Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Pagbabalik
"If you are brave enough to say goodbye, life will reward you with a new hello."
~ Paulo Coelho
Marami ang nakaranas ng pamamaalam. Ito ay maaaring sa panahon na may lilisan o ang sarili ang may patutunguhang mas malayong destinasyon o pakikipagsapalaran. Sari-saring dahilan ang pamamaalam na ang kadalasang nararamdaman natin ay ang kalungkutan sa maiiwanan o pananabik sa patutunguhan.
Noong bata pa ako, madalas akong ihabilin ng aking magulang sa aking lola at tiyahin. Palibhasa'y mainit ang biyahe at mainipin ako kung kasa-kasama sa Maynila. Ayoko nang napipirmi lang sa iisang lugar lalo't batid kong may mga pasyalan na maaaring mapuntahan. Pero hindi pamamasyal ang pagluwas ng aking mga magulang kundi paghahanapbuhay ito. Mag-aalahas ang aking magulang, kaya't halos araw-araw ay nasa pagawaan o platero, tindahan, at maging sa mga kliyenteng umoorder ng mga alahas, maging ito'y kulatsang (ang tawag nila sa mumurahin o pang-araw-araw na alahas) o mga malalaking pirasong lagpas sa karaniwang uri ng ginto o platinum at sukat ng bato (brilyante o birthstones) na sinusukat sa pamamagitan ng 4 C's (Color, Carat, Cut, and Cut).
Ang hindi ko alam noon, ang isa palang dahilan kung bakit ako kadalasang iniiwan ay dahil maselan din ang pagnenegosyo ng alahas. Marami noon ang ninanakawan, hinaharang, at pinapaslang dahil sa malaking halaga ng mga alahas na nakalako sa lansangan ng Florentino Torres (o kilala sa Dulong Bayan) sa Maynila. Mahirap ang magipit sa mga pagkakataong nagkakagulo nang may kasa-kasamang paslit.
Bagaman may ilang pagkakataong naisasama ako para lamang makapanood ng sine (maaaring sa mga sinehang State, Galaxy, Odeon, Avenue, Hollywood) o makabili ng gamit sa Abenida pero kailangang makauwi agad at hindi abutin ng gabi sa lansangan. Sa tuwing makakasama nila ako, madalas kaming kumain sa restawran sa Republic at Ongpin, o sa paboritong Cindy's sa Doroteo Jose. Nakapapamasyal ako sa China Petshop para bumili ng isda o sa Aranque Market para panoorin ang mga ibon, aso, pusa at iba pang nakatutuwang pets. Dumadaan din ako sa paborito kong Fair Center, Good Earth Emporium, National Bookstore, at Alemars Bookstore. Natatandaan ko pa ang tindahan ng mga Matchbox at iba pang die-cast cars sa kahabaan ng Abenida kung saan ako palaging ibinibili ng aking magulang ng pasalubong na laruan.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay isinasama ako ng aking magulang. Natatandaan ko kung paano ako humabol, makiusap, at umiyak sa tuwing iiwanan nila ako sa aking lola. Tatahan na lamang ako kapag nawala na sila at umaasa na tutuparin nila ang pangakong pasasalubungan ng laruang Matchbox (Lesney Edition pa noong late 70s at 80s). Doon ako nagsimulang makaipon ng maraming laruang kotse, tren, at eroplano. Ngayon ko lang rin natanto na isang talinghaga ito ng transportasyon at kagamitan para sa pag-alis at pagbabalik. Halos araw-araw akong pinapangakuan at pinasasalubungan nito. Kaya bahagyang napapapayag na rin nila akong maiwanan at saka na lamang babalikan sa gabi.
Nitong mga nakaraang buwan, may pagkakataong bumabalik ako sa Dulong Bayan. Naroroon pa rin ang mga mas batang henerasyon ng mga alahero, bagaman nagbago na ang kalakaran, at ang ilang puwesto nila. Marami sa kanila ang mga minana na ang negosyo ng pag-aalahas. Bumalik ako para makapamili ng ilang kulatsang at makapagmasid sa pagbabago sa lugar, kalakaran, at alalahanin ang mga alaala na nakakasama ko ang aking magulang sa pook na ito.
Napatunayan ko sa aking pagbabalik na hanggang sa ngayon ay buhay pa ang kalakalan ng alahas, maging ito ay legal o hindi. Buhay pa ang karahasan, bagaman may ibang paraan, at politika na ito. Napakaraming kuwento at kaganapan dito. Ganito naman ang maasahan natin sa paglayo, paglisan, at pagbabalik. Nararanasan natin ang pamamaalam at sa pagbabalik ay may bagong nalalaman.
