859. Doon ay kanyang dinatnan

Isang ermitanyong mahal,

Balbas ay haggang baywang

Kasindak-sindak pagmasdan.

 

860. Pagkakita sa prinsipe

Ang matanda ay pumiksi:

“Ikaw, tuksong pagkalaki,

Lumayo sa aking tabi.”

 

861. “Dito’y mahaba nang araw

Na ako’y nananahan,

Sa tahimik kong pamumuhay

Walang taong nakakaalam.”

 

862. “Nuno’y huwag pong namamangha,”

Anang prinsipeng kawawa,

“Ang akin pong pagsasadya’y

Sa utos din nang matanda.”

 

863. “Narito po’t aking dala

Kapirasong baro niya.

Na siya pong magbabadya

niring marangal kong pita.”

 

864. Nakita ang dalang baro

Ermitanyo’y napatango,

Noon niya napaghulo

Na mali ang kanyang kuro.

 

865. Hinagkan na’t tinagisan

Yaong barong kanyang tangan,

Luha sa mata’y bumukal

Agos ang nakakabagay.

 

866. At nagwia nang ganito:

“Jesus na Panginoon ko,

Isang galak ko na itong

Pagkakita sa baro Mo.”

 

867. “Ngunit ang di ko makita’y

Katawan Mong mapaninta:

Di ko na babayaran pa

Ang aking nagawang sala.”

 

868. Sa dibdib ay inilagay

Kapirasong barong mahal,

Saka dagling binalingan

Ang prinsipeng si Don Juan.

 

869. “Ano baga ang sadya mo

Sa iyong pagkaparito?”

“Marangal na Ermitanyo

Hangad ko po’y tulong ninny.”

 

870. “Tinutunton ko pong pilit

Ang Reyno de los Cristales

Kahariang sakdal dikit,

Kayo ang nakabatid.”

 

871. “Jesus na Panginoon ko,

Limang dantaon na akong

Naninirahan dito’t

Malayo sa mga tao.”

 

872. “Wala akong pagkaalam

Sa hanap mong kaharian,

Gayon man nga ay mahintay

Baka kita’y matulungan.”

 

873. “Tignan kung sa akingsakop

Mga hayop ko mapaglibot,

Kung kanilang naabot,

Kahariang Cristalinos.”

 

874. Sa pinto ay lumapit na

Kampana’y tinugtog niya,

Nagsidating kapagdaka

Madling hayop sa Armenya.

 

875. Sa tanang nagkakapisan

Na lahatniyang familiar

Ay nagtanong kapagkuwan

Itong Ermitanyong mahal:


876. “Sa inyong mga paglibot

Sa kaparangan at bundok,

Sino ang nakakatalos

Sa Reyno ng Cristalinos?”

 

877. Ang sagot ng kalahatan:

“Panginoon naming mahal,

Wala kaming kaalaman

Sa hanap na kaharian.”

 

878. Maging yaong Olikornyo

Na hari nilang totoo,

Walang masabi mang ano

Sa hinahanap na Reyno.

 

879. Gayumpaman ay walang imik

Si Don Juang mapagtiis

Buo rin ang pananalig

Na di siya  malilihis.

 

880. “Don Juan, naririnig mo.”

Ang wika ng Ermitanyo,

“ni ang familiar ko

Walang masabi mang ano.”

 

881. “Ngayon kita’y tuturuan,

Sa ikapitong bundok na ‘yan

Sundin sanang mahinusay,

May matanda kang daratnan.”

 

882. “Itong baro ko’y dalhin mo

Ibigay sa Ermitanyo,

Baka sakali  ngang ito

Ang makatulong sa iyo.”

 

883. Noon din nga’y inatasan

Nitong Ermitanyong mahal

Ang Olikornyo n’yang hirang

Na ihatid  si Don Juan.


884. “Ang Prinsipe’y ihatid mo

Sa bahay ng kapatid ko,

Magbalik ka agad dito’t

Nang hindi maiinip ako.”

 

885. Ang Prinsipe ay sumakay

sa likod  ng ibong hirang:

sa sandali ay dumatal

sa sadyang patutunguhan.