Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
“Lola, parang awa nyo na tulungan nyo po ang anak ko, hindi ko po maintindihan ang nararamdaman ng anak ko, laging umiiyak kung gabi at pabalik-balik ang lagnat” ang nagmamakaawang tinig ng batang- ina sa matanda.
“Ay ineng halika rito, para malaman natin ang sakit niya” sabay hawak sa pulso ng bata
“Oh Amang makapangyarihan, ituro mo sa akin ang tunay na dahilan ng pagkakasakit ng batang ito, Inaswang ba? Ispirituhanon ba? Nasa Silangan o Katimugan ba?” ang panalangin ng matanda sabay saboy ng luya sa paligid.
Iyan si Lola Catalina Hernandez, Lola Tali kung tawagin ng nakararami. Bantog siya sa bayan ng Concepcion dahil sa taglay nitong galing sa panggagamot. Isa siyang Arbularyo na kayang tapatan ang madilim na kapangyarihan ng kahit sinong nilalang. Isa rin siyang paltira, (taong nagpapaanak) sa kanilang bayan at karatig-bayan. May edad na siyamnapu’t tatlo at nasa kasagsagan na ng katandaan. Malimit tanungin ng mga taga-roon kung anong sikreto nya sa malakas na pangangatawan at matalas na pag-iisip.
“Isa lang ang sikreto ko sa buhay, at ‘yan ang pananampalataya sa Poong Maykapal” ang sagot ng matanda sa katanungan ng paborito niyang apo na si Shane Marie Hernandez.
“Hala, ‘yan lang po lola? ang dagdag na tanong ni Shane
“ Siyempre tamang ehersisyo at diet sa pagkain apo” ang patawang sabi ng lola.
“Sino ba naman ang mawala-wala agad sa mundo kung ang kinakain mo lang naman ay puro gulay at isda lola. Dagdagan pa ng pagtatrabaho mo araw-araw sa bukid” ang patawa ring sagot ni Shane.
Ganyan talaga si Lola Tali, araw-araw ang kaingin, (paglilinis sa bukid), nakasanayan nya na ang ganitong gawi. Pati sa pagkain ayaw niya ng karne ng manok at baboy dahil gusto niya puro masustansiyang gulay at preskang isda, ayaw niya rin ng pizza at spaghetti dahil may hotdog daw. Mas gusto niya pang kainin ang kakanin at lugaw dahil may kamote at ube raw. Iyan ang simpleng pamumuhay ni lola Tali sa kasalukuyan.
Isang gabi noon, hindi makatulog si Shane sa kanyang kwarto kaya napag-isipan niyang lumipat sa kwarto ng matanda at doon matulog.
“lola sino ang nag-udyok sa iyo upang manggamot? Ang dami kasing pumupunta sa bahay para magpagamot, at kahit wala ka sa bahay pumupunta sila sa bukid para doon magpagamot.” ang tanong ni Shane sa matanda.
“Ganito kasi yon apo, wala naman talaga akong balak manggamot kaso sugo ng nasa itaas” ang sagot ng matanda sa apo.
“Hindi po kita maintindihan lola, anong sugo? ang malumanay na tanong ni Shane
At isa- isang isinalaysay ng matanda ang kanyang nakaraan, ang pagiging Albularyo at pati na rin ang malagim na nakaraan sa panahon ng Hapon .
“Tatlo kaming magkakapatid, ako ang bugtong at nag-iisang babae. Magsasaka ang aking mga magulang at mahirap ang pamumuhay namin sa Tapaz, Capiz. Sakitin ako noong bata pa ako kaya mga bungang-kahoy, at mga dahon lamang ang laging pantamal sa sakitin at naghihirap kung katawan. Alam ng mga magulang ko na tuwing nagkakasakit ako ay mayroong mga babaeng nakadamit puti ang laging nagpapakita sa akin, at ako lamang ang nakakakita sa kanila. Marami sila at lagi nila akong pinalilibutan, sinasayawan, tinatawanan , at minsan kinukurot saang bahagi man ng aking katawan. Lagi akong umiiyak tuwing nagkakasakit ako dahil nandiyan na naman ang mga babaeng nakadamit puti, na may mahahabang buhok at halos lahat ay magaganda. Ngunit sa kabila ng kagandahang iyon ang hugis ng kanilang mga ulo ay hindi bilog. Iba-iba ang hugis ng kanilang mga ulo, mayroong pahaba, parisukat, tatsulok, parihaba, plat at ang iba ay hindi pantay. Kahit ganyan ang kanilang mga ulo, talagang magaganda sila sa aking paningin. Palaisipan sa akin dahil tuwing nagkakasakit lang ako sila nagpapakita at aliw na aliw sila sa akin, sasayawan, pagtatawanan at kukurutin na naman nila ako at ako’y iiyak na naman at magsusumbong sa nanay.”
