Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
BANGKAG[1]
ni R. B. Abiva
MALAYO SA USOK AT ALINGAWNGAW NG LUNGSOD ANG bangkag. Isa itong parsela ng lupa na matatagpuan sa gilid ng ilog. Sa mga magbubukid na walang sariling lupa, biyaya nang maituturing kung mayroong bangkag na kung hindi man sinasaka’y natatamnan naman ng kung anu-anong gulay gaya ng gabi, kamote, kasaba, ube, patatas, ampalaya, sitaw, at patola.
Laging maganda at mabunga ang pagtatanim sa bangkag. Palibhasa’y maliban sa malapit sa tubigan ay mataba at mayaman sa bitamina ang lupa ng bangkag. Dito nabubulok ang mga nangabuwal na talahib. Dito nabubulok ang mga naanod na troso ng mga punong-kahoy buhat pa sa pusod ng Sierra Madre.
Subalit, gaya ng buhay ng tao, hindi laging puro kasiyahan ang pag-inog ng buhay sa bangkag. Tinatamaan din ng tikag o tagtuyot ang bangkag. Iyon nga lang ay huli ang bangkag sa tinatamaan ng nasabing taunang delubyo. Malaking salik kasi na malapit siya sa ilog. Kumbaga, nasa bakuran lamang ng bangkag ang bukal ng buhay.
At lumaki nga ako sa bangkag ng Magat, sa probinsiya ng Nueva Vizcaya. Pagsasaka’t pagtatanim ng kung anu-ano rin ang aming kabuhayan. Sabi noon ng aking Ingkong Eto’y malapit na raw mabaog at maging hungkag ang bangkag. Dahil ito sa mga kemikal na ipinakilala noon ng mga Amerikano, noong 1960. Ah…kemikal na pestisidyo at abono ang kanyang binabanggit.
Paglipas ng ilang dekada, ang taunang pagdalaw ng tikag ay lumalala. Sa aking pagkakatanda’y tikag noon ang kumitil sa buhay ng mga kababata kong sina Onan at Blando. Mga nangayayat noong una ang kanilang katawan. Nawala ang timbang. Hanggang sa isang hapon nga’y parehong nadatnan ng ina nila na wala na silang buhay. Dilat. Nakanganga. Nagpipiging ang mga langaw sa kanilang bungangang malimit maambunan ni mumo ng biyaya.
Mahirap ang buhay noon. Noong araw ng kanilang libing, sumama ako sa bangkag na sinasaka ng kanilang Ama. Sa bangkag na yaon nga sila inilibing. Walang lapida. Walang pagbabasbas na naganap. Sapat nang malalim ang hukay nang sa gayo’y ang kanilang labi’y hindi kutkutin ng mga gutom na aso.
At lumaki nga ako sa bangkag na mayaman sa kuwento mula sa bibig ng mga matatanda na matabil. Kung minsa’y nadadalaw sila sa aming dampang nadidingan ng sawali’t nabubungan ng tiniklis-pinagdikit-dikit na pinatuyong talahib. Wika nila’y mahusay daw si Ingkong Eto na albularyo at humawak ng baril.
Palibhasa, sabi noon ng isa sa kanila’y “Paano hindi magiging isang manggagamot at asintado ang inyong yumaong Ingkong eh siya’y elemento noon ng kilalang Squadron 32 ng Hukbalahap[2] na sumagupa sa mga bataan ni Yamashita[3] sa Dalton Pass?[4]” tsaka tutugon ang isa sa kanila ng “Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa ng inyong Ingkong Eto,” at tsaka muli silang magsisindi ng Alhambra. At kanilang hihithitin nang pabaliktad.
Kapag Sabado at Linggo noo’y isinasama ako ng aking Ama sa bangkag. Sabi niya’y kailangang matutunan ko na raw habang maaga kung paano lambingin ang bangkag. Nang sa gayo’y hindi nito ipagdamot ang biyaya ng lupa.
Para sa aki’y mainam ang pakay ni Ama subalit ang aking Ina’y madalas siyang suwayin. Baka raw kasi ako mabati ng mga hindi nakikita gaya ng al-alia, o multo, sa tulay na nag-uugnay sa daya o timog at amianan o hilaga patungong bangkag. Dagdag pa ni Ina’y marami nga sa mga namatay na magbubukid ang inilibing sa sinasaka nilang bangkag.
