Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Tuwing Martes ay isinasama ako noon ni Lola Miling sa simbahan ng Obando upang magsimba.
Sa labas pa lang ay maganda na ang itsura ng simbahan. Malaki ito at gawa sa bato. May mga makukulay na salamin na maganda sa paningin kapag nasinagan ng araw. Sa isip ko, gusto kong tikman ang salamin dahil parang may kani-kaniyang lasa ang bawat kulay. Strawberry ang pula, Blueberry ang bughaw, matamis na ponkan naman ang kahel.
Pagpasok sa simbahan, didiretso kami ni Lola sa ikalawang hanay ng upuan mula sa unahan - ang paborito naming puwesto sa simbahan. Agad na kukuhanin ang scapularyo sa kanyang kartamyeda at luluhod na si Lola Miling upang simulan ang kaniyang pag-oorasyon. Madalas ay hindi ko napapansin na nakapagsimula na pala si Lola sa pag-oorasyon dahil namamangha pa rin ako sa loob ng simbahan, kaya luluhod na rin ako at sasabay sa sinasambit ni Lola.
Pero madalas ay nakaliligtaan ko ang orasyon dahil sa mga tanong ko sa isip. Paminsan kasi ay idinidilat ko ang aking isang mata at iginagala ang tingin sa loob ng simbahan. Bukod sa pagkamangha ko sa istruktura ng simbahan, wala nang ibang dahilan kung bakit ako sumasama kay lola, na kung hindi namimilit ay hindi ko naman sasamahan. Sa bawat araw na lumilipas, nadadagdagan lang ang mga tanong ko sa isipan. Bakit kaya mahahaba ang upuan dito sa simbahan kahit hindi naman napupuno? Sino kaya ang santong hinahawakan ng mga tao? Ano kaya ang ginawa niya at mahal siya ng mga tao?
“... at yayamang dahilan sa pamamalita ng anghel ay nakilala namin...” Lalakasan bahagya ni Lola Miling ang kaniyang pag-oorasyon sa tuwing napapansin niyang nakatuon sa iba ang aking atensiyon. Pipikit naman akong muli at sasabay sa kaniya.
Mahaba ang pag-oorasyon na natutunan ko lang kabisaduhin, ngunit hindi lubusang naiintindihan. Hindi ko ito kayang tapusin nang nakapikit, kaya dumidilat-dilat ako paminsan para tingnan kung nagsisialisan na ba ang mga tao, at dahil natatakot ako na baka hindi ko na maidilat ang mata ko kapag matagal na nakapikit. Sa bahagya kong pagdilat, natuon ang tingin ko sa krus na nasa altar. Nawala tuloy sa isip ko na nag-oorasyon pa rin kami at bumulong ako kay lola, “Hindi ba napapagod si papa Jesus sa pagdipa sa krus? Hindi ba siya makakababa, Lola?”
“...ay papakinabangin mo kami ng kanyang pagkabuhay na magmuli..” ngumiti si Lola Miling habang tuloy ang pag-oorasyon. Pinunasan din niya ang likod ko na basa ng pawis.
Matapos ang misa, lumapit kami sa altar at inilagay ni Lola Miling ang kamay ko sa krus, “Bumaba na dito si Papa Jesus noon pa. Ngayon, tayo ang gagawa ng paraan kung paano tayo makakapamuhay muli kasama siya. Kaya, Inaro, simulan mo na sa paggising at paliligo ng maaga upang hindi tayo nahuhuli sa misa ha,” nakangiti si Lola Miling habang sinasabi niya sa akin iyon.
Krrrrrrnnnng! Nagising ako sa malakas ng tunog ng aking alarm clock. Naalala kong ngayon nga pala ang ika-16 na anibersaryo ng kamatayan ni Lola Miling.
Agad akong bumangon at naligo kahit malamig pa ang tubig. Kailangang maaga ako sa paghahanda sa aking misa.
Isang araw, ang mga palaka ay nag-usap-usap at nagkasundong tumawid sa kabilang pampang ng ilog upang doon maglaro dahil paparating ang malakas na ulan. Doon sila parating naglalaro dahil may mga butas doon na maaaring paliguan at lundagan kapag napupuno ito ng tubig ulan. Ang nagdurugtong sa dalawang pampang ng ilog ay isang malaking kahoy. Dito sila dumadaan upang makarating sa kabila. Maaari silang tumalon sa ilog upang lumangoy papunta sa kabilang pampang. Ngunit kapag bumalik ay kinakailangan nilang dumaan sa malaking kahoy sapagkat ang kabilang pampang ay nababalutan ng lumot at napakadulas ng gilid nito. Wala kahit na isa man sa kanila ang kayang akyatin ang pampang dahil sa sobrang dulas.
“Pumunta kasi tayo roon at maglaro dahil paparating na ang ulan” ang sabi ng pinakamaliit na palaka.
“Ako nga parang nakalimutan ko na kung paano lumangoy” sabad naman ng isang palaka na hindi mapakali ang mga paa sa panggigigil.
“Basta huwag tayong tumagal dahil pagagalitan tayo ng mga nanay natin” ang pakiusap ni Kokak.
Pagkatapos magsalita ni Kokak ay nag-unahan silang tumalon sa malaking kahoy. Pagkarating nila sa kabilang pampang ay sakto naman ang pagbuhos nang malakas na ulan. Hindi magkamayaw ang tuwa at saya ng mga palaka. May umaakyat sa malaking bato at tatalon sa tubig. Ang iba naman ay nag-uunahan sa paglangoy.
“Tumigil nga kayo saglit, parang tumataas ata ang tubig sa ilog” ang wika ng isang palaka.
