Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
May mga mahahabang gabi na ayaw magpatulog ni Nanay Orang (lola ko). Hirap na hirap kaming bunuin ang mga magdamag na hindi kami dinadalaw ng antok at katahimikan. Ang mga araw ay nagiging gabi at ang mga gabi ay nagiging araw. Kahit anong pagbalikwas, pagpapagulong-gulong sa higaan ang gawin, lagi’t laging nauuwi ito sa paghihintay sa unang pagtilaok ng manok.
“Mga magnanakaw kayo!” sandaling katahimikan.
“Putang ina n’yo! Akin ‘yan.” kakalagin ang buhol ng retasong telang ipinambalot sa naipong barya na nasa kaniyang mga hita. Bibilangin, muling ibubuhol at ibubulsa sa kaniyang kupas na bulaklaking daster habang may ibinubulong sa sarili. Huhugutin ulit ang ibinulsa, tila isang ritwal ang nagaganap, paulit-ulit hanggang sa mapagod, hanggang sa magsawa.
Iba-iba ang mga hugis, disenyo at kalidad ng kaniyang mga retaso. Ang ilang mga retaso ay mula pa sa mga naipon niya noong nanahi pa siya. Unti-unti rin itong naubos at nanghihingi na lamang siya kay Tiyo Ote, bunsong kapatid ni Tatay na isa ring sastre.
“Mga magnanakaw! Palamon lang kayo! Isusumbong ko kayo kay Amang!” marahang iuunat ang mga nangangayayat na binti, magtatangkang tumayo ngunit bigo.
Lagi niyang tinatawag ang kaniyang patay nang ama, ina, kapatid, asawa, anak at kung sino-sino pa. Maliban sa mga patay, wala na siyang ibang pinagkakatiwalaan na buhay pa. Kayamanan para sa kaniya ang mga nakabuhol na retasong pinagkakaipit-ipit sa bulsa, kili-kili at sa ilalim ng kaniyang unan.
May pakiramdam siya na laging pinagnanakawan, kinukupitan, pinagsisinungalingan at inaagawan.
Noong mas malakas-lakas pa siya, hindi ko na rin mabilang ang mga pagkakataong nagwawala siya sa hatinggabi, kakaiba ang lakas niya kapag siya ay nagagalit. Ibinabato niya ang kaniyang mga nahahawakang bagay, nanduduro siya habang nagpapaulan ng masasakit na salita at sumpa, namamahiya sa mga kapitbahay at sumusugod sa barangay hall upang magsampa ng reklamo.
Sumasagi sa isip ko na talagang bagay kay Nanay ang kaarawan niya na Nobyembre 30, Kasingtapang niya si Andres Bonifacio. Sugod nang sugod, ‘di patatalo, ‘di palulupig.
“Mamatay na kayo! ‘tang na n’yo! masunog kayo sa impyerno!” Halos lumabas ang litid niya sa pagsigaw. Hindi lang isa o dalawang beses ko ito narinig mula sa kaniya.
Nagawa na namin ang lahat upang mapigilan siya. May panahon na niresitahan na siya ng doktor ng pampatulog at pampakalma ngunit hindi niya ito iinumin dahil nilalason daw namin siya, makailang beses na itinago namin ito sa kaniyang pagkain ngunit natutuklasan pa rin niya.
Minsan, sa takot namin na maaksidente siya sa labas ng bahay o masagasaan sa kalye, ikinakandado na namin ang aming mga sarili sa loob ng bahay nang sa gayon, kahit na kami ay may ginagawa o natutulog, hindi siya makalalabas o mawawaglit sa aming paningin. Sa ganitong sitwasyon naman siya magsisisigaw hanggang sa kakatukin na kami ng mga kapitbahay.
Dahil may mga kapitbahay na dumurungaw sa aming bintana, kukunin ni Nanay ang gunting, gugupitin ang kaniyang buhok at ilang bahagi ng kaniyang daster, mag-iiyak-iyakan.
“Pinalamon ko na ang mga putang inang ‘to, ako pa ang sasaktan! Domeng! mga tao! Tulungan n’yo ko!” ganito ang lagi niyang isinisigaw kapag may ibang tao nang nakikiusyoso sa labas.
Ilalabas ang makapangyarihang retasong nakabuhol, “Pinagnakawan pa ako ng mga demonyo! Mamatay na kayo! mga hayop! Putang ina n’yo!”
Marahil, nasanay na lang din ang mga kapitbahay at wala na rin tumatagal na nangungupahan sa tiyahin ko.
Maya-maya pa, tatahimik ang buong paligid. Ni walang maririnig na kaluskos, Magsisimula na naman ang araw ngunit magsisimula pa lang ang gabi para sa amin.
Makatutulog na kami dahil sa wakas, nakatulog na si Nanay sa sofa. Pagod na pagod siya, naghihilik at manaka-nakang nagsasalita rin sa panaginip.
Aalis ako sa umaga na tulog siya at magigising na kapag hapon para mangulit. Minsan kapag hinahanap pa ng katawan niya ang pagtulog, gigising lamang siya para kumain, umihi at muling matutulog.
Sumasakit ang ulo ko dahil wala pang tulog pero kailangan ko nang maghanda para sa pagpasok sa trabaho.
May isa o dalawang gabi naman sa loob ng isang linggo na hindi sinusumpong si Nanay. Nagpapatulog naman siya. May mga araw na maganda ang timpla niya, napakahinahon, sa sobrang hinahon, animo’y masunuring bata siya. Madaling pagsabihan, bilinan at kausapin.
Sa mga sandaling nasa maayos siyang kalagayan, nalilimutan niya ang tungkol sa mga binuhol-buhol niyang mga retaso.
Madalas siyang nauupo sa may pintuan at doon ay pinapangas niya ang paborito niyang suha. Kumakatas ang suha sa mga kamay niya, aagos hanggang sa mga braso’t siko. Wala siyang kinakausap na kahit sino. Alam niya sa mga oras na iyon ang gusto niya, ang magpapapayapa sa kaniya.
Mahilig din siya sa biskwit, kutkutin tulad ng mani’t kornik, fuji na mansanas, saging na lacatan at ice cream. Tulog siya nang tulog sa buong maghapon na ikinababahala namin dahil tiyak na naghahanda na siya para sa is ana namang gabing walang tulugan.
Iba na ang siste ngayon, hindi na siya makalakad kung hindi siya aalalayan o hahawakan. Kaya niyang umupo ngunit hirap ang kaniyang paghiga dahil madali siyang mangawit at tila may tumutusok daw sa laman niya sa loob, sastre talaga siya dahil inilalarawan niya ang sakit na tila tinutusok siya ng libo-libong karayom. Siguro iyon ang mga piraso ng buto na wala na sa tamang kinalalagyan nito.
Kahit na may walker siya, hindi na ito magamit dahil nadurog na ang kaniyang buto sa kaliwang balakang dahil sa sama ng pagkakabagsak nito nang minsang nadulas siya habang papunta sa barangay hall upang ireklamo kami.
Agad namin dinala si Nanay sa isang pinakamalapit na pampublikong lokal na ospital, iyon na marahil ang pinakamahabang limang oras ng buhay ko. Namimilipit si Nanay sa sakit na kaniyang nararamdaman. Halos ala-una na ng madaling araw nang maipasok si Nanay sa Emergency Room.
Nilagyan siya ng suwero, at binigyan ng pampatulog dahil muli, nagwawala siya. Dinig sa buong unang palapag ng ospital ang kaniyang palahaw at pagmumura.
“Mga putang ina n’yo! papatayin n’yo ko! Amang! Inang! mga tao tulungan n’yo ko!” sinubukan ng mga mga nars at doktor na kunin ang binuhol na retaso ng tela sa kaniyang kamay ngunit nakikipag-agawan siya, ayaw niyang ibigay at ipagkatiwala ang kaniyang kapirasong yaman.
Nang makatulog na siya, ibinigay ng nars sa tiyahin ko ang nakabuhol na retaso at kinalag namin ang pagkakatali nito, nakita namin ang ilang barya, isang pares ng hikaw at isang singsing.
Ngayon ko lang nalaman na may hikaw at singsing pala sa nakabilot na retaso, ang akala ko ay mga barya lamang. Pagkagulat at pagkamangha ang naramdaman ko noong mga sandaling iyon.
