Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Masarap bumiyahe pag bengi (gabi). Hindi siksikan sa bus. Walang mga pasaherong napilitang tumayo sa gitna / daanan ng tao. Lahat nakaupo, may mga bakanteng upuan pa. Wala akong katabi kaya puwede akong humilata na parang masayang pusa.
Pero siyempre, alam kong makasarili ang ganitong kasiyahan, dahil mas maraming bakanteng upuan at mas kaunting pasahero ay nangangahulugan na mas kaunting kita / komisyon para sa driver at konduktor.
Madilim sa loob ng bus, maliban sa ilang makukulay na ilaw. Pinapa-meme kami ng driver at konduktor. Minsan may naghihilik. Minsan may biglang lalaya na hagikhikan. Minsan may mga taong tulad ko na sinasamantala ang kapangyarihan at kalayaang dulot ng dilim: (1) malaya akong nakakapangulangot, (2) malaya akong nakakapag-lipsync, at (3) malaya akong nakakapagpasayaw ng mga balikat pag dance mode ang playlist sa cellphone ko.
Madalas lumalagos sa mga bintana ng bus ang mga ilaw mula sa headlights ng nakakasalubong na mga sasakyan dito sa NLEX. May naalimpungatan dahil sa panaka-nakang pagkasilaw.
Mas mabilis ang biyahe pag bengi. Mas kaunti ang mga sasakyan keni sa NLEX. Kalakhan ng kasabay ng bus ay mga trak. Maraming trak ang hindi ko alam kung anong laman dahil mga container van ito o di kaya’y may mga trapal ang likuran.
Pero sa mga naaaninag o nahihinuha, iba’t ibang klase ang bitbit o sakay ng mga trak: semento, buhangin, kahoy, grocery items. Mayroon ring calculator: isang trak ng calculator! At meron ring ang sakay ay mga nagsisiksikang buhay na puting mga manok.
Habang nililibang ko ang sarili sa pagtingin sa mga higanteng billboard sa NLEX, naiisip ko yung mga puting manok at kung anong kapalaran ang nag-aantay sa kanila pagdating sa kanilang bagsakan sa Maynila.
Mag-a-alas onse na ng gabi nang nakasakay ako sa bus papuntang Guagua. Nag-unahan at nagbalyahan pa ang mga pasahero para lang makasakay pero nakaupo naman kami lahat at maluwag pa nga. Nag-antay pa ng ilang minuto ang drayber at konduktor. Nasakyan ko na dati itong bus na ito dahil automatic na nakakonek ako sa wifi ng bus. Sinubukan kong manood ng episode 1 ng Meteor Garden 2018 sa Kiss Asian website pero may sumulpot na mensahe mula sa ABS-CBN na pina-block na raw nila ito.
Naghanap ako ng iba pang website na may libre at naka-English subtitle na Meteor Garden. Marami! Nalibang ako at hindi namalayang puno na pala ang bus. Marami na ring nakatayo sa gitna. May tumabi sa aking isang nanay na may kargang baby.
Nakatingin sa akin si Bebe Gurl. Pinakenkoy ko ang mukha ko: ito ang madalas kong gawin kapag nakikipaglaro ako sa mga baby. Kinalabit niya ako nang kinalabit. Naka-earphones ako. Nginitian ko ang baby at sabi ko sa kanya, “Sleepy ka na,” dahil nahiwatigan ko na pagod ang kaniyang nanay. Tinanong ko ang nanay niya kung ilang buwan na si Bebe Gurl. Pitong buwan na raw. Sabi ko, “Anlaki niya po.” Oo nga raw at nahihirapan na nga raw yung nanay. Tapos tinanong ko kung saan ba sila bababa. Sinagot niya ako ng tanong: “Dadaan ba ito sa SM (Pampanga)?” Sabi ko, “Baka bago po mag-SM.” Iminungkahi ko na tanungin rin namin yung konduktor dahil papalapit na si Kuya at magtitiket.
Matapos makuha at magbayad ng tiket, parang inaantok na si Bebe Gurl kaya inihanda na ng nanay niya ang gatas. May mga laway ang kamay ni Bebe Gurl. Paano ko nalaman? Kasi kinakalabit at hinahawakan ni Bebe Gurl ang kanang braso ko. Hanggang sa nakatulog na si Bebe Gurl ay nakahawak pa rin siya sa damit ko. Hinayaan ko. Baka ganun ang sikolohiya ng baby. Nakakapit para hindi maligaw habang natutulog at nananaginip.
Magaling manghalik si Tuka, pero hindi siya mahusay sa kama. Kaya ang pinakagusto niyang panahon sa isang relasyon ay iyong puntong nagkakaigihan na sila ng babae, pero hindi pa all the way. Nang lumaon sa kanyang buhay natutunan na lang niyang iwan ang isang babae bago sila maging sobrang seryoso. Pero sa puntong ito ng kanyang kwento hindi pa niya alam na magiging ganito siya.
Sinusubukan pa rin niya na palawigin ang kanyang husay, na maging singgaling ng kanyang pakikipagtalik ang kanyang panghahalik. Nagbasa siya ng iba't ibang libro ng self-help, nanood ng mga guru sa YouTube, at nakinig sa daang oras ng podcast tungkol sa paksa.