“May kahoy naman tayong dadaanan pabalik sa kabilang pampang kapag tumaas ang tubig” wika naman ng isang palaka na nakapatong sa ibabaw ng bato at handa nang tumalon sa tubig.
Nagpatuloy sa paglalaro ang mga palaka sa malakas na buhos ng ulan.
“Tingnan ko nga roon sa pinagtatalian ng kalabaw kung may mas malalim pa roon na puwede nating languyan” ang sabi ni Kokak at masayang tumalon-talon papunta kay kalabaw.
“Baha!” ang sigaw ng isang palaka na nasa ibabaw ng bato.
Nag-unahan sa pagtalon ang mga palaka upang makabalik sa kabilang pampang.
Si Kokak na pumunta sa kinaroroonan ng kalabaw ay dali-daling bumalik. Pero hindi pa man siya nakakaabot sa kahoy ay tinangay na ito nang rumaragasang tubig.
“Tumalon ka sa tubig Kokak at lumangoy papunta rito” ang sabi ng maliit na palaka na pinakahuling nakarating sa kabilang pampang.
Sinubukan ni Kokak na tumalon sa tubig papunta sa kabilang pampang. Ngunit punong-puno ng lumot ang gilid nito at talagang napakadulas. Hindi kaya ng kaniyang mga paa na sumipa pataas. Bumalik na lamang si Kokak sa kabilang pampang at muling umahon.
“Kaya mo ‘yan Kokak! Tumalon ka nang malakas para makarating ka rito!” ang sigaw ng mga kasama niyang palaka.
Sa muli ay sinubukan ni Kokak na tumalon upang marating ang kabilang pampang. Pero sa tubig pa rin siya nahuhulog at aanurin lamang nang malakas na agos ng tubig pabalik sa kabilang pampang.
Tatlo, apat, lima, anim na subok sa pagtalon pero ganoon pa rin ang nangyayari.
Nakaramdam ng pagod si Kokak at nawalan na rin ng pag-asa na makatawid. Nagpahinga siya sa ilalim ng puno ng langka.
Nakita nito ang isang uod na umaakyat. Dahan-dahan at maingat nitong ikinakapit ang kaniyang mga paa. Animo’y kinakapa ng maliliit niyang mga paa kung saan siya dapat kumapit. Ngunit kahit anong ingat nito ay bumabagsak siya sa lupa. Gayun pa man, ang uod ay patuloy na bumabalik at pilit na inaakyat ang puno ng langka.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat na subok ay bumabagsak pa rin sa lupa ang uod kahit anong gawin nito.
“Pareho lang tayo nito kaibigang uod. Wala na tayong pag-asa na makarating pa sa kabila” wika ni Kokak na nawalan na ng pag-asa sa kaniyang sarili.
Ngunit nakita ni Kokak na patuloy pa ring sumusubok umakyat ang uod. Sa ikalimang subok, nakita ni Kokak na nagtagumpay ang uod na maakyat ang puno ng langka at nakapatong ito sa sanga.
Nakapag-isip-isip si Kokak na makatatawid din siya sa kabilang pampang kung magtitiwala lamang siya sa kaniyang sarili.
“Katulad ni uod, hindi ako dapat mawalan ng pag-asa kung gusto ko talagang makatawid sa kabilang pampang.”
Sa muli ay pumuwesto si Kokak. Huminga nang malalim at binilisan ang pagtalon-talon papunta sa kabilang pampang. Nang malapit na ito sa pampang ay isinipa niya nang buong lakas ang kaniyang mga paa sa pagtalon.
Tuwang-tuwa ang mga kasama ni Kokak nang matalon niya ang kabilang pampang.
“Buti na lang Kokak hindi ka nawalan ng pag-asa na makatalon papunta rito” wika ng maliit na palaka na napayakap kay Kokak nang makarating ito.
“Akala namin hindi ka na makasasabay sa amin sa pag-uwi” sabad naman ng isang palaka na tinatapik ang balikat ni Kokak.
“Hindi pala tayo dapat sumuko agad sa mga pagsubok na dumarating sa atin. Kailangan maging handa tayo na harapin ito at ibigay ang buo nating makakaya upang ito ay mapagtagumpayan” pangangaral ni Kokak sa kaniyang mga kaibigan at lumingon sa puno ng langka sabay sabing “Salamat, kaibigang uod.”
A-UNO NG ENERO, kailangan na niyang itago ang krismas tri na may kumukutitap at kumakantang kristmas layt na inilagay niya sa gilid ng kanilang sala pagpasok lang ng Disyembre.
Hinugot niya ang plug sa pagkakasaksak. Nawala ang kutitap. Tumigil ang kanta.
Inuna niya ang star sa tuktok at isinunod ang buong kristmas layt na kailangan niyang umikot sa kasingtangkad niyang krismas tri upang maingat niyang matanggal ito- na di mabunot ang ilaw sa orihinal na pagkakalagay kung sakaling sumabit man sa dahon na sininsin ng tie wire. Bagamat may QC mark naman ang box nito nang bilhin niya at maglilimandaan naman ang halaga ay kailangan pa rin niyang ingatan ang pagtatanggal. Balak niyang ito pa rin ang gamitin niya sa susunod na taon at sa mga taon pang darating upang ang babadyetan na lamang niya ay ang ilang pagkain sa Noche Buena at Media Noche.
Naglagay siya ng partisyon sa basiyong karton na nilagyan ng bagger sa mall na binilhan nila ng pang-media-noche kahapon para doon sa kanang bahagi nito ay ilalagay niya ang star at krismas layt at sa kaliwang bahagi naman ay yung mga makukulay na plastik na dahon at mga krismas ball na may iba't ibang kulay din.
