Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Dalawang oras ko nang inaayusan ang sarili, hindi ko magawang makontento sa make-up ko. Gusto ko ma-achib yung smokey eyes effect, kailangan para sa gagayahing karakter. Dominatrix! Kulay itim ang isusuot kong latex dress, hulmang-hulma ang bagong gawa kong suso. Leather ang hanggang tuhod kong boots, handa na rin ang mga props, bagong bili sa online shop ang gagamitin kong latigo. Panigurado, marami akong kikitain ngayon.
Matapos kong ihanda ang sarili, binuksan ko na ang computer. Kailangan pang mag-log-in sa website at mag-live ng ilang minuto bago magkaroon ng kustomer. Alam ko na ang gusto nila. Nababaliw sila sa mga dominanteng babae. Gusto nilang minumura. Pinapahiya. Minamaliit. Gusto nilang maramdaman na hindi sila tao. Na peke ang kanilang pagkatao.
“Hello baby! Where are you from?”
“I’m from the US!”
“Are you ready for me?”
“Touch your penis! Masturbate!”
Nawala ako.
Mag-a-alas dose ng tanghali, maulan.
Habang kumakain ako sa loob ng isang payak na restaurant na inirekomenda mo sa
akin, ninanamnam ko ang sinabi mong ipinagmamalaking putahe ng inyong lugar.
Tanda ko kung paano mo ilarawan ang lasa nito, “magkahalong asim at alat na may
kaunting anghang!”
Dumating ka.
Ipinarada mo ang iyong kulay pulang kotse. Naaaninag ko kahit na medyo tinted ang
salamin ng iyong sasakyan ang kulay dilaw mong polo. Bagay ang kulay na ito sa iyo,
pinapatingkad nito ang kayumanggi mong balat.
Naglakad ka papalapit sa salamin na pinto, tanaw ko ang iyong mukha. Walang sagabal
dito, halatang sampung minuto mong inayos ang iyong buhok tulad ng iyong
nakasanayan. Ikinaway mo ang iyong kamay upang makuha ang aking atensyon na
matagal nang napasaiyo.
Kasabay ng muling pagsilip ng araw sa isang makulimlim na tanghali, ngumiti ka.
Tinamaan ng liwanag ang iyong ngiti, nagliwanag ang iyong mga mata.
Huminto ang oras.
Gusto kong huminto ang oras.
Manatili ka.
Habang kumakain ako sa loob ng isang payak na restaurant na inirekomenda mo sa
akin, ninanamnam ko ang mga alaala.
MINSAN, NAKARAMDAM SIYA NG PAGLA-LOCK NG PANGA pero di niya iyon pinapansin dahil sa isip niya ay normal sa kaniya iyon dahil kung ilang beses noon na nagpabunot siya ng ngipin na kapag sinabi ng dentista na ibuka niya ang kaniyang bibig at nabuka niya nang sobra ay nagki-klik ito at nahihirapan siyang ibalik kung di niya hilut-hilutin ng banayad ang panga niya kaya naisip niya na normal lang ang pagla-lock na iyon. Nawala sa isip niya na noong ilang araw ang nakalilipas ay nagurlisan siya ng kalawanging pako na nakausli sa isang sirang upuang nara nang pumunta siya sa isang sulok ng bahay nila para kunin ang pliers, cutter at electric tape. Dahil nagmamadali siyang maayos ang electric fan para maibsan ang sobrang init ng panahon ay hindi na niya iyon nabigyan ng pansin nang makita niya ang mga hinahanap. Basta ang naalaala niya ay pinisil niya ang bahaging nagurlis para dumugo at pinunas ng palad ang dugo.
Hanggang sa nadadalas ang pagla-lock ng panga niya. Hanggang sa may tumawag sa labas ng bahay nila.
“Gud morning, Mam, Sir... parcel po!”
Order sa Lazada o Shopee marahil, naisip niya.
Tumahol na nang tumahol ang kanilang aso na Belgian Malinois. Ganoon ang kanilang aso na iyon. Kapag alam nito na may ibang tao maging sa labas at loob ng bahay nila ay magtatahol na nang magtatahol ito. Hanggang sa gustong makawala sa pagkakakadena sa leeg.