Iniingatan ni Nanay ang siopao niyang hikaw, siopao dahil payak lamang ito na hugis bilog na gintong hikaw. Sabi ng tiyahin ko, nag-iisang pares lang iyon na hikaw ni Nanay. Hindi naman nakaranas si Nanay na magkaroon ng mga alahas. Iniregalo lang iyon ni Tatay sa kaniya noong nagdiwang sila ng dalawampu’t limang anibersaryo ng kanilang kasal.
Dahil maliit lamang ang mga hikaw na siopao, madalas nalalaglag ito sa kamay ni Nanay kapag tinatanggal niya ito o isinusuot sa kaniyang tainga. Laging pinagmumulan ng away ang mga hikaw na ito dahil pilit na ipahahanap ni Nanay ang hikaw sa lahat, sa akin, kay Tatay at sa aking tiyahin.
Sa palagay ko ang singsing na aking nakita ay singsing pa niya noon, noong pakasalan siya ni Tatay. Maglilimampu’t walong taon na ang nakararaan nang ikasal sila ni Tatay ngunit tanda ang singsing na ito na maaaring makalimot ang isip ngunit hindi ang puso.
Singsing ng walang hanggang katapatan at pagmamahal na minsan nang sinubok at maraming beses nang napatunayan.
Kung kailan gumuguho ang kaniyang mga alaala, kung kailan hindi na malinaw ang mga pangyayari sa kaniyang paligid at pasundot-sundot lang ang katiwasayan ng kaniyang pag-iisip, doon pa niya nasinop ang mga maliliit na bagay tulad nito.
Muli kong ibinalik ang singsing at pares ng hikaw sa retaso, ibinuhol ito at sinigurado kong hindi ito mawawala. Wala pang tatlumpung minuto, nagising si Nanay.
Nagsisisigaw sa siya sa sakit ng kaniyang tagiliran. Hinugot niya ang suwero kaya naman nakadagdag ito sa kaniyang paghihirap. Umaagos ang dugo sa kaniyang braso, pati ang mga nars ay itinataboy niya.
Kami na ang nahihiya dahil sa pagpapahiya sa amin ni Nanay.
“Nars! Papatayin ako ng mga demonyong ‘yan!” Palahaw niya. Pinipilit niya na makatayo ngunit bigo. Dinuduro-duro niya kami.
“Nasaan ang pera ko?” matalas ang pagkakatitig niya sa akin.
Iniabot ko ang nakabuhol na retaso sa kaniya. Kahit may natuyong dugo na umagos sa kaniyang kamay, may lakas pa rin siya kalagin ang pagkakabuhol ng retaso. Binilang ang mga barya at halos ‘di pinansin ang hikaw at singsing. Muli ko na namang nasaksihan ang ritwal na ito ni Nanay.
Sabi ng doktor, mulutong daw ang buto habang tumatanda ang isang tao kaya naman malaki ang posibilidad na madali itong mabali, madurog o mawala sa tamang pagkakaposisyon nito lalo pa’t malakas ang pagkakabagsak ni Nanay.
Inirekomenda na ilipat siya sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City upang mas malapatan ng lunas ang mga buto ni Nanay. Sa tulong mga mga kasamahan ng aking tiyahin sa barangay, naipahiram sa amin ang ambulansyang maaaring gamitin sa paglipat ng ospital.
Mahirap ang kalagayan ng mga mahihirap sa pampublikong pagamutan. Kahit namimilipit na ang pasyente, kailangang kumuha pa rin ng queing number sa guwardiya ng ER (emergency room). Kulang ang mga hospital bed dagsa ng mga pasyente at halos pitumpung porsyento ng mga isinusugod sa ER ay mga matatanda o senior citizens.
Nakilala namin si Dr. Mahusay na paunang tumingin kay Nanay. Halos isang araw kami sa ER dahil walang bakanteng kama sa charity o PCSO ward. Kaya naman nang sa wakas ay makakuha kami ng kama sa ward, bahagyang gumaan ang pakiramdam namin.
Pinayuhan kami ni Dr. Mahusay na isailalim si Nanay sa operasyon, kailangan na lagyan ng bakal at semento ang kaniyang balakang. Nagkakahalaga ito ng Isandaan hanggang dalawandaang libong piso na alam namin na wala kaming pagkukuhanan nito. Kulang ang pagkayod ko ng pitong araw nang walang pahinga para mabuno ang kailangang halaga.
Ngunit nang malaman niya ang sikolohikal na kalagayan ni Nanay, ipinagpaliban niya ito at tanggapin na lamang na magiging alagain na si Nanay.
Sa mga unang linggo noong umuwi na kami, madalas ang pagdaing ni Nanay sa pagsakit ng kaniyang likuran, balakang, tuhod na animo’y pinupukpok at pinipilipit. Habang dumaraan ang mga buwan at taon, nagkakaroon na ng laman ang mga durog na buto kaya hindi na ito malimit na sumakit.
Hindi na namin ikinakandado ang aming mga sarili sa loob ng kwarto o pansamantalang itinatali ng garter si Nanay dahil wala na ang pangamba na lumabas siya at hindi na muling makabalik.
Lagi na lamang siyang nakaupo sa tarangkahan ng bahay, hindi na siya makapupunta ng barangay para magreklamo, nakalilimutan na rin niya ang mga taong nag-aalaga sa kaniya.
Dumalang na ang pagsasalita, tila umurong ang kaniyang dila, mga ungol at katulad ng huni ng ibon ang kalidad ng kaniyang dating malakas at buong tinig.
May mga gabi na hindi pa rin siya nagpapatulog ngunit masasabi kong kaya na namin itong bunuin dahil mas mahina na ang kaniyang paghiyaw at pagtawag sa mga namatay nang kaanak at kakilala.
Kasabay nito ay ‘di tulad ng dati, hindi na maganang kumain si Nanay, kailangan na rin ng tulong kapag siya ay gagamit ng palikuran at paliliguan. Madalas siyang magkaroon ng bed sores kaya naman, maghapon namin siya iniuupo sa tarangkahan ng bahay.
Lagi na namin itinatabi sa kaniya ang ibinuhol na retaso. Tahimik lamang siya at tinitingnan ito. Wala na ang ritwal na aking nakasanayan. Hindi na niya maiunat at ganap na mabuksan ang kaniyang mga palad lagi na lamang itong bahagyang nakasara o nakatikom. Hirap na siyang humawak ng mga bagay-bagay, tumanggap at kumapit sa mga alaalang unti-unting ninanakaw sa kaniya ng kaniyang sakit.
Palagi niyang kinukutkot ang retaso. Inaakala niya kasing dumi ang bulaklaking desenyo ng retasong nasa kandungan niya.
Isang hapon, habang ipinaghihimay ko siya ng suha, marahan niyang ibinubuka ang kaniyang bibig upang kainin ang mga butil ng suha na aking isinusubo sa kaniya. Natuklasan ko na hindi palaging urong ang kaniyang dila.
“Kambal…” malakas ngunit magaspang niyang bigkas. Nagulat ako, kambal ang tawag niya sa akin dahil may kakambal talaga ako at si Nanay ang nag-alaga talaga sa akin sapul pa nang maliit ako dahil sa maaagang paghihiwalay ng aking mga magulang.
“Ginalaw mo ba ang mga re-retaso sa-sa likod?” tuloy-tuloy niyang sinabi habang may bahagyang impit sa paghinga.
“Nay, matagal nang walang retaso sa likod-bahay.” Agad kong tugon sa kaniya.
Inutusan niya ako manghingi kay Tiyo Ote. Iyon ang huling pagkakataon na naringgan ko siya ng tungkol sa retaso dahil nagbalik na naman ang pagkaurong ng kaniyang dila kapag sinusubukan niyang magsalita.
Sumapit ang mga araw na hindi na niya hinahanap ang retaso at hindi na rin niya natatandaan na may hawak siya nito sa mga nagdaang panahon.
Hindi na niya hinahanap ang bulaklaking retaso. Ako na ang nagtabi nito. Sininop ko ang retaso at sa tuwing pinagmamasdan ko ang bagay na iyon, hindi ko maiwasan na malungkot.