Kung gaano siya kaingat sa pagtanggal ng krismas layt ay ganoon din sa naturang mga dahon at ball.
Kinuha niya sa gilid ng sala ang orihinal na karton ng krismas tri at binuksan ang isang dulo nito. Binuhat niya ang krismas tri at inihiga sa mahabang upuan sa sala. Tinanggal ang base, dinisasembol at inilagay ito sa karton. Ipinatayo ang karton upang tumalon iyon sa pinakailalim. Maingat niyang itinupi paitaas ang mga dahon ng krismas tri upang maging tuwid na bakal na lamang ito na nakukulapulan ng pinong mga plastik na dahon. Madali niya itong naipasok sa karton.
Isinara niya ang binuksang dulo ng karton.
Binitbit niya ang karton ng krismas tri gamit ang kanang kamay at ang karton ng krimas layt, makukulay na dahon at krismas ball ay binitbit naman niya gamit ang kaliwang kamay.
Pakiramdam niya ay bitbit niya ang kaligayahan nilang mag-anak sa buong taon.
Maingat siyang humakbang.
Nagdugtong na ang kanyang mga kilay sa kakairap sa lalaking nakatayo sa kanyang harapan.
Arriving at Pureza Station. Paparating na sa Pureza Station.
Kahit panay ang usli ng nguso, hindi pa rin mapigilan ng lalaki ang mapatitig sa kanya. Bumubulong ang katabi niyang kaklase. Nakabungisngis habang pasimpleng kinikilatis ng mata ang lalaki.
Huminto ang tren. Normal na muli ang kanyang kilay.
Tumawa ang kaklase niya.
“OMG girl! Like ka ni kuya!”
“Duh! So cheap, pang-squatter ang face!”
“I know right! Economically challenged ang school, e.”
“Tamaaa!”
Humahagikgik sila nang tumunog ang kanyang IPhone.
1 message
Nak ngatan m yan tuition ha… sna nlagay m s bra m uso p nmn holdapan…
lam m nmn pnangutang q lng yan
ngat k labyu nak!
Mas normal na ang kanyang mga kilay.
Binubuksan ni Ricky ang laptop, kabado ito at nag-aalinlangan pumunta sa online-portal para sa kanyang grado. Habang nagloload ang kanyang laptop, biglang nag-ring ang kanyang selpon, isang international number. Excited siyang makausap ang kanyang ina na limang taon na ring hindi nakakauwi sa Pilipinas dahil sa pandemya.
“Hello Ma! Kumusta?”
(napuputol-putol)
“Hello Ma?”
(naputol-putol)
“Ma? Tawag ka ulit, medyo humihina ata signal mo “
(naputol)
Nagpatuloy sa pagbukas si Joe sa portal, laking tuwa niyang walang bagsak. Sa kabila ng pagiging night shift cashier sa 7/11 at estudyante sa umaga, naisip niyang magandang balita na ito sa kanyang Ina na nasa Kuwait.
Muling tumawag ang International Number
“Hello, is this the son of Mrs. Lahutay ?”
“Yes, hello. Speaking?”
“Can we ask for your facebook, so we can make a video call with you”
Dali-daling tinanggap ni Ricky ang tawag, at Nakita niyang nakahimlay ang ina at wala nang malay. Wala siyang ibang narinig kung hindi ang sabi ng employeer na natamaan ito ng Covid at hindi nakayanan ng katawan.
Hagulhol, kasabay ng iba’t ibang messages na natatanggap na siya ang nanguna bilang Rizal’s Lister ng campus.
Ngunit nakaukit ng isip ni Ricky ang imahe ng Ina na natutuwa sa tuwing sasabihin niya sa ina ang,
“Ma, Grades ko!”
Ngayong araw ang dating ni mama. Dalawang taon din siyang nawala sa Pilipinas matapos magpasyang magtrabaho sa ibang bansa. Hindi malinaw sa akin ang eksaktong trabaho niya, basta ang alam ko naninilbihan siya sa isang mayamang negosyate sa Saudi Arabia. Kung kaya’t umaga pa lang nakadungaw na ako sa aming bintana. Nakaabang sa pagdating niya. Sa katunayan, halos bilangin ko na ang mga taong dumadaan sa tapat ng aming bahay, kakahintay sa kanya.
Lumipas pa ang ilang oras, hindi pa rin dumating si mama. Lumapit ako kay ate upang mag-usisa.
“Ate, anong oras uuwi si mama?”
“Nakababa na raw ang eroplano subalit bahagyang naantala raw dahil sa immigration at hirap din daw si mama sa paghahanap ng sasakyang maghahatid sa kanya”.
Ang kuwento pa ni ate, iniiwasan kasi ng mga taxi driver ang lugar namin sa Tondo dahil bukod sa masikip ang daan, nakakatakot din daw pumasok sa looban.
Dahil sa kakahintay, nakatulugan ko na ang paghihintay kay mama. Pinagkaysa ko ang sarili ko sa isang maliit na upuan sa tapat ng aming pintuan upang agad ko siyang makita sa kanyang pag-uwi sa aming bahay. Samantala, hapon na nang naulinigan ko ang boses ng aming kapitbahay na tila may kinakausap sa tapat ang aming bahay.
“Kumusta na Ate Vicky? Baka may sobrang tsokolate at sabon ka na pasalubong diyan?”
