Magbahagi ng inyong natatanging akda, at ating pagsaluhan at ipagdiwang ang malikhaing pagsulat sa akademya!
Bago ka tuluyang mabura sa alaala, sasariwain ko
ang mga natitirang memorya ng iyong pagkabuháy.
Kapag oras na ng pagdaong, at nataon ang iyong pagdating sa
buwan ng Oktubre, magsisimula kang mamalagi sa
maliliit na pamilihan sa Quiapo. Susuong ka
sa mga dikit-dikit na tindahan ng mga abolaryo’t hibla
at sa iyong pag-uwi, abalang-abala ka sa pagkatha
ng mga rosaryong kulay-plata.
Pagsapit ng kapistahan, aayain mo akong samahan ka
sa parada. Sa kanang kamay, may kandilang mabilis na natutunaw
na kung saan sinasalo ng karton ang mga luha, habang
hawak ang iyong mga palad sa kaliwa. ‘Wag kang mag-alala,
hindi ako maliligaw, mawawala. Saksi ang mga deboto’t santo
sa pagkabisa at paggunita ng iyong mukha.
Siya ba ang dahilan ng aking pagkahumaling
sa halamanan? Nakita mo rin ba sa akin ang payapa,
at kapayakan? Tulad niya ba akong munting bulaklak
ng Diyos, at ako, ng iyo? Ako ba ang rosas
ng iyong kamunduhan?
Dito, mas maliwanag kung gabi.
Hindi nakakatakot maglakad maski mag-isa.
Dito, hindi ka matatakot magkasakit,
dahil mas abot-kaya ang gamot
at bayad sa doktor at ospital.
Dito, mas malaki ang sahuran–
‘yong kinikita ko r’yan sa isang buwan,
kaya kong kitain ng dalawang pasukan.
Dito, tiyak na mas maginhawa mamuhay–
ang pagkain, hindi ko kailangang problemahin.
Ang kailangan ko lang tiisin
ay ang pagpapalit-palit ng simoy ng hangin.
Dito, mas galante ang mga pasyenteng matatanda,
mas mabigat lang sila kung kakargahin
ngunit kayang-kaya namang indahin.
Diyan, mas magulo ang pamumuhay.
Nakawawalang pag-asang makipagsapalaran.
Diyan, wala ako
at hindi man lang kita maalagaan.
Sa Banahaw, sa Sta. Cruz
Kasama sa bawat handa ang miki ni Ka Iligoy
Ginisa man o sinabawan
Kasabay sa pa-insipit, piyesta, o lamay
Maggisa ng longganisang ilang linggo nang nagyeyelo
Bahala na kung ilang araw nang naninigas
‘sin-tigas ng mga titig ng mister kapag nahuhuli
sa pagsundo o madadatnang nakasandal.
Hatiin nang ga-pisong-pino
ang pulang sibuyas na tinawaran
Sa mga taga-probinsyang nagtanim
Na ‘di man lang makakatikim.
Kapag naaamoy na ng buntis ang ginisa mula sa kung saan
At maririnig na ang dahak na mula sa pagsusuka
Maging ang paghikbi
Sapagkat muling napaihi sa salwal
Ihalo ang pinaliit na sayoteng ga-hinlalaking bilin ang sukat
Siguraduhing kinaskas ang ulo nang lumabas ang dagta
Likidong ‘sing lagkit nang pinalululon ng mister
Sa tuwing biglaang nalalalakihan
Lagyan ng tubig at buong ingat na ihalo ang miki
Mula sa dyaryong pinambalot
tingnan na din ang mga balita
Noong nakaraang taon
Habang naghihintay kumulo
Awitin ang mga oyayi
Para sa bunsong paglaki
Ay di na muling uuwi
Para sa panganay na ‘di magkanda-ugagang
Kumita ng salapi
Para sa asawang kasama
Hanggang tumikom ang mga labi
Kapag kumulo na at lumambot ang miki
Halu-haluin ito at lagyan ng itlog
Tandaang hindi ito lomi
hindi taga-Batangas na nag-a-a-la-e.
