Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kapag Pasko:
Alaala at Pagninilay sa Hinaharap
We each have a unique Christmas, our very own. It is similar to those of others — dates, elements, practices, food — but we each gathered through the years the stardust to shape our own stars. What we remember — the lanterns, the rituals, the presents, the family, the food, the smells, the individual joys — no one else does, in just that combination.
(Your Very Own Christmas, Doreen G. Fernandez)
Lahat ay may alaala ng Kapaskuhan: matingkad at makulay o mapanglaw at malumbay. Para sa nakararaming Katoliko, naging palatandaan ito ng ating pagkabata, ng pagiging bahagi ng pamilya at pamayanang patuloy na nakikiisa sa panahon ng pagmamahal o pagpapahalaga. Ito rin ang humihikayat sa pamumuhunan at pagbibigayang batay sa halaga ng mga materyal na bagay, at ang mga nakagawiang tradisyon na naipamana na sa atin. At katambal ng Kapaskuhan ang pagdiriwang ng paparating na bagong taon. Palibhasa'y nagpapalit ng kalendaryo ang buong mundo, kaya't ang lahat ay nagdiriwang nito. May alaala tayo ng Kapaskuhan at binabalikan sa bawat taon ng pagsapit nito.
May ilang bagay ang nais kong balikan at panariwain. Ito ang mga bagay na bahagi ng iniingatang alaala at danas ng marami sa naniniwala sa diwa ng Pasko, maging saradong Katoliko man na naniniwala sa sagradong konsepto at tradisyon ng Kapaskuhan o mga may pananampalatayang labas sa pagiging Katoliko at piniling makisalo sa makulay at masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sina Ninong at Ninang
Ayon kay Cardinal Tagle, ang tungkulin ng mga ninong at ninang ay hindi lamang tagapagbigay ng regalo tuwing kaarawan, Pasko, o iba pang okasyon sa mga anak kundi maging modelo o huwaran sa kanila.
"Unfortunately, some choose godparents who are corrupt, greedy,” ani Tagle.
“Remember that the role of ninong and ninang is not to give gifts. They are supposed to be models of Christian life,” paalala ng cardinal.
(Mga ninong, ninang gawing modelo, hindi lang tagabigay ng regalo — Tagle ni Richard de Leon; April 04, 2024 In BALITA National; https://balita.mb.com.ph/2024/04/04/mga-ninong-ninang-gawing-modelo-hindi-lang-tagabigay-ng-regalo-tagle/)
Noong musmos pa ako at napakapayak ng aming pamumuhay sa Valenzuela, nakagawian ko na ang mamasko sa mga nakatatanda at kamag-anak. Ito ay nakamulatan na namin sa tuwing sasapit ang kaarawan at Kapaskuhan, kahit na ang mas inaabangan ko ay ang taunang family reunion kung saan may mga aginaldo ang mga tiyahin/tiyuhin, lola at lolo at pati pa ilang kamag-anak na hindi naman malapit sa akin. Hindi ko kasi nakasanayan na mamasko o umasa sa regalo mula sa aking mga ninong at ninang. Maliban sa pagmamano lamang sa tuwing magkikita, ay hindi naman taon-taon ay nakatatanggap ng regalo. Nagiging biruan na lamang sa pamilya na palagi akong lugi dahil hindi naman nabibigyan ng regalo o aginaldo ng ninong at ninang.
Natatandaan ko ang apat sa aking ninong at ninang sa binyag. Sila ay sina Tita Nora at Tito Pepito, Ninong Boy at Ninang Linda. May nag-iisang larawan akong natatandaan na kuha noong ako ay biniyagan at naroroon sila kasama ang aking magulang. May kuwento ako sa kanila.
Si Tita Nora ang bunsong kapatid ng aking ama. Maaaring nasa kanyang lalabintaunin pa nga lamang noon ang aking tiyahin nang ako ay binyagan. May mga larawan akong kuha na kanya akong karga o kalong. Siya ang madalas na bumisita at naging malapit sa akin na tiyahin sa limang babaeng kapatid ng aking ama. Palibhasa'y bata pa nga siya noong maging ninang, hindi ko nakagawiang magmano. Tanda ko pa rin ang kanyang pagiging palabiro at masiyahin pero hindi ko matandaan na kanya akong naregaluhan o naaginalduhan. Kaya naman hindi ko na ito naiisip o inaasahan. Tanda ko ang kanyang pagmamahal sa kanyang napiling kabiyak kung saan ako ang naging ring bearer sa kanilang kasal at umiyak sa paglakad sa simbahan dahil sa takot at hiya ko sa pag-iisa. Hindi ko nakasanayan o pamilyar sa ganitong okasyon. Kaya palaging biruan o nabubuskang ako raw ang iyaking ring bearer.
Natatandaan ko rin ang ilang tagpo at danas sa kanyang maaagang pag-aasawa. Nakatira sila noon ng aking tiyuhin sa Lealtad, Maynila, malapit sa Plaza Noli. Madalas pa nga nila akong imbitahan noong nag-aaral pa ako sa UST at hanggang sa makapagturo sa UE, pero kahit minsan ay hindi ko nagawang makadalaw. Basta ang alam ko, mararating ko ito kapag sumakay ako ng jeep na biyaheng Balik-Balik-Quiapo. Hanggang sa dumating ang panahon na kanyang iwan ang Maynila at manirahan na sa Italya kasama ng aking mga tiyahin sa Milano. Hindi na kami nagkita o nagkaroon ng ugnayan nang ilang dekada. Bagaman, nagbubukas pa rin ang pagkakataon para sa aming pagkikita kahit na sa ibayong dagat.
Mag-isa akong naglakbay noong 2006 sa Europa, matapos na hindi kami magkita noong 2004 dahil sa mahigpit at abalang iskedyul kasama ang aking korong Philippine Male Chorale. Nagkita kaming muli matapos ang halos tatlumpung taon sa Milano. Doon ko siya nakasama at muling natunghayan ang kanyang pagiging masiyahin at pagiging prangka. Pati pa ng ang aking seksuwalidad ay kanyang naungkat, pero hindi naman bagay na dapat ko pang liwanagin ito sa kanya. Doon ko narinig ang pangaral ng isang ninang.
"Bawal ang stress. Layuan mo ang mga taong walang gawang matino at walang pakialam sa kapakanan mo. Huwag mong intindihin ang matatanda, ang mahalaga ay kung saan ka magiging masaya at kung ano ang tama."
At doon niya binawi sa akin ang mga taong hindi pagreregalo at pag-aaginaldo.