Agad kong tumayo sa aking kinahihigaan at sinilip ang aming bintana. Nagulat ako nang makita ko si mama. Mabilis kong binuksan ang pintuan at tinulungan siya sa pagbitbit ng kanyang bahage. Samantala, sinalubong din siya ni ate kasama ang dalawa kong nakakabatang kapatid. Isa-isa kaming tinawag at niyakap ni mama maliban sa bunso kong kapatid na may pag-aalinlangan. Isang taon pa lang kasi siya nang iwan kami ni mama kung kaya’t hindi siya gaanong namumukaan.
“Bunso, halika’t yayakapin ka ni mama”.
Ilang ulit din siyang tinawag ni mama subalit hindi siya lumapit. Dahil dito, napabuntong-hininga na lang si mama. Sa halip, mabilis niyang binuksan ang kanyang bagahe at agad na hinanap ang laruang baril-barilan na pasalubong niya para sa bunso kong kapatid.
“Bunso, halika at para sa iyong ang laruang ito”.
Nahihiya man, agad na lumapit ang bunso kong kapatid kay mama. Kinuha ang laruan at kumandong sa kanya. Mahigpit na niyakap siya ni mama.
“Miss na miss kita anak. Ang laki-laki mo na”.
Pagkatapos, ibinahagi na ni mama ang mga pasalubong niya sa amin. Isa-isa kaming binigyan ng tsokolate. Inilabas din niya ang mga lotoin, toothpaste at sabon na pasalubong daw niya sa aming mga kamag-anak.
Maya-maya pa, tumunog ang telepono ni mama.
“Hello, sino ito?”
“Ah kayo po pala Ate Anita. Opo pupunta ako sa POEA sa susunod na araw, itutuloy natin ang kaso”.
Bukod doon, wala na akong ibang naunawaan sa pag-uusap nila. Hindi malinaw sa akin kung ano ang kasong tinutukoy ni mama. Basta ang alam ko nakauwi na si mama at hindi na muling babalik sa Saudi Arabia.
Makalipas ang dalawampung taon, nakilahok ako sa isang rally sa Morayta bilang paggunita sa ika-27 pagkamatay ni Flor Contemplacion sa kamay ng mga dayuhan sa Singapore. Sa pagtitipong iyon, narinig ko ang hinaing ng mga DH na nagtrabaho sa Gitnang Silangan. Nanumbalik sa akin ang nakaraan, naalala ko na DH pala si mama sa abroad. At tulad ng mga DH na nakasama ko, biktima rin pala siya ng kasalukyang Labor Export Policy ng bansa. Kasabay ng pagsigaw ng grupo ng migrante, “trabaho sa Pinas, hindi sa labas!, higit na naunawaan ko ang nakaraan. Naging malinaw sa akin ang bitbit na bagahe ni mama sa bansang Saudi Arabia.
Nagkakarera ang luha at uhog niya sa mukha. May kasamang mahihinang hikbi. Naninikip ang kanyang dibdib sa sama ng loob. Parang nakabakat sa mukha niya ang sampal. Tagos sa kanyang puso ang sakit. Nanunuot sa utak niya ang sinapit.
Nagdadabog ang tunog ng kanilang pinto, kasunod ang pagpasok ng kanyang asawa.
“Anak ng tinapa! Anong petsa na, hindi ka pa nagsasaing! Anong kakainin ko hangin? Akina ‘yang remote!”
Naputol ang kanyang pag-e-emote sa paboritong teleserye. Tinungo niya ang kusinang pinupunasan ang mukha.
Ang asawa niya ngayon ang kapiling ng kanilang TV. Sabik na nanood ng News TV. Tutok na tutok ang matang inabangan ang balitang pambubugbog sa isang dancer-TV host.
Apektado ang kanilang pagkatao.
Nagpadala ng message si Joe sa kanyang girl bestfriend na si Gen. Magkakillala sila simula ng unang taon sa kolehiyo, at kahit nasa ikatlong taon na sila, si Gen ang natatanging sumbungan niya sa tuwing nakakaramdam ito ng Gender pressure sa mga pagkakataong tumatawag ang kanyang mga magulang at sambat nito ang pagpapaalala,
Basin ga binayot na pod ka diha ha!!! (Baka pabakla-bakla ka na naman dyan ha!!!)
Nang nag-pandemya, malimit na lamang silang nagkikita, lalo pa’t nasa boarding lamang si Joe at si Gen na nakatira sa kanyang mga magulang.
“Gen, punta ako dyan”
“Joe, madalas sa amin dito inuubo baka mahawa ka. Sa susunod na lang”
“Sige Gen, okay lang”
Ilang oras lang ang nakalipas, biglang naging trend si Joe sa social media. Kasabay ang posting ng mga kakilalang, Rest in Peace.
Dali-daling tinawagan ni Gen ang mobile number ni Joe at maging sa messenger ngunit wala ng sumasagot. Sa kabila ng restriction, pinuntahan ni Gen ang boarding house ni Joe at Nakita niya ang makalat na kwarto, nakataling wire ng electric fan sa kanyang kama at si Joe na ibinalot na sa kumot.
Alam ni Gen ngunit, maaaring may mas malalim na dahilan ang pagpapadala ni Joe nang mensaheng,
Gen, usap tayo?
“Breaking News! Isang PUI ng Covid19 sa PGH ang napatay sa engkwentro laban sa pulis nang ito ay manlaban at magtangkang tumakas.”
---
Nakarinig ako ng walong sunod-sunod na putok ng baril.
Humagibis ako sa pagtakbo. Dahil du’n napadpad ako sa makipot na eskinita dito sa San Marcelino. Nagkalat ang mga kainan sa bahagi na ito ng Maynila. Kailangan ko ng makauwi. Kanina pa ako hinihintay ni Ana. Tiyak kong nag-aalala na sa akin 'yon.
Matindi ang pagkabog ng aking dibdib.