Ang pinakamasasayang araw ko sa tahian ay dahil sa mga retaso na aking pinaglalaruan. Sa isang malaking plastik, itinatabi at iniipon ng mga mananahi ang mga retaso ng tela na pinagtabasan o sobra sa mga tela.
Magkakahiwalay ang mga retasong malalapad mula sa mga makikitid. Iba-iba ang kalidad, may makapal, may manipis, madulas, magaspang, magaan at bahagyang may bigat. Sa lahat ng retaso, ang pinakagusto ko ay ang mga magagaan na makikitid o maliliit. Inihahagis ko ito sa aking sarili at nagmumukha itong confetti, pakiramdam ko ay para akong artista o sikat na personalidad.
Pinagagalitan ako ni Nanay noon dahil nagkakalat ako sa kaniyang maliit na puwesto sa tahian. Wala akong mapaglibangan kapag bakasyon habang hinihintay si Nanay na matapos sa kaniyang mga tahiin.
Bawal naman akong magpagala-gala at mag-ikot dahil iniiwasan nina Nanay at ng kaniyang mga kasamahan na makita ako ni Mang Suping, ang masungit nilang bisor na mahilig mambulyaw at hindi yata marunong nguniti.
Kapag may mga sobrang retaso, sinusubukan ng ilang mga mananahi na mag-uwi dahil nagiging materyal ang mga ito sa paggawa ng mga basahang bilog at doormat.
Naririnig kong sinasabi ng mga mananahi na sa retaso na lamang sila nakababawi kay Tsikoy, ang amo nilang Intsik na may-ari ng tahian at pabrika ng mga tela.
Sa iba, marahil, walang gamit at basura na ang mga retaso ngunit naging malaking tulong ito nang minsang napinsala ang tahian at pabrika ng bagyong Inday noong 2002.
Magdamag na walang tigil ang buhos ng ulan at kabi-kabilang pagkulog. Napapabalita sa TV ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Maynila hanggang sa ilang mga karatig na lalawigan. Noong gabing iyon, nag-aalala na sina Nanay at Tatay sa kalagayan o sitwasyon sa tahian.
Katabi ng tahian at pabrika ng tela ay isang estero at ilang metro lang ang layo naman sa Ilog Marikina na madaling tumataas kapag may bagyo dahil sa kagyat na pagbubukas ng floodway gate sa Marikina.
Isa sa mga nakatira sa estero ay si Aling Mina na nagtitinda ng palamig at mga tusok-tusok na mabiling-mabili sa mga manggagawa ng pabrika at mga kalapit na opisina. Minsan kapag maraming retaso, inaabutan ni Nanay si Aling Mina upang makapanahi rin ito ng mga basahang bilog na maaaring maging kabuhayan din nila.
Kapag napapadaan ako kina Aling Mina, tiyak na libre na ang palamig ko. Lagi niyang kinukumusta si Nanay at ipinatatanong kung may mga labis na retaso pa sa tahian.
Kaya naman noong kasagsagan ng bagyo, pinapunta ni Aling Mina ang kaniyang anak sa bahay upang ipaalam na malapit nang pasukin ng tubig ang tahian.
Hindi na nag-aksaya ng panahon sina Nanay at Tatay, kasama ang iba pang malalpit doon na mga mananahi at manggagawa, pinuntahan nila ang tahian at pabrika kahit na delikado ang panahon.
Pagdating nila, halos nasa bukungbukong na ang baha sa loob ng tahian. Nagtulong-tulong silang iangat o iakyat ang mga tela, nakatiklop na mga damit na tapos nang tahiin, ang mga kahon-kahong sinulid at ang ilang makinang panahi na kaya pang ilagay sa ikalawang palapag ng pabrika.
Agad na dumampot ng mga retaso ang mga manggagawa uypang punasan ang mga kagamitang nabasa dulot ng baha at ang ilan naman ay pantakip sa ilang mga gamit na hindi na maiaangat pa.
Magdamag na hindi noon nakatulog sina Nanay at Tatay. Ang nakapagtataka, hindi nila nakita roon si Mang Suping na dapat isa sa mga nangunguna upang ayusin at ihanda ang tahian sa posibleng pagtaas ng tubig na makasisira sa mga makina at makapipinsala sa mga kagamitan na madaling mabasa.
Kinaumagahan, nang nagpakita na ang araw, Itinigil muna ang trabaho upang makapaglinis sa tahian at pabrika. May ilang bahagi ng gusali na may bakas ng tubig-baha at may putik mula sa umapaw na ilog.
Ang mga malalapad at makakapal na retaso ang naging basahan at pamunas sa mga putikang paa ng mga makinang panahi. Ito na rin ang nagsilbing mop sa sahig upang muling mailapag ang mga inakyat na tela at damit.
Binubulyawan ni Mang Suping ang mga manggagawa dahil kinulang ang mga retaso at pinagbibintangan na kinukuha at pinagkakakitaan. Inis na inis si Tiya Belen, isa sa mga mananahing kasama ni Nanay.
Sa halip na tumulong ang matanda, nagsesermon pa ito na tila kasalanan pa ng mga manggagawa ang naging pinsala ng nagdaang bagyo sa tahian at pabrika.
Samntala, noong hindi pa nasasalasa ng bagyo ang tahian, laging ipinatatapon ni Mang Suping ang mga retaso dahil ayaw nito na may mga nakatambak na mga plastik at “basura” sa loob ng tahian.
Bahagi pa rin ang retaso sa mga pinakamalulungkot na tagpo sa tahian nang magsara ito noong 2006. Nalugi ito dahil sa pagkakautang at paghina ng lokal na idustriya sa bansa.
Halos isang buwan din na nasa ‘hunger strike’ ang mga mangaggawa, inilalaban nila na may makuha na bahagi ng kanilang suweldo at benepisyo upang makapagsimula ngayong tuluyan nang nagsara ang tahian at pabrika ng tela.
Ang mga retaso ng tela ay tinabasan ni Nanay nang pantay-pantay upang maging laso o ribbon na itinali ng mga manggagawa sa kanilang mga braso at ang iba naman ay sa kanilang noon upang maging simbolo ng kanilang pagkakaisa at paglaban.
Nailigtas ni Nanay at ng ilang mananahi mula sa nagsarang tahian ang halos tatlong malalaking plastik na tila sako na ng mga retaso na halo-halo na ang uri. Malayo na ito sa maayos na pagsisinop sa mga retaso. Napakinabangan ni Nanay ang mga retaso dahil sa halip na ibigay niya kay Alig Mina ang mga ito upang gumawa ng basahan, sinubukan ni Nanay na siya mismo ang gumawa at magbili nito sa tapat ng aming bahay.
Tuloy-tuloy na rin si Tatay sa pag-ekstra ng pagbibiyahe ng dyip kay Ka Anto at blang pagtanaw ng utang na loob ni Nanay, lagi siyang nagpapadala ng mga basahan na yari mula sa mga retaso kay Ka Anto upang magamit ng mga drayber na pamunas ng upuan at kapag nagkukumpuni ng sirang sasakyan.
Tuwang-tuwa si Ka Anto dahil hindi na niya kailangan na bumili ng basahan. Nakapagbigay rin si Nanay ng pansapit at punda ng upuan para sa mga drayber at upuan sa harap ng bawat dyip.
Naging kayamanan ko na rin ang mga munting retaso na iyon. Dinadala ako nito sa iba’t ibang pagkakataon, sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang karanasan na nagpapaalalang bahagi ito ng buhay manggagawa ni Nanay.
Lumalala ang kaniyang kalagayang pangkaisipan. Marahil hindi na niya nakikilala si Tatay, si Tita Evelyn, hindi na rin niya iniintindi ang dadamitin at ang ilang maliliit na bagay tulad ng retaso ngunit tiyak ko na may bahagi ng kaniyang gunita na naging bahagi ng aming pagkatao.
Pinatanda na talaga ng panahon ang kaniyang anyo. Ang lalim ng mga guhit niya sa mukha ay tanda ng mga pinagdaanan niyang saya at lungkot, ang mga uban niya ay paalala ng pinagdaanang hirap at ginhawa, ang pamamaluktot ng kaniyang likuran ay paalala na hindi tayo sumusuko ngunit may panahon na kailangang kilalanin na ang mga kahinaan, at higit sa lahat, ang pagkawala ng kaniyang tinig ay paalala na may pagkakataon na tayo ay nakapagpapahayag ngunit mas nakikinig ang puso kapag tayo ay mas nakikinig kaysa nagsasalita.