Sa aking pagbabalik, mas mahalaga sa mga alahas ang aking nasaksihan at nalaman.
***
“What we call the beginning is often the end. And to make an end is to make a beginning. The end is where we start from.” ~ T.S. Eliot
Tuwing aalis, may kapirasong lungkot na nararamdaman. Kahit simpleng pag-alis ko sa tirahan patungo sa Maynila o kahit pag-alis ko sa tinitirhan sa Maynila pabalik sa lalawigan. Mabilis yata akong ma-attach sa isang pook at ganun din kabilis na makadama ng separation anxiety. Totoo ito, ilang beses ko kasing naramdaman sa aking paglalakbay. Palagi kong iniisip kung papaano ko mababantayan at aasikasuhin, ang pamamahay na aking pinaghirapang itayo at paunlarin. Palibhasa, pinaghirapan ko rin ang pagsasaayos nito at napakaraming tao ang aking nakapiling habang isinasagawa ang pagtatayo nito hanggang sa maging ganap ko na nga itong tahanan.
Nitong mga nakaraang buwan ay isinagawa ko ang renobasyon sa aking dating tahanan sa Bulakan para ito ay mapaupahan. Naroroon pa rin ang maraming kagamitan. Hindi ko alam kung papaano ko ito paluluwagin at babakantehin. Parang may matibay ma dahilan para sa aking pananatili sa bahay na aking nilipatan noong kami ay masalanta ni Ondoy. Natatandaan ko pa ang panahon na unti-unti naming nilisan ang aming bahay sa Valenzuela na palaging babad sa baha at nalulubog sa tuwing may bagyo. Napakaraming masasaya at malulungkot na alaala kami rito mula noong bago pa ako makapag-aral hanggang sa makapagturo at makatapos ng doktorado hanggang sa mapilitan kaming lisanin ito at lumipat sa bagong tirahan. Doon ko nabuo ang aming pangarap at natupad ang marami rito. Naisulat at napalathala ko ang ilang alaala sa Ani Journal ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
Unti-unti kaming namaalam sa ilang dekada naming tahanan sa Valenzuela. Maaaring natapos na ang aming pamamalagi sa binuong tahanan ng aming magulang, bagaman may kasiyahan ang paninimula namin sa bahay na aking pinagsumikapang maipundar. Isa ito sa mga iginapang at pinagsumikapan ko para na rin sa aking tumatanda at masasakiting magulang. Hindi man ito ang una kong pinangarap na tahanan, naisalba naman kami sa pagdurusa ng lumulubog na pamamahay sa tuwing tag-ulan. Kinupkop kami nito. Matiyagang inilipat ang maraming kagamitan na dapat maingatan. Iniayos ang mga kagamitan sa bawat palapag at silid. Napakaraming alaala ang nabuo at di mabubura sa aming dating tahanan. Dala-dala namin ito at naparaming bagong karanasan, kakilala, at oportunidad ang kaloob ng aming bagong tahanan.
Naging maalwa ang buhay sa bagong pamamahay. Mahimbing sa mga gabing bumubuhos ang ulan. Walang pangambang lulutang at aanurin ang kagamitan sa tubig. Bagaman may pangangailangan pa ring bisitahin ang lumang bahay, kahit na mas pinili na naming manirahan sa Bulakan. Kahit namaalam na kami ay sadyang may malasakit sa kabuhayan at karugtong pa rin ng aming pamumuhay ito.
Hindi natapos ang pamamaalam sa tirahan. Namaalam na ang aking ama at naiwan sa akin ang aking ina. Dalawang taon pa kaming magkasama sa halos araw-araw na paninirahan sa Bulakan ng aking ina. Bagaman kung minsan ay sa kapatid ko sa Malabon kami umuuwi, pero mas pinipili ng nanay ko ang makauwi sa Bulakan. Nakagawian na kasi nilang mag-asawa na lumuwas sa Maynila para ihatid ako sa pamantasan, makipagtagpo sa kanilang mga kaibigang alahero at malalapit na kapatid sa masoneriya, at ang sunduin ako sa pamantasan para makasabay sa pag-uwi. Nagpatuloy ito kahit na yumao na ang aking ama. Madalas, ayoko na siyang paluwasin pa. Kahit na nakapapagod, mas matagal ang biyahe sa bus, LRT at traysikel nang balikan, ay tinitiis ko ito. Kahit pa tirik ang araw o bumubuhos ang ulan ay matiyaga akong namamasahe na lamang, patungo, at pauwi. Batid ko kasing kahit na nakakotse ay napapagod din siya sa biyahe at malaki ang katipiran sa gasolina, bayad sa drayber, at pagkain kung siya mamamasahe na lamang ako. Pero naaawa at nalulungkot ako sa tuwing iniiwan ko ang nanay. Tahimik. Nakatingin sa akin at nangungusap ang mga mata. Nagbibilin na umuwi agad at mag-iingat. Alam kong gusto niyang sumama at maaaring naiinip din siya. Nakasanayan na kasi nila ang araw-araw na pagluwas at paghahanapbuhay. Kaya mas madalas na pinagbibigyan ko na ang aking ina.
