Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Hindi ko ito sinasadya pero ‘di kami magkasundo ngayon ng aking pag-iisip. Isang araw, naisipan niya na lamang pumunta sa direksiyong ‘di namin napagkasunduan. Papunta ako sa kanan, siya sa kaliwa.
Dati-rati naman, magkasundo kami. Kung ano ang direksiyon ko, dun rin siya pupunta. Walang tanong-tanong. Basta kung ano ang gusto ko, kung saan ako masaya, doon kami. United front kaming dalawa. Halimbawa, kung may gusto akong kainin, pagbibigyan niya ako dahil hilig niya rin.
Kamakailan lang, nagkaroon ng pagbabago sa aming dalawa. Hindi ko alam kung bakit. May mga naisip akong mga dahilan pero hindi ako kumbinsidong ito nga ang mga iyon. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa pangungulila ko sa aking nanay o dahil sa matinding pressure na pinagdaanan ko sa disertasyon. Kung anuman, nagbago na ang lahat noong ‘di na iisa ang tunguhin naming dalawa.
Ang pag-iisip ko ay may sariling pag-iisip. Nang magsimula ito, napansin kong siya na mismo ang lumalayo sa akin. Madalas itong mangyari sa gabi. Bigla na lamang ito matataranta. Kung ano-ano ang iisipin niya. Matataranta siya dahil iniisip niyang may masamang mangyayari tulad ng pag-apaw ng tubig sa banyo habang natutulog kami. O di naman biglang magba-brownout sa amin kapag malakas ang ulan. Pinapakaba niya ako sa mga naiisip niya. Kaya kahit ako ay mahinahon at chill lang, matataranta na rin. Minsan naman, tatakutin niya ako. Iisipin niya may mangyayari sa mga anak ko. Na maiiwan ko sila sa grocery o di kaya may mangyayari sa akin mismo.
Ewan ko ba kung bakit siya nagkakagano’n. Umiinom naman ako ng gamot para sa aking bipolar disorder. Pampakalma sana namin ito pero parang siya ang nakainom ng upper at ako naman ang downer. Siya ang hyper sa aming dalawa. Hirap akong makipag-keep up sa kanya. Pakiramdam ko sa sobrang bilis niya, maiiwan niya talaga ako kung di ko siya kokontrolin.
Nagmama-marathon siya ng mga naiisip. Naisara ba ang gripo sa banyo? Safe ba ang mga passwords ko sa email? Ano nga ulit ang gagawin sa google meet? Paano na kapag nagkasakit ang mga bata? Paano na kung magkasakit ako? Safe ba sa Mercury drugstore?
Hinihingal ako sa kanya. Mahirap siyang habulin. Lagi akong natatalo sa paligsahan namin. Nasa gitna pa lang ako, nasa finish line na siya.
Hirap akong disiplinahin siya. Kailangan ko munang maging istrikto sa sarili at tanggapin na nasa kasalukuyan ako. Payo sa akin ng mga doktor ko, mag-isip ako ng limang bagay na nakikita ko o naamoy pag ‘di na kami magkasundo ng aking pag-iisip. Sa pamamagitan ng paglilista ko lang siya napipilitang bumalik sa akin. Mapipilitan kaming dalawang magbilang at maglista ng nakikita o naaamoy namin. Ahh. Tatlong electric fan, 2 cellphone, 4 na unan, 1 suklay, at 3 plato.
Pansamantala lamang ito hanggang sa maisipan na naman niyang iwan muli ako. Kung kailan siya babalik di ko alam. Lakwatsera ang aking isipan. Hilig niyang balikan ang aking nakaraan at puntahan ang hinaharap. Hindi siya namamalagi sa kasalukuyan.
Gustong-gusto niyang balikan ang aking mga pagkakamali. Sana maaga kong natapos ang aking disertasyon. E di sana naging masaya pa para sa akin nanay ko. E di sana nabasa ng nanay ko kuwento ko sa kanya. Sana maaga ko ring nalamaan diagnosis ko nang sa gayon hindi ko naranasan pang-aapi sa akin ng mga tao dati. Kung alam ko lang, iba ang aking gagawin. Naisalba ko pa ang sarili ko. Pero huli na ang lahat.
Ito ang ilan sa binabalikan ng aking pag-iisip. Siya ang nagtatakda habang ako naman na kaniyang iniwan ay madidismaya o matatakot. Iniiwan niya ako sa ere. Inilalagay sa alanganing posisyon. Ayoko ng ganitong pakiramdam. Hindi ko man lang madepensahan ang sarili. Hindi ko man lang mapanatag ang sarili. Dahil ang inaasahan kong kakampi sa sandaling iyon ang may kasalanan.
