Sanga-sangang Sanaysay 

Iisang Pintig

ni Arlan Manalon Camba


         Nobyembre bente kuwatro, dos mil disinuwebe, nang ako ay tuluyang mapasakanya.  Panahon ito na limang buwan na ang nakakalipas mula nang magbabang luksa siya sa pagpanaw ng kanyang ama at halos apat na buwan bago isalang sa kuwarantina ang buong Maynila at NCR dahil sa pandemya.

         Nakilala ko siya sa gitna ng kanyang mga personal na trahedya. Pinagtagpo kami sa panahong pinangingibabawan siya ng lungkot, takot, pangamba, pag-aalinlangan, ng kawalang katiyakan at higit sa lahat, ng kamatayan…

         Nang araw na iyon, halos tatlong buwan na akong nakatengga sa kasa.  Malungkot, madilim ang kasa.  At nagtatanong na ako kung ano na ang aking katuturan? Ano na ang aking silbi? Ano na ang aking halaga; kung wala man lamang makapansin sa payak at simple kong katangian na maaaring magpasaya at magpangiti sa sinumang gugusto sa akin.  Alam kong hindi ako maaaring pumantay o makahihigit sa aking mga kauri.  Batid ko na wala sa aking mga katangian at ispesipikasyon ang hinahanap ng maseselan at mapanuring panlasa ng mga pumaparoon at pumaparitong mga parokyano.  Kung ihahanay ako sa maraming pagpipilian; ang katulad ko ang huling pipiliin.  

         Ang totoo, nakakabahala at nakakababa ito ng kompiyansa at tiwala sa sarili.  Masakit na hindi ikaw ang first choice; laging second, third o fourth choice kaya!  Pero lagi kong iniisip na laging may dahilan ang lahat-lahat.  Ang katangian na mayroon sila na wala ako ang nagpapakita na ako ay hindi ordinaryo.  Ang pagiging karaniwan sa kulumpon nang maraming pinagpala ay espesyal.  Ang kakayahan na tanggapin at yakapin ang mga katangiang wala ako ang pinagkaiba ko sa lahat!

         Kaya nang malaman ko, na sa dinami-dami ng puwedeng mapagpipilian, at ako ang kanyang napusuan ay walang pagsidlan ang aking kasiyahan!  Hiindi na importante kung ako ang kanyang first choice (na alam ko namang hindi ako).  Ang mahalaga ay ako ang pinili! Second, third o fourth choice man ‘yan; ang importante ay may nakapansin sa akin.  Lalo lamang tumibay ang aking paniniwala na ako ay espesyal.  Lalo lamang lumakas ang loob ko na ako ay kakaiba at unique sa kulumpon ng mga karaniwan.

         Ano ba ang panama ko sa ganda at itsura?  Hindi ako head turner na kagaya ng iba.  Hindi ako ang tipong susundan mo ng tingin kapag dumaan na sa kalsada.  Maliit lamang akong tingnan; hindi bulky.  Wala akong maipapangakong bilis.  Hindi impresibo ang aking lakas.  Sa 110 cc na displacement ng aking makina; hindi ako puwedeng ipangarera.

         Sapat lang ang maibibigay kong lakas. Husto lang ang maibibigay kong bilis.  Huwag mo nang hanapin sa akin ang hindi ko maibibigay.  Ngunit kung matututunan mong makuntento sa kung ano ang mayroon ako; pangako… hinding hindi kita ipapahiya!

         Aaminin kong sa simula ay mayroon pa rin akong pag-aalinlangan.  Ngunit nang ibigay na niya ang paunang bayad na kalahati ng presyo ng aking kabuuang halaga, at pumirma sa ilang papeles na siyang rekisitos sa napagkasunduang moda ng pagbabayad; maiksi lamang ang isang taon upang tuluyan akong mapasakanya…

         Sa labingdalawang buwan na walang palyahang paghuhulog, malulubos ang kanyang pag-aari sa akin.  Maaangkin niya akong kanyang-kanya.  Isang bagay na makinang ang silbi ay sinusukat sa ibinibigay na pakinabang.  At ano ang aking silbi?  Hanggang saan at kailan ang maibibigay kong pakinabang?

         Malaki ang aking agam-agam na baka hindi ko maibigay ang kanyang ekspektasyon; na baka ang aking pakinabang ay hindi makasasapat para tugunan ang kanyang mga hinahanap; na sa huli ay mauwi lamang sa wala ang lahat.  Ayaw kong matulad sa mga kauri kong na-trauma dahil tuluyang nahatak!  Ayaw kong mahatak!  Ayaw kong bumalik sa madilim at malungkot na kasa; at maging katulad ng iba; isang segunda manong makina na sa maiksing panahong pinakinabangan ay hindi na hinulugan.  Ibinalik sa kasa ngunit kinatay ang mga piyesa.  Ninakaw at inumit ang mga bahagi.  Ito ang pinakamalungkot na katotohanan sa mga bagay na isinasauli… na hindi na tayo ang dati; na hindi na tayo ang dating buong-buo…!

         Mapangwasak ang hindi nagpapahalaga.  Delingkuwenteng aksyon ang tumalikod sa mga responsibilidad.  Kaya sa simula pa lamang ay dapat maging malinaw na ang bawat intensyon.  At ano ang kanyang intensyon sa pagpili sa akin?

         Nang ipalagok sa akin ang isang litrong unleaded gasoline ay halos hindi ito nangalahati sa aking sikmura.  Sobra sa apat na litro ang kapasidad ng aking tangke.  Naka-center stand ako ng mga oras na iyon.  Nailagay na ng nakatalagang mekaniko ang aking baterya.  Nang iabot sa kanya ang susi, naramdaman ko ang magkahalong kaba at pananabik sa kanyang mga kamay at daliri.  Tensyonado, ngunit maingat at marahan niyang naipasok ang susi sa susian.  Isang pihit pakanan at umilaw ang panel board.  Ramdam na ramdam ko ang pagdaloy ng malakas na kuryente sa aking mga ugat.  Isang napakalakas na mulagat ng buhay ang aking naramdaman.  

