nang magkatensiyon nang simulang baklasin ng mga pulis ang kabahayan ng mga katutubo, ilang putok umalingawngaw. Natamaan sa ulo ang nanay ni Fred na naging dahilan ng pagkamatay nito. Ito ang huling narinig ni Fred sa kaniyang ina:
“Ipinagmamalaki kita kahit ano at sino ka man. Magpakatatag ka. Patawarin mo ako. Mahal na mahal kita.”
Ito sa tingin ko ang mas magbibigay ng dahilan kay Fred upang kumilos. Malaki ang inaasahan sa kaniya ng yumaong una. Ito ang nagbigay sa kaniya ng higit na ligalig upang makamit ang hustisya di lamang sa kaniyang ina kundi sa kaniyang kinabibilangang pangkat-etniko.
Ligalig naman ng isang bata, ang mararamdaman sa pangunahing tauhan ni Joseph Ryann Jalagat sa kaniyang maikling-kuwentong Apostrophe “s”:
“Isa sa pinakamahirap na asignatura para sa akin ay ang English. Nakakalito kasi ang mga palatuntunan nito. ‘Di ko rin mawari minsan ang basa ng mga salita na halos iisa lang naman ang itsura. Halos mabuhol ang dila ko noong pinabasa sa’min ang though, tough, through, trough, at thought. Grabe, magkakaiba pala sila ng bigkas!”
Isang malaking hamon kay Santi ang pag-aaral ng English language:
“Mahiwagang tunay ang English language. Sa isang simpleng kudlit at pagbabagsak ng ‘s’ sa salita ay nagagawa nitong paikutin ang kahulugan nito. Kayang magtago ng mga letra ang kudlit at kaya namang magparami at mang-angkin ang ‘s’.”
Sino mag-aakalang ang apostrophe “s” ay isang malaking problema pala sa bata? Ang kaniyang problema ay resulta ng kaniyang kalituhan kung paano ito tamang gamitin sa kaniyang personal na danas—parehong babae o ina ang kaniyang mga magulang. Sabi ni Santi sa kuwento, “meron akong dalawang nanay.” Ito ang bumubuo sa kaniyang nakagisnang pamilya.
Tatlo lamang ito sa malalaking ligalig na ipinatanaw at higit sa lahat, ipinagdama sa akin ng mga akda sa espesyal na isyu na ito ng Luntian. Isang kompletong buntong-hininga rin ang ipinadanas sa akin ng mga akda kung paano makamit ang katarungan sa katapusan ng kuwento. Totoong isang alternatibong mundo ang panitikan.
Hahayaan ko na kayong tuklasin ang iba pang ligalig sa iba pang mga akda ng mga naging fellow sa Luntiang Palihan.
Hindi pala mabuting lagi tayong maging panatag.
Kailangan nating makadama ng maligalig.
Dahil kung may ligalig, nag-iisip tayo, nagkakaroon ng malasakit sa kapuwa, sa mga kuwento ng iba. Higit sa lahat, kumikilos tayo upang makamit ang inaasam na hustisya.
Salamat po sa inyong lahat, aming mga natagpuang mambabasa!
Tambalang Luntian: Palihan at Journal
Bilang isa sa mga Associate ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNS-CWC), nabanggit ko kay Dr. Ronald Baytan na noon ay Direktor ng sentro, ang kahalagahan ng isang palihan ng malikhaing akda na nakalaan para sa mag-aaral at kawani ng pamantasan. Ang sentro kasi ay may kilalang pambansang palihan, ang Iyas Creative Writing Workshop na pambansa ang sakop at para sa mga manunulat na kapuwa nangagsisimula at nakapaglathala na. Naniniwala ako na ang pagbabahagi ng kasanayan at pagpapahusay sa malikhaing pagsulat ay isang gampanin at mainam na simulain para sa pagpapaunlad ng pag-aakda sa sariling bakuran. Tinanguan ito ni Dr. Baytan at doon nabuo ang Luntiang Palihan.