Ipinapadama niya sa akin ang matinding guilt. Ang bigat nitong dalhin. Hindi mapakali ang aking dibdib sa tuwing ipinapaalala niya sa akin ito. Naghahabol ako ng hininga. Parusa ang ‘di makaiyak nang tuluyan. May pumipigil sa aking pag-iyak. Hindi ko mawari kung ang isipan ko na naman ang salarin o kung may iba pang dahilan. Basta ang alam ko, may mabigat na pasaning akong dinadala. At ipinapaalala niya sa akin kung gaano ito kabigat.
Gusto ko siyang pagalitan. Hanggang sa di ko na kinaya, nagalit nga ako. Minura ko siya. Tangina. Bakit ako nagkakaganito? Ano’ng kasalanan ko? Sinumbatan ko. Bakit ako? Bakit ngayon pa kung kailan ako tumanda?
Sabi ng aking doktor dapat ko rin hamunin ang sarili. Tanungin rin paminsan-minsan. Nagtanong nga ako. Kinausap ko ang aking sarili. Nakipag-usap ako nang masinsinan sa aking pag-iisip.
Ano’ng nangyayari sa iyo? Bakit ito kagad ang nakikita ko? ‘Yung mga naiisip ko ba ay malayo mangyari? Bakit ako kinakabahan? May dahilan ba para kabahan ako? Bakit siya lumalayo? Bakit di ko siya mapaamo?
Mukhang nangulila siya sa akin. O naawa. Sinagot ako.
Kasi hindi karaniwan ang iyong pinagdadaanan. Kasi hindi ko mapigilang lumayo’t iwan ka. Kasi gusto kong magliwaliw. Kasi iniisip mo lang. Kasi inaasa mo lahat sa akin. Kaya mo naman. Kaya mong labanan. Kalabanin mo ako. Pagalitan. Hindi man ako makikinig sa iyo paminsan-minsan, wala na akong ibang babalikan kundi ikaw lamang. Hayaan mo muna akong mapag-isa. Huwag mo akong masyadong intindihin. Pagsabihan mo rin ako. Pipilitin ko ang sariling makinig sa iyo. Pigilin mo ang aking pagiging sutil. Lakasan mo loob mo. Aamo rin ako. Mahahabag ako. Pasaway lang ako sa ngayon. Pagtiyagaan mo lang ako.
Iba talaga ang nagagawa ng sariling pag-iisip. Mahirap makipag-patintero sa kanya. Minsan siya ang taya, minsan ako. Kapwa kaming naghahabulan. Hinahabol ko ang bilis niya’t lalim. Hinahabol naman niya ang aking pakiramdam at damdamin. Ano itong nagagawa ng aking isipan? Kaya niya akong paluhurin. Magmukhang mahina’t hirap bumangon.
Sabi nila, nasa isip mo lang ‘yan. Wala ‘yan. Guniguni mo lang ‘yan. Ipagdasal mo lang ‘yan, mawawala na. Puro sabi nila pero walang sabi ko. Ano nga ba ang tingin ko sa aking pag-iisip?
Kaya nito ang kaya ko rin. Tulad ko, kaya nitong maging malikot, maging mapaglaro. Ngunit ang isipan ko ay saloobin ko rin. Ano itong nasa loob ko kundi repleksyon lamang ng sariling tinig. At anong tinig ito? Malakas ba o mahina? Malalim o matinis? Buong-buo o garalgal?
Gusto kong hulihin ang aking pag-iisip. Bitagin nang sa gayo’y mahuhuli ko muli ang kaniyang kiliti. Ibalik ang nakaraan. Ibalik ang lahat sa dati na magkasundo kami. Hindi katulad ngayon na may kaniya-kaniyang lakad kami.
Gusto kong ibalik ang kapangyarihan na mayroon ako sa aking pag-iisip. Maging tagapamahala muli sa aking mga desisyon. Ibalik ang kakayahan kong makapag-desisyon na walang pangamba’t pag-aalinlangan.
Kung sabagay, never naman naging walk in the park ang pag-iisip ng tao. Kung hihiramin ko ang sinabi noon ni dating Senadorang si Miriam Defensor Santiago tungkol sa a walk in Jurassic Park ang law school, ganon na ganon ang pagturing ko sa aking pag-iisip. May mga mababait na dinosaur na kalmado lamang kung kumain ng halaman, at may mga dinosaur na magbibigay sa iyo ng atake sa puso. Ipinapaalala sa akin na okay lang matakot sa naiisip dahil hindi naman perpekto ang lahat ng nasa isipan ng tao.
Gugulatin lang ako paminsan-minsan ng aking pag-iisip. Gigisingin kung kinakailangan. Naroon pa rin ang paalala sa mga dapat gawin at hindi. Dapat kumain sa tamang oras. Dapat inumin ang mga gamot. Huwag kalimutan ang vitamins, mga ganito ganyan.
