Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Sa tuwing may darating na delivery o bisita sa bahay, para akong pusang suplado na umiiwas sa hindi kilala. Nagtatago ako sa isang sulok ng bahay, preferably my bedroom. Ayaw na ayaw ko ang magkaroon ng small talk. Masyadong mababaw para sa’kin. Kaya, hangga’t maaari, si Kuya ang pinapapunta ko para makipag-usap sa kung kanino man.
Hindi naman masama ang ugali ko. Sadyang introverted lang talaga ako. Sadyang pinipili ko ang pinag-aaksayahan ko ng oras. Medyo mababa kasi ang tolerance ko sa mababaw. Dapat may lalim. Dapat may saysay, may layunin.
Pero, hindi rin ako nakatatakas rin minsan. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay may kasama akong pwedeng pakiusapan para maging mouthpiece ko gaya ng ginawa ni Plato kay Socrates sa kanyang The Republic. Dumarating talaga ang panahon na no choice ako. Wale e. Ganyan talaga ang buhay: minsan, ikaw talaga ang dapat gumawa, kahit ayaw mo, lalo na’t ika’y mag-isa. Madalas mangyari ang mga sapilitang small talk ‘pag may mga personal na lakad ako.
Bilang resident patay-gutom ng pamilya, kahit na kumain na ako sa bahay bago umalis e naghahanap at naghahanap pa rin ako ng mangunguya sa pupuntahan. Sinisisi ko ‘to sa mabilis na metabolismo ko kaya, ayun, puwersadong bibili ng pagkain mag-isa.
Napaka-prone ko pa naman sa overthinking. Kailangang i-rehearse ang mga sasabihin ko bago mag-salita. Daig pa ang mga artistang may eksena sa isang pelikula ng Star Cinema ang kaba e bibili lang naman sa Jollibee ng tanghalian. Masyado lang ako siguro aware sa mga nasa paligid ko. Feeling ko ay makaaabala ako ‘pag hindi ko agad naisip ang order o kailangan ko. At dahil nga introverted ako, karaniwan na sa’kin na isipin ang kapakanan ng iba bago ang sarili ko. Ang hilig ko rin na makinig o magmasid, people-watching kung tawagin ng iba.
Sa kabila ng pagsasaulo ko ng iskrip na gawa-gawa ko lang, nagagawa ko pang obserbahin ang mga nasa paligid ko, ang panoorin nang maigi ang mga samu’t-saring ginagawa ng mga tao, at, siyempre, hindi mawawala ang pakikinig sa mga usap-usapan nila. (Pwede siguro ilagay ‘yun sa résumé, ‘no? “Professional eavesdropper.” May kukuha kaya sa’kin?)
Sa mga kahera ko pala maipagsasama ang lahat ng mga nabanggit ko thus far. Ang mga eksena: mga batuhan ng linya sa kahera. Mas mahalaga pa pala kaysa sa mga sinasaulo kong iskrip.
May mga pelikula na pala na nagpi-play sa harap ko, hindi ko lang alam. Tampok ang mga tunay na mga artista ng mundo. Walang awdi-awdisyon.
Pipiliin mo lang talaga na manood, magmasid.
Ma’am/Sir, pa-void po!
No’ng bago magkaro’n ng pandemya, at nakalalabas pa ako, madalas ko naririnig ang linyahang ‘to sa Jollibee, Chowking, at McDo. Halos laging may isang kustomer na hindi alam ang gustong burger, set meal, o drinks. Minsan, pabago-bago pa ang isip kaya lalong tumatagal sa pila. Perwisyo ang mga ganitong kustomer. Masarap sikuhin o sakalin lalo na kung nagmamadali ka na. Wala ka naman ring magagawa kundi maghintay.
“Ma’am/Sir, wika ng empleyadong nasa kahera, “pa-void po!”
Madalang ako makakita ng manedyer na nakangiti sa pagbigkas ng linyahang ‘to. Pa’no ba e ‘pag minsan kapalpakan ng nasa kahera ang pag-input ng item o produkto.
Binubulungan ang empleyado madalas. Pinapagalitan pa nga ‘pag minsan. Pero, sa dulo ng eksena, may pag-swipe ng card n’ya na magaganap para baguhin ang order ng kustomer. Panibagong resibo na ang aayusin naman pagkatapos.