Nakailang taon na itong naisasagawa at patuloy pa rin sa pagtuklas, paggabay, at pagbibigay ng pagkilala sa mga bagong sibol na manunulat sa loob ng Pamantasang De La Salle. Marami sa kanila ay sadyang nangagpatuloy na suongin ang hamon ng pagiging isang manunulat. Natagpuan nila ang kanilang tinig at ang katuturan ng pagiging Lasalyanong manunulat. At gayon din, makailang ulit akong naanyayahan na maging bahagi ng mga lupon ng kritiko ng akda ng mga fellow. Bagaman, naging abala ako sa marami pang gawain at kolaborasyon sa loob at labas ng pamantasan kaya't ilang taon din akong hindi nakadalo sa palihan.
Bagaman, naisip kong mainam na balikan ang mga manuskritong ipinasa mula pa noong magsimula ang Palihang Luntian. Kasama rito ang pagpili at paglalathala ang mga natatanging akda sa mga nakalipas na taon. Nakapanghihinayang na ang nakararami sa mga manuskritong naipon sa nakalipas na anim na taon ay maimbak at malimutan na lamang. Marapat lamang na maitampok ang mga ito upang mabasa at mabigyan pa ng espasyo at promosyon ang mga Lasalyanong manunulat. Kaya naman naimungkahi ko ang espesyal na isyu ng Luntian Online Journal kina Dr. John Iremil Teodoro at Dr. Ronald Baytan, mga dating Direktor ng sentro at kasama sa mga rebyuwer ng Luntian Journal, na kanila namang tinanggap at sinang-ayunan. Naging bukas din sa panukala sina Dr. Clarissa Militante, ang kasalukuyang Direktor ng sentro at G. Genaro Gojo Cruz, ang Direktor ng Palihang Luntian kaya't agad na naisakatuparan ang tambalan ng dalawang Luntian, ang journal at palihan. Umaapaw ang aking pasasalamat sa kanila na naging daan sa kolaborasyong ito at pagtatampok ng mga akdang isinalang sa Luntiang Palihan sa nakaraang mga taon.
Kaya naman aming isinagawa ang plano upang ilabas ang katangi-tanging isyung ito sa Buwan ng Panitikan. Subalit dahil sa bigat ng trabaho ng pagkuha ng mga sipi, pagbabasa at pagpili ng mga akda, pagpapadala ng conforme sa mga manunulat, at presswork kaya't ilalabas na ito sa Buwan ng Pamumukadkad. Maaaring naitanim ang binhi ng Isyu 10 sa buwan ng Abril at namulaklak at nagbunga ito sa Buwan ng Mayo. Isang masaganang ani ito para sa pagsisimula at kalagitnaan ng tag-init.
Ang ugnayang ito ng BNS-CWC at Luntian Online Journal ay isang patunay na bukas palagi ang pintuan para sa mas maringal at mainam na kolaborasyon.
***
Ngayon ko na lilinawin at ikukuwento ito.
Inilunsad ang Luntian Journal noong Agosto 28, 2020, kasagsagan ng pandemya. Palibhasa'y ipinatutupad noon ang lockdown at mas maraming panahon ang pananatili sa loob ng bahay, kaya't minarapat ko nang isakatuparan ang proyektong matagal kong binalak. Dahil na rin sa panghihikayat ni Dr. Rhoderick Nuncio, ang Dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, kaya't pinagsumikapan kong maitatag at maitaguyod ang malikhaing pagsulat sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle. Sinuportahan ng dekano na naging Tagapayong Teknikal nang ilang taon at kasama ang mga piling kaguro ang pagbubuo nito. Batid kong malaking kapakinabangan ang magkaroon ng isang online journal ang mga mag-aaral at guro ng pamantasan, lalo't kasama sa isinusulong ng departamento ang pagpapalathala ng mga akda. Kaya naman ang pangalang Luntian ay palaging naiiugnay sa kulay ng pamantasan kung saan ito sinimulang binuo.