Nasa Jurassic Park ang aking pag-iisip. Kailangan kong mag-ingat sa T-Rex. Ang T-Rex sa aking isipan ay ang mga bisyon ko ng aking kamatayan. May mga pagkakataon na hinahabol ako nito at nakikita ko ang sarili sa kabaong. Minsan naman naiisip ko sarili kong nasa ospital na’t nagbibigay na ng huling habilin sa mga bata. Ito ang mga pagkakataong nilalapa na ako ng T-Rex. Matagal bago ko alisin sa aking pag-iisip ang ganitong pangitain.
Pinupuwersa ko ang sariling lumaban. Katulad sa pelikula, makikipagbarilan ako sa T-Rex. Lilituhin gamit ang mga flare gun. Sisigaw nang OA kahit wala namang makakarinig.Tatakbo rin hanggang sa mailigtas ko ang sarili. Dahil sarili ko muna ang iintindihin ko. Bakit nga ba ako nag-aalala ngayon sa relasyon namin ng aking pag-iisip?
Sa ngayon, di pa kami magkasundo ng aking isipan. Pero hindi ibig sabihin mayroong hidwaan. Di lang kami pa nagkakamabutihan. Panahon na lang siguro ang magtatakda o ako na mismo. Kapag handa na ako. Kapag malakas-lakas na. Kapag buo na ang loob. Kapag kaya ko nang patawarin ang sarili. Kapag napatawad ko na ang aking isipan.
Sabi nila, it’s can thoughts that counts. Ano ang nagagawa ng isip. Ano ang kaya ng naiisip. Iisipin ko na lamang na makakaya namin ng aking pag-iisip. Minsan, it’s all in the mind lang talaga.
Ilang buwan ng magsimula ang quarantine dahil sa pandemya, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang lending bank, maari ko na raw i-renew ang aking loan. Pinag-isipan ko ang desisyong ito, tutal nagamit ko naman sa pagpapaayos ng aming bahay at pagbili ng mga kailangang gamit ang unang nakuha ko, kunin ko na lang muli ang oportunidad para madagdagan ang naitabi kong pera para sa matrikula ko sa gradwado. Pero sa kamalas-malasan, humaba ang quarantine, dumoble ang gastos. Katiting na lang ang naitabi. Tunay, ngang napakamahal mag-ingat sa mga panahong ito dagdag pa na natamaan ang dalawa sa pamilya ng virus. Kung tagtuyot ang nararanasan ng aking pitaka, nagiging kasinlamig naman ng London ang aking atm.
Noong naipatupad ang polisiyang katakot-takot ang pangalan na Extreme Enhance Community Quarantine na naglabas ng iskedyul ng araw sa paglabas at pamamalengke sa bawat baranggay ay naghahanda kami sa pamamagitan ng paglilista ng mga kailangan naming bilhin. Kapag umuuwi ako galing grocery, tila baga ako ay isang OFW na may dalang balikbayan box. At Ilang linggo matapos ang aking renew, eksaktong natamaan ang dalawa sa pamilya namin ng covid. Sa mga pagkatataong iyon mas dumoble ang gastusin. Ang pagpapabili ng grocery sa mga kapitbahay dahil bawal kaming lumabas gayundin ang pagtaas ng bill ng kuryente. Doon ko nakita na naging malaking bagay ang pagloandon ko dahil nakatulong ito sa mga bilihin namin. At dahil halos isang buwan kaming naka-quarantine ay tuloy-tuloy ang doble gastos.
Syempre, karagdagang gastos ang pagpapakabit ng internet, tila wala naman ng mapanood sa TV lalo na ng mawala ang isang istasyon kasama na rin bilang pampatay ng buryo para sa dalawang matandang kasama sa bahay. Iniisip ko na lang, magagamit ko ito sa online class at ipilit sa isipan na mas makakatipid ako dahil mas mabilis ito.
Nabuksan ang isipan ko sa paglo-loan nung wala pa ata akong isang linggo sa trabaho. Maliban sa mga akademikong usapan tulad ng mga nilalaman ng pagtuturo at mga tips at tricks ng mga beteranong guro sa pagpapatahimik ng mga mag-aaral ay hindi mawawala ang usapang loandon. Nakakatuwa nga na tila isang financial literacy na may halong pagsusuri sa mga bankong dapat mong puntahan ang napupuntahan ng usapan sa mga oras ng pahinga at paghahanda bago pumasok sa klase. Doon ko natutuhang kung gaano ka seryoso sa mga usaping sa paghawak sa mga mag-aaral, ganoon din dapat sa paghawak ng pera. Matalino, maingat.