Pero hindi lang naman ito ang aspekto ng kanyang buhay na gusto niyang maging mas magaling pa. Gusto rin niyang maging mahusay na pinuno. Maraming dahilan kung bakit. Unang-una na, megalomaniac siya. Napakalaki ng ego niya, at, hindi naman niya ito ikakaila, mayroon silang messiah complex. Pero pangalawa, dahil nakikita niyang mali-mali din ang mga nauna sa kanya. Kaya sigurado niyang hindi pa nagbabalik ang mesiyas, kasi kulang-kulang ang mga pinunong sinundan niya. Halimbawa nito, si Noynoy Aquino, na pinaniwalaan talaga niyang "empleyado" niya (kasi nga raw, siya ang "boss" nito). Isa pa si Leni Robredo, na pagkatapos matalo sa eleksyon ng 2022 ay nanahimik na lang (at nakipagkamayan pa kay BBM noong 2024). Pakiramdam ni Tuka, sige, malamang hindi siya ang Manunubos. Marami naman din siyang pagkukulang, hindi lang ang kanyang kapalpakan sa kama. Pero hindi niya malalaman kung talaga ngang hindi siya ang Manunubos kung hindi siya susubukan. Kaya nag-aral din siya ng iba't ibang paraan ng pag-oorganisa. Nabasa niya noon na guro pala ni Hilary Clinton si Saul Alinsky, kaya binasa niya ang mga libro ng lalakeng ito.
Gumawa nga siya ng bersyon ng blurb ng isa sa mga libro nito: "Hindi n'yo siya matatakot. Hindi n'yo siya masusuhulan. Patayin n'yo na lang." Naniniwala si Tuka na hindi maaaring magkaroon ng pagbabago sa lipunan kung hindi malaki ang organisasyong itatatag niya. Isa pa, bilang megalomaniac, mas magandang mas maraming nakikinig sa kanya kaysa kaunti.
Alam niya ang mabuting aral ni Tarantino, na nilisan ang mundo ng mga wirdong eksperto sa pelikula at nakipagkaibigan sa mga mas magaling sa kanya. Ang mabuting aral ay ito, na hindi ka dapat nananatili sa isang barkada dahil lamang ikaw ang pinakamagaling sa inyo. Dapat lagi kang tinuturuan ng mga kaibigan mo. Sa mga kaibigan ni Tuka, kahit na alam niya ang mabuting aral na ito, hindi niya mabitiwan si Loro. Super fan niya kasi ito. Hindi kasi ito magaling sa halik, kaya laging nagpapaturo sa kanya. Hindi rin ito magaling sa pakikipagtalik, kaya walang maipagmamalaki sa kanya. Ang tawag nito sa husay sa mga bagay na may kinalaman sa mga relasyong sekswal ay bilis. "Ikaw ang pinakamabilis!" sabi nito kay Tuka. Pag nabibigo si Tuka sa date, o di kaya'y nilangaw ang mga pagtitipon na buwan niyang inorganisa, lagi niyang kinikita si Loro. Pagkatapos, para siyang lobo na napupuno muli ng
helium, handa nang lumipad muli. Ang helium ang mga pambobola ni Loro. Hindi. Hindi pambobola. Papuri. "Papuri kay Tuka," kanta pa nga nito, "papuri kay Tuka. Papuri kay Tuka sa kaitaasan. At sa halik ay napakahusay..."
Kung ano si Loro kay Tuka, ganoon naman siya kay Sheryl. Si Sheryl ang lahat ng gusto niyang maging. Magaling na nga sa kama, tinitingala pa bilang pinuno. Noong pandemya, nakapagtatag ng sarili niyang sangay ng food pantry si Sheryl. Nagawa na rin nitong makipagtalik sa banyo ng eroplano, bagay na noo'y inaakala ni Tuka ay para lang sa mga puti. Pero, samantalang kaibigan ang tingin ni Tuka kay Loro, underperforming na kaibigan totoo, pero malaki ang potensyal, ang attitude ni Sheryl sa kanya, pinakamabait nang tawaging condescending. Lagi siyang minamaliit nito.
Akala niya noong una, nagtatanong ito tungkol sa kanyang mga pagtatangka para bigyan siya ng pointers. Nahalata naman niya agad na puro lang ito "Kaya naman pala!" at "Anong inaasahan mong mangyari?" Hindi daw butones, hindi daw butones, bakit daw niya alam na hindi butones, hindi naman ipinapaliwanag ni Sheryl kung paano dapat tratuhin ang hindi butones. Kung hindi ito butones, ano ito?
Ang kinaiinisan niya sa sarili niya, lagi pa rin niyang tinitiis ang pandudutsa nito. Balik pa rin siya nang balik, na para bang nag-eenjoy siya sa panlalait. Masokismo ba iyon, o repetition compulsion? Kung anoman, ikinakahiya niya. Bakit ba niya pinipili ang company ng isang taong hindi man lang siya tingnan bilang peer, kumpara sa isang taong ang trato sa kanya ay peerless. Sabagay, kung gusto niyang maging pinuno, hindi super fan ang kailangan niya. Ang kailangan niya ay matutong magmaneobra ng mga taong walang respeto sa kanya. Sa ganitong paraan, naging parang sa Sith master at apprentice ang relasyon nila ni Sheryl.
Si Sheryl ang may kapangyarihan, at gusto niyang agawin iyon. Lagi siyang nagbe-brainstorm sa kanyang journal ng mga pwedeng gawin para mahigop, kumbaga, ang talento ni Sheryl.
Pagkatapos ng isang napakabrutal na pagkabigo sa parehong kama at pag-oorganisa, iniwan siya midway ng kanyang partner para pumunta sa ibang rally, date sana iyon na pangtagal sakit sa nangyari noong hapon, nang hindi lang sa walang pumunta sa nirentahan niyang multifunction room, ang tanging taong pumasok na agad niyang inabutan ng brochure ay pumasok lang pala para magnakaw ng monobloc. Kaya tinawagan niya si Loro.