Palaisipan sa akin ang pag-alis ng aking mga kamag-anak mula sa kaliwa’t kanang paglipad sa magkakaibang lungsod sa Amerika. Nakipagsapalaran para sa pamilya bitbit ang pangarap na hindi matagpuan-tagpuan sa Pilipinas.
Sa aking panonood ng pelikula nagkaroon ng mukha ang dating ibayong paghihiraya lamang sa Amerika. Hanggang sa nagdalaga patuloy kong kinapa ang mukha at nakapaloob na lipunang mayroon sa ibayong dagat. Walong taong gulang ako ng mapanood ang pelikulang Home Sic Home (1995). Ang pelikula ay tungkol sa tatay na penitisyon ng anak sa Amerika. Komedya ang pangunahing atake ng pelikula kaya matapos mapanood ay katatawanan lamang ang aking na tandaan ng mga panahong iyon. Ngayon na mas higit nang matalas ang aking pandama unawain ang tunay na mensahe ng pelikula, ang naitagong CD nito ang aking paboritong pinapanood. Home sic ang naramdaman ni Mang Berto sa unang mga araw sa Amerika. Ang pagkawalay sa mga apo ang isa sa hinahanap-hanap at hindi maiwasan ikumpara ang higit na pagiging mas magalang ng mga apo sa Pilipinas kaysa mga apo sa ibayong dagat. Malinaw na nag-iiba ang ugali ng pamilyang Pilipino mula sa kanya-kanyang trabaho na kumakain ng oras mula sa magkakaibang abalang gawain. Kinailangan ni Mang Berto sumabay sa kultura at takbo ng buhay kasama ang iba pang kapwa Pilipino. Bagama’t home sic sa Pilipinas, natagpuan rin naman nito ang bagong tahanan para sa mga tulad niyang American Citizen. Tinulungan si Mang Berto ng dating mga kakilala at kapwa Pilipino makapasok sa isang care home upang may maipadala sa nadisgrasya na apo
sa Pilipinas.
Si Melanie, tourist visa lamang ang pasaporte sa Amerika at kapitbahay ni Mang Berto sa Pilipinas. Upang maipagpatuloy ang magandang trabaho at matustusan ang pangangailangan ng pamilya, kailangan magpakasal ito sa isang Amerikano na magsasalba sa kanyang pamamalagi sa Amerika. At dahil nangangailangan naman ng pera si Mang Berto para sa operasyon ng apo, sumailalim ang dalawa sa fix marriage. Ang pagpapakasal sa ibayo ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino-Amerikano (na nabigyan ng US citizenship) ay tungo sa pagkamit ng resident visa na magsisilbing legal ang pagtira o makapagtrabaho sa Amerika upang hindi ma-deport o mapabalik sa Pilipinas. Lantad sa pelikula ang panghihikayat sa manonood sumailalim sa fix marriage na maaaring ikonsidera sakaling nais nito makapagkamit ng green card, at katagalan ay makapagkamit ng dual citizenship. Politikal mang maituturing ang usapin ng identidad ng pagiging isang Pilipino at Amerikano, para sa nakararami, pantasya ang realidad na
ito.
Ang kwento ni Mang Berto at Melanie ang nagpaunawa sa akin kung bakit marami sa mga Pilipino ang nais mag-asawa ng banyaga. Ang konsepto ng american dream ay nagsilbing panlabas na ibayong pananaw para sa aking “tagalabas”. Ayon sa sikat na tagline sa patalastas ng Globe Telecome, “Malayo man, malapit din!”. Malinaw ang pisikal na layo sa mga pagitan. Ngunit malapit din na nasa paraang paghiraya. Ang paghiraya ay nasa pagtatagpo ng mga naratibong kuwento ng aking mga kaanak at sumasagot sa aking nawawalang “sana”. Na sana managinip akong gising sa pag-abot ng aking american dream.
Nasa unang taon ako sa hayskul nang umalis ang tatay ko papuntang Amerika. Takot ang aking naramdaman mula sa plano niyang pagpapakasal upang magkaroon ng green card. Paliwanag ng aking magulang, marami sa aming pamilya ang sumailalim sa fix marriage, ito raw ang pinakamadaling solusyon sakaling walang makuhang full time na trabaho na maaaring mag-sponsor sa resident visa ng mga ito sa Amerika. Nagsilbing opsyonal ang fix marriage upang makapagkamit ng resident visa ang aming mga kaanak kung saan sigurado na ang pagkuha ng green card, citizenship, at petisyon ng buong pamilya na naiwan sa Pilipinas. Ang ganitong realidad at pagkilala ang karaniwang nakaimprenta sa karamihang Filipino community newspaper na mga patalastas, balita o anunsyo na pagkilala sa esteryotipong kalagayan ng mga Filipino-American Citizen. Marami rito ay patungkol sa mga Pilipinong TNT o tago nang tago na walang legal na papel sa California. Gayundin, ang pagpapaalala ng Estado sa mga polisiyang pagkamit ng green card, petisyon ng pamilya, pag-aasawa, at ilang bukas na trabaho para sa mga bagong dating na mga Pilipino.
Maagang nagretiro sa serbisyo ang aking tatay at kahit nasa ibayong dagat buwan-buwan pa rin naming natatanggap ang pensyon nito sa Pilipinas. Hindi pa ATM ang pagkuha ng pensyon noon. Madaling araw pa lamang ay lumuluwas na ang aking nanay mula sa Laguna hanggang Quezon City upang hindi abutin ng rush hour sa MRT. Kailangan ng ibayong pasensya mula sa haba ng pila na kailangan hintayin para makuha ang kakarampot na buwanang pensyon. Hindi ko malilimutan na kinailangan naming i-advance loan ang dalawang taon na pensyon at maipadala sa aking tatay sa Amerika.
Si Rosario, isang American-Filipino Citizen, tomboy at hiwalay sa unang asawang Amerikano na siyang pinakasalan ng tatay ko. Malaki ang naibayad ng aking magulang mula sa dolyar at pisong agwat para lamang sa fix marriage. Lantad ang kalakarang ito sa pag-aasawa ng mga migrante na nasa proseso ng fix marriage na pinagkakakitaan rin ng mga American-Filipino Citizen mula sa pinagkakasunduang presyo sa pagitan ng mga migranteng Pilipino. Ngunit taboo pa ring maituturing ang kalakaran mula sa mahigpit na proseso at masinsinang pagsubaybay ng estado mula sa karampatang Marriage Fraud sa ilalim ng U.S Immigration Law. Karaniwan biglaan ang pagbisita ng immigration para tiyaking totoo na magkasama sa iisang bahay ang nagpakasal. Tulad ng pagsasama ng Tatay ko at ni Rosario, bilang bansa na may kanya-kanyang awtonomiya, pinapayagan ng Pilipinas at Amerika ang pag-aasawa ng mga migranteng Pilipino kahit may legal pa itong may asawa sa Pilipinas.
Ngunit hindi naging madali ang bawat araw, buwan at taon hanggang sa tumagal na ng dekada ang paghihintay sa inaasam na petisyon sa amin ng aking Tatay. Hindi rin malimutan ang mga chismis na pang telenobelang gawa-gawa ng iba pa naming kamag-anak, na kesyo nagkaroon na raw ng anak ang aking tatay kay Rosario kaya hindi na kami nito madadala sa Amerika. Hindi masamang maniwala sa mga sabi-sabi gayong madalang ang natatanggap naming tawag at sulat mula sa aking tatay noon. Kung magpadala man ng pera ay hindi pa sapat sa pag-aaral naming magkapatid.