Napakadali siguro ng buhay kung gano’ng kadali ang magpatanggal ng mga kamalian natin. Tatawagin mo lang ang bisor o manedyer mo at agad-agad matatanggal ang mga ‘to. Pagagalitan o pagsasabihan ka nga lang ‘pag napapadalas na.
Sino nga ba ang may hawak ng card talaga? Ang manedyer? Okay lang na ipabura ang mga ‘to?
Willing to wait po?
Sa Jollibee ko ‘to madalas marinig. Mabilis maubos kasi ang Chickenjoy nila kaya ‘yan ang tanong ng nasa kahera.
Hindi talaga ako palakain ng pakpak ng manok kaya lagi akong may pa-special request. Ang usual na stock ng Jollibee sa Vista Mall Sta. Rosa ay either thigh o wing part. E thigh ang paborito ng madla. Ang natitira na lang ay ang ayaw ko.
“Basta hindi wing part, ha,” wika ko.
“Willing to wait, sir?”
Gutom ka na, pero pagod ka na rin. Ayaw mong maghanap pa ng ibang makakainan.
“Oo, sige.”
Wala kang choice. Talagang parte na ata ‘yan ng serbisyong hatid ng Jollibee: ang magturo sa‘tin kung pa’no mas lalong magkaroon ng pasensya.
Dadaan ang lima, sampu, bente, o kaya ang trenta minutos, pero wala pa rin ang pinakamamahal mong two-piece Chicken joy with extra rice at regular pineapple juice.
Kesyo nawalan ka na ng joy sa paghihintay mismo, wala kang magagawa kundi maghintay. Darating rin naman ang order mo. Magbibilang ka na lang ng butiki sa kisame nila o paiiralin mo na lang ang pagpapantasya para maibsan ang gutom mo.
No loyalty
Ang linyahang ‘to siguro ay ang least heard sa listahan ko. Hindi ko ‘to actually narinig. Nabasa ko ‘to sa iskrin ng kahera ng Shell Nuvali. Sa tindahan sa tabi ng gasolinahan ko nabasa ang mga salitang ‘to.
Dito rin madalas naghihintay ang kaguruan at staff ng school na pinapasukan ko bago magpunta sa main campus namin sa kahabaan ng Katipunan. E maghihintay ka rin bago makarating ang bus na sasakyan mo. Ayun, nagutom ulit ang patay-gutom no’ng minsan.
“May card po kayo? Para po sa points?”
“Wala e,” sagot ko.
“Sige po.”
Pagkabukas ng kahera para ilagay ang perang pinambili ko ng tinapay at iced coffee, merong lumabas in green text sa iskring nasa tapat ko:
“NO LOYALTY.”
All caps para intense.
“Ate, nasaktan naman ako rito,” biro ko.
“Sa ano, sir?”
“Ito o,” turo ko sa iskrin, “pero may loyalty naman ako.”
Tinawanan lang ako ni ate. Siguro alam n’yang biro lang talaga ang mga nabitawan kong mga salita.
Pero, siguro, kung ibang tao ang kausap n’ya, at iba ang eksena, magugulat rin ‘yung tao sa sumbat ng iskrin. Malamang may protesta pa. Parang akusasyon kasi e.
Diretsahan rin ang tanong sa’yo. Oo o hindi lang ang pwedeng sagot sa tanong.
Ang sagot ng iskrin ay pawang repleksyon lang ng sagot mo. Hindi mo naman pwedeng sisihin ‘to. Nagsasabi lang ‘to ng katotohanan, mapa-card man o kung ano pa ang pag-uusapan.
Meron ka ba o wala? ‘Yan lang naman ang tanong.
Sa langit
Para higit na maintindihan ni San Pedro kung bakit sa langit dapat tayo pupunta, ikukuwento natin sa kanya ang buong istorya ng buhay natin. Saka lamang iaabot ni San Pedro sa’ting mga kamay ang isang resibong puno ng lahat ng nagawa natin. Makikita natin doon ang mga mabuti at maling nagawa natin sa balat ng lupa. ‘Pag nakita pa rin na maayos ang rekord natin sa kabila ng lahat, saka lamang n’ya bubuksan ang gate ng langit para sa’tin. Malabo nga lang siguro mangyari ang eksenang ‘to dahil ang totoong akawntant sa kahera ay ang Panginoon.
