Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Si Fred ay halos magtatatlong dekada na ring nakikipaglaro sa tadhana.
Dala ng danas ng nanay ni Fred sa kaniyang mga kapatid na lalaki na lasenggo at maoy na tuwing nag-aaway-away, laging nasa-sandwich ang ina, kaya sa takot nito na baka raw lalaki muli at tumulad sa mga nakatatandang kapatid, tatlong beses din siyang pinalaglag. Mapalad lang kasi napakatindi ng kapit niya at hindi nga nangyari ang isang karumal-dumal na krimen. Magdedebut siya noon nang naikuwento ito ng kaniyang tiyahin na sangkot sa ginawang ritwal. Isa kasi siyang manggagamot at kung ano-anong halamang-gamot ang ipinainom sa kaniyang nanay.
Hindi nga talaga gusto ng tadhanang mangyari ang madugong laban. Ipinagdasal na lang daw nila na sana sa huling pagbubuntis ng kaniyang nanay ay babae na. Apatnapu’t walong taong gulang ang nanay niya noon.
Naalala tuloy ni Fred ang kaniyang sinapit sa isang kuya nang nahuli siyang kumendeng-kendeng. Saktong lasing ang kuya niya. Ipinasok siya sa sako at ibinitay sa puno ng langka. Ayaw ng kuya niyang may bakla sa kanilang pamilya. Malas daw. Salot daw sa lipunan.
Parang biro na lang sa kaniya ang sekso. Paniniwala niya, hindi rito nasusukat ang katauhan ng isang tao.
Marami naman daw kasing tunay na lalaki, pero tambay, basagulero, lasenggo, at nananakit pa ng asawa o kapuwa. May kababaihan ding pabaya sa asawa, sa anak, sugarol, at maraming bisyo. Kahit ano raw ang pipiliin mong kasarian, mahalagang magampanan nang maayos ang mga tungkulin. Sabi pa nga raw ng kanta, walang sinoman ang nabubuhay para sa sarili lamang. “Kahit LGBTQ ka pa, hindi problema iyon.” Idinagdag niya pa ang nabasa niya sa isang aklat, “Madali ang maging tao, mahirap ang magpakatao.”
Si Fred ang bunsong anak sa labing-isang magkakapatid. Dalawa ang kapatid niyang babae at walo naman ang maton. Ang tanan ay lumagay na sa tahimik. Siya na lang ang kasa-kasama ng nanay. Siya lang din ang tanging nakapagsuot ng academic gown at nakatanggap ng college diploma. Siya rin ang kauna-unahang cum laude ng kanilang barangay. Kaya, ipinagmamalaki siya lagi at mataas na respeto ang ibinibigay sa kaniya ng mga kabarangay.
Noong nasa elementarya pa lamang siya, lagi siyang napapaaway sa katatanggol niya sa sarili at sa mga kaklase. Inaasar at inaaway siya gawa ng pagiging mahinhin niya. Kalahi rin daw nila ang mga taong walang sapin sa paa. Baguhan kasi sila sa eskwelahang iyon. Binabaktas nila ang halos limang kilometro para lang makapasok. Si Fred ay hindi tulad ng kaniyang mga kaklase na naturuan ng mga magulang ng mga batayang kasanayan lalo na akademiko, hindi tulad ng mga kaklase na pinaenrol sa mga tutorial lesson o ano pang kaek-ekan para sa labis na pagkatuto at pag-unlad. Natuto siyang magtiis at makibaka para sa sarili. Nagbunga rin naman ang kaniyang pagsisikap at paghihirap nang magtapos siya nang may karangalan.
Magsesekondarya na siya. Pero, nababahala siya sapagkat papalaki nang papalaki ang mundong ginagalawan niya. Sa pinakalamaking public high school na matatagpuan sa sentro mismo ng bayan siya mag-aaral bilang iskolar ng Sangguniang Kabataan. Halos sampung kilometro na ang layo mula sa kanilang barangay. Napabilang siya sa isang star section. Humugot na lang din siya ng lakas sa isang guro ng kanilang paaralan. Isa ring mahinhin tulad niya. Totoo at malayang nakapagpapahayag ng sarili. Malikhain at talentado pa. Ngunit, isang araw, narinig niya sa mismong hinahangaan niyang guro habang kausap ang kaniyang kaklase ang ganito,
“Hindi siya bagay sa ganiyan, di dapat bigyan ng extra-curricular ‘yan kasi marhinalisado naman ang kinabibilangan niya.”
Hindi niya man lubusang naintindihan kung bakit, nangining ang kalamnan niya at pumatak ang malalaking luha.
Mabuti na lamang at may nagbukas na panibagong oportunidad para sa kaniya. Mismong tagapayo ng pampaaralang pahayagan ang lumapit at kumausap sa kaniya.
“Nakikitaan kita ng husay sa pagsulat.”
Nakuha naman siya matapos dumaan sa pagsasanay. Nilagay siya sa pagsulat ng balita at opinyon. Dito nalinang ang kaniyang kasanayan sa pagsulat at namulat siya sa panlipunang isyu. Ipinadala rin siya sa mga division at regional schools press conference. Tatlong beses siyang nanalo na nagbigay-daan para makamit niya ang Excellence Award in Campus Journalism.
Grumadweyt naman siya sa hayskul. Katunayan, may mga parangal pa siyang natanggap. Malaki ang maitutulong nito para maging academic scholar sa anomang kolehiyo. Pero, ayaw na siyang paaralin ng kaniyang kuya. Magastos na raw. Paano na lang daw ang araw-araw na gastusin. Matanda na raw ang nanay nila. Nasa first year high school pa lang si Fred nang yumao ang kaniyang ama.
No read, no write ang nanay ni Fred. Ni hindi man lang niya nakilala ang nagdala sa kaniya sa mundong ito. Namatay nang iniluwal siya. Siya ang nag-iisang babae at siya rin ang bunso. Kasama niyang lumaki ang dalawang kapatid na lalaki at ang kaniyang ama. Hindi niya man lang kilala ang lapis at papel. Ipinagkait sa kaniya ang sanang yaman, ang tanging maipamana sa kaniya na kailanman ay di mananakaw. Babae raw kasi siya at mag-aasawa lang din naman. Ibinenta rin maging ang kapirasong lupa na mana pa sana niya sa kaniyang nanay. Nakaramdam lamang ng kalinga at pagmamahal sa lalaki ang nanay ni Fred nang makilala ang tatay niya. Aksidenteng nagkrus ang landas nila isang hapon sa may pamilihan. Iyon ang unang araw ng paglaya ng tatay ni Fred. Nakulong kasi ang tatay niya sa salang hindi niya nagawa. Napagkamalan siyang pumatay sa isang sundalo. Dati kasing napapaligiran ang kanilang lugar ng mga militar. Naging aktibong lider at tagapagtaguyod ng karapatang pantao lalo na ng mga katutubong tulad nila ang tatay ni Fred. Iyon pala yung mga naka-frame na parang plakarad sa dingding ng bahay nila. Mga tanaga at haiku na gawa mismo ng tatay niya. Mukhang dito yata namana ni Fred ang pagiging makata’t palaban.
Sariling pagpapasya
Ganap na soberenya
Igawad sa kaniya
Igalang ang kultura
— —- —-
Daing ng Katutubo
Sa lupaing ninuno
Maangkin ‘to nang buo
Hayaan s’yang mamuno
— —- —-
Magkokolehiyo na si Fred. Sakto lang at academic scholar siya. May naipon din siya mula sa mahigit dalawang buwang summer job sa isang plantasyon ng saging sa karatig lungsod. Sa lungsod ding ito siya mag-aaral kung kaya maiiwan niyang muli ang kaniyang nanay. Hindi pa naman sanay sa gawaing bahay si Fred. Na-spoil kasi ng nanay niya. Dito na bumabawi ang kaniyang nanay para ipadama na mahal na mahal niya si Fred at pinagsisihan niya ang kaniyang naging malagim na balak.
Naninibago siya sa bago niyang kapligiran. Nagtataasang gusali, malawak na kampus, halo-halo at magagaling na mag-aaral at propesor ang nakakasalamuha niya lagi.
Dito niya lalong nakilala ang sarili. Naging aktibo siyang kasapi at kalaunan naging mataas na opisyal ng kanilang organisasyon. Ito ang NATURAL Club o Nagkakaisang mga Katutubong Mag-aaral. Isang samahan ito ng mga lumad na mag-aaral ng unibersidad na naglalayong pakinggan ang bawat kuwento ng buhay at patatagin at palakasin ang kanilang loob at kumpiyansa sa sarili sa kabila ng labis na diskriminasyon sanhi ng marhinalisasyon at modernisasyon. Namulat siya sa kalunos-lunos na sinapit ng mga kapuwa niya katutubo. Naranasan nila ang landslide dahil sa minahan na ipinatayo sa kanilang komunidad na kahit hindi sila sang-ayon, napapasok ng mga kapitalista at ng mga buwayang politiko. Na kahit gusto nilang manlaban, wala silang kalaban-laban at nanaig ang takot dahil sa presensiya ng mga militar na nagpoprotekta sa mga naghaharing-uri. Marami rin ang namatay nilang kamag-anak dahil sa kontaminasyon sa tubig at polusyon sa hanging nilalanghap. Marami ang nawalan ng tahanan at pangkabuhayan dahil pinalayas sa kanilang lupa.
14 Nanumbalik sa alaala ni Fred ang ipinaglaban ng ama noong buhay pa siya. Nabigyan ng kulay, halaga at lalim ang nakasabit na frame ng tanaga sa kanilang tahanan. Dinagdagan ito ni Fred. Nagpagawa siya ng isa pang frame na naglalaman ng kaniyang panalangin sa pamamagitan ng villanelle. Alay niya ito sa mga kapatid na lumad.
Biyaya Mo Dwata sa’ming Banwê
Biyaya Mo Dwata sa’ming bayan
Pagpapala Mo sa mga Lumad
Sangkatauha’t likas na yaman
Matatamo ang kapayapaan
Magkakaisa anomang edad
Biyaya Mo sa’ming bayan
Maisulong ang pangkabuhayan
Lahat sama-sama sa pag-unlad
Sangkatauha’t likas na yaman
Maitaguyod ang karapatan
Pantay na pagtingin ay igawad
Biyaya Mo sa’ming bayan
Mapayabong ang kaugalian
Katangi-tangi’t walang katulad
Sangkatauha’t likas na yaman
Patnubayan mo ang pamahalaan
Gampanan ang responsibilidad
Biyaya Mo Dwata sa’ming bayan
Sangkatauha’t likas na yaman
Higit pang umigting ang marubdob na pagmamalasakit niya sa kapuwa lalo na sa mga marhinalisadong pangkat-etniko. Naging adbokasiya niya na ito. Lalo pang lumakas ang boses niya nang makuha siya bilang kasapi ng student publication ng buong pamantasan na naging buhay niya sa hayskul. Masaya siyang maging bahagi muli ng pahayagan.
Dahil sa publikasyon, nakapunta siya sa Maynila sa kauna-unahang pagkakataon para sa taunang kumbensiyon ng College Editors Guild of the Philippines sa mga mamamahayag pangkampus. Sa tulong ng kanilang pamantasan at mga kamag-anak at kaibigan, nakabili siya ng tiket at may pambaon na siya. Isa siya sa kakatawan sa kanilang
rehiyon. May iba’t ibang panayam ang inihanda para sa limang araw na aktibidad. Nagkaroon din sila ng outreach program sa isang Badjao community sa Lucban, Quezon. Isang komunidad ng marhinalisadong pangkat tulad ng kanila. Mas nabuksan at lumawak pa ang kaniyang isipan sa kasalukuyang kondisyon at sitwasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng mga manggagawa, mangingisda, ng mga mahihirap, marhinalisadong pangkat-etniko o ng bayan mismo sa kabuoan.
Bumalik na naman sa gunita niya ang naging mapait na danas ng kaniyang tatay. Isang magsasaka na nakulong sa kasalanang di niya nagawa. Sa labis na pasakit na naranasan mula sa kapuwa preso at mga opisyal, nabulag siya. Nasa ikalimang baitang noon si Fred nang nagsimulang naglabo ang paningin ng tatay niya. Hindi niya man lang nasaksihan ang pag-akyat ng nanay niya sa entablado sa kauna-unahang pagkakataon upang tanggapin ang medalyang isasabit sa kaniya bilang salutatoryan. At sa labis na panghihina ng kaniyang katawan, maagang pumanaw. Ni hindi siya nakasama sa napakarami at marami pa sanang pagsaluhang tagumpay ng pamilya. Kabilin-bilinan pa naman niya sa nanay ni Fred dati na kailangang ipagdiwang ang anomang tagumpay na nakakamit ng anak.
Nagtapos sa kolehiyo si Fred bilang Cum Laude, Journalist of the Year, at Leadership Awardee.
“Magpakatao tayo. Sikapin nating lagi ang maging mabuti at responsableng indibidwal para sa sarili, sa kapuwa, sa bayan, at sa Kaniya. Maging biyaya tayong lahat. Ipaglaban ang naaapi at ipagtanggol ang ating mga karapatan. Igalang ang sangkatauhan, Kristiyano, Bangsamoro, o Lumad man, babae, lalaki, bakla, tomboy, o trans man. Humayo tayo at ipalaganap ang tatak-Trinitarian.”
Siping linya ng kaniyang talumpati sa kanilang pagtatapos na inulan ng palakpak.
“Kung buhay lang sana ang tatay, tiyak akong isa siya sa papalakpak at kasama ni nanay sa pag-akyat ng entablado para isabit ang aking mga medalya,” bulong niya sa sarili.
“Ito na ang tunay na mundo. Napakalaki at napakatindi.”
Nagsimula siyang maghanap ng trabaho. Panahon na raw para siya naman ang tumulong sa pamilya at sa kapuwa. Habang hinihintay ang resulta ng aplikasyon, sinimulan niyang tipunin ang mga bata sa kanilang barangay. Tinuruan niya sila ng mga batayang kasanayan tulad ng pagbasa, pagsulat, pagkukuwento, pagtutula at iba pang makabuluhang bagay na hindi niya man lang naranasan noong bata siya.
Magdadalawang buwan din ang ganitong gawain ni Fred. Masayang nakikilahok ang mga bata. Natutuwa rin ang mga magulang nila sapagkat lalong nalilinang ang kanilang kakayahan. Ngunit isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Nagimbal ang tanan. Pinaaalis sila. Magkakaroon daw ng demolisyon. Binibigyan lamang sila ng isang linggo para lisanin ang lugar.
Ang lupang tinitirhan nila ay lupaing ninuno. Minana pa nila sa mga ninuno. Ilang dekada na rin silang nakikipamuhay rito. Matagal-tagal na rin ang proseso sa titulo ng lupa. Hanggang ngayon ay kinakaso pa rin.
“Paano na lang ang aming bahay, ang aming pangkabuhayan kung aalis kami rito. Dito na kami isinilang, lumaki, nagkaasawa, kaya dito na rin kami mamamatay.”
“Saan din kami lilipat? Paano ang pag-aaral ng mga anak namin?”
“Paano na lang ang mga pananim namin?”
“Hindi tayo puwedeng umalis dito. Atin ang lupang ito. Kahit walang titulo. Atin talaga ito. Ancestral domain natin ito,” paliwanang ng Fulung, ang lider ng tribo sa kanila.
Napag-alaman ng kanilang Fulong na papasukan daw sila ng industriya ng mina. Dati na silang nililigawan ng mga kapitalistang ito. Ngunit, ayaw ng mga lumad.
Ngunit hindi nagpatinag ang mga pulis. May utos daw na paalisin sila sa lalong madaling panahon.
Bitbit ng matatanda ang kanilang fais, samantalang ang iilang binata ay may dala-dalang bato, may hawak-hawak na tirador at pana, ganoon din ang iilang babae.
Nagkatensyon na nang sinimulan nilang baklasin ang mga bahay. Nagbalot ng karahasan. Umulan ng mga bato. Ilang putok din ang umalingawngaw. Marami ang sugatan. Marami ang duguan. Maraming nakahandusay.
Natamaan sa ulo ang nanay ni Fred na agad naman niyang ikinamatay. Ngunit bago pa man malagutan ng hininga, nasambit niya ang,
“Ipinagmamalaki kita kahit ano at sino ka man. Magpakatatag ka. Patawarin mo ako. Mahal na mahal kita.”
Nakaluhod, nanginginig ang buong katawan habang yakap-yakap nang mahigpit ang duguang nanay. Walang tigil sa pag-agos ang malalaking luha at isang nakabibinging pagdaing sa sobrang kirot,
“Para saan pa ang paghihirap ko?”
Lumapit ang mga batang tinuturuan niya. Sabay-saby silang nagma-malem. Nagpapasalamat sa kaniya.
“Para po sa tulad namin,” tugon sa kaniya ng isang batang babae.
Niyakap siya ng mga humahagulgol na bata.
Nilibing ang kaniyang nanay sa tabi ng puntod ng kaniyang tatay. Samantalang, nagkalayo-layo na ang mga katribo. Nagkawatak-watak sila. Kung saan-saan sila pumunta upang humanap ng bagong matitirhan at ituloy ang laban ng buhay.
Si Fred naman,
Kawawang Lumad
Winasak at niyurak
Munting Pangarap
— —- —-
Isang haiku. Naisulat niya habang naghihintay ng kaniyang flight pa-Bangkok. Magtatrabaho raw muna siya rito. Naroon din ang ilang matalik na kaibigan at kaklase dati sa kolehiyo. Hahanapin niya raw muna ang sarili sa ibang bayan. Itutuloy niya raw dito ang pagpanday ng kaniyang pangarap.
“Ibang mundo na ito. Napakalaki at napakatindi!,” sambit sa sarili.
“You did a great job. You are very impressive.”
Nagpamalas ng kahusayan sa trabaho si Fred. Ilang buwan lang ay na-promote ito sa mas mataas na posisyon.
Nawili na siya sa trabaho. Halos walang panahon sa pagrerelaks.
“Kaya naman walang jowa e. Puro trabaho ang inaatupag. Maganda ka naman Sissy. Bagay na bagay sa iyo ang mahaba at wavy mong buhok at babaeng-babae ka na” biro ng kasamang Pilipino.
“Baka sa Pinas na ako makakahanap niyan. Nandun siguro ang forever ko.”
“O di sakto. Sa break mo. Uuwi ka di ba?
“Oo. Nami-miss ko na ang buong pamilya pati ang mga bata. Di ko nga alam e kung makikilala pa nila ako.”
Malamig na nga
Huwag sanang mag-isa
Kaawa-awa
— —- —-
Uuwi siya sa Pasko. Regalo sa kaniya ito ng boss niya.
Tinipon niyang muli ang mga bata, pinakain at binigyan ng napakaraming laruan, reading at coloring materials. Binisita niya rin ang mga kapatid. Naghanda siya ng salo-salo para sa kanila at isa-isang ibingay ang binalot na mga regalo.
Siyempre pa, binisita niya rin ang puntod ng nanay at tatay.
“Nay, tay, heto na po ako,” nangingilid ang luha habang sinasambit ito.
“Patawarin po ninyo ako.” At, umalis na siya agad.
Isang araw bago siya umalis pabalik ng Bangkok, nagkasalubong sila ng pulis na sinasabing aksidenteng nakabaril sa nanay niya. Ngumiti ito sa kaniya.
“Ang ganda at seksi n’yo naman po. Mukhang bago kayo rito a,” pabirong wika niya.
“Ganoon po ba? Baka, gusto mong sabayan ako mamayang gabi?
“Sige ba. Wala akong duty.”
“O sige. Magkita tayo sa may sapa malapit sa puno ng mangga, alas-otso ng gabi.”
Sakto lang ang pagdating ng pulis sa oras ng usapan.
“Maglaro tayo.” At biglang hinila at dumapo ang labi niya sa kaniya. Tila tigre namang sinunggaban si Fred. Nagpagulong-gulong sila sa mga tuyong dahon. Pinagpawisan. Humahagod. Kaygandang indayog na sumusunod sa ritmo ng agos ng sapa at kaluskos ng mga dahon.
Nakapatong na si Fred sa matipunong alagad. Nagpatuloy sa pagbayo.
Nang biglang,
“Ano pala ang pangalan mo?”
Sabay ng pagputok ng likido, sumagot siya,
“Ako si Fredilyn. Sana napasaya kita ngayong gabi. Pero, hindi lahat ng gusto mo ay mapapasaiyo.”
At, itinarak niya ang patalim sa dibdib ng pulis.
At, natapos ang laro nang madugo.
“Wala na si Fred. Patay na siya. At, ito na ang simula ng mas mapaglarong tadhana ni Fredilyn.”
Tala ng mga salitang Blaan na ginamit sa kuwento:
Dwata - Maylikha, pinakamakapangyarihang nilalang
fais - sandata ng mga Blaan, kris
Fulung - lider ng tribo
malem - chant
Madali lang ang paggawa ng Sanikulas pero dahil unang beses mo itong gagawin mag-isa, mabuti sigurong i-review mo muna ang recipe ni Lola bago ka magsimula. Kung gusto mo, puwedeng dalhin mo na lang din ang recipe notebook niya sa kusina. Kung natatakot ka naman na baka mapunit, mabasa, o mamantsahan mo ito—at aminin na natin, hindi malayong mangyari ‘yun—piktyuran mo na lang ang recipe gamit ang cellphone mo at ‘yun na lang ang gamitin mo.
Habang binabasa ang recipe, huwag mong pansinin ang napakagandang sulat-kamay ni Lola. Kalimutan mo kung gaano karaming mga blogs at websites ang binabasa niya linggo-linggo para lang makahanap ng mga recipes na sa tingin niya’y magugustuhan ng buong pamilya at kung papaano niya kinokopya ang mga ito nang mano-mano sa notebook niya. Tandaan mo na wala kang masyadong oras para gawin ang mga kailangan mong gawin kaya bilisan mo na ang pagbabasa pero siguraduhin mong maalala at naiintindihan mo ang bawat panuto’t bilin sa pahina. Huwag kang masyadong mangungulila sa nagsulat ng binabasa mo. Focus na muna.
Pagkatapos rebyuhin ang recipe, kunin ang mga Sanikulas molds ni Lola na nasa pinakailalim na drawer ng aparador niyang may vanity mirror. Kunin mo ‘yung pinakalumang molds ha, ‘yung minana niya pa mula sa lola niya (hindi yung mga mas bago na may imahe ni San Nicolas na kamukha ni Darth Vader) at huwag kalimutan ang maliit na rolling pin na kasama ng mga ‘to. Pagkatapos, pumunta sa pantry at i-check kung meron pa ba ng mga kakailanganing dry ingredients: dalawang cups ng pastry flour, half-cup ng cornstarch, isang kutsaritang baking soda, isang kutsarang baking powder, isang cup ng puting asukal, at kaonting asin.
Huwag kang mag-alala kung wala nang pastry flour. ‘Diba sabi naman ni Lola puwede itong palitan ng pinaghalong all-purpose flour at cake flour o kahit nga all-purpose flour na lang kung ‘yun lang talaga ang meron? Tandaan mo na ang Sanikulas na ata ang pinakamadaling cookie na nagawa niyo ni Lola. Mas madali pa sa paborito mong toffee choco chip. Kaya hinga, relax, at ipagpatuloy lang ang ginagawa.