May ilang alaala rin ako sa aking malusog na Ninong Pepito na aking tiyuhin. Pinsan siya ng aking ina at bunso sa tatlong magkakapatid na anak ni Lola Gloria na kapatid ng aking lola. Hindi ko rin nakasanayang magmano sa kanya, palibhasa'y bata pa rin siya noong dekada '70 nang maging ninong ko siya sa binyag. Nakikita ko lamang siya tuwing ihahabilin ako ng aking nanay kay Lola Gloria dahil sa walang pag-iwanan noong sila ay lumuluwas at naghahanapbuhay pa sa Maynila. At sa tuwing magkikita kami, natatandaan ko ang kanyang walang anumang bahid ng ekspresyon, madalang na pag-imik, o sa ingles ay nonchalant. Kung minsan ay nadadaanan lang niya ako, bagaman kung kasama ko ang aking magulang ay nagiging mas makuwento siya. Maaaring hindi talaga niya nakasanayan ang maging magiliw sa paslit. May pagkakataon din naman na dumadalaw siya sa aming bahay, bagaman kakaiba ang kanyang kondisyon noon at palaging ang ama ko ang humaharap sa kanya upang payuhang umuwi, magpahinga, at matulog na lamang muna. At kahit pa noong siya ay magkaroon ng sariling pamilya ay hindi ko rin nadamang naging malapit kami sa isa't isa. Maraming pagkakataon na nagkikita subalit hanggang sa pagmamano lamang na walang anumang bahid ng magiging malapit sa isa't isa. Ang naisip ko, baka nga hindi pa siya handa noon sa gampanin ng pagiging ninong.
Si Ninong Boy ang pinakamalapit sa akin. Masiyahin, palabiro, may angking kisig at rahuyo, at galante. Palagi kaming nagkikita sa kanilang malaking ancestral house sa Bancal, Meycauayan at anak ng aking Lolo Tomas at Lola Libreng. Hindi ko na maalala kung bakit ko sila naging lolo at lola, basta ang alam ko ay nasa partido ng aking ina sila naging magkamag-anak. Natatandaan ko ang aming pagdalaw sa kanilang pamamahay. May tindahan sila kung saan ako hinahayaan ni Lola Libreng na kumuha ng anumang nais kong kainin. Doon ko pa nga natutuhan ang maglaro ng palabunutan na palaging ibinibigay naman ang naisin kong premyo. Pero ang mas nasisiyahan ako ay sa tuwing mag-aabot ng pera ang Ninong Boy para pambili ng gamit o laruan. Minsan, ipinakita niya sa akin ang kanyang koleksyong nakaistanteng laruang kotse (Matchbox), pinamimili niya ako rito. Kumuha raw ako ng nais ko pero inunahan ako ng hiya, kaya't isa lang ang aking pinili. At dito rin nag-umpisa ang hilig ko sa pangungolekta ng mga laruang kotse (diecast cars) gaya ng Matchbox, Majorette,Tomica, at iba pa. At hanggang ngayon ay akin pa ring iniingatan ang mga ito at kung may pagkakataon ay nakapagdadagdag ng ilang piraso.
Ang hindi ko malilimutan ay nang ipagkatiwala ng aking Ninong Boy ang isang lumang biyolin matapos niyang malamang nais kong matutong tumugtog nito. Ipinaayos ito ng aking ama at namangha ako sa ikinaganda nito. Naging bago at may tunog na kahit hindi pa gaanong pulido ang hagod ko ay pihong may relasyon na kami nito sa isa't isa.
Isang gabi, matapos ang hapunan ay muling inilabas ng aking ama ang biyolin at sinubukan kong patunugin ito. Hindi pa namin naitatago ang biyolin nang dumating ang aking Ninong Boy. Malungkot siya. Hindi ito ang masiyahin kong ninong. Hatid niya ang isang napakalungkot na pakiusap.
"Pasensya na, pare. Kailangan kong bawiin ang biyolin. Hinahanap at nagwawala si Marilou," ang pahayag ni Ninong Boy habang nakatingin sa akin. Si Marilou ang kanyang kapatid na hindi sanay makipag-ugnayan sa mga hindi nila kapantay ng estado at pamumuhay. Nilapitan niya ako at nagbigay ng maikling paliwanag at pangakong babawi siya sa ibang paraan. Hindi ko pa napoproseso noon ang kanyang pahayag nang pumasok sa bahay ang kanyang kapatid at pasinghal na nagpahayag.
"Ibalik ninyo ang biyolin ng papang! Kayo pala ay pupunta sa bahay namin para maghakot ng gamit!" Inawat na lamang at pinabalik sa sasakyan ito ng aking ninong. Walang nasabi ang aking mga magulang, maaaring nagulat o nagtataka sa inasal ng kanilang pinsan lalo't nasa loob sila ng aming pamamahay, magkumpare sila, at naroon din akong nakaharap sa kanilang pag-uusap. Hindi na nila pinahaba pa ang usapan kaya't umalis agad sila noong makuha ang biyolin. Naging madalang na ang pagbisita namin sa kanilang malaking bahay. Nabalitaan ko na lamang noong ako ay nasa hasykul na pumanaw na ang aking Ninong Boy habang siya ay inooperahan sa lapay. Hindi ko na maririnig ang kanyang masasayang pahayag at makikita ang kanyang rahuyo.
Si Ninang Linda ang palagi kong dinadalaw sa kanilang pawnshop sa Cubao. Palibhasa'y alahero ang nanay at tatay, kaya't madalas silang nagpupunta sa pawnshop para makapamili ng ilang piraso ng mga nakasubastang alahas. Natatandaan ko pa ang pawnshop kung saan mayroong Santo Niño sa tabi ng dalawang windows na salamin para sa tubos at sangla. Madalas akong pinauupo sa counter ng pawnshop bago papasukin sa loob para makapagmano. Kilala ko si Ninang Linda pero sa ngayon ay hindi ko na matandaan ang kanyang mukha. Alam ko ang kanyang mabait na pakikitungo pero hindi ko na matandaan kung ano ang kanyang ugali. Ang alam ko, galante ito at masiyahin. Nagtapos na lamang nang maaga ang kanyang gampanin bilang aking ninang nang kanyang sabihing nagbago na sila ng pananampalataya. Hindi na kami nagkita buhat noong bago pa ako magsimulang makapag-aral.
At ngayon, naniniwala ako na ang pagiging ninong at ninang ay hindi masusukat ng regalo at aginaldo. Nagiging mas makahulugan ito kung may nabuong pagtuturingan at ugnayan bilang ikalawang magulang at palaging may nakahandang malasakit para sa mga inaanak.
Ang Belen ni Nanay
May nakatutuwang Belen ang nanay ko na taon-taon ay kanyang inilalabas mula sa taguan at iniaayos sa ibabaw ng aming kahon ng makinang panahi. Hindi ko nga alam kung saan niya ito nabii o kung may nagbigay sa kanya nito. Natatandaan ko ang lima hanggang anim na pulgadang taas ng mga pangunahing mga tauhan sa Belen gaya ng pastol na may dalang tupa, ang tatlong hari, ang anghel na may hawak na pahayag na Gloria in Excelsis Deo at ang mag-asawang Maria at Jose. Gawa sa resin ito at may kayungmangging kulay ang mga balat at may mga mukhang bagamat may kaliitan at maamo at mapayapa. Natatandaan ko rin na may bisiro, tupa, at kamelyo rin ang Belen. Kumpleto na sana ito, bagaman, wala ang Hesukristo na nasa sentro ng sabsaban na angkop sa sukat.