Alalahaning binarko pa ng Nanay mo ito mula
Marinduque. Sa bayang hindi mo inuuwian
Dahil sa banga nag-iimbak ng tubig
Tandaang sa mga hibla ng miki
Nananahan ang kanyang pag-aalala
Sa iyo at sa mga anak mo
Nakalakip sa pangkulay at harina
Ang bawat paumanhin
Ang bawat patawad
Sa mga kasalanang patuloy mong inuungkat
Binubuklat, kinukutkot
Na parang sugat ng bata
Sa tuwing sumisemplang sa bisikleta
Saka huling ihalo ang luhang pampaalat
Kasabay ng pangakong wawakasan ang lahat ng galit
At planong muling tatawag
At isisingit sa kahit ano mang kwento
At impit na hagikgik
Ang taon nang pinapalampas
Na pakikipagbati.
Kinuha ko ang kutsarang
babád sa isang baso kung
saan patuloy ang pagpipingkian
ng mga kubyertos na kinaligtaan.
Sinimulan kong banlawan ang ulo
upang tanggalin ang mga natirang
mantika na nagmula sa pinagsaluhang
almusal: piniritong nása na namutawi
sa ating dila; ginisang alaala na muling
binalikan sa hapag-kainan; pinakulong
(na) pangako na minsa'y ibinulong sa
saradong tainga.
Inabot ko ang espongha, hinugasan
'to nang maigi bago pigain ang mga
nananatiling butil ng pangarap
mula sa huling hapunan. Kinuskos ko
nang pilit, kay bigat sa pulso, at hinigpitan
ang kapit upang maubos ang bakas
na iniwan ng iyong lábi. Sinabon ko
nang paulit-ulit hanggang maglaho ang
anumang tanda nitong ipinagdiwang na pista.
Matapos pagpagin at patuyuin, marahang
ibinalik sa tukador, at dahan-dahang sinara ang
mata upang kalimutan ang iyong pagbisita. Muli
mong nilublob ang aking damdamin sa iyong pantasya:
ibinabad, at ngayo'y
'di matanggal ang la(n)sa.
Ako ang patlang
bago ang tuldok;
pansamantalang
puwang – walang
dahilan, walang
kabuluhan.
Mananatili akong
agwat, inaantala
ang talaang walang
katiyakan–
walang haharapin,
walang babalikan–
dahil alinsunod sa mga
batas ng bantas, ako
ngayo'y
anuman.
Makitid ang espasyong
nakaabang sa pagpasok
ng liwanag tuwing sisikat
ang araw–
hindi madali ang pagtagos
ng ilaw tungo sa silid:
lamig and kapiling,
dilim ang kasiping.
Ang biglaang pagbisita ng
manipis na sinulid ng liwanag
ay biyaya’t sumpa:
ito’y nanakawing muli.
Sa paglubog ng araw,
babalik ang nakalulunod
na katahimikan, kaakibat
(a)ng pag-iisang
nakabibingi:
[Kinilala kita sa iyong anino't gunita]
Sa munting siwang, iniwan
ang pangakong hindi
mananatili.
Sakura²
Inaabangan
ang ‘yong pamumulaklak
ngayong Agosto.
Jitensha³
‘Pahinga muna
ang pagal na katawan.
Kahit sansaglit.
Jidohambaiki⁴
Paisa-isang
sinusubo ang barya.
Kumakalansing.
Sa Lawa ng Kawaguchiko⁵
Yakap ng ulap
sa kanyang pag-iisa
ang bundok Fuji.
Sa Gubat ng Aoikigahara Jukai⁶
Humahagolgol,
buntong hininga’y dasal.
Namamaalam.
Sa Disney⁷
De-susing ngiti
sa tindahan ng saya —
Pinipilahan.