Kanina kasi, may isang lalaking nagpupumiglas sa mga parak dahil pinagdidiinan nilang siya ay apektado na ng nakamamatay na Virus.
Ubo nang ubo at maputla na ang lalaki. Parang nahihirapan pa itong huminga. Napabalita kasi na ang lalaki ay nagtatrabaho sa isang Insurance Agency sa Binondo na pagmamay-ari ng isang tsekwa. Puwedeng du'n niya nakuha ang sakit.
Patuloy siyang nagpupumiglas hanggang sa siya ay magtagumpay. Humagibis sa pagtakbo hanggang sa makalayo.
Walong sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid.
Mabuti at nakalayo na ako.
Pinayapa ko ang aking sarili sa pag-iisip ng magagandang bagay.
"Sa makalawa, manganganak na si Ana. Isisilang na niya ang aming panganay. Magiging tatay na ako sa wakas!"
Naglakad ako pabalik sa Pedro Gil kung saan kami nanunuluyan sa isang maliit na paupahan.
Isang pamilyar na pangyayari ang sumunod.
Naroon pa rin ang bangkay ng isang lalaki.
Sa di kalayuan, nakita ko si Ana, umiiyak at hawak-hawak ang namimilog na niyang tiyan.
---
“Breaking News! Isang PUI ng Covid19 sa PGH ang napatay sa engkwentro laban sa pulis nang ito ay manlaban at magtangkang tumakas.”
Ika- 2 ng hapon, nagbabadya ang pag-ulan sa paminsan-minsang pagkulog at sumisilip na kidlat. Natanaw ko na naman ang puting sapatos pambasketbol na nakabilad sa bubong ng katabing bahay. Habang sinisinop ang sinampay sa aming bubungan, gusto kong ihiyaw sa kapitbahay na ipasok na ang sapatos na tila tuyo na sa pagkakabilad. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili.
__
Nakakangilo ang pagtama ng goma sa sahig ng court. Hindi isa o dalawa kundi sabay-sabay at salimbayan habang ang bawat koponan ay nag-aagawan ng puwesto sa pagdepensa. Makislot ang mga katawan at kapag kumurap ka ay tiyak na makakaligtaan mo ang isang malupit na three points o aleyup ni Jimmy. Sa mga manlalaro siya lang yata ang pinakahulas sa pawis, paano kasi siya lang ang gumagawa.
“Halimaw ka talaga, Jimmy boy!” hiyaw ng isa.
“Ang lupit mo, Jimmy!” sigaw naman sa kabila.
Sa pag-buzzer ng ilaw ay umalingawngaw ang panawagan ng last 2 minutes at parang nasusian ang mga kakampi ni Jimmy at biglang nagsitakbuhan mula sa malalamyang pagbabantay kanina sa kalaban. Pumito nang malakas ang refereee at ikinumpas ang mga payat na kamay. Napuno ng tili at sigawan ang buong kalsada, malamang abot hanggang sa looban.
“Jimmy! Jimmy! Jimmy!”
Naglapitan ang mga tao sa star player, sumabog ang confetti, sunod-sunod pa rin ang cheer ng mga kapitbahay na tagahanga ng mamang nakatira sa aming tapat.
Nagsimula na akong kumilos palabas ng court.
“Uy uwi ka na ba?”
“Oo, may pasok pa bukas, dumaan lang ako para manood ka.”
“Mamaya ka na umuwi, daan muna tayo sa barbecuhan, libre kita.”
“Huwag na, kailangan mo ‘yang premyo, saka baka naghihintay rin ng libre ‘yang tropa mo.”Inginuso ko ang mga lalaki sa di kalayuan na ipinaliligo ang mineral water na inisponsor ng kapitan ng aming barangay. Nagpapalakas para sa papalapit na eleksiyon.
“Hindi, may cut na nga sila libre ko pa, ano chick?”
Inilabas ko sa plastic ang 10 piraso ng stick ng umuusok na barbacue. Ilalagay ko sana sa maayos na plato ngunit napansin kong puro may lamat at may bungi na ang mga nasa platuhan. Ibinalik ko ulit sa plastic. Nabasag na ba ang maaayos? Kailan ba huling umuwi ng lasing si Tatay? Nakita ko ang malinis na plastic na nasa hugasan, kinuha ko at winisikan ng malabnaw na dishwash at saka binalawan nang saganang tubig. Malakas ang tubig sa gabi kaysa kapag umaga lalo kapag oras ng paglalaba.
“Oy, Kim ano ba? Ang tagal mo naman diyan!”
“Nariyan na, walang malinis na plarto eh,” paliwanag ko.
Pagharap ko ay nakatanghod na si Jimmy sa likod ko.
“Eh ano ‘yan?” itinuro niya ang mga malinis na platong nakataob.
“Para kay tatay yan, hindi puwedeng wala ‘yan dahil baka mukha ko na sunod ang bangasin niya.”
Ngumisi-ngisi si Jimmy.
Inakbayan niya ako palabas ng kusina at ibinaba ko sa lamesita ang plato ng nagmamantikang barbecue.
“Hindi pa ba nakabalik si Tay Ipe? Tagal na ah, nakabalik naman si Mang Celso di ba? Ikaw nga nasa on…own…”
“Onsite!”
“Oo nga ‘yon nga, sinusubukan ko lang kung alam mo.”
“Siraulo!”
Inihiwalay ko ang limang stick habang nagtatawa ako sa kalokohan ni Jimmy.
“Iuwi mo na ‘to. Hinihintay ka na sa inyo baka di pa sila naghapunan.”
