Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kulang-kulang tatlong libo
kinita sa isang linggo
huli na palang suweldo
sa di na mababalikang trabaho
tatlong kilong bigas
kangkong, sardinas
talbos ng kamote,
kung minsa’y noodles
saka iladong tubig.
Nalanos ang biyayang hamog
mula sa kapitalistang nagkakamal
pakatipid-tipirin man, hindi tumagal
sa apat na anak na laging gutom
sa kanilang giniginaw na barong-barong
panay na lugaw
wala nang bigas
naputpot na ang kangkong
natuyot ang mga dahon-dahon.
Isang buwan nang mahigit
ayuda sa kanila’y di makasapit
nag-iiyakan ang mga paslit
sa gutom ay namimilipit
pinakamimithing SAP
hindi kailanman nalasap
walang dumating kundi sama ng loob
sa nakagiray nilang kubakob.
Pinangahasan niyang lumabas
kailangang may gilingin ang bituka
tinangkang mang-amot,
ngunit tugon ay panay simangot
nagbaka-sakali pa ri’t nanlimos-limos
kahit lahat pawang umiingos
hanggang sa makasapit sa checkpoint
at doon na nalagot!
pati buhay, hindi lang gutom
maging abang pangarap
sa mga yayat na anak
na naiwang nakahambalang
sa magulong mundo
at malupit na lipunan.
umiyak lang sila at tumawa
milyon ang kinita
ang kawawang magsasaka
kuba na'y dayukdok pa.
humigop lang ng kape
at naghimas ng balbas
paldo ang bulsa kada kinsenas
silang mamad ang katawan
sa ilog man o dagat
sunog ang balat
bulsa'y butas
gaya ng kanilang lambat.
malamig ang aircon
at naaalpombrahan ang kanilang opisina
sa bangko'y limpak-limpak ang pera
itong aping manggagawa
buto na at balat
kita niya'y pambili lamang
ng isang kilong bigas
at ‘sambalot na tinapa.
pirma lang at buladas
ang kanilang puhunan
kamal-kamal kung dambungin
ang kaban ng bayan
ang pobreng si Juan
inuuto at hinuhuthutan.
hanggang kailan mangangayupapa
silang gumigiling ng pakana
hanggang kailan magtitiis
mga dayukdok at kawawa?
sa araw ng pagtutuos, magkakaalam
ang api'y di laging busabos at luhaan!
Hinagod-hagod niya ang buteteng tiyan
habang nagtatabako sa opisinang naaalpombrahan.
Nakatimbwang sa tyangge
nakauniporme pang estudyante
pati aleng umano’y tulak sa Pulo
nakahandusay, naliligo sa sariling dugo.
Binaril sa Tambubong
isang dating piyon
maging ang kasamang pahinante
nakabulagta sa kalye.
Hinimas-himas niya ang makapal na bigote
habang sumisimsim ng matapang na whiskey.
Nakagapos ang mga kamay
ng matandang nabubusalan ang bibig
natagpuan na lamang ang bangkay
sa masukal na tumana ng Patubig.
Nakasakong katawa’y inilutang
sa mababaw na ilog ng Bangkal
tadtad ng tama ng baril
isang drayber na umano’y pusher.
Kinawag-kawag niya ang malalaki, malilintog na kamay
habang tinititigan ang kaniyang listahan.
Sa sabana sa Paltok, nakabulagta ang katawan
narorolyohan ng packaging tape, mata’y napipiringan
isa umanong sugarol na magsasaka
matagal nang lulong sa droga.
Butas-butas na katawan ng isang kagawad
sa Gulod, pinagkakalipumpunan
nalimas ang alahas at panalunan
malaking salot daw sa lipunan.
Humahalakhak siya
sa buktot at imbing tagumpay
tinig niyang makapangyarihan
waring hatol ni Kamatayan
naniniwalang sa mga ipinabuwal
malilinis kaniyang pangalan
at maililigaw ang taumbayan
kung kanino ang duguang kamay!
Maluwag na damit ang suot ng pari
na parang may itinatago sa kanilang sarili.
Kung maghubad ng kasuotan
sa kanilang mga silid
mistulang leon na bilanggo
ng sinaunang gutom.
Marapat na ipako sa kurus
at koronahan ng tinik
ang katawang dupok
na nagkukubli
sa palda ng diyos.