Soba⁸
Manhid na’ng dila
sa umaasong sabaw.
Hinahanap ka.
Niwa⁹
Nangungulilang
hile-hilerang puno.
Nangaghihintay.
Shibuya Crossing¹⁰
Nag-uumpugang
mga langgam ng tao.
Nagmamadali.
Onigiri¹¹
Kumikilapsaw
sa sikmurang nagutom
ang nori’t gohan.
__________________________________
¹ Kasingkahulugan ng salitang alaala
² Kilalang pambansang bulaklak ng bansang Japan; dinarayo tuwing buwan ng Abril.
³ Tawag sa bisikleta
⁴ Tawag sa vending machine
⁵ Kung saan matatanaw ang Bundok Fuji
⁶ Kilala bilang suicide forest
⁷ Matatagpuan sa Japan ang dalawang Disneyland.
⁸ Uri ng noodle sa Japan
⁹ Tumukoy sa mga hardin sa Japan
¹⁰ Kilala sa sala-salabat na tawiran ng tao
¹¹ Pagkaing Japanese na binubuo ng gohan at samu’t saring ulam
Bakit kahit ilang beses walisin
at agarin ang linis sa hardin
ay tila lalong dumarami
ang mga layak? Natuyong dahong
pinadpad mula sa kabilang bakod.
Nang magawang sitahin
ang kapitbahay, lumutang
ang bunton ng mga dahong sinadya
nilang hindi walisin. Kaya pala
tila mga hindi imbitadong panauhing
hindi maitaboy ng biglaang hihip
ang mga ito. Kaya’t sinisinop ko
sa gitna ng sama ng loob. Mula noon
ay hindi na kami binati ng kapitbahay.
May itinataboy silang himutok
liban sa mga dahon. Isang umaga’y
nakasama sa mga dahong inimis
ang salagubang na bali ang pakpak.
Minasdan ko ito sa pagpipilit niyang
kumilos. Kumagat ito ng gilid ng dahon
at pinilit lumipad. Ganito pala
ang walang kasama sa paghihirap.
Kinuha ko siya at inilagay sa isang
malabay na sanga. At nagulat ako
sa tinig na nagsabing, “hayaan mo’t
mabubuhay din iyan”, mula
sa kapitbahay. Dalawa na kami
ngayong nagwawalis ng layak,
habang sa sanga ay namamaybay
ang nagpapalakas na salagubang.
Hiling ng batang kalabaw ang maging tao.
Lagi niyang nakikita sa malayo ang masayang
paglalaro ng anak ng amo. Samantalang siya
ay nakamapa na sa sinsing balat ang takda
ng pagsasaka. Nais ng kaniyang batang isip
na mabago ang turing sa mga kalabaw.
Na hindi lupa ang kanilang kakambal.
Nang may isang alitaptap na dumapo
sa kaniyang ilong isang gabi. Bumulong
na kaya nitong ibigay ang kaniyang hiling.
Ngunit walang bawian. Isang beses lamang ito
at hindi na mababawi ang ibibigay.
Agad na tumango ang batang kalabaw.
At nagising siya isang umaga bilang batang tao
sa pamilya ng mga magsasaka. At narinig niya
ang boses ng ina, " bumangon ka na diyan
at hindi ka dapat maunahan ng araw sa bukid.
Anihan ngayon kaya huwag tatamad-tamad.
Bitbitin mo ang itak at simulan na ang paggagapas."
Nagulat ang batang kalabaw na ngayon
ay isa nang batang tao. Gusto lang niyang maglaro
nang maglaro pero naghihintay ang pilapil.
Naghihintay ang lupa.
Nakaabang ang bukid.
Sa kalbong kagubatan ng ating samahan
Tinutunaw ng alinsangan at alinlangan
Ang tsokolateng bulubunduking inialay ng dayo.
