832. Si Don Jua’y naglalakad
sa landasing madadawag:
kay Leonora’y nag-uulap
ang langit ng kanyang palad
833. Sa silid ay nag-iisa
kaurali’y mga dusa,
maningning niyang mga mata
sa luha’y nanlabo na.
834. Si Don Pedro kung dumalaw
akala na’y si Don Juan
pag di ito namasdan,
pinto niya’y ayaw buksan.
835. Kaya malimit magalit
si Don Pedrong nananabik,
kung di lamang nagtitiis
hinamak na yaong silid.
836. Dibdib niya’y mawawala’t
tuwing kanyang mamamalas
si Leonora’y umiiyak,
si Don Jua’y tinatawag.
837. Lalo na kung nakikitang
sa kapatid at di kanya
ang larawang sinasamba
ng may hapis na Prinsesa.
838. Kung hindi nga kagaspanga’t
alangan sa kamahalan
ang apo’y ng kagalita’y
ibinunton sa larawan.
839. At sa buong pangingitbit
ay madalas pang masambit;
“Pag nabigo yaring nais,
Hahamakin pati lintik.”
840. Malimit na magkasaliw
ang dalawa sa pagdating;
magkalaban ng damdamin;
sa pagluha ay gayon din.
841. Ang himutok ni Don Pedro:
“Leonorang pinopoon ko,
di na kaya magbabago
katigasan ng puso mo?”
842. Hibik namari ng Prinsesa:
“Don Juan kong tanging sinta,
malagot man ang hininga,
iyung-iyo si Leonora.”
843. “Prinsesa kong minamahal,
pawiin ang kalumbayan,
hindi klita babayaa’t
pag-ibig ko’y walang hanggan.
844. “Hindi mo ba nababatid
Don Juan kong iniibig
itong lilo mong kapatid
sa ayaw ay namimilit?”
845. “Ako’y hindi isang lilo,
dakila ang pagsinta ko,
lilo pa ba akong itong
matapat na alipin mo?”
846. “O, Don Juan bakit baga
hanggang ngayon ay wala ka,
di mo kaya natatayang
dito’y hinihintay kita?”