Dalangin at pinangarap namin na magkaroon ng tahanan sa Maynila para tuwing Biyernes at hanggang Lunes ay nasa Bulakan kami sakaling Martes at Huwebes ang aking pasok sa pamantasan. Doon na kami mamamalagi sa mga araw na kailangan kong maging maaga sa pagtuturo. Kaya nagsumikap, nag-ipon, at nakahanap ng iba pang mapagkakakitaan. Nakakuha ako ng pre-seling na condo na katabi ng pamantasan, bagaman ilang taon ang pinaghintay at hindi natupad ang ipinangakong pagtatayo nito. Kaya minarapat naming bawiin ang lahat ng naibayad. Pero dumating pa rin ang pagkakataong nakapagpundar ako ng panibagong condo noong 2012. Pre-selling ito at nasimulan na ang pagtatayo kaya't dalawang taon na lamang ay mabubuo at malilipatan na ito. Batid kong masaya ang nanay. Palagi naming dinadaanan ang unti-unting tumatayog na gusali. Binibilang ang buwan at palapag. Iniisip ang paglipat at ang mga kagamitang kakailanganin.
Noong tag-init ng 2014, magkasama kaming lumuwas ng aking ina dahil sa napagkasunduan naming mamalagi sa Malabon para sa kanyang check up. Masasakitin na ang nanay noon. Kaya't mainam na sa kapatid ko sa Maynila kami mamalagi kahit sa Bulakan niya mas nais mamalagi. Malapit kasi sa ospital ang bahay ng aking kapatid at palaging may nakahandang sasakyan. Hapon ng Linggo sa buwan ng Hunyo nang magpaalam ako sa kanya. Kailangan ko rin kasing kumuha ng bagong bihisan para sa linggong parating at kunin ang ilang aklat na kakailanganin sa klase. Ganoon pa rin naman, ayaw niya akong paalisin. Nakikiusap. Hindi ko inakalang ito na pala ang aking huling pamamaalam sa kanya. Babalik pala ako sa kanya at mag-isang magpasyang tuluyan nang mamaalam. Sampung taon na ang lumipas mula nang mamaalam ang aking ina. Hindi na niya nakita at naranasan ang kaloob ng Maykapal at sagot sa aming mga dalangin na makapanirahan sa isang condo. Noong 2015 ako lumipat sa condo. Isinaayos ko ito batay sa kung ano ang plano naming mag-ina. Naipundar at naisakatuparan ko ito nang mag-isa.
Malungkot ang mga espasyong dati ay kasa-kasama ko ang aking magulang at minamahal. Ipinaubaya ko nang lahat sa Maykapal. Hindi ko akalaing bibigyan pa ako ng pagkakataong makapagpaalam sa bahay na kumupkop sa amin patungo sa bagong bahay na may espasyong higit pa at nakalaan sa mahahalagang bagay, ang Bahay Katha. Umuuwi ako ngayon sa tatlong pamamahay, napapangiti at naluluha dahil sa mga dahilan ng pamamaalam at pagbabalik at alaala ng paglisan at pag-uwi.
Totoong isang paninimula ang pamamaalam.
***
Pagbabalik mula sa Isang Taong Pamamahinga
Matatapos na ang sabbatical leave (SL) ko sa Abril. Kada pitong taon ang agwat ng bawat pribilehiyong hatid ng sabbatical leave. Magbabalik na ako sa pamantasan sa Mayo para muling maging fulltime faculty. Yun lang, hindi simple ang pagiging fulltime faculty. Sapagkat sa kabila ng ranggo o titulong ito, inaasahan ang Lasalyanong fulltime faculty na magkaroon ng mga komite sa departamento, kolehiyo, at/o pamantasan. Inaasahan din na bukod sa mataas na ebalwasyon sa pagtuturo at pagiging masinop at malikhaing guro ay may kapuri-puring awtput ang isang fulltime fakulti gaya ng sinusukat na publikasyon, inobasyon sa pagtuturo, pagdalo o pagbabahagi sa kumperensya, pagsasagawa ng mga proyekto sa loob at labas ng pamantasan, pagkakaroon ng mas malawak na network at ugnayang propesyunal, at pakikiisa sa paglilingkod sa pamayanan. Kaya sa madaling salita, nakapapagod at nakapagdulot ng pagkabalisa o pagkabagabag ang pitong taong pagiging guro, kaya ipinagkakaloob ang SL. Bagaman, bago maaprubahan ang SL ay may kahingiang makapagbigay ng plano ng mga gawain sa panahon ng implementasyon nito. Samakatwid, may inaasahan pa rin ang pamantasan sa dapat na awtput sa panahon ng SL. Hindi ito bagay na ipagkakaloob para lamang sa hangaring makapagpahinga o maisagawa ang bagay na walang pang-akademikong katuturan.