Nakita si Hesus ng kanyang mga tagasunod
Na naglalakad sa ibabaw ng tubig.
Mangha ang mababanaag sa kanilang mga mata.
'Pedro, huwag kang matakot, halika,'
Nanginig sa rabaw ng tubig ang paa
Ng masunuring disipulo.
Nang subukang humakbang
Patungo sa naghihintay na yakap,
Nailubog siya ng sariling takot.
Si Pedro, tinanggap nang buo ng
Maligalig na tubig.
Nang gunawin ng baha ang daigdig
naroon ang diyos nakamasid
sa pagkalunod ng mga hininga.
Silang hindi naniwala
inilubog ng tubig na tila
basangsisiw na sumisiyap
sa higanteng mga alon.
Isang malawakang paglipol
ang nagwalis sa sangkatauhan.
Walang dapat parusahan
sa pagkakasala
kung langit ang siyang may likha,
kung langit ang may gawa.
Madalas akong lokohin ng langit
Lagi itong gumagawa ng paraan para ako ay maakit
Madalas din akong asarin ng langit
Bigla-bigla itong sa paningin ko’y sisingit
Lalo na sa gabi, lagi akong sinusundan ng buwan
Sa kanan, sa kaliwa, kahit saan
Minsan, alam kong kahit magtago ako, masusundan niya pa rin ako
Kaya tumatakbo ako nang tumatakbo
Minsan, nawawala rin siya at kaniyang pagtunghay
Lalo na kapag kasama ko ang tatay sa bahay
Nagtatago sa mga ulap
Parang duwag na may higanteng nakaharap
Tuwing sumusunod siya sa akin
Lagi siyang may binabanggit na hindi ko ring maitindihan:
Saglit lang ‘tong masakit
Sunod na’y magiging manhid
(sa tono ng A Whole New World)
Sa ’min, may water world.
Muddy at puno ng garbage.
Bawal mag-throw here,
But nagtatapon every night.
Nagtatakip ka pa ng eyes,
At may ganang mag-wonder.
Trash sa gilid at under.
Ang baho sa bahay.
Ay, water world.
Bahang-baha ang aking view.
Sinabi na kasi na "No."
Sige pa ring nag-throw.
Kaya sa flood ay mag-swimming.
Tingnan mo ang sight.
Puro plastic ang nakalutang.
Sorry, Honey, pero akin.
Wala namang nagbabantay.
Ay, water world.
Puro plastic sa aking place.
Kaya I'm way up here.
Flood may kasamang dumi.
Di makaalis, so here, tiis-tiis.
A water world.
Binabaha.
Dapat mag-change,
Kasi marumi.
(sa tono ng Narda)
Tila may agilang lumipad.
Panain, sibatin.
O mainam, barilin.
Tiyak di na itlog ang ulam.
Mapapansin kaya,
Kay rami ng huling isda.
Doon sa gitna ng dagat,
Naghahagis ng dinamita.
Hulihin ang pawikan.
Jackpot dahil endangered iyan.
Magkano ang kikitain?
Inuman at pulutan.
Pagmasdan ang paligid.
Anong ginawa, kapatid?
Ang baha ay babala.
Maraming pinsala.
Sa gubat, mga hayop mababait.
Pero ang lungsod ay mabangis.
Makalat na siyudad,
Tanda ba ng pag-unlad?
Kapalit ng pera,
Mga hayop ay binebenta.
Lumuluha ang mga tala,
At si Darna'y hinihika.
(sa tono ng Ang Mga Ibon na Lumilipad)
Ang mga ibon, di na lumilipad.
Kalbo na ang mga gubat.
Saan na magpupugad?
Ito’y nakakalungkot,
Patawad, Lord.
Ang mga isda, di na lumalangoy.
Ilog at sapang tila kumunoy,
Kay sangsang na amoy.
Ito’y nakakalungkot,
Patawad, Lord.
Ang mga puno, di na namumunga,
Pinuputol, ibinebenta.
Illegal loggers, kumikita.
Ito’y nakakalungkot,
Patawad, Lord.
Hindi ko hinahayaang makaalpas.
Ikinululong ko ang hindi dapat makalaya.
At kung patuloy mang magpumiglas na parang buwitreng nais makawala
ay igininagapos ko ng maka-ilang ulit.
Nais ko na lamang itikom ang mga palad,
padapuin ang kamao sa pader.