Tandaan din na maliban kay Manang Iska, ikaw na lang naman ang tanging tao sa bahay na may paggagamitan pa sa mga ganitong ingredients kaya malabong maubusan nito. Gawa ng nangyari sa Lola at Mommy mo at dahil hindi pa rin makaalis ng bahay niyo sa Manila si Ate, ikaw pa lang ata ang unang taong makakapag-bake sa kusina mula nang magsimula ang lockdown. Mas gusto rin kasi ni Manang Iska ang magluto ng mga ulam keysa gumawa ng mga panghimagas (maliban na lang kung frozen desserts ang usapan). ‘Yun ay kung wala talagang baker sa mga natitirang kalalakihan sa bahay ha. Malay mo naman may marunong pala sa kanilang mag-bake at gumagamit pala siya ng oven nang pasikreto. Maalala mo tuloy ang isang eksena mula sa pelikulang Sleeping Beauty: habang wala sa bahay ang magbi-birthday na bidang si Aurora, palihim siyang ginawan ng cake ng tatlo niyang fairy godmothers. ‘Nga lang, sa halip na tatlong nakakatandang mga babae, ang maiisip mo ang tatlong pinakamalalaki’t pinakabruskong tauhan ni Papa. Ma-i-imagine mo silang may pakpak, nakasuot ng apron, puno ng harina’t icing ang mga mukha’t damit, lumilipad-lipad at kumakanta habang pilit na tinatayo ang isang onti-onti nang nalulusaw na pink at blue na cake. Matatawa ka sa eksenang naisip pero matitigilan ka rin agad. Bakit nga naman hindi? Malay mo nga may baker sa kanila. Tutal lahat naman ng tao’y tinuruan ng home economics noong grade school. Baka nga may isa sa kanilang puwedeng tumulong sa iyo.
Saka mo mararamdaman ang matinding pananabik para sa isang kasama, isang taong mapagsasabihan mo sana ng mga sikreto’t tutulong sa’yo sa mga binabalak mong gawin. Kasama. Kalaro. Kaibigan. Lalabanan mo ang biglaang lumbay at magpapatuloy na lang sa pagtse-check ng pantry. Alam mo namang hindi pa muna pupuwede ang gusto mo sa ngayon. Halos lahat ng mga tauhan ni Papa’y nagsialisan na kasama ang mga asawa’t anak nila. Nagtago sila sa sarili nilang mga bahay o kaya’y nakisama sa mga kamag-anak na may mas malaki at matibay na tirahan. ‘Yun ay kung sinuwerte sila’t hindi inabutan ng kung anong sakuna sa daan.
Kapag nakumpirma mo nang kumpleto ang dry ingredients, lumabas ka sa dirty kitchen at kumuha ng isang cup o dalawang sticks ng butter mula sa chest freezer doon. Pumunta na rin sa stockroom sa tabi ng garahe at kunin ang mga kakailanganing measuring cups at spoons (na itinabi na lang doon dahil magaling tumantsa ng ingredients si Lola), ang oval na cookie-cutter, at ilang piraso ng parchment paper. Dalhin ang lahat ng mga ‘to sa kusina sa loob ng bahay. Kumuha na rin ng isang cup ng gata sa ref (marami pang natira sa ginamit ni Manang Iska sa paggawa ng chicken curry) at habang pinapalambot ang butter sa butter dish, gamitin ang oras para i-measure out na muna ang mga ingredients.
Pagkatapos magsukat, lumabas ulit ng bahay para kumuha ng apat o mas marami pang itlog mula sa henhouse. Dadaan ka sa laundry area kung saan, sa halip na mga damit, nakasabit ang mga pinatuyo at inasinan na samu’t-saring hiwa ng baboy at baka at mga tali ng Chinese-style sausages. Subukan mong huwag maalala kung gaano ka kasaya noong pamunuan ni Lola ang buong kabahayan sa paggawa ng mga pagkaing ito, kung papaano siya sumayaw-sayaw pa sa mga kantang disco habang naghihiwa, nag-a-asin, nagpapahid ng pampalasa, gumigiling, naghahalo, at nagsasabit ng mga karneng magiging tapa, jerky, at chorizo macao, kung gaano kaaliwalas ang mga araw noong kakasimula pa lang ng lockdown, noong kaonti pa lang ang mga namamatay, at pupuwede pang magpatugtog at magsaya.
Huwag hahawakan at iwasang masagi ang mga nakasabit na pagkain para hindi sila magkandahulog-hulog. Subukan mo na ring iwasan at huwag masagi si Manang Iska na sa ikagugulat mo’y wala sa kanyang kuwarto’t natutulog tulad ng lagi niyang ginagawa tuwing ganitong oras ng araw at imbes ay nasa laundry area pala, nakaupong nakayukod tabi ng lababo’t nagmumukhang kasing-itim at singlungkot ng mga nakabitin na karne.
Kumikinang ang mga basang pisngi ni Manang Iska, namumula at namamaga ang mga mata. Magugulat siya sa iyo tulad ng pagkagulat mo sa kanya. Mapapatayo siya’t makikita mong dala niya pala ang baril ng asawa niyang si Mang Ambet kahit na agad niya itong itatago sa malaking bulsa sa harap ng kanyang apron. Mapapahalata mong napansin mo ang ginawa niya dahil tatanungin mo siya kung naalala niya ba ang asawa niya tuwing ginagamit niya ang baril nito at agad mo itong pagsisisihan dahil isang linggo pa nga lang pala ang lumipas mula nang mapatay si Mang Ambet. Sasagutin ka pa rin ni Manang Iska. Sasabihin lang niya na nagta-target shooting siya kahit na wala ka namang narinig na mga putok ng baril kanina at wala kang makitang mga basag na bote o latang may mga butas ng bala ngayon. Hindi rin naman puwedeng basta-basta na lang mag- practice ng pamamaril. Masyado itong maingay. Tatawagin nito ang mga umaaligid na infected kahit na pa konti lang naman siguro silang nasa labas ngayon dahil araw pa.
Tatanungin ka ni Manang Iska kung anong ginagawa mo sa labas ng bahay. Dahil hindi likas sa iyo ang magsinungaling, sabihin mo na lang ang totoo. Kukuha ka ng mga itlog para gamitin sa paggawa ng cookies. Tataas ang kilay niya. Ipaliwanag mo sa kanya na para kay Papa at sa mga lalaki ang mga ‘yun, pang-merienda pagbalik nila mamaya pagkatapos mag-patrol. Tahimik kang magpapasya na gumawa na nga lang talaga ng maraming cookies para meron ngang makain sila Papa’t para naman hindi mo masabi na nagsinungaling ka. Ngingitian ka ni Manang Iska at sasabihin niyang napakabait mong bata. Pupunta siya sa henhouse at kukunan ka ng apat na itlog. Manginginig ang kamay niya’t pipiyok ang boses habang pinapaalalahanan kang hugasan muna ang mga itlog bago gamitin. Maalala mo kung gaano kapagod ang umiyak kaya isa-suggest mong magpahinga na muna siya sa kuwarto niya.
Mag-aatubili siya pero papayag din. ‘Yun nga lang, bago umalis sasabihan ka muna niyang huwag na gamitin ang oven sa loob ng bahay para makatipid sa gasul. Papainitin na lang daw niya ang brick oven sa dirty kitchen na ginagamit ni Lola para gumawa ng pizza’t tinapay. Huwag kang papayag. Sabihan mo siya na kaya mo na mag-isa kasi ‘yung mas maliit na pambibingkang pugon lang naman ang gagamitin mo. Matatakot ka na baka ‘pag tinulungan ka niya’y mapansin niya kung anong klaseng cookies ang ginagawa mo’t malaman niya kung ano talagang binabalak mong gawin. Ilang sandali rin ang lilipas bago siya papayag na hayaan kang mag-bake mag-isa. Titingnan niya lang kung mayroon pang sapat na uling at panggatong bago siya pumasok ng bahay.
Sunod, hugasan mong maagi ang mga itlog bago ihanda ang bibingka oven tulad ng turo ni Lola sa’yo. Kumuha ng ilang piraso ng nilamutak na dyaryo. Ilagay ang mga ‘to sa ilalim at ibabaw ng mala-plangganang pugon. Patungan sila ng uling na sinabuyan ng mantika. Magsindi ng posporo at gamitin ito para silaban ang papel. Pagmasdan ang apoy. Tingnan kung maayos ba nitong pinapabaga ang mga uling.
Habang inaantay na uminit ang oven, pumasok muna sa kusina at simulan na ang paggawa ng dough. Una, i-cream ang pinalambot na butter at asukal sa isang malaking bowl. Pagkatapos, ihiwalay ang yolks ng apat na itlog at batiin ang mga ito kasama ng ginawang butter-sugar mixture. Kapag nahalo na nang maayos ang yolks, butter, at asukal, ibuhos sa bowl ang gata at isang kalahating cup ng cooking oil (kunin mula sa malaking lata ng mantika tabi ng kalan) at paghaluin muli. Ihanda mo na rin ang sarili mo dahil hindi mo maiiwasang maalala si Lola habang ginagawa ang hakbang na ito.
Pasko noong unang beses kayong gumawa ng Sanikulas ni Lola, ilang taon na rin ang nakalipas. Maaalala mong naghahalo rin kayo ng wet ingredients noon nang ikuwento ni Lola sa iyo ang tungkol kay San Nicolas de Tolentino, isang Italyanong santo na sumumpang hindi na kakain kailanman ng karne. Napahamak siya ng pangakong ito nang magkaroon siya ng malubhang sakit at kinailangan niya ng sustansiyang makukuha sana sa karne. Ayon sa kuwento, nagpakita raw si Mama Mary sa santo, karga-karga si baby Jesus na may dalang baso ng tubig. Inutusan ni Mama Mary si San Nicolas na isawsaw ang isang pirasong tinapay sa baso ni Jesus at kainin ito. Sumunod ang santo at gumaling siya agad. Magmula noon, nagagawa na ni San Nicolas ang magpagaling ng may sakit sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila ng tinapay na sinawsaw sa agwa bendita. Lumipas ang ilang daang taon at ang tinapay ni San Nicolas ay naging Sanikulas na hanggang ngayon ay ipinapamigay pa rin ng mga simbahan sa Pampanga sa mga may sakit tuwing Pasko at pista ni San Nicolas de Tolentino.
Matapos marinig ang kuwento, binagalan mo noon ang paghahalo dahil sobrang sagrado pala ng ginagawa ninyong pagkain. Sinubakan mong hindi makapagtapon ng kahit isang butil ng asukal o patak ng mantika. Hindi tuloy napigilan ni Lola ang matawa sa’yo. Inutusan ka niyang bilisan ulit ang paghahalo at ibinunyag niya ang dahilan kung bakit tinuruan ng mga prayleng Kastila ang mga Filipinong gumawa ng Sanikulas: ginagamit daw kasi dati ang egg whites sa paggawa ng mortar na gagamitin sa pagpapatayo ng mga simbahan at iba pang gusali at ayaw lang daw ng mga prayle na masayang ang yolks ng mga itlog na ginagamit nila sa konstruksyon. Sagrado lang ang Sanikulas kung naniniwala kang sagrado ito, sabi ni Lola, depende lang sa gumawa at sa kumakain. At sa ngayon, aniya habang tinuturo ang laman ng bowl niyo, Christmas cookies lang ang mga Sanikulas na ‘to. Kinindatan ka ni Lola bago siya nagdagdag pa ng asukal sa bowl maski sobra na ‘yun sa sinasabing dami ng recipe.
Mapapangiti ka sa alaalang ‘yun pero huwag mong hayaan ang sarili na bumagal ang kilos o mawala sa paggunita ng kung ano-anong mga alaala. Pansinin ang ginagawa dahil hindi ka puwedeng magkamali.
Kapag na-incorporate na sa mixture ang gata at mantika, idagdag naman ang cornstarch. Sundan ito ng kalahati lang muna ng harina. ‘Tapos, ang baking powder naman. Huwag tumigil sa paghalo hanggang makabuo ng malagkit at dilaw na bola ng dough.
Pagkatapos, gamit ang natitirang harina, gumawa ng isang mound sa ibabaw ng counter sa kusina (siguraduhing malinis ito’t nabudburan ng kaonting harina). Gumawa ng buta sa gitna nito at dito ilagay ang nagawang bola ng dough. Masahiin ang dough at ang nakapaligid na harina hanggan wala nang matirang harina. Tapos ka na sa pagmasa ‘pag parang playdough na ang bola, hindi na masyadong kumakapit sa kamay.
Pagkatapos magmasa, habang nagpapahinga, silipin na rin ang recipe para lang makasiguradong tama ang lahat ng nagawa mo. Huwag magpahinga nang matagal. Humugot ng lakas sa matamis at buttery na amoy ng dough.
Sunod, i-roll ang dough para gawin itong mahabang log. Hatiin ito sa mga maliit na bola na singlaki ng golf balls ni Lolo o medyo mas maliit pa. Kumuha ng tatlo sa mga bola ng dough at ilagay sila sa mga molds ng Sanikulas ni Lola, isang bola para sa bawat mold. Gamit ang maliit na rolling pin, i-stretch at gawing flat ang mga bola. Mag-roll hanggang matakpan ng dough ang buong imahe ni San Nicolas. Siguraduhing pantay ang pagkaka-flat ng mga cookies. Pagkatapos, kumuha ng isang parchment paper at ipatong ito sa dough. Tapik-tapikin ang papel para dumikit ito sa pinagpatungan bago ito hilahin pataas. Sasama dapat sa papel ang cookie dough na ngayo’y dapat may imahe na ni San Nicolas. Ilapag ito sa mesa at gamit ang cookie cutter, tanggalin ang sobrang dough na nakapalibot sa santo.
Pinapagamit ng recipe ang lahat ng nabuo mong bola ng dough pero huminto ka na pagkatapos mo makabuo ng pitong cookies. Sapat na ‘yan. Kung tutuusin, labis-labis pa nga dahil isa lang naman talaga ang kailangan mo pero mabuti na rin ang may cookie para sa bawat tao sa bahay.
Kunin ang pitong cookies at dalhin ang mga ito sa bibingka oven sa labas. Tingnan kung tama na ba ang init nito sa pamamagitan ng pagpasok ng kamay sa loob. Siguraduhing flat na flat ang kamay para hindi masagi ang mga gilid ng loob ng pugon. Kung kaya mong tiisin ang init, kailangan mo pang painitin ang oven. Kung hindi kayang tiisin, ibig sabihin puwede nang ipasok ang mga cookies. Kakasya ang pitong cookies sa loob pero alalahanin mo na ‘pag mas marami ang laman ng oven, mas matatagalan itong mag-bake. Limang cookies lang muna ang ipapasok mo.
Sa isang modern oven, aabutin ng mga labinlimang minuto sa 300 degrees Farenheit ang cookies bago sila maluto pero sa tradisyonal na pugon, ayon kay Lola, ang baking time daw ay sintagal ng tatlong Our Father, tatlong Hail Mary, at tatlong Glory Be. Ito raw talaga ang paraan ng pag-o-oras ng luto noong unang panahon. Kinailangan itong gawin lalo na kapag gumagawa ng Sanikulas dahil ayon sa mga prayle, ang mga dasal daw ang nagpapasarap at nagpapalakas ng bisa ng Sanikulas. Magsimula ka nang magdasal. Gawin mo ito nang masinsinan at buong-puso. Tandaan, sagrado ang Sanikulas kung naniniwala kang sagrado ito.
Matatapos mo ang mga dasal na hindi pa rin luto ang mga cookies. Maputla pa ang kulay. Magsisimula ka nang mag-alala pero magpapatuloy pa rin. Babagalan mo pa lalo ang pagdarasal.
Sa wakas, pagkalipas ng humigi’t kumulang lima pang mga minuto, makikita mong luto na ang mga Sanikulas. Tanggalin agad sa oven ang mga ito’t paypayan para mas mabilis lumamig. Habang pinapalamig ang mga cookies, gawin ang huling hakbang sa recipe, ang step na sabi ni Lola’y hindi mo naman kailangang gawin tuwing gumagawa ng Sanikulas (at sa totoo lang ay ayaw mo rin namang gawin dahil may pagka-corny ito’t suspetsya mo’y dinagdag lang ni Lola sa recipe) pero ito raw kasi ang siyang makakapagpaespesyal sa gawa mo: isipin mo ang lahat ng iyong pagmamahal at magagandang mga hangarin para sa kakain at i-project mo ang mga ito sa cookies sa pamamagitan ng flying kiss. May pag-alinlangan mong susundan ang sinabi ni Lola. Matatawa ka hindi lang dahil sa ginawa mo kundi dahil rin may biglang pumasok sa ulo mong imahe ng isang mataba at masayahing prayleng Kastila na nagbo-blow ng kisses sa bago niyang gawang Sanikulas.
Pagkatapos, kumuha ng isang Sanikulas at tikman ito. Masarap! Malapit na malapit na ang lasa nito sa mga ginawa ni Lola dati. Malakas ang amoy at lasa ng butter at gata pero hindi masyadong matamis. May nakakatuwang texture na parehas na malutong at crumbly, nalulusaw sa bibig kahit hindi nginunguya. Huwag mong uubusin ang kinagatang cookie. Ilagay ito kasama ng isa pa sa isang plato. Ilagay naman ang natitirang tatlo sa hiwalay na plato. Mamaya, pagkatapos na pagkatapos mong gawin ang binabalak mo, balikan mo na’t i-bake ang dalawa pang natitirang cookies para naman may makain din si Mama at Manang Iska.
Sa loob ng bahay, ilagay ang plato na may tatlong cookies sa kitchen counter at takluban ito ng food dome. ‘Yan ang para kaya Papa at sa dalawa ninyong natitirang tauhan. Mapapatingin ka sa relo at makikita mong malapit na silang makabalik mula sa pagpapatrol. Lalo kang magmadali.
Dala ang isa pang plato, tahimik pero mabilis kang maglalakad patungo sa pinto ng basement. Mula sa iyong bulsa, ilalabas mo ang susi sa basement na kinuha mo mula sa tokador ni Papa pagkaalis niya kaninang umaga at agad itong ipapasok sa susian ng doorknob.
Akmang pipihitin mo na ang susi ngunit makakarinig ka ng nakatitindig-balahibong sigaw mula sa itaas ng bahay. Matitigilan ka’t muntik mo nang mahulog ang plato ng cookies sa kaba pero mapapansin mo rin agad na sinundan ang sigaw ng mga mas mahihinang sigaw at panaghoy. Agad mong matatanto na malamang ay sinumsumpong lang ulit si Mommy. Maririnig mo ang boses ni Manang Iska at ang mga yapak niya na papunta sa kuwarto ni Mommy. Gagaan ang loob mo at mapapalagay ka dahil may papansin at mag-aalaga sa kanya. Hindi mo pa rin talaga naiintindihan kung ano ba talaga ang “nervous breakdown” pero sa ‘di na mabilang na pagkakataon, hihilingin mo ulit na sana hindi na lang siya nagkaroon nito. Mas lalo kang magiging desido na bigyan si Mommy ng Sanikulas pero saka na muna ‘yun. Si Lola muna.
Pipihitin mo ang susi’t doorknob at mabilis na papasok sa pinto papuntang basement. Huwag mong kakalimutan na kunin muli ang susi para ibalik ito sa tokador ni Papa mamaya. Ila-lock mo ang pinto pagkasara mo nito.
Pagkabukas na pagkabukas mo ng ilaw sa hagdan, may maririnig kang umaatungal nang mahina mula sa ibaba. Parang galit. Katunog ng asong nagwawala dahil binusalan ito. Ayaw nga pala ng mga infected sa ilaw. Kaya kakaonti lang silang nasa labas kapag may araw pa. Naiirita sila sa ilaw at tinatawag sila ng ingay. Iyon ang sinabi ni Papa nang ipaliwanag niya sa’yo ano’ng nangyari noong gabing may mga infected na nakalusot sa mga nagbabantay ninyong guwardiya at nakapasok sa bahay, kung bakit pumunta ang ilan sa kanila sa kwarto nila Lola at hindi sa kuwarto mo o sa kuwarto nila Papa. Napatay si Lolo (nilamon daw ayon sa narinig mong usapan ng mga tauhan niyo dati, warak ang dibdib at tiyan), nagkaroon ng breakdown si Mommy, at nakagat naman at na-infect si Lola dahil lang nasanay ang lolo’t lola mo na nakabukas ang ilaw at radyo tuwing gabi para may mapakinggan sila habang nagbabasa bago matulog.
Babagalan mo ang pagbaba ng hagdan. Pagkarating mo sa baba, bubuksan mo ang lahat ng ilaw sa basement at makikita mo kung nasaan si Lola. Unang beses mo siyang makikita mula noong gabing nakagat siya. Mas malala pa sa iniisip mo ang kalagayan niya. Nakagapos ang bibig niya’t nakatali siyang nakaupo sa isang kama sa pinakadulong sulok ng basement. Pupuwersahin mo ang sariling magmadali papunta sa kanya hanggang halos tumatakbo ka na pagdating mo sa tabi ng kama niya.
Ang amoy ni Lola ang una mong mapapansin. Masangsang. Parang pinaghalong nabubulok na karne at anghit ng taong matagal nang walang paligo. Naninilaw at basa ng pawis ang daster niyang natututong na’t may mantsa-mantsa pa ng dugo. Naglalagas ang lanta niyang buhok na dati’y malago at kulot-kulot. Napakaputla ng kanyang balat, litaw na litaw ang mga berdeng ugat. May mga maiitim na pasa at duguan pa ang parte ng kanyang mga kamay at paa na nakagapos sa kama gawa malamang ng pagkikiskis ng mga ‘to sa taling nakapulupot sa kanila. So sobrang higpit din ng pagkakabusal kay Lola, nangingitim na ang balat niya sa may bandang bibig. Gagalaw-galaw siya pagkakita niya sa iyo. Paulit-ulit niyang susubukang abutin ka. Hihinto lang siya ‘pag nakaupo ka na sa kanyang tabi.
Mapapatitig ka sa kanyang maputlang mukha, sa mga namumula niyang mga mata na may mga napakalaki at napakaitim na balintataw. Tititig rin siya pabalik sa iyo. Lilipas ang ilang sandali bago siya mapapapikit. Sasara ang isa niyang mata. Iisipin mong kinindatan ka niya. Ito ang makakapagpasigurado sa’yo na nakikilala ka pa rin niya. Mapapasigaw ka sa tuwa. Susubukan mong tanggalin ang busal niya. Habang ginagawa mo iyon, mapapaisip ka’t mapapatanong kung bakit hindi rin tinago muna sa basement si Mang Ambet tulad ng ginawa kay Lola tutal pareho naman silang nakagat lang at hindi pinatay (nilamon) tulad ng nangyari kay Lolo? Hindi mo na maiisip pa ang sagot dahil sa wakas, matatanggal mo rin ang tali sa bibig ni Lola. Agad ka niyang susunggaban, akmang mangangagat. Buti na lang at nakatali pa siya. Magagawa mong iwasan ang pumapalatak niyang mga ngipin. Magugulat ka. Papaanong nakakagalaw nang ganoon kabilis ang taong ganoon kahina ang itsura?
Iigik at hihingal-hingal na parang asong ulol si Lola. Butas-butas na ata ang mga baga niya dahil may maririnig kang sipol na sumasabay sa bawat paghinga niya. Ganyunpaman, mas mapapansin mo ang hindi niya paglinga. Tutok na tutok siya sa’yo at sinusundan niya ang bawat galaw mo. Mabubuhayan ka ng loob dahil kahit papaano, kaya niya pa ring mag-focus.
Kakalugin mo ang dalang plato ng Sanikulas. Sandaling mapapatingin dito si Lola bago niya ibaling ulit pabalik sa’yo ang atensyon niya. Baka dapat ipakita mo muna sa kanya ang gusto mong gawin niya? Baka gayahin ka niya.