Kung tutuusin, tila isang paglalakabay nga sa ibang bansa ang paglo-loan. Parang kapag nakapunta sa ibang lugar bilang turista, nalalayuan mo at natatakbuhan mo ang iyong problema. Ganoon din kapag may laman na ang ATM na galing sa lending bank. Tiyak matatakbuhan mo ang iyong mga problema. At ang dalawang ito ay nagkakahalintulad pa sa dalawa: hindi tuluyang paglaya sa problema. Kung ikokompara naman sa proseso, walang-wala ang bilis sa pagkuha ng passport sa pag-aapply ng loan. Naalala ko na pa nga ang sinabi ko sa ahente ng bangko, “Yun na po yun?” tango at ngiti lang ang tugon niyo. Maya-maya, inabot na sa akin ang papel, ang aking visa. Sabay tunog ng aking cellphone, nag-text na may pumasok ng pera sa account ko.
Kung ire-rate ko ito: Very smooth transaction 5/5 stars. Hindi aakalain sa adrenaline na naramdaman ko sa pagsagot ng form ay wala namang katakot-takot na mangyayari.
Kakaibang karanasan ito pero kapag napapadaan ako sa lending bank ko, naiisip ko na sana’y wala ng mga gurong papasok dito. Pero syempre, mas nauuna sa isip ko na sana matapos na ang loan ko.
Sa kabilang banda, ang usapan ng pagtaas ng bilang ng mga gurong naglo-loan ay isang usapin din hinggil sa umento sa sahod. May mga gurong nangungutang hindi lamang sa personal na pangangailangan para sa pagkakakasya sa mga gastusin, mayroon ding para sa gamit sa pagtuturo gaya noong pre-pandemic na kailangan ng TV, speakers, at projector. At ngayon, para sa pagkakaroon ng biglaang online class. Maliban sa Investment sa kaalaman sa bagong moda ng pagtuturo, kailangan din ang investment sa mga bagay tulad ng laptop, mga pailaw, pwesto, at syempre internet. Mayroon ding ibang napiling mag-invest sa para sa sariling pang-akademikong pag-unlad na tulad ko.
May isang loan din ang mga guro na hindi nababayaran ng salapi. Ang nauutang na oras na dapat laan sa pamilya. Mga pahinga at bakasyon na kasama sana ang mga mahal sa buhay dulot ng nawawalang espasyo sa pagitan ng trabaho at pagiging ina/ama/kapatid na akala natin ay mararanasan lang sa simula dahil halos lahat ay nag-aadjust sa iba’t ibang moda.
Sa kabuoan, hindi nating masisi ang mga guro kung bakit patuloy ang kanilang ‘paglondon’ lalo na kahit ‘delikado’ ngayong pandemya. Nakita kong hindi masamang maging turista sa isang mundong magbibigay ng pagkakataon masolusyunan ng kahit papaano ang pinansiyal na problema.
Sa ngayon, dalawang bagay may katiyakan: ang may maturity date ng loan ko at walang maturity date ang pandemya. Dahil kung may tatanungan sa pagwawakas ng pandemya ay walang makasasagot. Panalangin na lang talaga na sana mauna itong matapos.
Minsan, ang pagtakas ay hindi laging karuwagan. Kadalasan, ang paglayo ay ang simula ng pagbalik sa sariling bayan.
Hindi ko naisip kahit kailan na mangingibang-bansa ako. Lumaki ako sa pamilyang marunong makuntento sa kanin at ulam hatid ng tatay kong karpintero at nanay na nag-aasikaso ng lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak maghapon at magdamag. Hindi ako makakapag-aral kung hindi iskolar at kahit halos sampung taon na akong nagtuturo sa isang pamantasan ay hindi naman ako nakapagpundar ng kahit na ano maliban sa bahay na buwan-buwang hinuhulugan dahil sinalo lang sa isang kaibigang lumipat sa ibang bayan. Mahirap maging Pilipino sa panahong tumataas ang bilihin pero hindi gaanong nadaragdagan ang sweldo. Kung may darating na oportunidad para baguhin ang kapalarang ito, handa ba akong sumubok at magsakripisyo? Wala naman nga raw ganap na nakapaghahanda para tumira sa ibang bansa pero pwede namang mangarap at tanungin ang sarili ng, “Ano nga kaya? Kaya ko nga ba?” Matapang naman daw ang mga Kabitenyo. Tingnan natin kung talagang nasa dugo ko ‘to.