Umilaw ang head light, umilaw ang park light, umilaw ang tail light.  Una nang hinawakan ng kanyang kaliwang kamay ang aking handlebar.  Itinulak ng kanyang kaliwang hinlalaki ang switch ng pakaliwa at pakanan.  Umilaw ang arrow sa may panel board ng left and right; indikasyon na umiilaw ang mga signal lights. Ilang beses pa niya itong inulit-ulit; kaliwa-kanan, kaliwa-kanan, kaliwa-kanan.  Pagtitiyak na walang palyado sa mga ilaw.  Pinindot ng kanyang hinlalaki ang buton ng busina, sumilbato sa loob ng kasa ang kulob na ingay.

At saka siya sumampa sa akin.  Naramdaman ko ang paglapat ng kanyang puwitan sa aking likuran. Naramdaman ko ang bigat at ang sentro ng gravidad.  Lalo na nang hawakan na ng kanyang kanang kamay ang kanang bahagi ng handle bar.  Ramdam ko ang tensyon ng kanyang mga palad.

Mula sa sentro ng aking pagkakatayo, dumiin ang pagpiga ng kanyang kaliwang kamay sa likurang preno; kasabay ng pagdiin ng kanyang kanang hinlalaki sa push and start button.  Lumikha nang mahinang garalgal ang aking puso.  Bumibilis-bumibilis ang pintig at tibok ng maselang bahagi ng aking makina.  At nang dahan-dahan na niyang pigain ang throttle, naramdaman ko ang unti-unti at dahan-dahan na pag-angat mula sa aking sikmura ng nilagok kong unleaded.  Lumikha ito ng init sa aking dibdib.  Nagpatuloy siya sa pagpiga sa throttle; at ang init ay nag-apoy at saka nagliyab hanggang sinunog na ng aking makina ang nilagok kong gasolina.  

Binitiwan ng kanyang kaliwang kamay ang likurang preno habang pumipiga ang kanyang kanang kamay sa throttle. Ang nasunog na gasolina ay naging enerhiya.  Lakas itong nagpatakbo sa aking buong mekanismo.  At naramdaman kong umiikot na ang gulong sa aking likuran.  Bumibilis ito kapag pinipiga niya ang throttle.  Habang papainit nang papainit ang aking dibdib niluluwa naman ng tambutso ang malutong na ingay ng nalutong gasolina sa aking baga.

Iniangat niya ang kanyang dalawang paa.  Inilapat ang mga ito sa harapang bahagi ng aking katawan. Pinakiramdaman ko ang kanyang bigat.  Sa timbang kong humigit-kumulang na siyamnapu at limang kilo at sa bigat niya na sa tantiya ko ay lagpas lamang ng walong kilo sa isang kabang bigas, umaakma ang aking bigat sa kanyang bigat.  Kahit ako ay naka-center stand at hindi lumalapat ang aking hulihang gulong sa lupa, dama ko na kayang-kaya ko siyang buhatin.  Umaakma ang aking sukat at bigat sa kanyang bigat at sukat.

Sa haba ko na isanglibo walong daan at limampu’t anim na milimetro; sa lapad kong anim na daan at animnapu’t anim na milimetro; sa wheel base ko na may isanglibo dalawang daan at limampung milimetro at sa ground clearance ko na isangdaan at apatnapu’t anim na milimetro at sa taas niyang halos limang talampakan at limang pulgada; kayang-kaya ko siyang dalhin kahit saan; kayang-kaya niya akong paharurutin saan man niya gusto.

Minsan, wala sa salita ang pagpapakita ng intensyon.  Ang pisikal na katangian ng bawat isa ay sapat na para makita ang motibo para gustuhin ka at piliin.  Sa kaso ko, nararamdaman ko ang tapat niyang intensyon sa sumatutal ng aming sukat at bigat.  Bubuhatin ko siya, patatakbuhin niya ako!  Sa pag-aakma ng aming katangian, naroroon ang balanse.  Kaya nga, kahit hindi pa lumalapat ang aking hulihang gulong sa lupa at ibaling-baling niya nang pakaliwa at pakanan ang aking handle bar, alam kong kayang-kaya niya akong pasunurin at dalhin sa kung saan.  

At sapagkat, umaangkop at lumalapat ang aming mga sukat at bigat; sapat na ang aking bilis at tulin saan man kami makarating. Ito ang klase ng relasyon na ang intensyon ay nakabalanse sa igting at hangaring marating ang gustong mapuntahan.  Hindi usapin kung malapit man o malayo, hindi usapin kung mabagal o mabilis; ang mahalaga ay iisa ang aming pintig. Masaya; maligaya sa karanasang ibinibigay ng bawat paglalakbay. Wika nga; “It is not all about the race, it is all about the journey.”

Mga Danas ng Likas na Taratitat

ni Sara Mae San Juan-Robin


     “Iabot mo ang bayad natin” sabi ni Nanay. Kukunin ko ang iniabot niyang bente pesos. Sakto na iyon sa dalawa at hindi na kumibo ang drayber.

         “Ang hirap lang po talagang sumakay pag ganitong may welga, pero may pasok pa rin po kami,” pagdurugtong ko sa kuwentuhan namin. “Ako siguro, kapag ganyan, hindi ko na papapasukin ang apo ko,” pasya naman ni Nanay. Sasagot pa sana ako nang bigla siyang naalerto at sumigaw ng “para”. Mabilis kaming nagpaalaman at nagpasalamatan. Hindi ko na muling nakita o nakasalubong si Nanay. Ni hindi ko siya kilala. Nadaanan ko siya sa may tapat ng ngayon ay tanggapan ng DSWD sa may San Miguel, malapit sa Mataas na Paaralan ng Victorino Mapa na pinapasukan ko bilang estudyante noong mga panahong iyon. Nagtataka siya kung bakit walang dumadaang dyip na may rutang dadaan sa kanila at nagpasya siyang tanungin ako. Ipinaliwanag ko naman na kaya nagkagayon ay dahil may welga at sarado ang Mendiola. Dahil madadaanan ko rin naman ang lugar kung saan siya bababa, inaya ko si Nanay na sabay na kaming mag-abang ng dyip. Sa dulo, nakalibre ako ng pamasahe sa matanda, at sa palagay ko naman ay natulungan ko siya at nalibang saglit sa aming pag-aabang.