Bibiyakin mo ang isang bahagi ng cookie. Kukunin mo ito at ipapasok sa iyong bibig at ngunguyain. Siguraduhin mong nakatingin si Lola sa’yo habang ginagawa mo ito. Maingay kang ngangasab at paulit-ulit mong ipapakita sa kanya ang loob ng bibig mo para maintindihan niya kung anong ginagawa mo. Mananatili siyang nakatitig sa iyo.
Gawin mo na ang dapat mong gawin. Kunin mo ang isang Sanikulas at dahan-dahan itong ihatid sa bibig ni Lola. Sa pagkakataong ‘yon, hindi ka na niya susunggaban. Sa halip, susubukan na lang niyang kainin ang cookie. Kakagat-kagatin niya ito kahat wala pa sa kanyang bibig. Ilang beses ka ring mag-aalangan at mapapahinto pero sa wakas magagawa mo ring ma-shoot sa bibig niya ang Sanikulas. Ngunguya siya, lulunok, at kakagat-kagat na naman sa hangin.
Maraming nahulog sa pinakain mong cookie. Gayunpaman, tagumpay ka. Maiisip mong ipakain na lang din sa kanya ang cookie na dapat ay para sa iyo, ‘yung Sanikulas na tinikman mo kanina noong bagong luto pa lang ang mga ito. Tutal, baka kung mas marami siyang makain na cookies, mas malaki rin ang tsansang gumawa ng milagro ang mga ‘to sa kanya. Habang pinapakain mo ang pangalawang Sanikulas sa kanya, mapapansin mo ang kobre-kamang tadtad na ng mga crumbs. Dahil sa kalat at sa bara-bara niyang paraan ng pagkain, maalala mo si Cookie Monster kay Lola at matatawa ka.
Habang tumatawa ka, malilimutan mo kung hanggang saan ang kayang abutin ni Lola. Makakagat niya ang daliri mo. Bagama’t mas nagulat ka keysa nasaktan, malalaglag mo ang hawak na Sanikulas, mapapatayo ka’t mapapalayo sa kama ng ilang hakbang. Magsisimula uling umigik at umungol si Lola, susubukan ulit niyang sunggaban ka. Titingnan mo nang maigi ang daliri mong nakagat. Maliit lang naman ang sugat ngunit malalim. May natuklap na balat sa dulo ng iyong hintuturo. Sa simula ay mas mababahala ka pa sa dami ng dugo keysa sa sugat mismo pero may mapapansing kang sumisilip na puting buto sa gitna ng pulang laman at dugo. Manlalamig ka. Napansin din siguro ito ni Lola dahil bigla itong sisigaw, bagay na hindi mo alam ay kaya palang gawin ng mga infected. Mapapansin mong nakabuka rin pala ang bibig mo at magtataka ka kung si Lola nga ba o ikaw ang sumisigaw. Biglang hihina ang pandinig mo. Tatamlay ang lahat ng ingay sa paligid na para bang nilublob ka sa dram ng tubig at nakikinig ka mula sa loob nito.
Mayamaya lang at may maririnig ka mula sa itaas na kaluskos ng mga maliliit na paang nagsisitakbuhan, samu’t saring mga mahihinang boses, at mga matamlay na pagdabog na suspetya mo’y mga kamaong humahampas sa pinto ng basement. Lalabo ang iyong paningin. May maririnig kang kumakalabog mula sa malayo. Paulit-ulit ito hanggang sa mapalitan ng tunog ng pagbiyak.
Didilim lalo ang paligid. Mistulang nasa gitna ka ng ulap bagyo. May lilitaw na mga sumasayaw-sayaw na tuldok ng liwanag sa harap mo habang may maririnig kang tumatawag sa’yo. Sa una, iisipin mong si Papa ‘yun dahil malalim ang boses pero mapapansin mo na nag-aalala at hindi galit ang tono nito. Makukumbinsi kang si Lola na nga ang tumatawag sa’yo. Gumana ang Sanikulas! Susubukan mong bumalik sa kanya kahit na sa paningin mo’y parang hugis-taong usok na lang si Lola na sumasayaw-sayaw sa hangin. Patuloy pa rin ata siyang sumusubok na makawala sa pagkagapos para mapuntahan ka. Gusto mo siyang tulungan pero napakabigat ng iyong katawan at ayaw nitong gumalaw.
Biglang maririnig mo ang pagbatid ng mga lubid na nakagapos kay Lola. Maninikip ang dibdib mo sa tuwa. Uugoy-ugoy ka sa kinatatayuan mo hanggang sa wakas ay makakagalaw ka rin. Hahakbang ka papunta kay Lola. Matutumba ka pero sasalubungin ka niya at mauuntog ang ulo mo sa mabuto niyang dibdib, sa gitna ng nakabuka niyang mga kamay na agad namang papalibot sa iyo’t ipapaloob ka sa isang napakahigpit na yakap. Mararamdaman mo ang mainit niyang hininga sa iyong leeg at kasabay ng masangsang na baho ng nabubulok na karne ay maamoy mo rin ang matamis at nakakahilong halimuyak ng butter at gata. Ngingiti ka. Hindi mo na maririnig ang mga mga sumisigaw sa paligid mo habang tuluyan nang nilalamon ng dilim ang iyong mundo.
Ilang video na ring ganun ang napanood ni Jasper sa Tiktok. Nagsisimula ang eksena sa isang lalaki o babae na simple ang suot, ang iba, pambahay, ang iba, maluluwag na pantulog. Mayroon ding mga nakapang-alis ngunit 'di agaw-pansin. Batid niya na marami sa mga gumagawa ng mga ito ang may itsura at may kapansin-pansing hubog ng katawan. Halu-halo ang kanilang mga nasyunalidad. Pagkapasok ng frame, titigil ang lalaki o babae sa gitna, hahawak sa gilid ng pintuan, o sa dingding, o haharap sa malapad na salamin, minsan kita ang buo nilang katawan, minsan mula ulo haggang bewang lang. Tututgtug ang "Put Your Head on My Shoulder" ni Paul Anka. Sa salitang, "shoulder", biglang babagal ang tempo ng kanta, kasabay ang pagbabago ng ilaw ng video. Magiging pula ito at tanging anino na lamang ng taong nasa gitna ng frame (na sa puntong iyon ay halos wala nang saplot) ang matitira. Ilang pulgada ng balat, utong, suso, umbok ng masel, paglabas ng dila, pagkagat ng labi ang iigpaw sa ilalim ng pulang ilaw. Ang babae o lalaki ay liliyad at sasandal sa pinakamalapit na haligi o dingding, iindayog nang marahan o di kaya'y hihipuin ang sarili. Namamangha si Jasper sa bawat imahen at galaw na kanyang natutunghayan sa mga lalaking tulad niya—mga lalaking maaari niyang tularan.
Sa bawat gimik, nakikita ni Jasper ang sariling katawan. Sa bawat singhap at lapat ng kamay sa balat, may kung anong sumisikdo sa kanyang laman na sa palagay niya ay maaiibsan lamang ng paggagad sa mga kalalakihang iyon. Kaya noong umagang iyon, matapos niyang mag-asikaso ng kinokolektang mga halaman sa gilid ng maliit na apartment, nagpasya si Jasper na gawin ang "TikTok Silhouette Challenge".
Noong dalawang gabi lang ang nakararaan, napaginipan ni Jasper na ginawa na niya ang challenge na yun. Andun daw siya kuwarto nila ng kapatid niyang si Christian. Higit na malaki ang kuwarto sa panaginip niya at lubhang maliwanag. Nakatayo si Jasper sa harap ng isang parihaba at patayong salamin na noon niya lang nakita. Bagama’t malinaw ang repleksyon ng kabuuan ng kanyang katawan, napansin ni Jasper na marami nang bukbok ang gilid ng salamin na unit-unting kumakain sa bubog. Nang maging pula ang ilaw, nakita niya ang sarili na nakahubo’t hubad na sumasayaw, gumigiling na parang sawa, tumutuwad-tuwad, bahagyang umaalog ang taba sa dibdib. Sa kanyang paligid, daan-daan ang mga anino, kita niya ang ilang mga kamay na pilit siyang inaabot. Nang lumapat ang ilang mga kamay sa kanyang dibdib, biglang nagising si Jasper. Hindi takot ang naghari sa pagbalik niya sa ulirat, kundi pananabik.
Mataas ang kumpyansa ni Jasper sa kanyang sarili dahil ilang TikTok challenges na rin ang nagawa niya. Ilang sayaw na rin ang ipinost niya sa TikTok at Facebook. Ilang pakulo na rin ang sinalihan niya. Marami na ring klase ng filter ang nagamit niya. Marami-rami na ring likes at followers ang naipon niya. Alam niyang makahahakot ng bagong followers ang challenge na ito, marahil higit pa sa mga nakuha niya sa sinalihang kumpetisyon ng A-Team TikTokers ng Pasig na pinamagatang, "Rising TikTok Dancers". Umaasa si Jasper na sa araw-araw na pagpo-post niya, ito na ang break na hinahanap niya.
Mula sa salansan ng damit pang-alis niya sa paanan ng unang palapag ng double-deck nilang magkapatid, kinuha ni Jasper ang isang pula at cotton na longsleeves. Bibihira niya itong gamitin; inilalabas niya lang ito kapag may kikitain siyang babaeng kaklase sa labas ng eskuwela. Lamang, gawa ng ilang buwan na ring quarantine, hindi na niya ito nagagamit. Hindi rin naman siya nagbubukas ng camera kapag may online class o meeting sa pagtitipid ng data kaya’t bakit pa poporma? Kinuha ni Jasper ang berdeng translucent na bote ng 60ml na isopropyl alcohol mula kahoy na shelves na gawa ni Christian. Pinisil niya ito nang bahagya at inipon sa gitna ng kanyang palad ang alkohol. Ikinalat niya ito sa parehong kamay na agad naglabas ng malabong katas. Piniga niyang muli ang botelya para sinupin ang paglilinis. Nang matapos, inilagay niya sa gitna ng kama ang pulang longsleeves at pinagmasdan ito nang ilang segundo. Pinasadahan niya ng parehong kamay ang tela, pilit tinatanggal ang gusot at mga tuping naiwan sa ‘di maingat na pagkakasalansan.
Hinubad ni Jasper ang puti niyang t-shirt na nabahiran ng putik at kung anong dagta ng halaman. Mariin niya itong hinagod sa kanyang leeg, batok, dibdib, tiyan, at kili-kili. Naamoy niya ang sarili sa kanyang t-shirt at hindi mawari kung ano ang amoy na iyon. Ang pinakamalapit na marahil ay ang binateng itlog na hinaluan ng sukang pinakurat at iniwan sa loob ng isang honos nang dalawang araw. Nagmistulang basahan ang itsura ng pang-itaas ni Jasper gawa ng duming lumipat dito mula sa kanyang katawan. Agad niyang ihinagis ang t-shirt sa asul na ropero sa paanan ng double deck.
Muling kinuha ni Jasper ang botelya ng alkohol, pinisil ito at sinalo ng kaliwang palad ang lumabas. Ikinalat ito ni Jasper sa buo niyang dibdib, dama ang sabay na lamig at bahagyang hapdi sa ilang bahagi ng kanyang balat na may tigyawat at kung anu-anong kati-kating nakamot at nagsugat.
Nahirapan si Jasper na ipasok ang ulo sa kuwelyo ng longsleeves gawa ng pagkakapusod ng mahaba niyang unat na buhok na noong makaraang linggo’y binabad niya sa bleach. Tinanggal niya ang sanrio mula sa pulumpon ng buhok niyang kulay-mais at saka nagpatuloy sa pagsuot ng longsleeves. Bagama't may pagka-hapit, gustung gusto niya ang pakiramdam ng tela sa kanyang balat. Sa panlabas, hubog na hubog dito ang dibdib niya, hindi halata ang pag-usli ng mga utong niya, o ang kawalan ng litaw na abs, o ang maliit na bilbil na nais humulagpos mula sa masikip niyang khaki shorts.
Nang pagmasdan ni Jasper ang sarili sa salamin, kanyang nabatid na hindi bumabagay ang kulay ng kutis niya sa matingkad na kulay ng damit. Kanyang napagtanto na napabayaan niya ang sarili sa ilalim ng araw tuwing magaayos siya ng tanim na mga succulent sa gilid ng bahay nila sa apartment complex. Sa makipot na espasyong iyon, lalo na magmula alas-7 hanggang ala-1 ng hapon, tirik na tirik ang araw. Hindi niya inaalala ang pagkabilad dahil ang turo naman ng ama niya ay may bitamina pa ang araw sa unang bigwas ng umaga. Ngunit ngayon, habang pinagmamasdan niya ang balat sa mukha na nangingintab sa pagmamantika’t naprito na ng katanghaliang araw, naisip ni Jasper na maaaring nagkamali siya sa pakikinig sa kanyang ama.
Isip ni Jasper, hindi naman talaga dapat pagkatiwalaan ang kanyang ama. Minsan, nakita niya itong sinasapo ang harap ng paldang asul ng isang babaeng hindi niya kilala sa isang party na dinaluhan nilang mag-aama noong nagdaang taon. Naalala niya ang pagngisi ng kanyang ama nang isilid nito ang mabutong kamay sa loob ng palda ng babae. Bakit nga ba makikinig pa siya sa kanyang ama?
Tila wala na ring magagawa ang sabong Kojic upang ibalik ang puti at sigla ng kanyang kutis. At ang ilalim ng kanyang mga mata? Iba pang usapin iyon. Sa lagay na ito, hindi na masisisi ni Jasper ang tatay niya. Sa katunayan, ito pa nga ang nagsasabi na huwag nang maglaro ng Mobile Legends hanggang madaling-araw, lalo pa't alas-6 pa lang ay ginigising na silang magkapatid ng kanilang ina para mag-asikaso sa loob ng bahay.
Pagkauwi ng ama niya mamaya mula sa isang linggong pagse-stay in sa opisina nito sa Bulacan bilang Electrcian, titingnan lamang siya nito na hindi alam ni Jasper kung may panghuhusga o pagka-dismaya. Sa tuwina, batid ni Jasper ang kalamlaman ng malalaki nitong mga mata na para bang katatapos lamang umiyak o magbabad ng ilang oras sa harap ng telebisyon. Halos humpak na rin ang pisngi nito at laging pinid ang nagbabalat na mga labing minsan lamang niya nakitang ngumiti. Imumuwestra ng kanyang ama na magmano siya sa kanyang kanang kamao bago tanggalin ang black faux-leather jacket nitong amoy unleaded gasoline. Matapos nito'y huhubarin ng kanyang ama ang pulang tube scarf na may dibuho ng bungo at mga rosas at malalantad ang itim at kulot nitong buhok na nangingintab sa pawis.
"Nasan ang kapatid mo?" Lagi nitong usal. At alam ni Jasper na mayroon itong ipatitingin kay Christian sa motor nito na hindi niya kahit kailan mauunawaan. Kaya bago magdilim at marinig ang makina ng automatic nitong Mio Sporty 125 na unti-unting susuot sa makitid na daanan ng apartment complex, dapat tapos na ni Jasper ang pagawa ng video.
"Jas, ano pang ginagawa mo dyan? Di pa hugas ang mga plato!"
Sumungaw ang ulo ng kanyang nanay sa kuwarto. Minsan namamangha si Jasper sa kung papaano napananatili ng kanyang ina ang sabay na pagkaunat at pagka-itim ng buhok nito sa kabila ng maraming gawain at sa edad na 45. Bagamat may mga linya na ang gilid ng mga mata nitong singkit, ang mukha ng kanyang ina ay makinis, marahil dulot ng araw-araw na paglalagay ng sunblock sa umaga at moisturizer sa gabi. Gayon pa man, hindi naman niya maituturing na perpekto ang itsura ng ina. Sa palagay niya, masyadong malaki ang mga ngipin nito para sa bibig nito at lubhang maliit ang ilong para sa lapad ng kanyang mukha.
"Matagal ka pa ba jan?"
"E si Chris ma, anung ginagawa?"
"Me onlayn klas."
"May tatapusin lang tas huhugasan ko na ang mga yan."
Madalas, hinihiling ni Jasper na mas malaki ang apartment nila; na may sarili na silang bahay na may pangalawang palapag para hindi na nila kailangang magsiksikan sa iisang kuwarto at sa iisang double deck. Isip ni Jasper, kaya naman na siguro nilang bumili ng sariling bahay para maka-alis na sa lugar na iyon. Regular naman ang tatay niya sa trabaho at suma-sideline ang ina niya sa parlor ni Aling Juvy tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado. Isa pa, lumuluwag-luwag na rin naman ang mga restriksyon sa lockdown sa baranggay nila.
Hindi gusto ni Jasper na maya't maya lang ay nasisilip siya ng kanyang ina anuman ang kanyang ginagawa. Hindi rin niya gusto na naririnig niya mula sa ibaba ng double deck kung gabi na may kausap at kahalakhakan ang nanay niya sa Messenger na alam niyang hindi ang tatay niya.
Isang madaling-araw, narinig niya na sumisinghap-singhap ang kanyang ina. May kaunting langitngit sa ibaba ng double deck. Alam ni Jasper na ina niya ito dahil noong gabing iyon, sa papag sa labas ng kuwarto naglatag ng tulugan si Christian. Nagsuot ng earbuds si Jasper at nakinig na lamang ng mga kanta sa YouTube upang makatulog.
Noong kinaumagahan, wala ang kanyang ina sa double deck. Lumabas si Jasper ng kuwarto at natagpuan si Christian na gayak ng puting polong pang-eskuwela at supil ang itim na unat na buhok. Boxer shorts lang ang suot nitong pang-ibaba. Naka-earphones ito at tutok na tutok sa harap ng laptop malapit sa kanilang bintana. Tinapik ni Jasper sa balikat ang kapatid.
“Si mama?” Tanong ni Jasper habang umiiwas sa camera ng laptop.
“Sinundo kanina ng tropa nya.” Sagot ni Christian.
“Sinong tropa?”
“Yung batak na lalaki na kasama nila ni papa nung nag-ride sila papunta sa Kaybiang.”
Noong gabing yun, umuwing lasing ang nanay niya. Hindi nila nakitang magkapatid yung tropang sumundo. Pagkarating ng ama nila ilang oras ang makalipas, nagkasagutan ang dalawa. Kapwa naglagay ng earphones ang magkapatid.
“Huy Jas, naghihintay ang mga plato!” sigaw ng nanay niya mula sa labas. Lumabas si Jasper, hindi maitago ang pagka-yamot.
“Bakit di si Christian muna ma? May inaasikaso rin ako.”
Nasa gilid ng pintuan ng kuwarto ang nanay niya, nakatingin sa maliit na kuwadradong salamin at naglalagay ng pulang blush-on gamit ang isang brush na parang buntot ng kunehong kulay iskrambol.
“May klase nga.” Sagot nito nang hindi tumitingin sa kanya. “Saka isa pa, naglinis na kanina yan sa labas at inutusan ko na rin patayin yung dagang imburnal kanina bago siya mag-onlayn!”
“May ginawa rin naman ako kaninang umaga a. Parang si Christian lang ang may mahahalagang ginagawa palagi e.”
“Jas yang kapatid mo, bukod sa nag-aaral nang mabuti, walang reklamo sa mga pinagagawa dito. Ba’t di ka tumulad, kaw pa naman ang nakatatanda?”
Pinigilan ni Jasper ang bibig niya. Kung hindi siya magpipigil, malamang may nasabi na siya sa nanay niya tungkol sa ka-chat nito. O naisumbat na niya ang ugali nito. O naisiwalat na niya ang mga pinagsasabi ni Christian tungkol sa kanilang mag-asawa kapag nakatalikod sila. O nasabi na niya ang ginawa ng tatay niya sa party. Pero alam ni `Jasper na hindi pa yun ang tamang panahon. Alam niya na hindi pa niya kayang mamuhay mag-isa. Kung mag-alsa balutan man siya’t makituloy sa Tito Edric niya sa Taguig, tiyak, hihimukin lang siya nitong makipag-ayos at bumalik sa kanyang mga magulang. Kung magpasya siyang mamuhay mag-isa, malamang sa malamang tatagal lang ang naipon niya sa pagbebenta ng mga succulent nang 2 buwan. Kaya’t kinuha ni Jasper ang earbuds niya sa bulsa ng backpack niya, binuksan ang TikTok app sa smartphone niya, at nagsimulang maghugas ng mga pinagkanan.
Hindi na nilingon pa ni Jasper ang nanay niya nang magpaalam itong lalabas. Kung saan man ito pupunta, hindi na rin niya nais alamin pa.
Naramdaman na lang ni Jasper ang tapik ni Christian sa kanyang balikat nang nagbabanlaw na siya ng mga kutsara’t tindor. Tinanggal niya ang earbuds at hindi tumitingin sa kapatid, tinanong kung ano ang kailangan nito.
“May puntahan lang ako kuya.” Sagot ni Christian.
Hinarap niya ang nakababatang kapatid at nakita na bihis na ito. Suot nito ang isang manipis na round neck na pink sweater. Bakat dito ang halos kuwadradong dibdib ng kapatid at ang mga braso nitong mistulang mga sampalok. Malapad ang balikat nito na may pagka-hugis protractor kung titingnan sa kalayuan. Alam naman ni Jasper na mas may disiplina si Christian sa kanya sa pag-eehersisyo. Tinitiyak nito na makapag-session sa bakal gym sa kabilang kanto isang oras kada-araw. Bagama’t ngayo’y sarado ang mga gym sa kanila, regular pa rin si Christian na tumatakbo, nag-pupush-ups, o nagba-bike tuwing umaga bago mag-online class. Iniisip ni Jasper na may pinopormahan itong utol niya sa klase kaya laging pustura dapat at gigil ang masel tuwing papasok sa Google Meet. Kahit malaki ang pagkakamukha nilang magkapatid, higit na mabikas ang hugis ng mukha ni Christian: mas kuwadrado ang panga nito at matalim ang mga kanto. Sa kalakihan ng bibig nito, litaw lahat ng mapuputi nitong ngipin tuwing ngingiti. Malaki ang mga mata nito na kuha ang hugis ng mata ng tatay nila, wala lang ang kalamlaman at ang lalim. Ang ilong nito ay higit na payat at kitang-kita ang tangos kahit saang ilaw pa pumailalim.
“Ba’t san ka na naman pupunta?”
“Kitain ko lang sina Russel sa bayan kuya.”
“Kala ko ba may klase ka pa hanggang mamaya?”
“Oo, pro sa fown na lang ako. Naka-eerfowns pro op kam.”
“Kaw bahala...”
“Kuya, kaw na muna kumuha ng tapalodo kay Mang Jhong sa talyer. Di ko na kasi madadaanan e kelangan na ni papa mya.”
Nangalinsag ang mga balahibo ni Jasper nang marinig niya ang pangalang iyon. Pakiramdam niya, binuhusan siya ng isang balde ng nagyeyelong tubig nang walang suot na kahit ano. Naramdaman niyang nanginginig na pala ang mga kamay niya kaya’t binitawan niya muna ang hawak na tinidor. Pinilit niyang bawiin ang lakas niya.
“Hala ka naman, bat di mo na kunin ngayon bago ka umalis?”
“Bihis na ko kuya e. Saka baka ma-leyt ako.”
Naamoy ni Jasper ang body spray ni Christian na Atlantis na para bang isinaboy mula sa buhok hanggang sa kabuuan ng sweater nito. Hindi niya mawari pero parang pinatindi nito ang kakatwa niyang nararamdaman. Hindi alam ni Jasper kung saan niya ilalagay ang magkakahalong damdamin na nais kumawala sa lalamunan niya. Wala ang kanyang pahintulot, mabilis na binalikan ng isip niya ang mga tagpong kinasangkutan nilang dalawa ni Mang Jhong.
