Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Bakit kahit ilang beses walisin
at agarin ang linis sa hardin
ay tila lalong dumarami
ang mga layak? Natuyong dahong
pinadpad mula sa kabilang bakod.
Nang magawang sitahin
ang kapitbahay, lumutang
ang bunton ng mga dahong sinadya
nilang hindi walisin. Kaya pala
tila mga hindi imbitadong panauhing
hindi maitaboy ng biglaang hihip
ang mga ito. Kaya’t sinisinop ko
sa gitna ng sama ng loob. Mula noon
ay hindi na kami binati ng kapitbahay.
May itinataboy silang himutok
liban sa mga dahon. Isang umaga’y
nakasama sa mga dahong inimis
ang salagubang na bali ang pakpak.
Minasdan ko ito sa pagpipilit niyang
kumilos. Kumagat ito ng gilid ng dahon
at pinilit lumipad. Ganito pala
ang walang kasama sa paghihirap.
Kinuha ko siya at inilagay sa isang
malabay na sanga. At nagulat ako
sa tinig na nagsabing, “hayaan mo’t
mabubuhay din iyan”, mula
sa kapitbahay. Dalawa na kami
ngayong nagwawalis ng layak,
habang sa sanga ay namamaybay
ang nagpapalakas na salagubang.
Hiling ng batang kalabaw ang maging tao.
Lagi niyang nakikita sa malayo ang masayang
paglalaro ng anak ng amo. Samantalang siya
ay nakamapa na sa sinsing balat ang takda
ng pagsasaka. Nais ng kaniyang batang isip
na mabago ang turing sa mga kalabaw.
Na hindi lupa ang kanilang kakambal.
Nang may isang alitaptap na dumapo
sa kaniyang ilong isang gabi. Bumulong
na kaya nitong ibigay ang kaniyang hiling.
Ngunit walang bawian. Isang beses lamang ito
at hindi na mababawi ang ibibigay.
Agad na tumango ang batang kalabaw.
At nagising siya isang umaga bilang batang tao
sa pamilya ng mga magsasaka. At narinig niya
ang boses ng ina, " bumangon ka na diyan
at hindi ka dapat maunahan ng araw sa bukid.
Anihan ngayon kaya huwag tatamad-tamad.
Bitbitin mo ang itak at simulan na ang paggagapas."
Nagulat ang batang kalabaw na ngayon
ay isa nang batang tao. Gusto lang niyang maglaro
nang maglaro pero naghihintay ang pilapil.
Naghihintay ang lupa.
Nakaabang ang bukid.
Nitong mga nagdaang araw at buwan
ay wala akong ibang narinig
kundi ang awit at balada ng mga bakal na orador:
pawa rin silang mga makata ng huling panahon.
Sabi ng mga paham ay may dugo silang bayani:
nakasakay, kung hindi sa T-34,
ay sa likod ng matitikas at mapuputing
kabayo ng Siberia, Ural, at Balkan.
Pero, batid kong balisa sila sapagkat likas
na malupit ang lagay ng buhay
at ang paparating na bagong-buhay.
Kaya, minarapat kong manatili na lamang
sa ilalim ng lupa, mula nang aksidente akong malaglag,
kung saan ay tanaw ko ang langit at ibabaw ng mundo
na hindi bilog: taliwas sa ipinangangalandakan nina Copernicus,
Newton, at Mach. Tiniis ko ang pagsasalimbayan ng mga sumasabog
na bala ng kanyon sa sangkatauhan, na pawang lango sa vodka;
pinilit kong isinungalngal ito sa aking kinakabahang puso at itinakdang
kaniya itong sariling mga tibok, o dili kaya’y mga pitik ng aking sentido,
sa gilid ng aking napakalayang utak!
Isang araw ay narinig ko ang alingasngas, na paglao’y karipas,
ng mga lumilipad na halimaw, may marka ng swastika,
at mga hiyaw sa panganoring dati’y sagana
sa ginintuang trigo at nakawalang kawan ng lobo, tupa’t baka.
Kalaban! Nagtakbuhan ang mga botang gawa sa balat
ng hayop; kumalansing ang mga nag-umpugang insigniya
sa kanilang dibdib: kling! Kling! Kling!