         Likas na bahagi na ng buhay ko ang pagiging madaldal; may modo naman ako pero wala akong hiya. Hindi ko na rin alam kung paano pero maaga kong natutunan kung kailan at saan angkop na maghiya-hiyaan para magpakita ng paggalang. Ginagawa ko naman at matagumpay akong nakapagpapakita ng pagkakaroon ng modo, pero sa loob-loob ko rin lang, hindi talaga ako mahiyain. Siguro, malaki ang koneksyon nito sa palagian kong pananatili sa ospital noong bata pa ako. Hindi ako sakitin, sa halip ay palagian lamang akong nakatambay sa mga sala ng mga pribadong klinika ng mga doktor na pinagsisilbihan ng tiyahin ko bilang sekretarya. Mula sa edad na tatlong taon, naging libangan kong maging libangan ng mga buntis na kinakantahan ko at tinatanong ng “ilang buwan na po kayo?” Kapag pedia naman ang nakasalang, kala-kalaro ko ang mga batang kokonsulta o di kaya ay magpapabakuna. 

         Madali rin akong nakilala ng mga doktor at nars sa paligid. Imbitado akong palagi sa mga kasiyahan, lalo kapag Pasko, at hindi lamang basta kumbidado kundi parte pa ng programa. Kamakailan lang ay ibinigay sa akin ng tiyahin ko ang koleksyon ng mga larawan ko noong bata pa ako. Tawang-tawa ako sa mga nakita ko, talaga palang napakawalang hiya ko? Nariyang ako ang mamuno ng panalangin o pambansang awit, mag-intermission number, bumuhat ng titik R o A na bumubuo ng Ave Maria sa Flores de Mayo, bumunot ng mga numero o pangalan sa Monito Monita, at kung ano-ano pang bagay na hindi basta-bastang gagawin ng batang mahiyain.  Nagkaroon pa ng pagkakataong namuno ako sa pag-awit at pagmuestra ng Jubilee Song habang suot ang sumbrerong karton na kahugis ng sa Santo Papa at sinasabayan ng mga back-up dancer kong pawang mga nars. 

Lalo pa akong nasangkot sa kung ano-anong kadaldalan nang mag-aral na ako. At bagaman nasa pampublikong paaralan kami, malakas ang presensya ng Simbahan doon kaya sa amin hinuhugot ang mga miyembro ng koro at tagabasa sa mga misang pambata. Dito ko natutunan ang sining ng madamdaming pagbasa at kung paano magtunog mabait sa pamamagitan ng pagkontrol sa bilis at lambing ng boses. Pero hindi pwedeng masyadong maarte, ha? Bukod pa sa mayayamot ang mga nagsisimba kapag masyadong matagal ang basa, hindi puwedeng mas magaling pang bumigkas kay Father ang sinumang mambabasa. Lagi ko ring ipinaaalala sa sarili na hindi naman ako ang star dito kundi ang Diyos!

Nagdalaga ako nang hindi pa rin nahihiya; matabil pa rin, masalita. Matik nang ako ang pambala sa mga patimpalak ng pagbigkas ng tula at talumpati, maging sa mga debate at palabas pang-entablado. Kahit nga hindi ako mahilig sa agham ay ako ang tagadepensa ng mga pananaliksik namin. Ganoon pa rin naman hanggang kolehiyo, dinala ko hanggang magtrabaho. Naaalala ko tuloy ang isang pagkakataong nag-apply ako sa isang kolehiyo. Pagkatapos mag-exam at pangkatang panayam ay sinabihan kami ng HR na may panayam pa muli sa hapon, kaya kumain muna at bumalik ng mga 1:30. Ayoko namang kumaing mag-isa kaya kaagad kong nilapitan si Christian, isa sa mga kasabayan ko sa pangkatang panayam.

“Hi Christian! Sabay tayong mag-lunch!”

“Okey, pero linawin ko lang ha. Bakla ako...”

Hindi ko rin alam kung anong pumasok sa hinagap niya para isiping tipo ko siya, pero para mabilis na lang kahit tunog mapanghusga ay kaagad ko siyang sinagot ng “alam ko”. Maghapon kaming magkasama at nagkuwentuhan tungkol sa mga lalaki. Tuwing may dadaang gwapitong estudyante ay naghuhulihan kami ng mata ni Christian at mahinang hahagikgik. Lalo pa kaming nagulat nang malamang nanggaling kami sa parehong kompanya bagaman hindi direktang nagkatrabaho. Nagsabay rin kami pauwi at simula na sana iyon ng matalik na pagkakaibigan, kaso marahil sa harot namin ay kapwa naman kaming hindi nakuha bilang mga guro sa paaralang iyon. 

Ano’t ano man, hindi mapipigil ng kawalang kaalaman sa isang wika ang pagiging madaldal ko. Maaari rin sigurong lumalabas sa balat ko ang pagiging madaldal. Katulad na lamang ng naging danas ko sa isang onsen (sauna) sa Tokyo noong Pebrero 14, 2019. Marahil napansin niya na banyaga ako at nabasa niya sa mga mata kong mapangmasid na hindi ako pamilyar sa lugar, kaya naman nilapitan ako ng isang may edad na babaeng nagngangalang Takako. Kapos ang Ingles niya, karampot ang Nihonggo ko pero nagawa niyang ituro sa akin ang paggamit ng mga pasilidad ng onsen. Kung hindi dahil sa kaniya ay baka 30 minuto lamang ang itinagal ko doon, pero dahil naituro niya sa akin na ang gripong nakatingala ay dinadaluyan ng inuming tubig ay nalabanan ko ang panunuyo ng lalamunan at nakapanatali sa loob nang mas matagal. Nagkabahaginan din kami tungkol sa aming pamilya, at sa sobrang mapang-ampon ni Takako-san ay ipinahiram niya sa akin maging ang labakara niya. Nais niya pa sanang isama ako palabas ng onsen (para uminom o kumain marahil) ngunit ipinaliwanag ko na naroon ang aking koibito (kasintahan) sa lugar ng mga lalaki at naghihintay. Natawa na lamang siya at nagwikang “Valentine, hai, go,go” at naghiwalay kaming mabuting tomodachi.