Nang buksan niya ang puerta mayor papunta sa gate na may bitbit na pera dahil alam naman niya na magbabayad siya ay halos magwala sa itaas ang kanilang aso na ewan kung sinupladuhan nitong tagapagdeliver nang minsang ibinaba niya ang aso na iyon sa may gate kaya ganoon na lamang katindi ang kagustuhang makawala batay sa kaniyang pakiramdam.
Kinausap niya ang tagapagdeliver na hindi na niya namalayan kung ano nang nangyayari sa kanilang aso. Binuksan niya nang bahagya ang gate para magpicture at mag-abutan ng parcel at bayad nang walang ano-ano’y nariyan na sa likod niya ang kanilang aso na handang mandamba. Mabilis pa sa kasasagitsit na kidlat ang pagtulak niya sa tagapagdeliver at pagsara ng gate. Kung saan iniabot na lang nito sa kaniya ang parcel sa ibabaw ng gate na bakal na tinalon ng kanilang aso na nasapol ang kaniyang kamay at bumaon ang ngipin nito hanggang sa buto ng hintuturo.
Natakot ang tagapagdeliver at lumayo dahil naisip marahil nito na kung gustuhin lamang ng aso na tumalon nang mataas ay posibleng makalabas ito. Siya naman ay nagkunwang di nakagat at di nasaktan gayong namamanhid na ang kaniyang daliri at dumurugo na. Pagkatapos na ibato na lang niya ang bayad ay hinawakan na niya ang kanilang aso sa kaputol na kadena at iniakyat ito at dinugtong ng tie wire ang kadena. Dinamihan niya ng pulupot ng tie wire ang nagkahiwalay na bahagi ng kadena upang di ito makawala at siniguro kung ang ibang link ay may posibilidad na magkahiwalay pa sakaling maghuramentado ang kanilang aso. Secured naman sa tingin niya kaya nagtataka siya kung bakit naputol ang kadenang iyon?
Hinugasan niya ng sabon ang halos namamaga nang puno ng hintuturo niya at wala siyang sinayang na sandali para magpa-injection sa Viga District Hospital.
Na-injectionan siya ng anti-tetanus at nakompleto niya sa loob ng tatlong session ang anti-rabies hanggang sa humupa na ang sugat sa kaniyang kamay.
Hanggang sa namalayan niya na hindi na nagla-lock ang panga niya.
Isang taon nang nakalipas nang pumanaw ka. Dama ko pa rin ang luwang ng iyong paglisan sa tuwing gigising ako sa umaga nang mag-isa sa kama. Mahirap baguhin ang nakasanayan na ng anim na taong pagsasama. Minsan nagigising ako sa amoy ng ginisang bawang at sibuyas kahit wala ka naman sa kusina. Ayaw kang limutin ng aking katawan. Hinahanap ka ng aking brasong nananabik kang mahagkan. Ang mga labi ko nama’y nangungulila sa iyong mga halik.
Kahapon, matapos kitang bisitahin sa Loyola, binili ko ang organic shampoo na laging gamit mo para maalala kita. Laging biro mo noon, “Don’t panic, it’s organic” sa tuwing nag-gogrocery tayo sa Landers. Napatingin nga sa akin ang sales attendant nang napatawa ako bigla. Akala niya siguro ay nababaliw na ako. Hindi pa ba? Baliw naman talaga ang baklang umiibig. Sabi nga ng mga kaibigan natin, baliw na baliw ka na sa akin dati pa. Di ba nga, sa bar sa Tomas, ikaw ang unang lumapit sa akin para hingin ang number ko? Ikaw rin ang unang sumusuyo kapag nagtatampo ako. Isang box lang ng pork buns galing Tim Ho Wan bati na tayo. At simula noong nawala ka, hindi na ulit ako nakakain doon. Mas nababaliw pala ang baklang nagdadalamhati dahil umiibig.
May aaminin ako sayo.
Noong nakaraang linggo, nakipag-meet up ako. Sa Grinder. Sex is a good distraction nga raw kaya sinubukan ko. Alam naman natin na sa ating dalawa ako ang mas malibog kaya nga nagulat ka noong first year natin bilang mag-boyfriend dahil hindi mo masabayan mga trip ko.
Siyempre sa condo niya kami nagkita. Wala pang ibang lalaking nakakapunta sa unit natin kaya huwag kang mag-alala. Hindi naman ako ganoon kalandi. Pilit man akong pagsabihan na mag-move on na ng mga kaibigan nating kiri, hindi ko pa rin magawa. Lakas ng tama ko sayo e. Sana alam mo iyon kahit madalas naging suplado ako sayo, kahit madalang kong sabihin na mahal kita. Na sana pala hindi ko ipinagkait sabihin sa iyo.