At umasang pagkatapos maglangib ng mga sugat ay maglalaho rin ang nadarama.
Sapagkat ang lumbay ay kinikimkim, hindi ibinabahagi.
Walang ibig magpakalunod sa bagyong ikaw lamang ang magkapagsasabi kung kailan huhupa.
Bihira
ang magpapatianod sa luha ng iba
o ang ibig humati sa sariling mong penitensya.
Lahat ay mayroon ng kani-kaniyang mundong dinadala.
Kaya hindi ko hahayaang makaalpas.
Ikukulong ko ang hindi dapat makalaya.
At kung patuloy mang magpumiglas na parang buwitreng nais makawala
ay igagapos ko ng maka-ilang ulit.
Ititikom ko ang aking mga palad,
padadapuin ang kamao sa pader.
Aasang pagkatapos maglangib ng mga sugat ay maglalaho rin ang nadarama.
1. Ang Bata sa Panahon ng Ligalig
Gigising ang bata habang tahimik at nahihimbing ang madaling-araw. Mag-uunat-unat,
magmamasid-masid, ganito tumatakas ang bata sa panahon ng ligalig: Habang nananaginip ang
buong sambayanan, nangangarap ang bata ng barya-baryang alaala mula sa krosing ng madilim
na eskinita; tatawid itong nakapikit sa lansangan ng plastik at mga basura. Makatatawid ang bata,
makatatanaw ng pag-asa, o ng liwanag, o ng pag-asa sa liwanag; hihinga kahit alam niyang ang
masisinghot ay sariling alikabok ng lungkot, at mga kalungkutan ng mga batang, tulad niya ay
maagang nabubulok.
2. Ang Mahika ng Pagguho at Pagtakas
Hindi na sumisikat ang araw sa nayon nitong mga paslit. Hindi na rin umuulan,
nakalimutan na nila ang tunog ng kulog at kidlat. Wala na ang dating magagandang bulaklak sa
hardin, ang lobo at keyk ay hindi na rin uso. Tinamad na ang mga batang umakyat sa ga-bundok
na basura upang masaksihan ang fireworks ni Mayor, o ang palo-sebo sa plasa, wala na ni isa sa
mga paslit ang may lakas ng loob na humagikgik kahit ang nakikita ay kakatwang paligid. Ninais
na lamang ng mga paslit ang maghukay nang maghukay at mabighani ng mga warak at punit-
punit na gamit, at ang panalangin nila sa mga madaling-araw isang marahang-marahang pagguho
tulad ng balita ng matandang babae sa kanila kamakailan, wala na ang katabing barangay.
3. May Sunog sa Bayan
May sunog sa bayang hindi kayang isatitik ng balita sa diyaryo, at dahil dito walang
nakapagsulat nito o nakapagbalita sa radyo at T.V. Ilang taon nang nasusunog ang bayang ito,
noong una’y tinutupok lamang ang bilihan ng mga segunda manong damit at pagkaing mula sa
basura ng kapit-bayan, hanggang nasundan ng pagtupok ng maliliit na siga sa mga pagtitipon,
handaan, at kasiyahan. Sinigurado ng sunog na magliliyab ang buong bayan, hanggang sa ang
pangarap ng sambayanan ay lamunin na lamang ng sunog, dahil sinasamba na nila ito at
nakikitang kaligtasan. Sa hindi kalayuan may batang naligo ng gaas, pinangarap niya ang lamunin
ng apoy, gusto niyang maging abong lilipad sa ere at dadalhin ng hangin sa kung saang bayan,
ininom ng bata ang gaas, siniguradong aabot sa kaniyang binabangungot na gutom, kay sarap ng
gaas, kay saklap na mangarap, nakalipad ang bata nang hindi nagsasaabo, naranasan niya ang
mabuhay sa ere kahit sandali, naabot ng liyab ang dulo ng buhok ng bata, naabot niya ang
matagal na niyang pinapangarap.
I. Kumander Fil
Balido, pagkakakilanlan
Nang pumasok siya sa selda-kuwarenta y singko
Kung saan nagsisiksikan, mangá erehe.
Sa loób nito ay naka-hanger,
Orange polo shirt
Sa nakabukás na bintanàng de rehas.
Siyang sinasayaw-sayawan ng mangá bangkay
Ay siya ngang binubugahan din ng usok
Mula sa tabako ng sabungerong
Lumuluwa, mangâ mata.