Sofa. Ref. TV. Motor. Lumang Damit. Book Shelf. Cabinet. At iba pa. Natagpuan namin ang pangalan naming mag-asawa sa social media na nagbebenta. “For good na ba?” tanong ng iba. Hindi ko masagot nang diretso kasi wala namang nakaaalam ng hindi pa natin nakikita. Pero ang alam ko, sinumpaan namin sa altar ang “for better or for worst” kaya siguro naman, may magandang kapalit ang lahat. Kahit anong mailalako, ipinaskil ko na sa Facebook. Kailangan namin ng pamasahe sa eroplano na mas tumataas kada araw na nade-delay ang pagpapa-book ko. Kahit ibenta ko lahat ng meron sa bahay, pambaon lang yata ito pansimula ng bagong buhay. Iba pa ‘yung utang sa pamasahe naming mag-asawa pa-Amerika. Pero iba rin naman ang suporta ng masasabi kong talagang “kapwa”. Hindi pa nagtatagal ang “hm” ay may nakapag-mine na. Magtatanong pa sila kung “ano pa ang hindi mo nabebenta?” May nagpapaabot ng maliliit na sobre, pambili raw ng kape sa byahe. May nagpapautang at nagsasabing “bayaran mo na lang kung kailan pwede”. Noon ko lang naintindihan ang sinasabi ng marami. Kapwa ko, mahal ko. Sumakay kami ng eroplano at dumating sa Chicago nitong Agosto baon ang pagmamahal ng mga kaibigan at kapamilya.
Isang pamilyar na mukha ang sumalubong sa amin sa airport. Mag-asawang Pilipino na nakilala ko noong 2018 nang maging iskolar ako sa Amerika. Isinakay nila ang mga gamit namin at inilibre kami ng almusal habang tulala pa kaming mag-asawa. Hindi kami makapaniwalang sa kakarampot na pera, nakarating kami ng ibang bansa. Pinatira nila kami sa bahay nila sa loob ng halos dalawang linggo. Sim card lang ang hanap ko pero tinulungan nila akong magkaroon ng cellphone na kahit kailan ay hindi ko naisip bilhin sa Pilipinas - iPhone 13. Sa unang Linggo, isinama nila kami sa simbahan na karamihan ay mga Pilipino ang pumupunta. Para rin naman palang nasa Pilipinas sa dami nila. Nakilala ko na noon ang iba pero maraming mga bagong mukha. Lahat ay nagtatanong kung kamusta kami, saan kami nakatira, paano ang panggastos namin, saan kami sasakay pauwi, at iba pang tanong na lahat ay nauuwi sa mga salitang, “Okey lang ‘yan. Ganyan din kami nung nagsisimula.” Maraming mga payo. Nakagagaan ng puso. Kapwa ko, mahal ko.
Nang magsisimula na ang klase sa pamantasang papasukan ko, lumipat na kami sa bayang lampas isang oras ang layo sa Chicago. Puro taniman ng mais at mababait na tao. Tumira kami sa isang bahay sa bukirin na pagmamay-ari ng isang Indiano at asawang Pilipina. Sa halip na tumuloy sa masikip na kwarto kasama ang pito pang katao malapit sa kampus gaya ng una naming plano para makatipid, pinatira nila kami sa ikalawang palapag ng kanilang bahay, may malawak na sala para sa sarili naming mga bisita, at pinahiram kami ng kotse para makapunta sa paaralan lalo na sa winter na wala sila at nasa California. May upa pero hindi malaki at laging may paalalang, “kapag hindi agad kaya, magsabi lang ha.” Tinulungan nila ang aking asawa na mag-aral magmaneho at magkaroon ng lisensya at ipinasok siya sa paaralan para kumuha ng batayang sertipiko sa pag-alalay sa mga nars sa tulong ng iskolarsyip. Habang nag-aaral ako ng ikalawang MA, nagtuturo ako ng dalawang klase ng Public Speaking sa mga Amerikano at ilang international students. Hindi ko problema ang damit o ang gamit sa bahay. May dumating na mga upuan, kaldero, rice cooker, heater, blower, 50-inch TV, shoe rack, winter clothes, sapatos, pagkain. AT IBA PA. Galing sa mga Pilipinong kaibigan ko dito sa Amerika. Hindi namin kinailangang gastusin ang malaking bahagi ng baong pera. Karamihan ng kailangan namin ay ibinigay na nila. Kapwa ko, mahal ko. Tinanong nila kami kung dito na ba kami magsisimula ng pamilya at kung ipapanganak ang una naming sanggol ay American citizen na sya. Saka na kako kapag may maayos at permanente na kaming trabaho. “Nandito naman kami,” sabi nila. Hindi ako makapaniwalang naririnig ko ito sa Amerika. Pinoy ka nga parati, sa loob o labas man ng bansa.