Siya ang mag-aabot ng resibo sa’tin. Siya na rin ang magsasabi sa’tin kung may ipapa-void tayo o kung wala tayong loyalty. ‘Wag naman sana n’ya tayo tatanungin kung willing to wait pa tayo. Sa panalangin na lang ‘yon dito sa lupa. Ayoko sa purgatoryo. Buti na lang hindi ako Katoliko. Gusto ko ‘yung sigurado, ‘yung diretso.
Sisiguraduhin ko na maayos ang resibong tatanggapin ko balang-araw, na handa ako sa araw na ‘yun; tutal, ‘pag nasa kahera ka na, hindi naman mga eksena do’n ang importante. ‘Yung resibo at binayaran mo roon ang mahalaga higit sa lahat.
Una kong nakadaupang palad ang salitang ito noong nag-aaral pa ako ng hayskul sa isang pampublikong paaralan sa bayan ng Cabuyao. Bahagi ito ng isang paksa sa kasaysayan na aming napag-usapan sa sabjek na Araling Panlipunan. Dahil mahilig na rin naman ako sa mga lipunang isyu noon naging bukas ang aking isipan sa iba pang bagay tulad ng politika at kasaysayan. Isa pa, hilig ko na ang magbasa ng mga makasaysayang pangyayari sa Pilipinas at Amerika. Inubos ko ang ilang oras ko noon sa hayskul para magbasa ng mga ganitong mga paksa. Kaya nalaman ko na ang kalsadang ito ay ipinangalan sa isa sa mga Presidente ng Amerika na si William Howard Taft. Naging Mabuti at mabait akong estudyante noong hayskul kaya ni minsan ay hindi ako naging sakit ng aking mga kaklase lalo sa mga gawaing pangkatan.
Sa paglipas ng mga araw at lingo, naramdaman ko ang nalalapit na pagtatapos ko sa hayskul. Subalit bago pa man ito mangyari, buong loob akong lumapit sa aking tiyahin para humingi ng tulong na ako ay makapag-aral ng kolehiyo. Dala ang layuning makapag-aral sa Maynila dahil sa paniniwalang mataas ang kalidad ng edukasyon dito, at hindi nga ako nabigo. Matapos ang aking pagtatapos sa hayskul noong 2004, nakapasok ako sa isang pamosong pamantasan na makikita sa kahabaan ng Nicanor Reyes Street sa may Sampaloc, Manila. Isang tagumpay na para sa akin ang pangyayaring iyon pero ang makatungtong at makapasok sa isang kilalang paaralan ay isa pang tagumpay na maaaring ibilang.
Hindi naging madali ang unang mga buwan ng pagiging estudyante sa Maynila. Nariyan ang pagkabigla sa mga aralin, oras ng pagpasok sa klase, at syempre pati na rin ang hamon ng Maynila mula sa transportasyon at pakikipagbuno sa iba pang mga pasahero tuwing rush hour. Hindi ko naranasan ang ganitong buhay noong hayskul dahil una sa lahat, malapit ang bahay namin sa paaralan kung saan ako nag-aaral, at hindi ganun kabigat ang mga gawain sa hayskul, kaya may mga pagkakataon na kaya pang maglaro ng basketball, at makapaggala sa ilang mall at pasyalan. Pero hindi na nga kasi ito hayskul, at hindi rin naman pagliliwaliw ang pinunta ng isang katulad ko sa Maynila, at isa pa, nakasandal ang pag-aaral ko sa tulong ng kamag-anak, kaya hindi maaaring bumitaw dahil kung hindi, babalik ako ng probinsya na isang talunan.
Tulad ng mga magagandang istorya sa mga pahina ng mga kinagiliwang nating mga kuwento. Hindi maaaring makaligtas ang isang tulad ko sa mga pagsubok na nagpapatatag sa aking mithiin na makapagtapos. Naging masigasig sa pag-aaral habang nakasandal pa ang pangarap sa kamag-anak na siyang tumutulong sa mga bayarin sa eskwelahan. Mahal ang matrikula, mahal ang pamasahe, mahal ang pagpapaprint ng mga proyektong kailangang ipasa sa bawat sabjek. Bawal tamarin, bawal din ang maging bulakbol, mas lalong bawal ang maging isang talunan, sumuko na hindi man lang lumalaban. Kaya halos isang digmaan din ang turi ko sa istilong uwian habang nag-aaral sa Maynila mula Laguna. Kinaya ito dahil may pangarap, kinaya ko ito dahil may nakita akong inspirasyon mula sa mga araw-araw na paglalakbay ko sa kalsada ng Taft sa Maynila.
