1383. Sa atas ng karangalan

ng angkan ng mga mahal,

minarapat ni Don Juang

sa nayon muna tumahan.

 

1384. Dito muna minarapat

ang Prinsesa ay ilagak,

samantala’y igagayak

ang marangal na pagtanggap.

 

1385. “Kaya ba,” ani Don Juan

sa Prinsesang  kanyng buhay,

“Kita muna’y maiiwan,

huwang sanang mamamanglaw.”

 

1386. “Ako ngayon ay haharap

sa ama kong nililiyag,

upang kanyang matalastas

ang sa atin ay marapat.”

 

1387. “Katungkulan ng palasyo

ang pagsalubong sa iyo

ito naman ay dangal kong

masasabi ng mga ama mo.”

 

1388. Paikli naman ng Prinsesa :
“Bakit kaya ibig mo pang

 magulang mo’y maabala

gayong ito ay labis na.”

 

1389. Sa aki’y di kailangang

handugan pa ng parangal,

mayroon nito o wala man

wala tayong kabaguhan.”

 

1390. Kay Don Juan namang sagot:

“Tunay na nga, aking irog,

ngunit bigyan nating lugod

ang bayan kong nasa lungkot.”

 

1391. “Alamin mong matagal nang

hinihintay ako nila

sa laong di pagkikita

ang nawala ay buhay pa.”

 

1392. “Saka laking kababaan

ang hindi parangalan,

ang Berbanya’y malalagay

sa hamak na kalagayan.”

 

1393. “Ano na ang sasabihin

ng ama mo kung maligning,

siyang galit na sa atin

ang pagsumpa’y sapin-sapin.”

 

1394. “Kaya, giliw, mayag ka nang

dito’y iwan muna kita,

pangako ko at umaasang

mamaya ri’y kapiling ka.’

 

1395. “Kung gayon ay isang hiling.”

Ang kay Donya Mariang turing,

“ipangako mo sa aking

Ito’y di mo lilimutin.

 

1396. “Hinihingi ko sa iyong

pag dating mo sa palasyo

iwasan sanang totoo

sa babae’y makitungo.”

 

1397. “Maging sa ina mong  tunay

ang malapit ay iwasan,

mabigat ito, Don Juan

ngunit siyang kailangan.”

 

1398. “Ang hiling ko, pag nilabag

Asahan mong magwakawak

ang dangal ko’t  yaring palad

sa basahan matutulad.

 

1399. “O, Don Juan, aking kasi, 

alaala ko’y malaki;

karaniwan sa lalaki:

ang mabihag ng babae.’

 

1400. “Iwalay sa alaala’t

ako’y itangi sa iba,

sa Buhay ko ay sino pa

kundi Ikaw Ang ligaga.”

 

1401.”Limutin ka’y kataksilan

magawa ko kaya iyan?

O, buhay ng aking buhay,

magsabi ang kamatayan.”

 

1402. Prinsipe ay humayo na

Sa palasyo’y mangyari pang

Nang dumating Anong sigla’t

Kaharian ay nagsaya!


1403. Ang lahat na’y nagdumugang

sumalubong Kay Don Juan,

ama’t unang nabubagan

yakap na sa bunsong mahal.

 

1404. Maging ang mga kapatid

na malayo yaong dibdib,

pagkikita’y di man nais

nagsaya rin at lumapit.