Pagkuwa’y katsak! Prak! Prak! Prak! Blam!
Pagkatapos ay tahimik na. Tama; tumahimik ang mundo sa aking ibabaw;
at naamoy ko sa nagniniyebeng hangin ang samyo
ng mga bagong punit na laman at mga bagong pigtas na ugat:
ilang mata, dila, bituka, apdo, atay, at bungo kaya ang sumambulat?
Hinaplos ko ang balat ng magkakapatong na kahoy
na sa aki’y nakapalibot: inisip kong sila’y ang mga bangkay sa aking itaas.
Nasundot ko ang magaspang at pudpod nitong bahagi.
Inilapit ko ang aking mata sa kakarampot na hibla ng liwanag
na sa kaniya’y nakadapo: ilang buwan, malamang ay taon, na palang
ang bumubuhay sa akin ay ang pagngata sa kaniya’t pagdila at pagsubo
sa yelo hanggang sa ito’y maging tubig. Minsa’y sumilip nga ang Diyos,
pero literal na napakalayo niya; malamang ay iniiwasan
niya ang nagaganap na salpukan, at malamang sa malamang
ay ayaw din niyang mabahiran ng dugo ang kaniyang banal na kamay:
lumipas pa ang maraming sandali, at umalingawngaw ang Internationale
mula sa bunganga ng mga trompa ng Stalingrad;
sabi’y nagwakas
na raw ang digmaan:
aywan at ang aking bayag
ay biglang bumara sa aking lalamunan.
At hakbang
Sa panahong hindi makakubra
Ang madla ng tama.
Araw-araw nakabantay
Sa mga inaalagaang numero:
Distansiya sa katabi;
Presyo ng facemask;
Oras ng lockdown;
Dami ng pumila sa ayuda;
Okupadong kama sa ospital;
At dami ng kinuha na ng hingal.
At sa bawat bola ng gobyerno
Na pinangunahan ni Mocha
Siguradong-sigurado
Talo ang lahat ng tumaya.
Itong peklat sa braso
ay mula sa tilamsik ng mantika
nang minsang lutuin ang iyong paborito.
Itong maliit na pulo sa paa
ay nakuha nang tayo ay matumba
habang angkas ka sa bisikleta.
Itong malaking isla sa dibdib
ay unti-unting nabuo
mula nang piliin mong lumayo.
Sa pagkakaibigang iyon
ako umuuwi nang madalas:
tuwing kailangan munang ipahinga
ang balikat sa bigat ng pasan;
tuwing nababahalang ituloy
ang pagtahak sa nilalandas;
tuwing hindi makapili sa sangandaan;
tuwing nais lang na magkape
at pakinggan ang himig ng ulan;
tuwing gustong patuloy na maniwalang
marikit ang daigdig sa kabila ng lahat;
tuwing nginangatngat ng duda at bagabag.
Salamat sa pag-iral, gumagaan ang lahat.
Ngunit, hindi ko alam kung saan
nagsimula ang apoy,
at kung papaanong kumalat.
Natupok ang aking inuuwian.
At ang hindi ko maunawaan:
Bakit ako lamang ang nagsikap
na apulahin ang apoy, at ngayo’y
siya lamang na nasusunog?
(Matapos ang pintang Rivers of the Soul ni Rodel Tapaya)
Sa mga ilog ng kaluluwa kita hihintayin
patungo sa kabilang-búhay. Mula rito,
susuungin ko ang agos ng ating mga gunitang
tinangay ako pabalik sa yaong mga hindi ko na
maaaring hawakan: ang iyong pisngi, baywang, at kamay,
ang hantungan ng aking mga pangamba,
at ang ating tahanang punó ng lunggati.
Dumating na ang bangkang maghahatid sa akin
sa kabilang-dako ng ilog. Sabik ang aking
mga kasabay, nakaabang. Samantalang ako,
nalulunod pa rin sa katahimikang
wala ka pa. Kalabisan mang hilinging
makasama kita sa lugar na ito,
handa akong sumakay
sa huling biyahe ng bangkero.
Kung wala ka pa rin sa sandaling iyon,
ibibilin ko sa kalansay na tagabantay
ang gumamelang ibibigay ko sana sayo
bago pa man ako makarating sa ilog na ito.