Kung minsan, nagugulantang na lang sa akin ang asawa ko. “Kilala mo ba yun”, lagi niyang tanong sa akin dahil sa bawat puntahan daw namin ay tila may kakilala ako. Para siyang bago nang bago gayong alam niya na napakadali kong gumawa ng bagong kakilala. Tulad ng minsang pag-uwi ko galing palengke:

 “Ang ganda ng barong ng kapitbahay, pasadya ang design. Walang manggas eh, tapos nakatali lang ang magkabilang gilid. Ang ganda pati ng kulay, umbro magenta-fuschia-baby pink. Tapos itim ang pang-ilalim, pati sapatos terno. Kaya pala ganoon, ipinasadya niya dahil nasunog ng kasambahay ang dating manggas.”

“Bigla na lang nagkuwento sa iyo ang kapitbahay kung bakit ganoon ang suot niya?”

“Hindi. Tinanong ko.”

Napailing na lang sa akin ang asawa ko. Kung tutuusin, sa kaniya naman ako mas nagtataka kung paano niya natatagalang makasabay ang isang tao sa pagsakay sa elevator nang kung ilang palapag nang hindi man lamang ngumingiti o bumabati. Talaga yatang tinadhana kami: isang taratitat at isang di-maimikin. 

Nang tumatanda na ako, napansin kong maraming kuwentong paulit-ulit kong ikinukuwento sa mga bagong nakikilala. Mga karanasan sa trabaho sa telebisyon, sa pagtuturo, mga aralin at konsepto, mga bagong proyekto, at/o mga reaksyon sa mga napanood o nabasa. Interesante naman ang mga kuwento, madalas pa ay nakakatawa; pero ang mga ito ay pawang mga kuwentong ligtas ikuwento. Sa pagtanda ko kasi, napuno ang sisidlan ko sa gunam-gunam ng mga kuwentong hindi ligtas ikuwento. Mga pinakaiingatang lihim, mga pagkakamali, mga kuwentong magbibigay daan para mahusgahan ako. Kinimkim ko ang mga ito, ibinuro at itinangkang ibudbod sa panulat ko. Nang hindi magkaboses ay sinubukan kong ihalo sa timpla ng pintura. Ngunit hindi pa rin sapat ang lahat ng ito kaya sa wakas ang taratitat ay bumili na ng kausap. Nang matapos ang unang sesyon ko sa counseling ay napaisip ako: kung akong ngang likas na walang hiya ay may mga kuwentong hindi mailabas, paano pa kaya ang mga mahiyain at hindi maimikin? Doon ko naisip na marahil, isa sa mga misyon ko sa mundo ay makipagkuwentuhan hindi na upang may makarinig sa akin, kundi para ako naman ang makinig sa iba. May mga taong hindi mabilis na magbukas ng loob pero sa bisa ng kapangyarihan ko bilang isang taratitat, maihehele ko sila sa isang komportableng disposisyong makapagbibigay daan sa pagbubukas ng loob nila. Kayabilang pangwakas, nananawagan ako sa mga katulad ko: sama-sama nating gamitin ang ating taratitat powers para sa ikababawas ng mga problema ng mundo. 

Sapagkat Kay Kipot ng Mundo

ni Mark Anthony S. Salvador


    Bahagya pa akong nagulat nang madaanan ko noong Hunyo sa Instagram ang trending na IG story na nagsasabing nasa kalahati na tayo ng taon, at nagsasabi sa Instagram user na magpaskil din ng collage ng anim na retrato—isang retrato sa kada buwan—bilang pagbabalik-tanaw sa nagdaang anim na buwan. Parang tatlong linggo pa lang ang nakakaraan mula nang mag-2022.

Noong Agosto ng nakaraang taon, nakakadama ako ng pitik ng lungkot at galit tuwing nadaraanan ko sa newsfeed sa Facebook ang meme na may retrato ni Jose Mari Chan na kumakaway, at nagbibiro na ilang araw na lamang ay paulit-ulit na naman sa mga stereo at radyo ang “Christmas in Our Hearts.” Naiinis akong isipin noon na papasok na ang Christmas season, gayong parang kakasimula lang ng 2021.

Lampas dalawang taon na ngayon ang lockdown. Lampas dalawang taon na akong nasa modang online class at work from home. Marami namang positibong dulot ang modang ito. Una, at pinakaikinatutuwa ko, hindi ko na kailangang magbiyahe. Malamang na ito rin ang pinakanagustuhan ng karamihan. Kay hirap mamasahero sa Kamaynilaan. Mas mahirap pa ang pagkokomyut kaysa sa mismong trabaho. Kay laki ng kinukuhang oras at lakas. Pangalawa, tipid sa gastos. Hindi kailangang gumastos sa pagkain at pamasahe. Pangatlo, tipid sa gayak. Ang isinuot mo sa isang Zoom meeting ay puwede mong hubarin agad, at isuot ulit sa miting kinabukasan. Ikaapat, mas madaling mapangasiwaan ang oras. Noong huling mga buwan ng 2021, sa tatlong eskuwelahan ako nagtuturo, nag-enrol ng siyam na yunit sa doktorado, at may anim na teaching preparation. Pero kinaya ko dahil sa sistema ng online class. Hindi kailangang magbiyahe. Puwede ang pre-recorded lecture video at maiksing pagsusulit. Hindi naman kailangan—at hindi dapat—na laging synchronous session.

Ngunit mas matimbang sa lahat ng ito ang isang masaklaw na negatibong epekto ng pandemya sa mga gaya kong nasa Kamaynilaan—ang mapiit sa kay kipot na mundo.

