276. Samantalang sa palasyo

pangyayari ay ganito,

si Don Jua'y lunung-luno't

gagapang-gapang sa damo.

 

277. Maga ang buong katawan,

may pilay sa mga tadyang

at ang lalong dinaramdam

ang gutom at kauhawan.

 

278. Sa ilang na pagkalawak

na wala ni kubong hamak,

sino kayang matatawag

dumamay sa gayong hirap?

 

279. Sa kawalan ng pag-asa

sa Diyos na tumalaga;

kung gumaling ay ligaya't

kung masawi'y palad niya.

 

280. Hindi niya nalimutang

tumawag sa Birheng Mahal,

lumuhang nanambitang

tangkilikin kung mamatay.

 

281. "O, Birheng Inang marilag,

tanggulan ng nasa hirap,

kahabagan di man dapat

ang aliping kapuspalad."

 

282. "Kung wala mang kapalarang

humaba pa yaring buhay,

loobin mo, Inang Mahal,

ang ama ko ang mabubay

 

283. "Madlang hirap at parusa

di ko sasapitin sana,

kung di po sa aking pitang

magulang ko'y guminhawa."

 

284. "Ito'y di naman pasisisi

o pagsumbat sa sarili;

salamat kung makabuti,

ang munti kong naisilbi."

 

285. "Di ko maubos-isipin

kung ano't ako'y tinaksil,

kung ang ibon po ang dahil

kanila na't di na akin."

 

286. "Kung sa bagay ay di iba

at ako nga ang kumuha,

maging ako't maging sila

kung tutuusin ay iisa."


299. Muling sumumping ang anak

luha sa mata'y nalaglag,

ngunitang lahat-lahat

ang ligayang nagsilipas.

 

300. Bayan niyang sinilangan

yaong palasyong nilakhan,

magulang na mapagmahal,

kapwa bata't kaibigan.

 

301. Ang kanyang pagigibg batang

sa pasuyo'y nanagana,

munting magkabahid-luha

ama't ina'y may dalita.

 

302. Nadama ang laking dusang

malayao sa isang ina.

sa ilang ay nag-iisa't

katawan ay sugatan pa.

 

303. "O, ina kong mapagmahal

kung ngayon mo mamasdan,

ang bunso mong si Don Juan

malabis kang magdaramdam."

 

304. "Katawan ko ay bubog na't

sa sugat ay natadtad pa,

ako kaya'y may pag asang

ika'y muli kong makita?"

 

305. "Narito't nakalugmok,

gagapang-gapang sa gulod,

tumatawag ng kukupkop

walang sinumang dumulog.

 

306. "Sino ang mag-aakalang

ang bunso mo'y madudusta,

sa ganito kong pagluha,

anak mo rin ang mag gawa."

 

307. Nagunita yaong amang

maysakit nang iwan niya

hinihiling sa Birhen Mariang

sila nawa'y magkita pa.

 

308. "Amang magiliw sa anak

sa gitna ng aking hirap

ikaw rin ang nasa hagap

danga't ako'y napahamak."

 

309. "Dalangin kong mataimtim

kay Bathalang maawain,

ang sakit mo ay gumaling

datnan kitang nasa aliw."