Nailunsad ang Luntian sa platapormang online na dinaluhan ng mga kaguro, mag-aaral, at kapuwa manunulat gaya nina Dr. Luna Sicat Cleto, Dr. Jimuel Naval, G. Eros Atalla, G. Francisco Montesena, G. Maynard Manansala, Dr. Aurora Batnag, Dr. Janet Hope Tauro-Batuigas, Dr. Mesandel Arguelles, Dr. Genevieve Asenjo, Dr. Emmanuel Gonzales, Dr. Vlademeir Gonzales, G. Ferdinand Pasigin Jarin, Dr. Ronald Baytan, Dr. Wena Festin, Dr. Jayson Petras, G. Paulo D. Rico, Dr. Maria Roxas, Dr. Chuckberry Pascual, Bb. Beverly Wico Sy, at marami pang iba, samantalang naging bahagi ng programa sina Dr. Jun Cruz Reyes at Dr. Arthur Casanova (Tagapangulo, KWF).
Marami ang humanga at nagpahayag ng kanilang suporta para sa proyektong ito, bagaman nagtataka kung bakit limitado sa akda ng mga mag-aaral sa antas graduwado at mga guro lamang ang binibigyan ng espasyo sa dyornal. Sapagkat sa unang plano ng journal ay naglalayon itong mapalakas ang produksiyon ng publikasyon ng mga mag-aaral sa antas gradwado at kaguruan ng pamantasan, lalong-lalo na ang gradwadong mag-aaral at kaguruan ng Departamento ng Filipino. Subalit nakalulungkot at sa hindi inaasahang kapasyahan ay tinanggihan ng Departamento ng Filipino ang Luntian Journal upang maging opisyal nitong online journal. Nakapanghihinayang bagaman minarapat kong ituloy ang journal dahil sa naniniwala ako sa katuturan at saysay nito para sa mga manunulat, partikular na ang mga mag-aaral at guro. Lalo't pinanghahawakan ko ang binanggit ni Amang Jun Cruz Reyes sa kanyang pahayag sa pangwakas na mensahe sa paglulunsad ng dyornal, "Nakatutuwa na isinagawa mo ito, Nonon, ngunit nahihiya akong dapat sana ay mas naunang naisakatuparan ng nakatatanda sa iyo ang proyektong ito. Ingatan at ipagpatuloy mo ito." Mula noon, palaging ito na ang aking inaalala. At dahil na rin sa kabutihang-loob at pagiging kabahagi ni Dr. David Michael San Juan bilang kasamang tagapagtatag, kaya't kanyang inako at inialok ang maging isa sa mga online journal ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF). Nakatagpo ng tahanan ang Luntian Journal at binigyang laya o awtonomiya ng PSLLF ang Luntian Journal upang magsagawa ng panawagan, makapaglabas ng isyu, pangasiwaan ang online platform nito, at maging ang pag-iimbita sa mga lupon ng rebyuwer. Karangalan ang maging kabahagi ng PSLLF at palagi kong sinasabing kasalo namin ito sa lahat ng papuri at pagkilala sa dyornal. At muli, ang ugnayang ito ng PSLLF at Luntian Online Journal ay isang patunay na bukas palagi ang pintuan para sa mas maringal at mainam na kolaborasyon.