Noong Oktubre 2020 na kahigpitan ng lockdown, nagpadala ng retrato sa group chat naming magkakamag-anak ang pinsan kong nasa Nueva Ecija. Iyon ay larawan ng dapithapon sa ilog. Tumatama sa rabaw ng tubig ang liwanag ng araw, at ibinabalik ng ilog ang liwanag. Pagkakita ko sa retrato, natanong ko ang sarili ko. Kailan ko ba huling napagmasdan ang rikit ng paglubog ng araw? Bago pa ba magkapandemya? Nang panahong iyon, ilang linggo na akong hindi lumalabas ng bahay. Ang tinitirhan namin sa Valenzuela ay murang pabahay. Dikit-dikit ang mga bahay. Kung durungaw ako mula sa third floor namin, ang makikita ko ay mga dingding, bubong, at makitid na eskinita. Ramdam kong nakapiit ako.

Ambivert ako. Masaya ako sa pag-iisa. Ngayong may pandemya, nagagawa ko ang mga bagay na gusto kong gawin. Nakapagsusulat ako ng personal kong mga proyekto, nababasa ang gusto kong mga libro, nakakapanood ng mga pelikula at dokumentaryong pampelikula, nakapag-aaral, at nakapaglalakad. Sa maiksing sabi, bukod sa pagiging masaya ay produktibo rin ako. Ngunit masaya rin ako tuwing kakuwentuhan ko ang matatalik kong kaibigan, tuwing nakabibisita ako sa ibang lugar, tuwing nakakasalamuha ko ang gusto kong mga tao. Hindi naman ngunit nasasayahan sa loob ng bahay ay lagi na lang dapat na nasa loob ng bahay.

Sa haba ng panahong wala ang nakasanayang mga interaksyon, napansin ko ang mga epekto sa akin. Minsan, madali akong mainis. Kung anu-anong bagay rin ang naiisip ko. Madalas, gusto ko lamang humiga, at mag-scroll nang mag-scroll sa cellphone. Abril 2021 nang mag-trending ang artikulo ng New York Times na “There’s A Blah For You’re Feeling: It’s Called Languishing” na nagpapaliwanag sa kawalan ng gana sa panahon ng pandemya sa lente ng sikolohiya. At tinatawag nga raw itong “languishing.” Sang-ayon kay Adam Grant na sumulat ng artikulo, ito raw ang magiging dominanteng emosyon ng 2021. Ngunit para sa akin, hindi ito dominanteng emosyon sa 2021 lang, kundi maging sa 2022 at sa darating na mga taon, hanggang hindi bumabalik ang nakasanayang interaksyon.

Dahil sa pagkawala ng nakasanayang mga interaksyon, laksang pagkakataon ang nasayang. May mga pagdiriwang na hindi nadaluhan. May mga pagdamay na hindi naipaabot. Naging mapanglaw ang kulay ng mundo.

Nanghihinayang ako na nagtapos ako ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman, matapos ang walong taong pag-aaral, nang birtuwal lamang ang graduation. Namayapa ang lola ko nang sumunod na taon, at hindi man lamang siya nakaluwas para ipagdiwang ang aking pagtatapos. May retrato sana kami sa mga mirasol sa university avenue. Kay dalas pa naman niyang itanong noon kung kailan ba ako magtatapos ng masterado. Nakakapanghinayang na hindi ko man lamang nakita nang personal ang mga naging estudyante ko. Nakakapanghinayang na hindi face-to-face ang mga klase ko sa doktorado. Ang kuwentuhan pa naman bago at pagkatapos ng kada klase sa paaralang gradwado ay anyo ng pahinga. Nakakapanghinayang na hindi man lang ako nakadalaw sa lamay ng matatandang mahal sa buhay na yumao sa panahong kahigpitan ng lockdown. Nakakapangulila ang mga araw na sa pagdating ko sa faculty room ay may mga tao akong makakakuwentuhan. Nababawasan ang bigat tuwing naibabahagi natin ang inis natin kahit mula sa karaniwang mga bagay, gaya ng pagiging huli sa klase bunga ng bulok na sistema ng pampublikong transportasyon. Hindi gaya ngayon na ang mga himutok natin ay naiipon sa atin lamang, bumibigat, kaya minsan ay ating ikinasusubsob.

Malaking salik ang alaala sa pagharap natin sa bawat kasalukuyan. Sa pamamagitan ng magagandang alaalang nababalikan natin, nagiging mas matatag tayo. Gagap na gagap ko ito, kaya nga kay hilig kong magdyornal at mag-ipon ng mga retrato, gaano man kakaraniwan ang ipinipreserba kong mga saglit.

Hulyo na. Ilang linggo na lamang, magpapaulit-ulit na naman sa ere ang kanta nina Jose Mari Chan at Mariah Carey. May masasayang alaala namang naipon sa pagkapiit na ito, ngunit sa akin, hindi nito matutumbasan ang mga nawala sa aking pagkakataon. Mistulang magkakamukha ang kada araw kaya minsan ay nakalilito na kung anong araw na ng linggo. Nag-iba rin ang persepsyon natin ng oras. Mistulang bumilis ang panahon dahil kay unti ng ating nararanasan. Nagugulat pa ako minsan na gabi na, gayong parang kakasimula lang ng aking araw. Ipinagkait sa atin ng inutil na tugon-kontra-pandemya ng rehimeng Duterte ang mga interaksyon at selebrasyon, kaya nagmistulang kay bilis ng panahon.

Sa kabila ng mga buti ng work from home, pipiliin ko pa rin ang trabahong may pisikal na presensya, mas magastos man at mas nakakapagod. Sapagkat gusto kong mas madama ang búhay, gusto kong lumaya sa kay kipot na mundo. Sa ngayon, ang magagawa ko ay patuloy na isatinig ang mga puna at mungkahi ko para sa matinong tugon-kontra-pandemya.

110 V

ni Arnold Tristan L. Buenaflor


            Bumalik ako ng Baguio noong Pebrero ng taong 2023. 

Sa Aurora Hill ako nakahanap ng dorm. Ang Aurora Hill ay isa sa huling barangay na sakop ng lalawigan ng Baguio. Noong unang araw ko sa dorm, nalaman ko na hindi pala ako makakagamit ng mga appliances na dinala ko dahil 110 lang ang voltage dito.

         “Kinakabahan ako na na-eexcite.” Banggit ko kay Leonard, ang aking live-in partner sa Batangas.