__
“May mga dayo kaya ngayon?” tanong niya sa akin habang nakaupo sa bench. Papasikat pa lang ang araw kaya nanunuot sa balat ang lamig ng madaling-araw. Hinihit ko nang malalim ang sigarilyo.
“Sabi ko naman kasi sa’yo walang dadayo niyan dahil bawal pa lumabas.”
“Kahit makaisang laro lang sayang din ang taya, pang-agahan no’ng dalawa.”
“Pahiramin na lang kasi kita, sumuweldo naman ako kahapon.”
“Ayoko, ang dami ko nang utang sa’yo.”
Mayamaya pa’y isa-isa nang nagdatingan ang mga maglalaro, pumasok na kami sa court. Iniwan ko na si Jimmy sa mga nagsidatingan habang nag-uusap sila ng pusta. Kung manalo ang grupo na magiging kakampi ni Jimmy mag-uuwi siya ng isandaan o 150 depende sa halaga ng napagpustahan. Kung minsan RC ang bayad sa kaniya kapag nanalo.
Simula nang naka WFH ako sinasamahan ko siya tuwing umaga para mag-abang ng mga dayo o maglalaro sa court, tapos magpupustahan. Sa isip isip ko sugal lang itong ginagawa ni Jimmy. Sinabihan ko na siyang maghanap ng trabaho para hindi ganitong parang naghihintay siya sa wala. Kaso ikakatwiran niyang hindi niya maiiwan ang dalawang tao sa bahay nila. Matanda na ang nanay niya at bulag naman ang asawa. Bukod pa sa hindi natapos ang kolehiyo kaya hindi rin siya makakuha ng permanenteng trabaho. Nang minsan nakapasok siya sa pabrika na pinapasukan ni Tatay, ipinakiusap ko lang dahil maysakit ang asawa. Kaso isang buwan bago siya ma-proby ay nasusupinde dahil bumuo ng liga kasama ang mga kargador, nagpustahan at nagkagulo. Sugal. Lagi na lang isinusugal ni Jimmy ang pagkakataon.
Nagkaayos na sila sa premyo. Nagsimula na ang laro. Takbo rito, takbo roon. Mariin ang kaskas ng goma sa sementadong court. May kaunting tulakan at tapikan ng kamay. Walang coach o referee kaya kaniya-kaniyang violation. Hindi ito alintana ni Jimmy, mahalaga sa kaniya ay premyo.
“Prrrt…prrrt…prrrt!!!”
Nagpulasan ang mga nanonood. “Mga tanod, sibat na!” sigaw ng isa.
Nalinis ang court sa isang iglap. Ang mga naiwan ay pinapila, kasam a na kami roon ni Jimmy.
“Sinong may sabi na maglaro kayo? Level 1 na ba? Nasaan ang mask niyo?” Isa-isa kaming pinagbabatukan ng tanod. Napayuko ako sa hiya ay galit. Sinulyapan ko si Jimmy, matigasang mukha at mukhang hindi magpapaumanhin. Ikinulong kami sa court maghapon. Kung sino-sino ang humarap sa amin para mangaral. Kesyo kaya lalong kumakalat ang virus dahil sa mga tulad naming walang disiplina, walang pakealam sa kapuwa. Lalo akong nagngitngit sa inis. Sino kaya sa amin ang walang pakealam sa kapuwa? Mula mag-ECQ ay walang ayudang nakarating sa amin pero ang lahat ng taga-barangay ay may isang sakong bigas at delata. At bakit ba ngayon lumabas si Jimmy, di ba dahil gustong makakain? Nanghingi ba sa kanila? Ibinagay ba nila ang para sa mga tao? Hindi!
Pagkatapos noon ay hindi na ako bumalik sa court, hindi na rin ako niyaya ni Jimmy. Bagama’t lagi ko siyang nakikitang umaalis tuwing umaga at tuwing Biyernes ay nakabilad ang kaniyang sapatos na de goma.
___
“Kimmy!”
“Uy, kumusta na?”
“Heto hagardo verzosa ang lola mo. Saan ka?”
“Ah pauwi na. Hirap sumakay.”
“Naku, wiz na ‘yan sister, tara na sa wheels ni mader.”
“Wow may kotse ka na?”
Isang malaking ngiti at tango ang ipinakita ni Lolit ang aming ina-inahan sa pinapasukan na naging kaibigan mula sa ibang department. Pumasok kami sa mall. Binuksan ko kaagad ang bag at inilabas ang vax card.
“Ok na miss, di na kailangan,”
Ngunitian ako ni Lolit, “Oh di ba? Back to regular programiing na tayo.” Natawa ako sa sinabi niya. Back to normal na nga ba? Ano na ba ang normal? Hindi ko na alam parang walang hanggan ang pandemya. Kung sana makabalik nga sa dati gaya ng trabaho ni tatay bago malugi ang kaniyang kumpanya. Gaya ng normal na pag-uwi niya sa gabi nanng hindi lasing at magkukuwento sa dami ng natapos niyang i-repack na bote. Kung gaano siya kabilis kaysa sa makina. At ‘yong dati na nag-aaral si Jimmy dahil athlete scholar siya.
Pinindot ni Lolit ang susi, tumunog ang alarm na nag-unlock sa pinto ng kotse. Ang kinis, kulay kahel na Toyota Vios. Bagong-bago. Nang pumasok ako sa front seat ay amoy na amoy ang car freshener na mukhang kanina lang binuksan. May kanting amoy ng sigarilyo na nakulob sa aircon, pero mas lamang ang amoy ng bagong leather.
“Pasensiya ka na ha kung medyo amoy sigarilyo, nag-smoke kasi ang AFAM ko.”