At nangyari nga ang kinatatakunan ni Ina sa tanang buhay ko.
Takipsilim. Pauwi na kami ni Ama galing bangkag. Pinasuot ni Ama ang kanyang kagay o kapote sa akin. Umaambon kasi ng mga sandaling yaon. At sa hindi malamang dahila’y inapoy ako ng lagnat nang sandaling marating namin ni Ama ang aming dampa.
At si Ina, dagli niya akong pinunasan at pinagpalit ng tuyong damit. Nang ako’y makapagpalit na’y kanyang isinukob sa akin ang isang puting kumot. At habang nasa labas ng kumot si Ina, sabi niya’y “Ipapasok ko itong nasindihang palito ng posporo. Langhapin mo ang usok nito para ikaw ay gumaling.” At ginawa ko nga ang sinabi ng aking Ina. Kinaumagahan, pagkaputok ng mga silahis sa likuran ng Sierra Madre, muli akong isinilang. Sabi ni Ina’y nabati nga ako ng mga kaluluwa ng mga magbubukid na nananahan sa kani-kanilang bangkag.
Likas ngang mahusay ang aking Ina noon sa iba’t ibang klase ng gamot. Mana yata kay Ingkong Eto. Mula noo’y lagi na niya akong pinasusuot ng iskapularyong binili pa niya sa bangketa noong pista ni San Isdiro Labrador, ang pintakasi naming mga magbubukid. Wika niya’y proteksiyon ko raw ito laban sa mga nilalang at bagay na hindi nakikita ng karaniwang mata. Ang bangkag, ayon na rin sa kanya’y hindi lamang bukal ng buhay, muog din ito ng mga magbubukid na namatay.
Nang ako nga’y makapagtapos ng elementarya, kinailangan ko nang makitira sa tahanan ng aking tiyuhin sa bayan. Mula noo’y bihira ko nang makita ang aming bangkag. Tumatanda na rin noon si Ama. Nagiging madalas na siyang sakitin. Wika ni Ina’y malamang dahil sa mabigat nitong gawain sa bangkag.
“Bakit?” tanong ko noon kay Ina.
“Tumataas ang interes ng ating utang anak kay Don Datong. Baka kung hindi natin mabayaran ay kunin niya itong ating bangkag.”
Ito ang sagot ni Ina habang si Ama’y nakaratay noon sa papag na yari sa kinayas na kawayan. Hindi ko namalayang umagos ang luha sa kanto ng aking mata. Tumalikod si Ina kaipala’y gayundin siya. Habang si Ama’y tumagilid mula sa pagkakatihaya.
Tiyak ngang mahihirapan na kami sa buhay kung mawawala ang bangkag. Malamang ay titigil na rin ako sa pag-aaral. Malamang ay mamanahin ko nang maaga ang kalabaw, ang karit, ang palang, ang buong bangkag na nilinang ni Ama. Magagaya rin ako sa aking mga kababata na naging anak ng lupa at tinutong ng araw.
Nang araw din na iyo’y yaon na rin pala ang muli at huling sandali na makikita kong humihinga si Ama sa loob ng aming tahanan. Pinaglamayan nga namin si Ama noon ng dalawang gabi na walang kape at biskwit sa hapag. Sa bangkag din namin siya inilibing gaya ng ibang magbubukid sa aming lugal. Walang lapida kung saan nakaukit ang kanyang ngalan, kaarawan, at araw ng kamatayan maliban sa sanga ng kawayan na hinabing pa-kurus ni Ina.
Ipinagpatuloy ko nga ang gawain sa bangkag. Nakakaani kahit papaano subalit kulang pa rin upang sa gayo’y aming mabayaran ni Ina ang aming utang kay Don Datong. Minsa’y sinisi ko ang Diyos. Minsa’y sinisi ko si San Isidro Labrador[5].