Walang anumang pondo o pinanggagalingang kita ito, bukod sa aking sariling pagsisikap at suporta ng mga kasamahang may malasakit sa panitikan at mabuting kalooban. Pero hindi matatawaran at higit pa sa halaga ng salapi ang dedikasyon ng mga patnugot at lupon ng rebyuwer ng Luntian Journal. Gayon din, patuloy kaming nakatatanggap ng papuri at mensahe ng suporta mula sa komunidad ng mga mag-aaral, manunulat, at kaguro sa buong bansa. Lumalawak din ang mambabasa at dumarami ang kontribyutor nito. Inaabangan ng marami ang bawat panawagan ng Luntian Journal. Higit pa ito sa sapat upang mapawi ang hirap at sakripisyo sa pamamahala ng dyornal. Isang karangalan sa bumubuo ng dyornal ang makapaglathala ng 10 isyu at may mga kasunod pa. Nagpapatuloy ang Luntian Journal sa paglalathala ng mga akda at pagkilala sa kahusayan ng mga mag-aaral at gurong manunulat sa bansa.
Umaapaw ang aking pasasalamat sa mga patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa Luntian Journal. Abangan ang mga karagdagang katuwang para sa pagtataguyod ng Luntian Journal!
***
Isang taon na ang nakalipas nang isakatuparan ko ang aking sabbatical leave. Balik trabaho na, balik sa pagiging simpleng guro. Ito na ang ikalawang pagkakataon na aking tinamasa ang pribilehiyo. Huli ko itong naisakatuparan noong 2013, kung saan ko naisagawa ang paglalakbay at pagtatanghal kasama ang aking koro sa Europa, ang pagsasaaayos ng manuskrito para sa pambansang palihan, ang pagpapahinga na rin matapos ang tila sunod-sunod na pagpanaw ng mga mahal sa buhay, at higit sa lahat, ang paghahanda sa sarili para sa isang katungkulan na limang taon ko ring nagugulan ng pagsisikap at pagtitiis.
Dapat sana ay naganap ang ikalawa kong sabbatical leave noong 2020, dahil tuwing ika-pitong taon ito ipinagkakaloob sa mga fulltime faculty. Subalit, hindi naganap ito noong 2020, dahil na rin sa kasagsagan ng pandemya. Lockdown pa noon, sarado ang mga hangganan at syudad, ang mga paliparan, ang mga aklatan, parke, pamilihan, at napakahirap isagawa ang pananaliksik at iba pang plano para sa panahong nakalaan. Iginugol ko ang panahon sa pagsusulat at paglalathala para sa mga journal at antolohiya, pagbabahagi sa mga online lecture, pagbubuo ng Palihan at Lektura para sa Unang Malikhaing Akda (PLUMA), pagiging aktibo sa National Committee on Language and Translation (NCCA), ang pagigigng aktibo ng Bahay Katha sa aming pamayanan, ang pagsasaayos ng aming bagong tahanan, at higit sa lahat, ang aking pagsisikap na maitatag at maitaguyod ang LUNTIAN: Onlayn Journal para sa mga Gradwadong Mag-aaral at Guro. Naging mabunga ang dalawang taong pandemya sa aking pananatili sa tahanan, kahit pa sinasalakay ako noon ng labis na siphayo. Sa madaling salita, dalawang ulit kong naipagpaliban ang aking ikalawang sabbatical leave, kaya naman sa pagsusuma ay limang taon na lamang at maisasakatuparan kong muli ito.
Noong 2023, aking ipinagdiwang ang aking ika-50 kaarawan, kung saan ko naisakatuparan ang aking sabbatical leave. Naging makahulugan ito. Isang biyaya at regalo para sa aking kaarawan. Aking napagnilayan na nagsilbing biyaya ito matapos ang panahon ng takot at kalungkutang dulot ng pandemya. Isa rin itong regalo ng Maykapal para sa aking pagsisikap at pagiging produktibo sa nakalipas na dalawang taon. Ipinagkaloob sa akin ang pagkakataong maisaayos ang napakaraming bagay at matupad ang maraming plano. At doon ko rin sa panahong iyon natuklasan at nakilala ang mga dapat kong pahalagahan at ang mga dapat kong layuan o kalimutan. Paraan ito ng kalikasan para na rin mabigyang kahulugan ang pananahimik, paglayo, at ang paglimot. Totoo ang gasgas na kasabihan, may dahilan ang lahat ng bagay.