Matatapos na sa Abril ang aking SL, kaya naman kinailangan kong lumiham sa mga tagapangasiwa ng pamantasan (Tagapangulo, Dekano, at Provost) upang ipaalam ang aking kahandaan para sa pagbabalik at iulat ang aking mga naisakatuparan sa isang taon ng SL.
Noong nagpaalam ako para isakatuparan ang aking SL, alam kong umaapaw ang listahan ng dapat kong isagawa at tuparin. Nakalulula ito. Inihanay ko ito batay sa pansarili at propesyunal na plano. Naisakatuparan ko ang lahat at maaaring labis pa sa aking inaasahan. Di ko akalaing matutupad ko ang listahan kahit na kondisyonal pa ang marami rito. Kondisyonal, dahil nararapat na makapamili ako kung ano o alin ang nararapat na unahin o gawing priyoridad. At maaaring ang ilan dito ay manatili pa ring plano sa katapusan ng aking SL.
Kung minsan, walang kasiguruhan ang ating tatahakin. Lumilisan tayo na tanging lakas ng loob at prinsipyo lang baon. Maaaring mas gusto kong makapagpahinga sa panahon ng aking SL pero nananaig pa rin ang kagustuhan kong maging makabuluhan at makahulugan ito. Ito na ang aking ikalawang SL sa buong 26 taon ng panunungkulan sa pamantasan, subalit ngayon ko lang napihong hahanapin pa rin ng aking diwa ang pakikiugnay sa mga gawaing akademiko kahit pa dapat sana ay nakapagpapahinga kahit pansamantala.
At sa puntong ito, magbabalik ako sa pamantasan bilang fulltime faculty na may baong sigasig at lakas, at may mga babalikan at tatapusing gawain, at higit sa lahat ay may babalikang tahanan.
***
“Life is made of so many partings welded together.” ~ Charles Dickens
Sanay at nakagawian kong maglakbay nang may kasa-kasama. Palagi akong umaalis na may kasiguruhan sa iniwan at destinasyon. Pero noong unang naglakbay ako nang mag-isa, sa biyaheng tumagal ng 16 oras, nadama ko ang unti-unting pag-aalala sa aking iniwang tahanan, sa mga taong malalapit sa akin, at sa mga priyoridad na iiwanan. Ang dami kong iniisip noon. Naglakbay ako patungong United Kingdom nang mag-isa dahil kailangan kong isagawa ito at kahilingan na rin ito ng isa sa aking minamahal na guro. Naglakbay rin ako nang mag-isa patungo sa Alemanya, Italya, Belhika, at Austriya dahil may kailangang balikan at bisitahin. Bahagi ito noon ng planong babahagyang naisagawa dahil sa kawalan ng makakasama.
At sa dami ng aking mga naranasang pamamaalam, maging ito man ay kaakibat o kaugnay ng mga salitang paglayo, pagliliwaliw, paglisan, at pagyao, napagnilayan ko ang ilang bagay rito. Magkakaiba ang mga salitang ito bagaman may iba-ibang sidhi ang kahulugan at dahilan.
I. Pag-alis ay paglayo para sa katahimikan
Isa sa dahilan ng pag-alis ay paglayo. Isa itong natural na paraan para magkaroon ng sapat na distansya sa mga bagay na nakasisiphayo o nagbibigay ng pasanin. Hindi lahat ng uri ng pag-alis ay pagtakas. Maaaring isa itong uri ng pagsalba sa sarili, pahayag ng pagmamahal sa sarili, at ang layong makahanap ng katahimikan.
Hindi lahat ng paglayo ay isang karuwagan, bagkus isang paraan ito upang iwasan ang kaguluhan o higit pang pagsidhi ng kalagayang magdadala sa atin sa higit na kapahamakan. Sa aking pananaw, lumalayo ako sa mga taong alam kong hindi nakatutulong sa pagpapanatili ng katahimikan at nakalilimot sa halaga ng respeto at paggalang. Kung ramdam na kasi natin na may mga taong ayaw sa atin, huwag ipagpilitan ang sarili. Kung may mga taong humahatak pababa, mainam na itiklis, igarapon, at asinan na ang mga gaya nilang talangka. Hindi ko uubusin ang panahon para ipagpilitan ang sarili o humingi ng panahon para magpaliwanag pa. Respeto ko ito sa sarili at paghahayag ko ito sa mga taong di marunong magpahalaga sa paggalang o makaalala man lang sa pinagsamahan.