Dahil sa social media, madali naming nakakausap ang mga kaibigan at kapamilya. Dahil sa Internet, updated pa rin naman kami sa nangyayari sa bansa. Sa gobyerno. Sa ekonomiya. Sa paaralan. Sa palabas sa telebisyon. Hindi ko alam kung ito ang tinatawag nilang borderless generation. Mas madali na nga raw maging OFW ngayon. Hindi mahal ang magpadala ng liham kasi pwede nang mag-chat. Hindi mahirap magpadala ng pera at magbayad ng utang dahil may online transfer na bank-to-bank. Hindi kumplikado ang magpadala ng regalo kasi malago na ang industriya ng balikbayan box. Hindi mahirap humanap ng kanin dahil maraming Asian stores at restaurants. Hindi mahirap makipagkapwa kasi marunong naman ng Ingles at maraming Pilipino sa lahat ng establisyimyento.
Siguro, may ilan lang na nagbago. Nakakahinga ka sa oras kasi hindi nauubos sa trapiko o sa kahingiang manatili sa opisina kahit tapos mo na ang trabaho. Hindi kailangang makipag-unahan sa libreng pagkain dahil online ang pag-order sa food pantry na nakaistasyon sa harap ng grocery. Hindi mahirap ang akses sa Internet dahil may siguradong koneksyon sa lahat ng gusali ng paaralang hindi naghahanap ng ID at hindi binabantayan ng mga gwardya. Hindi nakikipag-unahan sa bus na libre kong nasasakyan paikot sa buong bayan dahil estudyante ako. Hindi nahuhuli ang sweldo at nadagdagan pa nga sa unang buwan nang wala akong inaaplayang promosyon o ipinapasang sertipiko sa paglahok sa webinar. May oras ako para sa libreng painting hatid ng counseling unit o para sa pagbabasa sa public library na bukas hanggang gabi.
Wala nga lang masyadong kakanin. Wala nga lang turo-turo sa kalsada. Wala nga lang sari-sari store na pwedeng bilhan ng tingi-tingi. Wala nga lang unli rice para masarap ang kain sa manok na isinawsaw sa toyomansi at sinamahan ng mainit at maasim na sabaw. Wala nga lang maraming nagbabasketbol sa kanto. Wala nga lang traysikel kapag gusto mong biglaang umuwi sa bahay ng nanay mo. Wala nga lang sa tabi ko ang paborito kong alagang aso.
Pero maraming Pilipino. Maraming mabubuti ang puso.
Inilagay ko ang libro at notebook sa bag paalis ng opisina. Susunduin nga pala ako ng dalawang kaibigang Pilipina. Magdidilig kami sa isang retirement facility at ang kinikita ay mapupunta sa pondo ng asosasyon ng mga Pilipino at ilang Amerikanong asawa. Ginagamit ito sa mga proyekto at pinaghahandaang Simbang Gabi tuwing paparating ang Pasko. Ito na lang ang magagawa ko para ibalik ang tulong ng mga Pilipino sa pagsisimula naming mag-asawa sa bagong buhay dito. Sa kaunting oras na ilalaan ko para sa gawaing ito, maramdaman din nawa nila na Kapwa ko, mahal ko. Iba talaga ang pusong Pilipino.
Hindi naman siguro bago sa pandinig na sabihing napakahirap mamuhay sa panahon ng pandemya. Gasgas na nga ito kung tutuusin ngunit hindi naman napapawi ng paulit ulit at nakakasawang bigkas ang katotohanang ito. Lalong lalo na at pataas nang pataas ang presyo ng bilihin at wala namang pagbabago sa buwanang sweldo. Dumudulas lamang sa palad ang nakukuhang salapi sa ATM.
Bago pa lamang ako sa propesyon ng pagtuturo. Hindi gaanong kalaki ang sweldo at parang hindi pa nga kasya sa pang-araw-araw na pangangailangan lalung lalo na at kailangan kong buwanang magpacheck-up sa doktor at lingguhan naman sa isa pang doktor. Hindi pa kasama riyan ang isiping presyo ng mga gamot na para bang lalo ka yatang gustong madali ang buhay.
Iba na rin kasi ang ihip ng hangin sa buhay ko ngayon. Dati rati ay sanay ako sa napakakumportableng buhay. Tumigil ako ng pagtratrabaho ng lampas isang taon at pinagamot ng aking mga magulang. Sa panahong iyon ay nakapagbakasyon pa ako sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas. Wala akong problema. Lahat ng mamahaling sapatos na gusto ko, napapasaakin. Lahat ng mamahaling kainan na gusto kong masubukan, napupuntahan ko.
Pero may hangganan ang lahat. At nagbabago ang takbo ng buhay. Tumatanda na rin kasi ang aking mga magulang. Wala ng dumadating na salapi. At kailangan ko na ring umasta nang naaayon sa aking edad.