Pagsulat Bilang Kolektibong Gawain
Tampok sa ispesyal na isyu na ito ng Luntian Journal ang mga akdang pinanday sa isang palihan ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) ng De La Salle University. Ang mga akdang ito’y dumaan sa mahabang proseso ng worksyap pagkatapos ng panimulang pagsala sa mga lahok. Hindi lahat ng nagpapasa sa worksyap ay napipili kaya’t ang mga akdang ito’y salang-sala. Sa puntong ito’y mainam pagnilayan ang bisa ng mga palihan sa paghubog ng panulat. Sa isang banda, may mga palihan na ang direksyon ay komprontasyonal kaya’t hindi laging nagiging matagumpay ang rebisyon ng mga akda: darating sa punto na ang bagitong manunulat ay mananamlay na sa pagsulat dahil walang naramdamang pagkalinga sa palihan at sa kanyang mga magaspang pero mahahasa pang mga akda. Sa kabilang banda, may mga palihan naman ay nagpapatibay sa proseso ng pagsulat bilang isang kolektibong gawain. Sa mga gayong worksyap, constructive ang puna at pagbibigay ng komento sa akda ng mga kalahok. Magalang pero matapat pa rin naman na pagpapahayag hinggil sa potensyal ng bawat akda at mga landas ng rebisyon na maaaring tahakin para sa ikabubuti ng sulatin. Ang mga komento ay tinatanaw bilang mga mungkahi na ang may-akda ang magpoproseso hanggang sa maabot ng akda ang rurok ng potensyal nito. Tiyak kong ang palihan ng BNSCWC ay kasama sa mga worksyap na nasa ikalawang tipo dahil marami sa mga kalahok ang matagumpay na nakapagrebisa ng kanilang mga akda. Sa ganitong diwa, dapat ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga gayong palihan na hakbang-hakbang na humuhubog sa panulat ng mga kabataang manunulat palayo sa brusko at komprontasyonal na tradisyon ng mga sinaunang palihang pampanitikan.
Buhay ay 'di karera
Sa totoo lang, nakornihan ako nang marinig ang linyang ito mula sa kantang Karera ng BINI, ang pinakamainit na P-Pop group sa kasalukuyan. Naisip ko, paulit-ulit na itong mababasa o maririnig sa mga inspirational video. Pero as cliché as it may sound, madalas pa rin itong naliligtaan ng marami sa atin kabilang na ang aking sarili. May mga pagkakataon pa ring nagpapalamon tayo sa mga personal na pangamba at pressure para habulin ang kani-kaniyang mga pangarap sa buhay.
Personal kong naranasan ito nito lamang nakaraang termino. Kasalukuyan kong iginagapang ang pagtatapos ng PhD sa isang unibersidad sa Taft. Matagumpay kong naipasa ang comprehensive exam kasama ang apat pang batch mates sa program. Kasunod ng pagkuha ng compre ang pagsisimula ng totoong laban sa PhD - ang pagsulat ng disertasyon. Ang pagbuo nito ay nangangailangan ng sapat na panahon at atensyon dahil hindi ito simpleng term paper lamang na maaaring tapusin ng iilang linggo. Naging malaking hamon para sa akin ang pag-usad sa pagsulat dahil sa teaching units na kinuha ko sa dalawang unibersidad na pinagtuturuan, gayundin sa iba pang mga gawaing labas sa akademya.
To make the long story short, ako lamang sa aming batch ang hindi nakapagsulat at nakapagdensa ng panukalang disertasyon nitong nagdaang termino. Dinibdib ko ang kabiguang makapagpasa ng manuskrito dahil hindi ako sanay na naiiwan o napag-iiwanan. Naging bahagi na ng pagkatao ko ang pagiging competitive, ang pagnanasang manguna or at least, hindi maging kulelat sa anomang bagay.