"Kamusta?" tanong niya. "Ang tagal na nating hindi nagkikita." "Oo," sabi ni Loro. "Tatlong buwan, sampung araw na." Isa iyon sa mga natutunan ni Loro mula sa kanya, ang pagle-ledger. Nagkita sila sa Morato, sa isang kapehan isang kanto lang ang layo mula sa dating Ozone.
Hindi man lang matingnan ni Tuka ang sarili sa cellphone, i.e. hindi siya makapag-selfie, hiyang-hiya siya, kaya nangyari ang madalas na mangyari, hinayaan niyang magsalita si Loro tungkol sa buhay nito. Hindi niya maintindihan ang karamihan sa mga pinagsasabi nito, kalahati lang siyang nakikinig, pero isang salita ang humuli sa kanyang mga tenga: "hamon." "Hamon?" tanong niya. "Challenge," sabi nito. "Hamon, ano ka ba?" Gen Z si Loro at mali-mali ang pagbigkas sa mga salitang Filipino, tulad ng "Calamba" at "poot" ("put" daw ito, i.e. utot). "Pero ano ang sinasabi mo tungkol sa hamon?" "Kunwari pa ito. Ikaw din naman nagturo sa akin. Ang bully, kamo, ay isang hamon. Uh," kumunot ang ulo nito, "a test of your mettle." "A, oo." Nakuha iyon ni Tuka mula sa isang pelikula ni Liam Neeson, na hindi na niya gusto ngayon dahil sa ilang racistang pahayag nito laban sa mga Aprikanong-Amerikano. Umabot ng bukang-liwayway ang tambay nila, pero hanggang makauwi umalingawngaw sa bungo ni Tuka ang isang salita at isang salita lamang: hamon. Hahamunin niya si Sheryl para ipahiya ito.
Ang magaling kay Sheryl, alam nito kung saan ito magaling. Magaling itong mag-bowling, kaya laging vine-veto pag may nag-aaya ng videoke. Magaling itong mag-surfing, kaya tumatanggi sa mga outing na swimming pool ang main attraction.
May paradoha dito, na ang isa sa pinakamayabang taong kilala ni Tuka ay isa din sa mga pinakamakapagkumbaba. Kaya mahirap, sabihin na nating malaking hamon, para kay Tuka na kunin ang kapangyarihan nito. Hindi lalaban si Sheryl sa isang kalabang alam nito'y mas makapangyarihan. Ito ang Reyna ng Low Hanging Fruit. Nagsimula si Tukang mag-compile ng mga bagay na magaling at di-magaling si Sheryl. Gamay nito ang pulitika ng Timog Silangang Asya, pero hindi ang Gitnang Silangan. Maalam ito sa teatro, pero halos wala sa bokabularyo nito ang visual arts. Lagi, pag may nagtatanong kay Sheryl ng hindi nito alam, imbes na magsinungaling at magkunwari, o amining hindi nito alam, minamaneobra nito ang usapan sa paksang eksperto ito. Kaya lagi itong mukhang matalino, pakiramdam tuloy ng nagtanong walang kwenta ang orihinal nitong tanong, at ang tunay na mahalaga ay ang tanong na sinagot ni Sheryl. Halimbawa natanong ito dati nasa audience si Tuka akala talaga niya hindi ito makakalusot, tungkol sa kung meron ba o walang Diyos. Namangha siya sa acrobatics na isinagawa ni Sheryl, pero nang sa wakas ay sumagot ito, naging "Who will save your soul?" na ang tanong. Palakpakan ang mga nakatunghay ng pagtatanghal.
Muli, si Loro ang naging solusyon sa mga problema ni Tuka. Isang beses na kasama niya itong nagtatanghalian sa isang carinderia, ginulat si Tuka ng bulong sa kanyang kanang tenga. Si Sheryl pala! Nagsisimula na agad ito ng sermon tungkol sa pagiging inawtentiko ng terminong "turo-turo," na imbento lang daw ni Aga Mulach sa isang adlib sa pelikula nito kasama si Dianara (Basta't Kasama Kita) nang mapansin nito si Loro. Nakita ni Tuka ang mga mata ni Sheryl.
Nagtataka ito kung bakit kahit na ito na ang nagsasalita, at panay kahenyuhan ang inuusal, sa iba nakatingin si Loro--kay Tuka! "Ipakilala mo naman ako sa kaibigan mo," sabi ni Sheryl. Ang ginawa ni Tuka sa sandaling iyon ang isa sa pinakamahusay na ginawa niya sa kanyang buong proyekto: sinabi niya, "Ay, kailangan na naming umalis. Pasensya ka na a."
Tawo sa Lipod, a nature spirit, is closely akin to an Engkanto or sprites believed to live in abandoned places or homes with few inhabitants, occasionally making mischievous pranks to the home owner by hiding or misplacing things. (Calabanga folktale, Bicol-Naga dialect, Camarines Sur).
Nakatukaw sa saiyang lumba-lumba an sakuyang Lola Dida, mina-hinghing sa tahaw kang lapnit asin kurob-kudob ni Reming. An mapusyaw na kandila na sinabritan miná-aninaw sa limang anino na nakapalibot saiya.
Naka-kurapot ako sa sakuyang lolahon, halipot ang hinangos sa kada istorya, asin mina-sagitsit ang sakuyang turuhok sa madiklom na parte kan samuyang harong. Ini, dae abot kang aninaw kang samuyang kandila. Garu may nakasirip sakuya duman.
An sambit ni Lola:
“An sabi kang satong mga ápo kan panahon, nungka na ang harong magka-igwa
ning kwarto na mayong mina-tinir, ta an taho sa lipod mina-rani sa mga harong
na mapungaw. Asin kun pira ang nakaistar sa harong, iyo man din an numero
kang taho sa lipod na minaistar igdi.”
