961. “Sino kayang lapastangan
ang naparitong nagnakaw,
baka ang utusan naman
ng Haring aking magulang?”
962. “Ito’y hindi dapat gawin
lalo pa nga kung sa akin
maging hamak at alipin
ang tingin ko ay magaling.”
963. “Sinuman nga ang nagnakaw
ang iyon ay hindi bagay
mga kapatid ko’y lilisa’t
ako rito’y maiiwan.”
964. “Nang mag-iisang oras na
ang paghanap ng Prinsesa’t
galit ay di nagbabawa
humarap na ang maysala.”
965. “Tuloy luhod sa harapan
halukipkip pa ang kamay
kordero’y siyang kabagay,
pangungusap ay malumay.”
966. “O, marikit na, Bathala
kometa naba sa lupa,
ilawit ang iyong awa
sa palad kong abang-aba.”
967. “Aba, marikit na Fenix,
buwang pagkasakdal lamig,
sa abang tatangis-tangis
ang mata mo ay ititig.”
968. “Huwag ko pong maging sala
ang sa damit mo’y pagkuha
ugali ng may pagsintang
maging pangahas sa pita.”
969. “Alin naman kayang buhay
mahigpit sa sanlibo man,
sag galit mong tinataglay
ang di kitling paminsanan.”
970. “Kaya, mahal na Prinsesa,
kung ako po’y nagkasala,
hintay ngayon ang parusa
ng sa iyo’y may pagsinta.”
971. “Sa pahayag ng Prinsipe
Prinsesa’y nagdili-dili
ang galit man ay malaki
habang niya’y humalili.”
972. “Galit ko kung nag-apoy man,
sa Prinsesang katugunan,
sa aba mong kalagayan
habag ko’y di mapigilan.”
973. “Anong bagsik man ng batas
sa parusa’y nagkakalas,
kasalanang di mabigat
patawad ang nararapat.”
974. “Maging apoy na mainit
na ang ningas ay malupit,
pag nasubhan na ng tubig
pinapatay rin ng lamig.”
975. “Sa iyong pakumbabang
halos ikaw’y lumuluha
ang galit ko ay nawala’t
parang natunaw na bula.’”
976. “Ngunit tabi sa harapan
ako’y iyong pagtapatan,
alin bagang kaharian
ang iyong pinanggalingan?”
977. “O, Bulaklak ng Sampaga
ako’y anak ng Berbanya,
kahariang aywan ko ba
kung muli kong makikita.”
978. “Ang inyo pong kaharian
ay sinadya kong nilakbay,
bula ang aking sinakyan
sa dagat lulutang-lutang.”
979. “Dito sadyang hinahanap
ang laon ko nang pangarap,
sa puso ko’y bumabagabag
isang talang sakdal dilag.”
980. “Kung sa ‘king pagkakasakit
ay wala ring masasapit,
bumagsak na ‘yang langit
mamatay ay anong tamis.”
981. “Kaya mahal na Prinsesa,
damit mo po’y abutin na
at baka po ipagdusa
ng aba kong kaluluwa.”
982. “Ang prinsesa ay nahabag
sa anyo ng kapuslapad galit niya ay nagkubag
nahalili ay pagliyag.”
983. “Inabot na yaong damit
nagmadali nang nagbihis,
sa Prinsipe ay lumapit
na may ngiting pagkatamis.