         Kabisado ko pa naman ang Baguio. Dito ako nag-aral ng apat na taon simula 2015 hanggang 2019. Alam ko na hindi mapagkakatiwalaan ang langit sa Baguio, alam ko na dapat laging may dalang payong, alam ko ang bawat cafe na may free wifi at free charging, alam ko kung saan may pinakamurang samgyupsal, alam ko rin ang kasaysayan nito: kung paanong kalakhan ng Porta Vaga ay pagmamay-ari ng Baguio Cathedral, mga kontribusyon at relasyon ni William Henry Scott sa mga pambansang demokratikong organisasyon sa rehiyon, sa tingin ko naman alam ko ang mga importanteng dapat malaman tungkol sa Baguio.

         Kahit na sa baba ako nanggaling. Kahit na hindi ako Igorot. Kilala ko ang Baguio.

         Ito ang paulit-ulit kong binabanggit kay Leonard. Ito rin ang binabanggit ko sa sarili ko hanggang sa mapaniwalaan ko na kilala ko pa naman ang Baguio.

         Pero, hindi ko alam kung kilala pa rin ako ng Baguio. Ha, kilala pa kaya ako ng Baguio?

         Dinamdam kaya nito na sinayang ko ang buong panahon ko, noong estudyante ako, sa mga maling tao? Sa mga maling pagkakataon? Galit kaya ito dahil hindi ako tumulong nang buong tapang at lakas sa mga panahong inimbitahan ako ng mga kasama sa pakikibaka na lumahok sa mga pagkilos?  Pagkilos laban sa iligal na pagputol sa mga puno ng pino, pagkilos para labanan ang mga pamamasista ni Duterte noon sa rehiyon. 

         Pero sana, maalala rin ng Baguio ang aking mga pagluha at pagbiyak ng puso.

         Habang nag-iimpake, tumabi sa akin si Leonard at pinisil-pisil ang aking kamay.

         “Kung may mga pagkakataong maalala mo sila, hayaan mo lang sarili mo umiyak. At, kung kaya, paalalahanan ang sarili na hindi mo na buhay ang buhay mo noong estudyante ka.”

Mahal na mahal ko si Leonard. Alam niya lagi mga sasabihin sa akin. Alam niya rin kung kailan ko gusto mapag-isa at kung kailan ko gusto ng karamay. 

Alam niyang kailangan kong umakyat at manatili sa Baguio ng ilang buwan mag-isa. Kailangan ko harapin ang Baguio nang mag-isa.

 

Umakyat ako ng Baguio noong 2015 nang buo ang pagkatao. (Ito ang gusto kong paniwalaan). Alam ko kung sino ako: anak ng Diyos na ang gawain ay “to Follow Christ and Make Disciples”. Pamilyar siguro ito sa lahat ng mga lumaki sa mga Born-again Mega Churches. Mahal ko ang Diyos. Tagos na tagos sa puso ko nang unang marinig ang Mabuting Balita na si Hesus ay bumaba at ipinagpalit ang Langit para sa aking puso. 16 na anyos ako noon. Isang maliit na lalakeng tinalikuran ang pagiging full-time campus missionary sana para pasayahin ang aking ina na magtapos ng pag-aaral.

“Gusto mo pala mag campus missionary eh ba’t pa kita pinag-aaral? Ba’t ka pa mag U-UP? Ba’t ka pa sa Baguio?” Galit na galit na sigaw sa akin ni mommy noon.  Hindi ko maintindihan ang galit niya noon. Sa isip ko kasi, para sa Diyos naman ang gusto kong gawin. Hindi naman ako nagbibisyo, hindi naman ako batugan, at mas lalong hindi rin naman ako pabaya sa pag-aaral. Lalaban pa sana ako pero naalala ko ang turo na “Pagsunod sa Diyos ang pagsunod sa hiling ng magulang.”

Umakyat ako ng Baguio na malungkot pero buo ang paninindigan. Alam ko ang mga sabi-sabi tungkol sa UP: maraming atheist, maraming ligaw, at maraming mga matatalino. Sabi ko sa Panginoon, kahit ano’ng mangyari ‘di ko Siya tatalikuran.

Lalo na pagdating sa kasarian ko. Bakla ako. Alam ko ito bata pa lang. Alam ko rin na dapat ito’ng pigilan. Noon.

Pasasalamat ko sa Amnesty International Philippines, Bahaghari Metro Baguio (ako ang founding chairperson nito noong 2018), at League of Filipino Students, unti-unting lumawak ang lebel ng aking kamulatan at noong August 27, 2017, nag-out ako sa Facebook. 

Noong umaga ng 27, pumunta ako sa Sunshine Park upang mag-prayer walk at ipaalam sa Diyos na tinatanggap ko ang aking pagkabakla. Saksi ang mga halamang nakatanim sa Sunshine Park sa internal na kontradiksyon at cognitive dissonance na nagpaluha sa akin. Buti na lang at palaging busy ang mga estudyante sa Park ng pag-ensayo ng kanilang mga sayaw at kanta; ‘ di nila ako napansin. Napakapayak ng araw na iyon, hindi ko kinailangang romantisahin ang hamog ng Baguio at mga pino nito dahil sa unang pagkakataon, nakahinga ako nang matiwasay.

Hanggang sa makatanggap ako ng mga mensahe sa Facebook. Dalawang uri ng mensahe: isa mula sa mga kasama ko sa simbahan at ang isa naman ay mga lalakeng lumalandi sa akin. 

Mula sa “Have you forgotten the Lord” hanggang sa “I always found you cute”, hindi ko inaasahan ang epekto ng aking magiging pag-out. Kuha ko naman, para sa marami sa aking inner circle, kilala nila ako bilang isang church boy. Alam ko na maraming tumitingala sa akin sa simbahan dahil sa testimonya ko bilang aktibong Kristiyano. Hindi ko namalayan na 90% ng tao sa buhay ko ay mga kasama ko sa simbahan. Noong nag-out ako, ang daming nawala sa aking buhay. Sa pagbabalik-tanaw, sana pala hindi muna ako agad nag-out noong tinaggap ko ang aking pagkabakla. Sana pala naghanda muna ako at nag-obserba. Nagulat rin ako sa mundo ng mga bakla. 