“Isang araw noon, hindi na nakayanan pa ng aking katawan ang pagkakasakit, at dahil nasa liblib ang aming lugar ay hindi na ako naipadala sa bayan para maipagamot. Namatay ako at pinaglamayan ng aming kanayon. Hindi na rin ako naebalsamo, dahil wala namang ganyan noong unang panahon. At dahil na rin sa kasalatan ng aming pamumuhay ay inilagay ako sa kabaong na gawa lamang sa kawayan. Ang aking magkadikit na mga kamay ay hindi nila magalaw dahil nasa dibdib ko ito nakalagay na parang nagdarasal. Nilagyan ng kamatis ni nanay ang aking mga kamay para pambaon ko raw sa aking paglalakbay. Halos magtatatlong araw na ng marami ang nakapansin sa aking labi na parang natutulog lamang. Ilang oras na lang at dadalhin na ako sa aking libingin ngunit may nakakita sa akin.”
“Pikit- mata kong sinipsip ang katas ng kamatis, na animo’y uhaw na uhaw sa paglalakbay. Marami ang natakot at nagsitakbuhan, pati ang dalawa kong kapatid na lalaki ay natakot. Unti-unti akong bumangon at pilit na tumayo. Tinulungan ako ng nanay at tatay na makaupo habang nanginginig at umiiyak. Binigyan ako ng isang basong tubig ngunit ito’y kulang. Tatlong baso ang naubos ko ngunit sa aking pagmamasid wala ni isang tao ang natira sa aking lamay.”
“Isinalaysay ko kina nanay at tatay ang aking mahabang paglalakbay. Sinabi kong may nakita akong napakataas na burol at ito’y aking nilakbay. Sobrang taas ang aking inakyat na halos ikapapagod na ng aking buong katawan. Wala akong magawa dahil kung hindi ako aakyat, wala akong mapupuntahan pa dahil burol lamang ang aking nakita sa buong paligid. Uhaw na uhaw ako, at halos manlupaypay na sa aking paglalakbay. Sa wakas narating ko ang tuktok ng burol, nakita ko ang isang matanda na halos aabot na ang bigote sa lupa. May dala siyang tungkod. Si San Pedro raw siya at nakangiti sa akin. Binati niya ako dahil narating ko raw ang tuktok ng burol. Samantala sa kabilang burol ay lumilipad ang mga batang anghel, walang humpay ang kanilang kasiyahan. Langit daw ang tawag nila roon. Tinawag nila si San Pedro at sa isang kisap-mata ko’y nandoon na ito kasama ang mga anghel. Ang saya-saya nila. Tinawag ko siya dahil gusto kong pumunta sa kinaroroonan nila. Gusto kong sumama sa kanya, gusto kong makasama ang mga anghel, gusto kong doon sa walang hanggang kaligayahan. Lumapit ulit siya sa akin, sinabi niya na hindi pwede dahil may misyon pa raw ako sa lupa, tulungan ko raw ang mga tao at ako’y bumalik na sa lupa. Hinawakan niya ako at niyakap. Nagpupumiglas ako dahil gusto kong sumama sa kanya. Ngunit ako’y tinulak niya mula sa tuktok ng burol at ako’y nahulog.”
Humagulhol ang nanay sa narinig at sinabi niyang “sugo ka ng langit anak, at kailangan mong sundin kung ano man ang iyong misyon”.
“Sa kabila ng aking pagkabuhay ay marami naman sa aming kanayon ang nais mawala kami, dahil demonyo raw ako, demonyong bumaba mula sa langit, at salot sa lugar na iyon”.
“Isang gabi noon, tahimik at natutulog kami nang may bumato sa aming kubo. Nais kaming paalisin sa aming pamamahay, kaya napilitan kaming maglakbay sa kalaliman ng gabi. Gabi ang aming paglalakbay dahil kung makita kami ng mga Hapon ay siguradong papatayin kami. Nilakbay namin ang kabundukan. Ilang araw rin ang aming paglalakbay hanggang sa mapadpad kami sa bayan ng Concepcion. Dito ang pamilyang pinanggalingan ni tatay. Tahimik at masagana ang pamumuhay sa bayang ito kaya dito na kami nagsimulang mamuhay.”
“Grabe naman pala lola ang pinagdaanan mo noong kabataan mo!” ang sabi ni Shane sa salaysay ng kanyang lola.
“At saka paano ka nagsimulang manggamot lola?”ang dagdag pa ni Shane
“Natutulog ako noon sa balkonahe apo, dumampi ang malamig na hangin sa aking balat, may bumulong na “tulungan mo ang may mga sakit Catalina, Tu-lu-ngan mo”. Pagkadilat ko wala naman akong may nakita.”
“Sa aking pag-iisa sa loob ng bahay, may ilang ulit rin akong naririnig na “ manggamot ka!, mang-ga-mot ka”
“Ngunit ang lahat ng iyon ay binaliwala ko, dahil hindi ko talaga gustong manggamot apo, ang gusto ko lang ay makapag-asawa agad dahil panahon iyon ng Hapon. Dumating ang mga Hapon sa tahimik naming bayan. Ang mga dalagang babaeng nagugustuhan nila ay kanilang ginagahasa. Kaya napilitan si Tatay na itago ako sa kabundukan kasama ang mga kaibigan kong walang asawa. Halos manlumo kami sa aming nadadaanan at nakikita sa malayuan dahil pati ang mga batang sanggol ay inihahagis pataas at tinutusok ng bayoneta. Ang lahat ng iyon ay nasaksihan ng dalawa kong mata. Namuhay kami ng mga kaibigan ko ilang buwan sa bundok upang doon magtago.
