Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Milenyum at iba pang Tula
Koleksyon ng tula ni Francis Gallano Delgado (Ading Kiko, dps)
Kuwento ni Hudas
ni John Carlos D. Evangelista
Thesis
ni Khristian Ross P. Pimentel
Ang Pagtula sa Panahon ng Pandemya at iba pang Tula
Koleksyon ng tula ni Jose Velando Ogatis-I
Puti
ni Maricel Padua Lopez
Unang Ulan ng Mayo at iba pang Tula
Koleksyon ng Tula ni Cris Lanzaderas
Petsa de Peligro 2.0 at iba pang Tula
Koleksyon ng tula ni Roda Tajon
Kung Pagsusulit ang Eleksyon
Tula ni Jasper P. Lomtong
Ulan at Iba pang Tula
Koleksyon ng Tula ni Chuck D. Smith
Sa silid na akin ay hinding-hindi,
Hinaharanang muli ay mangá tainga:
“Bulawan, banyagang santinakpan.”
Bukang-liwayway ba, banyagang lupain?
—lupang pangako, ipinangakong naipako.
Hinihila ng putik, mangá paang namuhunan ng latak.
Ngumingiti-ngiting mangá sapatos ay lumuluha.
Mula sa isang lungsod patungo sa kasunod
Nang dahil sa lupang bulawan,
—tinutubuan ng mangá luntiang dahon;
Namumukadkad, mangá bulaklak;
Dinidiligan ng dalisay na ulan;
Ipinaghehele at ipinagduduyan
Ng sariwang simoy ng hangin.
Pinapalakol,
Aking leeg,
Sinasakal
Ng landas,
Kundi man
Ay nililingkis
Ng ahas
At dahas.
Umagang-umaga ay pinapalamanan,
Ng bulto ng mangá multo,
Isang silid
Mangá naghaharutang sinag
Ng mangá alitaptap,
Kanilang mangá mata
Sa banig ng karamdaman
nakapaligid, mangá multo
ng mangá nabigong panagimpan
"Naghintay na hubugin mo ako
bilang kaganapan ng laman,"
buntong-hininga
ng multong nakasuot ng barong
Ano pa,
dahilan
ng búhay
kung, huli
ay pinagkaitan
ng kahalagahan nito?
Si Talas, nagpakana ng makinang de balat
—may tumutubong buhok sa ulo;
tumutubong balahibo sa dibdib;
tumutubang tungaw sa ilong;
nagkakabigote,
nagkakabulbol.
Weneklek at tutsang,
Hinahangaan ng mangá siyentipiko.
Kinakamot nitong makinang de balat,
Sariling kilikiling tinutubuan ng asogue.
Pati nunal ay may mulmul.
Kailan lang nang magkaburnik.
Makinang de balat,
Kinukusot nito ay ulo
Ng mangá asong sa kaniya ay tumatahol.
Kinakalag nito, rehas
Na nakapulupot sa mangá leeg ng mangá asong ulol.
Silid-Aklatan, ASMPH
Lungsod ng Pasig
Umuulan.
Ang langit ay nakikidalamhati
sa mga kasawiang dinaranas ng bayan.
Ang kalikasan ay nananaghoy
sa mga inhustisyang nararanasan ni Juan.
Humahangin.
Ang lamig ay humahaplos
sa mga tuyot na katawang pinapatay ni Hudas.
Ang simoy ay nananahan
sa bawat katawang inaagnas.
Kumikidlat.
Ang patalim ay nagliliwanag
sa dumaraming biktimang nananahimik.
Ang liwanag ay dumidilim
sa mga bahayang walang nais umimik.
Umulan ng mga dugo sa kalsada.
Hinangin ang mga 'di mabilang na biktima.
Kumidlat sa bayang walang hustisya.
Natapos ang kwento ni Hudas
at ang baya'y naubos,
inagnas.
Gusto kong nguyain lahat ng papel
At gawing candy ang kape. Sana madali
Lang bumuo ng salita at hindi nauubos
Ang ideya. Sana’y sa bawat galaw ng
Orasan, bumuhos ng katalinuhan dahil
Nakakapagod mag-isip at sumulat sa
Kawalan. Gusto kong lisanin ang kinauupuan
Ngunit hindi maari dahil nakagapos ang
Aking mga panaginip.