Binayak ng unang dalawa kong nobyo ang aking puso. Ipinakilala nila sa akin ang Jungle Town1, ano ang Grindr, at iba pa. Sabi ko sa Diyos, magiging Kristiyanong bakla ako. Iingatan ko ang aking puso. Maniniwala pa rin ako sa marriage before sex, sa “my first will be my last” na ideals. Hindi maganda ang una kong karanasan sa pakikipagtalik. Sa dorm ko sa Villalon St, Engineers’ Hill una kong naranasan makipagtalik sa aking unang nobyo.Tinakas ko siya noon sa loob ng dorm. Unang beses ko magkajowa, inaya niya ako makipaghalikan. Ganoon pala ang unang halik; ramdam mo ang pamamaga ng iyong labi pagkatapos. Masaya kami hanggang sa mag-aya siyang makipagtalik. Hindi ako pumayag noong una pero nang magbanta siya na aalis na (at mahuhuli ng aking landlady), pumayag ako. Umiyak ako matapos namin, habang natutulog siya. Pakiramdam ko ay namamatay ang taong gusto ko maging. Kalaunan, nadiskubre ko na gumagamit siya ng Grindr. Katapatan din ang aking naging isyu sa ikalawa kong nobyo. Binayak nila ang tiwala ko sa mga desisyon ko. Ninakaw nila ang oras ko sa Baguio buong kolehiyo. Napabayaan ko ang aking mga organisasyon at mga kaibigan. Maski ang hamog at ulan ng bundok, parang hindi na pumapatak sa akin. Tanging luha na lamang na mainit at mapait. 

Mag-isa lang ako noong grumadweyt sa CAP-John Hay noong 2019. Walang kaibigan, walang orgmate, walang churchmate. Samantalang ang mga nagtaksil sa akin ay mahinahon at masayang niyakap ng hamog ng Baguio noong graduation.

Bumaba ako nang Baguio nang durog at hindi alam kung sino ang aking sarili. O kung anong klaseng tao ang gusto ko maging. 

Nagkaroon ako ng trabaho sa Makati dalawang buwan matapos ang graduation. Sa isang opisinang tinuyo pa lalo ang aking kaluluwa. Para ako’ng robot sa pagkamekanikal nang routine ko araw-araw. Babangon, hahabulin ang P2P, bababa sa Greenbelt 5, magsusulat ng FB caption, hahabulin ang P2P, iiyak, matutulog.

Sa pandemya nagsimula ang aking ikalawang buhay. Nagdalawang-isip ako kung ganito ko isusulat ang aking danas sa pandemya. Bumukas ang mga pangalawang pagkakataon para sa akin nang magsara ang mundo: niyaya ako maging Deputy Spokesperson ng Student Christian Movement of the Philippines, nakaipon ako ng lakas ng loob na mag-apply sa Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman, at nakilala ko ang aking asawa na si Leonard sa pakikibaka. At ang huling oportunidad, magturo sa UP Baguio. Sa pamantasan, sa lugar,  kung saan nadurog at nabuo ang aking pagkatao.

Bumalik ako ng Baguio noong Pebrero ng taong 2023.110 ang voltage sa aking dorm.

Sabi ng aking landlady sa Aurora Hill, ganito raw ang mga lumang bahay sa Baguio at La Union dahil mga Amerikano ang unang nagkabit ng kuryente sa mga lugar na ito. Noong unang buwan ko sa Aurora Hill, hindi umaabot ng 90% ang aking cellphone, hindi rin umiinit ang tubig sa heater ko at nananatiling bigas ang aking sinasaing sa rice cooker. 

Buti na lang at naging parte agad ako ng Acad Union namin sa UP Baguio. Tinulungan ako ng mga kapwa ko unyonista. “Legasiya ng kolonyalismo yan.” Sabi sa akin ni Sir Willy, ang aming Union President at mga estudyante nang tanungin sila. Kinailangan kong bumili ng step-up transformer para gumana ang aking mga saksakan sa dorm. Umiyak ako noong unang gabi ko sa Baguio muli. Kinakabahan at masaya. Kinakabahan na baka masayang ko ang pangalawang pagkakataon na binigay sa akin upang bumawi sa mga hamog at pino; mga tao at kaibigan sa Baguio.

Akala ko kilala ko na ang Baguio. Pero hanggang Session Road lang pala ang mapa ng Baguio sa aking isip. Naisip ko, kaya ba napunta ang isang 110V na kwarto sa akin kasi bitbit ko rin ang nakaraan ko? Bakas ng nakaraang pinagdaanan ng Baguio ang mga lugar kung saang nananatiling 110 ang voltage. Ang dami ko pa palang hindi alam.

Anim na buwan na ako sa Baguio. Ayoko manatiling 110 ang voltage ng aking pagkatao. Kaya, dito sa piling ng  pamilyar na hamog at puno ng mga pino, hinahayaan kong kilalanin ko muli, at kilalanin ako muli ng Baguio at ng aking sarili. 

1 Ang ‘woods’ sa Burnham Park kung saan nagaganap ang mga hook-ups. Ang paligid ng Skating Rink sa Burnham.

Ang Ina sa Ina ng Laging Saklolo

ni Eldrin Jan D. Cabilin


Sinalubong nang malakas na ulan ang bisperas na pyesta ng simbahan ng Baclaran. Hindi pa man sumisilip ang araw ay hindi na mabilang ang dami ng tao na sinalubong ang pyestang araw ng Miyerkules upang gawin ang kanilang novena. Mula sa malayo ay nakatutuwang tanawin ang dami ng samu’t saring kulay at hugis ng payong habang papalapit sa pintuan ng dambana. Walang malakas na ulan ang nakapigil sa kanila upang masulyapan ang imahe ng Ina ng Laging Saklolo ng Baclaran. Kanya-kanya sila ng bitbit na rosaryo. Mayroon ding halos gula-gulanit ng babasahing dasalan na pinagtya-tyagaan pa ding gamitin at mabangong bulaklak ng sampaguita na humahalo sa lamig ng hangin kasabay ng walang awat na pagbuhos ng ulan. 

