1580. Noon lamang nagliwanag
kay Don Juan ang lumipas,
nakilala at niyakap
ang Prinsesang kanyang liyag.
1581. Saka bung pagmamahal
kay Donya Maria’y nagsaysay:
“Ikaw nga, Prinsesang hirang
ang sa nayon ay iniwan.”
1582. “Ikaw nga at hindi iba
ang tangi kong sinisinta,
ang sa aking madlang dusa’y
nakasalo sa tuwina.”
1583. ”Ako ang may kasalanan
sa dusa mo’t kalumbayan,
Kung di kita nalimutan
Gulong ito’y naiwasan.”
1584. “Sa tuwa ko’t katuwaan
ng Hari at Kaharian,
Ang bilin mo’y nalimutan,
Babai’y di naiwasan.”
1585. “Ako ‘ng tunay na may sala
kung sa aki’y may galit pa,
Patawarin ako, sinta’t
Ulitin ko ay hindi na.”
1586. Humarap sa kapulungan
at sa ama’y nagsaysay:
“Amang makapangyarihan,
Dito akon pakakasal.”
1587. Sa nangyari, ang palasyo'y
dinalaw ng bagong gulo,
si Leonorang nakatungo
nagtaas ng kanyang ulo.
1588. "Haring makapangyarihan,
sa amin ay tumatanglaw,
dinggin ngayon ang hinakdal
ng aba kong kapalaran.
1589. "Ngayon ko nga ihahayag
ang lahat ng aking hirap,
pitong taon ngayong singkad
ito'y aking ingat-ingat.
1590. "Si Donya Juana at ako'y
magkapatid na totoo,
angkan nami'y maginoong
naghari sa mga reyno.
1591. "Katutubo sa Armenyang
bundukin man ay masaya,
mga taong tumitira
kabuhayan ay masigla.
1592. "Pagkat kami'y talinghaga
na binuhay ng Bathala,
tahanan ma'y nasa lupa,
tago sa mata ng madla.
1593. "Isang balóng pagkalalim
ang pinto ng bahay namin.
pahugos na papasuki't
sa itaas manggagaling.
1594. "Hagdana'y walang baitang
pagkat balong palas lamang,
lubid yaong hahawaka't
pahulog sa kadiliman.
1595. -Kalaliman ay mahaba
ang dilim ay mahiwaga,
mahihindig sa pagbaba
pag duwag ang magsasadya.
1596. Dito ako natagpuan
ng Prinsipeng si Don Juan
sa kanyang pananambitan
naging kanya yaring buhay.
1597. "Sa sumpa'y naging saksi a
ng magtaksil ay maputi,
anuman nga ang mangyari
sumpaa'y mananatili.
1598. "Minarapat ni Don Juan
ang balon ay aming iwan,
pag-iisa naming tunay
sa Berbanya mapagtibay.
1599. "Sa tahanan naming balon
bago kami nakaahon,
ang Prinsipe'y napasuong
sa labanang malinggatong.
1600. "Ang serp'yenteng may tangkilik
sa ngayon ay nagsusulit,
kinalabang buong higpit
ni Don Juang aking ibig.
1601. "Serp'yente'y may pitong ulo
mabangis na walang tuto,
bago nga napatay ito
ang Prinsipe ay nanlumo.
1602. "Hindi lamang serp'yente
ang hinarap ng Prinsipe,
kinalaban di't naputi
ang malupit na higante.
1603. "Higante ang may alaga
sa kay Donya Juanang mutya.
kundi Diyos ang nagpala
si Don Juan ay nawala.
1604. "Nilisan namin ang balon
kaming tatlo ay umahon,
nang paalis na sa burol
bigla akong napaurong
1605. "Ang singsing kong minamahal
na mana ko sa magulang,
sa palasyo ay naiwan
ang ibig ko'y pagbalikan.
1606. "Nang mapuna yaring hapis
ng Prinsipeng aking ibig
ayaw ko man ay nagpilit
na siya na ang magbalik.
1607. "Nagpahugos na sa balong
matapat sa kanyang layon,
ngunit palad! Haring Poon,
si Don Jua'y naparoon.”
1608. "May sampung dipa po lamang
ang naabot ng katawan
ang taling umaalalay
pinatid na ng sukaban.
1609. "Sa mungkahi ni Don Pedro't
pagsang-ayon ni Don Diego,
ang marangal na bunso n'yo'y
pinagtulungang nililo.
1610. "Sa lalim ng lalagpakan,
ano ang kasasapitan,
di ang siya ang mamatay
at ang balon ang libingan.
1611. "Gaano ang aking luha
at hinagpis sa ginawa!
Yamang siya ay nawala
kamatayan ko'y ninasa!
1612. "Ngunit aking naalalang
baka siya ay buhay pa,
ang Lobo kong dala-dala
sa balo'y inihulog na.
1613. "Lobong ito'y may galing
engkantadong mabagsik din,
ang bilin ko'y pagyamanin
Prinsipe kong ginigiliw.
1614. "Pagkat di ko natitiyak
kung buhay ang aking liyag,
nanumbalik yaong hangad
mautas din yaring palad.
1615. "Pagkat siya'y nasa balon
doon din ako tatalon,
ngunit ito namang buhong
bigla akong dinaluhong.
1616. "Kamay ko ay pinigilan
at ang wikang nangangatal:
'Aanhin mo si Don Juan,
ako'y naririto naman."
1617. "Pabayaan ang wala na't
kayo'y aming isasama,
at pagdating sa Berbanya
gagawin ang kasal nita.
1618. "Kami na nga'y kinaladkad
ng magkapatid na uslak,
luha nami't pakiusap
tinugon ng mga dahas.
1619. "Ano po ang magagawa
ng babae ay mahina?
Haring mahal ay maawa
sa buhay kong kulang-pala
1620. Hari, sa kanyang narinig
ay napoot at nahapis,
poot sa mga balawis
hapis sa nagpakasakit.
1621.Noon di'y inilagda
ang hatol na magagawa
"Sa pangalan ng Bathala
ang nauna ang may pala!"
1622.Nagtindig si Donya Maria
na sa Hari nakamata,
parang tinatanong niya
kung ang hatol ay tumpak na.
1623. Nagsalita..."Pasintabi
sa tanang nangalilimpi,
ngayo'y hiling ko sa Hari
dinggin akong sumandali.
1624. "Di ko ibig na puwingin
ang hatol ng Hari namin,
lamang yaring sasaysayin
ay baka magkapuwang din."
1625. "Sabihin na kung anuman,"
ang sa hari namang agaw,
"kung ikaw yang may
katwiray asahan ang katarungan."
1626. "Kaugnay po ng pahayag
ng natapos na nangusap,
hinggil din po sa pagliyag
ni Don Juan, di man dapat.
1627. "Sa palabas na natapos
kagaya ng inyong talos,
napakingga't napanood
buhay naming magsing-irog."
1628. Hari'y biglang napamata
at ang dula'y naalala,
sa anyo ay kitang-kita
kalooba'y nabalisa.
1629. Sa sarili ay nawaring
hatol niya'y tila mali,
sakali mang mababawi,
di magawa't siya'y hari.
1630. Kaya't nagwala nang kibo
sa maayos niyang upo,
nagkunwaring kinukuro
ang tumpak at hindi wasto.
1631.Anyong hilo'y di nalingid
sa prinsesang nakatitig kaya
ito'y naghumindig sa
tayo't pagmamatuwid,
1632."Itong dula ay hindi ko
ginagawang patotoo,
kung nasambit man dito'y
bahagi ng pagtatalo.