Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Kung Bakit Dapat Umawit sa Panahon ng Pandemya
From listening to music to any active participation in music making, individually or in groups, music has been associated with psychological wellbeing, reduced anxiety, lower levels of depression, or coping among people with health conditions and, in general, increased subjective wellbeing (Daykin et al., 2018).
Totoong tumigil nga ang maraming koro at iba pang mga nagtatanghal na alagad ng sining sa panahon ng pandemya. Nanahimik ang mga entablado at sinehan, nawala ang mga programang nagtatampok ng mga mang-aawit at mananayaw, at naging blangko ang mga espasyong nakalaan sa koro sa mga simbahan. Isang taong mahigit na ngang hindi nagkikita ang aking koro para magsama-samang mag-ensayo at maghanda para sa konsyerto o paglalakbay sa ibayong dagat.
Nakapangungulila ang pagbuklat ng piyesa, ang pag-aaral nito, ang pagpapatunog ng bawat seksyon ng koro, ang sama-samang tunog para mabuo at tumakbo ang isang awiting itinakda at idinisenyong gamit ang mga pagniniig ng mga simbolo at teksto. Iba ang mahika ng pakikibahagi sa seksyon ng koro (Soprano, Alto, Tenor o Bass) at ang pakikiisa para gawing makapangyarihan ang tunog at mensahe ng mga awitin. Pinag-aaralan ang pahina ng piyesa at kung papaano magkakaroon ng iisang interpretasyon sa kahulugan ng tunog at titik. Hindi ito maisasagawa nang mag-isa, hindi ito maaaring marinig at mabuo kung walang kasa-kasamang tutupad sa kahingian ng piyesang pangkoro. Iba ang pagpulso ng mga tinig sa dinamikong pangmusika, ang pagpapalit ng kords, ang kani-kaniyang paghinga, ang pagsunod sa ritmo at singkopasyon, at ang sama-samang pagbibigay kulay o kinis sa tunog. Dagdag pa nga ang kahingiang teknikal sa mga mang-aawit. Inaasahan kasing may sapat na kaalaman ang bawat isa sa pagrerekord, may kagamitang tulad ng laptop, mikropono, headphone, at ilaw, kakayanan sa paggamit ng piniling application, pagtitimpla ng tunog at vidyo, at ang tiyaga para sa pagrerekord at pakikinig nito nang paulit-ulit. Dapat bigyang tuon ang pagiging pamilyar ng bawat isa sa proseso ngproduksyon at pagtatanghal sa onlayn. Ang pagtatanghal ng koro ay isang gawain ng pakikiisa at hindi ng pag-iisa.
Sa unang limang buwan ng kuwarentina, may ilang korong nagtangkang magkita-kita sa sari-saring platapormang onlayn upang tuparin ang pagpapanagpong kahingian ng pagpapatuloy ng pag-eensayo. Ang musika nga ang nagbibigkis sa lahat ng kasapi ng koro. Kaya't kahit na magkakalayo at sadyang may limitasyon sa panahon (ang iba ay nasa iba-ibang time zones at paglalaan ng oras) at layo ng pook ay naisasakatuparan ang kahingian at kasalimuotan ng pag-awit nang magkakasama sa online. Bagaman, ayon sa mga konduktor at direktor ng mga koro, sadyang napakahirap hulmahin ng bawat isang tinig, pagsama-samahin ito, timplahin at dinggin ang tunay nitong tunog at kalidad. Iba pa rin ang pagkakaroon ng pisikal na pagsama-sama na sa bawat nota at pahinga ay inaabangan ang pag-usad ng komposisyon at kumpas ng konduktor ng koro.
Bagaman may mga vidyo ang ilang korong nagsumikap na makabuo ng kanilang musika sa pamamagitan ng kani-kaniyang pagrerekord ng kanilang bahagi at saka pinagsama-sama ito upang maitanghal ang isang awitin. Naiaplowd ito kung saan ang mga mukha ng mang-aawit ay tila naikahon sa isang malaking kuwadro na kung minsan ay nagbabago ng dami o laki. Nauso ang mga pag-aalay ng musika para sa pagbibigay inspirasyon, pagsasalamat sa mga bayani ng pandemya, at ang paghahayag ng katatagan ng pananampalataya. Bagaman iilan lamang ang nagpatuloy at sadyang nanamlay rin ang pagsasagawa ng ganitong pagsasalo-salo sa awitin sa kalawakan ng cyberspace. Para sa mga malay, mulat, at nagpapahalaga sa kalikasan at katuturan ng paglikha ng musikang pangkoro, iba pa rin ang aliw at karanasan sa panonood at pakikinig ng pagtatanghal sa harap ng isang koro.