Napilitan tumigil noon sa pag-aaral si kuya Mike na isang special child at nakaranas nang pangbu-bully sa maliit na paaralan malapit sa amin. Aminado ang aking mga magulang na malaki ang kakailanganing salapi sa paaralang tutugon sa espesyal na pangangailangan ng aking kapatid. Natuto ang kuya sa ilang gawaing bahay- naghuhugas at nagsasaing. At sa tuwing nababagot ito ay nanonood ng sine mag-isa. Lumaki ang kapatid kong street smart kasama ang iba pang special child at retiradong kapitbahay na naikukuwento ang kanyang petisyon papuntang Amerika. Habang ako naman ay inaral kong maghugas ng plato na ala propesyunal; malinis, makinis, mabango, at mabilis ang aking pagkakahugas ng mga pinggan. Maaaring dishwasher daw kasi ang part time job na maaari kong pasukan habang nag-aaral sakaling dumating ang araw ng aming petisyon. Lagi akong tumutulong sa kusina sa tuwing may handaan o mahahalagang okasyon sa aming pamilya. Gustong-gusto ako ng aking mga tiyahin dahil may nakakasama silang maglinis. Tuwing natatapos kong linisin ang mga gabundok na hugasin tila nakakaramdam ako ng lakas at pag-asa. Simula noon, pinangarap ko na maging dishwasher sa Amerika.
May polisiya ang Amerika na maaaring makuha ng mga magulang ang kanilang anak na naiwan sa Pilpinas. Ito ang laman ng mga kuwento ni kuya Mike. Sa oras na makuha ng tatay ko ang kanyang green card, sigurado na ang petisyon naming magkapatid. Ngunit may limitasyon ang edad sakaling i-apply ang petisyon; hanggang dalawamput isang taong gulang basta’t hindi pa kasal, kinokonsidera itong minor. Sa sitwasyon ni kuya Mike, walang age limit bilang special child. Payo ng abogadong humahawak sa petisyon naming magkapatid, sakaling makarating sa Amerika, kami naman ang magpe-petisyon sa aming nanay.
Mahalaga ang papel ng mga abogadong nagbibigay payo at naglalakad nang mga dokumentong kakailanganin sa kabuoang proseso ng migrasyon para sa pami-pamilyang makikipagsapalaran sa Amerika. Kaya’t mas lalo kong naunawaan kung bakit maraming TNT (tago ng tago) na mga Pilipinong walang papel o undocumented ang pagtira sa Amerika, mahal at napakalaking halaga ang kailangang bayaran.
Sampung taon ang lumipas bago nakuha ng aking tatay ang kanyang green card. Ngunit hindi dito nagtapos ang kanyang american dream. Bangungot ang gumulat sa aming pamilya ng malamang inilubog ni Rosario sa utang ang aking tatay mula sa hindi nabayarang credit card. Nabudol ang tatay ko ng kanyang asawa mula sa limang taon na pagsasama. At kahit nakamit pa ang pangarap na citizenship, kailangan pa rin nito maghanap ng double job upang mabayaran ang iniwang utang at hinain na divorce laban kay Rosario. Halos pagkakitaan ng mga Filipino-American Citizen ang kapwa migranteng Pilipino mula sa mga ipinapataw na regulasyon at polisiya ng Estado sangkot ang mga abogadong ginto ang serbisyo. Sa Amerika, ina-apply ang bankruptcy bilang tanda ng hindi nabayarang utang at maaaring ikasira ng bank-record history ng isang citizen sa loob ng pitong buwan. Malaki ang negatibong implikasyon ng ganitong kaso sakaling nais mangutang sa bangko upang makapagmay-ari ng bahay, sasakyan, o maka-apply ng personal loan. Dahil dito, naisantabi ang petisyon naming magkapatid mula sa magkabilaang gastusin na kailangan unahing bayaran ng aking tatay sa
nakalipas na taon.
Tumagal ng sampung taon bago nakauwi ang aking tatay sa Pilipinas. Sa kanyang pagbabalik wala na rin akong matandaang itutuloy niya pa ang pangakong petisyon sa aming magkapatid. Mahirap na raw ang buhay sa Amerika, hindi tulad dati. Sapat na ang makukuhang pensyon sa Amerika at Pilipinas sakaling magretiro. Sa kalagayan ng aking tatay, hindi niya na kakayanin pang magbayad ng abugado o bumili ng bahay mula sa mag-isa lamang itong nagtatrabaho sa Amerika. Hindi lahat ng mga nakakapag-abroad ay nakakabili ng bahay lalo na kung may edad nang nakarating ng Amerika at nabigyan ng US citizenship. Tulad ng health care policy ng Amerika kung wala kang regular na trabaho, hindi ka rin makakakuha ng marangal na health card. Sakaling magretiro ang buwanang pensyon sa Amerika at Pilipinas na lamang ang kanyang pinaghahandaan bilang pangtustos sa aking nanay at kapatid. Kaya sa huli hindi ko na rin siya masisi kung hanggang dito na lamang kami dinala ng kanyang
ibayong pangarap.
Bukod sa lunsarang aliw ang pelikula, nagsilbi rin itong pagmapa upang mahanap ko ang mga sagot na dati ay tanong lamang sa sarili. At kahit may ilang taon na ang lumipas, nanatili sa akin ang kuwento ni Mang Berto at Melanie na hawig sa pinagdaanan ng Tatay ko at ni Rosario. Pare-parehong nangarap makarating ng Amerika, nakipagsapalaran para sa resident visa kapalit ay fix marriage, at hangad ang magandang buhay para sa pamilya. Hindi ko lang din sukat akalain na ang pelikulang puno ng komedya at pantasyang pagasa sa totoong buhay ay maaari pa lang mauwi sa isang trahedya.
Buong buhay ko, tatlo lang ang pinangarap ko na maabot. Una ay ang magkaroon ng laptop; pangalawa ay magwagi sa isang patimpalak sa pagsulat; at pangatlo naman ay magkaroon ako ng bahay na mayroong library. Naabot ko na ang dalawang nauna pero sa pangatlo, wala pa akong bahay pero may limang kabinet na ako ng libro.
Una kong naging guro ang aking papa. Siya ang nagpamemorya sa akin ng ABCD Song. Siya ang nagturo sa aking bumilang gamit ang aking mga daliri. Siya ang gumuguhit ng larawan tapos ay tutukuyin ko kung anong tawag dito at kung saang letra ito nag-uumpisa. Siya ang nagturo sa akin kung paano magbasa. Siya ang gumabay sa akin sa pagbasa ng mahiwagang aklat na Abakada. Tinuruan din niya akong sumulat ng letra at numero. Naalala ko pa na sa tuwing nagagawa kong maisulat nang tama ang isang numero sa folder na nilagyan niya ng mga linya ay kakain ako ng Muncher. Kung ilan ang numero ganoon ang bilang ng Muncher na kakainin ko. Tigre kung magturo ang aking papa kaya hindi ako nakatakas sa pamamalo niya sa aking kamay gamit ang ruler kapag nagkakamaali ako sa aking isinusulat. Enhinyero ang aking papa pero sa aking kamusmusan ay masaasabi kong isa siyang dakilang maestro.
Noong Grade 1 ako ay pinasalubungan ako ng isang aklat sa Ingles ng aking papa mula sa Maynila. Naroong natutuhan ko ang mga panimulang kaalaman kauganay sa Ingles. Iyong panimulang iyon ay hanggang sa simula na lang kasi hindi na ako humusay pa sa kaka-Ingles. Nakatutuwa ring isipin na hanggang sa ngayon ay naitago ko pa rin ang aklat.
Sa tuwing sembreak sa Oktubre ay sumasakto lagi ang pagdalaw sa aming bahay ng imahen ng mahal na Birhen dito sa aming barangay. Isang linggo itong mananatili sa aming altar na sa totoo’y makinang panahi lamang na tinakpan ng ginantsilyong tela ni lola. Sa huling araw ng pananatili ng Birhen ay magkakaroon ng padasal. Naging kaugalian na sa amin na kung sino ang bata-bata at marunong bumasa ay siya ang nagiging taya sa pagbabasa. Naranasan ito ng aking ama, tito at tita, at nakatatandang pinsan. Sa aming magpipinsan ako ang walang kapanahunan, limang taon ang susunod na matanda sa akin. Apat na taon naman ang susunod na bata sa akin. Kaya noong sembreak noong grade 4 ako, wala akong choice kundi ako ang magbasa sa padasal. Magaman alam ko na kung paano bumasa, ay nahirapan ako nang lubos. Iyon ang unang pagkakataon na ako ay babasa ng dasal. Unang pagkakataon na ang binabasa ko ay nasa wikang Pangasinan. Sa tuwing mali ang basa ko noon ay natatawa ang mga kasama kong bata na maalam sa wikang Pangasinan. Salamat na lamang sa mga matatandang katabi ko na memoryado ang laman ng aklat dahil naibubulong nila sa akin ang tamang pagbasa. Pagkatapos ng dasal ay kumain ako ng maraming sopas at uminom ng Zest-O para malimutan ang kahihiyan na aking ginawa.