Nagirumduman ko ang pang tulong kwarto sa samuyang cusina, harani sa pugon na mayong mina-tinir apuera sa samuyang sako-sako ning mga inani na paroy asin an samuyang ikos sagkod an saiyang mga ugbon.
An padagos ni Lola:
“Kan kami náuli-uli sa Pagao pára mag tiklad asin mag-ani ning paroy, pwerte an
barat mi igdi sa harong, alagad makikilagan ka báya ta sa samuyang pag-uli kada
domingo nin hapon, may mga tasa ning pinag-kinapihan asin mga sinapna-an
sa pugon, maimbong pa sa baga ning uring.”
Uminagi an labi-labi nin taon, asin an samuyang namomotan na lolahon nanginot na sa buhay na ini. Paka-lubong saiya, palsok na an kandila, isinaray na ang lumba lumba. Tuninong na maray an samong harong, pwera sa takatak kan samong orasan, asin an padara-daplis n abura kan tuko na yaon sa samong kisame.
Inalaw ning kapungawan ki Lola Dida an samuyang familia Tinambac. Nag pa-hayahay kami asin an samong kabuan para iwaklit an lumbay, asin ang nakaka-puot sa daghan ning kumunduan. Sulnop na ang saldang sa ilahod, kan nakauli kami hali sa rabasan.
Pag dangka mi sa harong, nagka-hilingan kami kan sakong ina, huli ta siring sa istorya kan samong Lolahon, an mga kubong sa kada kwarto naka-tindi, an kaldero may tipo, asin maimbong sa palad ang limang tasa na nasa lamesa. Nag raginit an katre sa pang-tulo na kwarto harani sa kusina.
Halipot an hinangos na tig-birik ko ang trungka, asin nahiling ko an pang-anom na tasa na nasa katre, hinahalat kami.
Tres syentos sais-sienta y siete na tataramon
Para ki Candida Camigla ✞
Salin sa wikang Filipino
Nakaupo sa tumba-tumbang upuan ang aking Lola Dida, bumubulong sa gitna ng lakas ng ulan at kulog ni Reming. Mapusyaw ang kandila na umaaninaw sa limang anino na nakapalibot sa kanya. Nakapulapot ako sa aking Lola, mabilis at mababaw ang hinga sa bawat kwento, padaplis akong tumingin sa pang huling kwarto sa aming bahay na hindi abot ng liwanag ng maliit na kandila tila ba may nakasilip saamin.
“Ang kwento sa akin ng mga nakakatanda noong panahon, kailangang ang lahat ng kwarto sa bahay ay may naka tira dahil ang mga hindi nakikita ay malimit na naiinganyo ng mga bahay na puno ng lumbay, at ang bilang ng tao na nakatira ay sya ring bilang nga mga hindi nakikitang kasama sa bahay.”
Naalala ko ang pang tatlong kwarto na ang natutulog lamang ay ang mga sako-sakong inaning bagas, ang aming pusa, at ang kanyang mga kuting.
“Kapag kami ay uuwi sa Pagao upang humabi ng tiklad at mag ani ng palay, mahigpit ang pag sara naming sa ating bahay, ngunit nagugulat kami, dahil sa pag uwi namin tuwing dapit hapon ng Linggo, ay laging may mga pinag-kapehan na tasa, may pinag-saingan, at ang pugon ay mainit pa sa baga ng uling.”
Dumaan ang ilang taon at yumao ang aming minamahal na Lola. Pagkatapos ng kanyang libing, hinipan na ang kandila at iniligpit ang tumba-tumbang silya, at maliban sa tunog ng orasan ay tumabing ang katahimikan sa aming tirahan. Dinala kami ng aming lungkot at lumbay sa bayan ng Tinambac. Idinaan sa pagpapahinga at pagliwaliw ang pighati at pangungulila.
Dapithapon na ng dumating kami sa aming bahay, nagitla at nagkatinginan kami ng aking ina, dahil katulad ng kwento ni Lola, ang mga kulambo ay naka tirik, ang kaldero ay may tirang tutong, at mainit pa sa palad ang limang tasa na nasa lamesa. Lumangitngit ang higaan sa pang huling kwarto. Mababaw ang hininga ko ng aking pinihit pabukas ang pintuan at mabungaran ko ang pang anim na tasa na nasa higaan, inaantay kami.
‘Mayo na ulit, ibig sabihin Flores de Mayo na!’ ang kinikilig na wika ni Elena. ‘Oo nga Flores de Mayo na, nasasabik na akong magsuot ng kumikinang na damit’, ang tugon ni Caridad kay Elena.
‘Elena…. Caridad…. May pasalubong ako sa inyo!’ ang pagtawag ni Nanay Mora mula sa sala. Dali daling nagtungo ang dalawa sa sala, nakita ni Caridad ang kumikinang na kasuotan na hawak ni Nanay Mora. Tuwang-tuwa ito at agad na kinuha ni Caridad ang damit sa kamay ng kanyang Nanay Mora.
‘Wow! Ang ganda po nito Inay!!! Bagay na bagay po ito sa akin’, ang sabik na sabik na wika ni Caridad.
‘Caridad, kay Elena ang damit na iyan. Hindi pa kita nabibilhan ng damit na isusuot para sa Flores de Mayo, kaya binilhan muna kita nitong sandals, sukatin mo muna ito kung kasya sa’yo.’ ang sabi ni Nanay Mora kay Caridad. ‘Ahh, okay po, Inay’ ang malungkot na tugon ni Caridad.
Habang sinusukat ni Caridad ang kanyang sandals ay siya namang dating ni Elena at agad niyang sinukat ang makinang na kasuotan na binili ni Nanay Mora. ‘Inay, maraming maraming salamat po sa inyo, napakaganda po ng damit ito’, ang wika ni Elena habang nanggigilid ang mga luha sa kanyang mga mata.