Noong ipinanganak ako, itinaon ng aking ina ang makabili ng isang sanggol na Hesus na nakahiga at gawa sa eskayola. Higit sa 12 pulgada ang haba nito at may maamong mukha, malusog na katawan, at nakataas na kamay na may pangangahulugan ng kapayapaan ang daliri. Kasing tanda ko ito at hanggang sa kasalukuyan ay aking inaalagaan ito. Nais ko nga sanang ipaenkarna (muling pagpipinta) bagaman natatakot na mawala o mabasag ito. Isa ito sa mga alaala ng aking ina na taon-taon ay kasama kong nagdiriwang ng Kapaskuhan, mula pa sa aming bahay sa Valenzulela hanggang sa makalipat sa bagong bahay sa Matungao, Bulakan matapos itaboy ng Bagyong Ondoy, at hanggang sumapit ang pagkakataong makapagpatayong bagong tahanan at manirahan sa Pitpitan, Bulakan kung saan kami kasalukuyang naninirahan. Nakakausap ko ito at palaging nagpapaalala ng aking pagiging musmos o kawalang muwang, kababaang-loob, pagbibigay, pagpaparaya, at katahimikan o pagiging payapa.
At ito na ang naging sentro ng Belen ng aking ina, kung saan ang mga pangunahing tauhan ay hindi ayon o proporsyon sa sukat ng Niño Hesus. Mistulang higanteng nakahimlay ang isinilang na Manunubos. Naaalala ko pa na nasa altar ito at may sabsaban itong kuna na may dayami. At kung magpa-Pasko, inilalabas ng nanay ang mga munting tauhan ng Belen para ipaligid sa kanya. Ang bawat tauhan ay maaaring may tatlo hanggang anim na pulgada lamang ang laki. Ito ay nakaugalian na ng aking ina na pagsama-samahin sa tuwing panahon ng Kapaskuhan. Minsan kong naitanong sa kanya,
"Nay, bakit ang laki ni Jesus kumpara sa mga magulang niya na hindi man lang aabot sa kalahati ng kanyang sukat? Nasaan na ang Jesus na angkop ang laki sa iba pang nasa Belen?"
Naipaliwanag niya sa akin na ito nga ang Santo Niño na nabili niya noong taon ng aking kapanangakan at hindi maaaring magkaroon ng katambal nang may proporsyong sukat ng mga tauhang matatagpuan sa Belen sapagkat hiwalay itong binili at mahirap hanapan ng espasyo kung kasing laki nito ang mga tauhan ng Belen na ipapaligid sa kanya.
"Siya naman ang bida at ang pinakamalaking dahilan ng Pasko," dagdag pang katwiran ng aking ina. Naihabilin niya sa akin si Niño Hesus. At tuwing Pasko ay ipinaghahanda bilang paggunita sa Kanyang kaarawan.
Bukod pa, ayon sa kanya, mainam na rin na mas malaki ang bida ng Pasko para mas maalala ang kahulugan nito. Hindi ko alam kung ito ay isang lohikal na paliwanag o pagdadahilan lamang. Nanghihinayang nga lamang ako dahil hindi ko nagawang maitago ang mga piraso ng Belen ng aking ina. Hindi ko alam kung saan na ito napunta o sadyang nakasama sa mga inanod ng makailang ulit na pagbaha.
Naitanong ko rin sa kanya kung bakit bumili ang nanay ng Santo Niño sa taon ng aking kapanganakan. At simple lang ang kanyang tugon, "Magkasabay kayong aalagaan at tatanda, at Siya ang iyong makakasama."
Marami kaming hiniling sa Kanya lalo nang maging masasakitin ako noong aking kabataan at palaging nagbabakasyon sa ospital at maging nitong maagang bahagi ng bagong milenyo nang makailang ulit kong isinugod ang sarili sa ospital. Sa tuwina, marami sa aking mga hiniling ang kanyang napagbigyan at binigyang katuparan. At mula sa tahanang kumupkop sa amin sa Pasolo, Dalandanan, Panginay, at ngayon ay sa Pitpitan, Bulakan ay akin pa rin Siyang inaalagaan at pinahahalagahan.
Noong 2011 at sa Bulakan na kami naninirahan, nagkaroon ako ng pagkakataong makalimos (ang terminolohiya namin sa santong binili) ng isang Belen. Natatandaan ko pa, nagsadya kaming mag-isa noon sa Kanlaon, sa mga tindahan ng native crafts and decorations. Nadaanan ko ang isang Belen. Natuwa ako sa kulay at disenyo nito. Ang hindi ko alam, nakita pala ng aking ina ang aking aliw sa Belen na magkakadikit ang mga tauhan at may laking humigit kumulang na 15 pulgada ang taas at 24 na pulgada ang haba. Naroroon ang pastol, tatlong hari, sina Maria at Jose, at ang Hesukristong nakahiga sa sabsaban. Hindi ko naman lilimusan ito, dahil alam kong mataas ang halaga at dapat na alagaan ito. Nakabalik na nga ako noon sa sasakyan at pauwi na kami nang tanungin ako ng aking ina.
"Ayaw mo pa bang kunin ang Belen? Yun na ang regalo ko sa iyo sa Pasko. Alam kong gusto mo yun." Napangiti ako sa aking ina. Alam niya ang panlasa at aliw ko. Kaya naman, napabalik pa kami para sunduin ito at iuwi na sa Bulakan. Ayoko ring tanggihan ang alok ng aking ina, bilang batid ko ring gusto niya ng bagong Belen sa aming bagong tahanan. Alam kong makahulugan sa kanya ito.
Kaya naman, ito na ang ginagayakan namin tuwing Kapaskuhan. At nang makalipat ako sa kasalukuyang tahanan noong 2019, natipon ko ang mga santo/imahen sa isang silid dasalan. At ang bagong Belen at ang Banal na Sanggol na kasing tanda ko ang palagi kong inaalayan ng dasal bilang alaala ko sa aking ina at ang mga nakalipas na pagdiriwang ng Pasko.
Ang Noche Buena
Sumasaya rin ang Pasko dahil sa pagsasalo-salo sa Noche Buena. Kahit pa simpleng hapunan lang ay nagiging espesyal na rin kapag magkakasama ang mag-anak sa hapag at ilang oras matapos ang hapunan at sasalubungin ang Kapaskuhan, ang kapanganakan ni Hesus, sa pamamagitan ng Noche Buena. Isa nga itong napakagandang gabi na hindi lang pahayag bilang isang karaniwang pagbati. Iba-iba ang paraan ng pagsasalo-salo sa Noche Buena. Nakabatay ito kung paano nakagawian ang tradisyon o nakasanayan ng pamilya, estadong ekonomiko, at sidhi ng pananampalataya.
Sa aming pamilya, hindi naman namin nakasanayan ang magkaroon ng magarbong handa sa Pasko. Ang makapagsimba at magkaroon ng simpleng mapagsasaluhan ay sapat na. Hindi namin nakagawian ang makabuo ng simbang gabi at paghandaan ang Noche Buena.