Hanggang sa paglaya…
Hanggang…
Sa dulo.
Ang pagtula sa panahon ng pandemya
Ay pagsukat ng distansya:
Hindi ng layo ng simula
At katapusan ng mga linya,
Hindi ng haba ng mga salita,
Kundi distansya ng mga buhay,
Distansya sa pagitan ng katawan at kabaong.
Ang pagtula sa panahon ng pandemya
Ay pagsukat ng distansya
Ng kahulugan at halaga
Ng mga kataga at ng mga mura
Ng Pangulong panggulo;
Pagsukat ng layo ng paliwanag
Ng mga tauhan
Sa napakinggan ng bayan.
Ang pagtula sa panahon ng pandemya
Ay pagsukat ng distansya
Sa pagitan ng ibinalita at ng katotohanan;
Pagtantya sa distansya
Sa mga talon sa lohika ng mga naniniwala
Sa gobyernong sa veerus ay tumunganga.
Ang pagtula sa panahon ng pandemya
Ay pagsukat sa distansya
Ng walong libong ayuda
Sa kumakalam na sikmura;
Pagtantya ng layo ng unahan
Sa dulo ng pagod na pila.
Ang pagtula sa panahon ng pandemya
Ay pagtakas ng nabartolinang konsensya.
Ito ang pagtawid sa humahating linya
Sa paninindigan at pasensya.
Higit isang taon na tayong kulong
sa bangungot ng hangin.
Rehas sa paligid ng Lamdalag
ang bawat hininga ng ating katabi.
Ang mga abaca ay nakahimlay;
bagot na nagaantay
kung kailan ang ating mga panaginip
ay muling lalaya at maihahabi sa T’nalak
matapos ang mga gabi
ng paghingal at pag-iyak.
Sabik na ang mga usa at agila
na dala ni Fu Dalu.
Sabik nang umalpas –
tumakbo, lumipad, maihabi
sa Hulo at Hitem –
sa mga kulay ng ating lahi.
Habiin na natin ang mga panaginip
tulad ng paghabi
ng Timog Cotabato
sa mga sapang tumatahi sa lawa ng Sebu.
Ang mga Loko at K’nalum
ay mayabong na.
Punasan ang alikabok sa legogong.
Bangon na mga babae.
Sapagkat tayo lamang
ang biniyayaang magbigay buhay
sa mga pangarap na nahimlay.
Notes:
1) Lamdalag – barangay sa paligid ng Lawa ng Sebu
2) T’nalak – tela na gawa ng mga T’boli
3) Fu Dalu – espiritu ng abaca
4) Hulo & Hitem – pula at itim
5) Loko & K’nalum – mga puno na pinagkukuhan ng pangkulay ng T’boli
6) Legogong – habihan
(Tabi kay Jose F. Lacaba)
Nang mahawa si Maritess
sa anak ng
konggresman,
parang nilagnat
and mga bituin
at nagmura ang buwan.
Nang dalhin sa PGH
si Maritess,
isinasayaw ng mga DDS
ang katotohanan
at isinara ng kanilang poon
ang ABS-CBN.
Apat na turok
ang ibinigay sa nahawa
ng anak ng
konggresman
bago nahanap ang ugat
at kamukha ni Anne Curtis
si Maritess.
Nang haplusin ng DOH
ang mga numero ng
nayari’t nahawa
at pinaghirapang gamutin
ng mga doctor,
lumilindol ang kama ni Mocha
at binawalang magdemonstrasyon
sa EDSA ang mga bata.
Nang tiningnan ng doctor
ang chart ni Maritess
at tinaningan ang dalaga,
gumagapang ang veerus
sa mga kalsada ng Sampaloc
at inirerekomenda ni Anne Curtis
sa TV ang Palmolive.
Isang taong lockdown
ang idineklara
ng amo ng
konggresman
habang may pandemya
at walang makadalaw
kay Maritess.
At nang maglabas ang masa
ng kanilang sama ng loob,
nagdurugong kalooban
ang ipinalit ng mga lespu,
at inagaw nila ang mga placard
ng mga bata
at binansagang komunista.