‘Sa tuwing sasapit ang Flores de Mayo, lagi nalang si Elena ang binibilhan ni Nanay ng magagarbo at bagong kasuotan. Samantalang ako, heto… lagi nalang naghihintay sa kung ano ang ibibigay ni Nanay na pwede nang suotin. Hindi lang naman si Elena ang may pangarap ng mga bago at magagarbong kasuotan tuwing Flores de Mayo. Pangarap ko rin ‘yon. Atsaka, anak din naman ako ni Nanay Mora ah.’
‘Peo sabagay, kailangan ko pa ring unawain ang sitwasyon ng aking kapatid, dahil sa buong buhay ni Elena, siya ay espesyal na prinsesa ng aming pamilya.’
Simula pagkabata ay iba na ang pagtatangi ni Cynthia sa hardin ng kanyang lola. Ang kanilang maliit na bayan malapit sa kabundukan ay kilala sa pagbebenta ng mga prutas dahil sa lamig ng panahon dito. Isa ang kanilang pamilya sa nag-aangkat ng mga paninda na ilalako sa mga turista o kaya naman ay ihahatag sa palengke. Kahit na marami ang may tanim na prutas sa kanilang magkakapit-bahay, pinakamarami pa rin ang suki ng kanyang lola. Ayon kasi sa mga tindero’t tindera, iba ang tamis at linamnam ng mga pananim sa hardin nila. Sinisigurado kasi ng lola niya laging nadidiligan ang mga halaman, nalalagyan ng pampataba ang lupa na walang halong kemikal, at hindi nadadapuan ng mga insekto ang mga bunga maging ang mga dahon.
Isang araw ay bigla na lamang nawala ang kaniyang lola. Sa tingin nila ay sumama ang loob nito matapos mapabalita na may bago nang pinagkukuhaan ng prutas ang mga suki niya. Mas marami at matatamis na raw kasi ‘yong sa kapitbahay kumpara sa tanim ng lola ni Cynthia. Ilang araw nagmukmok ang kanyang lola. Hindi nila ito makausap at nakatitig lamang sa kanyang mga pananim habang hinahaplos ang mga ito. Pagkalipas ng tatlong araw, hindi na ito muling nakita. Sinubukan siyang hanapin ng mga kaibigan at kapitbahay, ngunit walang bakas kahit saan.
Sa kabila ng biglang pagkawala ng kanyang lola, yumabong at namunga ang mga puno nila sa hardin. Hitik na hitik ang kiat-kiat, mansanas, longgan, at iba pa. Akala nga ng taumbayan ay titigil na ang pamumunga nito simula nang mawala ang lola ni Cynthia. Naniniwala kasi sila na ang dahilan sa pagiging malusog ng mga ito ay dahil sa kamay ng kanyang lola at sa pagiging maalaga nito. Ngunit, mas lalo naging buhay na buhay ang mga puno at lalo pang tumamis ang mga bunga nito matapos maglaho ang matanda. Bukod sa mga dating suki ay nadagdagan pa ang mga bumibili sa kanila. Maaga pa lamang ay pinipilahan na ito ng mga nangangalakal na may dala-dalang buslo at nag-uunahan sa pamamakyaw. Ang ilan pa nga, kahit hindi pa nakakaalis sa hardin ng mag-anak ay nginangasab na ang mga prutas. Nakangiting pinapanood ni Cynthia ang bunga ng mga pinaghirapan ng kanyang lola.
Araw-araw ay nagpapasalamat si Cynthia sa kanyang lola at sa mga puno sa patuloy na pagbibigay nito ng mga bunga.
Diniligan niya ang mga puno tulad ng nakagawian.
Pagkatapos ay kinuha ang maliit na pala upang tabunan ang lumilitaw na mga naaagnas na daliri ng kanyang lola sa ilalim ng puno ng longgan.
Hindi na bago para kay Rita ang ganitong tagpo. Pangatlong beses nang may mga di-kakilalang kumakatok sa kaniyang pinto. Lahat sila, basa-ng-ulan na dumarating sa harap ng kaniyang bahay para manghingi ng pamalit na damit. Noong nakaraang taon lang, dalawang batang babae ang bumisita. Nang tanungin niya kung taga-saan sila, wala sa kanila ang nagsalita at itinuro lang ng mga ito ang magkasaliwang uuwian nilang nasa magkaibang direksiyon. Naitanong niya tuloy sa isip kung bakit magkasama ang dalawa at bakit ipinasya nilang maligo sa ulan kahit gabi na. Subalit mas inalala niya ang hiling ng mga ito. Mabuti na ring may mga pinaglumaang damit ang bunso niyang hindi na ginagamit. Dinoble niya ng plastik ang mga damit, iniabot sa mga bata, at pinayuhang maligo agad pagkauwi upang hindi magkasakit.
“Hindi na kami magkakasakit.”
“Wala na pong sakit,” magkasalit na sabi ng mga bata bago tumakbo sa magkahiwalay na direksiyon palayo sa pinakiusapang bahay.
Hindi na bago para kay Rita ang ganitong tagpo. Kanina, habang nananonood sa TV ng balita tungkol sa bagyo, tatlong magkakasunod na katok ang umagaw sa kaniyang pansin. Naroon ang de-kurbatang mamà sa harap ng pinto, na tulad ng dati ay nanghihingi ng tuyong damit na pamalit. Pinaghintay ito ni Rita sa silong habang naghahagilap ng maibibigay. Nang makompleto ang T-shirt, shorts, at tuwalya, isinilid niya ang mga ito sa dobleng plastik bago ibinuhol. Sa mga sandalling ito, sumapit sa pag-unawa ni Rita ang ibig sabihin ng mga pagbisita, ng mga dumadalaw sa harap ng kaniyang pinto.