Natatandaan ko na noong bata pa kami, madalas na maghanda ng hapunan ang aming magulang ng masarap na ulam gaya ng lechon kawali o isang buong litsong manok, inihaw na isda, sinangag, sopas o gisadong pansit, at simpleng panghimagas na karaniwang buko salad na paborito ng aking ina. Samantalang ang aking ama, palibhasa'y laking Quezon, ay nagsusuman gamit ang tradisyonal na talyasi at gatong, at ang sangkap na ilang kilong malagkit, ilang mangkok ng kakang-gata, asin, pandan, at mga sinuob na dahon ng saging mula sa aming bakuran. Natatandaan ko kung paano ito inihahanda at niluluto sa gatong na kahoy at ang paghihintay para maging maligat at nagmamantika ito. Matiyga itong hinahalo hanggang sa matuyo ang gata at iwasan ang mahilaw o magtutong. Binabantayan at tinitimpla ng aking ama ang apoy. Naaalala ko ang amoy ng bagong lutong suman at ang proseso ng pagbibilot nito sa dahon ng saging. Nakikipag-agawan pa nga ako sa tutong nito na kapag natuyo ay nagiging mas malutong. Naisisilid sa kahon ang mga suman at ipinamamahagi rin ng aking magulang sa mga kamag-anak at kaibigan. Nag-aagaw ang bango, krema, alat, at tamis nito. Katambal nito ang pulot at mga minatamis gaya ng garbanzos, beans, macapuno, at ang mainit na tsokolateng niluluto ng aking ama. Singtamis nito ang Kapaskuhan.
Bagaman, nagbabago ang panlasa at pagpili ng ihahanda sa gabi ng pagsalubong sa Kapaskuhan para sa maraming karaniwang Filipino. Katatapos lang nating maranasan ang tatlong taong pagdiriwang ng Pasko sa loob ng pandemya at ang kasalukuyang estado ng ating ekonomya ay nagdulot ng pagbabago sa ating pagpili ng kakainin. Mas sensitbo na sa pangangailangan at praktikal sa pagpili ang mga Filipino. Mapapansin ang mas maraming mapagpipilian o alternatibo sa pamilihan para sa potahe at inumin na aangkop sa kakayahang makabili sa gitna ng krisis. Kasama pa rin ang mga nakasanayang kainin sa Noche Buena. Sa bagong normal nagpatuloy ang pamamahagi ng mga Noche Buena package na isang impluwensyang iniwan ng pamamahagi ng ayuda sa mas nakararaming pamilya. Mas marami ang humaharap sa hamon ng ekonomyang umaasang mairaraos o maitatawid nang kahit papaano ang Kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Sa mga kamakailang Kapaskuhan at sampung taon mula nang maging ulila ako, pilit kong itinatawid ang hapunan sa mga Bisperas ng Pasko. Naroroon pa rin ang pananabik sa Kapakuhan bagaman nagtatampisaw sa pangungulila sa magulang at sa nakagawiang pagsasalo-salo. Ito ang isang kabalintunaan sa aking buhay, may ilang hapag ako sa tahanan sa Maynila at Bulacan, ngunit iilan lang ang makakasalo. Sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinag-iisipan ang iluluto, ang pinakapayak na ihahain sa hapunan, at ang simpleng ihahanda sa Noche Buena habang kasama ang (mga bagong) katuwang sa pagbubuo ng mga bagong alaala.
Isang Pinagpalang Pasko at Mabiyayang Bagong Taon sa Inyong Lahat!
Kung Bakit May Mga Digmang Makatwiran
Oktubre 25, 2024 nang ilathala ng Facebook page na “Filipino Ngayon” ang artikulong “Kung Tutula sa Oliba at Kapayapaan” ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario. Oktubre 31, 2024 nang ilathala naman sa nasabi ring Facebook page ang artikulong pinamagatang “Kung Bakit Ayaw Ko ng Digma” ng nasabi pa ring makata. Ang una ay rebyu sa limáng (5) tula sa zine na “ang mga bata, naging binhi ng oliba, nakatanim sa lupa” ni MJ Rafal, habang ang huli ay kaugnay na artikulong marahil ay sagot ni Almario sa mga inisyal na reaksyon sa kanyang naunang interbensyon na “Isa akong anti-war at tagapagtaguyod ng kapayapaang pandaigdig. At naniniwala akong ang kalapating tagapagdalá ng oliba ay hindi agad pumapanig sa isang digmaan. Sa halip, nagsisikap siyáng mamagitan para humupa ang bangis ng mga punglo at kanyon, para matiyak na ligtas ang mga mamamayan, at mabawasan ang komersiyo ng mga pabrika ng sandatang pandigma. Hindi na natin matitiyak ang may kasalanan sa bawat pag-aaway, lalo’t napakahabà ng kasaysayan ng poot sa magkabilâng panig. Subalit mapalalakas natin ang tinig ng demokrasya at katarungan kung mas marami ang magwawasiwas ng oliba kaysa magdadagdag sa mga karatula at rali ng poot. Iwasan natin ang de-susing damdámin at kalapating nakapiit sa hawla ng bulág na kalayàan.”
Siyempre, may mga balidong punto naman ang mga nasabing artikulo dahil mahusay na kritiko naman talaga ang nasabing pinagpipitagang makata. Gayunman, kapansin-pansin na tila “bothsidesing” ng “digma” (pagsisi sa dalawang “panig” na tila magkasimbigat ang paggamit ng dahas) sa Palestina ang kalakhan ng mga nabanggit na interbensyon ng Pambansang Alagad ng Sining.
Kung hinehenosidyo kayo araw-araw, makatwiran lamang na may kababayan kang digma ang isagot sa mamamaslang na okupador. Kung walang bayan, walang panitikan. Kung literal na inuubos, pinupulbos ang bayan, ang panitikan ay dapat maging sandatang pamuksa sa nang-aapi. Kapayapaang nakabatay sa katarungan, hindi kapayapaang pagpapatahimik sa makatwirang hinakdal ng inaapi ang dapat itaguyod at ipaglaban. Sabi nga ni Pablo Neruda sa tulang “Deber del Poeta” (“Tungkulin ng Makata”): “Y así, por mí, la libertad y el mar/responderán al corazón oscuro.” (“Kaya’t sa pamamagitan ko, ang kalayaan at ang dagat ay tutugon sa saradong puso.”). Kung nagkasya na lamang sa antikolonyalistang pagtula at hindi naghimagsik ang henerasyon ni Andres Bonifacio, baka mas late pa sa 1898 ang independensya ng Pilipinas.
As of December 16, 2024, ayon sa estadistika ng Palestinian Ministry of Health na inireport ng Al Jazeera ay mahigit 45,000 na ang “death toll” sa “gera ng Israel sa Gaza,” habang 1,139 naman ang kumpirmadong patay sa Israel mula noong Oktubre 7, 2023. Hindi iilang beses na nababanggit na rin sa mga global na talakayan ang kaakibat na “epistemicide” at “cultural genocide” ng pisikal na henosidyo ng Israel sa mga Palestino. Habang pinapaslang ng Israel ang mga Palestino – ang pag-iral mismo ng mga Palestino – binubura rin nila ang panitikan, kultura, at kasaysayan ng mga Palestino. Sa ganitong diwa, malinaw ang “panig” na dapat kampihan at ipagtanggol ng sinumang manunulat. Kung digma ang tawag sa paglaban ng mga Palestino sa ginagawang pagbubura sa kanila ng Israel, tunay ngang may mga digmang makatwiran.