Hindi mo maaaring malamang mag-isa akong namumundok
Sa mga gabing nililisan ng ulirat ang nahihimbing mong katawan.
Ang plano ko: ilulugay ko ang aking buhok
At itutulak ang mga regalong bundok tungo sa basurahan.
Ang hindi ko alam: dilat kang humaharaya
Tuwing nagasasabog ng liwanag ang mga butuin.
Itunuturo ng kumpol-kumpol na kutitap ang dapat mong malaman.
Ilang bundok ang kaya mo? Tara, sasamahan kita.
Hihilahin mo ang yumayakap na laso sa mga bundok,
Huhubarin mo ang manipis nitong saplot.
Ilalantad ang gumuguhong bulubundukin.
Ako sa dulong ito. Ikaw sa kabila.
Lulubog sa matamis na kumunoy
Ang ating mga hintuturo’t hinlalaki:
Paghatian natin ang nanlalagkit mong pagtataksil.
Nang ipadala ako ni Elon Musk dito sa Marte,
ang una kong naging problema ay kung paano akong makatutula.
Dahil kapos sa grabedad, lumulutang ang lahat sa planetang ito.
Tanong ang laging kasunod ng pagdaiti ng mga titik sa anumang rabaw:
Magkakaroon pa ba ng bigat ang aking mga salita?
Kahit di magyelo ay laging nangangatog itong bagong mundo.
Paano na ang init, ang hininga ng aking mga talinghaga?
Ayaw kong maging tipak na lang sila ng malamig na malamig na hiwaga.
Dito, makapal at selyado ang aming mga tahanan,
kompleto rin sa lahat ng kailangan namin upang manaig—
pambawi sa manipis na atmosperang naglalantad sa aming kahinaan.
Hanggang saan ang kayang marating ng aking haraya
ngayong nakapiit ako sa makabagong hawla ng kaligtasan?
Ngunit nagsusulat pa rin ako ng tula. Araw-araw.
Ayos lang kung pagdudahan ko ang bawat pagsulat sa mundong ito.
Wala na rin namang saysay ang salita sa ganitong pagpanaw.
Inipon ka ng panahon
sa pinakapusod ng mundo
upang manatiling kalmado
ang minamahal mong lungsod.
Ngunit ang totoo—
matagal ng kumukulo
ang mga magma’t mga bato,
sila ay ‘di magkamaliw, nagkakagulo.
Sa init at pag-uumpugan,
lumikha ito ng mga butas at uwang.
Sapat na upang sumuot
at unti-unting marating ang rurok.
Sa mga ganitong sandali,
nagsisimula ka ng magpakita
ng tanda at babala—
nariyan na ang mga asupre’t pamamaga ng iyong bunganga.
Pilit na isinantabi ng iyong pinakamamahal
ang mga signos na iyong tinanghal.
Ikinatuwa at pinagpiyestahan pa nila
ang namumuo mong pagkamuwa.
Tanda mo pa ba kung paano natin kinabisado ang Marikina?
Sumisigaw ako dahil mahangin.
Gusto kong marinig mo sa loob ng masikip mong helmet,
ang simpleng pagyayabang ko:
“Kabisado ko ang Marikina, kahit nakapikit pa ako!”
Alam kong babagtasin mo ang J.P. Rizal papunta sa 'kin
at daraanan mo naman ang Sumulong Highway palayo
Pero kahit saang eskinita o abenida mo pa ako idaan
Hinding-hindi ako maliligaw papunta sa 'yo
Kabisado ko rin ang amoy ng batok mo
Kahit nakapikit ako, kung magsisimula sa leeg mo,
alam kong hindi ako maliligaw
Alam ko rin kung paano i-aanggulo ang paghalik sa mga labi mo
na eksaktong hindi magtatama ang ating ilong
Alam ko rin ang lasa ng iyong panglasa
At kung ilang segundo mo kayang humalik
na hindi mauubusan nang hininga
Kahit nakapikit ako, kung magsisimula sa pusod mo
Papunta sa iyong tadyang, hanggang sa pagitan ng dibdib
Kahit magtagal ako sa likod ng kaliwang tenga mo
Sa mga labi at dila mo pa rin ako mauuwi
Habang binabagtas ko ang kahabaan ng Nangka,
tinatanaw ko ang bahay n'yo
Iniisip kong nagbabasa ka pa rin ng mga naipon mong libro
Pero ayokong isiping naiisip mo pa rin ako
Kung kabisado ko ang bawat eskinita sa Marikina
Paano ko tuturuan ang sarili kong limutin ka?