Hanggang sa dumating ang isang pangyayaring babago sa aking nakagisnang paniniwala. Isang madaling araw ay mayroong kumatok sa aming tahanan. Bumangon si Ina at kanyang pinapasok sa aming tahanan si Tiyo Macario. Kapatid siya ni Ina na ayon sa kuwento sa aming lugal ay isang matinik na gerilya. Isang taong-labas gaya ng aking yumaong Ingkong Eto.
Wika niya’y panahon na raw upang gawing libingan ang bangkag, hindi ng mga gaya naming magbubukid kundi ng mga mapang-aliping gaya ni Don Datong. Umaapoy ang ningas ng pakikibaka at pag-asa sa kanyang mata. Gayundin si Ina. Gayundin ako.
Sa aming kuwentuha’y hindi ko maiwasang ikuyom ang aking lipaking kamao.
[1] Ilokano. Parsela ng lupang sinasaka sa gilid ng ilog.
[2] Hukbong Bayan Laban sa Hapon.
[3] Tomuyuki Yamashita.
[4] Pagitan ng Caranglan, Nueva Ecija at Sta. Fe. Nueva, Vizcaya.
[5] Pintakasi ng mga magbubukid.
Huminga muna nang malalim si Sir Joel, waring humuhugot ng lakas ng loob bago nag-announce sa klase. “Pakisagutan ang page 14. Pilasin ang page at ipasa next meeting.”
Huling klase na iyon ni Sir Joel. Pauwi na siya. Dala na niya ang lahat ng gamit niya. Hindi na siya dumaan sa faculty room .
Naglalakad na siya sa Recto, iniisip pa rin niya kung tama ba ang ginawa niya.
Sinabi na dati ni Sir Nestor, tenured Filipino faculty member, ang page ng aklat na ipapapilas sa mga bata para mabigyan ng incentive ang teacher. Pero hindi iyon natandaan ni Sir Joel. Wala kasi talaga siyang balak ipagamit ang teksbuk dahil mali-mali ang laman. Nakalagay pa ang mga teorya sa wika gaya ng teoryang pooh-pooh, kahit hindi naman talaga siyentipiko ang mga iyon. Nakalagay ang mga antas ng wika, ang pormal at impormal, at ang mga subcategory nito, kahit napakaproblematiko ng mga iyon at napakadaling i-debunk. Alibata rin ang sabi, sa halip na baybayin. Kung ipapagamit niya sa mga estudyante niya ang libro, papaano niya sasabihin sa kanilang mali-mali ang nakasulat dito? Baka makarating sa mga awtor, mapasama pa siya, maging sanhi pa para hindi siya ma-rehire. Lalong ayaw niyang maging instrumento ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Pero nang malaman niya kay Carlo, part-time Filipino teacher, na P5,200 ang tinanggap nito, samu’t saring bagay ang naisip niya. Naisip niya ang asawa niyang teacher din, na hindi na-rehire matapos gawan ng mga tenured coteacher nito ng isyu. Madalang ang load sa philosophy, kaya hindi niya alam kung makapagtrabaho ito sa pangalawang semestre. Naisip niya ang upa nila sa bahay, na delayed nang isang buwan. At malapit na naman ang due date. Naalaala niya ang balita na magtataas na naman daw ng singil sa Meralco. Wala pang PHP 30 thousand ang sahod niya kada buwan. PHP 24 thousand lang, sapat na sapat lang para sa binata. Isa pa lang ang anak nila, at hindi pa nag-aaral. Heto at gipit na sila sa buhay.
“Sir, anong page nga ang ipapapilas?” tanong niya kay Carlo.
“Page 14, Sir.”
“Kaya ko pa kayang ipabili sa mga bata? Hindi ba late na?” Pakiramdam niya, hindi sa kanya nanggagaling ang boses.
“Two weeks pa lang naman po ang klase. Kayang-kaya pa. Wala pa ngang teacher ang ibang section.”
Bago pumasok sa klase, nag-calculator siya. May 8 sections siya, humigit-kumulang 45 students sa kada section, PHP 40 ang porsiyento ng teacher sa kada page 14 na ipapasa. Nagulat siya. PHP 14,400.
Pauwi, sa pagod, nakatulog siya sa bus. Napanaginipan niyang pinipilas ng mga estudyante ang page 14 ng aklat. At nararamdaman niyang paulit-ulit siyang napupunit.