Pagkaabot ng plastik, tinanong niya ang kausap, “Taga-saan ka ba?”
“Sa Sitio Alimasag, sa may San Jose,” sagot ng lalaking tinatagaktakan pa rin ng tubig-ulan.
“Malayo-layo pa ‘yon dito.”
“Dito na po ako napunta dahil sa bagyo.”
“Di ka na ro’n makakauwi, hijo, pero makakadalaw ka pa. Pag nagawa mo ‘yon, magpahinga ka na.”
“Salamat ho,” pahayag ng inabutan bago tumalikod at magsimulang lumakad sa ulan.
Hindi na bago para kay Rita ang ganitong tagpo subalit ngayon lang niya ganap na nauunawa ang lahat. Labing-isang taon na mula nang mangyari ang mapaminsalang bagyo. At kayrami pa rin nilang hindi pa nakauuwi.
Sa tatlong buwan na rin nilang pagdi-date ni Samantha, ngayon lang nagkalakas-loob si Ben na yayain ang nililigawan sa sariling condo unit. Bugso lang ng damdamin ang lahat. Tulak ng bibig na mag-alok ng bago sa namumukadkad pa lang nilang pag-uugnayan, kumbaga. Kaya’t kahapon, bago nila putulin ang tawag, nasabi niyang “Kung okay sa ‘yo, ipagluluto kita bukas sa condo ng specialty kong bicol express.”
Ang totoo, hindi naman Bicolano si Ben at lalong hindi siya marunong magluto. Kung ibebenta niya ngayon ang kaniyang induction cooker, puwedeng-puwede niya iyong label-an ng “brand new” at hindi siya kailanman uusigin ng kaniyang konsensiya. At dahil nabanggit na rin natin ang pagkain, piho kong akmang sabihing “napasubo” lang talaga ang bida nating tauhan.
Nang kagyat na sumagot ang sinusuyong dalaga ng “Sige, puwede naman ako ng lunch time,” agad nang nagbanggaan sa isip ni Ben ang mga dapat gawin: mag-ayos ng kuwarto, maglinis ng mga kalat, magsalansan ng mga libro sa shelf, maghugas ng mga pinagkainan, mamili ng mga rekado, mag-search ng recipe, atbp., atbp., atbp. Excitement at kaba. Ito ang nasasalikop sa kaibuturan ng kaniyang pandama na madali naman niyang napakalma. Alam niya kasing nasa palad niya ang ikatatagumpay ng alok niyang date. Iisa lang ang wala sa kaniyang kontrol, si Buddy, na alaga niyang aspin. Mula nang ma-rescue niya ito mula sa animal shelter, hindi pa nito nararanasang magkaroon ng bisita sa condo. Hindi sigurado ni Ben kung ano ang magiging reaksiyon nito sakaling may ibang taong omokupa ng itinuturing na teritoryo. Di tulad ng ilang kalat na puwede lang sipain ni Ben sa ilalim ng maliit niyang sofa, hindi niya basta maaaring itago lang ang alaga. Ang kaya niya lang gawin, bigyan ito ng treats habang sinasabing, “Pakabait ka mamaya, Buddy, ha? May bisita tayo later. Espesyal. Magkakampi tayo. Huwag mo ‘kong ipapahiya.”
Pagkatanggap ng text na “Dito na ako sa lobby,” mula kay Samantha. Wala nang choice si Ben. Hahayaan na lang niyang gumulong ang lahat. Mas inaalala niya ngayon ang aasalin ni Buddy pagkakita sa bisita.
Habang nasa elevator, lalong sumikdo ang kaba sa dibdib ni Ben. Naunahan na naman ng bibig niya ang sariling isip kaya’t nasabing “Si Buddy, medyo suplado ‘yon sa tao. Baka tahulan ka. Sorry na kaagad.”
“Ano ka ba, sanay naman ako sa aso. Marami kaming alaga sa bahay.” Walang naisagot si Ben. Naisip niyang baka ang amoy ng mga alaga ni Samantha na kumapit sa kaniya ang lalong magpagalit kay Buddy. Pero bahala na. Wala na talagang atrasan.
Nang matapat sila sa harap ng unit at matapos susian ang pinto, pinauna niyang papasukin si Samantha. Huli nang naisip ni Ben na sasalubong ang aso sa pagpasok. Nang makalusot ang buong katawan ng bisita sa pinto, nakita ni Ben kung paano ito tinalunan ni Buddy… kumakawag-kawag ang buntot at pinagsasalit ang pag-amoy at pagdila sa kamay ng bisita ng amo.
Dito natiyak ni Ben na magiging maayos ang date nila sa araw na ‘yon lumabis man sa anghang ang luto niyang bicol express.
*Sa alaala nina Kiwi at Bratty, mga minamahal na alaga.
Mula sa benda sa aking paa at kamang aking hinihigaan, madaling matutukoy na nasa hospital ako. Nang sandaling iyon, hindi ako nagtaka, hindi ako nagtatanong. Nakikiramdam ako.
Malungkot na pangyayari ang malimutan mo ang password sa FB at email lalo na sa panahon ngayong umiikot ang mundo sa mga post at chat. Mas malungkot kung ang makalimutan mo ay ang PIN ng iyong ATM card at hindi mo ito naisulat o nabanggit kahit kanino. Mapapawi marahil ang lahat ng iyong lungkot at tripleng saya siguro ng puso kung lahat ng masasakit at malulungkot na pangyayari sa buhay mo ang iyong makalilimutan. Sana nga ay ganoon kasimple ang buhay.