Sabi mismo ng Palestinong makata na si Marwan Makhoul, “In order for me to write poetry that isn’t political I must listen to the birds and in order to hear the birds the warplanes must be silent.” Sa dalawang “panig” sa kasalukuyang “digma,” Israel lamang naman ang may eroplanong pandigma.
Dapat ding magbulay-bulay ang mga makata sa diwa ng tulang “Fuck Your Lecture on Craft, My People Are Dying” ni Noor Hindi. Bukod dito, dapat dumami ang mga makatang Pilipino na gaya ni Rafal ay prayoridad ang pagwawakas ng henosidyo.
P.S. Kung walang henosidyong televised/naka-live-stream ngayon, marahil ay kondenasyon ng 2025 National Budget ni Marcos Jr. ang nilaman ng segment na ito. Kaugnay nito ay inaanyayahan ang mga mambabasa na bisitahin na lamang ang Facebook page ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA).
Mga kaugnay na panoorin at babasahin:
https://www.youtube.com/watch?v=sQlwztXw2-I
https://www.youtube.com/watch?v=OzrPkFG8xx4
https://www.youtube.com/watch?v=H7FML0wzJ6A
https://www.palestine-studies.org/en/node/1650102
https://www.aljazeera.com/news/longform/2023/10/9/israel-hamas-war-in-maps-and-charts-live-tracker
https://www.palestine-studies.org/en/node/1655161
https://www.thenation.com/article/world/gaza-cultural-genocide/
https://progressive.org/latest/israels-war-on-gaza-is-also-war-on-history-hagopian-231127/
https://www.antologiapoetica.com.ar/deber-del-poeta-pablo-neruda/
https://press.un.org/en/2024/gapal1465.doc.htm
https://www.facebook.com/photo?fbid=478457308608870&set=a.102709272850344
https://www.facebook.com/photo?fbid=481477998306801&set=a.106973192423952
Bakit ako nagsusulat?
Ika-11 ng Disyembre 2024, habang naririnig ang mga salitang “adobo” at “pagpag” sa paliwanag ng susing tagapagsalita ng Food, Feasts, Festivities, & Folklore Conference, nagbalik sa gunita ko ang maikling kuwento tungkol sa isang tagisan ng mga kasambahay: ang pinakamagaling magluto ang siyang mananatili sa kaniyang trabaho. Ang pinakamalikhain ang siyang nagwagi. Hindi ko na maalala ang eksaktong detalye. Pero naghanda siya ng tatlong putahe. Ang ikalawang putahe ay recycle ng una, ang ikatlong putahe ay recycle ng ikalawa.
Nabasa ko ang maikling kuwentong iyon sa teksbuk namin noong grade school. Ano’t ganito kamakapangyarihan ang panitikan sa akin. Para pa nga itong isang alagang hayop na naglagalag at nawala, at isang araw ay magpapakita sa tapat ng inyong pintuan sa oras na hindi mo inaasahan. Nanariwa sa alaala ko ang maikling kuwentong iyon tungkol sa pagkain kahit mahigit tatlong dekada na ang nakakaraan at kahit isang beses lang iyong nabasa ng batang ako.
Dalawang maikling kuwento pa sa teksbuk namin ang naaalala ko pa. Una, ang kuwento ng batang Jose Rizal, na habang naglalakbay sa ilog sakay ng bangka ay nawala ang isang tsinelas. Ang ginawa niya, tinanggal niya ang kabilang tsinelas saka ihinagis sa tubig, para kung sakaling may makakita niyon, isang pares ng tsinelas ang kanilang magagamit. Ang ikalawang kuwento ay tungkol sa kabayanihan ni Macli-ing Dulag na namuno sa kaniyang mga kababayan para tutulan ang pagtatayo ng Chico Dam.
Sa palagay ko, maaaring magamit ang mga danas na ito bilang halimbawa para sagutin ang tanong kung bakit ako nagsusulat. Nakaengkuwentro kong muli ang mga tanong na “Bakit ako nagsusulat?” at “Paano ako nagsusulat?” sa poetics ng mga isinalang sa thesis colloquium ng mga graduating student ng Creative Writing Department sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Ipinaliwanag ko sa mga naroon na sa Digital Age, na sinasabing Creative Age din, pinakamahalaga ang mga tanong na “Bakit?” at “Paano?” dahil hinahasa ng mga ito ang kritikal na pag-iisip. Mas madaling sagutin ang “Paano ako nagsusulat?” Ano man ang genre na pinili sa pagsusulat, matututuhan ang mga teknikal na aspekto para mapahusay pa ang akda. Mahirap sagutin ang “Bakit ako nagsusulat?” Kailangan mong halungkatin at ihanda ang sarili mong talambuhay. Ano ang trigger mo kung bakit nagsimula kang magsulat, sa halip na gawin ang iba pang bagay? Ano ang trigger mo kung bakit pinili mong magsulat ng tula, halimbawa, sa halip na maikling kuwentong pambata?
Sa bawat pagkakataong nagdedesisyon tayong maghanda ng mga kailangan—mga idyoma at tayutay, mga gunita, mga datos, pati pagkokondisyon ng ating sariling katawan— para makapagsulat, nagbabalik tayo sa tanong na “Bakit ako nagsusulat?” napapansin man natin ito o hindi. Mapapansin din ito ng mga nagbabasa ng ating mga akda. Ilan sa kanila ang mag-uusisa: Naging matapat ba siya sa kaniyang motibasyon—sa dahilan kung bakit siya nagsusulat, lantad man niya itong binabanggit o hindi?
Maaaring ang nagsimula sa self-expression ay mapalakas pa ng pagkakaroon ng isang adbokasiya o debosyon. Gusto mong ipaglaban ang mga demokratikong karapatan ng kababaihan. Gusto mong makatulong sa pagsasalba sa kalikasan. Gusto mong ibunyag ang kalapastanganan ng inyong kapitbahay o ng opisyal ng gobyerno. Gusto mong ikuwento ang kadakilaan ng isang taong nagsakripisyo para sa kaniyang pamilya. Sa pamamagitan ng ganitong alab, mapapanatili mong laging luntian (evergreen) ang iyong panulat.
May Mga Taóng Hindi Para sa Atin
Laging may lakip na pag-asa at pananalig sa mas maalwan na buhay ang pagsalubong natin sa bagong taon. Clean slate kumbaga. Back to zero mula sa lahat ng mga kabiguan, maling desisyon, at hindi nagawang mga plano mula sa nagdaang taon. Hindi nga ba’t ito ang panahon ng pagtatakda natin ng mga new year’s resolution o mga bagay na nais nating gawin o baguhin sa pagsisimula ng bagong taon? Pakiramdam natin bagong tao tayong kayang harapin ang anomang hamong sasalubong sa atin. Kaya naman kagaya ng marami sa atin, nananabik ko ring tinanaw ang pagdating ng 2024. Ang hindi ko alam, kaliwa’t kanang mga pagsubok at dagok pala ang naghihintay sa akin.