Araw-araw kong nadaraanan ang eskinita papunta sa bahay n'yo
Gabi-gabi kong hinihigaan ang unan kung saan,
minsan mong isinayad ang iyong mga pisngi
Sa bawat buwang lumilipas na wala ka,
patuloy pa rin akong nangungulila
Taun-taon, bibilugan ko pa rin ang araw ng kaarawan mo
Limang araw bago ang sa akin
Kung magkasalubong man tayo
Sa may Taft o sa may Recto
Huwag ka sanang titigil dahil,
alam ko sa sarili kong kahit ilang dekada pa ang lumipas
lilingon at lilingon ako
Hayaan mo na lang na sa Marikina ulit tayo magtagpo
Sa Sta. Elena ulit natin pagsaluhan ang mga kuwento
tungkol sa mga tula at kung paano tayo sinaktan ng tadhana
Magsimba rin sana tayo sa Concepcion
hayaan mong ihiling kita sa mga poon
na kung may susunod na buhay man,
bigyan sana nila ako nang pagkakataong ibigin ka
paulit-ulit hanggang tadhana na ang magsawa
Hayaan mong tugtugan kita ng gitara sa may Kapitan Moy,
hindi ako mahihiya kahit maraming tao
malalaman nilang ang pag-ibig, hindi palaging nasa tono
kung minsan ito ay sintunado
At sa pagsapit ng dilim
hayaan mong ibalik kita sa may Nangka
kung nasaan ang punerarya n'yo
Doon tayo magkwentuhan,
kasama ng mga embalsamador
kasama ng mga malalamig na bangkay
kung saan walang pwedeng humusga
sa pag-ibig na meron tayong dalawa
Pagkaraan ng Ivanovo Detstvo (Ivan’s Childhood), 1962
Nitong mga nagdaang araw at buwan
ay wala akong ibang narinig
kundi ang awit at balada ng mga bakal na orador:
pawa rin silang mga makata ng huling panahon.
Sabi ng mga paham ay may dugo silang bayani:
nakasakay, kung hindi sa T-34,
ay sa likod ng matitikas at mapuputing
kabayo ng Siberia, Ural, at Balkan.
Pero, batid kong balisa sila sapagkat likas
na malupit ang lagay ng buhay
at ang paparating na bagong-buhay.
Kaya, minarapat kong manatili na lamang
sa ilalim ng lupa, mula nang aksidente akong malaglag,
kung saan ay tanaw ko ang langit at ibabaw ng mundo
na hindi bilog: taliwas sa ipinangangalandakan nina Copernicus,
Newton, at Mach. Tiniis ko ang pagsasalimbayan ng mga sumasabog
na bala ng kanyon sa sangkatauhan, na pawang lango sa vodka;
pinilit kong isinungalngal ito sa aking kinakabahang puso at itinakdang
kaniya itong sariling mga tibok, o dili kaya’y mga pitik ng aking sentido,
sa gilid ng aking napakalayang utak!
Isang araw ay narinig ko ang alingasngas, na paglao’y karipas,
ng mga lumilipad na halimaw, may marka ng swastika,
at mga hiyaw sa panganoring dati’y sagana
sa ginintuang trigo at nakawalang kawan ng lobo, tupa’t baka.
