Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Nakita ko nang nagbabadya ang ulap.
Abuhing itim, itimang abo
Babala ng malakas na luhang magaganap.
Tatluhan ang ginawa kong paghakbang
sa baitang ng hagdan
halos di humawak ng tagdan.
Sa bubungan, dahan-dahan
ang pagtapak sa pinagpakuan
ng mga yerong may katandaan.
At dahil walang tsinelas, parang
isinasalang ang aking talampakan
sa kalan. Habang iniisa-isang
kunin ang mga damit
sa sumasayaw na sampayan,
Muntik-muntikan pang madulas
at ang puso’y dumausdos sa labas.
At tinitigan ko ang kalsadang
muntik ko nang binagsakan.
Lubak at burak.
Sandali akong naging estatwang
bato. Salamat na lang sa tibay
ng preno ng tuhod at buto.
Isinara ang bintanang dinaanan,
Umiingit. Dal’wang segundo
pababasabaitangnghagdan. Sa likod,
isinahod ang malaking timba sa alulod.
Sa loob, inilagay ang plastik
na palanggana sa tapat
ng pinagsusupetsahang may tulo.
Matalim ang tingin
sa (nagmamaang-maangang) kisame.
Natuluan ang FILA™ Memory Go The Distance
Men's Cross-Training Shoes.
Handang-handa ako sa pagluha ng langit.
sa pagbuhos ng matutulis na ngitngit,
Habang minamatyagan
ang kanyang kidlat at bangis,
At saka ko naalala, naiwan
ko sa labas, sa kalyeng lubak-lubak
ang aking pusong pagal
malaon nang hinihingal
nalulunod sa paghihintay
sa malalim nang hukay.
Nakamamanghang pagmasdan
ang mahinhing paghalik ng iyong daliri
Sa mga teklado
habang binubuhay
Ang obra ng mga dakilang yumao.
Sinumpaan mong panata
Ang pagpapaawit sa piyano.
Hapon mo’y di mabubuo
At tila magluluksa sa tabi
Ang mga masugid
na tagahangang rebulto.
Hanggang sa sinabayan mo
ang pagpilas ng panahon.
Nagretiro ang piyano
Ngayo’y isang antique
Na lamang at adorno.
Hapon man nami’y
nanahimik.
Sa puso’y patuloy
na tumutugtog
ang iyong himig.
Ginbugtaw ako ng ingay ng bukang-liwayway. Nagtilaok ang manok, tapos run ang pahuway.
Ginpilit ko magbangon kag nag-unat, gin-unat ang mga tul-an kag kalamnang nais pang
marahuyo sa ramig ng umaga. Ginlabanan ko ang gayuma ng katre, gayundin ang panaginip na
humele sa akong buong gabii. Nakaukit na sa isipan ang gagawin sa buong adlaw. Paanong
makakaligtaan kung ganito lagi ang akong nakasanayan? Nag-init ako ng tubi para gisingin ang
diwa. Ginsindihan ko ang posporo at sa pagdaiti ng apoy sa panggatong, muling dumagundong
ang mapanghalinang alok ng kaibigan ng pamilya - edukasyon daw sa Maynila. Sagot ng
maykayang padron. Hindi ko pa alam ang kapalit, alam kong meron. Ayaw pumayag ng aking
ina. Ayaw mapalayo sa ungâ na sinisinta. Bubuhayin tayo ng lupa, paulit-ulit niyang sasabihin
hanggang mabatian ng akasya, ng bangkal, mabolo, sampalok, kawayan, anahaw, hanggang
sa umabot sa kamagong at balete sa ingod ng sapa.
Nagakulô na ang tubi, oras na para ihulog ang dalawang pirasong lab-as na itlog. Ito ang
paborito kong pamahaw: nilagang itlog at tirang bahaw ng nagdaang hapunan. Kapeng bigas
para panghimagas habang ginahulat ang tuluyang pagtaas ng araw hanggang lumampas sa
mga bundok at talampas. Armado akong lulusob patungong katunggan: sukbit sa tagiliran ang
sibot, sandata ang sakag, panangga sa init o ulan ang salakot, sisidlan at pandakot sa
mahuhuling dyakap, kuday, pagerper, pantat at haruan. Ito ba ang sandata ng aking
kinabukasan?
Sa pananakag nabanat ang aking lawas. Hindi lamang mainam na ehersisyo, pampatibay din
ng masel at butó. Laking bulas, sabi nila. Nagmana sa kakisigan ng ama, hambal ng iba. Hindi
ko ito pansin dahil wala naman kaming salamin. Sa repleksyon ng sapa ko lang nakikita ang
aking sarili. Sa tubig ko rin makikita ang akong pag-aalinlangan. Lulusong akong hindi sigurado
sa kinatatakutan. Titingala ako sa kalangitan, sisipatin sa siwang ng mga dahon ang kasagutan,
kasing ilap ng sulalo, kurkor at saya-saya. Susundan ko ang mahinhing agos ng sapa,
mababakas ko sa malinaw na tubig ang akong mukha. Mukha ito ng alinlangan, ng kalituhan,
ng pangamba. Anong uri ng bukas ang biyaya ng sapa? Ilalatag ko ang sakag, itutulak sa
buhanginan, kagaya ng nakagawian.
