795. Tatlong taong naglalakad

Sa parang at mga gubat,

masigasig ang paghahanap

sa reynayong kanyang pangarap.

 

796. Ngunit laging naliligaw

nalalayo yaong daan

tila bawat gawing hakbang

palayo sa de los Cristal.

 

797. Diwa’y sa awa ng Diyos

ang Prinsipeng napalaot,

sa libis ng isang bundok

may matandang sisipot.

 

798. Nilapitan ang matanda,

buong suyong nagpaawa,

siya nama’y kinalinga’t

dininig sa ninanasa.

 

799. “Tanda, ako’y kaawaang

iligtas sa kagutuman

kung may dala kayo riyan

ako po’y iyong limusan.”

 

800. “Ako ay may nasa supot

tinapay na durog-durog,

ikaw na ang dumukot

kumait ka’t nang mabusog

 

801. Ang tinapay ay maitim

durog pa nga at bukbukin,

sa Prinsipeng pagkatingin

nakasusuklam na kainin.

 

802. Ngunit sa taong may gutom

matigas ma’t lumang tutong

kung nguyain at malulon

parang bagong pirurutong.

 

803. Ganito na ang nangyari

takang-taka ang Prinsipe,

yaong kanyang pandidiri

isinumpa at nagsisi.

 

804. Ang maitim na tinapay

bukbukin at lumang tunay

anong sarap at linamnam

parang kaluluto lamang!

 

805. Noon niya nakilala

na sa luma’t pangit pala

tao’y huwag pakaasang

walang tamis, walang ganda.

 

806. Nang makain ang tinapay

ang matanda ay nagsaysay:

“Nang ikaw ay masiyahan

heto ang pulot-pukyutan.”

 

807. “At diyan sa isang bumbong

may tubig kang maiinom

ingatan lang na matapon

upang ako’y may baon.”

 

808. “Kay haba pa at matagal

yaring aking paglalakbay,

mahirap ang maubusan

lalo’t walang masalukan.”

 

809. Sa bumbong ay tumungga

si Don Juan ay masaya

nakaramdam ng ginhawang

lalong nawala sa kanya.

 

810. Bumbong na kinalalagya’y

isang biyas na kawayan,

sa laki ng kanyang uhaw

kulang pa na yaong laman.

 

811. Kaya’t siya ay nagturing:

“Nunong lubhang maawaain

ipatawad po sa aking

tubig ninyo ay ubusin.”

 

812. “Sa laki ng aking uhaw

ubusin man po ay kulang,

nanunuyong lalamunan

tila baga sinasakal.”

 

813. “Don Juan, iyong inumin

kung siya mong nahihiling,

di mo sukat isipin

ang hinampo kung sa akin.”