“Sige tumuloy ka na.”
“Salamat kuya!”
Hindi na nagsalita pa si Jasper. Tinapik siyang muli ni Christian at naramdaman niyang parang lumundag ang masel niya sa balikat. Hindi ito marahil naramdaman ni Christian dahil dali-dali na itong lumabas ng pinto. Binalikan na lamang niya ang pagbabanlaw ng mga kubyertos sa pag-asang maiibsan nito ang nararamdaman. Alam niyang maliit na bagay lang naman ang hinihingi ng kapatid niya, pero parang hindi pa rin niya makuhang hindi magalit. Hindi niya alam kung kay Christian ba siya galit o kay Mang Jhong. Nakita niya ang sarili na binibigwasan mapuputing ngipin ng kapatid. Sa bawat duguang bigwas, unti-unting nagiging mukha ni Mang Jhong ang kanyang nakikita.
Biglang naalala ni Jasper ang isa niyang panaginip ilang buwan na ang nakararaan. Noong gabing iyon, natulog siya nang may sama nang loob. Pinagalitan siya ng tatay niya dahil lumabas siya nang walang paalam at nakipagkita sa ilang kabigan sa Pasig Sports Complex. Ilang minuto na lamang at curfew noon kaya lubhang nabahala ang mga magulang niya.
Sa panaginip, nakatayo si Jasper sa loob ng kuwarto nila. Lamang, pula ang ilaw ng kuwarto at di hamak na mas malaki. Wala ang nagkalat na mga gamit nilang magkapatid. Wala ang mga salansan ng mga damit. Wala ang shelves na ginawa ni Christian. Tanging ang double deck na kahoy lamang ang nasa kalagitnaan ng silid. Naging salamin ang lahat ng mga dingding na lalo pang nagpalaki sa silid. Mula sa mga ito, nakita ni Jasper ang kanyang repleksiyon at ang daan-daang repleksiyon ng kanyang repleksiyon: siya na nakasuot ng puting manipis na sweater at itim na pantalon. At kalat-kalat sa mga salamin, andun ang mga pares ng malamlam na mata ng kanyang ama, nakatitig sa kanya at hindi kumukurap. Sa harap ni Jasper, bumukas ang isang salaming pinto at pumasok doon si Christian, walang pang-itaas at nahinga nang malalim. Sinipat ni Jasper ang katawan nito, magmula sa naglalakihang mga dibdib, pababa sa lapat na lapat nitong tiyan na kakikitaan ng namumuong abs. Papalapit nang papalapit sa kanya ang kapatid. Napaatras si Jasper sa bawat pag-abante sa kanya ni Christian.
“Kuya...”
Itinaas ni Jasper ang kanang kamay niya upang pahintuin ang kapatid niya. Lumapat ang kanyang palad sa gitna ng matigas at pawis na dibdib ni Christian. Biglang nangamoy ang kabuuan ng silid ng bugok na itlog at pinilit hanapin ng mga mata ni Jasper ang pinagmumulan nito sa silid habang nagpipigil ng hininga. Nang magbalik ang tingin niya kay Christian, wala na ito. Sa halip, si Mang Jhong na ang nakatayo sa harap niya: si Mang Jhong na impis na ang dibdib at budlot ang tiyan. Humpak na ang mga pisngi nito, ang labi, manipis at mas maitim ang nasa itaas. Ang mga mata nito ay malalim. Ngumiti ito sa kanya at biglang hinablot ang kamay niyang nakalapat sa dibdib nito. Biglang naduwal si Jasper. Doon na siya nagising.
Ilang segundo rin ang itinagal ni Jasper sa harap ng lababo matapos ang paghuhugas ng mga pinagkanan. Nang muling mapanghawakan ang kanyang kamalayan, pumasok siyang muli sa kuwarto at nagpalit ng damit. Pinili niya ang isang puting v-neck shirt na maluwag sa kanya. Sa harap ng maiit na salaming kuwadrado sa gilid ng silid, sinuklay niya paitaas ang kulay-mais niyang buhok at muling itinali ito ng sanrio. Muli niyang pinagmasdan ang pulang longsleeves sa kama. Kumuha siya ng isang surgical facemask mula sa backpack niya at isinuot ito. Makalipas ang ilan pang saglit ng pag-iisip, umalis na si Jasper upang pumunta sa bahay ni Mang Jhong.
Mag-isang naninirahan si Mang Jhong sa malaki nitong bahay na pamana pa ng mga magulang niya sa kanya. Yari sa kahoy at bato, may dalawang palapag ang bahay na ang estilo’y malilulugar sa pagitan ng dekada 50 at dekada 60. Tumigil sa pag-aaral ng Mechanical Engineering, ginawa na lamang ni Mang Jhong na isang talyer at car wash ang gilid ng lumang bahay. Kumuha ito ng ilang batang kalalakihan sa baranggay para magtrabaho para sa kanya.
Pinagkakatiwalaan si Mang Jhong ng buong baranggay para sa lahat ng sira at pangangailangang pang-maintenance ng lahat ng klase ng sasakyan. Marami ang kumukuha sa kanyang ninong sa binyag at wala itong tinatanggihan. Noong ipanganak si Jasper, agad siyang kinuhang ninong ng tatay nito. Ilang beses na rin itong tinulungan ni Mang Jhong sa pagmementena ng mga dating motor nito at may mga pagkakataon pa ngang hindi na ito nagpapabayad.
Noong makaraang linggo lang, sumagsag ang Mio ng tatay nina Jasper sa isang concrete barrier nang magkamali ito ng tansta sa pag U-turn. Dahil dito, nabiyak ang nguso ng tapalodo ng motor. Iprinisinta ni Mang Jhong ang isa sa mga stock niya at sinabing ibibigay na lang niya ito nang may discount.
Bagamat tinanggap ng tatay ni Jasper ang tulong ni Mang Jhong, minabuti nitong ipakuha na lang sa anak ang tapalondo para siya na ang mismong magkabit pagkarating niya galing sa trabaho noong gabing yun. Nahihiya na ito sa maraming pabor na ginagawa nito.
“O Jasperr! Napadalaw ang pinaka-pogi kong inaanak!”
Hindi malinaw kay Jasper kung papaano siya nakarating doon. Hindi niya alam kung gaano katagal ang inilakad niya. Ang batid niya lang, nagkukulay-kahel na ang himpapawid at lumalamig na ang ihip ng hangin.
Nag-iibayo ang ngiti, lumapit si Mang Jhong kay Jasper. Agad na hinimas ng ninong niya ang kaliwang balikat niya nang maabot siya nito. Dahan-dahan nitong hinagod ang braso ng binata. Nais lumundag ni Jasper papalayo sa sariling katawan, ngunit nanatili ang kabuuan niya roon, dama ang hindi imbitadong haplos ng ninong niya.
“Aba, tumitigas yan a.” Sabi ni Mang Jhong. “Mukang humahabol ka sa utol mo a!” Mula sa bibig ni Mang Jhong, sumungaw ang naninilaw nitong mga ngipin. Sa kanyang hininga, amoy pa ni Jasper ang Marlboro Red na hinihithit nito ilang minuto bago siya dumating.
Isinara ni Mang Jhong ang tarangkahang pula sa likod ni Jasper. Isang kulog na malakas ang tunog ng pagpinid ng bakal na tarangkahan sa kanyang pandinig. Narinig din ni Jasper ang bahagyang pagtawa ng ninong niya. Pinilit niya na magsalita nang walang pangangatal.
“‘N-nong, k-kunin ku raw po yung tapalodo sabi ni papa...”
“Sabi ko naman sa erpats mo dalin na lang nya rito yung mutor niya at ako na magiinstol.”
Hindi mapaknit ang titig ni Mang Jhong sa kanya. Itinuon lamang ni Jasper ang tingin niya sa nguso ng marusing na canvass sneakers niya; sumagi sa isip niya na ibabad ito sa tubig na may sabong panlaba pagkarating niya. May putik ba siyang nadaanan kanina? Hindi na rin niya maalala.
Nang bumalik ang kamalayan ni Jasper sa sinasabi ni Mang Jhong, naramdaman niya ang hininga nito sa likuran ng tenga niya. Mainit.
“Bakit di ka muna pumasok sa loob, Jas? May ispageti pa sa mesa, kainin natin.”
“Hh-hindi na po nong. Kunin ko na lang po ang tapalodo. May mga gagawin pa po ako sa bahay.”
“Mis na kita Jas, tagal mo nang di napapadalaw.”
Panandaliang nanahimik ang matanda. Naramadaman na lang ni Jasper ang palad nito na hinahagod ang gitna ng likuran niya pababa. Nais tumakbo ni Jasper papalabas ng tarangkahan.
“Sigi, kung di ka na mapipigilan, kunin ko lang sa likuran yung tapalodo.”
Habang papalayo ang ninong niya, namalayan na lang ni Jasper ang muling panginginig ng kanyang mga kamay na animo’y nagmumula pa sa kanyang mga balikat. Hindi niya ito mapigilan; nais niyang yakapin ang sarili upang patahanin ang kalamnan niya. Pakiramdam niya’y nilulukuban siya ng mabigat na hangin ng napipintong takipsilim. Ilang sandali pa, lumabas mula sa gilid si Mang Jhong hawak sa kanang kamay ang dilaw na tapalodo na may glossy finish.
“Hindi bago yan pero alaga ko kaya maganda pa.” Sabi nito nang nakangiti’t may tono ng pagmamalaki. Iniabot niya ito kay Jasper na pagkakuha’y parang nasusian at agad na tumalikod para buksan ang tarangkahan.
“Balik ka Jas ha. Bukas lagi ang kwarto ko.”
Tulad ng kanyang pagpunta, hindi na namalayan pa ni Jasper kung papaano siya nakauwi. Lumatag na ang dilim at sa maliit nilang apartment, tila may lumalawig na kahungkagan. Halos mabingi si Jasper sa kabog ng kanyang dibdib. Pilit niyang pinababa ang pangininig tungo sa mga nakakuyom niyang palad at nagtungo sa kanilang silid.
Tumapat si Jasper sa salamin, pumikit, at huminga nang malalim. Pagkadilat niya, napansin niyang tila lumawak ang kuwarto nila. Wala ang nagkalat na mga gamit nilang magkapatid. Wala ang mga salansan ng mga damit. Wala ang shelves na gawa ni Christian. Naging salamin ang lahat ng mga dingding na lalo pang nagpalaki sa silid. Mula sa mga ito, nakita niya ang kanyang repleksiyon at ang daan-daang repleksiyon ng kanyang repleksiyon.
“Bukas lagi ang kwarto ko.” Umalingawngaw ang kataga sa kahungkagan ng silid.
Napako ang tingin sa sarili, nagulat si Jasper sa biglang pagtugtog ng kantang, “Put Your Head On My Shoulder”. Pinagpawisan si Jasper nang malamig.
Nangalinsag ang mga balahibo niya sa buong katawan.
Bumagal ang tempo matapos ang unang linya ng kanta.
Biglang naging pula ang ilaw.
Nakita ni Jasper ang repleksyon niya na nakahubo’t hubad at nakangiti sa kanya. Sumasayaw ito, gumigiling na parang sawa. At sa kanyang paligid, ilang anino ang nakapaligid sa kanya. Sa silahis ng pulang ilaw, kita niya ang kanyang ina, ama, at si Christian na nakahubo’t hubad din. Katulad niya, sumasabay ang mga katawan nito sa indayog ng musika.
Mula sa kanyang likuran, naramdaman ni Jasper ang isang kamay na gumagapang tungo sa kanyang dibdib. Nakita niya sa salamin na ito’y si Mang Jhong. Pinilit din siyang abutin ng kanyang buong pamilya, nagmistulang sawa ang mga braso ng mga ito na lumingkis sa kanya hanggang sa hindi na siya makahinga.
Isa isa, naramdaman niya ang matatalas na mga ngipin ng mga ito sa kanyang balat, pinupunit, kinakain ang kanyang namamawis na laman. Naramdaman ni Jasper na tinatalop ang bawat pulgada ng kanyang katawan, ang utong, ang dibdib, ang bawat umbok ng masel, ang dila, ang labi. Sa pagpapatuloy na pagtugtog ng kanta, napagtanto ni Jasper na hindi takot ang naghahari sa kanya.
The apostrophe 's' is used to show that something belongs to someone or something. For singular nouns, 's is added at the end of the word, and for plural nouns that end in s, only an apostrophe is added at the end.
Sa oras ng aking pagmumuni-muni, dumadagundong ang makapal at buong tinig ni Sir Alvarez na kasalakuyang tinatalakay ang paggamit ng apostrophe ‘s. Sabi ni Sir, ginagamit ito kapag gusto nating ihayag ang konsepto ng posesyon o pagmamay-ari. Isa sa halimbawang binigay niya ay: The cat’s toys were scattered all over the room. Ibig sabihin nito ay pagmamay-ari ng pusa ang laksa-laksang laruan.
Isa sa pinakamahirap na asignatura para sa akin ay ang English. Nakakalito kasi ang mga palatuntunan nito. ‘Di ko rin mawari minsan ang basa ng mga salita na halos iisa lang naman ang itsura. Halos mabuhol ang dila ko noong pinabasa sa’min ang though, tough, through, trough, at thought. Grabe, magkakaiba pala sila ng bigkas!
Kung meron man siguro akong araling ‘di makakalimutan sa English, iyon siguro yung diskarteng ‘pag maganda ang basa at masarap sa pandinig, malaki ang tiyansa na tama ang grammar na ‘yon. At mukhang tama ang sinabing iyon ni Sir Alvarez kasi sa t’wing pagsusulit naming ay pumapasa naman ako.
Ang relasyon ko sa asignatura ni Sir Alvarez ay minsan masaya, minsan malungkot, at minsan naman ay mahiwaga. Tila naglalaro kasi ang bawat letra sa isang salita. Kahit na mapanghamon ang English, masaya naman itong aralin kung tutuusin.
Ang sinabi ni Mama Faith ang isa sa mga motibasyon ko para matuto ng English. “Magagamit mo ‘yan, Santi, paglaon. ‘Pag nag-kolehiyo ka na, ‘pag nagtrabaho ka, magagamit mo yan. Tiyagain mo lang.”
Dalawang araw bago sa amin ituro ni Sir Alvarez ang pagdugtong ng ‘s para sa possessive nouns, ibinahagi niya sa’min ang apostrophe ‘s’ sa porma ng contraction. Sa aking pagkakaalala, ginagamit din ang ‘s sa pagsasama ng dalawang salita para ito umikli. Gaya ng it’s o she’s na kapag pinaghiwalay ay it is/was at she is/was.
Mahiwagang tunay ang English language. Sa isang simpleng kudlit at pagbabagsak ng ‘s’ sa salita ay nagagawa nitong paikutin ang kahulugan nito. Kayang magtago ng mga letra ang kudlit at kaya namang magparami at mang-angkin ang ‘s’.
Tinapos ni Sir Alvarez ang kaniyang diskusyon sa pagpapaliwanag ng kaniyang visual aids na kartolina na nakapaskil sa kupas na pisara.
If a plural noun does not end in s, 's is added at the end as if it were a singular noun.
Example: The children's books were stacked neatly on the shelf.
children (plural) + ‘s
If a plural noun ends in s, only the apostrophe (’) is added.
Example: My fathers’ roosters are awake.
Fathers (plural) + ’
Kapag hindi ka magiging maingat sa bawat bantas gaya ng paglagay ng kudlit, paniguradong magkakamali ka. Iyan ang pinakatumatak sa’kin matapos ang leksyon ni Sir Alvarez.
Kinabukasan, habang ang araw ay nakakubli sa mga nagbabadyang mga ulap, pumasok na parang bugso ng hangin si Sir Alvarez sa aming klasrum. Hindi siya bumati. Hindi niyanig ng kaniyang makapal na boses ang aming tainga. Bagkus, tanging ang matinis na pagkiskis ng yeso sa pisara ang aming naulinagan. Malahigante ang mga titik na kaniyang nabuo. Halos nasakop nito ang magkabilang dulo ng pisara.
In your formal theme, write an essay with ten sentences. Employ the proper use of apostrophe “s” (‘s) in contraction and possession.
Agad kong inilabas ang aking formal theme o sulating pangwakas kung tawagin sa Filipino. Bumubuo pa lang ako ng konsepto para sa aking sanaysay nang magtanong na kay Sir Alvarez si Ella, top one sa klase namin.
“Sir, any topic po ba?”
“Yes, Ella,” sagot ni Sir kay Ella habang humaharap sa klase at inihahanda ang malagom niyang tinig para sa isang anunsyo. “Class, you can use any topic for your essay. And later, you will read it in front of the class”
Ilang sandali lang ang lumipas ay muling binalot ng boses ni Sir ang aming klasrum.
“Any more questions?”
“None po, Sir,” ang sabay-sabay na pagsagot ng aming buong klase na tila tugon sa simbahan dahil sa labis na pagkaseryoso.
Agad na pumasok sa isip ko ang ginawang pamamasyal ng aming buong pamilya sa mall matapos naming magsimba noong nakaraang linggo. Sinimulan ko ang aking sanaysay sa pagtirik ng kandila ni Mama Alona para sa simbahan.
Last Sunday, we went to our barangay’s small church. The first thing Mama Alona did was light up some candles for the altar. Then, she asked me to pray along with her for our family’s good health and blessings…
Sa gitna ng aking pagsusulat, naramdaman ko ang pagsilip ni Sir Alvarez mula sa aking likuran.
“Santi, I guess you confused yourself with the names. Observe consistency.”
Itinuro ng hintuturo ni Sir Alvarez ang kaniyang napuna sa aking sanaysay. Kinuwestiyon niya ang magkaibang pangalan na aking inilagay para sa aking nanay.
“Sir, I have two mothers po.”
Nakita ko sa pagdilat ng mga mata ni Sir Alvarez ang kaniyang pagkagulat sa narinig.
“Oh, sorry, sorry. My mistake.”
Naramdaman ko na naguguluhan si Sir. Habang binabagtas niya ang linya ng mga upuan, makikita ang mga nag-iisp niyang mga naka-arkong kilay. Maraming tanong si Sir siguro na hindi niya magawang maitanong.
Matapos ang aming pagsusulat, nag-anunsyo si Sir Alvarez na amin nang babasahin sa unahan ang aming mga gawa.
“Anyone who would like to go first? Any volunteers?” tanong ni Sir Alvarez.
Dahil sa aking kasabikan na ikuwento ang nangyari sa amin nitong nagdaang linggo, agad kong iniunat ang aking kamay para magboluntaryo. “Me, Sir!”
“Okay, Santi, come here in front. Class, clap your hands for Santi.”
Agad akong pumunta sa unahan ng klase. Natatanaw ko ang aking mga kaklase. Si Jessa ay nakayuko habang sila Benjie, Samantha, Troy, at Joseph ay nagtatanong kay Sir Alvarez kung pwedeng sila ang susunod sa’kin, Sila Reynier at Jomar naman ay nagkukuwentuhan at si Peter ay pasimpleng sinusubo ang natira sa baon niyang biskwit.
“Class, once again, listen to Santi.”
Kinuha ng dumadagundong na boses ni Sir ang atensyon ng buong klase. Parang isang komandante, kaniyang napabalikwas ang aking mga kaklase para umayos ng kanilang pagkakaupo at tuluyang makinig sa’kin.
Huminga ako ng napakalalim. Nabusog ang aking mga baga ng samyo ng aking paligid at ng hangin na siyang magpapalakas ng aking loob. Pinakawalan ko ang naiipit na boses sa aking leeg at bumulalas sa aking bibig ang mga paunang salita mula sa’king sanaysay.
Magiliw kong itinanghal ang mga naganap sa’kin sa buong linggo: ang pagpunta namin ng simbahan, ang pagdarasal ni Mama Alona, ang paglalaro namin ni Mama Faith ng basketball sa Quantum, ang pag-order ni Mama Alona sa Jollibee habang sabik kaming naghihintay ni Mama Faith sa aming mga kinauupuan, at ang paglambitin ko sa kanilang mga kamay habang kami ay naglalakad palabas ng mall.
Pagkatapos ng aking pagbasa, sa halip na palakpakan, sinalubong ako ng mga tanong mula sa aking mga kaklase.
“Dalawa nanay mo?”
“Nasaan tatay mo?”
“‘Di ba weird ‘yon?”
Nagmistulang isang napakalaking tandang pananong ang buong sandali na ‘yon. Nang gumuhit na sa kalagitnaan ng ingay ang malagom at dumadagundong na boses ni Sir Alvarez, tumahimik ang lahat. Samantalang ako ay nakatayo pa rin sa unahan.
“Class, we need to understand that a family doesn’t only consist of a mother and a father. Plus, that is rude to ask such questions.”
“Kayo po, Sir, how many is your mother?” ang pilyong pagkakatanong ni Adam.
“Just one. Is there something to laugh about?”
“None po, Sir.”
Akala ko ay makakaupo na ako pero biglang nagtanong sa’kin si Ella. Pinahintulutan naman siya ni Sir Alvarez.
“How’s it living with two mothers?”
“It is fun. I don’t feel…” agad kong inisip ang translation ng susunod kong sasabihin. “Hmm, I don’t feel different when I’m with them. I’m glad to have two mothers. I mean who wouldn’t want to have two, right?”
Maraming mata ang nakatingin sa’kin. Maraming mga kilay ang tumaas. At maraming mga labi ang nabatak dahil sa pagkakangisi. Pinaupo na ako ni Sir Alvarez ngunit alam kong nakasunod pa rin sila sa’kin ng tingin.
Pagkauwi ko, nabanggit ko kila Mama Alona at Mama Faith ang nangyari.
“Anong ginawa ng teacher mo?” tanong ni Mama Faith.
“Pinagsabihan po sila.”
“Gusto mo bang puntahan namin ang eskuwelahan mo?” ani ni Mama Alona.
“‘Di na po, Ma.”
Kinabukasan, para sa aming homeroom class, inatasan kami ng aming class adviser na gumawa ng sulat para sa aming nanay dahil isang linggo na lang ay Mother’s Day na.
“Class, kunin niyo na sa inyong envelope ang inyong materials.”
Hindi pa natatapos mag-anunsyo si Sir Bustamante ay agad na nagsitayuan ang aking mga kaklase. Mababakas sa kanilang mga mukha ang saya.
Sabi ni Sir Bustamante, puwede raw kaming gumamit ng kahit na anong mga materials. Kinuha ko sa aking envelope ang colored paper, krayola, at ang aking natirang glitters noong gumawa kami ng proyekto sa T.L.E.
Ang una kong ginawa ay ang disenyo ng aking pabalat sa sulat. Nag-lettering ako ng Happy Mothers’ Day sa iba’t ibang kulay na colored paper: dilaw para sa Happy, pula para sa Mothers’, at lila para sa Day. Ang ganda niya! Makulay!
Gugupitin ko na sana ang pusong disensyo para sa paglalagyan ng aking sulat nang biglang lumapit sa’kin si Adam.
"Ahh, mali lagay ng apostrophe ‘s,” pang-aasar niyang sabi. “Paano dalawa kasi nanay,” sabay hagalpak ng tawa.
Agad na sinaway ni Sir Bustamante si Adam. Tinignan ako ni Sir habang sinusuri ang aking gawang pabalat.
“Santi, mali ang lagay mo ng apostrophe ‘s. Gayahin mo ang nasa board.”
“Pero, Sir, dalawa po ang nanay ko. Si Mama Alona at si Mama Faith,” katwiran ko.
Patuloy pa rin sa pang-aasar si Adam sa akin. Dalawa raw kasi nanay ko. Tomboy daw kasi mga magulang ko.