Kaiba sa nakasanayan, ang paningin ko ngayo’y tumatagos, lumalagos sa tubig at buhanginan,
may inaabot, hinuhukay sa kaibuturan ng katunggan. Hanggang kailan itong ritwal sa sapa?
Hihintayin kong sumagot ang tulihaw, tikling, tigbabaras. Batid kaya nila ang aking dinaranas?
Mauulinigan ko ang ugong na iyong iniiwasan. Mapapatungo ako, magmamasid sa kawalan.
Sasapawan ng tunog mula sa himpapawid ang panaghoy at awit ng mga ibon. Titigil sa pag-
agos ang sapa, titigil sa pagsayaw ang mga dahon. Hahanguin ko ang sakag na hitik sa huli.
Hihilingin kong kabay pa mahango rin nakon ang akong sarili.
Ginasukat niya ang lawak at saklaw
sa abot ng kanyang natatanaw.
Hayag na teleskopyong sumisipat
ang kanyang mga balintataw.
Diyos niyang sinisiyasat mula
sa himpapawid ang nasasakupan.
Kabisado niya ang teritoryo
at topograpo ng inaaring kalupaan.
Tanaw niya ang itinalagang muhon
sa inangking sulok ng kabukiran.
May alimuos na higot at lubid ang
bawat hangganan ng taramnan,
sapa, tagaytay at katunggan.
Walang makakasaling sa loob
ng kinordonang dalaag at bakuran.
Naglalayag siyang mahinahon sa dagat
ng kalawakan, mga tingin ay nakaumang
sa inakong espasyo sa kapatagan.
Tinitimon niya ang amihan o habagat
na humaharaya sa kanyang pag-iisa
subalit hindi siya nagpapagayuma
sa mapanghalina nitong pagsinta
sapagkat sa sandaling magmaliw
ang konsentrasyon, hanging tatangayin
ang tudlaang minimithi at inaasinta.
Hindi dapat mapatid ang pagmamasid,
hindi maaaring maglaho sa paningin
ang pinupuntirya’t inaasam na biyaya
ng mga tukang sumisiyap sa pugad
ng matayog na puno sa kinakainging gubat.
Lumilibot siya sa ilalim ng mga ulap,
minamanmanan niya ang bawat kaluskos,
ingos, siyap, siyak, iyak, galaw at hiyaw
na sumisigaw ng karupukan at kahinaan.
Naaamoy niya ang takot; natatanaw niya
ang hilakbot ng kumakaripas na sisiw.
Ganito rin ang palahaw ng naiwang supling:
tinig iyon ng matinding gutom, pag-aasam
at paghihintay sa masaganang pagbabalik.
Bago pa siya abutan ng paglubog ng araw,
kidlat siyang bubulusok sa hangaring grasya.
Hindi niya alintana ang pagsugod ng kalabang
masugid na umaantabay sa kanyang presensya.
Sumiyak ang mga sisiw, sumilong sa kanilang ina.
Umalagwa ang banog sa matatalim na kuko ng agila.
May mga gabiing kagaya ng gabiing ito
na hindi nagpapatulog ang mga bituon -
nanggagambala sila sa katahimikan
ng malalalim natong pagginhawa
habang sabay na nagapamantaw
sa kalangitang salat sa panganod.
Sinalat nimo ang kamay ko at dinala
sa imong dibdib upang ipadama
ang pagpintig ng imong kulbang
tumawid sa humbak ng kalawakan.
Saan nagmumula ang imong hadlok?
Pinigilan nimo ang sariling paghinga
At inakay ako sa pinakamalapit na
galaksi upang ipaalala ang atong lugar
sa di-masukat na espasyo ng sansinukob.
May tun-og ng pangambang bumalot
sa luntiang damuhan sa labas ng tent,
sa loob ay may sumibol na sariwang
Pangamba para sa hindi maipaliwanag
na pag-iisa. Patay na ang atong mga tala.
Naitala na sa pinagmulan ng uniberso
ang paggunaw ng lupa, ng mundo’t planeta
maging ang langit at nakilalang nebula.
Kasama kayang malulusaw ang atong gunita?
Ginagap ko ang imong kamay upang iparinig
ang daing at himig ng aking kalibutan. Ito
ang ating handumanan – mga sandaling hindi
mabubura o masusukat ng oras, layo at tagal.
Sa pagwawakas ng mga bagay, pansamantala
lamang ang pwede natong mapanghahawakan.
dawa garo mayo man;
hunâ nindo lang pirming
igwang nagdadangàdang.
Ika handàl, tibaad
an saimong kasarùan,
sabi mong haloy nang nawara,
basàng na sanàng magbutwa;
siya man matuntùn daa
kan ilusyòn na an sùgid
haloy niya nang itinalbong,
alagad ngonyan saiya
tibaad nagpupurùng-pusòng.
Sa laog kan saindong kwarto
garo igwang nakahiriling saindo.