Ngumiti ako. “Ok lang, ang musculine nga ng amoy eh. Saka ako pa ba ang maarte eh naki-hitch lang naman ako.”
Inistart na niya ang makina at ginalaw ang kambiyo.
“Mag-seat belt ka ha, seat belt saves life,” saka humagalpak ng tawa. Natawa rin ako at ikinabit ang seatbelt sa tagiliran ko.
Habang nasa traffic ay kating-kati ako itanong kung nag-loan ba siya ng sasakyan. Halos pareho lang kami ng sahod at alam kong hindi siya makakakuha ng loan dahil marami siyang utang sa opisina. Isa pa, kung nakuha niya ito nitong lockdown ay paano? Halos isang taon na bawas ang sahod namin dahil may malaking lugi ang kompanya dahil sa hindi na paglabas ng mga tao.
“May AFAM kasi ako,” panimula niya.
“Ha?”
“A foreigner assigned to Manila, AFAM,”
“Noong lockdown ko nakilala, eh online tayo madalas di ba? Ayon nagkagustuhan, nagka may I reveal. Heto noong natapos ang lockdown at nakalabas may I go run to you ang lola mo kay yummy papa.”
“Ah. Ang saya naman. Bakit di mo ako inambunan ng suwerte sa boylet?”
“Ay day may Jimmy boy ka na noh, magtigil ka.”
“Walang pa-kotse ‘yon, pawis meron.”
“Huwag mo na pangarapin sisteret. Mahirap din minsan lalo kapag nagseselos, medyo mabigat ang kamay.”
Nagulat ako sa pagbubukas ni Lolit. Matapang at determinadong babae siya pero bakit niya pinapayagan na gawin sa kaniya ito?
“Mahirap ang buhay. Pinapadalhan niya ako ng pera noong maliit ang sinasahod natin. Alam mo naman kung ilan ang umaasa sa akin. Ang kuya kong kupal may bago na namang asawa. Ilang bata na ang iniiwan sa bahay. Saka maganda na rin na naki-live in ako, malayo sa gulo at ingay sa bahay.”
“Eh paano si Tita?”
“Cool naman si mommy, wala namang imik ‘yon basta may intrega. Malaki sahod ni Walter, marami siyang BPO na handle. Sabi nga niya ako daw ang gagawin niyang manager sa mga hawak niya. Excited na nga ako!”
“Magre-resign ka?”
“Malamang ganon na nga.”
Napangiti ako at tumanaw sa labas. Sumisilip ang pailan-ilang kidlat at nagbabadya ng malakas na pag-ulan.
___
“Kim!”
“Kim!”
Nilingon ko ang pamilyar na boses. Minadali ko ang sinasampay dahil sa mainit ang bubong, kahit nakasinelas ay napapaso ako. Ang hapdi sa balat ng araw kahit ika-8 pa lang ng umaga ang tindi ng sikat ng araw.
“Baba ka saglit!” Kasunod na sigaw ni Jimmy na katingala sa akin.
“Marami pa akong isasampay.”
“Ako na magtutuloy niyan, mainit. Tara! May ipapakilala ako sa’yo.”
Bumaba ako bitbit ang planggana. Tumtulo ang kaunting tubig na pinagpigaan sa tagiliran ng batya. Tapos na akong magsampay, ayoko lang bumaba pa. Alam ko na kung sino ang ipapakilala ni Jimmy sa akin.
Simpleng seremnoya sa civil wedding. Walang halos tao dahil sa alert level. Nakabestidang krema ang babae at si Jimmy ay matipuno sa kaniyang puting polo shirt. Kasama ako ni Tatay dahil kinuha siyang ninong sa kasal. Wala ang nanay ni Jimmy dahil sa hindi na ito makalakad at nag-aasikaso ng paghahanda sa bahay. May dalawa pang naroon na marahil ay kamag-anak ng mapapang-asawa ni Jimmy. Tumuloy kami sa bahay nina Jimmy pagkatapos maigawad ng aming Mayor ang basbas ng legalidad ng pagsasama nina Jimmy at Edna. May kaunting salosalo na dinaluhan ng ilang malalapit na kapitbahay na marahil ay nakikitsismis sa biglaang pag-aasawa ni Jimmy. Napupuna ko ang ilang anasan at sulyap sa akin. Hindi ako naging komportable sa sitwasyon kaya nauna na akong nagpaalam kay Tatay. Nagpasabi ako sa bagong kasal na mauuna na dahil sumama ang aking tiyan.
“Alis ka na? Inom pa tayo.”
“Ay lalong di ako makakainom, sumama bigla ang tiyan ko.”
“Naku pasensiya ka na baka may nakain ka na hindi maayos ang luto,” sali ni Edna sa gitna ng usapang lalaki.
“Sige na nga, may utang ka sa akin ha,” tinapik niya ako sa balikat.
Nagdala ng malamig-mainit na pakiramdam ang ika-2 ng hapon na yaon, naalala kong Biyernes pala. Tinanaw ko ang bubong nina Jimmy at naroon ulit ang puting de goma na panlaro niya sa basketbol.
___
Ipinatawag ako ng sa opisina ng HR. Kinabahan ako. Marami na naman ba akong offense sa floor? Maayos naman ang spill ko ah, wala akong nakaaway na customer. Pumasok ako sa salamin na pinto. Parang lion’s den ang pinapasok ko mukhang terror na teacher ang HR manager namin.
“Oh hi Mr. Vasquez, please follow me to the meeting room.”