Apat na gamot
ang ipinangeksperimento
sa nahawa
ng anak ng
konggresman
at kamukha ni Pokwang
si Maritess
Nang nailabas sa ospital
ang bangkay
ni Maritess,
umiyak ang pamilya niya,
pinigilang umimik ang mga diyaryo
ng mga umaangil na sundalo.
Tatakbo si konggresman
para mga kaso’y maiwasan.
Huwag natin siyang kalilimutan.
Puti, kulay nga ba ng lahat ng ospital?
Puti, simbolo ba ng kalinisan?
Puti, sagisag ng pag-asa at kagalingan?
Puti, langit nga ba o katotohanan?
Nilandas ng dahong tsiko
ang umaalong tubig
mula sa alulod.
Sumingaw ang alimuom
ng kalsadang tinusta
ng sikat ng araw.
Nagmistulang shower
ang mga butas ng bubong.
Sa ibaba’y sumahod
ang mga batang init na init.
Sinabayan ng tawanan
ang ragasa
ng luha ni Bathala.
Kiniskis ng bato ang nanlilimahid
na libag mula sa maghapong paglalaro.
Minumog, pinanghilamos ang tubig
na sagana
sa katas ng bulok na dahon
at tae ng pusa.
Umukit ng talampakan
sa malasaw na luwad.
At sumingit ang putik sa ilalim ng mga kuko. Dala-dala ang mga pisi
at putol na sanga ng bayabas.
Pinananabikan ang hampas ng alon sa mabatong pampang.
Dahan-dahan kong ikinabit ang kawil na berdugo ng mga bulateng kikisot-kisot sa bao ng niyog.
Naupo sa tulay na kawayan
at makikiramdam,
saka initsa ng pising may kawil.
Sumipol at kumuyakoy,
habang nilalaro ang pamingwit.
Nag-aabang sa kakagat sa paing
Kakawag-kawag.
Dapit-hapon.
Nagkulay-uling ang aking mga kamay
sa mga piraso ng kahoy na namamahinga sa abo ng kaliliyab lang na mga uhay ng palay.
Pasilip-silip ang sikat ng araw
sa mga dahong inihehele ng hangin. Sinisipat sa mga sanga ng puno
ang anino ng nakausling pako
Pinupukpok ng martilyo
ang mga huling ulong nakausli
sa lumang plywood
na sahig ng bahay-bahayan.
Inihilera ang mga pira-pirasong kahoy sa pagitan
ng dalawang sanga,
Habang nagpapapansin ang mga hantik na abalang gumagawa
ng sariling lungga.
Walang ningning ang mga mata
ng mga tao sa amin
nang pumanaw ang aming puspin.
Nakatutula sa harap ng hapag si Nanay.
Wala na raw si Kahel na lagi niyang
maghapong kasama sa bahay.
May kung anong pasan sa balikat si Tatay.
Wala na raw ang pusang kulay-ponkan
na napulot niya sa tabing-daan.
Kakulay ng dapithapon, kaya’t
“Kahel” ang ipinangalan.
Di makagawa ng gawaing-bahay si Kuya.
Ginigising siya ni Kahel tuwing umaga,
kung maginaw ay sumisiksik sa kanyang paa.
Si Ate, malimit mapatingin sa langit.
Sana raw, sa pitong taon ni Kahel sa amin,
nadama niya ang saya at pag-ibig.
Malungkot ang mawalan ng alagang pusa.
Kaya pakisagot po itong tanong:
Bakit kay gaan na lamang kung sabihin
itong “Peksman, mamatay man
ang pusa ng kapitbahay namin”?
Binibilang ang ginto, pilak, at tansong barya
Sa natutuklap nang pitaka.
Sakaling makapagkasyang pambili
Ng kalahating kilong bigas, ‘sang tumpok
Na kamote o okra o talong. ‘Wag kalimutan
Ang knorr upang maglasang manok
Ang ‘sang tabong sabaw sa sinabawang
Linahukan ng hininging malunggay sa kapitbahay.
Saka bibilangin sa mga daliri kung ilang araw pa. Labing-apat.
Sa kusina, kilatisin ang bawat bote’t garapon – sa tantiya
Dalawa o tatlong araw ang itatagal ng asin, mantika, asukal,
Kape. Walang ‘sang supot na aasahan matapos magtanong
Kung bakit binukbok ang bigas na iniabot no’ng nakaraang bagyo.
