Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Alas-sais. Pinagmamasdan ko ang kasalukuyang posisyon ng mga kamay ng orasan. Huminto ang maiksing kamay nito sa ‘6.’ Heto’t dinig ko na ang tunog ng babala mula sa barangay. Simula na ng curfew. Hindi ko na matandaan kung kailan nagsimula ang ECQ o Enhance Community Quarantine rito sa Maynila. Batid ko lamang na nagtapos na ito. Hindi na ako nakasasagap ng balita tungkol sa bansang ito mula nang masira ang aming telebisyon. O marahil, mula nang mawalan ako ng gana sa mga bagay-bagay rito sa bahay. Ganoon pa rin naman, mahigit isang taon na ang nakalipas—ngunit heto’t nasasadlak pa rin sa kahirapan sa pera at sakit. Walang makikitang progreso sa ginagawa ng pamahalaan. Nakatutuwang isipin na tila ba paurong tayo nang paurong imbes na sumulong nang sumulong laban sa COVID-19.
Kahit nasa loob ng bahay, pagkatapos ng tunog ay rinig ang mga tinig ng dalawang babaeng nagdarasal ilang eskinita lamang malapit sa bahay. Angelus tuwing alas sais. Noong mag-iigib ako ng tubig pang-inom, hindi maiiwasang daanan ang puwesto kung saan nakatayo ang speaker. Biglang tutunog ang hudyat ng angelus. At sa tuwing hihinto ako, mas nakikita ko ang mga taong patuloy na naglalakad sa kalsada. Sa aking sitwasyon, kung isa ka sa mga taong naglalakad sa saliw ng banal na salita, marahil ay mahuhuli ko ang iyong mga mata. At magtatanong ka sa sarili kung bakit ako nakatayo, nakababa ang dalawang walang laman na galon. At marahil ay iisipin kong wala kang paniniwala o pananampalataya.
Alas sais din ang oras upang iwanan ang labas, ang mundo ng kamusmosan—lalo noong hindi pa nahuhumaling sa teknolohiya ang karamihan sa mga bata. Bigla kong naalala ang aking pangalan na isisigaw ng nanay sa tuwing sasapit ang alas sais. Minsan pa nga’y madilim na at nasa labas pa ako, kalaro ang kung sino mang mga batang tulad ko malapit lamang dito sa bahay. Ngayong nasa pandemya ang mundo, hindi rin naman nito naikulong ang mga bata sa loob ng kanilang mga bahay. Kahit nga ang mga sanggol ay inilalabas ng kanilang mga ina.
Sa paniniwala ng matatanda, bago mag-alas sais ay nararapat na nakabukas na ang ilaw sa itaas ng bahay. Kailangan daw na pagharian ng liwanag ang kadiliman sa bahaging ito ng bahay— lalo’t ‘di magtatagal ay lilisan na ang liwanag ng araw. Malapit nang magpahinga ang lahat ng napagod. Malapit nang magwakas ang lahat ng sinimulan. Naglalaban na ang liwanag at dilim sa kalangitan. Mgsisimula nang magalak ang buwan.
Alas siyete. Heto’t tutok akong muli sa laptop. Madalas kong iginugugol ang oras sa mga gawaing pang-eskwela, mula tanghali hanggang gabi. Sa oras na ito rinig ko na ang musikang handog ng kawali, sandok, o kaya’y kaldero. Naghahanda na ng hapunan ang nanay. Mula nang magsimula ang pandemya, napakaaga na naming maghapunan—kumpara sa dati at karaniwan naming hapunan na pinagsasaluhan tuwing alas otso. Sinambit niya ang aking pangalan habang nagtatrabaho ang aking mga daliri at utak. Hindi ako tumugon sa kaniyang tawag, dahil mula nang hindi ko makontrol ang aking emosyon—hinayaan ko na lang ang mga bagay na pumakawala sa aking mga kamay na tila tubig na kahit anong gawin ay hinding-hindi susunod sa aking nais— kahit pa man diktahan ng puso. Matapos ay iniwan ko nang panandalian ang laptop, at bababa upang manginain. Sa pagkakataong ito, tapos na sila. At mas mapayapa akong kakain mag-isa.
Matapos ang pahinga’y hinugasan ko ang mga pinag-kainan.