Noon, palagi akong humaharap sa lahat ng nakasasaling sa akin. Komprontasyonal ako. Natutuhan at naituro sa akin ng karanasan at ng pinakamahalagang tao sa aking buhay ang paglayo at pananahimik. Hindi ako lumalayo dahil sa takot na magkaroon ng usaping hindi ko kayang harapin, kundi takot ako sa mga bagay na maaaring kong gawin at pagsisihan.
II. Pag-alis bilang pakikitagpo sa walang kasiguruhan
Palaging umaalis tayo nang may destinasyon. Subalit kahit na mayroon tayong pihong pinanggalingan at pupuntahan, palaging may bagay na hindi natin masisiguro. Kung minsan, umaalis tayo na may pangako ng pagbalik, pero hindi ito natutupad. Kung minsan umaalis tayo na may baong pakay, pero hindi rin ito naisasagawa.
Ang pag-alis ay isang eksplorasyon sa walang kasiguruhan. Naglalakbay tayo na may mga bagong nadaraanan, nasasaksihan, nakikilala, at nararanasan. Nabanggit ko ang ilang karanasan o mga nasaksihan sa makailang pag-alis sa tahanan, pero ang lahat nang iyon ay hindi ko inasahan, kahit pa may malinaw akong proseso sa pagsasagawa sa paglisan.
Napakaraming pagkakataon na nakitagpo ako sa aking inaasahang kahihinatnan pero iba ang nagiging hantungan nito. Sa edad kong ito na kalahating daantaon, maraming sorpresa akong naranasan, mainam man o nakapanghihinayang o nakasisiphayo pa nga. Ang mga sorpresang ito ay naituturing kong aral at bahagi ng walang kasiguruhang buhay. Hindi natin maiiwasan ang paglisan, at kasama rito ang napakayamang aral sa walang kasiguruhan.
III. Pag-alis sa pamilyar at nakasanayan
Sinasabi ngang mas nawawala ang respeto o pagpapahalaga sa isang nilalang o bagay, dahil sa pagiging labis nating pamiyar sa mga ito. Kapag nakakasanayan na natin ang isang tao o bagay, nagiging pamilyar na ito sa atin, at sa malaon ay nagiging karaniwang nawawalan ng halaga. Kung mangyari man ito, mainam na lumayo, mas mainam na panatilihin ang distansya, at isarili ang mga bagay na di na dapat pang ibahagi sa mga taong nakalimot at nawawalan ng pagpapahalaga.
Nagiging pamilyar ako sa ibang tao, pero mas pinipili kong mapalapit sa kanila at makilala silang higit. Dahil sa ang maging pamilyar para sa akin ay hanggang pisikal lamang, at masyadong malalim ang pagkatao ng lahat at nagbabago-bago ang kanilang saloobin at pag-iisip kaya't mahirap maging pamilyar. Gayon pa man, ang palagiang pag-uugali at kung papaano nakikisama ang isang tao ay maaaring ating makasanayan. Halimbawa, nakasanayan ko na ang kanyang pagiging matulungin at mapagmalasakit o maaaring nakasanayan ko na ang kanyang pagiging makasarili, walang utang na loob, o sadyang pagiging makakalimutin sa esensya ng kakilala o kaibigan. Doon ko tinatanggap ang nakasanayan at doon ko rin sinisimulan ang pananatili sapagkat mahalaga ito o ang paglayo dahil hindi na ito nakabubuti.
Mainam na mas makilala natin ang pamilyar hindi lamang sa pisikal na katangian at lagyan natin ng hangganan ang mga nakasanayan. Tanggapin natin na hindi lahat ng nakasanayan at pamilyar ay dapat na panatilihin, at dapat matutong maglibing ng mga nakasanayang wala namang katuturan pa.
IV. Pag-alis bilang pagbabalik
Umaalis tayo nang may maiiwan. Gaya nang makailang paglalakbay ko nang nag-iisa, maraming mahahalagang bagay ang aking iniwan at kailangang balikan.