Nangungulila ako sa paglikha ng tunog at saya ng pag-awit kasama ang koro. Kaya may ilang umaga o dapithapong tahimik kong pinatutugtog ang ilang awitin at saka ko ito sinasabayan sa bahaging nakalaan. Sinasariwa ang mga masasayang alaala ng pagpapanagpong hawak ang piyesa, kata-katabi ang mga kasamahang mang-aawit, at kasalo sila sa pagbuo ng makapangyarihang musika. Nagpapatianod ako sa melodya at mensahe ng mga awitin. Isang pagkakataon para marinig ang areglo, ang alalahanin ang kuwento ng awit at kompositor, at ang sari-saring wikang may kani-kaniyang mensaheng batay sa tradisyon, kasaysayan, talinghaga o imahe, at salaysay. Pansamantala akong pinalalaya mula sa nakababagot na mga araw na limitado ang paglabas at pakikihalubilo. May glorya ang bawat modulasyong sanhi ng umaapaw na emosyon. Lunas ang musika (o anu pa mang sining) laban sa kalungkutan at pangamba. Kaya naman may bentahe ang umawit o makinig sa awitin. Hinihintay ko ang araw na magkikitang muli ang mga mang-aawit, lilikha, at magsisimulang magtanghal at makapagbahagi ng kasiyahan sa isa't isa at sa mga tagasubaybay.
Bahagyang Pag-asa at Panawagan sa Gitna
ng Pangalawang Taon ng Pandemya
Pangalawang taon na ng pandemya sa mga bansang gaya ng Pilipinas na nabigo sa mabilis na pagkontrol o pagsugpo sa coronavirus. Dumami na ang mga antolohiya ng akdang lockdown at literaturang temang-pandemya na nagsasalaysay at nagbubusisi sa mga danas – mababaw man o malalim, malungkot o masaya, personal o panlipunan – ng mga may-akdang kasama ng sambayanan sa paghanap ng magandang wakas sa tila horror movie na ngayong pagrolyo ng mga eksena sa bansa, ngunit tila malayo pa ang inaasam na pagtuldok sa COVID-19. As of this writing: malapit-lapit nang mag-1 milyong Pilipino ang may o nagkaroon ng COVID-19; lagpas 16,000 na libong kababayan na ang nasawi; libu-libo pa ang nasa ospital at/o naghihintay ng kama sa ospital o kaya’y nakakwarantina sa bahay o mga pasilidad; milyun-milyong mamamayan ang nawalan ng trabaho, nabawasan ang kita, pumipila sa mga paminggalang-bayan/mesa ng masa/hapag ng bayan/community pantry para may maipantawid-gutom, habang hinihintay ang pagdating ng sapat ng ayudang panlahat; aabot na sa 1 trilyong piso ang inutang ng administrasyong Duterte para sa pandemya pero wala pang 1% ng mga Pilipino ang ganap na nabakunahan kontra-COVID-19 (wala pang 1.5% ng populasyon naman ang naka-1 dose na ng bakuna) habang sa Israel at mga kagayang bansang natapos na halos ang lansakang pagbabakuna, hindi na required ang face masks sa mga publikong lugar.
Malayo pa ang umaga sa Pilipinas pero may nakikini-kinita nang kaunting liwanag. Marahil ay totoong ngang malapit na ang bukang-liwayway kapag gabing sakdal-dilim. Ano pa ang didilim sa kawalan ng kalinga sa sambayanang gutom, naghihirap, maysakit, at naghihintay ng lunas na tila hindi darating o baka nga ipinagkakait pa ng mga inutil na patabaing baboy na tuloy ang sweldo kahit walang serbisyo: namumunini at nagpapasasa sa kaban ng bansa habang naghihirap ang nakararami? Nakalipas na siguro ang sakdal-dilim kaya may nasisilayan nang kaunting liwanag?
Ang tinutukoy kong kaunting liwanag ay ang di inaasahang paglaganap ng pagtatayo ng mga paminggalang-bayan/mesa ng masa/hapag ng bayan o community pantry na pinasimulan ni Ana Patricia Non o “Patreng” sa kanyang mga kaibigan. Niredtag – binansagang “komunista” – si Patreng at ang iba pang organisador ng paminggalang-bayan, lalo na ang mga paminggalang-bayan na may nakadikit sa mesa na panawagang kinagigiliwan ng sambayanan gaya ng “Ayudang sapat para sa lahat!” o kaya’y “Mass testing now!” o “Food not bombs!”
Sa isang bansang gutom at nagdaralita at walang natatanggap na (sapat na) tulong mula sa gobyerno ang maraming mamamayan, tila lohikal ngang pagbintangang kaaway ng Estado ang mga nagmamalasakit at kumakalinga sa mga kababayan, lalo na kung aaminin ng mga nasa poder na opisyal na polisiya na nila ang gutumin o paghintayin ng tulong ang sambayanan. Naaalala rin ng marami ang sipi mula sa niredtag din noon na Arsobispo sa Brazil na si Hélder Pessoa Câmara na nagsabing “Quando dou comida aos pobres, chamam-me de santo. Quando pergunto por que eles são pobres, chamam-me de comunista.” (“Tuwing nagbibigay ako ng pagkain sa mahirap, tinatawag nila akong santo. Tuwing nagtatanong ako kung bakit sila mahirap, tinatawag nila akong komunista.”).