Saka naman tayo lubusang nawalan ng tiwala
Sa kakayahan ng sansinukob na bawiin ang sarili nitong buhay.
Walang matematika ang papayag sa kumot na magtutupi sa sarili
O sa maletang pipili ng gamit ayon sa malaya nitong layunin.
Ngunit palayo ka nang palayo habang hinihigit ang kada pulgada
Mula sa bawat sulok. Palayo nang palayo,
Kahit nakatindig ka lang diyan sa kung saan
At nakahilig ako rito kung saan muntik nang nanatili
Ang haliging itinatag sa alaala ng mga nakaraang halili.
Kaya pa natin ito; maaari pa nating ibida
Ang napagtagumpayan nilang mga nauna
At lalong mamumutawi ngayong hindi na kailangang ibida pa
Kung paano magbida. At hindi na kailangang magkahawak-kamay
Upang maisakatuparan lamang ang pagbuo ng istorya.
Hangga’t may tenga at lalamunan.
Kahit hindi pa kumakatok ang mga tsikiting
At kinaon na ang mga pinto, nakahuyaya ang mga besagra.
Ito pala ang ibig sabihin ng kay gaan.
Ganito pala kumaway, magpapadala sa hangin,
Papadaanin ang ihip sa mga butas, kay raming sinulid na hindi makita
Kaya hindi matitiyak kung wala ang biglang lamig,
Ang paminsan-minsang may sumisipol. Dahil sa wakas ay ihahatid
Ang lahat sa kagandahang iyon na walang bahid ng pagkilala
Sa sarili nitong kagandahan. Mainam at inasikaso mo sila, tayo.
Magaling din noong gumulong ang mga hinubad nating sapatos,
At hayun, nagkumpulan sila sa ilang nalalabing sulok.
Hindi na sila upang bumalik pa sa ating mga sakong,
Gayong sige pa rin tayo sa husay ng ating mga palakpak.
Hindi nito kinaya ang pagmamatyag
Kaya nahinog sa mga kumakatok,
Sa mga pumipisil. Hala at hanapin
Ang mga buto sa kalaan. Isa-isahin
Ang mga guro, may nakaaalam tiyak
At may naniniktik sa arkibo ng mga guyam,
Silang tutungo’t tutungo sa pinagbalatan.
Maiitim na liksi, maiitim na lakas
Ngunit sang-ayon ang kurbada sa ikinilos
Ng bloke-blokeng ngipin,
Iyong mga de motor kung kumagat.
Isa…
isang hiningang
nilagot sa isang iglap.
Dalawa…
dalawang oras
ng pagtangis
ng mga mahal at aba,
ng nakaumang na paglisan
ng haligi ng tahanan.
Tatlo…
tatlong araw
ng pagkikimkim
sa hapdi
ng naimpeksyong sugat
mula sa mga bitak
sa talampakan,
ng pagtitikis
sa anak
na wala ng gatas,
ng pakiusap
sa panginoong
kamao ang nakaumang
at hindi bukas na palad.
Apat…
apat na linggo
ng gapasan,
ng taimtim na dasal
na malagpasan ang hagupit
ng mga bagyo,
ng pangangako
sa mga bintana
ng bahay na batong
madalas ay sarado.
Lima…
limang buwan
ng pagmumuni sa harap
ng nakasanglang palayan,
ng pag-aalala sa panganay
na sa Maynila
ay nakikipagsapalaran,
ng pangangaral kay dyunyor
na sa eskwelaha'y
bawasan ang pagliban,
ng pangungulit sa bunsong
pagbutihin ang pag-aaral,
at pasasalamat sa kabiyak
na pagkalinga'y di matatawaran.
At Anim…
mga taon na inabot
ng anim na dekada
ng buhay sa kanayunan,
ng pagpapagal na tila
walang napuntahan,
ng pagpapakumbaba sa kabila
ng ipinagkait na mga karapatan,
ng pagtanaw sa pangarap
na di na makakamtan,
ng pagtatanong kung bakit
hindi patas ang mga katayuan,
at ng paghihintay
sa susunod na mga panahon
ng maaaring parehong kapalaran
o sa paggising ng kamalayan
na ang inhustisyang ito
ay hindi dapat hinahayaan
o palilipasin na lamang.