Sa pagtuntong ko sa Grade 5 mayroon akong hindi malilimutang kuwento. Ito ay isang kuwento ng isang may-ari ng sakahan sa tuktok ng burol. Isang araw ay sinunog ng may-ari ang mga palay. Agad namang umakyat ng burol ang mga magsasaka na nasa paanan ng burol. Sa pag-akyat ng mga magsasaka ay nakita na lamang nila ang pagdating ng isang malaking alon. Nasira ang nayon na nasa ibaba. Noong tinanong ng titser namin kung bakit sinunog ng may-ari ang mga palay, agad kong itinaas ang aking kamay. Nasagot ko nang tama ang tanong at pakiramdam ko ay matalino ako noong mga panahon na iyon.
Sa parehong baitang ko rin nabatid sa aking guro na si Gng. Maria De Guzman na kung ikaw ay matututong magsaka ay habambuhay kang magiging malaya. Ikinuwento noon ng aking adbayser ang tungkol sa kanyang lola na nagsangla ng kanilang lupa dahil sa kahirapan. Pinirmahan ang kanilang kontrata. Nakakalungkot lang na ang nakasulat pala sa kontrata ay ibinebenta na ang lupa na hindi man lang nabatid ng kanilang lola dahil hindi sila marunong magbasa. Marahil kung alam lang daw ng kanilang lola kung paano magbasa ay hindi na sila naloko ng mga mapagsamantala.
Pagtungtong ko ng hay-iskul ay nakilala ko sina Liwayway Arceo, Efren Abueg, Lope K. Santos, Genoveva Edroza-Matute, Regelio Sicat at iba pa. Salamat sa aking mga guro noon sa Filipino dahil nabatid ko na ang pagbasa ay ang pinakamumurahing behikulo upang makapaglakbay. Sa panahon ding iyon ay nauso ang pagsasapalabas ng aming mga pinag-aaralang akda. Isinadula ito sa isang palabas sa telibisyon na Pahina na pinagbibidahan ni Carlo Aquino. Nagmistulan din akong parang isang ibon na malayang magkaroon ng imahenasyon mula sa aking binabasa at kahit papaano ay nakakatakas ako mula sa reaalidad.
Isa sa mga inidolo ko sa aking pag-aaral sa hay-iskul ay si Gng Josephine Leocadio. Napakatalas ng kanilang memorya. Naalala ko, sa tuwing nagpapa-quiz sila ay hawak nila ang maliit na notebook na katulad ng listahan ng mga pautang. Iyon ang kanilang test bank. Sabi nila ang nakasulat lang sa test bank ay ang mga sagot, at ang kanilang mga tanong ay nanggagaling na lang sa kanilang isip. Naikuwento rin nila na napakaadik nila sa pagbabasa. Mula raw sa bahay nila papasok sa eskuwelahan ay halos memoryado na nila kung ano ang mga karatula na mababasa sa daan. Minsan sa kaadikan nga raw nila, binabasa pa nila pati ang pinagbalutan ng tinapa. Sila iyong naging idolo ko sa pagkauhaw sa karunungan kaya minsang isang long quiz bilang review namin sa Division Achievement Test, nagrebyu talaga akong mabuti. Sa 30 items na quiz, 28 ang nakuha ko. Hindi ako nalungkot na may dalawa akong wrong kundi sa sinabi ng isang classmate ko na magaling akong kumopya kay Jaylo, na aking katabi noong nag-quiz kami.
Nakahiligan ko rin ang folkdances mula sa impluwensiya at pagsasanay nila Mrs. Galano at Mrs. Chu na guro ko sa SEPNAS. Hindi ko man naging guro si madam De Vera sila naman ang nag-impluwensiya sa akin na mahilig sa pagbabasa ng literatura ng sayaw. Una ko silang nakita na nagbabasa noon ng literatura ng Binasuan habang tinuturuan nila ang mga classmate ko. Dahil sa curiosity ko sa mga literaturang ito ay naging suki ako ng library sa SEPNAS. Madalas kong hiramin ang mga aklat ni Francisca Reyes Aquino, hanggang sa nasanay na ang noong Librarian na si Madam Mangoba kung anong aklat ang kukunin ko. Sa aking pagbabasa ng mga sayaw ay natuklasan ko pala na mayroong sayaw na nanggaling sa ating Lungsod San Carlos, ang Pastora. Matapos kong magtapos sa SEPNAS noong 2008 ay nakabalik at nakatungtong lang ako sa library ng SEPNAS noong August 2017. Sa pagkaburyong ko sa seminar na aking dinaluhan, humiram akong muli ng mga aklat ni FRA, nakita kong ako ang huling humiram ng aklat. Sa ngayon ay nagbunga ang pagbabasa ko sa folkdances dahil nagtuturo ako ng PE II.
Madalas din akong magbakasyon noon sa tita Rening ko sa may Alinggan, Bayambang. Bukod sa marami akong natutuhan sa kanila sa buhay, ay may mga karanasan din ako sa pagbabasa. Marami silang mga cassette tape sa kanilang bahay. Madalas kong pinapatugtog ang mga ito pagkatapos ay sinasabayan ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga liriko na nakaipit sa case ng cassette tape. Hindi ko man ganoon nauunawaan ang mga mensahe noon ng awitin alam ko na nadadala nito ang aking puso.
Mayroon ding tindahan si tita Rening na ako minsan ang nagbabantay at tagatinda. Minsan ako ang bantay, mayroong tatay na bumili ng gamot. Paracetamol ang sabi. Hinanap ko ang paracetamol sa sisidlan na parang pinaliit na drawer ng Orocan. May nakasulat sa maliit na drawer na paracetamol at kumuha ako ng gamut. Iyon ang binigay ko sa tatay. Kinabukasan, bumalik ang tatay. Galit na galit. Umaga pa lang ay mura nang mura. Sigaw nang sigaw na lumabas raw ako ng bahay. Si tita ko ang humarap sa tatay. Noong tinanong ni tita kung bakit siya galit ay nagkapantal-pantal daw ang kanyang asawa. Allergic siya sa mefenamic na aking naibigay. Paracetamol raw ang kanyang binibili pero bakit mefenamic ang aking ibinigay. Pinagtanggol ako ni tita na bata raw ako, siya ang matanda. Bakit hindi raw niya muna binasa bago niya ipainom sa kanyang asawa. Sa panahong iyon natakot ako kasi akala ko makukulong ako. Pero aaminin ko, pareho kaming nagkamali ng tatay. Pareho naming hindi binasa ang tatak ng gamot.
Noong bakasyon sa tag-araw noong magfo-fourth year hay-iskul ako ay muli akong nagbakasyon kay tita Rening. Nakakita ako noon ng lumang bersiyon ng Florante na kapag binuklat mo ay halos mapunit na. Sa panahon ding iyon, ewan ko kung anong pumasok sa isip ko. Binasa ko ang El Filibusterismo at sa bawat kabanata ay inilista ko ang mga mahahalagang detalye sa isang notebook ko. Naging daan iyon para maunawaan ko ang akda noong 4th year HS na ako. Lagi kong perfect ang mga quizzes about sa Fili. Nakakalungkot nga lang at hindi napansin noon ng aking naging guro sa Filipino IV.
Noong magkokolehiyo na, sa PSU Bayambang lang ako nag-exam. Pumasa naman ako sa exam kaya pasok ako sa round 2, ang physical test. Muli, pasado ako. Nagtungo ako sa 3rd round, interview. Ang nag-interbyu sa akin noon ay si Dr. Fe P. Fernandez. Unang pinagawa ni Dr. Fe noon ay pinagbasa niya ako. Ginandahan ko ang aking pagbabasa kahit tungkol sa insekto ang aking binabasa. Tinanong nila ako kung ano ang pamagat ng aking binasa. Naloko na, hindi ko maalala. Ang sabi ko’y “It’s all about flies ma’am.” Sabay ngiti. Biglang sumagot noon si Dr. Fe na “I’m not rating on how you smile!” Pero ako pa-smile-smile pa rin. Sabi ko sa sarili ko na. Naku, hindi ako makakapag-college nito. Salamat kay Dr. Fe dahil ipinasa nila ako sa interbyu.