May isang karanasan akong dulot ng kasunduang ilang taon kong naipangakong babalikan at tutuparin. Pumayag akong maging kabahagi ng isang tahanan, muli itong mabuo, patatagin, isagawa ang nararapat na makapagpapatibay sa pundasyon. Kailangan kong isagawa ito sa loob ng panahong makangingiti na ang lahat dahil sa kaayusan at natupad na ang lahat ng plano. Bagaman, nakaligtaan ko na ang pag-alis ay walang kasiguruhan ng pagbabalik. Natagpuan ko ang kaligayahan at kabuluhan na maaaring maging dahilan ng pananahan o pananatili, at ang pagkakaroon ng sariling espasyo. Madalas, pinipili natin ang makapagdudulot sa atin ng katahimikan at higit na pagbabahagi. Pero may kasunduan, may mga nakababatid na palaging nagpapaalala, at may mga dahilan at mga taong magtutulak para sa isang pagbabalik. Maaaring hindi tulad ng biglaang pag-alis, na naging sanhi ng paglayo, ang pagbalik ay magiging marahan at may layong magbuo na panibagong karanasan para sa mga naiwan o babalikan.
Nariyan ang ating karanasan sa makailang ulit na paglisan sa tahanan, at ang ating pagbabalik kahit na kailangang harapin ang kasalukuyan at bagong espasyo. Doon ko napagnilayan na may mga mahahalagang bagay ang dapat na balikan at hindi dapat malimutan.
V. Pag-alis nang walang panghihinayang
May hatid na kaligayahan ang pag-alis. Sa tuwing umaalis tayo, lalo na kung ito ay bakasyon o para makapaglibang, nakadarama tayo ng saya. Umaasa tayo na ang pag-alis natin ay isang paraan ng pagpapahinga, pagkalag sa nakapapagod o nakapagbibigay ng lumbay sa atin.
Nakalulungkot ang pag-alis kung walang kasiguruhan ng pagbabalik o pangako ng muling pagkikita. Maaaring manghinayang pa nga tayong umalis dahil sa naitanim na natin ang sarili sa lupain kung saan tayo nahirati. Manghihinayang tayo sa mga iiwanan natin at maaaring hindi na muling makita o makasama.
Gayon pa man, may pangangailangan sa pag-alis. Hindi ito maiiwasan. Kahit pa sa pinakamatagal na paglilingkod at pagtatrabaho ay kailangang magretiro, kahit pa sa pag-aaral ay kailangang humantong sa pagtatapos, kahit pa sa panonood ng sine o pakikinig ng musika ay kailangang magkaroon ng huling eksena at huling tunog. Umaalis ang liwanag at dilim kahit na panandalian, subalit hindi ito magiging katulad ng kung ano ang kahapon o ang bukas batay sa dami ng ulap, ihip ng hangin, at panahon ng tag-init o tag-ulan. Lumanghap tayo ng hangin sa unang pagkakataon upang humiyaw sa oras ng ating kapanganakan, at ihihinga natin ang huling hangin bilang pagtatakda ng ating pagbabalik sa Lumikha. Walang dapat panghinayangan dahil ang lahat naman ay naisagawa para sa mas mainam at may dahilan.
Huwag manghinayang kung nararapat na ang pag-alis. May dahilan ang pag-alis, maaaring nais na rin ng Maykapal na may bagong marating, bagong makilala, at bagong maibahagi at makapagbahagi. Paraan ito ng pagpapatatag sa sarili, lalo na kung nag-iisa.
Pagbabago ang pag-alis, at gaya ng aking nabanggit maaaring may hatid itong katahimikan, pakikitagpo sa bagong kabuluhan, at pagtupad sa pangako ng pagbabalik.
“may labahing gagawin at henosidyong dapat pahintuin”: Panulat sa Panahon ng Henosidyo
Ang nakapaniping bahagi ng pamagat ay salin ko ng pamagat ng viral na tulang “there’s laundry to do and a genocide to stop” ni Vinay Krishnan sa Twitter. May 21.1 milyong views, 33,000 shares, at 74,000 likes ito sa Twitter. Ayon sa tala ni Downer (2024), ang tulang ito’y koleksyon ng “anxieties Krishnan deals with every day, from the mundane quotidian anxieties of household chores and hygiene to the brutal realities of Israel's war in Gaza, described in the poem as a genocide, and the global rise of fascism.” Iyon mismo ang bisa ng tula sa akin: ang pagbibigay-boses sa maraming kapwa tumututol at kumokondena sa henosidyo sa Gaza – na sa kalakhan ay kagagawan ng estado ng Israel batay na rin sa kasong idinulog ng Gobyerno ng South Africa laban sa Israel sa International Court of Justice noong Disyembre 29, 2023 – habang kinakaharap at binabaka rin ang araw-araw na krisis sa kabuhayan bunsod ng mataas na presyo ng bilihin, halos di tumataas na kita/sweldo, at kawalan o kakulangan ng serbisyong panlipunan. Mahigit 30,000 na ang pinaslang o kaya’y namatay sa Gaza mula Oktubre 2023 hanggang sa kasalukuyan (Roberts, 2024). Bukod sa direktang “casualty” ng aksyong militar ng Israel, dumarami rin ang namamatay dahil sa kagutuman, malnutrisyon, at sakit na di na naagapan bunsod ng pagkawasak ng sistemang pangkalusugan ng Gaza gayundin ang masaklap na realidad ng kawalan ng sapat na suplay ng gamot at iba pa. Karugtong ng tuwirang henosidyo ang tinatawag na “epistemicide” (Moaswes, 2024) – ang pagwasak sa mga paaralan, unibersidad, aklatan, sa mga batis ng kaalaman at karunungan mismo – na nangyayari (o nangyari na nga) sa Gaza. Sa ganitong diwa, obligasyon ng mga edukador at manunulat na manindigan laban sa henodisyo at maging tinig ng kapayapaan.