Pinagalitan ni Sir Bustamante si Adam at sinabihang itigil na ang ginagawang pang-aasar. Natigilan si Adam nang sabihin ni Sir na ipapatawag niya sa eskuwelahan ang mga magulang ni Adam ‘pag ‘di pa siya tumigil.
“Class, hindi tama na mang-aasar kayo kasi naiiba ang kaklase niyo sa inyo. Hindi tama na hindi kayo marunong rumespeto.”
Natahimik ang klase, lalo na si Adam.
Halos kalahating oras na ang lumipas ngunit kapansin-pansing hindi pa rin nagsisimula si Adam. Meron siyang mga materyales, pero wala siyang ginagawa. Kinakabahan kaya siya kasi sinabi ni Sir na ipapatawag ang mga magulang niya? Nilakasan ko ang aking loob na lapitan siya.
“Ayos ka lang ba, Adam? Bakit hindi ka pa nagsisimula?”
“Pake mo?”
“Gusto mo ba tulungan kita?” pagmamalasakit ko.
“Hindi na! Wala naman akong pagbibigyan!”
Doon na nagsimulang umagos na parang ilog ang luha ni Adam. Nagtaas-baba ang kaniyang balikat dahil sa paghikbi. Doon din namin napag-alaman na nasa langit na ang kaniyang ina. Kanser daw ang dahilan.
“Buti nga ikaw dalawa ang nanay.”
Halos hindi maintindihan ang mga salitang lumabas sa bibig ni Adam. Tanging paghikbi at pagsinghot ang aming narinig. Ang kalmadong boses ng pagpapatahan ni Sir Bustamante ang namutawi sa klase.
“Puwede mong ibigay sa Papa mo ang sulat mo,” ang bulong ko sa kaniya. “Puwede rin sa nanay ko. Dalawa naman sila. Mabait sila at siguradong matutuwa sila don,” dagdag ko pa.
Napaisip si Adam. Tumigil na siya sa pag-iyak pero kapansin-pansin pa rin ang pamumula ng kaniyang mata dahil sa kalungkutan.
“Tama si Santi, Adam. Pwede mong bigyan ang Papa mo. Siya na rin naman ang tumatayong Mama at Papa mo ngayon.”
Kumalma na si Adam. Tinalakay ni Sir Bustamante ang iba’t ibang klase ng pamilya. Binanggit niya na may gay parents at lesbian parents. Meron din daw single parents. Binigay din niyang halimbawa ang kaniyang sarili. Wala siyang anak pero meron siyang alagang mga pusa kaya fur parent ang turing niya sa kaniyang sarili.
Matapos ang maikling leksyon na iyon. Nagbago ang pananaw ng lahat. Humingi ng patawad sa’kin si Adam at ganun na rin ang iba kong mga kaklase. Nagsisisi raw silang asarin ako dahil meron akong dalawang nanay.
Dagdag pa rito, binura ni Sir Bustamante ang kaniyang unang malaking sinulat na Happy Mother’s Day. Hindi na lamang ganitong pagbati ang makikita. Dinagdag niya ang Happy Mothers’ Day, Happy Parent’s Day, at Happy Parents’ Day.
Nagpatuloy ako sa paggawa ng aking sulat. Binuo ko na ang loob o ang nilalaman nito. Nilagyan ko ito ng puso, ng mga bituin, at ng isang nakapakagandang bahaghari na binudburan ko ng glitters. Pagkatapos, isinulat ko na ang aking mensahe para sa aking dalawang matatag na nanay.
Nang matapos ako, nagtaka ako nang biglang lumapit sa’kin si Adam. Biglang lumapit din sila Peter, Jomar, Reynier, si Ella, at ang mga kaibigan niya. Meron silang mga sulat sa kanilang mga kamay.
“Para kanino ‘yan?”
“Sa mothers mo,” sagot ni Ella.
“Seryoso?”
“Super seryoso,” sagot ni Adam habang nakangiti.
“Nakakahiya kasi wala akong gawa para sa parents niyo, pero maraming salamat. Matutuwa sila Mama nito!” habang malugod kong tinanggap ang kanilang mga sulat.
Binasa ko ang kanilang sulat. Bumungad ang apostrophe (’) matapos ang salitang mothers. Happy Mothers’ Day! Tumulo ang aking luha sa tuwa at sa kanilang pagtanggap. Lalo kong naramdaman na ang araw na iyon at ang mga susunod pang mga araw ay araw ng aking mga naggagandahan at mga dakilang mga ina.
I.
Nasa gymanisum ako ng state university na pinapasukan ko. Ngayong araw ang endorsement namin sa Liblib National High School—ang paaralan kung saan isasagawa ang aming teaching internship. Pero bago ‘yon, nagbigay muna ng pananalita ang adviser namin para sa pagpapaliwanag at pagpapaalala ng mga dapat at di dapat gawin bilang mga practice teacher.
“O, narinig mo? Bawal daw landiin ang estudyante, ha,” biglang sabi ng kaklase ko nang mahagip sa usapan ang tungkol sa Child Protection Policy.
“Di naman estudyante ang lalandiin ko, cooperating teacher,” pabirong sagot ko sa kanya.
Nagtawanan ang mga katabi kong nakarinig. Napatingin tuloy sa amin ang adviser namin. Nilapitan kami at tinitigan nang masama.
“Anong tinatawa-tawa n’yo dyan? Gusto n’yo bang ‘wag ko kayong i-deploy?” mataray na tanong niya sa amin habang nakataas ang kaliwang kilay.
Umiling kami saka humingi agad ng pasensya para hindi na tumagal pa ang panenermon niya dahil inip na inip at init na init na kami sa unipormeng suot namin.
II.
Biro lang talaga para sa akin ang binitawan kong salita noong araw na i-endorse kami. Ayaw ko pang pumasok uli sa romantikong relasyon. Masyado pang sariwa ang iniwang sugat ng dati kong kasintahan. Pero hindi ko inakalang magkakatotoo ang birong ‘yon dahil ang inaasahan kong magiging cooperating teacher ay matandang purista na nakakaantok magturo at allergic sa mga contemporary literary work. Na ‘pag nag-Taglish ako sa pagtuturo ay katakot-takot na panenermon ang matatanggap ko na parang nakapatay ako ng dalawang tao. Pero kabaligtaran ang nangyari. Kay Ma’am Antonette ako napunta (Ma’am Tonette for short). Ang nag-iisang dalagang Filipino teacher sa Liblib.
Sabi ng isang manunulat, may dalawang uri ng guro sa Filipino. Una, ‘yung nabanggit ko na sa itaas. Purista. Galit sa Taglish at impormal na mga salita dahil nabababoy daw ang wika. Outdated din ang mga alam na babasahin. Ikalawa, dito pasok si Ma’am Tonette, progresibo. Tinitibag ang mga nakasanayan. Naghahain ng mga bagong babasahin lampas sa kung ano lang ang itinatakda ng modyul. At sa halip na limitahan ang wika sa mga batas at pamantayan, binabantayan at inaalalayan niya ito kung saan papunta.
Sa PUP-Sta. Mesa graduate si Ma’am Tonette. AB Filipinolohiya ang kurso. Cum Laude. At kasalukuyang nagmamasteral sa PNU. Kaya hindi lang pang-muse ang hitsura niya. May laman din ang kanyang utak. Siya ‘yung tipo ng babae na lalong gumaganda kapag nagsasalita.
Content writer sa public relation and information office ng LGU ang una niyang naging trabaho. Pero nagpasya siyang mag-resign dahil hindi na niya makita pa ang kabuluhan at kahulugan ng kanyang ginagawa. Ayaw niyang tumanda na ang tanging ginagawa ay pabanguhin ang pangalan at imahe ng institusyong matagal na naman talagang nabubulok.
Kaya kumuha siya ng Certification in Professional Education sa isang maliit na kolehiyo sa kanilang bayan. Pagkatapos niyon, ipinasa niya ang Licensure Examination for Professional Teachers at nagturo nang dalawang taon sa isang catholic school.
Hanggang sa mapunta siya rito sa Liblib.
III.
Isang hapon, pagkatapos ng huli kong klase, pinuntahan ko si Ma’am Tonette sa kanyang classroom para i-TA ako.
“Si Ma’am?” tanong ko sa isang estudyante niya habang nagdidilig ng mga pananim sa hardin.
“Hindi pa po bumababa, Sir.”
Tumambay na lang muna ako sa table niya sa likod. Binuklat ko ang mga librong nasa ibabaw niyon. Nawili akong basahin ang isang young adult novel. Hindi ko namalayan ang takbo ng oras. Kung hindi pa nagpaalam ang mga bata, hindi ko malalamang tapos na pala silang maglinis.
“Sorry, Sir. Nakalimutan na kita,” sabi ni Ma’am Tonette pagkapasok niya ng classroom. Bakas sa mukha niya ang latay ng pagod sa buong maghapon dahil pinangunahan niya ang paglilinis at pag-aayos ng buong paaralan kasama ang ilang piling estudyante para sa isasagawang monitoring and onsite validation ng MENRO sa susunod na araw.
“Okay lang, Ma’am.”
“Teka lang, ha. Hihinga muna ako. Grabe, sobrang nakakapagod,” sabay inom ng tubig sa Aquaflask.
Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa amin.
“May motor ka di ba?”
“Opo.”
“Tara, gayak ka.”
“Bakit po?”
“Inom tayo.”
IV.
Kumain muna kami ni Ma’am Tonette sa isang fast food restaurant sa bayan. Treat niya. Kahit sinabi ko sa kanyang may dala akong pera, hindi niya ako pinayagang magbayad. Siya daw ang nagyaya kaya siya ang sasagot ng gastos. Kaya kung gusto ko raw gumastos, yayain ko raw siyang lumabas sa susunod.
Pagkatapos tsumibog, dumiretso na kami sa maliit na apartment na inuupahan niya. Doon na lang daw kami uminom. Mas tipid. Bumili siya ng isang litrong Red Horse at Tang Grapes. Tapos, pinaghalo. Swabe ang lasa.
Nagpaalam siyang maliligo muna pagkatapos niyang timplahin ang alak. Naiinitan at nalalagkitan na raw kasi siya. Kaya naiwan akong mag-isa sa hapag. Kumuha lang siya ng mga pamalit sa kanyang kwarto at dumiretso na sa banyo para simulan ang ritwal ng paliligo. Nilibang ko ang sarili sa pagba-browse sa Facebook. Makalipas ang ilang minuto’y iniluwa siya ng banyo. Nakasuot siya ng itim na cycling at puting oversized t-shirt. Paglapit niya sa akin, inalis niya ang tuwalyang nakabalunbon sa kanyang ulo. Kumalat sa buong paligid ang mabangong simoy ng shampoo mula sa kanyang mahabang buhok. Nagising tuloy ang mga natutulog na demonyo sa utak ko.
“Ano, game?” yaya niya sabay salin ng alak sa kanyang baso. Tapos, sinenyasan niya ako na iabot ang sa akin para iyon naman ang kanyang masalinan.
Noong una, mabilis ang usad ng tagay dahil minimal lang ang aming pag-uusap. Kapwa namin tinatantya ang isa’t isa. Nag-iingat siya sa bawat salitang sasabihin ugnay sa naging pagtuturo ko kanina. Binabalanse niya ang positbo at negatibong komento. Pero pagkabukas sa ikalawang bote ng RH, ‘yun na, nagkapalagayan na kami ng loob. Lahat ng kinikimkim niyang daing at sama ng loob sa tatlong taong pagtuturo sa DepEd, sa akin niya ibinuhos: kung paano siya ituring na alila ng mga kasamahang guro—lalo na iyong matatanda—palibhasa’y bago pa sa serbisyo; at, kung gaano rin kalala ang kultura ng smart-shaming kaya ganoon na lang kung masamain ang bawat pagtatangka niyang magsalita o gumawa nang hindi naaayon sa kung ano ang nakasanayan. Lalo ko tuloy nakita nang malinaw ang kapirasong reyalidad ng mga pampublikong paaralan sa bansa. Nakakasuka.
“Nagpaalam ka?” tanong niya nang mapansing panay ang tingin ko sa cellphone.
“Po?” paniniyak ko.
“Kung nagpaalam ka ‘ka ko sa girlfriend mo.”
“Single ako, ma’am.
“Gaano na katagal?”
“Magte-three months na po.”
“Anong nangyari?”
“Long story po, e.”
“I-summarize mo na lang.”
“Nakipaghiwalay siya. Nakahanap ng iba.”
“O talagang humanap ng iba?”
“Pwede rin po.”
“Bakit sa tingin mo?”
“Boring daw ako, e. Weird. Puro libro at pagsusulat na lang daw ang nasa isip ko.”
Tumawa si Ma’am.
“Bakit po?”
“Pareho pala tayo.”
“Boring at weird ka rin daw?”
Tumango siya.
Ako naman ang natawa. Hanggang sa pareho na kaming tumatawa. Hindi ko alam kung dahil ba sa epekto ng alak o dahil masayang malaman na may kasama ako sa kasawian?
Mayamaya’y inilabas ni Ma’am Tonette ang kanyang cellphone. Nag-browse sandali. Sabay pakita sa picture ng isang matabang lalaki na may manipis na baang. Halos kahawig n’ong matabang lalaki sa music video ng Kung Di Rin Lang Ikaw ng December Avenue.
“‘Yan ba ‘yun?” tanong ko.
“Oo, gwapo ‘no? Seven years kami niyan.”
Napamura ako.
V.
Pasado alas-sais na ng umaga nang magising ako sa aking kwarto dahil sa sunod-sunod na tunog ng aking cellphone. Si Ma’am Tonette, tumatawag. Humingi siya ng dispensa dahil hindi na niya ako nagawa pang balikan kagabi pagkatapos niyang magpaalam na may kukunin lang sa kwarto; hindi na daw talaga niya kinaya pa ang epekto ng pinaghalo-halong pagod, amats, at antok. Sabi ko, okay lang; walang problema. Biniro ko pa siya na sanay na ‘ka ko ako sa mga ganoong alibi ng mga mahihinang uminom. Tumawa siya. Tapos, nagtawanan uli kami nang ikwento niyang papasok sana siya gayong holiday ngayon. Ipinakita niya pa ang sariling nakasuot pa rin ng uniporme. Hanggang sa humantong ang aming usapan sa muli niyang pagyayaya na gumala.
Napadpad kami sa Lucban, Quezon. Sa Barangay Kalyaat. May campfire session daw kasi doon. Tapos, may tutugtog na mga local artist. Nagdala kami ng tent. Doon na kami magpapalipas ng magdamag. As usual, may inuman uli. Tapos, kwentuhan sa pagi-pagitan ng pakikinig at pagsabay sa kantang tinutugtog sa entablado habang nakaupo kami sa telang nilatag namin sa damuhan. Hanggang sa naramdaman ko na lang ang unti-unting pagsandal ng ulo niya sa balikat ko. Nagising uli ang mga demonyo sa utak ko nang malanghap ko ang mabangong buhok niya.
Pumasok kami sa itinayo naming tent nang makaramdam kami ng antok at ginaw. Kaso’y pagkahiga namin, tinakasan naman ako ng antok. Hindi ako mapakali. Kung ano-anong pumapasok sa isip ko. Pero hindi na ako giniginaw pa. Napapaso ako sa tuwing dadampi ang balat ko sa balat ni Ma’am.
“Okay ka lang?” tanong niya.
“Gusto mo bang lumabas muna ‘ko?”
“Hindi, hindi,” hinawakan ko ang kamay niya para pigilan siya sa pagbangon, “okay lang. Naninibago lang siguro.”
“Alam mo, ngayon na lang uli ako sumaya nang ganito.”
Bumaling siya sa akin at nagpasalamat. Bumaling din ako sa kanyang direksyon.
Nagtagpo ang aming mga mata. Hindi ko na napigilan pa ang sarili. Hinalikan ko siya.
Inangkin namin ang isa’t isa no’ng gabing ‘yun.
VI.
Nagpatuloy ang ganoong siklo ng ugnayan namin ni Ma’am Tonette. Lagi kaming lumalabas tuwing Biyernes ng gabi. Tapos, doon na ako matutulog sa apartment niya. Sabado na ng hapon ako umuuwi ng bahay.
Pormal pa rin naman ang ugnayan namin ‘pag nasa loob ng school para walang magsuspetsa. Hindi naman ako nakakalimot na cooperating teacher ko siya. Ni hindi ko binabanggit kanino man ang nangyari sa amin maski sa pabirong paraan. Pero ‘pag nasa labas na ng school, nabubura ang linyang namamagitan sa amin bilang tagapagsanay at nagsasanay na guro. Nagagawa ko siyang biru-biruin. Nilalaro-laro at inaamoy-amoy ko ang buhok niya kapag nanonood kami ng pelikula. Tapos, kapag naglalakad kami sa lugar na walang nakakakilala sa amin, hinahawakan ko ang kamay niya. O kaya’y isasampay ko ang braso ko sa kanyang balikat. At bilang ganti, ikakawit naman niya ang kanyang kamay sa aking bewang o kaya nama’y sa aking braso.
Parang kasintahan ko siya ‘pag nasa labas ng school. Parang kasintahan dahil hindi pa malinaw ang ugnayan namin. Wala pang nagtatangkang linawin ng kahit sino sa amin. Pero ang mahalaga, masaya kami ngayon. Natutugunan namin ang pangangailangan ng isa’t isa.
Hindi ba’t sa ganitong paraan din naman nagsisimula ang lahat ng mga hindi mapangalanang relasyon?
VII.
Noong malapit na ang final demo ko, lalong napadalas ang pagpunta ko sa apartment niya. Kahit hindi Biyernes ng gabi, pinupuntahan ko siya. Pinagtulungan naming ayusin ang detailed lesson plan ko. Pati presentation at instructional materials na gagamitin. Pinagalitan niya pa ako nang makita ang naunang presentation na ginawa ko. Wala raw kalatoy-latoy. Parang papasok lang daw ako sa regular class.
“Mag-effort ka naman,” sabi niya.
“Gagalingan ko naman sa delivery ng lesson.”
“Di pwedeng do’n ka lang mag-focus. May rubrics kayong sinusunod,” naiiritang sagot niya. “Nasa’n pati ang IMs mo?”
Ipinakita ko ang picture ng na-print kong tarpapel kagabi.
“‘Yan lang?”
Tumango ako.
“Bahala ka nga. Ang kulit mo.”
“Bakit ba kasi kailangan pang bonggahan? Hindi naman ‘to nagagawa sa totoong buhay.”
Hindi na umimik pa si Ma’am Tonette. Suko na siya sa katigasan ng ulo ko. Dumiretso na siya sa classroom ng Grade 10-Sakay dahil doon gaganapin ang kanilang LAC session. Umuwi kami noong hapong ‘yun nang hindi nagpapaalam sa isa’t isa. Ni hindi siya sa akin nag-chat.
Kinabukasan, matabang pa rin ang pakikitungo niya sa akin. Isang tanong, isang sagot kung kami’y mag-usap. Kaya noong hapon, pumunta ako sa kanyang apartment na may bitbit na iced coffee at mga gamit sa pagbuo ng panibagong instructional materials.
“Gagawa na akong IMs,” bungad ko sa kanya pagkabukas niya sa pinto ng apartment, “pero kailangan ko ng tulong.”
At malugod naman niya akong pinapasok.
VIII.
Pasado alas-dose na ng madaling araw. Tulog na ang mga kasama ko sa bahay. Tanging ako na lang ang gising. Nakangiti akong nakatingin sa screen ng naghihingalo kong laptop habang panay ang habulan ng mga malalanding pusa sa bubong.
Walang pagsidlan ang saya ko dahil mula noong maghiwalay kami ni Melissa, ngayon na lang uli ako nakapagsulat. Kahit isa’y wala akong naisulat na tungkol sa naging masakit na hiwalayan namin. Ngayon ko napagtantong hindi pala laging totoo na kasawian ang nag-iisang kadluan ng inspirasyon sa pagsusulat.
Dahil kung totoo man iyon, bakit ko naisulat itong first draft ng “Off-Campus” sa kabila ng mga positibong emosyong nararamdaman ko dahil kay Ma’am Tonette?
IX.
Matagumpay kong naitawid ang aking final demo. At ayon sa mga usap-usapan, ako raw ang pinakanangibabaw sa buong Filipino major. Maayos at komprehensibo kong naipaliwanag ang paksang-aralin. Hindi ako nag-stutter. Banayad ang daloy ng talakayan. Ang sabi pa, natural na natural daw ang naging pagganap ng mga bata. Hindi kinabahan. Hindi nanibago maski may ibang taong nagmamasid sa classroom. Pero kung may pinakanapuri man, iyon ay ang mga ginamit kong instructional material. Nagamit ko raw kasi lahat. Walang nasayang. Di gaya ng ibang nag-demo na sangkatutak ang IMs pero hindi naman nagamit ang ilan. Naging mga palamuti lang sa unahan.
Sa sobrang saya ko, nayakap ko si Ma’am Tonette pagkatapos niyang sabihin sa akin ang lahat ng ito.
“Thank you,” sabi ko sabay halik nang mabilis sa kanyang labi.
Itinulak niya ako at tinitigan nang masama.
“Wala na namang tao.”
“Maski na! Nasa school pa rin tayo.”
“Sorry. So, sa’n tayo?” tanong ko.
Sinabi niya ang lugar at agad namin iyong pinuntahan.
X.
“Himala, may pera ka,” pagtataka ni Ma’am pagkatapos niyang simsimin ang hawak niyang iced coffe. Narito kami ngayon sa paborito niyang café. Na ang lasa ng mga pagkain ay hindi ko gusto. Pero dahil ito ang paborito niya, sige kain lang. Kailangan kong magkunwaring nasasarapan hanggang sa tuluyang masanay ang dila ko sa mga pagkaing inihahain dito.
“Natanggap ko na kasi ‘yung bayad ng Likhaan sa short story na pinasa ko sa kanila.”
“Wow! Talaga? Nakapasa ka do’n?”
“Parang gulat na gulat ka, a.”
“Hindi ako makapasa-pasa do’n. Tinigilan ko na no’ng i-reject nila ako nang apat na beses.”
“Ako nga anim na beses na-reject bago nakalusot.”
“Pabasa naman.”
“Saka na.”
“Damot!”
“Pero may ipapa-beta read ako sa ‘yo. Kaso di pa tapos.”
“Ano ‘yun?”
“CNF. Ipapasa ko sa call for submission ng 8 letters.”
“Tungkol saan?”
“Basta. Malalaman mo.”
“Sige, ano na lang ‘yung title?”
“Off-Campus.”
“Okay, may ideya na ako kung tungkol saan,” sabi niya sabay hagalpak ng tawa.
XI.
Sa tuwing umiibig, lagi kong ikinokondisyon ang isip na may limampung porsyentong posibilidad na mabibigo ako. Para kung magkagayonman, hindi ako masyadong masasaktan. Pero iba ang epekto sa akin ni Ma’am Tonette. Pakiramdam ko talaga ay mas malaki ang posibilidad na may patunguhan ang relasyon namin kaysa mapunta ito sa wala. Siguro’y dahil sa lahat ng babaeng nakilala ko, siya ang may kapareho ko ng interes. Parehong nagkakaunawaan ang puso namin at kaluluwa.
Ang kaso, isang linggo bago ako i-pull out sa Liblib, tumamlay at tumabang ang pakikitungo niya sa akin. Parang bumalik sa level one ang ugnayan namin. Unti-unti’y naging estranghero kami sa isa’t isa. Kapag binabati ko siya ng magandang umaga o magandang hapon, hindi siya tumutugon. O kung tumugon man, matipid na ngiti lang ang isusukli. Pinagbawalan na rin niya muna akong pumunta sa kanyang apartment. Hindi ko alam kung bakit. Tuwing tinatanong ko kung anong problema, ang laging sagot sa aki’y wala.