Isa sa mga bilin sa akin ng aking tiyahin ay ang tumira sa Maynila habang nag-aaral ako ng kolehiyo. Ginawa ko ito dahil sa takot na rin ma-disappoint siya, at sa totoo lang, ayokong hindi siya sundin dahil siya ang nagpapaaral sa akin. Tumira sa Maynila habang nag-aaral subalit unti-unti kong naramdaman ang lungkot dahil sa biglaang pagbabago ng aking pang-araw-araw na ginagawa. Mas masaya ako sa eskwelahan kaysa sa bahay marahil hindi ko kasi ramdam ang lungkot habang kasama ang aking mga kaklase at abala sa gawaing sa paaralan. Namimis ko ang kaibigan ko sa Laguna, ang mga tawanan at halakhak sa tuwing magkikita-kita sa tambayan na ginawa namin sa gitna ng bukirin. Unti-unti akong tinamlay, nawalan ng gana sa pagtira sa Maynila. Makalipas ang dalawang buwan ay nagpaalam na ako sa aking tiyahin na nagdesisyon na akong mag-uwian mula Laguna habang patuloy na nag-aaral sa kolehiyo, at nakuha ko ang kanyang pagpayag.
Mula noon, apat na beses sa isang linggo kung lumuwas ako ng Maynila para pumasok. Sumasakay ng traysikel, dyip, bus, LRT-1, at naglalakad pagbaba mula Doroteo Jose hanggang FEU. Naging mas masipag akong mag-aral dahil naging buo na ang aking pagkatao na sandaling nawala dahil sa pansamantala kong pagtira sa Maynila. Masaya ako sa FEU noong nakapasok ako pero mas masaya noong nakabalik ako sa Laguna habang nag-aaral sa FEU, mas pinasaya pa lalo dahil sa mga bagong kaibigan na tumutulong sa akin sa tuwing nahuhuli ako sa klase dahil sa paminsan-minsang mabigat na daloy trapiko papasok.
Naging bahagi ng aking buhay estudyante ang halos araw-araw na biyahe paluwas at pabalik ng Laguna. Naging bahagi rin ng aking problema ang transportasyon na minsan ay dumadagdag sa pasanin kong makapasok nang maaga sa klase. Subalit iba ang naging trato ko sa LRT na huli kong sinasakayan papasok sa FEU, at una ko namang sinasakyan pauwi ng Laguna. Malaki ang tulong sa akin ng tren dahil pinabibilis nito ang aking biyahe na higit na mas mabilis kaysa sumakay ng dyip mula Buendia sa Pasay hanggang Morayta, na minsan ay inaabot pa ng isang oras ang biyahe. Sa LRT naman ay inaabot lamang ito ng 10 hanggang 15 minuto mula Buendia/Gil Puyat Station hanggang Doroteo Jose na malapit na sa FEU. Lagi akong nakatayo sa LRT kahit na maluwag at kakaunti pa ang pasahero. Mayroon kasi akong laging tinitingnan sa labas mula sa loob ng tren.