Matagal akong namalagi sa Maynila dahil dito ako nag-aral ng kolehiyo at may bahay ding binili ang mga magulang ko dito para makahanap kami ng magagandang trabaho. Wala raw kasing oportunidad magkapera ng malaki sa pageempleyo sa probinsya.
Kaya lamang, hindi talaga hiyang sa akin ang Maynila. Ang bibilis ng mga tao! Ang bibilis ng mga sasakyan! Parang nadadala ako ng agos at wala akong makapitan. Hindi rin naman ako nakapagtrabaho sa malalaking kumpanya. Parang hindi ako bagay sa mga ganoong institusyon. Parang nakakalula ang taas ng kanilang mga gusali. Nauwi ako sa mga maliliit na kumpanyang naglalatha ng mga textbooks. Ang liit ng sahod kahit ang dami ng trabaho!
Matapos ang ilang taon sa kamaynilaan, naisip ko na talagang bumalik sa probinsya na aking kinalakhan. Hindi nagmamadali ang mga tao doon. Hindi nakakalunod. Hindi mo kailangan laging tumakbo at makipagsiksikan para hindi mo maramdaman na hindi ka napapagiwanan.
Usong uso na rin naman ang magtrabaho sa bahay ngayong pandemya. Kaya kung makahanap man sa Maynila ng trabaho, pwedeng-pwede na talagang magtrabaho sa probinsya.
Sa probinsya, maaliwas. Hindi masikip. Ang luwag luwag pa nga! Dati nga, dadalawa lang ang aming kapitbahay sa aming lugar. Mas marami pa ang baka at kambing sa lugar namin kaysa sa mga tao. Walang usok! Walang mabibilis na sasakyan! Mag-iingat ka lang na makayapak ng dumi ng mga bisiro.
Syempre, pagbalik ko, marami ng nag-iba. Ang dami na pala naming kapitbahay. May lomi haus na rin sa katabi. May junk shop sa kabilang dulo. Wala ng baka. Wala na ring kambing. Pero masarap pa rin ang simoy ng hangin.
Nakabalik ako sa probinsya dahil nagkaroon ng pagkakataong magturo sa isang pampublikong paaralan doon. Kilala naman ang eskwelahan bilang premyadong high school sa bansa. At tiyak matatalino ang mga bata roon. Nakatulong din na doon nagturo ang isa sa matalik kong kaibigan bago siya pumunta na ng US para tapusin ang kanyang PhD bilang iskolar.
Kahit mas mura ang paninirahan sa probinsiya, hindi pala talaga birong mamuhay ng ikaw lahat ang gagastos. At mas mahirap pa lalo dahil pandemya. Ang hirap gumalaw. May dagdag nerbyos pa pag pumapasok sa eskwelahan. Magkasakit pa ako doon. Paano ‘pag naospital? Saan na ako kukuha ng ipambabayad? Pero ano pa nga ba? Kailangan kong panindigan ito. Ginusto ko eh.
Naging maayos naman ang naging karanansan ko bilang baguhang guro. Wala masyadong naging aberya. Ayun nga lamang, ilang linggo bago matapos ang school year, nakaramdam ako ng sakit ng katawan at nagkaroon ng mataas na lagnat. Tila wala itong balak bumbaba. Nanginginig ang aking buong katawan kahit balot na balot na ako ng makapal na kumot.
Agad ko nang minessage ang school nurse namin. Sabi niya ay kailangan ko raw mag-isolate ng di kukulang sa limang araw. Pwede rin daw akong magpatest. Kukunin lang daw niya ang contact details ng RT-PCR testing center. Mahal daw yun. Mga 2,500 pesos.
Sa isip ko, limang araw? Sakto Linggo ako nagpositibo. Sa susunod na Lunes pwede na ulit magtrabaho. Sa madali’t sabi ay limang araw akong walang sweldo.
Maliban sa problema sa pantustos. Hindi talaga ako mapakali kahit na nasabihan na ako ng aming butihing nurse sa mga maaring gawin. Ang mahal din kaya ng RT-PCR! Kusa na lang akong naghanap ng antigen testing center malapit sa amin. Sabi ko’y rapid test na lang muna. Mas mura kasi ‘yun.
Kaya lang, malas pa’t ang center na nakita ko’y may kamahaalan. Sa halip na 600-800 pesos ang singil, 1,000 pesos sa kanila. Pero desperado na ako. Masama talaga ang aking pakiramdam at gusto kong makasigurado. Ayaw kong mag-isolate lamang. Kailangan kong malaman.