“Isang gabi noon apo habang nagpapahinga kami sa ilalim ng puno ay may nagpakitang Tayho, (tikbalang sa Filipino). Natakot kami kaya dali-dali kaming umakyat sa puno. Ayaw umalis ng Tayho sa ilalim ng puno kaya nagsimula akong magdasal ng Latin.” Nang marinig ng Tayho ang aking dasal ay agad naman itong umalis. Ngunit ang kaibigan kong si Ingkar ay nanginig at nagkasakit. Kaya sinimulan kong ipagdasal siya, ginamot ko siya sa tulong ng aking insakpan, si Puting-Dalaga (Isa sa mga engkanto/ diwata na tumutulong sa panggagamot). Balak pala siyang dalhin ng Tayho. Ngunit hindi siya kayang isama ng nilalang na iyon dahil sa tulong ng aking insakpan” “Doon ko pala napagtanto apo na ang mga babaeng nakadamit puti na nagpapakita tuwing nagkasakit ako ay mga sugo ni Puting- Dalaga, ang aking Insakpan.” Simula noon apo nagsimula na akong manggamot sa kasagsagan ng pananakop ng mga Hapon
“Ay ganon po ba lola? eh sino pa ang mga insakpan mo sa panggagamot?”
“Ang mga insakpan ko apo (mga espirtu, engkanto, diwata at iba pang nilalang) . May mga pangalan yan bawat isa at marami sila. Nasa paligid lang sila”
“Ano-ano po ang mga pangalan nila lola? ang patuloy na pagtatanong ni Shane.
“Malalim na ang gabi Apo, bukas ko na sasabihin ang mga pangalan nila dahil ayaw ni Puting-Dalaga nandito siya ngayon sa tabi ko.” Ikukuwento ko sayo bukas ang tungkol kay Waling-waling, ang insakpan kong paru-paro”
“Nakakakilabot naman yan lola, baka magpakita niyan si Puting-Dalaga sa akin ha” ang sabi ni Shane na may halong tuwa dahil kukwentuhan na naman siya nito bukas tungkol sa insakpan nitong si Waling-waling.
Kanina pa ako hindi mapakali. Ilang beses na ako nagpalit ng polo na babagay sa puting pantalon. Ilang beses ko nang inayos ang buhok ko. Napangalahati ko na nga pabango. Naisip ko tigilan na ang pag-aayos na ito. Binatang-binata na ang dating ko.
Kinuha ko na ang bouquet of flowers at chocolates. Nagmamadali akong lumabas ng bahay. Natanaw ko na agad ang mga nakapilang sasakyan sa labas ng bahay ni Marian.
Bigla akong kinabahan na hindi ko mawari. Sumasakit ang tiyan ko. Natatae ba ako? Sumabay pa itong sakit ng ulo ko.
Kailangan kong kumalma. Dagsa man ang manliligaw ni Marian ako pa rin ang pinakagwapo.
Natanaw ko si Aling Maring, nanay ni Marian, na umirap nang mapansin ako. Agad kong iniabot ang kahon ng tsokolate sa kanya. Bigla itong ngumiti sabay hampas sa akin na parang kinikilig. Pinapasok na niya ako sa loob.
“Naku Ping! May mantsa ng dugo sa puwitan mo!” sabi ni Aling Maring
Napahawak ako sa puwitan ng pantalon ko. Basa ito. “Putcha, sumabay pa.” bulong ko.
Napatingin ako kay Aling Maring na nakangisi sa akin.
“Marian, anak! May dalaw ka rin!”
Tirik na ang araw. Sa loob ng sala ng kanilang bahay ay kanina pa pabalik-balik na naglalakad si Stella. Alas diyes na nang umaga. Ang usapan nila ni Ramon ay susunduin siya nito kaninang alas-siyete. Sakto at wala na ng oras na iyon ang kanyang mga magulang.
Pinulot muli ni Stella ang basa nang bimpo mula sa mesa. Pawis na pawis na ang kanyang noo at nanlalamig na ang kanyang mga kamay.
“Ramon, asan ka na ba?” bulong nito sa sarili sabay haplos sa tiyan. “Dios ko malapit nang dumating sila Papa at Mama mula sa pagsimba.”
Tiningnan muli niya ang orasan sa dingding. Lumakad palabas ng pinto. Sumilip sa labas. Wala pa talaga si Ramon.
Kring! Kring!
Dali-dali siyang tumakbo pabalik ng sala para sagutin ang telepono.
“Hello, Ramon!”
“Ha? Ito nga si Stella.”