Hindi ko na nga matandaan pangalan ni kahit maalala mukha niya. Pero, siguro, matatandaan niya ako dahil nasampal ko siya nang bigla na niya akong halikan ng gabing iyon.
Hindi ko pa rin pala kaya.
Hindi ko alam kung natutuwa ka dahil alam mong mahal pa rin kita, o naaawa dahil tila kaparusahan ang mahalin ka.
***
Isang araw, dinalaw ako ng lumbay habang naliligo. Binuksan ko ang organic shampoong kakabili ko lang at binati ako ng matamis na amoy nito. Naalala ko tuloy ang maamo at makisig mong mukha. Nilagyan ko ng kaunting shampoo ang aking palad at nilagay sa aking ulo. Minasahe ko ito at ipinikit ang aking mga mata. Ramdam ko ang bula at tubig na dumadaloy sa aking mukha habang hinahagkan ako ng amoy ng shampoo, sinasamo ka na samahan ako sa munting espasyong iyon. Sa aking pagpikit nadarama kita. Nakita kita. Hinahalikan mo ako mula leeg, pababa sa aking dibdib, pababa hanggang pusod. Lumuhod ka at sinamba ako. Inaraos mo ang aking lumbay, pinawi ito at pinalitan ng ligaya. Kahit sa konting sandali man lang, alam kong nakasama kita.
Simple. Noong gabing pinatulog tayo ng sirang electric fan.
Sinambit mo ang pangalan ko sa kalagitnaan ng iyong mahimbing na pagtulog. Paulit-ulit mo kong tinawag habang nakapikit ang mga mata mo. Ako nama’y nasa hapag na dalawang dipa mula sa kama kung nasaan ka nakahiga. Namamalantsa ako noon ng mga uniform para kinabukasan, paggising natin, madali tayong makaalis at makapasok sa trabaho. Sales attendant ng isang mall pa ako noon at ikaw naman ay restaurant staff. Walang pader na namagitan sa kwarto at kusina. Tanging ang maliit na ref na naka-installment pa ang nagsisilbing hangganan ng kusina at kama.
Paulit-ulit mong binanggit ang pangalan ko na tila ba nangangailangan ka ng tulong. Umiiling ka pa nga na wari ba’y hinahabol mo ako sa iyong panaginip. Kaya nilapitan na kita sa kama. Balak na sana kitang gisingin kasi akala ko binabangungot ka, ngunit ngumiti ka lang bigla habang nakapikit pa. Nabalot ng antok ang mahina mong boses habang tinawag mo uli ang pangalan ko. Niyakap kita at hinalikan sa noo. At nang tinabihan kita sa kama, inunan mo ang bisig ko at hinalikan ang aking dibdib sa pag-aakalang ito’y aking mukha.
I love you, sabi mo.
I love you too, bulong ko.
At nahimbing ka ulit.
Naputol ang katahimikan ng gabi nang umalingawngaw ang electric fan natin. Pangatlong electric fan na natin iyon. Sabi ko naman sa’yo na sa mall na tayo bumili dahil may pa-discount coupon noong nakaraang buwan dahil anibersaryo ng mall. Pero tumanggi ka dahil gusto mong ibigay ko na lang ‘yon sa pamilya ko sa probinsya. Kaya sa tiangge ka bumili. Tatayo na sana ako noon para ayusin ang electric fan, pero ayaw kitang gisingin sa’yong pagkakahimbing. Maputol pa ang panaginip mo tungkol sa akin, sa atin. Sayang naman. Baka kasi sa panaginip mo kinasal na tayo. Alam naman nating pareho na baka tatanda tayong hindi pa aprubado ang same-sex marriage. Sa SOGIE bill pa lang dehado na nga tayo, sa kasal pa kaya? Baka sa panaginip mo wala na ring sirang electric fan kasi naka-aircon na tayo. Baka sa panaginip mo maaari nang umibig nang hindi nagigipit at nagtitipid.
Natatandaan ko ang gabing iyon.
Hinele tayo ng umalingawngaw nating electric fan sa kalagitnaan ng lumalalim na gabi habang lumalalim din ang ating pag-ibig.