Alas nuwebe. Madalas ay hanggang alas nuwebe ang aking trabaho sa laptop tulad ngayon. Determinadong maabot ang aking mga pangarap, habang ang aking kinabukasan—maging itong kasalukuyan—ay hindi pa tiyak. Ngayon, ipinapahinga ko ang aking kamay at mata bago maghilamos ng mukha. Kinuha ko ang earphone, at hinayaan kong dalhin ako ng musika sa mundo ng kapayapaan habang sasabayan ng tinig. Isa itong ginintuang oras habang ako’y nakadungaw sa bintanang natutunan kong angkinin. Sa isang silid na itinuring kong espasyo sa lahat ng emosyon ng aking kaluluwa at karunungan mula sa online class. Naririto ako’t pinagmamasdan ang kadiliman ng kalangitan. Naghihintay na magwakas ang araw, at matapos ay maangkin ang oras. Sa mga oras na ito’y naririnig na ang katahimikan. Ito lamang ang aking nais sa lahat ng sumisigaw. Sa mga oras ding iyo’y nanaisin kong magpahinga nang matapos na ang lahat ng pagod at ingay. Sa ganitong pagkakataon, mapapahinga hindi lamang ang aking kamay at mata.
Alas diyes. Matapos maghilamos ng mukha, naghanda na ako upang matulog. Ang iba ay patulog na sa oras na ito. Ngunit ako, pinipili munang hindi matulog. Ngayo’y pinili kong maging gising habang nilalamon ng kalmadong mundo ang gumuguho kong mundo. Bumalik ako sa bintana, at ngayo’y niyayakap ng malamig na simoy ng hangin. Isang kataliwasan na sa gitna ng tag-init ay naging mabait sa akin ang hangin. Sa kabila ng init ng araw ay ang alaga ng gabi. Nagdesisyon akong umupo sa puwang sa bintana upang salubungin ang kabaitan hindi lamang ng hangin, kundi pati na rin ng naghaharing gabi.
Isa itong banal na oras para sa akin lalo kung ang katapat na bahay ay hindi magbubukas ng kanilang bintana. Sa ganoong sitwasyon, walang ilaw na magliliwanag sa aking harapan. Walang taong dudungaw at wala akong makikitang gumagalaw sa loob ng kanilang silid. Wala kang makikitang tanawin kundi ang tatlong bahay mula sa aking puwesto. Sa ikalawa at ikatlong bahay naman pakaliwa ay mayroong ilaw sa labas lamang ng kanilang mga pinto. Bago matapos ang araw, papatayin ng ikatlong bahay ang kanilang ilaw—kaya’t malayang liliwanag ang ikalawa o gitnang bahay. Kung igugulong ang mga mata lampas sa mga bahay na ito, ang makikita lamang
ay ang mga ‘di kalayuang bahay. Nakadaragdag ng kalungkutan itong mga tanawin na nagpapatunay na masikip at nakakulong nga itong aking mga mata, itong aking kaluluwa. Sa kisame ng mundo ay matatanaw ang madilim na lilang kulay nito. At ‘di magtatagal, ang araw ay magwawakas upang muling magsimula.
Alas onse. Pinatay na nga ng ikatlong bahay ang kanilang ilaw. Pinili kong manatili para sa pagwawakas ng araw, para sa pagsisimulang muli ng panibago. Pinili ko ang kapayapaan sa kabila ng dilim. Ang oras ng pahinga ng lahat, ang oras ng aking paghinga.
Nawa’y sa pagwawakas na ito na aking masasaksihan ay maiwaksi rin ang lahat ng aking pagod at ingay. At muli akong makapapahinga at mababalot ng katahimikan. Doon lamang ako muling makapagsisimula. Ito ang nais kong wakas—ang nais ng kahit na sino.
Sumapit na ang alas dose. Ang panibagong simula. Heto’t nagliliwanag pa rin ang gitnang bahay.
“May CCTS ka Nay?” ito ang tanong ng gwardiya kay Aling Tinay nang pumunta siya sa MLhulier para kunin ang perang pinadala ng anak niyang si Gina na namamasukan bilang kasambahay sa Maynila. Kailangan niya kasing bumili ng gamot sa altapresyon ng asawang si Mang Kanor. Nahilo kasi ito kanina kaya kailangan ni Aling Tinay pumunta sa bayan upang bumili ng Lozartan.
“Wala Hijo,” sagot ni Aling Tinay sa tanong ng gwardiya.
“Naku, hindi po kayo makakapasok,” tugon naman ng gwardiya sa kaniya na walang face mask. Nakabusangot ang mukha nito.
“Kailangan ‘yan para sa contact tracing,” dagdag pa nito sabay turo sa nakapaskil sa pintuang salamin, “No Facemask, No Face Shield, No CCTS, No Entry.”
“Kailangan lang talaga e” giit ng Ali na nahihirapang magsalita dahil natatakpan ng face mask at face shield ang mukha.