Humigpit ang hawak niya sa telepono. “Anong sinasabi mo?! Hindi totoo yan?! Susunduin pa niya kami ni …”
Bumagsak ang telepono sa malamig na marmol kasabay ng pagsalampak ng katawan ni Stella rito. Wala na ang mahigpit na paghawak sa telepono pero patuloy ang pagtibok ng puso sa sinapupunan ni Stella.
Gumulong ang gintong singsing sa mesa. Pinagmasdan ko ito hanggang mahulog sa sahig.
Pagtunghay ko'y likod mo na lamang na papalabas ng pinto ang aking nakita. Tama nga na umalis ka na sa tahanan na ito na binuo natin ng may pagmamahal at pangarap. Hindi na nga nababagay isang tulad mo dito.
Kumalabog ang gate nang isara mo ito. Umalingawngaw ang nagbanggaang mga metal sa pagdadabog mo. Ikaw pa ang may ganang magalit. Ikaw na di tumupad sa mga binitiwang salita sa harap ng dambana.
Tumunog ang makina ng kotse. Kotse natin pero sa ngayon ay inaangkin mo na. Sana angkinin mo rin ang pagkakamaling ikaw naman ang gumawa.
Nanatili akong nakatayo at mahigpit ang hawak sa bakal sa likod ng upuan hanggang mawala ang tunog ng humaharurot na sasakyan. Ingay na parang mga surot na sumira ng binuo nating buhay. Gumuho na ang mga pangarap na ating pinaghirapang abutin.
Unti-unting lumakas ang katahimikan sa naiwang tahanan. Ang singsing ay nasa sahig. Ako ay nakatayo pa rin sa may mesa. Mas madali man manatili sa aking kinakatayuan ay pinili kong ihakbang ang aking mga paa. Maya maya ay magdidilim na at bukas ay may bago ng umaga.
Maganda ang salubong ng umaga sa baryo ng Marbol. Ang sikat ng araw ay sumisilip-silip sa mga sanga ng puno. Kaunti pa lang ang mga taong gising kaya tahimik pa ang paligid. Sa ‘di kalayuan ay maririnig ang lagaslas ng tubig na nagmumula sa munting talon malapit sa tulay. Matatanaw mula sa ilang kabahayan ang nagwawagayway na bandila ng Pilipinas na nakasabit sa dulo ng kawayan na nakatirik sa loob ng kampo ng mga sundalo. Sila ang nagbabantay sa mga tao sa baryo simula nang sumiklab ang labanan ng MILF at MNLF.
Maya-maya ay naglabasan ang mga bana sa kani-kanilang bahay para ihatid sa bukid ang mga baka at kalabaw. May iba na lumulusong sa ilog habang ang iba naman ay dumadaan sa tulay. Nagsimula na ring umusok ang bawat kusina ng mga bahay.
“Mang, kakain na po ba tayo?” Bungad ni Tisoy sa kaniyang ina habang kinukusot-kusot ang mata at nag-aalis ng muta. Tila walang narinig si Mely at malayo ang tingin. Panay ang sulyap nito sa kaniyang cellphone na nasa kaniyang tabi. Hindi niya namalayang nasa likuran na niya si Tisoy at agad siyang niyakap.
“Gutom na po ako.” Bumalik ang diwa ni Mely at binuhat ang anak at pinaupo sa kaniyang tabi.
“Good morning, palangga! Gutom ka na? Kaya lang hindi pa nakaluto si Mamang.”
Sina Mely at Dodoy ay may tatlong anak. Ang dalawa ay pinakupkop nila sa mga magulang ni Mely dahil sa hirap ng buhay sa baryo. Si Tisoy na noo’y pitong taong gulang ay pinili ng mag-asawang manatili sa kanila upang matutukang maalagaan ni Mely. Si Dodoy naman ay kasalukuyang nasa Maynila at inaasikaso ang kaniyang papeles papuntang Qatar.
“Tumawag na po ba si Papang?” Pag-uusisa ni Tisoy sa kaniyang ina nang mapansing panay ang sulyap nito sa kaniyang cellphone.
“Anim na buwan na siyang hindi nagpaparamdam. Hindi rin matawagan ang cellphone niya.” Tugon ni Mely na muling ibinaling sa malayo ang kaniyang tingin.
Sa kabilang bintana ng kanilang bahay ay matatanaw ang ilang kabahayan kung saan maraming babae ang nagkukumpulan at nag-uusap. Ganito ang eksenang nakikita ni Mely tuwing umaga. Hindi niya na lamang pinapansin dahil ayaw niyang makisawsaw sa problema ng iba. Tuwing pumupunta siya sa tindahan ni Edna para mangutang ay lagi itong nakasasagap ng tsismis. Hindi niya naman maiwasang magkuwento si Edna dahil ang tagal nitong iabot ang kaniyang inuutang.
Ngayong umaga, isang panibagong pagsubok naman para kay Mely ang pagpunta sa tindahan ni Edna. Hindi niya inaalala ang mga kuwento nito kundi ang haba ng kaniyang listahan sa utang. Pondong utang pa ito noong hindi pa nakaalis si Dodoy papuntang Maynila na ang pangako ay babayaran ito kapag nakapag-abroad na siya. Noong isang araw lang ay binalaan siya ni Edna na hindi na ito makauutang pa. Wala namang ibang matakbuhan si Mely dahil si Edna lamang ang may tindahan sa kanilang baryo.