 

Matiyaga akong nakatayo sa tapat ng pintuan ng simbahan habang hinihintay ang mga kaibigan ko. Matagal pa ang paghihintay ko sa kanila kaysa sa oras ng biyahe ko. May halos kalahating oras na rin akong naroon at pilit nilalabanan ang antok. Nauna ako sa simbahan dahil sa aming lahat ay ako ang pinakamalapit dito. May ilan na ngang mula sa pagpasok sa simbahan hanggang sa paglabas ay nadatnan ko na. Pinili ko nang mauna sa pagpasok sa simbahan at doon maghintay dahil ngawet na ang aking binti sa pagtayo. 

 

Pagpasok ay makikita ang namumuong linya ng tao na nais lumapit at humaplos sa dambana. Naisipan kong doon na dumiretso at pumila subalit sa pagod ay pinili ko na lang na umupo habang naghihintay. Sa gilid ako naglakad patungo sa pinakaharap na hilera ng upuan. Nakaagaw ng pansin ko ang natutulog na bata kalong-kalong ng kanyang lola. Ipinagpalagay kong apo niya ito dahil may katandaan na din ang babae. Sa likod nila ako naupo habang nagpapaypay dahil nakaramdam ako ng bahagyang init kahit bukas ang lahat ng pinto ng simbahan. Sa mga oras na iyon ay hindi pa bukas ang bentilador ng simbahan. Paglibot ng aking mata ay may iilan ding kagaya ko ang nagpapaypay sa loob ng simbahan. Pati nga ang matanda sa harap ko ay tila naiinitan kaya paulit-ulit niyang pinaiikot-ikot ang hawak niyang bimpo para magkaroon ng hangin. 

 

Iniabot ko sa kanya ang hawak kong pamaypay upang hindi na siya mahirapan. Nagulat pa nga siya ng iabot ko sa kanya ito. Dali-dali namang napalitan ito ng ngiti kasabay ng kanyang pasasalamat. Sa pagpaypay niya ay siya namang pag-galaw ng bata sa kanyang kanlungan dahil nakaramdam ng kaunting kagihawaan sa hangin kaya mas naging mahimbing pa ang pagkakatulog. Maya-maya ay may tumabi sa kanilang dalawang babae. Alam kong transexual sila sa dami na rin ng kaibigan kong kagaya nila. Idagdag pang sa ganitong oras ang puntahan nila tuwing araw ng Miyerkules upang magdasal sa Ina ng Laging Saklolo. Saglit lang silang lumuhod upang magdasal. Wala pa ngang tatlong minuto silang nakaluhod upang magdasal. Nang mabaling ang kanilang paningin sa katabi ay dumukot ang isa ng salapi mula sa kanyang bag. Hindi ko nakita kung magkano ang iniaabot niya dahil naka bungkos niya itong iniaabot. Ayaw pa nga itong tanggapin ng matandang babae subalit sa huli ay nagpasalamat na lang ito. Sabay alis naman ng dalawa na tila may pupuntahan pang iba matapos ang pagsisimba. 

 

Lumipat ako nang pinagkaka-upuan sa tabi nila. Sinubok kong kausapin ang matandang babae at tinanong kung apo niya ito. May ngiti naman niyang sinabi sa aking anak niya ang bata. Sa pakiwari ko ay dalawa hanggang tatlong taon na ang bata. Nilinaw pa niyang sinabi na anak talaga ito ng iba. Anak ito ng dating naninirahan bilang boarder sa kanyang paupahang kuwarto. Laking gulat ko sa mga sinabi niya subalit hindi ko na ito pinahalata. Sa loob-loob ko ay napakadakila naman niya. Nabanggit pa niyang isa siyang matandang dalaga kaya paano siya magkaka-anak. Hindi niya lubos maisip na darating ang araw na makaririnig siya ng uha ng bata sa loob ng kanyang bahay. Hudyat pala ito para sa panibagong papel niya sa buhay kahit nag-iisa. Hindi naman sila palagiang nag-sisimba ng kasama niyang bata sa Baclaran subalit, ang araw na iyon ay espesyal sapagkat iyon ang araw ng una niyang marinig ang iyak ng bata. 

 

Nagpaalam na ako sa kanila dahil dumating na rin ang mga kaibigan ko. Pinaiwan ko na rin ang pinahiram kong pamaypay sa mag-ina. Sabay-sabay kaming magkakaibigan na lumuhod upang magdasal sa harap ng Ina ng Laging Saklolo. Marami akong nais ihiling at ipagpasalamat sa Kanya sa oras na iyon. Hindi ko magawang sabihin sa isip ko sapagkat malalim kong iniisip ang saglit naming pag-uusap ng babae kanina habang nakatungo ako sa larawan ng Ina ng Laging Saklolo. Mula sa kanyang larawan sa taas ng dambana ay nakita ko ang isang maliwanag na imahe ng ina sa aking nakasalamuha. Isang inang maalaga at masintahin sa kanyang anak; isang inang kayang magsakripisyo para sa kanyang anak; at isang inang kayang sagutin ang tawag ng hamon at pangangailangan sa buhay. Kung paano niya akayin ang batang Hesus sa larawan ay dama ko ang higpit at malasakit nito upang samahan at gabayan tayo sa guhit ng buhay. Ganitong-ganito ko nakita ang larawan ng Ina ng Laging Saklolo mula sa taas ng dambana na kaya niyang bumaba upang ipamalas sa tao ang wagas at dakilang turo – ang magmahal. 

 

Ramdam ko ang pagtulo ng luha sa mata ko gayundin ang pamimintig ng binti sa pagkakaluhod ngunit hindi ito ininda gaya ng tumutulo kong luha. Umupo at nagpahinga ako ng saglit matapos ang matagal na pagkakaluhod. Wala akong dalang tisyu kaya humingi sa mga kaibigan na natawa nang makita akong umiyak. Kinuha ko ang aking selpon at nagpadala ng mensahe sa aking Mama, “Ma, thank you! Kain tayo bukas sa labas.”