Sa kabila ng mga dambuhalang kilos-protesta na nananawagan ng agarang ceasefire at pangmatagalang solusyong dudulo sana sa kapayapaang nakabatay sa katarungan, tila malayo pa ang wakas ng pagbububo ng dugo ng mga Palestino dahil na rin sa pag-veto ng Estados Unidos at ilan pang makapangyarihang bansa sa mga panukalang ceasefire. Habang nag-iipon ng lakas at nagpaparami pa ang mga progresibong naghahangad ng tunay na kapayapaan, sana’y lalo pang dumami ang mga manunulat na gaya ni Krishnan. Gayunman, maiintindihan natin kung di man gaanong paksain ng mga kapwa Pilipinong manunulat ang henosidyo sa Gaza sapagkat napakarami ring maliliit at malalaking inhustisya noon at ngayon na kina(ka)harap ng mga Pilipino. Mainam kung lalo pang paksain ng ating mga manunulat ang mga maliliit at malalaking inhustisyang ito habang nagsisikap din na mag-ambag sa pagbubuo ng bagong sistemang panlipunan na wala nang pagsasamantala, pamamaslang, at kawalang-katarungan.
Bilang pangwakas sa sulating ito’y ibinabahagi ko ang sarili kong bersyon ng tula ni Krishnan (paglalapat sa karanasang Pilipino sa halip na tuwirang salin):
may labahing gagawin at henosidyong dapat pahintuin
may labahing gagawin at henosidyong dapat pahintuin. dapat akong umiwas sa pagkaing mamantika habang umiiwas din sa pandemya. tumaas na naman ang renta. kailangan kong rumaket, magdoble-kayod. dalawampung tao ang pinatay sa Rafah (at may tinokhang din sa kung saan na namang lupalop) ngayong umaga habang ginasgas na ng midya ang paggamit sa tinig balintiyak (passive voice) para sabihing lumundag sa papawirin at yumakap sa bomba ang buo-buong pamilya. dumating na naman ang credit card statement ko at babaligtarin ko na naman ang utang sa kooperatiba para di kapusin sa mga di planadong gastusin. nagka-COVID na naman ang isa kong pinsan at may kapitbahay na namang namatay sa sakit na di naagapan dahil walang pampadoktor at pampaospital. mahaba pa rin ang pila sa tren, bihira ang jeep at traffic sa ilalim. pasista pa rin ang estado rito at sa marami pang bansa. bumibigat ang mga problema pati ang timbang ko. bawal na raw ang e-bike at e-trike sa Metro Manila (lilipad na lang ba tayo? nasaan na ba ang ugatpak ko?) at dumarami ang naresetahan ng Losartan at Metformin. may pabulaklak ang MMDA sa mga tindera at ang mga pulis sa mga raliyista, wala sigurong tumanggap? Mainit ngayon, tipikal na Marso sa ‘Pinas. Pero wala na akong panahong mag-isip pa tungkol sa epekto ng init sa atin sapagkat may labahing gagawin, may hugasing tatapusin, at henosidyong dapat pahintuin
Mga Sanggunian:
Downer, Adam. 2024. Twitter Gathers To Debate Merits Of Viral 'Laundry And Genocide' Poem. https://knowyourmeme.com/news/twitter-gathers-to-debate-merits-of-viral-laundry-and-genocide-poem
Government of the Republic of South Africa. 2023. Application Instituting Proceedings. https://www.icj-cij.org/sites/default/files/case-related/192/192-20231228-app-01-00-en.pdf
Krishnan, Vinay. 2024. new poem. https://twitter.com/vinayrkrishnan/status/1765428498573771235
Moaswes, Abdulla. 2024. The Epistemicide of the Palestinians: Israel Destroys Pillars of Knowledge. https://www.palestine-studies.org/en/node/1655161
Roberts, Les. 2024. The Science Is Clear. Over 30,000 People Have Died in Gaza. https://time.com/6909636/gaza-death-toll/
Sa Tuwing Sasapit ang Marso
Nanunumbalik ang lahat. Parang DVD player na bigla na lamang gagana at magpapaikot sa mga alaala na parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sa paliwanag ng Swiss American psychiatrist na si Elisabeth Kübler-Ross, may limang yugto raw ang pagdadalamhati na kalimitang nagsisimula sa denial o pagtangging totoo ang lahat. Hirap tayong tanggapin ang katotohanan. Hindi natin kayang harapin ang realidad na sa isang iglap lang, wala na ang taong nakangitian mo pa sa hallway, naka-chat o nakausap mo lang noong makalawa o ‘di kaya sa kaso ko, nakasama ko ng mahigit dalawang dekada.