Sa pagkakataong ito, lakas ng loob at kapal ng mukha na lamang ang baon ni Mely habang naglalakad papunta sa tindahan ni Edna. Kailangang may maipakain siya sa kaniyang anak. Nag-iisip siya kung ano naman ang kaniyang idadahilan dahil ang pagluhod at paglupasay sa iyak na lang ang hindi niya nagagawa para lang siya ay pautangin.
Sa kaniyang paglalakad, nadadaanan niya ang kumpulan ng mga babaeng nag-uusap. Ang iba ay hindi pa nakapagsuklay ngunit nakaharap na sa mga kasamang nakikipagtsismisan. Mukhang sensitibo ang kanilang pinag-uusapan sapagkat pabulong sila kung mag-usap. Maging sa ibang kumpulan ng mga babae ay ganoon din ang paraan nila ng pag-uusap.
Tatlong bahay na lamang ang pagitan nang makita ni Mely si Edna na lumabas ng kaniyang tindahan. Mukhang masaya ang kaniyang umaga sapagkat pakanta-kanta ito habang isinasabit ang mga panindang tinapay. Medyo nabuhayan ng loob si Mely at kompiyansa siyang makauutang siyang muli ng bigas kay Edna. Saka na niya poproblemahin ang kanilang uulamin.
“Aba! Okay na okay ang gising natin a!” Masayang bungad ni Mely sabay sundot sa tagiliran ni Edna.
“Tigilan mo nga ako Mely!” Pagtataray ni Edna. “Alam ko kung saan papunta ‘yang pambobola mo. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang intensiyon mong mangungutang na naman. Aba! Saan ba pinaglihi ‘yang kakapalan ng mukha mo? Halos kapital ko na sa tindahan ang halaga ng utang mo. Tapos nandito ka naman? Lumayas ka rito!” Bulyaw ni Edna. “Ayaw ko ng umasa na mababayaran mo pa ang utang mo. Huwag ka na ring magpapakita sa akin kung hindi rin lang pagbayad ng utang ang sadya mo. Alis na!” Pagtataboy ni Edna kay Mely.
Hiyang-hiya si Mely. Pinatitinginan siya ng mga taong nasa paligid. Halos madurog si Mely sa kaniyang mga narinig mula kay Edna. Dahan-dahan na lamang siyang tumalikod at naglakad pabalik ng kaniyang bahay. Bigo rin siyang manghiram sa mga kapitbahay sapagkat kapos din sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Wala kasing trabaho sa bukid sapagkat tigang na ang lupa sa ilang buwan na walang ulan. Maging ang mga prutas ay madamot sa bunga dahil sa hindi magandang panahong nararanasan.
Inaalala ni Mely si Tisoy. Maghahanap na lamang siya ng anumang pwede nilang kainin. Noong isang linggo lang ay panay kamoteng-kahoy ang kanilang kinakain nang makahukay siya sa gilid ng ilog. Kahapon lang ay naubos na ang kinuha niyang saging sa taniman ni Mang Ambo. Galit na galit si Mang Ambo kung sino ang kumuha dahil ibebenta niya pa sana ito at ipambili ng bigas.
Nang hapong iyon, nakatanaw ulit si Mely sa kabilang dako ng tulay. Tinitingnan niya ang sumasayaw na watawat ng Pilipinas na nasa itaas ng kawayan. Iniisip niya na naman si Dodoy na hanggang ngayon ay wala pa ring balita. Gusto niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang ngunit kalabisan na ito sapagkat nasa kanila na ang dalawa nilang anak. Mahirap naman ang buhay ng mga magulang ni Dodoy sapagkat nawala na ang sinasaka nilang lupa dahil inagaw ng armadong grupo.
Habang patuloy na tinitingnan ni Mely ang sumasayaw na watawat, naalala niya si George, ang pinuno ng mga sundalo sa kanilang baryo. Nagkakilala sila nang iligtas ni George si Tisoy habang nalulunod sa ilog. Ibinigay ni George ang kaniyang cellphone number para matawagan o ma-text sakaling kailangan ang tulong niya.
“Nandiyan kaya siya?” Bulong ni Mely sa kaniyang sarili.
Lingid sa kaalaman ng lahat, may ideya si Mely kung ano ang pinag-uusapan ng kababaihan kaninang umaga. Ang bahay niya kasi ay madadaan ng sinumang taga baryo kapag pupunta ng ilog o tatawid ng tulay. Maraming beses niyang nakikita ang mga babaeng pumupunta ng ilog o sa dulo ng tulay. Masasabing siya ang saksi sa mga pangyayaring ito tuwing madaling araw. Kapag nakababa na sila ng ilog o ‘di kaya ay nakalampas na ng tulay, maririnig mo na ang tunog ng mga tiktik.