Hindi na rin makapagpalista sa katabing tindahan. Walang
Maipangakong suweldo, hindi na rin makautang sa 5-6.
Panaka-naka na kasi kung magkumpuni
o magpalitada ang asawa, suwerte na
Kung mapakiusapan ang mga bantay na hinihimas-himas
kanilang mahahaba’t kayumangging yantok.
Bawat araw, petsa de peligro – pakikipagbuno
Sa bigwas ng sikmurang nag-aalimura.
Kung darating man ang panibagong rasyon
Ng múmo, bukas makalawa’y muling aatungal
Ang mga bunganga’t sikmura. Manunuot muli
Ang lamig ng hilalil na halos dalawang taon
Nang namamahay sa mga barung-barong.
Samantala, kumapal na ang balabal ng rimarim
Sapat nang init upang magliyab ang hindi
Na maimpit pang pagtitimpi.
Iadya mo ang panganay
Sa suwag ng mga sungay
At haplit ng mga anay
Siyang kinakanlong ng selda.
Iadya mo ang panganay
Sa amba ng pangangamba,
Pagkabura ng gunita.
At tanganan niya nawa
Ang pagmamahal sa masang
Kumanlong at nag-aruga
Sa kan’ya’t mga kasamang
Katuwang sa pagpupunla.
Maapuhap sana niya
Ang liwanag sa sisidlan
Mumunting galak sa panglaw,
Ang haraya ng paglaya.
Una, isulat ang buong pangalan
nang hindi maikaila sa sarili
ang pagkakamali,
kung may pagkakamali
o kung nagkamali
sa kandidatong napili.
Kung multiple choice
at wala kang choice
hindi puwede ang letter “E”
marahil “not applicable” ang karamihan
hindi rin “all of the above” para tapos agad
ang usapan, kung may “none of the above”
mayroon din ang:
parehong a at b
o parehong c at d
mahalagang matandaan na may tamang mapipili
alalahanin ang panuto: piliin ang tama,
ang posibleng sagot sa tanong
ng kahirapan sa bayan
ng paghihikahos ng mamayaman
ng anomalya sa pangkalahatan
ng paglaspatangan sa karapatan
ng pang-aalipin sa kapwa
ng pang-aangkin sa lupang atin
at isulat ito sa sagutang papel.
Kung matching type ang usapan
‘wag kulay ang maging pamantayan
ihambing kung tunay ang malasakit
kung tugma ang pangako’t walang sabit
kung tumpak ang hangarin sa kapwa
kung tinatanaw ang pagpapalaya sa bansa.
Kung pagsusulit ang eleksiyon
bawal din ang magbura,
inbalido ang boto
kung hindi susundin ang panuto.
Isa pang mahalagang paalala
huwag na huwag
mangongopya, hindi ka makatataas sa puntos
at sa halip, pare-pareho pa tayong mabokya.
Kung pagsusulit ang eleksiyon
bumoto at sumagot
nang tapat at tama.
Tinanong ng binata
ang isa pang binata
kung may nadarama ito
para sa kanya.
Tumingala ang isa pang binata.
“Ulan!” sambit nito. “Bubuhos
ang ulan,” sabay takbo palayo
sa binata.
Maiiwang muli
sa gitna ng kalsada ang binata.
Walang papansin. Walang makakakita,
kahit nakaharang sa daan.
’Di magtatagal, unti-unting
Aanurin ang binata
ng baha, bahang siya lamang
ang nakakakita.
Hayaan mong
kunin kita’t angkinin
sa loob ng katahimikan
ng ilog ng aking bibig.
Doon ka tuluyang
magiging tubig,
dadaloy sa aking
mga ugat, sa mga bahagi
ng aking katawang
nagliliyab, ngunit
hindi ka mapasisingaw — halika,
hayaan mong ako ang iyong
lunurin.
Tinanong ng binata
ang isa pang binata
kung may nadarama ito
para sa kanya.
At may nadarama nga
ang isa pang binata—
mga patak ng ulan
sa kanyang braso—
kaya’t tumakbo siya
palayo sa binata upang
maghanap ng silong.
Habang tumatakbo, napansin
ng isa pang binata na hindi ulan
ang nadama niya sa katawan
dahil walang ulan—
kundi sinag ng araw
sinag ng araw na tumutusok sa balat,
parang karayom.