“Protocol ito Nay, kung wala kayong CCTS, isulat n’yo na lang po ang pangalan niyo rito,” diretsong sagot ng gwardiya saka nito itinuro ang log book na nasa tabi ng alcohol. Napaatras si Aling Tinay, hindi siya marunong magsulat ng kaniyang pangalan. Wala silang apo na makatutulong sa kanila sa ganitong mga sitwasyon. Katunayan, bawal talagang lumabas. Napilitan na lang siyang lumabas dahil wala siyang ibang pagpipilian. Gusto niya sanang magpatulong mamaya sa mga teller para makuha ang pera na padala ng anak. Kaso hindi pa siya makakapasok. Gusto niya sanang magpasulat ng pangalan sa gwardiya, pero inunahan siya ng hiya. Abala rin ito sa pagkuha sa temperatura ng mga tao at marami na rin ang naghihintay sa likuran ni Aling Tinay. Umatras siya upang paunahin ang iba.
May ipinakita ang mga tao sa gwardiya. Pagkatapos ay agad naman itong pinapasok sa loob.
“Ano ba yang CCTS na ‘yan?” usisa niya sa lalaki.
Kinuha ng gwardiya ang kaniyang selpon, pinakita kay Aling Tinay ang tinatawag na CCTS.
“Kailangan po ‘yan para sa contact tracing,” tugon nito.
Inginuso ng gwardiya ang isang tindahan na may karatulang nakalagay “PRINT HERE”.
“Nakikita niyo ‘yan, diyan na lang kayo magpagawa,” dagdag pa nito. Tumango-tango ang matanda at agad naman nitong tinungo ang tindahan. Nakita niya ang isang lalaki na may matipunong katawan na nakatutok sa kompyuter.
“Dito ba magpapagawa ng CCTS?” tanong niya sa lalaki.
Tinawag nito ang isa pang lalaki.
“Loy, may magpapagawa!” sigaw nito saka lumabas ang isang lalaki na payat ang katawan. Pupungas-pungas pa ito papunta sa kompyuter. Binuksan nito ang kompyuter. Tumipa ng keyboard.
“Pangalan?”
“Martinasya Landongan.”
“Edad?”
“62.”
“Birtdey?”
“June 13, 1959”
Tinanong din nito ang address ni Aling Tinay.
“Nay, tingin po kayo sa kamera,” utos ng binata sa matandang babae. Agad naman nitong kinunan ng piktyur si Aling Tinay na noon ay hindi alam kung saan titingin. Itinuro ulit ng binata ang kamera. Pagkatapos tingnan ang piktyur agad itong bumalik sa kompyuter. May pinindot.
Pagkatapos ay biglang narinig ni Aling Tinay ang tunog ng printer. Lumabas ang isang papel na may mukha niya.
Kinuha ito ng lalaki, ginunting atsaka nilagyan ng plastik cover.
Pagkatapos ay ginupit ulit at binigay kay Aling Tinay.
Nanginginig ang kamay ng Ali habang tinatanggap ang CCTS card.
“200 pesos” sagot no’ng lalaki sa kaniya.
Napanganga si Aling Tinay sa narinig.
Bumibigat sa kamay niya ang hawak na CCTS card.
NAGTIMPLA siya ng isang sachet na gatas na nilagyan ng kalahating sachet na 3-in-1. Gustong-gusto niya ang ganoong timpla. Hindi lumalambot ang dumi niya dahil hindi purong gatas at hindi naman siya napapaitan dahil hindi purong kape. Tamang timpla, kumbaga.
Hinalo niya ng kutsara. Hinalo. Gusto niya iyong halong-halo. Sa paghahalo niyang iyon, napansin niyang may umaali-aligid na lamok. May kalakihan. Sumasabay halos sa galaw ng kamay niya. Nagustuhan nito marahil ang aroma. Ngunit nang itigil niya ang paghahalo ay dumapo ito sa likod ng palad niya. Nagtangkang kumagat. Na hindi natuloy dahil mabilis na iwinilig niya. Sumimsim siya. Dumapo ang lamok sa noo niya. Agad niyang inilapag ang mug. Lumayo ang lamok. Sisimsim siya uli. Napansin niyang lumalapit uli ang lamok. Mabilis niyang ibinaba ang mug at tinangkang patayin ang lamok. Ngunit nakaiwas ito sa mariing pagtampal ng malalaki niyang palad. Sumirko-sirko pa. Parang nang-iinis. Nainis siya. Nagtagis ang kanyang mga bagang.