Hindi na bago ang ganitong kalakaran. Noong ginagawa pa lamang ang tulay ay may ganoong pangyayari na rin. Mas maingat at patago nga lang ngayon sapagkat maraming mata na ang nakabantay.
Inabot ng hating gabi si Mely sa kaniyang pag-iisip. Tiningnan niya muli ang kaniyang cellphone. Wala pa ring mensahe o tawag mula kay Dodoy. Habang nasa malalim na pagmumuni-muni, naisip ni Mely na mabuti na sigurong gumawa ng kaunting kasamaan para mabuhay. Kaysa maging marangal na unti-unti ka namang namamatay.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Mely. Pumasok siya ng kuwarto at nakitang mahimbing na natutulog si Tisoy. Nagpalit siya ng damit na bakat ang alindog ng kaniyang katawan. Humarap siya sa salamin at inayos ang kaniyang sarili. Naglagay ng kaunting pulbos sa mukha at nagpahid ng lipstick. Nagpabango rin siya na ginagawa lamang niya kapag may okasyon. Buo na ang pasiya ni Mely. Bago siya lumabas ng kuwarto, muli niyang sinulyapan si Tisoy.
“Bukas, mapupuno ng pagkain ang ating mesa.” Mahinang sabi ni Mely.
Habang naglalakad si Mely papuntang tulay, pakiramdam niya ay nagpapalit siya ng anyo. Binibihisan siya ng hangin sa bawat dampi nito sa kaniyang balat. Ngumiti si Mely. Madilim man ang kasalukuyan niyang mundo, kislap ng liwanag ng bukas naman ang kaniyang natatanaw.
Tuloy-tuloy lang sa paglalakad si Mely hanggang lamunin siya ng dilim. Ilang saglit pa, naging saksi ang buwan, ilog, at tulay nang basagin ng tunog ng tiktik ang katahimikan ng kaadlawon.
Maulan. Malamig. Tahimik na sumisimsim ng kape si Andres habang pinanonood ang paborito niyang educational show. Mabuti at may bagong upload, sa isip niya. Bukod sa aliw na dala ng mga video na ito sa kanya dahil kuwela ang tagapagsalita, si Poca, aba e natututo pa siya. Mas marami pa nga siyang natutuhan mula kay Poca kaysa sa mga teacher niya noong gade school o high school; kahit ang pinakamahusay na propesor niya sa kolehiyo na may PhD daw, hindi nakuha-kuha ang kiliti niya kagaya ng pagkuha ni Poca sa loob niya.
Pinakinggan niyang mabuti ang boses ni Poca. Tuwang-tuwa siya kapag nanlalaki ang mga mata nito at bahagyang nagtataas ng boses habang buong pusong isinisiwalat ang katotohanang walang nagtangkang magsiwalat noon. Pinahintulutan niyang manuot sa kanyang tenga papunta sa utak hanggang diwa ang mga inuusal nitong salita.
Hindi na niya napansin ang oras. Nagulat na lang siya nang magtaas na ito ng kamay at sumaludo hudyat na magtatapos na ang video.
“Hanggang sa susunod na upload na lang, mga kabatak! Tandaang lamang ang nakakaalam ng katotohanang pilit itinago sa atin ng mga namatay nang historian!” Muling sumaludo si Poca at kumaway sa kamera.
Nang matapos ang video ay hindi siya mapakali sa bagong kaalamang natutuhan. Parang sasabog ang puso niya sa pinaghalong saya at muhi. Saya dahil sa wakas, namulat na siya; muhi dahil bakit ang daming nagkakalat ng maling impormasyon? Mabuti na lang at may mga katulad ni Poca, paano kung wala, e ‘di habang buhay siyang bulag?
Hindi na niya napigilan ang sarili, binuksan niya ang kanyang social media at sinimulan ang pagtipa:
Ano bang sinasabi nyong magna2kaw e may minahan ng cryptocurrency sina blek blek sa antartica kaya mayaman pamilya nila.
Pag nanalo si blek blek, lahat tayo mabibigyan ng tig-iisang team sa axie. Wag kasing puro libro mga mehn nuod din kayo ng mga video. CTTO
Ilang saglit lang at nagsimula nang pusuan ng mga kakilala’t kaibigan ang paskil niya.
Napangiti si Andres nang may panibagong ideyang maisip. Binuksan niya ang kanyang kamera saka kumaway roon. Kung kaya ni Poca, kaya rin niya.
Abot-tenga ang ngiti ni Noel. Paano ba nama’y puno ang hapag ng mga pagkaing matagal-tagal ring hindi niya natikman mula nang mag-lockdown.
Nagkasya na sa kanya ang tatlong libong ayuda na nakuha kaninang tanghali mula sa barangay. Dapat sana ay anim na libo ngunit dahil hindi siya tagaroon, binawasan ito ng sekretarya. Ang kalahati ay ilalaan daw sa livelihood.
Ipinadala niya sa asawang nasa probinsiya ang dalawang libo. Pangkain at panggatas ng isang taong gulang nilang anak. Kumuha siya sa natirang pera, tumaya sa lotto. Dumaan sa maliit na kapilya ng barangay. Nagpasalamat sa nakuhang ayuda at saka tumungo sa eskinita ng talipapa. Ipinambili ang natirang pera ng pagkaing matagal-tagal na niyang pinagnanasaan.