Nagsimulang magpaliwanag ang HR. Hindi ko na nasundan ang kaniyang mga sinabi sa bilis ng kaniyang pananalita at kibot ng bibig. Halos maamoy ko ang hininga niyang amoy mentos na mukhang kagagaling lang sa paninigarilyo. Promosyon ang naiwan sa aking salita. At ito ay job offer dahil namatay ang dating nasa posisyon. Naramdaman kong umagos ang aking luha, mainit at mahapdi ang aking mata. Dahil ba sa magdamag na shift? “Excuse me.” narinig ko ang sarili at saka kumilos palayo.
Nang gabing iyon ay wala ako sa mood. Kung darating ang tatay kong lasing ay papatulan ko siya kung aawayin ako. Nakarinig ako ng ilang magagaang na katok. Pinihit ko ang door knob at tumambad si Jimmy. Gaya ng dati, matipuno sasuot na basketbol jersey.
“Tara nood ka, championship.”
“Masama ang pakiramdam ko, hinihintay ko si Tatay baka parating na.”
“Sige na, last na laro ko na ‘to. Bukas back to work na ako eh,” sabay tawa.
“Ha? Saan ka nakapasok?”
“Diyan sa raket ni Lino, madali lang trabaho.”
“Tulak ‘yon di ba?” iritable kong sagot.
“Uy hindi naman natokhang ‘yon. Malinis na ‘yon. Legal na trabaho ‘yon. Saka, magiging tatay na ako kaya ititigil ko na ang pusta.”
Napatitig ako kay Jimmy. Parang pinagsakluban na ako ng langit, lupa, at impiyerno. Gago naman talagang isipin na magkakagusto siya sa akin, at gago ko rin na umasang puwede kami.
“Ano? Sunod ka?”
Tumango ako.
____
Bumangon ako na masakit ang ulo. Hinanap ko kaagad ang cellphone. Ang daming mensahe.
Kaopisina: Bakla, kailan tayo punta sa burol ni mamang Lolit? Sa Linggo na raw ang libing. Pm ka lang ha.
Mang Celso: Pakisundo mo tatay mo rito sa bahay, nagwawala na. Daming sinuka.
Edna: Hi, dumaan ba si Jimmy sa inyo pagkatapos ng laro niya kagabi?
Parang hindi ko manguya ang mga mensahe. Tumayo ako at dumiretso sa kuwarto ni Tatay. Wala siya roon. Nag-dial ako ng munero at narinig ang pagsagot sa kabilang linya.
Mang Celso: Oh Kim, dito na sa labas natulog tatay mo, eh hinihintay ka kagabi. Me paiyak-iyak pa, masama pa rin loob sa pagkakatanggal sa trabaho noong lockdown. Daanan mo na lang, pakapehin ko para mahimasmasan.
Muli akong nag-dial at sumagot ang aking kaopisina.
Kim: Pakisabi kay TL na sick leave ako today. Itext ko rin siya. Salamat, ha. Ingat!
Binuksan ko ang message pad. Nag-type ng sagot kay Edna. Saan naman pupunta ‘yon si Jimmy eh naka basketbol uniform pa ‘yon at may dalang barbecue para sa kanila.
Isinalang ko ang labahan sa washing machine. Naisip ko na lang maglaba at maglinis para mailayo ang isip sa bigat ng dinadala. Mamaya ko na lang sunduin si Tatay, eh kung bumaba na tama no’n eh di uuwi na lang ‘yon mag-isa. At least pag-uwi niya makapagpahinga siya nang malinis ang bahay at mabango ang kobre kama.
Isa-isa kong tinanggal ang mga kurtina, inagiwan ang kisame. Pinalitan ng maaliwalas na kulay ng bagong almirol na kurtina. Pinunasan ko isa-isa ang mga muwebles, paulit-ulit para matiyak na mawala ang dungis. Tinungo ko ang kuwarto ni tatay. Nag-agiw din at nagwalis. Ang daming basyo ng bote, inilabas ko lahat at binago ang ayos ng kuwarto. Nag-iba ang awra at pakiramdam ng kuwarto. Isinunod ang aking kuwarto. Inilabas ko ang mga gamit na hindi na kailangan o di kaya ay sira. Nilinis ding mabuti gaya ng sa kuwarto ni tatay. Ang dami ko rin pa lang bagahe na hindi pa naaalis mula sa mga dating lakad. Sa gitna ng pagliligpit ay hindi ko mapigilang malungkot, mag-alala, at maawa sa sarili. Back to normal na ba? Ito ba ang normal? Ang paglala ng sitwasyon? Walang nang babalikan na trabaho si Tatay, si Jimmy ay kumakapit na sa patalim para sa buntis na asawa, si Lolit ay buhay ang kapalit sa kotse at bahay na panandaliang bigay ng mamamatay taong foreigner niyang boyfriend. Ako? Wala, walang para sa akin. Ito ang norma sa akin--kulang, hungkag, blangko.
___
Narinig ko ang kulog, kumikisap-kisap ang kidlat. Bakit biglang kumulimlim? Alas dos pa lang pero parang alas singko na. Kaagad akong umakyat sa bubong. Kinuha nang mabilis ang sinampay. Nakakapaso pa rin ang yero pero kaya nang tiisin ng mga paa. Tinanaw ko muli ang bubong nina Jimmy, wala roon ang puting sapatos na de goma. Nakita ko sa ibaba ang paparating na mobil ng pulis umiilaw nang asul at pula dinig na dinig ang wangwang, kasunod ang sasakyan ng tanod, tumapat ito sa bahay nina Jimmy.
Dali-dali akong bumaba dahil nagsimula nang pumatak ang ulan, mukhang malakas na ulan ito. Maligamgam na parang mula sa ilalim ng lupa ang patak. Sabi ni Tatay may dalang sakit daw ang pagsasanib ng init at ulan.