“Anong plano natin pagkatapos nito?” hindi ko napigilang itanong sa kanya isang tanghali pagkatapos naming kumain.
“Di ko alam. Magpatuloy, I guess.”
“Tonette naman!” nagulat siya sa inasta ko. Maging ako’y nagulat sa sarili ko. Ngayon ko lang siya nasigawan at natawag sa loob ng school nang walang nakakabit na “ma’am” sa pangalan.
“Gusto ko lang naman ng malinaw na sagot,” dagdag ko. Ngayo’y para na akong maamong tuta. Mababa ang boses. Nakayuko. Hindi makatingin sa kanya nang diretso.
“Magtapos ka na muna. Saka na natin ‘yan pag-usapan.”
Lintik, ang labo pa rin!
Sa huli’y nagpasya akong itigil ang pangungulit. Hinayaan ko na lang muna siya sa kung ano ang gusto niya. Baka nalulungkot lang dahil aalis na ako; siguro’y pinag-aaralan nang mas maaga kung paano iigpawan ang paparating na pangungulila.
XII.
Mag-iisang buwan na simula noong umalis ako sa Liblib. Ginawa ko ang lahat ng pwedeng gawin para aliwin ang sarili: tumoma, namasyal, namiyesta, nagsulat, nagbasa, nanood ng pelikula, naligo sa ilog at dagat. Pero lagi ko pa ring naiisip si Ma’am Tonette; ang masasaya naming sandali sa loob at labas ng school.
Ang sakit isipin na hanggang ngayon, wala pa rin siyang paramdam. Paano niya nagagawang tiisin ako nang ganito katagal? Umasa pa naman ako na siya ang unang magpaparamdam para manuyo; para linawin ang lahat. Pero wala. Mukhang seryoso talaga siya sa sinabi niyang gumradweyt muna ako bago namin pag-usapan ang tungkol sa amin. Ilang buwan pa ‘yon bago mangyari. Hindi ko na kaya pang maghintay.
Nagdesisyon akong puntahan na siya sa apartment niya isang hapon. Bahala na kung magalit siya. Wala na rin naman akong pakialam pa. Ang mahalaga’y magkita kami at magkausap. Dadalhin ko na rin ang final manuscript ng “Off-Campus” baka-sakaling masagip nito ang naghihingalo naming ugnayan.
Pero pagdating sa harap ng apartment ni Ma’am Tonette, laking gulat ko nang makita ko siyang iluwa ng pinto na may kabuntot na isang lalaki. Napagsino ko ang kanyang kasama. Bagaman nagkaroon ng ilang pagbabago sa hitsura nito at pangangatawan—clean cut ang gupit, walang baang, at higit sa lahat, maskulado na!—hindi ako pwedeng magkamali. Siya na siya ang nasa larawang ipinakita sa akin ni Ma’am Tonette noong una kaming magkainuman sa apartment niya.
“M-ma’am….”
“M-micahel, napadaan ka…”
“I-ihahabol ko lang po ‘yung, uhm, final output ko.”
Pagkabigay ko sa manuskrito, tumalikod na ako bago pa man nila makita ang pag-uunahan ng mga maliliit na bituing nalalaglag sa mata ko.
“Tabang! Tabang! Tabangi kami niyo.”
“Kaka! Ino ngka aya suwaa? Ina… Ina aken! Tabaanggg!”
-----
Da pen sinang so alongan sa sebangan na miyakaganat den si Kaka Mamad sa walay. Kiyalayaman ami den a di niyan di kapakabalaga ka sabap sa kabaya iyan a magaan iyan pekhapasad so galebek iyan sa kaporoan. Mala a mama si Kaka Mamad rages a tanto sekaniyan ko masakaw a wata. Aya niyan kiyapmangoda na miyakasuwa sekaniyan den mangawyagan. Langontaman na nggalebeken iyan an niyan bo kawgopi si ina sa kaptagikor iyan rekami a magari-ari. Kayko mabalo si ina sii ko kiyawafat i ama na si Kaka Mamad i tuminendeg a ama ami.
Makaisa a alongan sii ko di kanggagalebekan i Kaka Mamad sa kaporoan na miyakagedam sekaniyan sa dukaw. Miyapamikir iyan a dumekha sii ko atag o mala kayo a marani sii ko di niyan di mbasakan. Sii ko kadedekha iyan na siyorop sekaniyan a torog. Sii kon ko katotoroga rekaniyan na pitataginep iyan a torogan a kipaparahiyasan sa bolawan. Sii ko soled o torogan na aden a romorongaw ron a mama a sisingaan iyan si Kaka Mamad rages a pekhapayen iyan si Kaka a somoled. Di katanudan i Kaka Mamad ba sekaniyan miyakasoled ko torogan. Ogaid na di niyan kalipatan na so bontal ko mama a phekhapay rekaniyan.
Miyakaliboteng den kayko makabaling si Kaka sa walay kayko gawii uto. Piyakalipatan iyan so manga miyaylay niyan sii ko taginepen iyan ogaid na sii rekami a manga pagari niyan na miyaylay ami so kala a mingipagalin i Kaka miphoon ko gawii uto. Phekasasalakawan kami rekaniyan. Mimbaloy a alop sa taw si Kaka Mamad. Miyapapas sii ko bontal iyan so kasasakaw niyan rages a di ami sekaniyan den mimbityarai. Aden a manga oras a pekhaneg ami si Kaka Mamad a di tharo a lagid ba aden a di niyan dimbityarai.
Makaisa a gagawii na ba baden miyada si Kaka. Aya ron piyakamemesa na miyada sekaniyan na da kalekai so paytaw ago langon a rowasan sa walay na kitatangeban. Da ami den maalong si Kaka sa mamakapira a gawii. Madakel a di ron di tharo na miyawa si Kaka. So ped na di iran di tharoon na banda miyadakep a ridowai si Kaka. So peman so sabaad sii sa inged na di iran di tharoon na piyakaonot a manga tonong o djinn si Kaka Mamad. Ogaid na sii rekami na di ami den katawan anda miyakaantap so Kaka ami. Da kami den kadai sa panginam sa di ami rekaniyan di kambanog. Miyaanebaneb ami langon a darpa a kalalayaman a pesungwan i Kaka ogain na da ami sekaniyan den matoon.
Kayko makalepas so lima gawii na miyakawma si Kaka Mamad sa walay. Piyanothol iyan rekami na kayko gawii uto na inawt sekaniyan o mama sa tataginepen iyan.
“Inwit ako niyan sii ko torogan iyan go ako niyan piyaganaan sa begas a benaning a datar ba pendula ko lapad.”
Piyanothol i Kaka langowan a miyailay niyan sii ko soled o torogan. Sii kon ko soled o torogan na aden a lamisaan ron a bolawan a mapepeno a kakhan. Aden a manga pitibarangan ron a onga a kayo a di kon kailay sa inged. “Pagawten ako iran bo kon paparoman ka da ako iyog kayko pakabalingen ako iran roo.”
Miyapiya a ginawa ami kayko mailay ami si Kaka Mamad. Katawan aken a di tharo sa benar si Kaka Mamad. Ogaid na so manga siringan ami na di iran di tharoon na miyabethang si Kaka. So ped peman a manga lolot ami na di iran di tharoon na miyakasaper sa marata si Kaka. Taman imanto na di aken katawan tonay matatago sa pamikiran i Kaka ago antawaa a gito a mama a miyaylay i Kaka sa tataginepen iyan.
Miphoon sii ko gawii a kiyapakambalingan i Kaka Mamad na mingibago ron so di niyan kapagobay sa tao. Datar ba lalayon a di sekaniyan mapaparo oba aden a maoobay niyan apiya sekami a manga pagari niyan. Tig ami ba sekaniyan bo kasoy ko manga olawla niyan andang ka da niyan maaloy paparoman so torogan ago so mama a miyaylay niyan. Aden a manga gawii a pekhailay as bontal i Kaka so kalek. Manga gawii a di sekaniyan panonorogen sa kapekhapikir iyan ko torogan ago ko mama sa tataginipen iyan.
Da a gawii ba miyatago sa pikir ba kabethang si Kaka Mamad. Ogaid na da ami mapamikir tonaa i pekhailay i Kaka Mamad igira perongaw sekaniyan sa rowasan. Tonaa i matatago sa pamikiran iyan igira pakailay sekaniyan sa taw.
Da ami mapamikir ba karaw i Kaka Mamad… ba niyan karaw komapet so sinapang…
…ago ba niyan karaw bomono so mama a pekhapay rekaniyan.
-----
Miyatimbak i Kaka Mamad si ina sabap sa kiyaylay niyan ki ina na so mama sa tataginepen iyan.
BERSYON SA FILIPINO
“Tulong! Tulong! Tulongan niyo kami!”
“Kaka! Paano mo to nagawa? Inay… Inayy! Tulongggg!”
-----
Hindi pa sumisikat ang araw ay nakaalis na ng bahay si Kaka Mamad. Nakasanayan na namin ang kagawian ni Kaka dahil sa kagustuhan niyang maaga niyang matapos ang kaniyang mga gawain sa palayan. Matipuno at mabait na lalaki si Kaka Mamad. Nang magbinata siya, mabilis siyang natuto sa realidad ng buhay at ng paghahanap buhay. Ginagawa niya ang lahat upang matulungan niya ang inay sa pagpapalaki saamin na magkakapatid. Nang mabiyuda si inay, tumayong ama na namin si Kaka Mamad.
Isang araw nang nagtatrabaho si Kaka Mamad sa bukid ay biglaan siyang nakaramdam ng pagod. Napag-isipan niyang magpahinga sa ilalim ng napakalaking puno sa tabi ng kaniyang sakahan. Hindi niyang inaakalang makakatulog siya sa kaniyang panandaliang pagpapahinga. Sa kaniyang mahimbing na tulog ay may napanaginipan siyang napakalaki at napakagandang torogan na may mga desinyong gawa sa ginto. Sa loob ng torogan may nakita siyang lalaki na nakasilip sa bintana. Nakangiti siyang nakatitig kay Kaka Mamad sabay kumakaway na tila nagsesenyas kay Kaka na pumasok. Hindi matandaan ni Kaka kung pumasok ba siya sa torogan subalit ang hindi niya makalimutan ay ang mukha ng lalaki na tila nag-aanya sakaniyang pumasok.
Gabi nang nakauwi si Kaka Mamad nung araw na iyon. Sinipag niyang kalimutan ang mga nakita niya sa kaniyang panaginip ngunit malinaw saaming mga mata na may nagbabago sa ugali ni Kaka Mamad. Naiiba na siya sa aming paningin. Ayaw na niyang may nakakasalimuha siyang mga tao. Taliwas sa kaniyang pag-uugali noon. Hindi na namin siya makausap si Kaka at tila nabura na sa kaniyang mukha ang kaniyang magiliw ay mapagmahal na ngiti. May mga araw na naririnig namin siyang nagsasalita na parang bang may kinakausap.
Isang gabi, biglaang nawala si Kaka. Ang nakakapagtaka sa kaniyang pagkawala ay ang saradong pintoan at mga bintana sa bahay. Ilang araw na namin na hindi nakita si Kaka. Madaming nagsasabi na baka daw umalis si Kaka. Ang iba naman ay naniniwalang kinuha ng kaaway ng pamilya namin si Kaka. May nagsasabi na baka daw pinasama na ng mga tonong o djinn si Kaka Mamad. Wala kaming katiting na ideya kung saan napadpad si Kaka, subalit hindi kami nawalan ng pag-asa sa paghahanap sakaniya. Napuntahan na namin lahat na posibleng lugar na pupuntahan ni Kaka ngunit ni anino niya ay di namin nakita.
Lumipas ang limang araw nang biglaang dumating sa bahay si Kaka Mamad. Kinuwento niya saamin ang mga nangyari sakaniya noong gabing iyon na bigla siyang nawala. Sabi niya ay sinundo siya ng lalaki na nakita niya sa panaginip niya.
“Dinala niya ako sa kaniyang torogan sabay inihain ang dilaw na bigas na para bang gumagapang sa plato.”
Sinabi niya saamin lahat ng nakita niya sa loob ng torogan. Sa loob daw ay may gintong lamesa na punong-puno ng makakain. Merong iba’t-ibang prutas daw na nandoon na hindi mahanap sa lugar namin. “Sabi nila susunduin nila ako ulit dahil hindi ako pumayag noong sabihan nila ako na tumira doon.”
Gumaan ang pakiramdam namin na nakauwi na si Kaka Mamad. Alam ko na nagsasabi siya ng totoo at lahat ng nakita niya ay hindi lamang bunga ng kaniyang panaginip. Ngunit iba ang paniniwala ng iba saamin. Sabi nila ay nababaliw na daw si Kaka. Ang iba naman sa mga kamag-anak namin ay naniniwala na masamang espiritu ang nasa likod ng lahat ng nangyayari kay Kaka. Kahit ngayon ay hindi ko alam kung ano talaga ang nasa isip ni Kaka Mamad at kung sino ang lalaki na nakita niya sa kaniyang panaginip.
Nag-iba si Kaka Mamad simula nung makauwi siya saamin. Ayaw niyang may tumatabi sakaniya. Hindi siya komportable na may katabi siya kahit kami na kapamilya niya. Akala namin ay babalik din siya sa dati sapagkat hindi niya na nabanggit saamin ang tungkol sa torogan sa kaniyang panaginip. Subalit may mga araw na makikita mo sa mukha ni Kaka ang bakas ng takot. May mga araw na hindi siya makatulog dahil naiisip niya ang torogan at ang lalaki na nakatira doon.
Ni minsan hindi pumasok sa isipan namin na mababaliw si Kaka Mamad. Gayunpaman hindi namin napagtanto kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan tuwing nakatitig siya sa labas ng bintana – kung ano ang nasa isipan niya pag nakakakita siya ng tao.
Hindi namin naisip ng mabuti kung kaya ni Kaka Mamad… kung kaya niyang humawak ng baril…
…at kung kaya niyang pataying ang lalaking kumakaway sakaniya sa kaniyang panaginip.
-----
Nabaril ni Kaka Mamad si inay dahil sa pag-aakala niya na si inay ang lalaki sa kaniyang panaginip.
Torogan – ito ay traditional na ancestral house ng mga Meranaw.
Matapos ang ilang taong pakikibaka sa magdamagang puyatan, makakapal na libro at nakapanghihinang mga oral exams, isang ganap na abogado na rin si Peter sa wakas. Tulad ng sinumang mag-aaral na nais maging isang tagapagtaguyod ng batas, kinailangan niyang pagdaanan ang mga hirap na ito para sa pangarap. Dahil para sa kanya, hindi niya kakayaning ipaglaban ang buhay ng iba, kung hindi niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Ito ang kanyang mantra. Marapat makipagtunggali siya laban sa kanyang sarili, sapagkat ito ang pinakamabigat niyang kalaban. Kapag niya itong mapagtagumpayan, mas kakayanin niyang harapin ang sinumang hahamon sa kanya.
Sa mga panahong pinanghihinaan siya ng loob, inaalala niya lamang kung bakit at saan siya nagsimula. Matapos mamalagi ng halos apat na taon sa kanyang dormitoryo sa Diliman, napagdesisyunan ni Peter na umuwi sa kanilang lumang bahay sa Paco habang hinihintay ang resulta ng Bar exam. Kailanman, hindi naramdaman ni Peter na maging mag-isa sa labang ito. May mga nagtulak sa kanya. At sila ang kanyang kinapitan at pinag-aalayan. Dalawang buwan na ang nakakaraan, walang kaalam-alam si Peter na iyon na ang araw na kanilang pinakahihintay. Nahihimbing lamang siya sa siesta noong tanghaling iyon. Sarado ang mga bintana sa kanyang kuwarto. Nababalot ng dilim ang paligid. Nakapatay ang bintilador. Nakapulupot siya sa kumot. Ngunit nanlalamig ang buo niyang katawan. Naalimpungatan siya nang maramdaman ang isang haplos sa kanyang mukha. Hindi niya ininda noong una. Hanggang sa may humawak sa kanyang braso. Bumangon na siya sa ikalawang pagkakataon. Nanggagambala na naman ang mga anino. Hindi na ito bago kay Peter. Hindi na niya ito pinansin at nagtangka siyang bumalik sa pagkakahiga. Ngunit, hindi nila tinigilan si Peter. Mula sa dingding, nais nilang kunin ang kanyang atensiyon sa pamamagitan ng pagkaway. Tinuturo nila ang mesa. Sinundan niya ng tingin ang direksyon. Nakapatong doon ang kanyang cellphone. Kanina pa pala may tumatawag.
Tumambad sa kanya ang texts at missed calls ng kanyang brad. Lumabas na raw ang resulta ng Bar pero lingid ito sa kanyang kaalaman. Buhat kasi noong huling araw ng pagsusulit, minabuti niyang alisin sa kanyang isipan ang anumang bagay na may kinalaman sa batas. Itinago niya ang kanyang mga libro, notebook, at damay na rin ang kanyang mga highlighter. Tinanggal niya ang mga nakapaskil na codals sa dingding. Bukod pa rito, nag-deactivate rin siya ng mga social media accounts. Gusto niya kasing alisin sa kanyang sistema ang pagkabahala. Kung anong dahilan? Simple lang. Ayaw niyang malunod sa pagkaligalig dahil sa paghihintay. Para kay Peter, kung patuloy siyang mag-aalala sa mga bagay na hindi niya pinanghahawakan, makakalimutan niyang may buhay siya sa kasalukuyan. Walang magiging pag-usad. Dahil anuman ang maging resulta ng pagsusulit na iyon, wala na siyang magagawa. Naipasa na niya. Naisulat na niya ang sagot sa kahuli-hulihang mga tanong. At hindi na niya iyon mababawi.
Sa katunayan, hindi naman talaga abogasya ang bokasyong pinangarap niya mula pagkabata. Siya ‘yung tipo ng mag-aaral na nanginginig ang tuhod sa tuwing may surprise recitation sa klase. Ni hindi niya rin maatim na magsalita sa harap nang biglaan, liban kung pinaghandaan niya ito, mga tatlong araw bago ang presentasyon. Sa tingin niya, hindi siya bagay maging abogado. Paano nga naman? Kung sa simpleng klase pa lamang ay hindi siya makapagsalita, tila sasabog ang puso niya sa kaba, namamanhid na ang kanyang kalamnan, kamay, utak at buong pagkatao. Paano niya pa kaya mabibigyang boses ang iba sa harap ng korte?
Ngunit, mapaglaro ang tadhana. Ipinain niya si Peter sa kanyang kahinaan. Ganoon siya kawalang-pakundangan. May mga pagkakataong kailangan niyang harapin ang isang sitwasyon kahit hindi niya naman alam kung paano siya napadpad doon. May mga larong kailangan niyang salihan kahit sa una pa lamang, hindi naman siya pumusta. At may mga labang kinailangan niyang panindigan, kahit hindi naman siya ang pasimuno. Ilalagay niya si Peter sa ganoong pedestal. Wala siyang kawala. Ni wala siyang magawa. Ang tanging paraan lamang para makaalpas, ay ang pagtanggap. Buong pusong pagtanggap. Na kahit anuman ang kalabasan ng kanilang paghaharap, manalo man siya o matalo, wala na siyang pakialam. Ang mahalaga, tumayo siya at nanindigan.
Nabuksan lamang ang interes ni Peter sa abogasya dahil kila Kevin at Mark. Unang araw noon ng klase sa hayskul nang makilala ang matalik niyang mga kaibigan. Nilagyan kasi ni Kevin ng maliliit na bato ang bag ni Peter. Akala niya, bag iyon ni Mark. Magkapareho kasing black ang kanilang Jansport na bag. Laking gulat ni Peter nang biglang bumigat ang kanyang bag. Noong oras na ng recess, nagtaka si Kevin kung bakit hindi pa galit sa kanya si Mark. Agad niyang inamin ang ginawa. Natawa si Mark at sinabing napansin niyang pareho ang bag nila ng kaklase nilang nakasalamin. Pagbalik nila sa klase, humingi sila ng tawad kay Peter. At doon na nagsimula ang lahat.
Mula sa pagsusulatan sa uniform gamit ang pentelpen, hingian ng papel, ballpen at sagot sa exam hanggang sa sabay sabay pag-commute pauwi, mas lalong tumibay ang kanilang pagsasamahan. Ngunit sa kabila ng walang humpay na kalokohan, hindi kinalimutan ni Peter ang obligasyon niya sa eskuwelahan. Tahimik siyang estudyante pero lahat ng ginagawa niya ay may kalidad. Marami man siyang sinalihang extra-curricular activities, kaya niya pa ring makakuha ng pinakamataas na iskor paminsan-minsan. Sa katunayan, nagtapos siya bilang ikatlong karangalang banggit noong high school. Nagpatuloy siya sa kursong AB Political Science sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nais niya kasing maglingkod sa kahit anong ahensiya ng gobyerno, magturo o di kaya’y maging isang pulitiko. Naging maayos naman ang buhay niya sa unibersidad. Mas lalo siyang naliwanagan at marami siyang natutunan. Nabuo niya ang kanyang mga prinsipyo at paninindigan. Mas nahanap niya ang tunguhin niya sa buhay. Samantala, kasabay ng pagtuklas niya sa direksyon ng kanyang buhay ay ang pagliko naman nila Kevin at Mark. Nabalitaan niya nalang na tumigil na sa pag-aaral sa kolehiyo ang mga kaibigan. Nalulong daw sa droga, balita ng kanyang ama. Simula noon ay pinagbawalan na siyang makipagkita sa mga kaibigang dati-rati’y halos buong araw na tumatambay sa kanilang bahay.
Nasa kolehiyo na noon si Peter nang minsang gabi na siya nakauwi sa Paco. Walang tao sa kalyeng madalas niyang daanan. Inabutan na siya ng hatinggabi dahil dumaan pa siya sa debut ng kaklase sa Uste. Hindi na siya makapaglakad nang matuwid dahil lango na siya sa alak. Tahimik ang daang binabaybay niya at niyakap na ng dilim ang kapaligiran. Nakaramdam siya ng takot, ngunit naiibsan ito ng kaunting liwanang mula sa mangilan-ngilang post lights. Pakiramdam niya, ito ang mga ilaw na gagabay sa kanya pauwi kaya wala siyang dapat ipagkabahala. Anupaman ay binilisan niya ang kanyang lakad. Naiihi pa siya at sagad na ang kanyang pagpipigil. Mas lalo pa itong humirap nang dumampi sa kanyang balat ang malamig na simoy ng hangin. Halos tanggalin nito ang init at sigla ng kanyang katawan. Nanayo ang kanyang mga balahibo. Nanginig ang buo niyang katawan. Hanggang sa… may umakbay sa kanya. Sa gulat ay napaihi na siya sa salawal. Hindi na niya ito napansin. Mas gusto niyang malaman kung sino ang taong iyon. Lumingon siya at nakita si Mark. Hindi niya alam kung matutuwa siya o matatakot, basta’t niyakap niya ang kaibigan. Habang nakakapit kay Mark ay kinalabit naman siya ni Kevin. Niyakap niya rin ito. Halos dalawang taon na ang nakalipas buhat noong huli silang makapag-usap. Kahit hilong-hilo na si Peter, alam niyang nasa impluwensya ng droga ang kanyang mga kaibigan. Namumula ang kanilang mga mata at amoy na amoy mula sa kanilang mga hininga ang alingasaw ng marijuana. Inaya siya ng mga ito na pumunta kung saan. Dadalhin daw nila si Peter sa langit. Gustuhin man niyang mangamusta, nangibabaw ang takot niya, sa ama at sa sitwasyong kinasadlakan nilang dalawa. Isa pa, hindi niya rin ito magagawa kung wala sila sa katinuan. Kaya’t upang maiwasan ang anumang kapahamakan, nagpumiglas siya sa pagkakahawak sa kanya ni Mark. Mabilis siyang tumakbo. Hindi na siya lumingon.