Palaging binabanggit noon ni Mommy na gusto na niyang mamatay. As in araw-araw. Halos makabisado ko na ang bawat linya. Nagbabago lang ang ilang bahagi depende sa sitwasyon o rason kung bakit siya nagdaramdam. Pero kung may consistent man sa mga litanya niya, iyon ang malimit na pagsasabing mami-miss ko rin daw siya kapag nawala na siya. Never ko itong sineryoso. Dahil never din namang pumasok sa isip ko na darating ang araw na lilisanin kami ni Mommy. Kaya nang ipaalam sa akin ng doktor, madaling araw ng Marso 3 noong 2018, na wala na si Mommy – hindi ako naniwala. Ayokong maniwala. Excited pa nga kaming nagpaplano para sa Marso 18, sa nalalapit niyang kaarawan.
Kaming dalawa lang ni Mommy ang halos magkasama buong buhay ko. Lumaki akong walang tatay samantalang ang nag-iisa at nakatatanda ko namang kapatid na si Ate Iris ay maagang nangibang-bayan para buhayin kami. Doon na rin siya nag-asawa at bumuo ng pamilya kalaunan. Kaya nang biglaang pumanaw si Mommy, ako lang ang inasahang mag-asikaso ng lahat ng papeles mula sa pag-secure ng death certificate hanggang sa coordination sa St. Peters na siyang mamamahala naman sa burol. Kaya bukod sa natural response ng sarili na maging in denial sa nangyari, tingin ko ay hindi rin nakatulong ang pagkakait sa akin ng pagkakataong maproseso ang lahat. Nang mailibing si Mommy at makabalik ng Canada sina Ate matapos lamang ang halos dalawang kagyat na linggong nakasama namin sila, doon ako biglang nilunod ng sariling kalungkutan.
Pinilit kong iahon ang sarili mula sa mga daluyong ng lumbay. Naging abala ako sa mga gawain sa masterado. Tumanggap ng kung ano-anong raket, hindi na lamang para kumita kundi para maiwasang magkaroon ng puwang ang kalungkutan sa isip ko. Ginawa ko ito sa mga sumunod na buwan hanggang sa Pebrero ng kasunod na taon. Pero habang lumalapit ang Marso, pabigat nang pabigat ang bawat pagmulat sa umaga. Kahit pilitin kong gawing busy ang sarili sa pag-aaral at trabaho, automatikong nagpa-flashback ang mga nangyari ilang araw bago mawala si Mommy. Mula sa umagang natagpuan ko siyang wala nang malay sa CR hanggang sa niyakap ko ang nanlalamig na niyang katawan. Paulit-ulit na lumalabas ang lahat sa isip ko. Paulit-ulit ding idinidiin ang sarili sa galit at mga pagsisisi. Iyong inakala kong nakahakbang na ako patungo sa pagtanggap na binuno ko ng halos buong taon, bumalik na naman sa simula.
Ngayong buwan ang ikaanim na Marsong inakala kong makahahakbang na ako mula sa pagkawala ni Mommy. Pagsulat ng disertasyon. 21 units of teaching. Kaliwa’t kanang committee work, sa loob at labas ng mga pamantasang pinagtuturuan. I mean, mararamdaman o maiisip ko pa ba ang kalungkutan sa lagay na ‘to? Iyon ang akala ko. Pero naisip ko, hindi kaya imposible naman talagang malimutan ang pagkawala ng presensya ng minamahal? Siguro nasasanay lang tayo kaya nagagawa nating magpatuloy sa buhay kahit wala na sila. Pero ang totoo, kahit anong gawing natin, dadalawin at dadalawin tayo ng lumbay. Kumbaga, regular na itong bibista sa atin lalo na sa mga panahon at pagkakataong tanging ang pag-iisa na lamang ang yumayakap sa atin. At sa kaso ko, habambuhay na marahil akong magkakaroon ng bisita sa tuwing sasapit ang Marso.