Nasampolan agad ang pagiging God’s strongest soldier ko sa pagsisimula ng bagong taon nang masampal ng realidad na nasimot na ang aking ipon. Aminado akong natakam sa mga nakitang sale mula sa nagdaang holiday at hindi napigilan ang sariling magpabudol. Napabili ng bagong Samsung phone bukod pa sa ginagamit na iPhone, napakuha ng PlayStation 5 at mga bala nito, namakyaw ng mga damit mula sa iba’t ibang brand, at kumain sa kung saan-saang estetik na resto kahit pa nga hindi masarap. Hindi ko namalayang unti-unti nang nagne-negative ang aking finances. At dahil isang hamak na part-time faculty lamang ako sa pinagtuturuang unibersidad sa Taft at España, hindi regular ang sahod ko. Kapag walang klase, wala ring papasok na pera. Maghihintay pa akong lumipas ang ilang linggo ng pasukan bago daumting ang unang suweldo. Sa madaling sabi, simula pa lamang ng taon ay kinailangan ko nang manghiram para lamang mairaos ang mga nakaabang na bayarin sa bahay at pang-araw-araw na gastusin.
Lumipas ang mga buwan at unti-unting akong nakabawi sa aking pananalapi. Nakapag-impok din kahit paano dahil sa personal na paghihigpit sa badyet. Pero hindi pa man ako tuluyang nakababangon, hinagupit naman ako ng dalawang buwang school break sa isa kong tinuturuang unibersidad. Ibig sabihin, dalawang buwan ding mangangalahati ang inaasahan kong pera dahil no work, no pay ako bilang part-time faculty. Mabilis na naubos ang naitabi kong pera at kinailangan na namang humiram sa kamag-anak. Hindi naging madali para sa akin ang makailang ulit na paglapit dahil personal kong iniiwasang umutang sa iba. Hanggang kaya, hangga’t magagawan ng paraan, isa ito sa mga huling bagay na gagawin ko. Pero sa puntong iyon, wala akong pagpipilian. Wala akong ibang aasahan kundi ang aking sarili. Naging siklo ng pagkagipit ang taong ito para sa akin.
Pero bukod sa usaping pinansyal, higit akong hinamon ng 2024 sa aspektong mental at emosyonal. Sa katunayan, ito para sa akin ang sumunod sa 2018 (ang taon kung kailan namatay ang aking Nanay) sa masasabi kong darkest era ko. Tumindi ang mga bulong ng pagdududa sa aking sarili lalo na sa aking hinaharap sa propesyong aking tinatahak. Kesyo baka hindi naman ako para rito, na hindi naman ako ganoon kahusay o baka pinipilit ko lang ang sarili sa karerang ito. Hindi rin nakatulong ang pagkaantala ko sa pagsulat ng panukalang disertasyon dahil sa naupos na interes para sa napiling paksa na nauukol sa teen film. Lumipas ang mga buwan na wala man lang akong naisulat kahit isang talata. At bilang isang iskolar, may palugit akong kinakailangang bantayan dahil may expiration ang suportang pinansiyal na maaaring ibigay sa akin ng Pamantasan.
Dumagdag din ang patong-patong na pressure sa sarili dahil sa bumagal na produksyon sa pananaliksik at malikhaing akda. Nawala ang dati kong sigla sa pagsulat at aktibong pagpapasa sa iba’t ibang panawagan mula sa mga antolohiya at dyornal. Lagi akong gumagawa ng excuse upang hindi makapagsulat. Pero ang ending, malimit ko namang sinusunog ang oras sa kakapanood ng kung ano-anong K-Pop at tech-related videos sa YouTube. At kapag napagod na, saka kukumbinsihin ang sariling may bukas pang naghihintay para gawin ang trabaho.
May mga pagkakataon ding napababayaan ko na ang mga gawain sa komite at propesyonal na organisasyong aking kinabibilangan dahil sa pagod na nararamdaman ko kahit sa simpleng pagbangon lamang. May dalang bigat sa katawan at kalooban ang anomang gawain para sa akin. Hindi dahil sa ayokong gawin kundi dahil pakiramdam ko kahit anong haba ng tulog at pahinga ko, hindi nare-recharge ang buong pagkatao ko. Low batt akong hihiga sa kama, low batt ding babangon na parang walang nangyari. Naapektuhan na rin maging ang aking mga personal na relasyon at nakagawa ng mga desisyong higit lamang nakapagpalala ng aking sitwasyon.
Sa madaling sabi, unti-unti akong nawalan ng ganang magpatuloy. Dumating sa puntong kahit ang pagbangon sa kama ay itinuturing ko nang parusa. May mga pagkakataong nalilipasan ako ng gutom dahil sa kawalan ng nasang kumilos para magluto o mag-order ng pagkain. Wala na akong ibang gustong gawin ng mga panahong iyon kundi ang matulog buong maghapon kahit pa nga hindi naman nito naiibsan ang internal at eksternal na pagod na nararamdaman ko. Pero kahit paano kasi, sa ganitong paraan ko natatakasan ang mga bagay na gumagambala sa aking isipan. Panandalian kong napatatahimik ang ingay ng mundo.
Hanggang isang araw, natagpuan ko ang sariling nakatulala sa aking napakagulong unit. Nagkalat ang mga labahin at sapatos sa sahig. Nilusob na ng batalyon ng mga langgam ang basurahang ilang araw nang hindi naitapon. Natambak na ang mga hugasin sa lababo. Nabalot na ng lumbay ang buong bahay. Doon ko nasabi sa aking sarili na “tama na.” Kailangan ko nang ayusin ang buhay ko. Walang ibang makasasagip sa akin kundi ang aking sarili. Bagaman lubos ang pasasalamat ko sa aking pamilya at ilang kaibigang naging saksi sa madilim na kabanatang ito ng aking buhay at nanatiling nasa tabi ko hanggang dulo, sarili ko lamang ang makatutulong sa akin na bumangon.
Sinimulan ko ito sa maliliit na hakbang. Niligpit ang mga damit at sapatos na nakakalat. Itinapon ang basura. Hinugasan ang mga pinagkainan. Sinikap na gumising nang mas maaga upang makapaglakad-lakad at makabili ng agahan. Natutuhan kong muling pahalagahan kahit ang mga simpleng biyayang natatanggap gaya ng masarap na pandesal na nabili sa kanto. O kahit pa nga ang makapasok sa aking klase nang on time sa kabila ng traffic sa España. Binigyan ko ng pagkakataon ang sariling hanapin ang mumunting ningning sa gitna ng dilim. Hindi instant ang mga pagbabagong ito. Dumarating pa rin ang mga sandaling nakararanas ng relapse. Pero sa pagkakataong ito, ipinaaalala ko sa sariling lagi’t laging may rasong sasapat para lumaban sa kabila ng libo-libong dahilan para huminto.