Tumigil siya nang mapagod at noong hindi na abot ng kanyang tanaw ang mga kaibigan. Ilang hakbang na lamang, mararating na niya ang gate ng kanilang bahay. Ngunit, hinarangan siya ng isang pusang itim. Hindi ito mapakali. Sinundan niya ang sariling buntot. Nagpaikot-ikot hanggang sa mapagod. Tumihaya at nagpagulong-gulong. Pumirmi at humiga. Namumula ang kanang mata. Habang bulag naman ang kaliwa. Walang balahibo sa malaking bahagi ng kanyang tiyan. Puno ito ng gasgas at kalmot. Mukhang sariwa pa at nilalangaw. Ilang sandali pa’y bumangon siya. Kumaripas ito ng takbo patungong main road. Tumalon siya. At tumakbong muli. Samantala, matulin din ang takbo ng 10-wheeler truck. Napatigil sa paghinga ang pusa. Miyaaaa… Wasak ang tiyan nito. Walang anu-ano’y nagkalat sa lupa ang kanyang mga bituka’t lamang loob.
Napanganga siya sa nakita. Sa takot ay muli siyang tumakbo. Hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Basta ang alam niya, hindi niya maaaring ipagsabi ang kanyang mga nasaksihan. Anuman ang nangyari noong gabing iyon.
Kinabukasan, napatigil siya sa kanto habang naglalakad sa kalyeng halos isumpa niya noong nakaraang gabi. Nagkukumpulan ang mga tao at may rumurondang mga pulis. Nagtaka siya at nakiusisa. May namatay daw kagabi. Biglang lumakas ang tibok ng kanyang puso. Hiniling na sana mali ang kanyang kutob. Hinawi niya ang makapal na buhos ng tao sa paligid ng yellow line. Sumiksik sa anumang espasyong maaari niyang mapasukan. Nang makalapit, tumambad sa kanya ang walang mga buhay na katawan nila Kevin at Mark. Nakahandusay sila sa kalsada. Nakatali sa kanilang mga labi ang isang plaka. Huwag daw silang tularan.
Hindi na siya natahimik mula noon. Nakaramdam siya ng silakbo ng damdamin at pagsisisi. Paulit-ulit niyang binalikan ang mga nangyari at kung ano ang maaaring mangyari kung hindi siya tumakbo. Pilit niyang hinahanapan ng lohika ang mga naganap kahit pa maraming detalye ang natapyas na sa kanyang ala-ala. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili. Pakiramdam niya, tinalikuran niya ang mga kaibigan. Wala siyang kwentang tao dahil umalis siya sa panahong kailangan nila ang kanyang pagkalinga at pang-unawa. Ginagambala ang kanyang isipan ng walang hanggang mga katanungan. Sino ang walang habas na kumitil sa buhay nila Kevin at Mark? Paano kaya kung may ginawa siya? Kung itinawag man lang niya sa kinauukulan ang kalagayan ng dalawa? O di kaya, kung sumama siya? Ano, bakit, sino… paano kung? Arghhh. Halos hindi na siya makakain kakaisip. Hindi na makahinga kakaiyak. Daig niya pa ang nakadroga. At wala siyang mapagsabihan. Hindi niya kaya.
Noong araw ng pagtatapos ni Peter sa undergrad, hindi siya masaya. Hindi niya kasi makakasama si Kevin at Mark. Masakit sa kanya na isipin na sa kanilang tatlo, pangarap niya lang ang natupad. Sapagkat ni pati hustisya, hindi man lang natikman ng kanyang mga kaibigan. Wala namang salapi ang pamilya ng mga ito, kaya’t kalaunan ay napabayaan na lamang ang kaso. Wala ring lumilitaw na ebidensya, walang saksi at walang pag-usad ang imbestigasyon. Naisip niya tuloy kung may saysay pa ba ang paglaban. Kung may magagawa ba ang kanyang susumpaang salaysay sa panahong kaya na niyang magsalita. Dahil halos araw-araw na lamang ay may nababalitang may namamatay sa kanilang lugar. Pakiramdam niya tuloy, niyakap na ng lipunan ang pagiging karaniwan ng pagpatay at pagtapak sa karapatang pantao. Napaisip siya. Magiging tama pa ba ang mali kung ang pagsasawalang bahala ay naging sistema na mismo?
Simula noong dalhin ni Peter ang pasaning iyon, hindi na siya matahimik. Pakiramdam niya, kailangang niyang kumilos. Ngunit, hindi niya alam kung paano. Wala siyang mahihingian ng tulong. Pakiramdam niya, wala siyang kakampi. At kahit anong gawin niyang paglimot, hindi pa rin siya makausad. Mula noong inilibing si Kevin at Mark, kasama nitong dinala sa hukay ang kanyang katahimikan. Tila namatay na rin ang dating siya, ang masiglang si Peter na punong-puno ng pag-asa.
Buong buhay niya, hindi siya naniniwala sa kababalaghan kahit na palaging panakot ng kanyang ina ang kuwento ng kanyang lolo at lola. Sa bahay na iyon binawian ng buhay ang mag-asawa. Giit ni Peter, ang multo ay gawa gawa lamang ng imahinasyon ng tao. Nararanasan lamang ang mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensya dahil nagpapadala tayo sa takot. Pero, iba noong gabing iyon. Tila naglaho nang bigla ang katapangan niya. Alam niyang hindi siya nananaginip. May kakaiba sa bahay nila.
Napangalagaan ng kanyang pamilya ang lumang bahay nila sa Paco. Dahil nag-iisang anak ang kanyang ina, pamana ito ng kanyang lolo. Tanyag na sundalong amerikano ang lolo ni Peter na umibig sa isang dalagang Pilipina. Napagdesisyunan niyang bilhin ang bahay na ito mula sa isang mayamang negosyanteng kastila. Ninais na niya kasing manirahan sa Pilipinas noong nakilala niya ang kanyang lola. Mahirap lamang ang pamilya ng kanyang lola at pagsasaka lamang ang kanilang ikinabubuhay. Kaya’t noong sila ay ikasal, napabalita ito sa buong kabayanan. Masuwerte raw ang dalaga sapagkat hulog ng langit ang naturang heneral. Pinaniwalaang hindi na maghihirap ang kanyang pamilya dahil maambunan sila ng kayamanan. Ngunit, hindi rin nagtagal ang prebilehiyong ito sa pamilya ng kanyang lola sapagkat pumanaw siya sa panganganak sa kanyang ina. Naulila na rin siya sa ama matapos niyang ikasal dalawang dekada ang nakalipas. Kaya’t hindi magawang lisanin ng kanyang ina ang bahay na ito, kahit pa may pagkakataon silang lumipat. Doon na kasi siya namulat, lumaki, nagdalaga at nag-asawa.
Marami ng pinagdaanang bagyo at lindol ang bahay na ito. Kinumpuni at pinalitan na rin ang materyales ng halos buong bahagi ng bahay. Liban sa capiz windows na gamit pa rin nila ngayon. Hindi maipagkakaila na maganda pa rin ang bahay, sa kabila ng kalumaan nito. Nakadisplay pa rin sa sala ang mga portrait ng lolo at lola ni Peter. Buhay pa rin ang mesang hapagkainang ginamit ng pamilya dalawang henerasyon na ang nakakaraan. Siguro ang pinakamalaking pagbabago sa bahay na iyon ay ang pagdami ng mga appliances at mga kagamitang plastik. Bukod dito, nananatiling matibay ang pundasyon ng bahay, kahit halos isang siglo na itong nakatayo.
Ilang araw matapos ang kanyang pagtatapos sa undergrad, nagising si Peter isang gabi dahil sa sobrang init. Hindi siya mapakali. Nagpapawis ang buo niyang katawan. Bumangon siya para palakasan at itutok sa kanya ang bintilador. Binuksan niya rin ang bintana nang bahagya. Patay ang ilaw kaya’t pumasok ang karampot na liwanag mula sa bintana. Nang bumalik siya sa kama, may nanitsit sa kanya. Hinanap niya kung saan ito nanggaling. Umulit-ulit ang tunog na ito. Hanggang sa nagtalukbong na siya ng kumot. Ngunit, palakas nang palakas ang mga sitsit. Kahit takpan niya ng unan ang mga tainga, ito’y malinaw na malinaw pa rin. Bumangon siya sa pagkakahiga. At laking gulat niya nang makita ang mga kumakaway na anino sa dingding. Dali-dali siyang tumingin sa labas ng bintana, walang tao. Imposible ring mula sa tao sa labas ang mga anino dahil nasa ikalawang palapag siya. Sinubukan niyang isara ang capiz window, ngunit mas lalong lumakas ang mga sitsit. Kaya’t tuluyan niya na lamang itong binuksan. Sa pagdausdos niya ng bintana papaasok, lumaki nang lumaki ang liwanag. Unti-unti ring nabuo ang katawan ng mga anino. Kahugis ito ng katawan ng dalawang batang lalaki na walang ibang sinasabi kung hindi ang “pssst.” Tinawag niya bilang Kevin at Mark ang dalawang anino. Tumango ang mga ito. Walang duda, ani Peter. May bisita siya. Kung hindi matatahimik ang kanyang mga kaibigan, kahit kalian ay hindi niya makakamtan ang pansiriling kapayapaan. Marapat niyang alamin kung ano ang kanilang kailangan.
Simula noon ay gabi-gabi na siyang dinadalaw. Walang humpay na sitsit. Walang kapagurang pagkaway. Halos lahat na yata ng uri ng panggagambala ay kanilang ginawa, makuha lamang ang kanyang atensiyon. Noong una’y sinubukang ipagsawalang bahala ni Peter ang mga anino. Subalit sa katagalan, sumusunod na ito saan man siya magpunta. Sa sala, kusina hanggang sa sabayan ng mga ito ang sarili niyang anino sa paglalakad. Minsan ay nahuli siya ng kanyang ina na sumisigaw mag-isa. Natakot siyang aminin ang lahat, dahil alam niyang hindi siya nito paniniwalaan. Kahit nais na niyang ipagsigawan sa mundo ang katotohanan, alam niyang malayo ito sa reyalidad.
Kaya’t noong mga panahong iyon, ginawa niya ang lahat upang ibaling ang atensiyon sa ibang bagay. Naghanap siya ng trabaho. Sinuportahan ang ilang mga non-government organizations. Sinubukan niya rin ang iba’t-ibang uri ng sports. Ngunit, wala itong epekto sa kanya. Isang araw, hindi na niya kinaya ang kanilang paggagambala. Habang tirik ang araw at naaaninag sa lupa ang mga anino, tinanong niya kung ano ang kailangan nila. Biglang dumami ang nakita niyang mga anino. Umabot sa lima. Binubog ng dalawa ang anino nila Mark at Kevin. Habang binaril sila ng isang anino sa tabi. May nais pala silang sabihin. Ngunit hindi na nila kayang makapagsalita liban sa pagsitsit. Na waring nananawagan, ng kaunting atensiyon at pag-unawa.
Sa tingin niya, tungkulin niyang patawan ng hustisya ang kanilang pagkamatay. Hindi naman siya sinasaktan ng mga anino, hindi lamang siya pinatatahimik nito. Ito ang pangunahing dahilan niya sa pagpasok sa abogasya. Ipinangako niya sa mga anino na hahanapin niya ang katarungan, kahit matagal na silang naihatid sa kanilang mga huling hantungan.
Sinuot ni Peter ang butas ng karayom makapasok lamang sa law school. Sinubukan niya ang lahat ng entrance exam sa mga law schools sa Metro Manila. Masuwerte si Peter dahil nakapasa siya College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Minabuti niyang umupa roon ng dormitoryo. Nagkaroon siya ng part-time job sa opisina ng Commission on Higher Education upang kahit papaano’y may maipangtustos sa kanyang matrikula. Napansin niyang lumiit nang bahagya ang mga anino. Naging bahagi na sila ng kanyang buhay, ang pagsitsit, at ang panonood ng mga ito sa kanyang mga ginagawa. Minsan nga, inisip niyang pinapadali nila ang buhay niya sa law school. Nakikita niya kasing nagtatatalon sila sa tuwa sa tuwing tama ang sagot niya sa oral recitation. Minsan nama’y sumasayaw ang mga ito upang patawanin siya, kapag hapong hapo na siya sa kakakabisa ng mga batas. Pero, lumalakas naman ang mga sitsit sa tuwing may pagkakataong sumusuko na siya. Nagmamaktol din ang mga anino kapag nalilimutan ni Peter ang kanyang tunguhin. Sinubukan niya kasing manligaw at lumabas-labas paminsan-minsan dahil hindi pa rin siya nagkakaroon ng nobya. Hindi dahil sa walang nagkakagusto sa kanya. Sa katunayan, may itsura si Peter. May katangkaran siya sa sukat na anim na talampakan. Batak ang kanyang mga bisig. Masasabing matipuno ang kanyang katawan ngunit katamtaman lamang ang sukat nito. Naging pampalipas oras niya kasi ang pagpunta sa gym. Ito rin ang naging tampulan niya ng galit sa tuwing may bagsak siyang pagsusulit. Siksik ang laman ng kanyang mga biyas. Tuwing linggo kasi ay sinasamahan niyang mag-jogging ang kanyang ama na may altapresyon. Balidoso siyang tao kaya’t makinis ang kanyang kutis. Ngunit sa kabila nito, may malaking peklat siya sa bandang puwitan. Nakuha niya kasi ito noong pinalo siya nang malakas sa initiation niya sa frat na pinasukan.
Noong una’y hindi niya maisip ang tunay niyang layunin sa pagpasok sa yugtong ito. Ginagawa niya ba ito para sa sarili niya, sa pamilya o para lang tuluyang maglaho lamang ang hindi niya maipaliwanag na kababalaghan? Ngunit sa paglipas ng panahon, napagtanto niya ang kahalagahan ng pinasok niya. Pinangarap niyang magtrabaho sa Public Attorney's Office. Nais niyang ialay ang sarili sa pagbibigay ng legal na serbisyo sa mga taong kapos. Dahil naniniwala siyang hindi kailangan ng malaking halaga upang maging maalam sa ating mga karapatan o makamit ang katarungan at katotohanan. Mahirap ang maging isang law student subalit, dito niya nahanap ang kagaanan ng loob. Ang mga aninong inakala niyang gumimbal sa normal niyang buhay pa pala ang maghahatid sa kanya sa tunay na naisin ng kanyang puso.
Nagtapos siya matapos ang apat na taon at halos kalahati na ang iniliit ng mga anino. Hindi na rin ganoon kadalas kung sumitsit ang mga ito. Samantala, sabik na siyang maging ganap na abogado. Ginugol niya ang sumunod na anim na buwan sa paghahanda sa Bar Exam at nag-resign muna sa trabaho. Muli siyang bumalik sa Paco at sinimulang kamustahin ang naiwang pamilya nila Marvin at Kevin. Sinabi niya ang kanyang intensyon. Na sa oras na makapasa siya ng Bar, bubuksan niyang muli ang kaso. Wala naman siyang natanggap na pagtutol. Sa katunayan, natuwa sila at nagpasalamat kay Peter. Dahil kahit noong hayskul lang nagtagal ang kanilang pagkakaibigan, bahagi pa rin sila ng pangarap niya. Ang hindi nila alam, mas malalim pa sa akala nila ang pinag-uugatan ng kanilang ugnayan. Ipinagtapat din ni Peter sa pamilya ang tungkol sa mga binabalak, puwera sa anino. Masuwerte siya sapagkat anuman ang gusto niyang gawin, buong suporta ang natatanggap niya mula sa pamilya.
“Tol, congratz! di pwedeng di ka magpa-inom.” Ito ang tumambad na text message mula sa kanyang brad, dalawang buwan na ang nakakaraan. Hindi na niya kailangan pa ng paliwanag. Halos maiyak siya. Para siyang nabunutan ng tinik. Habang sa dingding, nagbubunyi ang mga anino— nagsisitalon, nagsisikaway, ngunit mahina na ang ingay.
Tulad ng ipinangako, muli niyang binuksan ang kaso. Nahirapan siya sa simula. Kailangan niyang hukayin ang mga records ilang taon na ang nakaraan at kausapin ang sinumang may kaugnayan sa mga kaibigan. Humanap rin siya ng mga testigo na maaaring maging saksi sa nangyari. At habang patuloy siyang nagsusumikap na hanapan ng lohika at ebidensiya ang pagkamatay ng kanyang mga kababata, paliit nang paliit ang mga anino. Ngayong mas lumalakas ang boses niya para sa mga kaibigan, unti-unting nagiging bulong ang mga pagsitsit.
Tinignan kong muli ang Tiyo Inyong; hindi pantay ang makeup niya sa mukha, ‘yung kaliwang pisngi ay makapal at ang kana’y mas makapal. Siguro, kung hindi dahil sa nunal niya sa gitnang bahagi ng patulis niyang ilong ay hindi ako maniniwalang siya nga ‘yon. Baka iba’ng naramdaman ko. Hindi siguro ‘ko namanhid habang pinagmamasdan ang kanyang katawang nakahimlay du’n sa loob ng abuhing ataul. Halos isang minuto ko ring tinitigan ang kanyang mukha. Pinaghihiwalay kami ng manipis na salamin; katotohanang pumuputol sa kaugnayan niya dito sa mundo. Salaming mamamagitan din sa’kin at sa mga taong lilisanin ko, balang araw. Napansin kong hindi lamang repleksyon ko ang ibinabalik nito kundi ang puting bumbilya sa kisame. Marahil ay tumangis o di kaya’y umiyak ako nang walang tunog kung si Inay iyon, o kung si Joanna na aming bunso. Pero kay Tiyo, walang lumalabas ni sumisilip na tubig sa gilid ng aking mga mata. Nakakasilaw ang ilaw ng puting bumbilya.
Sinubukan kong ungkatin sa sarili kung bakit ganu’n na lang ang reaksyon ko sa pagkamatay ni Tiyo, pero wala akong maisagot ni alaalang matandaan. Iyon ang mapait na katotohanan. Wala kaming hinabing masasaya ni kahiya-hiyang gunita nu’ng aking pagkabata. Kahit pa sabihing mula nu’ng lumuwas kami pa-San Nicolas ay kasa-kasama na namin siya. Wala kaming alaala ni Tiyo. Kung meron man, baka limot ko na. Dahil simula’t sapul, layo na ang loob ko sa kanya. Lagi niya lang akong nginingitian at binibigyan ng pera sa tuwing makikita niya ko sa labas o sa loob ng bahay kahit hindi ako nanghihingi.
Pero kahit kailan hindi kami nagkausap man lang nang masinsinan o matagal. Ang tanging linyang naririnig ko lang sa kanya ay ang walang kamatayang “Mag-aaral kang mabuti, makmak.” sa tuwing naaabutan niya kong gumagawa ng asaynment sa ibabaw ng makina sa pananahi ni Nanay na nuo’y gumagana pa. Basta ang alam ko lang, kami na lamang ang natitirang pamilya niya.
Kinamumuhian siya ng kanyang mga anak at kapatid matapos malamang tulak siya ng droga. Ngunit ibahin niyo si Tatay. Mas matanda sa kanya ang Tiyo ngunit natumbasan naman niya ng maturity ang lamang nitong limang taon. Sa tuwing sila’y nag-uusap o nagkakainitan sa inuman, ni minsan ay hindi ko sila nakitang nag-away nang malala. Kahit pa sa mga panahong maging si Nanay, ayaw nang patuluyin sa’min si Tiyo. “Kapatid ko pa rin si Inyong Tuding, hindi puwedeng pabayaan ko ang kuya.” Yun ang sinabi ni Tatay nang gabing nag-away sila ni Nanay dahil sa isang insidente ng pagnanakaw ni Tiyo sa aming kapitbahay. Yun din ang sinabi niya nang magbanta si Nanay na aalis kami sa poder niya. Hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Iyak nang iyak ang aking kapatid habang buhat-buhat ng aking Ina. Ngunit wala ring nagawa si Nanay. Sa huli, panalo ang paninindigan ni Tatay para sa kanyang kapatid. Huli kong narinig ang linyang iyon, tatlong taon nang nakakaraan. Nang magtangkang mang-holdap si Tiyo ng isang kolehiyala. Nu’ng araw ding ‘yon, nagpasama sa’kin si Tatay sa kulungan para dalawin ang kapatid, dala-dala ang ilang mga damit at pagkain.
Tatlong taong pabalik-balik na pagdalaw. Hindi ko siya makuhang kausapin. Kahit napakaraming sinasabi ng malamlam niyang mga mata sa tuwing bibisita kami ng Tatay. Nung huling dalaw namin, napakalaki nang ipinayat niya (humpak ang kanyang mukha’t may mga galis sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan lalo na sa leeg at braso) ngumingiti-ngiti siya sa’min habang pinapanuod ko siyang kinakain ang dala naming adobo na niluto ni Nanay. Sinabi niya kay Tatay na magbabagong-buhay na siya sa oras na makalabas sa selda. Ilang sandali bago matapos ang oras nang pagbisita, hinigpitan niya’ng hawak sa balikat ni Tatay. Dinukwang niya sa kanyang bulsa ang isang maliit na librong asul. “Lahat daw, kaya niyang patawarin sabi sa’min nung pastor, hindi pa naman siguro huli para sa’kin, Dong.” Nagyakapan silang dal’wa. Bago kami umalis ay kinusot ni Tiyo ang aking buhok. Masyado na raw mahaba. Binatang-binata na raw ako. Hindi ko siya kinibo.
Isang buwan bago ang muling pagbisita namin, isang tawag ang natanggap ni Nanay. Pinapupunta kami agad ng kulungan. Umiiyak siya, habang sinasabi kay Tatay ang balita. Nakakapanibago. Tahimik itong tinanggap ng aking Ama. Niyakap siya ni Nanay, mahabang-mahabang yakap. Sumunod ako, maging si Joanna na nuo’y tumatawa-tawa pa nga, sa pag-aakalang isa lamang laro ang aming ginagawa.
Kami na lamang ni Tatay ang nagpunta, pagkat kailangan pang sunduin ni Nanay si Joanna sa eskuwela. Sa morge ng kulungan kami dinala ng warden kinabukasan. Atake sa puso ang tumapos sa buhay niyang magsisimula pa lamang. Laya na nga siya; sa lahat ng hirap at pasakit na pinagdaanan niya sa kanyang buong buhay. Doon ko unang nakitang humagulgol na parang sanggol ang Tatay na nagturo sa’king para sa babae lamang ang pag-iyak. Samantalang ako, nakatanga sa kumot na tabing ng kanyang katawan. Kay bilis ng isang buhay.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako maiyak. Maski ang pakiramdam ko’y di rin mawari, magkahalong kalungkutan at panghihinayang. Para kong nawalan ng mahalagang bagay na hindi ko naman alam kung ano; panghihinayang dahil nawala ‘yon at lungkot dahil hindi mo mawari kung ano iyon na maaaring malaking bahagi ng iyong pagkatao.