Slight Brain Trauma ang diagnosis sa akin noong nasa ICU ako. Slight o bahagyang Brain Trauma. Medyo mayrooon daw akong hindi kagyat maaalala. Pero natatandaan kong nagmula ako sa MIMAROPA. Paggising ko, akala ko ay tubong-Romblon ako.
Kung tatanungin ako kung anong nangyari, hindi ko masasagot. Nagkalat sa FB ang video ng pagkakabangga sa delivery truck ng aming sasakyan. Hindi ako makikita sa video pero babanggitin ng reporter na nasa kritikal na kondisyon ang babae.
Hanggang ngayon, nasa recovery stage pa rin ako. Araw-araw, nagsusuot akong bandana upang bahagyang matakpan ang pilat ng tahi sa ulo bunsod nang pagkakabangga ng ulo ko sa salamin. Gabi-gabi, tinitingnan ko ang keloid sa aking kaliwang paa, ang tila namamagang hitsura nito. Tatlong daliri ko lamang ang magkarugtong batay sa x-ray. Hindi tulad ng dati, hindi ko na kayang tumayo nang matagal-tagal. Humahawak ako ngayon sa mesa o upuan para sa balanse. Umiksi kasi ang hintuturo sa mga daliri ko sa paa. Mula sa pinakamahaba, kapantay na ito ngayon ng aking hinliliit na daliri sa paa.
Kapag lisensiyadong guro ka sa Basic Education, ikinakabit sa iyong pangalan ang tatlong letra – LPT o Licensed Professional Teacher. Kapag nakapagtapos ka ng doktorado, idinurugtong sa iyong pangalan ang iyong natapos. Sa kaso ko, PHD o doktor sa Pilosopiya. Ngayon, tatlong letra muli ang nadagdag sa aking pangalan--- PWD o Person with Disability (Orthopedic).
Paano ba sinasagot o dapat sagutin ang tanong na “kumusta ka na?”
Iyan ang mga chat sa akin. Pasalamat na rin ako sa teknolohiya at kung hindi ko man masabi agad ang aking naiisip ay nagagamit ko naman ang cellphone para ma-type ito.
Katulad ng mga nasa pelikula, sasampalin ka ng katotohanang kung wala kang naimpok na pera o lupang maisasangla, madaling sasaklutin ng kamatayan ang buhay na pansumandaling ipinahiram sa iyo.
Naisip kong ipambayad na lang ang mga marmol na mayroon ako --- mga mamahaling mesa at mga upuang nabili ko lang nitong Mahal na Araw nang may magbenta nito sa Moriones Arena. Puwede rin kaya ang lampshade na marmol, bagay na bagay sa cozy-feels na bahay. O kaya ay iyong kamay na marmol na lagayan ng lahat ng uri ng cellphone. Puwede ring gawing lagayan ng mga singsing at piliin ang kahit anong daliri. Alanganin namang ibigay ang dolphin pen holder o ang kuwintas na may pangalan ko. Naisip kong ipambayad ang mga marmol! May isang problema. Nang magising ako, natuklasan kong taga- Marinduque pala ang asawa ko. Pabalik at pauwi na pala ako ng Marinduque at hindi paalis pa lang papuntang Davao hindi tulad ng inaakala ko.
Mga apat na oras pa bago kami makarating sa pier kung saan makikita ang isang restawran na napapalamutian ng mga kiping. Sa Calamba, kung saan ako dating nagtuturo, kausap ko ang aking kaibigan at kagurong kamukha ng dating Bb. Pilipinas – Universe na si Maria Isabel Lopez. Masaya ako dahil matagal-tagal na rin nang hulli kaming makapagkuwentuhan. Mula sa mga dating kaibigang nasa ibang bansa hanggang sa mga dating kaguro sa Calamba. Nais kong batiin ang dating kagurong nagdiriwang ng kaniyang kaarawan ng mga sandaling iyon. Umorder ako at ipinadeliver iyon. Iyon yata ang masayang alaala ko bago kami maaksidente. Nang balikan ko ang chat, nangyari ang usapan naming bago ako magpunta ako ng Davao noon para sa Philippine Book Festival. Sumama ako at sinamantala ko na rin ang pagkakataon para sa mga eksibit ng libro, personal ko pang makikita ang pinuno ng Kagawaran ng Edukasyon sa bansa.
Dalawang dekada at isang taon na akong guro. Kombinasyon ng pampribado at pampublikong paaralang pinagturuan. Halos isa’t kalahating dekada sa pribadong paaralan at nang makapangasawa ng taga-Marinduque ay lumipat ako ng pagtuturo sa publikong paaralan. Pitong taon na akong guro sa Marinduque.
Kaiba sa pribadong eskuwelahan ang kalagayan sa publikong paaralan. Pero nakatutuwang malaki ang papel na gagampanan ng sining sa pagtulong sa amin para sa mga donasyon. Ang aking mga mag-aaral at kaguro sa pribadong paaralan ay nag-block screening ng concert ni Taylor Swift samantalang ang mga kaguro at mag-aaral ko sa publikong paaralan ay nagsagawa ng busking sa blue building na malapit sa pamilihang bayan.
Higit sa salaping nalikom, ang tulong at mga dasal na ipinaabot sa aming pamilya ay pagpapaalala rin ng lawak ng buhay. Bago ang aksidente ay tumayo kaming mag-asawa bilang hermano at hermana sa aming lugar noong nakaraang piyesta. Kung minsan ay naiisip kong talaga bang nangyari pa iyon sa amin?
Matapos kong basahin ang mga chat at text sa cellphone, malalaman mo agad kung sino ang mga tunay na taong nagpapahalaga sa iyo. Tayo ang nakababatid ng kahulugan ng ligaya ng pamilya sa buhay at pamilya sa paaralan.