Kalaban! Nagtakbuhan ang mga botang gawa sa balat
ng hayop; kumalansing ang mga nag-umpugang insigniya
sa kanilang dibdib: kling! Kling! Kling!
Pagkuwa’y katsak! Prak! Prak! Prak! Blam!
Pagkatapos ay tahimik na. Tama; tumahimik ang mundo sa aking ibabaw;
at naamoy ko sa nagniniyebeng hangin ang samyo
ng mga bagong punit na laman at mga bagong pigtas na ugat:
ilang mata, dila, bituka, apdo, atay, at bungo kaya ang sumambulat?
Hinaplos ko ang balat ng magkakapatong na kahoy
na sa aki’y nakapalibot: inisip kong sila’y ang mga bangkay sa aking itaas.
Nasundot ko ang magaspang at pudpod nitong bahagi.
Inilapit ko ang aking mata sa kakarampot na hibla ng liwanag
na sa kaniya’y nakadapo: ilang buwan, malamang ay taon, na palang
ang bumubuhay sa akin ay ang pagngata sa kaniya’t pagdila at pagsubo
sa yelo hanggang sa ito’y maging tubig. Minsa’y sumilip nga ang Diyos,
pero literal na napakalayo niya; malamang ay iniiwasan
niya ang nagaganap na salpukan, at malamang sa malamang
ay ayaw din niyang mabahiran ng dugo ang kaniyang banal na kamay:
lumipas pa ang maraming sandali, at umalingawngaw ang Internationale
mula sa bunganga ng mga trompa ng Stalingrad;
sabi’y nagwakas
na raw ang digmaan:
aywan at ang aking bayag
ay biglang bumara sa aking lalamunan.
Tala: Ang larawan ng ay pinta ng manunulat na pinamagatang Kredo ng mga Anak ng Araw, 15X7 inches, oil on canvass
Tuwing gabi, halimaw ay nagmamasid.
Alam niya ang lihim ng lungsod.
Nababalot ng korapsiyon ang siyudad.
Kawawa ang kalagayan ng mga tao.
Amoy nito ang takot at kawalan ng pag-asa.
Iniisip ng halimaw na kainin silang lahat.
Mamamatay rin naman ang mga tao sa gutom
Pinuno ng lungsod ay magnanakaw at gahaman
Bagama’t alipin ng gutom ang halimaw,
Hindi ito masahol tulad ng demonyong
pinunong may kamay na bakal.
Galit at ang pananamantala’y
walang kapantay ang pagsalakay.
Ikinukubli ng pinuno ang pangil.
Sa mga tiyan na walang laman,
Ang kanilang diwa'y wasak na wasak.
Napagtanto ng halimaw na kahirapan
Ang pumapatay ng mga pangarap.
Kailan kaya titila ang ulan?
Malamya ang kulay ng kalangitan
Ang kidlat at kulog ay nagsasagutan
Ang araw ay hindi masumpungan
Kailan kaya titila ang ulan?
Ang dagat ay tila nakakatakot na gabunan
Na lumalamon ng dugo at laman
At handang kunin ang buhay ninuman
Kailan kaya titila ang ulan?
Kailan muli kami makakasagwan?
Kailan ang lambat maitatangan?
Kailan ang mga banyera magkakalaman?
Malakas na kulog ang dagling gumising
Sa isang kisapmata, takot at pangamba ay dumating
Katunog ng mahabang ungol ang umiihip na hangin
Kasabay ang mga kidlat na nagpaliwanag sa dilim
Hanggang umagos na nga ang galit na kayumangging tubig
Tila presong nakawala sa matagal na pagkapiit
Lahat ng sulok pilit nitong gagapangin,
Maliit na siwang kayang pasukin
Kahit na mataas na kisame pilit nitong aabutin
Walang pagkakataon kundi iligtas ang sarili
Sa nagbabadyang paglubog ng mga mithi
Mula sa itaas ng bubong ang tanging nakikita
Ay ang maitim na langit at pag-iyak ng mga ulap
Na nakikidalamhati sa lamig na aking nadarama
Sa isa na namang kwento ng malagim na trahedya
Bayani kang walang mukha’t hindi banal.