Sa saindong pinàpaipliàn,
garo sana dai kamo nalìlipudàn.
Dai man daw kaya basàng
na sanà sinda nindong tinuruwadàn,
ta nganing sa kada saro
magpasiràm-sìram?
Sa saindang kasuyàan,
dae ninda aram kun sain màduman.
Yaràon sinda dawâ saen kamo magduman.
Mga kalag sindang dai nagkàmirisàhan.
Aldaw-banggi, sisingilon ninda
kamo kan saindang kamurawàyan.
kahit siguro wala naman;
akala n’yo lang palaging
merong paparating.
Balisa ka, baka
ang kalaguyo mo
na sabi mong matagal nang nawala
agad na lang magpakita;
siya’y baka naman matagpuan daw
ng kanyang dating manliligaw
na matagal niya nang inilibing
subali’t ngayon sa kanya
marahil ay nagpaparamdam.
Sa loob ng inyong silid
parang merong mga nakatitig sainyo.
Sa inyong pinagtataguan, parang
hindi naman kayo natatakpan.
Hindi naman kaya kasi agad
n’yo na lang silang nilisan,
upang bawa’t isa sainyo’y
matikman ang linamnam?
Sa kanilang inis at galit,
di nila alam pupunta kung saan.
Nariyan sila kahit saan kayo pumunta.
Mga kaluluwa silang hindi nabasbasan.
Araw-gabi, sisingilin nila kayo
ng kanilang kaluwalhatian.
Magayonon gayód sa aga; dai ko na mahahangos
an mabataon na tambotso kan mga awtong maaragi
sa tinampo. Dai ko na mababása an trapal kan pulitiko
na itatahub ninda sako ta maparauran nin makusog
pag-abot na nin hapon. Dai ko na madadangog
an hibî kan mga aking nagdadaragían, nagpapastidyo
sa mga magurang na matiripon sa sakong atubang.
Dai na ko mabisa sa mga tiyuon na purôngoton.
Dai ko na kaipuhan bugnuhon an mga pinsan kong hambogon.
Maparauran na nin makusog, kaya bisan magbángkay
an agom ko, dai ko na madadangog an saiyang dayúyu.
Sobrang saya siguro bukas; hindi ko na maaamoy
ang mabahong tambutso ng mga dumaraang sasakyan.
Hindi ko na mababasa ang trapal ng pulitiko
na itatabon nila sa akin pag umulan na nang malakas
pag-abot ng hapon. Di ko na maririnig ang mga batang
nag-iiyakan, na hindi magpapasaway
sa mga magulang na magtitipon-tipon sa ‘king harapan.
Di na ako magmamano sa mga tiyuhin kong bugnutin.
Di ko na kailangang pansinin ang mga pinsang mahangin.
Uulan nang napakalakas, kung kaya’t kahit tumangis
ang asawa ko, di no na maririnig ang kanyang panaghoy.
Inaámag na ang tula ko.
Mapânos na ang pamagat
at sa bawat linya nito’y
may umuusling maiitim.
Anyo ng mga kataga’y
nakaririmarim.
Parang may mga
buhok-buhok na rin
sa aking cataloguing.
Pinagpag ko ang bukbok,
sa halip alikabok
ang tumilapon sa kada reading.
Pwede na tong i-Recycle Bin—
inakala kong magaling
na paghambing, inilayog
na gayód sa hangin.
Ang tinangkang
kabalintunaa’y
kinain na ng kurakdíng.
Hindi kailangan umulan
upang magdiwang
mga kulay ng langit
mistulang mga pabo silang
namukadkad ang mga buntot
dinadala sa mga alon,
mga pakpak at
mga matang hindi mapanghusga
Isasama kita hawak
ang aking paleta
pipinturan ko ang maamo
mong mukha hindi upang
takpan ang iyong kinang
ngunit upang magtaktak
ng pakikiisa
sa plumahe ng alon
ng bahaghari
Ipagkakatiwala ko rin
pinsel sa iyo, aking mahal
at sasabayan natin ang
indak ng mga pabo.
Rine ako sa kung nahan ka
Naggagayat ng kamatis
Nagpriprito ng tinapa
Kapares ang kapeng
Barakong pinalalagyan mo
Ng tatlong kutsara ng
Polbos na gatas
Rine ako sa kung nahan ka
Namimitas ng kamyas
Sa tanghaling pinagsaluhan
Sinaing na tulingan
Sa hapon tayo ay umiiglip
Nakabalot ng
Kumot kahit na
Tanghali at mainit
Rine ako kung nahan ka
Humihigop ng sinampalukang manok
Sa gabi'y naririnig ko
Ang mga takot at galit mo
Mga bangungot
Ng kahapong
Gumagambala parin sa iyo
Rine ako kung nahan ka
Maghihintay na
Iyong mapanaginipan
Ako, tayo, at mga umaga't
Tanghaling kalmado
Maniwala kang
Sa panaganip mo'y
Magluluto rin tayo at
Magsasalo ng
Mainit na yakap
Ibubulong mga salitang
Rine ako kung nahan ka