Bahagyang kakaiba lang ang sitwasyon sa Pilipinas, kaya maaaring repasuhin ang salin ng sipi mula sa butihing arsobispo (na itinanghal nang “Servant of God” o “Lingkod ng Diyos” noong 2015 – unang hakbang sa mahaba-haba pero hindi imposibleng makompletong proseso tungong pagiging ganap na santo sa Simbahang Romano Katoliko): “Tuwing nagbibigay ako ng pagkain sa mahirap, tinatawag nila akong komunista dahil wala na yata sa plano nila na bigyan ng tulong ang mga mamamayan, kaya itinuturing na lang nila na komunistang kaaway ng gobyerno ang sinumang tumutulong sa mahirap.” Kaugnay nito’y dapat na ring akdain ng mga manunulat at manlilikha ang sagot sa pagbubulay-bulay sa kaugnay na tanong: kung komunista ang tumutulong sa mahihirap, bakit sila pipigilan? Hindi ba’t dapat pa nga silang gayahin o tulungan (o sa konteksto ng mga maka-Estado, kumpitensyahin)? Siyempre pa, lagpas sa simpleng pagpapakain ng nagugutom ang nais nating mangyari. Gusto nating abuting magkaroon ng bansang Pilipinas na hindi na kakailanganin ang mga paminggalang-bayan dahil bawat tahanan ay punung-puno ang laman ng paminggalan.
Panahon nang tumulong muli sa paglalarawan at paghuhubog ng mga pinapangarap na mapagkalingang lipunan ang mga makata, mananaysay, kwentista, mangangatha, manunulat na Pilipino.
Mahigit isang taon nang nakakuwarentina ang bansa dahil sa pandemyang COVID-19. Mahigit nang isang taon ngunit tila hindi pa rin alam ng gobyerno kung ano ang gagawin. Kulang pa rin ang testing at contact tracing, magulo pa rin ang pamamahagi ng kakarampot na ayuda para sa mga naghihikahos na kababayan natin, at napag-iiwanan na tayo sa larangan ng pagbabakuna. Tumataas pa rin ang mga kaso at punuan na ang mga ospital. Kung noong nakaraang taon ay tila estadistika lamang ang mga balita tungkol sa mga nagkakasakit at namamatay, ngayong taon mga kakilala, katrabaho, kapitbahay, o mga kamag-anak na talaga natin.
Kayâ hindi nakapagtataka na medyo madilim ang mga akdang nakasama ngayon sa pangatlong isyung ito ng Luntian. Isa itong ironiya dahil maaliwalas at masarap sana sa paningin at damdamin ang kulay na ito ngunit kadiliman naman ang halos lahat ng tampok na mga likhang pampanitikan. Hindi rin ito nakapagtataka bagkus ay dapat asahan. Matagal nang nagsisilbing salamin ng mga pangyayari ang literatura, na ang mga manunulat—yung mga tunay at hindi nababayaran ng kurap mga politiko at mandurugas na mga negosyante—ay siyang mga makatotohang saksi ng kanilang panahon.
Sa tulang “Palad ng Dukha” halimbawa ni Ronnel V. Talusan angkop ang payak at hayag ang mga unang linya: “Kulang-kulang tatlong libo / kinita sa isang linggo / huli na palang suweldo / sa di na mababalikang trabaho.” Ang nasasaksikahan ng persona sa tulang ito ay paulit-ulit na nangyayari ng daan-daan libong manggagawa na nawalan ng trabaho. Ayon sa International Labour Organization inaasahan nilang 10.9 milyon ang mawawalan ng trabaho, pansamantala man o permanente, ngayong panahon ng COVID-19. Ang ilan sa kanila ay masyadong masaklap ang kinahantungan tulad sa mangagawa sa tulang ito: napatay sa checkpoint dahil sa paglabag sa kuwarentina dahil gustong kumita para may makain ang pamilya. Sino ang pumatay? Ang mga pulis at militar, ang mga aparato ng isang sangganong pamahalaan na dahas ang panlunas sa mga problema ng bansa.
Sa totoo lang mabigat sa puso’t isipan ang halos lahat ng nilalaman at pinapaksa ng akda sa isyung ito ng Luntian. Pero kailangang basahin nang harapan at tibayan ang sikmura at dibdib, at para na rin maiwasan ang mahimbing o magtago sa sariling kumportableng sulok habang nananalasa ang pandemya at kabuktutan ng sistemang kapitalistang sanhi ng kurapsiyon sa pamahalaan at pang-aapi sa mga uring manggagawa.
Para sa mga manunulat, ang kahirapan at tila bangungot na dala ng pandemya ay isang pagkakataong maging mulat na saksi at tagatala. Samakatwid, sa panahon ng kadiliman sa ating lipunan, ang papel ng manunulat ay tiyaking luntian ang isipan at ang panulat.