"Kumusta?" bati sa kaniya ng usok
Na siyang sumasayaw-sayaw
Sa kaniyang pagmumukha.
"Malaya," kaniya namang tugon.
"Malayang-malaya."
"Di lang walang malay," pagtatapos ng warden.
"Wala na talaga siyang búhay."
II. Alangay sa Ilalim ng Buwan
Ako ay itinakwil
Nang makakain, mangá naglaway na baliw.
Silang inaasahang tagapaghubog
Nang umahon, mandaragat.
Umaalulong, mangá lobo ng kalangitang pinutik.
Isinilang sa bangka, uhang iniwi ng bangkay
Ay isang kalansay,
At ang gabi ay naglaway
Tinunaw ng pumatak-patak
Na siyang asido, buto-butong umusok
—kaluluwang inabot-abot, langit ng mangá baliw.
Naging saksi, bolang kristal:
Sinagasaan matapos ginahis sa talahiban.
Saksi, pati mangá kulisap:
Pagdadalang-hayop.
Saksi din, mangá alitaptap:
Nang gabing inalon, bangkang papalayo sa dalampasig.
Itinakwil ay akong sisiw,
Basang-basa’t binasa-basa sa magasin.
Nang makapaglibang, mangá naglaway na baliw.
Silang inaasahang tagapaghubog
Nang umahon, basang sisiw
—tumuka ng mangá butil ng palay sa ibabaw ng bangkay.
III. Laing
Mataimtim niyang itinanim sa lupain,
mangá úhay ng gábe na pamana
sa kaniya ng kaniyang mangá ninuno.
Masigasig na diniligan ng tag-ulan,
banal nitong lupa.
Sa tag-tuyo naman ay dinaluyan ng tubig
bukal ng bayang masinop at mapagkawang-gawa.
Dinuyan pa niya sa pana-panahon,
gahiganti man o munti nitong
mangá malagong dahon
na kaniyang hinele sa sariling tinig.
Tuloy, kaniyang mangá daliri, palad at kamay
ay kinalyo, pinasma't nagkasugat.
Sukdulan ng aba at mataimtim niyang
pinaliguan ng sariwang tubig
mula pa sa batis,
malusog na piraso ng lupain
sa sarili niyang likod-báhay.
Pinagpira-pirasong dahong gábe ay
masikap na hinimay at siyang
tiyaga ng kaniyang
mangá kamay na nangalay;
nangulila sa tulad naming
musmos na kaanak na
nawalan ng landas.
Pinagpira-pirasong dahong gábe sa
bilugang bilao ay ibinilad
at binudburan ng init ng
pagmamahal na nagmula sa
nangulilang nagmamahal.
Sa pagkaanghang ng siling labuyo,
kumalat, nangurot na apoy
at lumasap na,
siyang pagmamahal
—kung kumurot, aral ng kaniyang
pangaral sa tulad naming musmos na kaanak.
Nasa pinigang lúya
nang lumuha, kaniyang mangá mata
pinaso ng mangá noo’y nagbabagang uling,
nag-iisa niyang bulsa.
Ngunit, sa pinigang lúya din
kumatas, kaniyang
pagsikap sa bawat panahon
at nang lumaon ay
lumundag sa sarap, kaniyang
malahiyas na ngiti.
Kapag nilasap na ng tulad naming
musmos na kaniyang kaanak, láing,
iniiwi na ng kaniyang uyayì, hangin;
kinakalong na ng pag-aaruga,
tumatahang luha naming
musmos na kaniyang kaanak.
Kinayod niya, niyog sa pangkayod
kahalintulad ng pagkayod niya
nang mabuhay, lubid naming
musmos na kaniyang kaanak.
Ngunit, sa kaniyang nagdurugong puso
sumususo, tulad naming
musmos na kaniyang kaanak;
sumususo kami ng awa at kami ay
sa paningin niya ay kaawa-awa.
Sa paggata nanggaling, siyang
pinakapili at pinakapino na niyog,
niyog na naglalaman ng
pinipintig ng kaniyang puso,
umaalab na puso.
Sa nirarasyon na pinangát,
bicol express at gising-gising
sa bilugang bilao'y walang tatalo
sa láing,
sa láing niyang
kay lupit,
kay bagsik.