Pipiyok-piyok sa gitna ng maliit at sira-sirang lamesa ang kandilang nagsisilbing liwanag sa madilim at masikip na barong-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping palochina. May ilang mga patak ng ulan mula sa bubungang trapal. Kasabay ng ulan ang kalat-kalat na kulog at kidlat na pumupunit sa madilim at umiiyak na kalangitan. Ngunit hindi ito alintana ng lalaki.
Hindi siya mapakali. Gutom na siya. Ramdam niyang kumakalat sa buong katawan ang nananabik ngunit kumakalam na sikmura.
Sinubukang pigilan ang pananabik at matamang tiningnan ang mga nakahain. Lalong tumindi ang paglalaway niya. Napakaputing kanin. Masebong nilagang baka. Litson baboy na may makinis na balat. Iba’t ibang prutas na lagi niyang pangandoy na makita sa hapag.
Marahang nilanghap ang samyo ng mga pagkain. Ang halimuyak ng nilagang baka na laging pangarap ng bawat pamilya, ang litsong baboy sa bawat engrandeng handaan. Iba ang alimyon na dulot nito sa kaniya. Bawat singhot, umiindayog ang kaniyang mundo. Sumisibad paitaas ang kaniyang pakiramdam na animo’y idinuduyan sa halimuyak ng mga pangarap na pagkain sa hapag.
Sinimulan niyang lantakan ang mga pagkain na parang walang bukas, na parang hindi nauubos—at hindi nabubusog.
Idinuduyan ang kaniyang utak ng mga pagkain kada humahagod ito sa kaniyang lalamunan. Langit. Muli niyang naramdaman ang kakaibang langit, kahit saglit. Yaong hindi umiiyak at nagngangalit na langit.
Lalong lumakas ang ulan. Muling pinunit ng nagngangalit na kidlat ang kalangitan kasabay ng mga alingawngaw ng putok ng baril.
“Positive Tsip, na sa wanted list natin ‘yan.”
“Huli sa aktong gumagamit, lutang.”
“Nanlaban. Tsk!”
Malalim na ang gabi. Eksaktong alas-11:30 na nang muling lingunin ni Marites ang wall clock sa kaniyang ulunan. Hindi siya mapakali kaharap ang laptop na kanina pa nagla-lag at pawala-walang internet.
Tinatapos niya ang pinagagawang modyul sa kaniya ng kanilang Department Head. Alas-12 ng madaling araw ang dedlayn nito at kailangan nang maipasa sa principal kinabukasan. Pangatlong balik na ito sa kanya ng head, pangatlong rebisyon. Laging ibinabalik sa kanya dahil kailangan daw ng mga gawaing may kinalaman sa teknolohiya para sa kaniyang mga mag-aaral na nasa grade six. Online class at modular ang moda ng kanilang pagtuturo dahil sa lockdown.
58 anyos na siya kaya hindi pa siya maaaring magretiro, lalo’t nasa pribadong paaralan din siya. Hindi siya bihasa sa paggamit ng teknolohiya dahil hindi rin naman sya ganoon kateki. Mabagal din siyang magtipa sa laptop. Mas sanay siyang nagsusulat sa yellow pad paper, o kaya ay sa pisara.
Lalong bumibilis ang kabog ng dibdib kada tumitingin siya sa orasan habang papalapit sa alas-12. Sinikap niyang unawain ang mga sinasabi sa google na umano’y online game-based assessment. Pero ni isa ay wala siyang maintindihan, lalo na ang proseso ng pagbuo ng laro. Ang alam lang niya ay magtipa sa computer at mag-encode ng grades sa excel.
Hindi mapakali ang paa niya kakagalaw dahil sa pressure. Nasa page 13 na siya ng modyul. Malapit nang matapos—na kahit siya mismo ay hindi maunawaan ang mga inilalagay. Humigop siya sa malamig nang baso ng kape. Kinalma ang sarili.
Muling tumingin sa screen ng computer. Pinilit na pakalmahin ang sarili. Tiningnan ang isa pang nakabukas na file.
—Resignation Letter.
“Kung hindi ito matatapos ngayon. Baka hanggang dito na lang ang trabaho ko. Ang masaklap, baka ako ang tapusin nito.” bulong niya sa sarili.
“Bahala na.” tinuloy ang pagtitipa.
Limang minuto bago mag-alas-12. Natapos niya ang modyul. Nakaramdam siya ng kaligayahan sa sarili dahil nakaabot sa dedlayn.
Pinindot ang send button. Sa wakas, nakaabot siya sa dedlayn, matapos ang ilang gabing paglalamay sa mga dokumentong hinihingi ng kaniyang head. Muling tiningnan kung talaga bang na-send ang email.
—Resignation Letter has been submitted. Time: 11:45 pm
Malalim na buntong hininga ang sumunod, at isang malungkot na ngiti. Pumatak ang mga butil ng luha.