Ayaw na ayaw niyang iniisturbo sa pag-inom ng paborito niyang timpla. Gusto niya ng suwabeng pagsimsim. Sumimsim siya uli. Nakadapo at nakakagat ang lamok sa kamay niyang humahawak sa mug. Nakabaon ang sipit. Nangati ang bahaging kinagat at sinipsipan.
Nagtagis uli ang kanyang mga bagang. Mas matunog.
-Lapit! Lapit!- sigaw ng isip niya.
At sadyang nang-iinis ang lamok. Sumisirko-sirko. At biglang lalapit sa kanya. At bigla ring lalayo.
Hindi siya kumurap. Iniabang ang papagsasalikuping malalaking palad. Biglang lumapit sa may mugang lamok. Bigla rin ang kanyang pagtampal ngunit mukhang nagsanay sa pag-iwas ang lamok. Hindi inabot. Lumapit uli. Tinangka niyang tampalin uli ngunit nakaiwas uli. Mas inihanda niya ang sarili sa pag-abang. Lumapit sa tapat ng mug. Buong-buo ang loob niya. Tinampal niya. Nakaiwas uli. Hinampas niya ng kanang palad. Inabot ang mug. Tumapon ang paborito niyang timpla. Inabot ang mukha niya. At kasabay nang mabilisang pagpunas sa mukha ng mainit na tinimpla ang tuluyang pagkatabig niya sa mug. Nahulog sa sahig. Nabasag.
Narinig niya ang halakhak ng lamok.
Matagal na siyang hindi nakapagsasalita. Siyam na taong gulang siya noong itinikom niya ang bibig nang minsang pagalitan siya ng kanyang ina.
“’Wag na ‘wag mong mauulit ‘yang pinagsasabi mo tungkol sa tiyuhin mo sa iba! Gusto mo bang masira ang pamilyang 'to?"
Batid niya na parang may humilam sa mga mata ng kanyang ina. Tinalikuran siya nito. Narinig na lamang niya ang sinabi nitong:
“Manahimik ka. Landi.”
Wala siyang natakbuhan kundi ang kuya niya. Hindi na nagtanong pa ang binata. Niyakap lamang siya nito.
"Aalis na tayo rito." Sabi nito.
Tumango siya. Alam din niya ang tungkol sa mga marka sa katawan ng kuya niya, ang mga pasa, ang mga hiwa, at ang mga paso ng sigarilyo na tuwing linggo’y nadaragdagan.
At mula sa maliit nilang baryong alikabukin na hindi dinadalaw ng oras, lumipat sila ng kanyang kuya sa lungsod.
Dama niya rito ang kaibhan ng pag-iral: Ang bilis ng oras na hinihila ang bawat mamamayan papalapit sa mga deadline ng babayarin, sa pagbili ng mga pangangailangang hindi kayang bilhin, at sa paggawa sa mga trabahong ninanakaw ang tulog, sigla, panahon sa pamilya, at sa sarili; hinihimpil ang bawat isa sa trapikong hindi malagut-lagot ng lokal na batas at ordinansya.
Lumipas ang mga araw, ang mga buwan, at ang mga taon. Wala siyang napang-hawakan ni isa. Ninais niyang habulin ang mga ito; tipunin sa kanyang mga kamay para sipatin kung may nangyari ba sa kanya at sa buhay nila ng kuya niya sa maramot na lungsod. Wala siyang makapa kundi ang katahimikan: ganap at hindi humihingi ng pahintulot.
Ngunit para bang tumigil ang oras nang matanggap niya ang isang tawag mula sa presinto. Pinapupunta siya para kilalanin ang isang katawan. Ibinigay sa kanya ang address at ang schedule kung kalian siya pwedeng pumunta. Ibinaba niya agad ang tawag matapos makuha ang mga detalye.
Napatda siya. Ilang oras niya ring hinintay na makauwi ang kuya niya mula sa trabaho nito sa piyer kagabi. Pagkagising niya, wala pa rin ito. Hindi nagalaw ang inihanda niyang tsapsuy at tuyo na binili niya sa malapit na karinderya. Iniligpit na lamang niya ang mga ito. Hinugasan ang mga pinggan. Nagwalis. Nagtanggal ng mga agiw sa maliit nilang inuupahan. Naligo. Nagbihis. Binilang ang pera sa walet niya. Umalis.
Hindi niya mapangalanan ang nararamdaman niya. Ramdam niyang may puwersang nagpapabigat sa kanyang dibdib ngunit nagnanais ding umakyat sa kanyang lalamunan. Nais kumawala. Humuhulagpos papalabas ng kanyang bibig. Lumunok siya upang pigilan ito.