Ika nga ng Alemang pilosopo na si Friedrich Nietzsche, isang pagdurusa ang mabuhay pero ang paghahanap ng kabuluhan dito ang magpapanatili sa iyong buhay sa kabila ng paghihirap (sa awtor ang sariling salin at pagpapakahulugan). Sa kabila ng hindi naging magandang karanasan ko sa 2024, puno pa rin ng pasasalamat ang puso kong nagawa kong maabot ang dulo nito. Ilang ulit ko mang nasabi sa sarili ngayong taon na “ayoko na” at “hindi ko na kaya”, narito pa rin ako. Binabalikan nang may ngiti’t kaluwagan ang mga pagsubok na naranasan. At kagaya noong nakaraang taon, nananabik ko pa ring tatanawin ang 2025, anomang pagpapala o pagdurusa ang bitbit nito sa akin.
Ang Pakikinig at ang Saríng Dahilan ng Paghahanap ng World Peace
“Class, subukan n’yo ngang kapain ang hugis o molde ng iyong mga tainga gamit ang dalawa n’yong kamay. Pagdugtungin ang mga ito, tingnan ninyo, ano ang mabubuo n’yo rito?
“Puso po, sir!” sigaw ng isa.
“Sir, bakit 'yong sa akin, ang nabuo, borger?” biro naman ng isa pa.
"Borger! Borger! Borger!" korus ng ilang mag-aaral sa likod.
Sabay hagalpakan ang lahat.
Lagi ko na atang inihihirit ang konsepto na may pag-ibig sa pakikinig, lalo na kapag ramdam kong nawawala ang atensiyon ng klase sa aralin. Bukod sa gusto ko ang bagsak sa tainga ng rima ng dalawang salita, may paniniwala akong hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Kung matututo tayong magbigay ng oras at panahon sa sinasabi ng iba, at hindi lang igiit ‘yong sa 'tin, malamang, baka matagal nang nakamtan ang lagi nang hangad ng mga beauty queen—world peace.”
Pero alam nating hindi laging gano’n ang senaryo.
Bawal na bawal tayong makinig sa usapan ng matatanda. Makailang beses din akong pinagsabihan noon dahil kay hilig-hilig ko raw umupo sa sirkulo ng aking mga magulang, mga tiyahin, mga bisita’t kamag-anak. Ibang bagay pa kapag sumasabat, nagtatanong, o nagbibigay pa ng opinyon. Gaya ng “Sino nga po uli iyong kabit?” Mapaaantandâ ang lahat ng makaririnig. Makikisabat na nga lang e bingi pa. Talagang may kalalagyan ang tainga ng batang makulit.
Kaya siguro, iyong Barangay Love Stories na drama sa radyo ang nasumpungan ko habang nagbibinata. Hindi rin naman talaga ako loner, marami din akong mga kaibigan na nakakaumpukan at nakakapalitan ng kuro sa kung anumang mga bagay gaya ng WWE, DotA, o Fliptop. Subalit sadyang may ibang hatid lang na mahika ang boses ni Papa Dudut habang binabasa ang liham ng letter sender hinggil sa kaniyang ika nga e, “mga kuwento ng pag-ibig, buhay, at pag-asa.” Talagang pinag-aaralan ko ang estilo ng pagbabasa ng nasabing DJ (ang diin sa mga salita, ang bagal o bilis ng pagpapadaloy, ang taas-baba ng emosyon sa bawat linyang buhat sa mga tauhan sa liham); hinuhulaan ang kantang ipe-play matapos ang isang bahagi ng kuwento, at tinatandaang mabuti ang bawat pangyayari dahil tiyak pagpasok sa klase, sa oras ng recess—gaano man kaikli ang 20 minuto—ipauulit muli sa akin ng aking mga kaibigan ang napakinggan no’ng linggong iyon. Tamad na raw silang makinig mismo sa programa. Noong mga panahong ‘yon kasi ay umuusbong na rin ang computer games na talaga namang hanep sa visual at sound effects. Tatawagin ng isang kaklase ang lahat ng mga interesadong makinig, ipupuwesto nang paikot ang nasa walo hanggang sampung upuan, bubuksan ang mga baon, at sisigaw nang, “Tara na, Barangay Love Stories na ni PapaLom!”
Nang maorganisa at mamulat ako sa mga isyung pambansa noong nasa kolehiyo na, pakikinig sa mga hinaing ng iba’t ibang sektor, lalo na ng mga kabataan, guro, at drayber ang naging idea ko ng pakikisangkot. Naging Pangulo ako ng SamFil (Samahan ng mga Nagpapakadalubhasa sa Asignaturang Filipino) sa isang lokal na pamantasan sa Pasig at volunteer ng PISTON Partylist - Pasig Chapter. Kasagsagan noon ng pag-aalis ng Filipino sa kolehiyo, sunod-sunod na demonstrasyon at strike sa matandang planta ng salamin sa Pasig, at umugong na nga ang planong pagpe-phaseout sa mga hari ng kalsada upang magbigay-daan sa pagpasok ng mga modern e-jeep na galing Tsina. Binakal ko ang dibdib sa mga tunay na kuwentong nagmumula sa mga gurong mawawalan ng ituturo, kawalan ng benepisyo ng mga manggagawang kontraktuwal, at ng nangangambang mga tsuper sa kalye na nakakapanayam namin sa bawat pagtungo namin sa iba’t ibang paaralan, pagawaan, at terminal. Taliwas sa mga kuwentong naririnig ko lamang sa radyo habang malikhaing binibigyang-buhay ng isang DJ, ito, nagmumula mismo sa kalam ng sikmura, kalansing ng maghapong pinag-ipunang barya, at higit sa lahat, mga tinig na nagkakaisa. Tila higit kong naunawaan ang kantiyaw ng mga nakatatanda (kapag inuuna ko ang reklamo bago sumunod sa utos) na kaya dalawa ang tainga at isa lang ang bibig ay upang mas magnilay muna tayo sa mga nangyayari sa paligid bago paganahin ang dila. Sa pamamagitan nito’y natuto muna akong magmasid at magtanong. Nang sa pagtatanong ay makapaglinaw, dito, unti-unting nakitaas na rin ako ng kamao, nakimartsa, at nakisigaw sa hanay ng walang ibang nais kundi mabuhay nang disente at marangal. Walang kapayapaan sa isip ng mga guro, manggagawa, at drayber (na pawang mga magulang at anak din) na aalisan ng ikabubuhay para bigyang-akomodasyon ang mga polisiyang nasa ngalan ng ganansiya’t kapital.