Peaceful Funeral ang pangalan ng pinaglalagakan ng labi ng Tiyo. Ironya ito dahil sa tabing kalsada nakatayo ang punerarya kung saan samu’t saring ingay ang maririnig sa iba’t ibang humahagibis na sasakyan. Nu’ng gabing ‘yon, bilang sa kamay ang nagluluksa. Ako, si Itay, si Nanay, ang kapatid kong si Joanna, ang aking pinsan na si Boyet, at si Kuya Rudy na kasamahan ni Itay sa trabaho. Marami nang dumating ngunit agad ding nawala matapos magwika na nakikiramay sila. Yung iba nga’y hindi man lang nagtangkang silipin ang Tiyo.
Nakakainis ngunit pinabayaan ko na lang. Paano ko sila masisisi kung ang yumao ay isang taong hindi katanggap-tanggap sa batas ng tao at maging sa pamantayan Diyos? E di sa impyerno, sa lumalagablab na apoy ang bagsak ng kanyang kaluluwa. Sakaling totoo nga ang langit, sana, totoo rin na may awa si Hesus.
Masasaya ang mukha ng mga nakikiramay habang kami’y nagluluksa. Hindi ko rin alam kung bakit ganu;’n, nagyaya pa nga si Itay na mag-inuman ngunit hindi ako sumama; hindi alak ang papawi sa nararamdaman o sa kawalang pakiramdam ko ngayon. Habang natutulog ang Nanay at si Joanna, tinignan kong muli ang Tiyo Inyong; hindi pantay ang makeup niya sa mukha, ‘yung kaliwang pisngi ay makapal at ang kana’y mas makapal. Siguro kung hindi dahil sa nunal niya sa gitnang bahagi ng patulis niyang ilong ay hindi ako maniniwalang siya nga ‘yon. Hindi siya nakangiti at hindi rin nakasimangot. Hindi ko mabasa ang kanyang mukha. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin siya maunawaan.
Habang sila’y nag-iinuman, dumating ang mga kamag-anak na sa pangalan ko lamang kilala. Madami-dami rin silang nakipaghuntahan habang naghahanap nang makakain. Pinag-uusapan nila ang Tiyo nang may pagkumpas at pagkunot ng kilay. Maya-maya pa, umiiyak na ang isang Aling Delya na isang malayong pinsan sa di ko malamang dahilan, pati ang iba pa na hindi ko mawari kung saan humuhugot ng emosyon na para bang mas kakilala nila ang Tiyo kaysa sa Tatay.
Kakaiba talaga ang dulot ng kamatayan. Baka totoo ngang kapag namaalam ka na sa mundo, mas dumarami ang bilang ng taong nagkakar’on ng pakialam sa’yo. Siguro, baka nakonsensya o natakot. Hindi ko maisip ang sariling lamay kagaya nang kay Tiyo. Punung-puno ng mga taong ni hindi ko alam kung talaga bang kakilala o kaibigan. Binabagabag ako ng takot at mga pangamba. Ayoko nang ganitong sitwasyon, ng ganitong pakiramdam. Hindi ko maisip na balang-araw, mamamatay ako para lang puntahan ng mga estrangherong taong umaako na nagkaruon ng mahalagang bahagi ng buhay ko pero hindi. Mas nanaisin ko pang ilibing na lang agad o sunugin at gawing abo. Mas mainam iyon. Balang-araw
Madalang na ang ingay sa kalsada. Mangilan-ngilang dyip na lang ang pumapasada at mas dinig ko pa ang kahol ng asong lansangan na kanina pa nakatingin sa kabaong ng Tiyo nang may pamumungaw ng mata na tila amo niya ang namatay. Nang dumagsa ang panibagong bugso ng mga nagpakilalang kanyang mga kaulayaw, katrabaho at kaibigan bitbit ang mga papuri sa kabutihang tao ng Tiyo, nagpaalam na kong uuwi. Sa di ko malamang dahilan, tinamaan ako nang pagnanais na mapag-isa. Inaantok na ko’t maaga pa ang klase namin bukas. Hindi ako kumportableng matulog sa lamay. Palusot ko kay Tatay. Bago payagan ay inutusan niya muna kong bumili ng pulutan nila. Pagkapasok sa bahay, akala ko'y dadalhin ako ng aking mga paa sa banig upang matulog na ngunit ngayong gabi, natagpuan ko ang sariling nakadungaw sa bintana, hinahanap ang nahihiyang buwan. Wala ring mga bituin.
May tumulong tubig sa’king mga pisngi kasabay nang pagsinghot sa uhog; bigla akong sinipon. Naaalala ko ang mga ngiti sa’kin ni Tiyo Inyong, ang mga taong nagsusugal ng baraha’t kumakain ng sopas na ngayo’y kasama niya sa mapagpanggap na gabi. Humuni ang mga kuliglig na parang nakatunog sa’king katahimikan. Unti-unting bumuhos ang maliliit na patak ng tubig sa langit na tila nag-aalo’, naghehele sa’king mga mugtong mga mata. Hinaplos ako ng hanging sinlamig ng yelong nakalimutang lagyan ng tubig. Tiningnan ko ang kulay ng mga dahon at bahay sa paligid na walang pinagkaiba sa tanawin nang ako’y pumikit; kadiliman.
* unang bersyon ng maikling kuwentong “Lamat” na sinimulang isulat noong taong 2015.
“Ano pa ba’ng ginagawa ko dito?” tanong ni Ray habang nakangiting kinakamot ang kanyang tumutubong balbas at naka-dekwatro sa plastic na upuan, “We both know na wala akong kinalaman sa kasong ‘to ah. ‘Di ba?”
Tinitigan ni Ray ang pulis na nasa harapan niya. Matikas ito kahit nakaupo. Hindi natatakpan ng salamin nito ang tapang sa kanyang mga mata. Napalunok si Ray nang mapansing suot ng lalaki sa kanyang harapan ang relo ng kanyang yumaong ama. Iba talaga kapag paborito ni Papa, bulong ng kanyang isip.
Mainit sa presinto. Ang katulad ni Ray na palaging naka-longsleeves at slacks ay sanay sa opisinang de-erkon, malayo sa alinsangang hatid ng mga pampublikong tanggapan gaya ng presintong pinagtatrabahuhan ng kanyang nakababatang kapatid.
Tiim-bagang ang kausap nitong si Ronald na ngayo’y hepe na ng kapulisan sa isang maunlad na siyudad, “Hindi pa napapatunayang inosente ka.” Ni hindi man lang niya tinitingnan ang kausap, dere-deretso ito sa pagsusulat ng report sa logbook.
“They haven’t proven me guilty yet either,” iling ni Ray habang natatawa, “Or better yet, you haven’t proven anything.”
Walang naisagot ang hepe maliban sa pamumuti ng kamao nitong mahigpit ang kapit sa bolpen. Hindi pa rin ito tumitingin sa kausap at tuloy-tuloy lang ang pagsusulat.
Tatlong taon ang tanda ni Ray kay Ronald. Buo pa sa alaala niyang ipinagtatanggol ang kanyang bunsong kapatid tuwing mabu-bully ito sa eskwelahan. Masyado kasing tahimik si Ronald. Wala siyang hilig makipaglaro sa ibang bata. Ang gusto lang niya ay magbasa ng mga librong The Hardy Boys na hinihiram nito mula sa library. Palagi siyang kinakantyawang bading at hindi naman ito lumalaban sa tuwing mapapagtripang suntuk-suntukin ng mga kaklase niya. Palaging tropa ni Ray ang rume-reskyu kay Ronald ngunit never itong nagpasalamat.
Lumaki si Ray na paboritong anak – hindi ito sikreto sa kanilang pamamahay. Si Ray ang palaging ipinagmamalaki ng kanyang ama sa mga kaibigan at ibang kaanak. Hindi honor student si Ray gaya ni Ronald, pero basketball varsity at naging SK Chairman din sa kanilang barangay. At dahil pulis ang kanyang ama, para bang naramdaman niyang si Ray ang susunod sa kanyang mga yapak. Hanggang sa bahay ay matipid ang imik ni Ronald. Halos nanay lang nila ang kanyang kinakausap. Hindi naman maparusahan si Ronald dahil wala rin naman itong ginagawang masama. Honor student ito mula elementary at valedictorian pa hanggang high school.
Nagbago ang lahat nang magdesisyon si Ronald na mag-enroll ng kursong criminology noong kolehiyo. Laking gulat ng kanyang amang bigo kay Ray na sumunod sa kanyang mga apak. Hindi kasi makapasa si Ray sa mga kolehiyo gawa ng mababa niyang mga marka. Ang tanging pag-asa niya lang ay makakuha ng varsity scholarship na nakatali sa ibang mga degree program gaya ng business management o physical therapy. Sa business management sinwerteng sumabit ang grades at entrance exam result ni Ray. Mula noon ay hindi na siya masyadong inimikan ng tatay niyang retirado na rin mula sa serbisyo. Kaya’t muling nabuhayan ito nang malamang interesado at pasado sa kursong criminology ang bunsong anak nitong si Ronald.
“Sigurado ka ba talaga diyan, anak?” may pangambang tanong ng kanyang nanay.
“Ma, bata pa lang ako gusto na talagang maging pulis,” buong-loob nitong tugon.
“Bakit di mo man lang sinasabi?” tanong ng tatay niyang abot tenga ang ngiti.
“Hindi niyo naman po ako tinatanong.” Lumihis ng tingin ang kanyang ama.
Bagama’t hindi naman ganoon kalapit sa isa’t-isa ang magkapatid ay lalong nagkalayo ang mga loob nila noong pumasok sa pagiging pulis si Ronald. Nang maka-graduate si Ray ay nag-apply agad ito sa isang malaking kumpanya sa Maynila at bihira na ang pag-uwi sa Cavite. Si Ronald naman ay kung saan-saan nadestino kahit noong siya ay trainee pa lamang kaya’t bibihirang mag-abot ang magkapatid sa bahay. Madalas kapag Pasko ay si Ronald lang ang kasama sa bahay at kapag Bagong Taon nama’y si Ray ang umuuwi. Muling lamang nagkrus ang kanilang mga landas noong pumanaw ang kanilang ama.
Nang umuwi si Ray ay may kaakbay itong magandang dalaga. Nakilala niya raw sa opisina. Ipinakilala niya sa nanay niya bilang girlfriend. Tuwang-tuwa naman ang nanay niyang sabik na magkaroon ng mga apo. Noong araw na ‘yon, tandang-tanda ni Ray nang lapitan siya ng kanyang bunsong kapatid. Matagal silang hindi nag-usap; taon ang bibilangin. Wala naman silang iringan bukod sa lumipas na sama ng loob dahil sa kung sino ang paborito ng kanilang ama. Kitang kita ni Ray ang pagbabago sa kanyang bunsong kapatid. Ang dating patpatin at lampa niyang kapatid ay matikas at lubos nang maginoo. Ang isa pang tumatak sa kanya ay kung gaano na kamukha ni Ronald ang kanilang papa – bagay na madalas sa kanya sinasabi ng mga kaanak at kaibigan noong lumalaki pa lamang sila. Natawa siya at naisip na hanggang sa pagbibigyan ng mukha, may paborito pa rin si Papa.
“Gaano na kayo katagal ni Eloisa?” tanong ni Ronald. Hindi man lang nito kinumusta ang kanyang kuya.
“Five years na din, bakit?” sagot ni Ray. Huli na nang maisip niya kung paano kaya nalaman ni Ronald ang pangalan ng kanyang girlfriend gayong halos kakarating niya lang sa burol at sa nanay pa lang niya ito ipinapakilala. Nang hanapin niya si Ronald na bigla na lang nawala ay siya namang dagsa ng mga bisitang nais makiramay sa yumao nilang ama. Noong binanggit ni Ray ang usapang ito kay Eloisa, ngumiti lamang ito at sinabing, “Ikaw naman, nagtatanong lang naman ‘yung bunso ninyo.” At nakalimutan din ito ni Ray nang yakapin siyang mahigpit ni Eloisa.
“Oh, come on, little brother!” kutya ni Ray. “Ako pa ba ang pagbibintangan mong pumatay kay -- ”
Napasuntok si Ronald sa mesa, “Labas ang pagiging magkapatid natin dito, Kuya!” Muli silang binalot ng katahimikan habang nagtagpo ang maiinit nilang mga mata. Kahit may suot na salamin si Ronald ay ramdam ni Ray ang talas ng tingin nito sa kanya.
“Okay, okay. Easy! Ang pikon naman!” kinaway-kaway ni Ray ang kanyang mga kamay na nagsasabing hindi na siya mang-aasar. “So how are your wife and kids? I heard my nephews are a handful, ha. Mukhang sa akin nagmana.”
Muling umiwas ng tingin si Ronald, “Hindi ka nandito para kumustahin ako. Nandito ka para sagutin ang mga tanong ko. Nasaan ka no’ng Lunes, November 15, bandang alas nwebe hanggang alas onse ng gabi?”
“Seryoso ka ba talaga diyan?” Muli na namang napa-ganti ng tawa si Ray. “Ano ka ba?”
Hindi maitatangging malaki ang ipinagbago ng dalawang magkapatid at na milya-milya na ang layo ng loob nila sa isa’t-isa. Anumang pilit ng nanay nila na paglapitin sila ay talagang hindi ito mangyari. Mas madalas na silang umuwi sa kanilang bahay sa Cavite matapos pumanaw ng kanilang ama dahil hiling rin ito ng kanilang ina. Talagang itinataon ng kanilang nanay na mag-abot ang magkapatid sa kanilang bahay. Madalas ay kasama ni Ray si Eloisa. Maraming kwento ang magkasintahan tungkol sa kung saan sila nagkakilala at kung kailan nila balak magpakasal. Minsan ay kinakantyawan din ni Ray ang bunsong kapatid dahil wala pa itong inuuwing babae sa bahay.
“E, kailan ka ba mag-aasawa, ha, bro?” tanong ni Ray.
“Pabayaan mo na ang kapatid mo,” sagot ng nanay nila, “Makakahanap rin ‘yan ng para sa kanya.”
Tuwing mapupunta sa ganitong usapan ay mas mapapatahimik si Ronald at iiwas ng tingin. Hindi na lang din pinapansin ni Ray na tila walang effort si Ronald na kilalanin ang babaeng kanyang pakakasalan. Sa isang uwi nila sa Cavite ay nagpahayag na si Ray na siya ay mamamanhikan na sa pamilya ni Eloisa at magpapakasal na sila sa loob ng anim na buwan. Agad ang galak ng kanyang nanay na walang ibang pinangarap kundi makitang ikinakasal ang kanyang mga anak. Excited din ang nanay niyang tumulong sa pagpalano ng kanilang kasal.
Tahimik lang na dalaga si Eloisa ngunit magiliw ito sa nanay nina Ray at Ronald. Tubong Biñan, Laguna at nag-iisang anak na babae si Eloisa. Dalawa ang kanyang nakatatandang kuya at lumaki siyang hindi nakilala ang kanilang ama. Lahat silang magkakapatid ay itinaguyod ng kanyang ina na daig pa ang kabayo sa pagkayod: dealer ng Natasha sa umaga at manikurista naman sa gabi. Kalaunan ay mga kuya na ni Eloisa ang nagpaaral sa kanya at unti-unting nakaluwag-luwag ang kanyang pamilya. Maraming nanligaw kay Eloisa mula high school ngunit napakahigpit ng kanyang mga kapatid: isang pulis at isang gym instructor. Takot agad ang mga nanliligaw kay Eloisa makita pa lang ang matitipunong katawan ng mga kuya nito.
“Psst, Ronald!” tawag ni Ray mula sa kusina. Nasa sala at nanonood ng CSI: Miami ang kapatid nito.
“Ano?” sagot nito na hindi man lang lumingon mula sa kinauupuan.
“Gusto mo bang maging best man sa kasal ko?” seryosong tanong ni Ray.
Wala itong narinig na sagot mula sa kapatid ngunit pinatay nito ang TV at pumanhik sa sarili nitong kwarto. Nagtinginan at nagtataka ang mag-ina sa kusina.
“Hayaan na po ninyo at baka gusto lang din niya magkaroon ng nobya,” bulong ni Eloisa.
Hindi mawari ni Ray pati ng kanyang ina kung bakit sadyang ganoon ang reaksyon ni Ronald tuwing mababanggit ang kanyang kasal. Sa isang banda, kibit-balikat na lang din ang tugon ni Ray dahil baka naiinggit nga lang ang kanyang bunsong kapatid dahil wala pa itong girlfriend. Hindi rin naman nagkukwento sa kanila si Ronald tungkol sa personal nitong buhay. Madalas ay tungkol sa pulitika o sa trabaho ang gusto nitong pinag-uusapan. Bandang huli ay hindi rin dumalo sa kasal ni Ray ang kanyang nag-iisang kapatid at tuluyan itong nagdulot ng lamat sa kanilang pagiging magkuya.
“Hindi ka pa rin nakaka-get over, ‘no?” biglang naging pormal ang mukha at ang tono ng boses ni Ray. “Five years ka nang kasal, Ronald. Dalawa na ang anak mo. And yet you’re still in love with another woman.”
“Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Lumihis pababa ang tingin ni Ronald.
“Kilala kita. Alam kong kahit kailan hindi mo mapapatawad na ako ang pinili ni Eloisa.”
“Nasaan ka noong November 15, Lunes, bandang alas nwebe hanggang alas onse ng gabi?”
“Hindi ka pa ba sapat na naghiwalay kami dahil sa’yo?” napatayo si Ray na ngayo’y nakatuon na sa mesang gamit ni Ronald sa pagsusulat sa logbook.
Parang dekada ang lumipas sa kanilang pagtititigan. Mula nang hindi nagpakita sa kasal ni Ray at Eloisa si Ronald ay hindi na muling nagkita ang magkapatid. Nababalitaan na lang nila ang mga nangyayari sa isa’t-isa tuwing mapapauwi sa kanilang nanay sa Cavite. Lubos na dinamdam ng kanilang nanay ang naging malalim na hidwaan ng magkapatid. Si Ray lamang ang naglibing sa kanilang ina nang ito ay pumanaw ngunit lingid sa kaalaman ni Ray, halos araw-araw itong binibisita ni Ronald sa kanyang puntod. Bago namatay ang kanilang ina ay nagpakasal din si Ronald, pilit itong kinukumbinsi ng kanilang ina na imbitahin ang kanyang kuya ngunit matigas at buo ang loob ni Ronald na kalimutan ang kanyang nakatatandang kapatid.
Hindi naman lumaon at umamin din si Eloisa kay Ray na bago sila magkakilala, bago sila naging magnobya ay nauna niyang nakilala si Ronald.
“I was already in love with you nu’ng na-confirm kong si Ronald nga ang kapatid mo,” yumakap si Eloisa kay Ray.
Sila kasi ang magka-edad. Ang isang kuya ni Eloisa ay pumasok din sa kapulisan at naging malapit kay Ronald. Madalas ayain ng kuya ni Eloisa si Ronald na umuwi sa kanila lalo kapag nadedestino sa kanilang lugar sa Laguna. Doon sila nagkakilala at nagkamabutihan ni Eloisa, bagay na may basbas ng mga kuya nitong sina Erwin at Edward. Nagkahiwalay lang ang dalawa noong nadestino sa mas malayong probinsya si Ronald. Hindi pumayag si Eloisa sa isang long-distance relationship kahit walang araw na hindi nangako si Ronald na siya lang ang babaeng mamahalin nito. Lubos ang panlulumo ni Ronald nang malamang may iba nang kasintahan si Eloisa at masidhing galit lalo nang malaman niyang kuya niya pa ang ipinalit sa kanya.
Ilang segundo pa ang lumipas ay may isa pang pulis na pumasok sa opisina ni Ronald, may dalang ilang litrato at isang tablet. Bumulong ito kay Ronald na siyang sinagot naman nito sa pagtango. Humarap ang mas batang pulis kay Ray.
“Mr. Margallo, ikaw ba ang nasa picture na ito?” inabot niya ang litrato kay Ray.
Sa litratong ito ay nakasuot si Ray ng pulang sumbrerong may logo ng Ferrari at naka-brown leather jacket. Malaki ang ngiti nito at nakaakbay sa isang magandang babae. Ang babaeng iyon ay ang kanyang kasalukuyang kasintahan na mag-iisang taon na rin. Wala pang dalawang linggo nang kunan ang litratong ito.
“Yeah, ako ito,” tugon ni Ray. “That’s my girlfriend now, si Carla. Bakit?”
Nagtinginan si Ray at ang pulis. Binuksan ng pulis ang tablet at may pinakitang video na tila kuha ng isang CCTV. Sa videong ito, pumarada ang isang pick-up tuck sa harap ng isang bahay. Bumaba ang isang lalaking may sumbrerong may logo ng Ferrari at may suot ding leather jacket. Madilim man at medyo malabo ang kuha ng CCTV ay kita pa rin ang tikas ng lalaking bumaba mula sa pick-up at dere-deretsong naglakad patungo sa katapat na bahay, mga kamay sa bulsa, at unti-unting nawala sa kuha ng CCTV. Ang oras at petsa sa video ay November 15, 2017, 9:47 P.M.
“Kuha ito ng CCTV sa labas ng bahay ng isang nagngangalang Eloisa Santiago,” banggit ng batang pulis.
Ifinast-forward nito ang naturang video at bandang 11:32 P.M. sa kuha ng CCTV ay muling pumasok sa frame ang lalaking naka-leather jacket at Ferrari na sumbrero. Sumakay itong muli sa pick-up at dito na pansamantalang itinigil ng batang pulis ang video.
“Mr. Ray Margallo, inaaresto ka naming sa salang first-degree murder ni Eloisa Santiago noong November 15, 2017. May karapatan kang hindi magsalita at may ka ring kumuha ng sarili mong abogado. Anumang sabihin mo mula ngayon ay maaaring gamitin laban sa’yo sa lahat ng Korte ng Pilipinas. Naiintindihan mo ba?”
Habang binabasahan siya ng kanyang Miranda Rights ay unti-unting nanlambot ang mga tuhod ni Ray. Nanlamig ang kanyang mga palad at batok. Pilit niyang inaalala kung nasaan siya noong November 15, Lunes ng gabi. Ang natatandaan niya ay umaga pa lang, ipinasok niya ang kanyang pick-up sa casa dahil kailangan itong i-tune up. Dahil wala siyang kotse, umuwi lamang siya sa kanyang nirerentahang condo sa Makati at doon nagtrabaho buong araw. Maaga siyang natulog dahil may importanteng presentation sa isang investor kinabukasan. Mag-isa lang siya buong araw sa kanyang condo. Hindi siya makapagsalita sa puntong iyon. Takang-taka siya kung papaanong ang jacket, sumbrero, at kotse niya at mismong siya ay gumala papuntang Pasig nang gabing iyon kahit wala siyang matandaan.
“Hindi ako ‘yan,” bulong niya sa sarili habang siya ay pinoposasan.
Muli siyang napatingin sa tablet kung saan naka-pause ang CCTV footage. Ang tanging makikita na lamang sa frame ay nakaupo na ang lalake sa driver’s seat at hawak-hawak niya ang manibela. Doon niya nakita: suot ng lalake sa kaliwang kamay nito, ang relong kanina niya pa tinititigan. Ang relo ng kanyang yumaong ama. Nanikip ang dibdib ni Ray sa naghalo-halong tanong, galit, kabiguan, at pagtataksil na kanyang naramdaman. Bago siya kunin at kaladkarin ng iba pang pulis ay tiningnan niya ang kanyang bunsong kapatid. Maaliwalas ang mukha nito na para bang walang agam-agam habang pinapanood ang pagdakip sa sarili nitong kapatid. Lumalim ang takot ni Ray nang mapansin niya ang isang bagay na paulit-ulit siyang babangungutin sa loob ng kulungan: noon niya lang nakitang nakangiti ang kanyang bunsong kapatid.
Iba nga talaga kapag paborito ni Papa.