Ngayo’y patuloy ang ilaw sa pagkurap
sa tikom na tanghalan ng mga pagal.
Mandurukot ang dilim ng libong dasal.
Sa gabing puno ng hidwa’t walang batas,
bayani kang walang mukha’t hindi banal.
Akyat-bahay ang lalaki sa tahanang
binakbak nang kusa ang sariling balat
sa tikom na tanghalan ng mga pagal.
Ekstra ang estrangherong nagpapaalam
sa anino ng inang nagdadadakdak.
Bayani kang walang mukha’t hindi banal.
Maglalasingan ang mga magnanakaw.
Kasukdulan ang kanilang pagliliyab
sa tikom na tanghalan ng mga pagal.
Kaluluwa nila’y hihintong umiral
at kurtina’y magsasara nang panatag.
Bayani kang walang mukha’t hindi banal
sa tikom na tanghalan ng mga pagal.
Tinititigan pa lamang ay parang
hinaharap ko na ang aking sarili
sa isang púnit ng monokromatikong salamin.
Parang tinatanggal ko na ang aking damit,
binabaybay ang mga pilat ng sugat
kong muli’t muling tinutuklap ng katahimikan,
pinapaos ang mga nangungulilang tinig,
binubura ang mabibigat na ngiting
palaging pasan-pasan, at maya-maya pa’y
nakahiga na ako sa kama. Mahihimbing.
At magigising lang din na tila hinuhubad
ang kaluluwa ko sa aking katawan,
para bang nginangatngat ang aking diwa
ng namamahay na sining, kinakabkab
ang mga malalalim na alaalang
hindi dumaan sa paglimot, binibihag
ang hatinggabi sa humintong oras, at kahit
malayo pa’y pilit hinihila ang pagsikat ng araw.
may rikit sa ulang
humahagkan sa lunsod
sinusuyod ang bawat
maruruming kurba
hinahalughog
ang sementadong kalsada
kinikiliti ang metal na mga gusali
sa lugar kung saan
para sa pagod na dikit-dikit
na higaan
ang ulan ay panalangin na
bukas pagkatapos ng gabi
nahugasan na sana
ang lahat ng kapagalan
at pinutikang kasalanan
ang tren ay ahas
na nang-aakit
sinaplotan
ng mga patalastas
na sumisipol
animo'y de-kuryenteng
hayup na lumilingkis
sa daanang gumagalaw
ngunit 'di kumikilos
isang sasakyang ahas
hindi nagbabagong ruta
ngunit iba-iba ang punta
ng mga pasaherong
sa kanyang bisig
nagdarasal
sumisiping
at umiibig
tayo'y lunsod ng mga tula
lata-latang bubong
delatang de-gulong
yero-yerong titik
nagwawangis
sumasabay sa agos
ng mga humahakbang
na salitang tumatangis
nang nakangiti
gumuguhit
kahit walang tinta
nagmumura
kahit nananalangin
dahil sa lunsod ng mga tula
bawat tula'y
hindi naman tula
kundi sinatitik
na himala
Kulukulubot
Kay haba niyang babà
Kukulukulubot
Nakatatakot
Ayaw ko sa mapakla
Kahit mapait
O maalat
Ay, ay puwede
Di bale sa maasim
Na suka at manggang hilaw
Panggising sa natutulog
Kong umaga
Di na bale kung matamis
Silang dumugin ng mangá langgam—
pula man o itim
Takbo
Ayan na si Ampalayá
Tumakbo na
Ayaw ko niyan
Hinding-hindi masaya si Ampalayá
Ampalayain ako
Kulukulubot
Kay haba niyang babà
Kukulukulubot
Nakatatakot