Noong panahon na lumapit ako sa aking tiyahin na tulungan ako na makapag-aral, sinabihan niya ako na magpunta sa Taft at mag-inquire sa De La Salle. Umikot ito sa aking isipan. Natatakot ako dahil alam ko sa sarili na hindi ako nababagay sa eskwelahang iyon dahil nga sa isa lamang akong simpleng mag-aaral mula probinsya. Nahihiya din dahil alam kong malaki ang matrikula dito na para bang hindi kakayanin ng aking konsensya. Nakatali na rin kasi ang aking isip noon sa FEU, kumbaga, “ok na ang FEU”, “ok na dito ako mag-aral”, “mas nababagay ako dito”. Pero pinagsisihan ko rin na hindi ko kinagat ang sinabi ng aking tiyahin na mag-aral doon. Kaya sa tuwing sasakay ako ng LRT papasok man o pauwi, lagi akong nakatitig sa eskwelahang ito na tila nagsisisi subalit sa kabilang banda ay para bang nang-iimbita
Halos araw-araw akong lumuluwas ng Maynila para pumasok, at sa mga pagkakataong ito, tumatayo na lamang ako kahit na maluwag ang tren at kakaunti ang mga pasahero. Kailangan kong makita ang La Salle, kailangan ko siyang masilayan. Gandang-ganda ako sa façade ng Yuchengco na kitang-kita mula sa loob ng tren. Binuo ko ang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo sa FEU, pero binabuo ko naman ng La Salle ang pangarap kong makakuha ng masteral at maging ganap na guro sa kolehiyo. Binuo ng araw-araw na biyahe at pagsakay sa LRT ang intensyon kong kumasa sa tila imbitasyon ng La Salle na pumasok at maging kaisa nila. Ang totoo, hindi ito naging madali sapagkat pera ang unang puhunan. Alam kong mabigat pero sa pagkakataong ito ay ako na ang gagawa ng paraan para makatungtong sa paaralang ito.
Dumating ang araw ng aking pagtatapos sa kolehiyo. Dumating din ang araw na huling sasakay ako sa LRT at makikita ang gusali ng La Salle. Buo na ang pangarap kong makatapos subalit ang maging ganap na guro sa kolehiyo ay akin pang bubuuin sa mga darating na oras at panahon. Makalipas ang ilang buwan buhat noong makagraduweyt ako, nakakuha ako ng trabaho at nagsimulang mag-ipon. Alam kong hindi magiging madali ang hamong ito subalit mainit at pursigidong magagawa ko ang lahat kung patuloy akong maniniwala sa sarili kong kakayahan. Mas mabigat ang paglalakbay ko bago makatungtong at makapasok sa La Salle. Hindi naging mabilis ang aking pag-iipon dahil na rin sa estado na aking pamilya sa usapin ng pera, at gastos. Mabigat din ang biglaang pagpanaw ng aking ama na nagdala pa sa akin ng pasanin bilang pangunahing nagtatrabaho sa pamilya. Dumating ako sa punto na hindi ko na inisip na makapag-aaral muli, pero gusto kong maging ganap na guro sa kolehiyo. Sa kabila ng mga pasanin na aking nakasalubong naging maalab pa rin ang aking layunin para sa aking sarili, para sa aking piniling karir. Apat na taon matapos akong makapagtapos sa kolehiyo, nagawa kong makapasok sa La Salle bilang estudyante ng masteral sa Gradwadong Programa sa kabila ito ng limitadong kita dahil sa maliit na sahod at mabigat na responsibilidad bilang tumutulong sa pamilya.
Naging tungtungan ko sa pagbuo ng pangarap na ito ang pagtulong ng aking tiyahin na ipakilala sa akin ang Maynila, at dito mag-aral. Nagawa kong pumasok sa La Salle at maging bahagi ng kanilang kultura. Ang patuloy na paniniwala sa sarili ang naging pusod ng aking pangarap. Naging ganap akong guro sa kolehiyo matapos ang isang termino ng pag-aaral sa La Salle. Mula sa pagiging panakay ng LRT na araw-araw na sinisilip ang gusali ng La Salle, hanggang sa maging ganap na estudyante nito, na nagbunga naman ng pagiging ganap na guro sa kolehiyo ay isang malaking tagumpay para sa akin. Nakahanda na ang aking sarili para sa mas mabigat na layunin na aking binuo naman habang lumalalim ang diwa’t kamalayan sa lipunan na turo ng La Salle sa akin.
Ngayon, isa na akong ganap na guro sa La Salle at kasalukuyang kumukuha ng Doktorado. Bahagi na ako nang Taft, malalim na ang ugnayan namin ng kalsadang ito. Hindi ako sumuko, nagpahinga lamang dahil hindi tumitigil ang pagkakataon at pangarap natin. Pinahihinto lamang ito kung tuluyan tayong nawalan ng tiwala sa sarili nating kakayahan. Masayang mangarap, ngunit mas masaya kung tuparin natin ang mga pangarap na ito. Tinupad ko ang pangarap ko. Hindi na lamang ako panakay ng LRT at sumisilip sa pinto at bintana nito para makita ang La Salle dahil, sa wakas, bahagi na ako ng La Salle.