“Okay na rin ito. Baka ako ang tapusin ng mga susunod na dedlayn.”
Sabay punas sa mga luha. Marahang tiniklop ang laptop.
AKO SI KIKO na isang batang matsing. Nag-aaral ako sa Paaralang San Rio kung saan kasama ko ang mga batang hayop ng aming nayon. Mahilig akong magbasa ng aklat at masaya sa paaralan dahil marami akong kaibigan at kalaro. Higit pa dito ay nakabibili ako ng paboritong-paborito kong sampálok na matatagpuan sa tindahan na malapit sa aming paaralan
Hindi ako marúnong tumawid mag-isa. Madalas akong hinahatid at sinusundo sa paaralan ng aking Tito Dudoy.
Habang naghihintay ng sundo ay nakikipaglaro ako sa mga kaklase ko kasama ang pusa na si Brandon at ang mamag na si Sebastian.
Kapag may gusto akong bilhin sa kabilang kanto ay nakikiusap ako sa guwardiya o sa dyanitor ng paaralan upang mabili ang paborito kong sampálok na itinitinda ni Manang Rosy.
“O, ito na ang sampálok na pinapabili mo at ang sukli mo,”
“Salamat po Kuya Guard,”
“Walang anuman,”
Minsan, kapag abala sina Kuya Guard at Manong Dyanitor ay hindi ko nabibili ang sampálok.
“Pasensiya ka na, kailangan ko muna matapos ang paglilinis sa inyong silid,” sabi ni Manong Dyanitor.
“Ayos lang po iyon. Sige, salamat po ulit,” paalam ko kay Manong Dyanitor.
“Walang anuman,”
Ang mga kaklase ko ay nakatawid na kasama ang kanilang sariling sundo para makabili ng sampálok nila.
“Bakit hindi ka pa bumibili?” tanong ng kaibigan kong pusa na si Brandon.
“Hindi pa ako marúnong tumawid,” sambit ko
“Hindi din ako marúnong tumawid. O, di sige! Maglaro na lang tayo,” paanyaya ng mamag kong kaibigan na si Sebastian.
Isang takipsilim pagkatapos ng aking klase ay ako na lamang ang nasa waiting shed ng paaralan. Hindi pa dumarating ang aking sundong si Tito Dudoy.
Nakauwi na ang aking mga kaklase kasama ang kanilang mga sundo. Abala din sina Kuya Guard at Manong Dyanitor. Pinauwi na ng kaniyang nanay ang pusa na si Brandon. Nasa punong mangga na si Sebastian para magpahinga.
Hinihintay ko ang aking sundo. Wala na ang aking mga kaklase at kalaro.
Tinanaw ko ang tindahan ng sampálok mula sa waiting shed. Nakatingin sa akin si Manang Rosy, ang tindera sa tindahan ng sampálok.
“Kapag marúnong na akong tumawid, tutulungan kong tumawid ang mga hindi marúnong,” sabi ko sa sarili.
Natatakam na ako sa sampálok na itinitinda ni Manang Rosy sa kabilang kanto ng paaralan.
“Ito na ang paborito mong sampálok,” wika ni Manang Rosy na inaabot sa akin ang sampálok.
Dumating na si Tito Dudoy.
“Tito, hindi pa ako marúnong tumawid kaya hinatid sa akin ni Manang Rosy ang paborito kong sampálok,” ang masaya kong winika.
“Ano ang sasabihin mo kay Manang Rosy?” paalala ni Tito Dudoy.
“Manang Rosy, salamat po sa inyo,” nakangiti kong sinabi.
“Walang anuman. Habang hindi ka pa marúnong tumawid ay ako na muna ang magdadala sa iyo ng sampálok na gusto mong bilhin sa akin,” nakangiti niyang sinabi sa akin.
Mula noón ay tinuruan na ako ni Tito Dudoy ng tamang paraan ng pagtawid. Tumigil sandali bago tumawid. Tumingin sa aking kaliwa at sa aking kanan. Pakinggan kung may papalapit na sasakyan. Lagi ko itong tinatandaan upang makaiwas sa anumang aksidente at panganib sa pagtawid.
Tinuruan ko din sina Brandon at Sebastian ng tamang pagtawid.
Tuwang-tuwa kami nina Brandon, Sebastian at Manang Rosy dahil marúnong na akong magturo ng tamang pamamaraan ng pagtawid.
At dahil sa ngayon ay malaki na ako, hindi na ako hinahatid at sinusundo. Hindi na din nagpapasamang tumawid sa akin sina Brandon at Sebastian tuwing bibili ng sampálok kay Manang Rosy. Pinapanood ko na lamang sina Brandon at Sebastian kapag tumatawid mula sa waiting shed.
“Kuya Kiko, Kuya Kiko. Sabi po ni Brandon sa akin na samahan mo akong makatawid para makabili ng sampálok kay Manang Rosy,” pakiusap sa akin ng batang babaeng matsing.
Ginintuang Aral:
Turuan ang iba na humihingi ng tulong para matutunan ang tamang pamamaraan.