Pagtapak na pagtapak ko pa lang sa testing center ay parang gusto ko ng umurong. Ang dilim at ang alikabok ng clinic. May punding fluorescent lamp. Parang lalo kang magkakasakit doon! Isa rin lang monobloc ang available para sa pila. Nakalock pa nga yung gate ng center. Sabi kasi nung nag-iisang tao sa testing center ay may luko-luko raw na nagpipilit pumasok. Kinakalampag daw siya. Hindi na rin ako umurong kasi kailangan ko na rin naman talaga at may kabaitan din naman ang bumungad sa akin.
Ipinasok sa aking ilong ang tila isang mahabang cotton bud, medyo nakakakiliti pala. Linagay sa isang contraption ang dulo at kinalog. Ipinatak sa parihabang testing kit. Sabi ay mga bente minutos para makita ang resulta. Yung sa akin wala pang limang minuto, dalawang guhit na kaagad ang lumabas! Positibo nga. May COVID ako.
Kahit anong pag-iingat ko. Kahit napakaselan ko at napakalinis at napakapraning. Hindi pa rin ako nakaligtas. Bukod sa pag-alis para magtrabaho, halos dalawang taon akong hindi lumabas para makipagkita sa aking mga kaibigan. Kay saklap naman.
Pag-uwi ko, agad kong pinaalam sa school nurse na positive ako. Pinadala ko sa kanya ang resulta ng test. Kailangan ko na talagang mag-isolate. Ay naku! Liliban ng halos dalawang linggo. Walang bayad. Hindi pa naman ako regular. Wala na ring sasahurin pagkatapos ng school year. Sa Agosto na ulit. Walang ni dudulas na pera sa aking palad.
Paano na kaya ito? Kaunti lang naman din ang ipon ko. Naghalo na ang pangangaligkig ko sa lamig dahil sa lagnat at pagkahilo ko sa kunsumisyon sa mga gastusin. Salamat na lang at may konting pagkain pa namang natira sa bahay.
Masama ang loob ko noon at hindi ko matanggap ang nangyari. Pag tingin ko pa sa Facebook, nakita ko yung mga tao, labas ng labas! Bakit hindi sila nagkakasakit? Samantalang ako, takot na takot, ako pa ang tinamaan!
Ngunit napawi rin naman ang poot sa aking puso. Ang dami kasing katrabaho ang nangamusta pati na rin ang mga kapamilya. May pinsan rin akong nagpadala ng ayuda. Isinabit na lamang sa gate—tinapay, bacon, Pocari Sweat, hotdogs, pineapple juice at Jollibee! Hindi ko na rin masyadong inaalala ang iba pang pangangailangan sa bahay. Nagpadala kasi ang eskwelahanag pinagtratrabahuhan ko ng isang kahon ng groceries at dalawang balot ng prutas. Nagpadala rin sila ng isang libo na ginamit ko naman sa pagbili ng aking antibiotics na irineseta ng aming school physician. Kahit kulang ito ay malaki pa ring kabawasan sa gastusin lalung lalo na at wala na nga akong sinasahod.
Naging mabilis naman ang aking paggaling. Matapos ang sampung araw ay maayos na ang aking pakiramdam. Nagpapasalamat din akong sa probinsya ako nagka-COVID. Mayroon kasi kaming munting hardin sa probinsya at pwedeng tumambay sa aming terrace. Ipinapahinga ko araw-araw ang aking mga mata at isipan sa pagtingin sa mga nagliliparang maya, matayog na puno ng acacia at sa mga dilaw, puti at asul na paru-parong dumadalaw sa aming tanim na mga santan tuwing umaga. Kung nasa Maynila ako, tiyak kulong lang ako sa malungkot na kwarto. Nakahiga sa kama at nanonood ng Netlfix o nakatingin sa kisame, nagiisip hanggang mawala sa wisyo.
Matapos magpatest ulit at makakuha ng negative na resulta. Bumalik na ako sa trabaho. May kaunting pagod pa rin at mapakla ang panlasa pero kaya ng sumagot sa email at umatend ng mga miting. Ang dami ko pa lang naiwan na gawain! Buti na lang at marami akong kapwa guro na kahit hindi ko linapitan ay kusang tumulong na mabawasan ang aking mga gawain.
Mahigit isang buwan na ang nakakalipas mula noong ako ay nagka-COVID. Tapos na ang naextend naming kontrata sa eskwelahan at tapos na rin ang sweldo ko para sa school year na ito. Sa sunod na taon na ulit ako makakapila sa ATM para magpadulas ng salapi sa palad.
Nakapagbisikleta na ulit ako at masasabi kong nagbalik na ang aking lakas. Ang hindi na lang siguro bumabalik sa dati ay ang pitaka ko. Manipis pa rin ito dahil sa hagupit ng pagkakasakit at sa realidad na ako’y isang kontraktwal na empleyado.