Sa pagpili naman na ng major ay medyo nahirapan ako. Ang totoo ay MAPEH ang gusto kong kunin pero hindi pa maayos noon ang kurikulum ng MAPEH kaya ekis na kaagad. Pangalawa ko ang TLE, naku wala ring offer. Hindi ko na alam kung anong kukunin ko. Minsan ay nagkumpol-kumpol kami ng mga classmate ko sa Math Room sa RSDC, may nagtatanong tapos paunahan ng sagot. Lahat ng tanong noon ay tungkol sa Filipino. Ako lagi ang nauunang makasagot. Sabi ng mga classmate ko, bagay ko raw mag-Filipino. Napansin kasi nila na marami akong alam sa literature. Masunurin akong bata kaya hayun, nag-Filipino nga ako. Marahil ang pagkahilig ko rin talaga sa pagbabasa ang naging dahilan kung bakit ako nakakuha ng gradong uni sa Philippine Literature kay Dr. Donayre.
Marami rin akong ginawang kalokohan noong nasa kolehiyo. Maraming pagkakataon na hindi ko pinapasukan ang klase ng ibang propesor ko. Nananatili na lang ako sa boarding house o kaya tumatambay sa library para lang magbasa ng mga akda ni Lualhati bautista. May mga pagkakataon din na nakakakupit ako kay papa kasi sinosobrahan ko ang units na aking sinasabi sa kanila. Iyong mga nakukupit ko ang madalas kong ibinibili ng mga textbook at pampa-photocopy na kakailanganin ko sa mga subject ko na inenrol. Noong summer din noong 3rd year ako ay sinabi ko rin na may summer class ako. Nag-enrol ako kunwari. Pumasok din ako kunwari. Pero ang totoo nilibot ko ang mga library sa Pangasinan para magbasa-basa. Marami akong natutuklasan tungkol sa Pangasinan. Halos memoryado ko kung saan o ano ang matatagpuang aklat sa mga library. Pero pag-uwi ko nakokonsensiya ako. Iyon iyong mga panahon kasi na kontraktuwal lang si papa sa PSU San Carlos. Wala siyang load noon sa summer class kaya wala siyang sinasahod. Halos wala kaming makain noong panahon na iyon. Pero nagawan nila ng paraan na makapasok ako 3 times a week at 120 ang baon ko sa isang araw. (Hindi nila alam ito hanggang ngayon kaya huwag ka nang maingay kung binabasa mo man ito.)
Naging training ko rin ang marubdob na pagbabasa dahil sa propesor kong si Gng. Mary Ann Macaranas. Akalain ba naman ninyo, enumeration na nga ang exam, iyong bawat in-enumerate mo pa ay may mga paliwanag. Parang compre exam ang peg! Nosebleed talaga! Pati utak nagdudugo. Sila rin iyong unang nagtiwala sa akin sa pag-speaker na nagdudulot sa akin ng matinding pagbabasa at pagsasaliksik.
Noong Student Teaching days ay maraming estudyante ang nakapanatagan ko ng loob dahil sa hilig nila sa pagbabasa. Sa katunayan mas mahilig pa silang magbasa kaysa sa akin. Mas inimpluwensiyahan nila ako na magbasa pa lalo. Isa sa kanila ay si Kat Sabangan, na nagtiwala na ipahiram sa akin ang librong “Lumayo Ka nga sa Akin” ni Bob Ong. Salamat kay Kat dahil naipakilala niya si Bob Ong at naging adik ako sa pagbabasa sa kanya. Hanggang sa ngayon ay malakas pa rin ang koneksiyon namin sa isa’t isa ni Kat, salamat na lang sa literature na patuloy na nagbubuklod sa aming dalawa.
Pero bakit kahit mahilig akong magbasa ay hindi pa rin ako Cum laude? Bukod sa isa ang 3.0 ko, isang 2.75, apat na 2.5 at isang incomplete ay may kawirduhan ako sa buhay. Alam ba ninyo na pagkatapos ng exam at quizzes ay saka lang ako nagre-review. Tinitingnan ko iyong mga wrong ko. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nag-stay iyong mga knowledge sa akin. Iyon siguro ang dahilan kung bakit sa tuwing nagagawi ako sa PSU Bayambang ay napapamangha ko si Madam Tuesday sa pagkukuwento ng mga akdang tinalakay namin sa World Literature kahit na lagi akong at pala-absent noon. Siya nga pala, kay madam Tuesday lang ako pinakakinabahang magreport at nagbasang mabuti tungkol sa report kong “The Burning of Rome”.
Ang pagbabasa ay nagiging daan ko rin sa pagsusulat. Maraming nagsabi na hindi ako marunong magsulat. Pero noong 2012 ay sinubukan ko na sumama sa Kurit Panlunggarin sa Pagsulat ng Tula. Sa katunayan ay sumama lang ako noon kasi para makuha ko ang papremyo na maimpambibili ko ng kamera sa kamera ng Kapisanang Sulo ng Diwa na nawala ko. Masaya na ako kahit na 3rd place na may 3,000 pesos pero noong announcement na ng kampeon ay napaluha ako kasi ako pala ang nakakuha. Nakatiyamba lang talaga ako noon.
Sa unang sahod ko sa San Carlos College noong 2012, libro ang una kong pinundar. Una kong nabili ang “Kung Makakain Lang ang Pahina ng Bawat Libro” ni Kiko Ansing; at “Alamat ng Gubat” at “Bakit Baligtad Magbasa ang mga Pilipino” ni Bob Ong. Hanggang sa ang tatlong aklat ay nanganak nang nanganak at nagkaroon na ako ng sandamakmak na aklat.
Sa ngayon, hindi na lamang ako nagbabasa para sa aking sarili kinakailangan kong magbasa upang magbasa rin ang aking nga estudyante. Hindi ko pinagdamot ang aking mga aklat at dinala ko sa alinmang paaralan ako makapagturo. Nakakalungkot lang at marami-rami na ang nanenok sa mga ito.
Patuloy pa rin akong bumabasa. Lalo na sa tuwing nalulungkot ako. Sa tuwing tinatalikuran ako ng mundo. Naglalakbay ako sa iba’t ibang lugar lalo na sa may dagat. Nagdadala ako ng aklat. Doon ako nakakahanap ng kapayapaan, kapanatagan, kaibigan, kakampi at pagmamahal buhat sa pagbasa na nagluwal sa akin.
Mahilig akong magmuni-muni mula bata. Kung ang iba, tinatanong kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ako naman, binabalikan ko ang mga nangyari na at ipinipinta ko sa aking utak ang hinaharap. Lagi akong nakatulala at ipinipinta ang kinabukasan sa aking palad.
Mahilig akong matulala dahil hawak ko ang kinabukasan sa aking palad.
“Resuene vibrante el himno de amor que entona tu pueblo congrata y emocion…”
Abot-tainga ang ngiti ng Bicol mula nang naideklara noong Marso 2022 ang paggaling ng huling pasyente ng COVID-19 sa Filipinas. Sa wakas, tapos na ang pagluluksa ng sambayanan eksaktong dalawang taon mula nang magdeklara ng lockdown dahil sa kagimbal-gimbal na unos. Subalit hindi dapat maging kampante kaya naman nakasanayan pa rin ang pagsuot ng face masks. Ito na siguro ang magiging normal sa panahon natin. Hindi matitinag ng kahit ano ang mga Bikolano kaya naman matapos ang dalawang taon, ngayong Setyembre 2022, muling ibabalik ang tradisyon sa loob ng 312 taon. Panahon na para muling masilayan ng buong mundo ang banal, milagroso, at tunay na imahen ng kagandahan—ang Mahal na Inang Peñafrancia.
Maraming matanda at mga magulang ang naniniwalang ang hindi paglabas sa imahen ni Inâ ang naging dahilan kaya nagkaroon ng sunod-sunod na bagyo mula Oktubre 2020 hanggang matapos ang taong iyon. Tunay bang may kinalaman ito sa delubyong sunod-sunod na bumisita sa Kabikulan? Ito ba ang dahilan kung bakit sa napakahabang panahon ay muling umapaw ang ilog ng Mahal na Inâ? May mga naniniwala, may mga tumatawa.