Taliwas sa matagal kong dinanas, sa aklat na Ang Sabi Mo, Ang Sabi Ko (na inilathala ng 8letters Bookstore and Publishing noong 2023) ko napagtantong hindi talaga isandaang porsiyentong solitaryong gawain ang pagsusulat. Marami tayong pinupulot na diwa, banghay, imahen, insight, o talinghagang pinahihinog natin sa isip, at saka itinatala sa mga pahina mula sa mga taong nakakausap o nakakapalitan ng mga pananaw. Aaminin ko, dahil sa palagay ko’y lamáng ang talino ng musang tinutulaan ko sa nasabing koleksiyon, higit kong pinagana ang aking pakikinig. Kung puwede nga lang, pati sixth sense ay aralin ko na rin! Sapagkat isa ring guro, manunulat, mananaliksik, sa proseso ng nasabing libro’y hindi lamang siya nanatiling musa kundi katuwang na manlilikha. Humuhugot akong lagi ng kung anuman sa aming mga napag-uusapan, gaano man ka-random ang mga paksa o tema. Halimbawa, sabi niya sa akin nang mapansing tila nagpapakaaligaga ako sa dami ng mga gustong gawin at patunayan sa buhay, “Ang saya sigurong maging pagong, 'no? Kaya siya nagtatagal ay dahil dahan-dahan siya, hinding-hindi nagmamadali.” Nang ang nasagap ng tainga ay inunawa ng isip, kagyat ay tinugon ko siya ng tula. Ito ang akda:
LAGI TAYONG MAY HINAHABOL
at sa totoo lang, nakakapagod.
Mga paslit pa lamang tayo'y itinanim
na sa ating isip ang pagtugis
sa ningning ng mga medalya
masilaw man
pagtuntong sa entablado
ng pakikipagtagisan
at sa bigat ng leeg
sa dami ng nakasukbit, ni hindi natin
magawang lumingon pabalik
sa gurong unang nagtiwala't
sa balikat tumapik.
"Masaya ang buhay ng pagong.
Kaya siya nagtatagal ay dahil
dahan-dahan siya, walang
sinumang hinahabol," sabi mo.
Itong karera—trabaho,
propesyon, pag-ibig na buwan,
taon, dekada nating iniraraos
pinagtatagumpayan
pinipili higit sa kung ano't
kanino man, laging may hanggahan.
Mananatili tayong alipin
ng mga kamay ng orasan.
Kaya ang sabi ko naman,
mahal, marahan man
itong pinipili nating paghakbang
nagkakabakas kung magkahawak-kamay.
Itinatanim higit sa isipang
hindi destinasyon ang
pinakadulo't tagumpay:
kundi mismong paglalakbay.
Salamat sa pagsabay, sa pag-akbay.
Sunod, bitbit na natin sarili nating bahay.
Ang kinamulatang pagtula na iniaalay lamang sa babaeng napupusuan ay nagbanyuhay bilang bagong poetika. Binabasa niya ang mga tula, nagkokomento, at nagbibigay-suhestiyon din, kapwa bilang manunulat at mambabasa. Sa aking pagyakap sa kaniyang mga salita, hindi siya nanatiling paksa (o pasibong imaheng malungkot ma’y kadalasang ipinipinta sa mga babae) kundi katuwang na artista at mangingibig ng sining. Isinilang ang Ang Sabi Mo, Ang Sabi Ko hindi lang upang maitala ang bawat usap, realisasyon, at aksiyon sa kung anumang mayroon sa bawat naming mga puso. Dinig ko sa kabog ng dibdib na bagaman may pagkakaiba, may pagkakatulad din. May magkahiwalay mang sinimulan, may kani-kaniyang lakbay naman hanggang magkrus ang mga daan. Ang buong proseso ng pagkakapanganak ng aklat ay pagdalisay sa posibilidad na nalilikha ng pagbubukas ng sarili sa iba.
Nang sumunod na taon, ang pakikinig at pag-aakdang ginawa kong akto ng pagtugon sa aking musa at kapwa-manlilikha ay nagbunga ng isang kolaboratibong proyekto. Pinamagatan namin itong Sarí. Diin sa sari-sari o iba-ibang mga bagay, danas, at usaping araw-araw ding pinagdaraanan ng marami. Hindi tula at sanaysay na halos dekada ko ring pinagsumikapang isapraktika. Nobela. At hindi lang basta nobela, tinagurian namin itong Dagling Nobela! Ang bawat kabanata ay nasa anyo ng dagli. Mabilis basahin (dahil sa kipil o ikli) ng mga nagmamadali o wala masyadong oras makapagbasa, at mas tumuon sa aktibong paggampan ng pananaw ng mga tauhang sina Marcus at Luna. Sa kani-kanilang buhay at disposisyon bilang mga guro't mag-aaral sa antas-gradwado—at higit, sa kani-kanilang mga piniling adbokasiya. Dagli rin mismo ang proseso ng pagkakasulat, walang depinidong banghay at mas tauhan ang nagtatakda ng kuwento, lalo na sa pagreresolba ng kanilang internal na mga suliranin, motibasyon, at personal (tungong kolektibong) pagsulong. Pagkatapos na maisulat, agad ding ie-edit at gagawan ng pubmat. At siyempre, dagli ring ibinabahagi sa lahat! Libre itong mababasa sa Facebook Page ng 26 Pages, isang independent publishing na ang layon talaga’y maglathala ng mga interesante at kapana-panabik na akdang pampanitikan. Planong ilunsad sa Marso 2025 bilang isang pisikal na aklat. Aaminin ko, takot ako sa anumang bagay na dagli dahil sa posibilidad ng agaran ding paglisan at pagkawala. Subalit sa pagkakataong ito, isinusugal kong tama ang ibinubulong ng aking puso: bagaman dagli, nobela rin itong may sariling buhay at ningning. Tiyak, hinding-hindi ako nito bibiguin.
Hanggang ngayon, aminado akong inaaral ko pa rin ang sining at pilosopiya ng pakikinig, upang gaya nang dati, mayroong maibahagi. Katulad ng paningin, pang-amoy, panlasa, at pandama, kailangan nito ang utak para maiproseso ang kung anong nasasagap. Maraming hamon sa pakikinig ang talagang sumubok din sa akin bilang tao. Ano-ano ang mga naulinigan ang dapat o hindi dapat ibahagi sa iba? Paano dapat matigilan o maiwasan ang pagtataingang-kawali, lalo na sa sitwasyon at panawagan ng iba, higit iyong may maliliit na tinig sa lipunan? Ano-ano sa mga pumasok sa tainga ang dapat itatak sa isipan, o hayaang "pasok sa kanan, labas sa kaliwa?" Isang anyo ng respeto ang pakikinig, lalo na kung hindi lamang nakatuon sa kung anong namumutawi sa bibig kundi maging sa ipinahahayag ng katawan.
Habang naghahanap ng katwiran sa mga tanong na ito, hindi ko maiwasang maisip ang lagi kong hirit sa mga mag-aaral: May pag-ibig sa pakikinig. Kailangan lang marahil unawain at isabuhay ang aral ng pagong hinggil sa pagkalma at paghimpil, upang magkaroon ng sandali ng meditasyon: Ano ang hindi ko napagmumunihan ngayong puno ang utak ng sariling mga problema at hamon? Minsan, sa pagsasara ng tainga, pagkabulag at pagkamanhid ang kadalasang kinahihinatnan.
At hindi ba, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusulat, nagagawa nating umibig at makinig sa libo-libong mundong maaari pa nating danasin at tuklasin? Baka iyon ang kailangan nating gawin, kasabay ng paghahanap ng sagot sa pagkakamit ng tila napakailap pa ring world peace.