Lumaki akong palaging may gustong patunayan sa ibang tao. Ganito siguro ang mga produkto ng broken family, ng mga iniwan ng tatay sa kaso ko. Lagi kang may urge to be successful para maipakita at mapatunayang malayo ang narating mo kahit inabandona ka. Ito ang naging mindset ko kahit madalas naman akong paalalahanan ni Mommy na hindi ko kailangang maging top sa klase, na magiging proud pa rin siya sa akin basta’t pagbutihan ko lamang ang aking pag-aaral.
Pero para sa akin, hindi ito sapat. Mula elementarya hanggang hayskul, taon-taon kong hinahamon ang sarili na mapaakyat ng stage si Mommy para sa recognition day. Kahit ano pang parangal iyan. Top sa klase, top sa batch, boys scout of the year, most obedient, o kahit pa nga most handsome (siyempre gawa-gawa ko lang ito). Kinakarir ko talaga para sa tuwing matatapos ang school year, may matanggap na invitation mula sa school si Mommy.
Nadala ko ang obsesyong ito kahit sa college. Pinangako ko sa sarili kong mapapaakyat ko siya ng stage para masabitan niya ako ng medalya sa graduation. After almost three years of sleepless nights at balde-baldeng luha, nakapagtapos ako bilang Magna Cum Laude at nagawaran pa ng aming departamento ng Outstanding Undergraduate Thesis. Sobrang sarap sa feeling. Hindi lang dahil nabigyan ako ng pagkilala pero dahil ito lamang din ang maibibigay kong kapalit sa lahat ng naging sakripisyo ni Mommy sa amin ni Ate. I was the happiest I had ever been during that time. Pero kagaya nga ng tipikal na ending ng isang KDrama episode, palaging may susundot na conflict na tatapos sa kasiyahang nararamdaman ng mga karakter.
Dalawang linggo lamang makalipas ang aking graduation day, pumanaw si Mommy. Nagtampo ako sa kanya noon. Sabi ko, nagpakahirap ako ng tatlong taon sa pagpupuyat at paghabol sa target na CGPA para mapaakyat siya sa stage at kasamang tanggapin ang parangal tapos iiwan niya lang ako nang ganun-ganun lang? Ang unfair ‘di ba? Pero looking back, ako ang totong naging unfair kay Mommy. Nang balikan ko ang chat history namin sa Messenger, nanlambot ako. Doon ko na-realize na sa sobrang paghahabol ko sa mga pangarap at goal ko noong college, unti-unti ko na ring naiiwanan ang mga natitirang pagkakataong maaari ko pang makasama, makakuwentuhan, at mayakap ang Nanay ko.
Kaya sa tuwing nakikita ko ang award pin na nakuha ko mula sa graduation day, lagi nitong ipinamumukha sa akin ang napakaraming sana. Sana imbes na tumambay sa library para mag-aral at magsulat ng tesis, inagahan ko ang uwi paminsan-minsan para makasabay kumain ng dinner si Mommy. Sana iyong ibang oras na inilaan ko sa pagbabasa at pagrerebyu sa exam, ginamit ko para makapagkape at makumusta man lamang si Mommy. Sana mas nagdahan-dahan ako sa paghabol sa mga pangarap ko. Dahil aanhin mo pa ang paghahabol sa mga tagumpay o pagkilala kung wala na ang taong nais mong pag-alayan nito pagdating sa finish line?
Paalala nga ng bias ko sa BINI na si Mikha Lim, “huwag ka nang maniniwala sa paniniwala na dapat makipag-unahan sa karera kung wala namang karera.” Wala tayo sa anomang contest ng pabilisan sa pag-abot ng pangarap, paramihan ng awards, o palakihan ng yaman. May kanya-kanya at magkakaiba tayong paglalakbay. Walang dapat habulin. Dahil wala namang mauuna o mahuhuli sa sariling karera ng buhay.