“Patrona del Bicol gran madre de Dios… se siempre la reina de nuestra region…”
Sariwa pa sa aking isip ang huling taon nang narinig ko ang kantang “Resuene Vibrante” at nasa prusisyon ako mismo sa simbahan ng Peñafrancia—noong 2019. Naghihintay ang lahat kay Inâ. Hindi ko malilimutan ang kaliwa’t kanang ganap na sabay-sabay nangyayari tulad ng pagkalembang ng ice cream na tila inaakit ang mga deboto. Sino ba ang makakabura sa kaniyang isip ng mga nagtitinda ng pamaypay, tubig, at kandila? Naaalala mo pa ba ang mga batang umiiyak dahil gusto nilang magpabili ng lobo at laruan sa kanilang magulang? Naririnig ko pa ang pag-uusap ng mga estudyante mula sa iba’t ibang Katolikong paaralang makikisabay rin sa prusisyon, nakapayong pa at ang iba’y nanananglay na ang mga paa dahil ramdam din nila ang init at pagod sa tanghaling tapat. Nakikita ko pa ang mga gurong naiinip kakahintay dahil hindi pa rin nagsisimula ang misa kahit ang sabi sa anunsiyo’y alas dose raw magsisimula. Saksi rin ako sa mga interbyung ginagawa ng iba’t ibang estasyon at ang ilan ay kumakaway sa kamerang inaakalang sila’y magiging instant celebrity kapag nakita sila sa T.V. Aakalain mong iyon na ang lahat ng maaari mong makita pero kapag nagsimula ang prusisyon, mas mabubusog pa pala ang iyong mga mata. Simula pa lamang iyan ng mahabang pagdiriwang, paano pa kaya kapag mismong pista na?
“Viva La Virgen!” “Viva La Virgen!” “Viva La Virgen!”
“Viva!” “Viva!” “Viva!”
Dinig na dinig ang martsa at tugtog sa plaza ng mga kasama sa Civic at Military Parade. Hampas sa bass drums, pagkalampag ng cymbals, pagpukpok sa lyre, mahaba-habang lakaran na naman ang magaganap at ang bawat kasali sa kompetisyon ay parang naglakad mula UST patungong UPD at gaya ng mga sasakyan, matinding trapik din ng tao ang kanilang nararanasan. Kung sa gitna ng kalsada ay dinig ang mga nagtutugtog at nagmamartsa, abala sa paghintay kung tutugtog na ba sila, sa kaliwa naman, may mga nagtitinda ng mani, popcorn, lobo, at laruan. May maihahanda kaya sa mismong araw ng kapistahan?
Sa kanan naman, makikita ang mga nanonood, nag-aabang, at naglalakad na lamang dahil hindi naman makaraan ang mga sasakyan. Pero may ilang naglalakad hindi dahil may inaabangan kundi dahil wala silang mapuntahan. Habang lumalakas ang pagpukpok sa tambol at ang patugtog ng mga instrumento, lalo rin lumalakas ang sigaw ng mga naghahanapbuhay, lalo rin lumalakas ang sigaw ng isip ng mga hinahanap ang kanilang buhay.
Pero parang may iba? Hindi ito tulad ng dating napakaraming tao. Kakaunti lamang ang nagmamartsa, ang tumutugtog. Ang dumami ay ang mga bantay. Dinaig pa ng mga bantay ang mga kalahok dahil sa kanilang pagharang. Bawal pa rin ang siksikan at mas lalong bawal ang walang suot na mask. Aakalain mong military parade lang ang kompetisyon dahil sa rami ng mga mga bantay. Sa halip na riffle ang hawak nila, totoong baril ang maaari nilang mapaputok kapag ito’y itinutok sa sinumang lalabag sa ordinansa. Kung noon puwede kang basta-basta lang gumala, ngayon, kailangan alamin mo muna ang lahat ng patakaran bago ka tumapak sa labas. Wala nang may gustong maulit ang naging sumpa.
Voyadores! Voyadores!
Viva La Virgen! Viva La Virgen!
Viva! Viva!
Tulad ng nakasanayan, narito na naman ang Voyadores Festival—nagpapakitang-gilas ang mga paaralan mula elementarya hanggang tertiarya kung paano ikinukuwento ang pagkakaroon ng okasyong ito. Sabay-sabay na isinasayaw ang kuwento, paano nahanap at ipinagdiwang ang 312 taon ni Inang Peñafrancia. Itinataas-baba ang imahen… sabay sisigaw ang lider ng pangkat ng “Voyadores!” Patuloy na taas-baba ang imahen at mga kamay ng kalahok kasabay ng ritmo, kaayon ng musika, at galaw ng mga paa. “Viva la Virgen!” at sasagot ang madla “Viva!” At patuloy ang pagsigaw ng “Voyadores!” at pagsabay sa tugtog itinataas at ibinababa pa rin ang imahen ni Inâ.
“Resuene vibrante el himno de amor que entona tu pueblo congrata y emocion… Patrona del Bicol gran madre de Dios se siempre la reina de nuestra region”
Narito na tayo sa pinakahihintay ng lahat. Ang muling pagbalik ng imahen ni Inâ sa kaniyang tahanan sa pamamagitan ng Fluvial Procession. Kung noon, libo-libong tao ang maaaring makapanood ng nasabing kaganapan, ngayon ay nilimitahan na lamang sa mauunang 100 tao ang pagpapanood sa gilid ng ilog. Hindi maaaring magsiksikan ang lahat at napakarami pa ring bantay. Malaking palaisipan pa rin kung bakit maghihigpit nang ganoon sa magagandang puwestong maaaring mapanood ang fluvial pero siksikan naman sa ilang lugar. Ganoon talaga seguro katanyag si Inâ, kahit na anong batas ay babaliin ng tao masilayan lamang ang pinaniniwalaang kaniyang milagro.
Marami na naman ang pagoda na sasabay sa pag-uwi ni Inâ. Kung nasa gilid ka ng ilog nakatira, kitang-kita mo ang pagsagwan ng kalalakihan ng kanilang pagoda. Alam ng lahat ng Bikolanong mga lalaki lamang ang maaaring sumakay sa pagoda. Sagwan dito, sagwan doon kasabay ng pagwagayway sa puting panyo ng mga taong nanonood sa gilid ng ilog. Matagal na itong hinihintay ng lahat… sagwan dito, sagwan doon, ang ilan sa mga lalaking ito ay mga amang namamanata at nagdarasal na masolusyonan ang kanilang problema... sagwan dito, sagwan doon, ang ilan sa kalalakihan ay mga anak ding nagbagong-buhay para sa kanilang nanay. Narito ang paraan upang kanilang pagbabago. Sa bawat pagsagwan sa kaliwa at kanan ay ang kakaibang pag-asang dala ng imaheng naging kasarinlan ng Kabikulan.
“Viva La Virgen!” “Viva!” “Viva el Divino Rostro!” “Viva!”
Patapos na naman ang pista. Napakabilis lumipas ng isang linggong hinintay ng mga Bikolano sa loob ng halos dalawang taon. Hinabaan ang pasensiya sa paghihintay ng pangyayaring parang hangin lang na dumaan sa mahal na Rehiyon. Naririnig ko pa ang sigaw at pagwagayway ng mga tao ng kanilang puting panyo “Viva!” “Viva!” “Viva!” “Viva!” “Viva!” “Viva!”
Habang naririnig ko ang sigaw ng Kabikulan sa muling pagdiriwang kay Inâ, bigla ko na lamang naramdaman ang pagtapik sa akin ng aking nanay. Nakatulala na naman daw ako at kung ano-ano ang iniisip. Wala pa palang nangyayaring Peñafrancia fiesta, Marso pa lang ngayon. Pumasok na ako sa loob ng bahay at binuksan ang T.V., saktong sinabi sa balita ang pagdeklara ng paggaling ng huling pasiyente ng COVID-19 sa Filipinas, napangiti na lamang ako.
Sabi ko nga, mahilig akong matulala dahil hawak ko ang kinabukasan sa aking palad.