Mahaba ang biyahe patungo sa presinto. Tirik na tirik ang araw at animo'y wala itong balak magpahinga. Ang mga ulap, nakikipagsabwatan upang panatilihin ang nakapapasong sinag sa mga bumabyahe. Nilalagnat ang semento at aspaltong dinaraanan ng dyip na lulan niya, pinapaso ng bakal ang balat ng sinumang mapadikit. Pinahintulutan ng bukas na bintana ang usok ng mga tambutso, kumakapit sa nagmamatika nang balat ng mga pasahero na ilang oras na ring nakahimpil sa kalsada.
Alintana man niya ang mga ito, hindi na siya makapagreklamo pa. Tanging ang tawag at ang hindi kilalang katawan ang tumatakbo sa isip niya.
Sa bulwagan ng presinto, may pulis na sumalubong sa kanya. Kinumpirma ang kanyang pangalan. Tumango lamang siya. Napansin niyang sinipat siya ng pulis mula ulo hanggang paa. Napansin niya rin ang pagngiti nito. Naramdaman niyang muli ang paghuhulagpos sa dibdib niya. Itinikom niya ang kanyang bibig at sumunod na lamang sa pulis.
Malamlam ang dilaw na ilaw sa morge na nasa basement ng presinto na pinagdalhan sa kanya. Yari sa puting baldosa na kadalasang makikita sa mga kubeta ang dingding. Ilang mesang naka-baldosa rin ang nakalinya na may mangilang-ngilang mga katawang natatakpan ng puting kumot. Nagtungo sila sa dulo.
Hindi na niya naunawaan pa ang mga sinabi ng pulis tungkol sa pagtutulak ng droga. Ilang salita na lamang ang narinig niya nang alisin nito ang puting kumot.
At nandun ang kuya niya. Kita ang kaputlaan sa kabila ng mahinang liwanag. Duguan ang kulot nitong buhok, para bang may tama sa likuran ng ulo—hindi niya alam kung ano ang nagdulot. Iyon ang kuya niya; alam niya. Ngunit dama niya ring hindi na yun ang kuya niya sa kabila ng pilat sa may kanang kilay at gilid ng labi. Nandoon din ang peklat ng paso ng yosi sa kaliwa ng halos butu't balat na nitong dibdib. Ngunit hindi na yun ang kuya niya.
Naramdaman niyang muli ang puwersa mula sa kanyang dibdib na para nang umaapaw papunta sa kanyang bibig. Kakawala na.
Tumakbo siya. Matulin niyang inakyat ang hagdan patungo sa itaas ng presinto, tinutunton ang bulwagan ng tanggapan papalabas sa kalsada. Nararamdaman niyang lumalaki ang pwersa mula sa kanyang lalamunan, nagnanais na punitin ang laman, ugat, at litid upang makalabas sa kanyang balat.
At sa harapan mismo ng presinto, kung saan nakaparada ang maraming kotse, motor, at van, kung saan maraming parokyano ang papalabas at papasok upang idulog ang kani-kanilang naranasang inhustisya, binuksan niya ang kanyang bibig.
At kumawala ang isang malakas at matinis na tinig na hindi niya kilala. Pilitin ma'y hindi na niya maisara ang bibig niya. Nagpatuloy kumawala ang nakabibiniging tinig na yumanig sa lupa. Giniba nito ang mga karatig-gusali ng presinto. Tipak-tipak na semento at mga poste ang bumagsak sa mga sasakyan, mga gala at alagang hayop, at nagdaraanang mga taong tinatakpan ang kani-kanilang mga nagdurugo nang mga tainga. Nagkapira-piraso ang mga salamin ng mga bintana at sumabog sa mga parking lot, bumaon sa balat at mga mata ng mga hindi nabagsakan ng guho.
Umalingawngaw ang tinig sa kalakhan ng lungsod, binuka ang mga kalsada kung saan nahulog ang mga pampubliko at pribadong mga sasakyang inutang pa sa bangko. Kinain ng lansangan ang mga traffic enforcer na nagkalasug-lasog ang katawan sa bigat ng mga bumitak na semento. Ginuho ng tinig ang mga flyover at mga MRT station. Bumagsak ang mga riles nito sa kalsadang pinasikip ng trapiko. Pinabagsak ng tinig ang mga ospital, mga opisina, mga internet shop, kapihan, mga shopping mall, mga estasyon ng pulis, mga presinto, mga simbahan, mga estasyon ng telebisyon, at mga munisipyo; ibinaon ang daan-daang opisyal at sibilyan na hindi niya kilala at walang pakialam sa isa't isa.