Nagre-recover pa rin ako hanggang ngayon. At kapag nagsusulat ako ng mga ganitong salaysay, parang puzzle na binubuo ko rin sa memorya ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari. Puwedeng gagahibla lamang ang pagitan ng katotohanan at haraya. Pero ganoon kahiwaga ang buhay. Gugulatin ka nito sa pasikot-sikot na ruta ng buhay gamit ang mga diversion at bypass na hindi mo inaasahan o mapaghahandaan.
“Tatang, bakit kasintunog ng pangalan ko ang al-alya (multo)?” tanong ni Alina sa ama habang inihahanda nila ang kanilang hapunan.
“Kasintunog nga ba?” nakangiting sagot ng kanyang ama.
Tatangong nakasimangot si Alina. “Iyan ang sabi ng mga kaklase ko. Palagi nilang isinisigaw kapag dumadaan ako - ‘Alina, al-alya! Alina, al-alya!’ Bakit hindi na lang Rosie o Amanda ang pangalan ko?”
“Maaalala ko na naman ang Inang mo, nakkong (anak),” malungkot na sagot ng ama.
“Pangako, kakain ako ng labong at saluyot. Heto, Tatang o!” Sasandok si Alina ng inabraw mula sa banga, diretso sa kanyang plato. “Tatang, pahingi ng mainit na kanin. Hayan, umuusok pa!”
Mabilis na kakain si Alina at tutulo ang sabaw ng inabraw sa bawat gilid ng mga labi niya. Matatawa ang kanyang ama at sisimulan na nga niya ang pagkukuwento.
“Noong unang panahon, may isang napakagandang prinsesa, si Yumina. Anak siya ni Aklayan, isang makapangyarihang hari. Umibig si Yumina kay Gumined, ang pinakamahusay na mangangaso sa kanilang lugar. Ngunit nais ni Aklayan na ang mapangasawa ni Yumina ay si Indawat na mula sa isang mayaman na angkan. Isang araw, nag-away sina Gumined at Indawat sa ilog, at sa kasawiang palad, nalunod si Gumined.
Lubhang nasaktan si Yumina at nangakong hahanapin niya si Gumined sa kabilang buhay. Namatay si Yumina dahil sa kalungkutan. Laking gulat ng mga tao nang may nabuhay na bukal sa kanyang puntod. Maalat ang tubig kaya’t naniniwala sila na luha ni Yumina ang tubig na umaagos dito. Tinawag nila itong Bukal ng Salinas na siyang pinagkukunan nila ng asin.”
“Sa -li- nas, naging A – li - na? Ang ganda pala ng kuwento ng pangalan ko. Pero Tatang, natuyo na ang bukal, di ba? Wala na ring asin?”
Tatango ang ama.
“Aha, alam ko na! Hindi na umiiyak si Yumina. Kaya huwag ka nang malungkot, Tatang. Mahahanap ka rin ni Inang sa kabilang buhay!”
Yayakapin ng kanyang ama si Alina, mahigpit.
“Naku, Alina! Amoy inabraw ka!” biro ng kanyang ama.
“Ikaw rin, Tatang!”
Napuno ng tawanan ang kanilang tahanan kasabay ng pagkinang ng mga tala na mistulang mga asin na isinabog ni Yumina sa kalangitan.
“Nanay, malungkot ang langit,” inaayos ni Zee ang mga laruang kotse ayon sa kulay - pula, asul, berde, dilaw, itim.
“Uulan yata, anak,” sisilip ang kanyang ina sa bintana, may kaba sa mga mata.
“Hindi, malungkot ang langit. Ikaw, malungkot.”
“Nag-iisip lang ako, anak,” sagot ng ina kasabay ng isang buntong hininga. Hindi niya alam kung ano ang susunod na sasabihin.
“Huwag ka nang mag-isip.” Nakatingin si Zee sa mga laruang buong-ingat niyang pinaglilinya-linya.
“Sige,” tinapik-tapik niya ang mga paa sa sahig habang nag-iisip.
“Maingay ang mga paa, ‘di makaalis.” Gagawa naman si Zee ng torre gamit ang mga makukulay na lego blocks.
“Kapag naglalakad tayo sa palengke - ” susubukang sundan ang daloy ng isip ng anak.
“Maingay. Malaki! Parang outer space,” titingin siya sa kisame.
“Di ba gusto mong maging astronaut?” masayang tanong ng ina.
“Sa outer space, tahimik.” Dahan-dahan niyang aayusin ang pulang tuktok ng kanyang torre.
“Eh… ang mga kotse mo, ‘di ba sila bumubusina?” nakangiti ang ina habang pinagmamasdan ang mga laruang tila nakapila sa Edsa.
“Hintay lang sila.”
“Pupunta ba sila diyan sa makulay na torre?” tanong ng inang puno ng malasakit sa anak.
“Hindi. Gusto ng torre, tahimik,” sagot ni Zee, nakangiting ililigpit ang mga hindi nagamit na lego blocks.
“Gusto mo ba, tahimik si Nanay?” Parang tumagos sa hangin ang kanyang tanong, hindi sumagot si Zee. Nagpatuloy siya sa pag-aayos ng mga laruan.
"Hintay kita, Nanay," sabi niya. Tumingin si Zee sa ina, humikab, at inihiga ang ulo sa kandungan nito.
Humarurot ang mga tricyle sa kalsada. Malakas ang musika ng trak ng basura. Tumilaok ang mga manok at kumahol ang aso ng kapitbahay. Sumigaw ang magtataho. Nanaig ang katahimikan sa kakulangan ng mga salita. Sa wakas ay tumingin din sa ina ang mga munting mata na hindi naririnig ng iba.